263. Isang Araw ni Judas Iskariote sa Nazareth.

Agosto 27, 1945.

Ang bahay sa Nazareth ay ang pinaka-angkop para sa espirituwal na pagtaas. May kapayapaan, katahimikan, kaayusan. Ang kabanalan ay tila lumalabas mula sa mga bato nito, mula sa mga punungkahoy ng pangkusinang-hardin, o bumubuhos mula sa payapang atip na pumoporma ng isang makalangit na simboryo sa ibabaw nito. Sa katunayan ito ay lumalabas mula sa Kanya Na naninirahan dito, at gumagalaw sa paligid nang mabilis at matahimik, kasama ang Kanyang di-nagbagong may-kabataang paraan ng paglakad at magaan na hakbang, katulad ng Kanyang pinasok ang bahay bilang isang nobya, ay may gayon ding ngiti na nakapagpapaginhawa at nanghahaplos.

Ang araw, sa maaagang oras na ito ng umaga, ay sumisikat sa kanang tabi ng bahay, ang isang malapit sa unang mga alun-alon ng burol, at tanging ang mga tuktok lamang ng mga punungkahoy ang nakikinabang dito, una sa lahat ang mga puno ng olibo na itinanim malapit sa terasa upang mapanghawakan ang lupa sa pamamagitan ng mga ugat nito: ito ang mga nabubuhay pang mga punungkahoy sa lootan ni Joachim, malalaking pilipit na mga punungkahoy na ang makakapal na sanga tumataas patungo sa kalawakan na tila pinananawagan ang pagpapalà nito o nagdarasal din mula sa mapayapang lugar na iyon. Minsan ang lootan ay maraming mga punungkahoy, na katulad ng mga nagdarasal na mga peregrino ay napoporma ang isang mahabang prusisyon na umaabot hanggang sa mga bukid kung saan ang mga lootang olibo at mga bukid ay naging pastulang lupa, samantalang ngayon may iilan-ilan na mga punungkahoy na lamang ang naiiwan sa loob ng napagpira-pirasong ari-arian. Ang sumusunod na nakikinabang sa sikat ng araw ay ang mataas na malakas na almendras at mga puno ng mansanas, pumoporma ng isang pangharang sa araw sa ibabaw ng hardin sa pamamagitan ng kanilang mga sanga, pagkatapos ay naririyan ang isang puno ng granada na nalulugod sa mga sinag ng araw, at huli ay ang puno ng igos malapit sa bahay, kapag ang araw ay hinahaplos na ang maayos na naaalagaang mga bulaklak at mga gulayin sa mga rektanggulong mga taniman ng mga bulaklak at ang tabi ng mga halamang bakod na itinanim sa ilalim na mga balag na punó ng mga ubas.

Ang mga humihiging na mga pukyutan, katulad ng mga lumilipad na ginintuang patak ay humahapon sa lahat na makapagbibigay sa kanila ng matatamis na mabangong mga katas. Ang isang maliit na usbong ng granadilya ay dinudumog nila pati rin ang isang halamang bakod ng mga bungkos ng korteng-kampanilyang mga bulaklak, na ang pangalan nito ay hindi ko alam, ngunit maaaring isang panggabing mga bulaklak, dahil sila ay mga patiklop na, at ang kanilang amoy ay napakatapang. Ang mga pukyutan ay nagmamadaling masipsip sila bago magsara ang kanilang mga petalo upang matulog sa loob ng korola.

Si Maria ay nagmadaling pumunta mula sa pugad ng mga kalapati hanggang sa maliit na pontanya at mula rito hanggang sa bahay, ginagawa ang Kanyang gawain, ngunit sa kabila nito, nagagawa pa Niyang hangaan ang Kanyang mga bulaklak o ang mga kalapati na humuhuni sa mga landas o palipad-lipad sa paligid ng bahay at ng pangkusinang-hardin.

Si Judas Iskariote ay bumalik may dalang mga tanim at mga supling. «Pagbati, Maria. Binigyan nila ako ng lahat ng kailangan ko. Nagmadali ako nang pabalik upang hindi sila masaktan. Ngunit umaasa ako na sila ay magkakaugat katulad ng nangyari sa granadilya Sa susunod na taon ang Inyong hardin ay magiging katulad ng isang basket ng mga bulaklak. At kung gayon maaalaala Ninyo ang kaawa-awang Judas at ang kanyang pananatili rito» sabi niya, maingat na inaalis mula sa isang bag ang ilang halaman, na ang mga ugat nito nababalot ng lupa at basang mga dahon, at ilang mga supling mula sa isa pang bag.

«Salamat sa iyo, Judas. Salamat nga sa iyong totoo. Wala kang idea kung gaano Ako kasaya na magkaroon ng granadilyang iyan malapit sa maliit na gruta. Nang Ako ay maliit pang bata, sa banda roon, sa dulo ng mga bukid na iyon, na pag-aari namin nang mga araw na iyon, ay may isang mas maganda gruta, at ang mga ivy at granadilya ay naaadornohan iyon ng kanilang mga sanga at mga bulaklak, napoporma ang isang uri ng kurtina at panilungan para sa munting mga liryo na tumutubo sa loob ng gruta, na nagawang ganap na berde ng maselan na burda ng maidenhair. Dahil may bukal doon… Sa Templo madalas Kong naiisip ang grutang iyon at sasabihin Ko sa iyo na kapag Ako ay nananalangin sa harapan ng Belo ng Banal, bilang isang birhen ng Templo, hindi na nadama ang Diyos nang mas malakas. Hindi, kailangang sabihin Ko na nanaginip Ako roon tungkol sa matamis na pakikipagusap ng Aking kaluluwa sa Aking Panginoon… At Aking Jose ay inihanda ang isang ito para sa Akin, kasama ang pinong agos ng tubig na ito, hindi labis tungkol sa gamit nito, bagkus upang mabigyang Ako ng lugod ng isang gruta katulad ng isang iyon.. Si Jose ay mabuti, at tinitingnan ang pinakamaliliit na detalye…At siya ay nagtanim ng granadilya at ivy, ang huli ay buhay pa, ang una ay namatay sa loob ng mga taon ng aming pagkapatapon… Itinanim niya ulit iyon pagkatapos. Ngunit namatay iyon tatlong taon na ang nakararaan. Naitanim mo itong muli. Nagka-ugat na ito, kita mo? Ikaw ay isang magaling na hardinero.»

«Oo, nang ako ay maliit pa mahal ko nang labis ang mga tanim at tinuruan ako ng aking ina kung papaano alagaan ang mga ito… Bilang kasama Ninyo, Ina, ang aking pakiramdam ay ako ay bata ulit at natuklasan ko ang dati kong galing. Ginagawa ko ito upang mapasaya Kayo. Napakabuti Ninyo sa akin!...» tugon ni Judas, nagtatrabahong napakagaling sa pagtatanim ng mga halaman sa pinaka-angkop na mga lugar. Malapit sa halamang bakod ng panggabing mga bulaklak naglalagay siya ng isang sabid-sabid na mga ugat, na hindi ko alam kung iyon ay mga liryo ng lambak o ilang ibang bulaklak. «Tutubo ito nang mabuti rito» sabi niya dinidiinan sa pamamagitan ng asarol ang lupa na nasa ibabaw ng mga ugat. «Ang labis na sikat ng araw ay masama sa kanila Ang katulong ni Eleazar ay ayaw sa akin ibigay ang mga iyon Ngunit namilit ako nang labis na iyon ay ibinigay sa akin.»

«Ayaw nilang ibigay kay Jose ang mga hasmin na Indian na iyon Ngunit gumawa siya ng ilang trabaho para sa kanila na hindi humihingi ng kabayaran upang makuha iyon para sa Akin. Ang mga iyon ay dumami ang dumami.»

«Ayan ka na, Ina. Didiligan ko na ito at magiging maayos na iyan.» Dinilig niya iyon at pagkatapos naghugas siya ng kanyang mga kamay sa pontanya.

Si Maria ay tinitingnan siya: siya ay ibang-iba sa Kanyang Jesus, at ibang-iba na rin sa Judas ng ilang masasalimuot na oras; Kanyang sinusuri siya, at nilapitan siya at ipinapatong ang isang kamay sa kanyang braso Siya ay may-kabaitan na tinanong siya: «Mabuti-buti na ba ang iyong pakiramdam, Judas? Sa iyong kaluluwa, ibig Kong sabihin.»

«O! Ina! Labis na mabuti! Ako ay nasa kapayapaan. At nakikita Ninyo ito. Nakatatagpo ako nang kasiyahan at kaligtasan sa abang mga bagay at sa pagiging kasama Kayo. Kailangan kong hindi na iwanan ang kapayapaang ito, ang katahimikang ito. Dito… Gaano kalayo ang mundo mula sa bahay na ito!...» At si Judas ay tinitingnan ang hardin, ang mga halaman, ang maliit na bahay… Siya ay naghinuha: «Ngunit kong ako ay mananatili rito hindi ako kailanman magiging isang apostol. At ibig kong maging isa…»

«Ngunit, maniwala ka sa Akin, magiging mas mabuti sa iyo ang maging isang makatarungang kaluluwa kaysa isang di-makatarungang apostol. Kung sa pakiramdam mo ang pakikihalubilo sa mundo ay mapababalisa ka, kung nadarama mo na ang mga papuri at mga parangal sa isang apostol ay makasasakit sa iyo, iwanan mo ito, Judas. Mas mabuti para sa iyo na maging isang simpleng naniniwala sa Aking Jesus, ngunit isang banal na naniniwala, kaysa maging isang makasalanang apostol.»

Si Judas ay iniyuko ang ulo nag-iisip. Si Maria ay iniwanan siya sa kanyang pagninilay-nilay at pumasok sa bahay, sa Kanyang gawain sa karayom. Si Judas ay nananatiling walang kibo nang matagal-tagal, pagkatapos siya ay naglakad nang pauli-uli sa ilalim ng balag. Ang kanyang mga kamay nakatiklop sa kanyang dibdib, ang kanyang ulo nakayuko. Siya ay buhos sa pag-iisip, pagkatapos nagsimula siyang magsalita at magpakaway-kaway sa kanyang sarili. Kanyang pagsasalita sa sarili ay di-maintindihan. Ang kanyang pagkilos ay tipikal ng isang tao na nasa paghihirap na may magkakasalungat na mga idea. Siya ay tila nananawagan at tumatanggi, kinaaawaan, o sinusumpa ang isang bagay, ang kanyang nagsusuring hitsura ay naging nakakatakot, naghihirap, hanggang sa ang kanyang mukha ay nagkaroon ng ekspresyon ng kanyang pinakamalalang sandali… at tumigil siyang bigla sa gitna ng landas, nananatiling walang kibo nang matagal-tagal, na may tunay na kadiyabluhan na hitsura… Tinatakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang mga kamay, hanggang sa siya ay kumalma at nanatiling nakaupo, nakasandal ang likod sa isang puno ng olibo, na tila siya ay nataranta…

… Hindi na umaga ngayon, bagkus ang katapusan ng isang maluwalhating paglubog ng araw. Ang Nazareth ay binuksan ang mga pintuan ng mga bahay nito, na mga nakasara buong araw laban sa matinding init ng tag-init ng isang pansilangang araw. Ang mga kababaihan, mga kalalakihan, mga kabataan ay naglalabasan patungo sa mga pangkusinang-hardin o patungo sa mga kalsada na mainit pa ngunit hindi na maaraw, naghahanap ng malamig na hangin sa pontanya, o naglalaro o nagkukuwentuhan… sa paghihintay ng hapunan. Ang mga kalalakihan, kababaihan, mga bata ay nagbabatian sa isa’t isa sa malalakas na tinig, nagtataltalan sila, nagtatawanan, nagsisigawan…

Si Judas ay lumabas din at ibinaling ang kanyang mga hakbang patungo sa pontanya may dala-dalang mga tansong pitsel. Siya ay napuna at itinuro ng ilang mga tao ng Nazareth na may tawag: «ang disipulo ng Templo», na ang tunog sa kanya ay katulad ng matamis na himig. Dumaraan siyang binabati ang mga tao nang may-kabaitan, ngunit may kaunting pagpipigil din, na kung ito ay hindi pa ang pagmamalaking may kayabangan, napakalapit na nito roon.

«Ikaw ay napakabait kay Maria» ang isang mamamayan na may mahabang balbas ay nagsabi sa kanya.

«Karapat-dapat Siya nito at higit pa. Siya ay totoong isang dakilang babae ng Israel. Masuwerte kayo na magkaroon ng ganyang mamamayan.»

Ang pagpuri sa babae ng Nazareth ay nasiyahan ang mga tao na inuulit sa isa’t isa ang sinabi ni Judas.

Ang apostol sa pansamantala ay narating na ang pontanya kung saan naghihintay siya ng kanyang pagkakataon at napakabait niya na dalhin ang mga pitsel na isang maedad na babae, na hindi siya niya mapasalamatan ng sapat, at kanyang pinupuno ang mga banga ng dalawang babae, na napahihirapan ng pasusuhin na dala ng bawat isa sa kanilang mga bisig. Inaayos ang kanilang mga belo sila ay bumulong: «Gantimpalaan ka nawa ng Diyos.»

«Ang pagmamahal para sa ating kapwa ay ang unang tungkulin ng isang kaibigan ni Jesus» tugon ng Iskariote yumuyuko. Pagkatapos kanyang pinupuno ang kanyang sariling mga pitsel at bumalik sa bahay.

Ang pangulo ng sinagoga ng Nazareth at iba pang mga tao ay pinatigil siya sa kanyang pagpapabalik, at inanyayahan siya na magsalita sa susunod na Sabbath. «Ikaw ay nakakasama na namin dito nang dalawang linggo at hindi mo pa kami natuturuan ng kahit na anong leksiyon bukod sa iyon kabaitan sa aming lahat» pagreklamo ng pangulo, na kasama ang iba pang mga nakatatanda ng nayon.

«Ngunit kung ang mga talumpati ng inyong pinakadakilang anak ay hindi maganda sa inyo, papaano kayo makukontento sa sermon ng isa sa Kanyang mga disipulo, na isang Judaean higit sa lahat?» tugon ni Judas.

«Ang iyong suspetsa ay hindi makatarungan at pinamimighati kami niyan. Ang aming paanyaya ay taus-puso. Ikaw ay isang disipulo at isang Judaean. Totoo iyan. Ngunit ikaw ay mula sa Templo. Kung kaya’t maaari kang makapagsalita. Sapagkat may doktrina sa Templo. Ang anak ni Jose ay isa lamang karpintero…»

«Ngunit Siya ay ang Mesiyas!»

«Sinasabi Niya na ganyan… Ngunit totoo ba iyan? O iyan ay pagdidiliryo?»

«Ngunit, mamamayan ng Nazareth, ano ang tungkol sa Kanyang kabanalan? Kanyang kabanalan» si Judas ay naiiskandalo sa kawalang-paniniwala ng mga Nazareno.

«Iyan ay malaki. Totoo iyan. Ngunit sa pagitan niyan at ang pagiging ang Mesiyas!... At pagkatapos… Bakit Siya nagsasalita nang napakalupit?»

«Malupit? Hindi. Hindi Siya tila malupit sa akin. Bueno, Siya ay napakasinsiro at napakamapagbigay, totoo iyan. Wala Siyang pinaliligtas na pagkakamali, hindi Siya nagdadalawang-isip na isumpa ang mga pag-aabuso… at ang mga tao ay hindi iyan nagugustuhan. Lagi Niyang inuungkat ang masakit na punto. At iyan ay masakit. Ngunit ginagawa Niya iyan dahil sa Kanyang kabanalan. Tiyak iyan! Iyan lang ang tanging dahilan. Nakapagsabi Ako sa Kanya nang makailang ulit: “Jesus, sinisira Ninyo ang Inyong reputasyon”. Ngunit hindi Siya makinig sa akin!...»

«Ikaw ay mahilig sa Kanya, at may-pinag-aralang katulad mo magagabayan mo Siya.»

«O! hindi may-pinag-aralan… Ngunit praktikal, oo. Ako ay mula sa Templo, nalalaman ninyo!? Kabisado ko ang mga kaugalian. May mga kaibigan ako. Ang anak na lalaki ni Annas ay katulad ng isang kapatid sa akin. Kung may kailangan kayo ng kung anong bagay sa Sanhedrin, sabihan lang ninyo ako… Ngunit hayaan ninyong dalhin ko na ang tubig kay Maria , ngayon, dahil naghihintay Siya para sa akin para sa hapunan.»

«Bumalik ka pagkatapos. Malamig doon sa aking terasa. Makakasama mo roon ang mga kaibigan at tayo ay makapag-uusap…»

«Oo, paalam» at si Judas ay umuwi kung saan siya ay humihingi ng paumanhin kay Maria sa pagiging huli dahil siya ay napigilan ng pangulo ng sinagoga at ng mga nakatatanda ng nayon. At siya ay naghinuha: «Ibig nila akong magsalita sa araw ng Sabbath… Ang Guro ay hindi ako sinabihan na magsalita. Anong masasabi Ninyo, Ina. Gabayan Ninyo ako.»

«Magsalita sa pangulo ng sinagoga… o sa sinagoga?»

«Sa dalawa. Ayaw kong magsalita sa kahit kanino sa kanila sapagkat kalaban nila si Jesus at dahil din tila isang paglalapastangan sa akin na magsalita kung saan Siya sa pamamagitan ng karapatan ay ang tanging Guro roon. Ngunit labis silang namimilit! Kailangan nila ako pagkatapos ng hapunan… Halos nakapangako ako sa kanila na pupunta. At kung sa Inyong palagay na sa pagsasalita baka mabawasan ko ang pagsalungat ng kanilang espiritu sa Guro, na hindi napakaganda, lalakad ako at magsasalita sa kanila bagama't napakabigat nito sa akin. Magsasalita ako sa pinaka-makakayanan ko, nang simpleng-simple, nagsisikap na maging napakamapasyensiya dahil sa kanilang katigasan ng ulo. Sapagkat nabatid ko na mas malala ang maging matigas. Eh! Hindi ko na ulit gagawin ang pagkakamaling nagawa ko sa Esdraelon! Ang Guro ay balisang-balisa tungkol doon! Wala Siyang sinabi na anuman sa akin, ngunit naintindihan ko. Hindi ko na ulit gagawin iyon. Ngunit ibig umalis sa Nazareth matapos kong makumbinsi ang mga tao na si Jesus ay ang Mesiyas at kailangan na paniwalaan at mahalin.» si Judas ay nagsasalita habang nakaupo sa mesa, sa lugar ni Jesus at kinakain ang inihanda ni Maria para sa kanya. At nasasaktan ako nito nakikita si Judas na nakaupo sa lugar na iyan, sa harapan ni Maria Na nagsisilbi sa kanya katulad ng isang ina.

Tumutugon na si Maria ngayon: «Magiging mas mabuting bagay kung ang Nazareth ay maiintindihan ang katotohanan at tanggapin ito. Hindi kita pipigilan, makakalakad ka. Walang ibang makapagsasabi nang mas mabuti kaysa sa iyo kung si Jesus ay karapatdapat na mahalin. Isipin kung gaano ka Niya minamahal nang labis at ito’y Kanyang ipinakikita sa pagpapatawad Niya lagi sa iyo at sa pagpapaunlak sa iyo hangga’t maaari… Gawin ang konsiderasyon na iyan na ganahan ka na may banal na mga salita at gawa.»

Ang hapunan ay tapos na. Si Judas ay umalis upang diligin ang mga bulaklak sa hardin bago lubos na dumilim at pagkatapos siya ay lumabas, iniiwan si Maria sa terasa abala sa paglulupi ng mga damit na Kanyang isinampay sa labas upang matuyo. At si Judas, pagkatapos na batiin si Alfeo ni Sarah at si Maria ni Clopas na mga naguusap nakatayo sa pintuan ng huli, ay pumuntang tuwiran sa bahay ng pangulo ng sinagoga.

Ang dalawang pinsan din ng Panginoon ay naroroon kasama ang anim pang nakatatanda. Pagkatapos ng mapalabok na mga pagbabatian lahat sila ay naupong seryoso sa mga upuan na may mga kutson at pinalamigan ang kanilang mga sarili umiinom ng tubig na may anis o menta, na maaaring napakalamig sapagkat ang metal na pitsel ay may pawis sa labas gawa ng pagkakaiba sa temperatura ng kasing-lamig-ng-yelo na tubig at ng mainit pang ere, sa kabila na ang hangin na umiihip mula sa mga burol patungo sa hilaga ng Nazareth ay pinagagalaw nito ang mga tuktok ng mga punungkahoy.

«Natutuwa na ikaw ay pumunta. Ikaw ay bata pa. Ang kaunting pagpapaluwag ay makabubuti sa iyo» sabi ng pangulo ng sinagoga na puno ng pag-aasikaso kay Judas.

«Ako ay natatakot na magambala kita kung ako ay dumating nang maaga. Alam ko na kayo ay kung baga medyo di ninyo pinahahalagahan si Jesus at ang Kanyang mga tagasunod…»

«Di-pinahahalagahan? Hindi. Di-maniwala… at kami ay nasasaktan ng Kanyang… ating tanggapin ito… ng Kanyang napakagaspang na katotohanan. Sa pagkakaunawa namin di ninyo kami pinapansin at iyan ang dahilan kung bakit hindi ka namin inanyayahan.»

«Ako di kayo pinapansin? Sa kabaligtaran! Naiintindihan ko kayo nang mabuti… Siyempre! Ngunit natitiyak ko na sa katapusan magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ninyo at Siya. Makakabuti kapwa sa inyo at sa Kanya. Makakabuti sa Kanya sapagkat kailangan Niya ang lahat, at makakabuti sa inyo sapagkat hindi maganda na tingnan na mga kaaway ng Mesiyas.»

«At sa iyong palagay Siya nga ang Mesiyas?» tanong ni Jose ni Alfeo. Walang tanda sa Kanya ng makaharing pigura na inihula ng mga propeta. Baka ito dahil inaalaala namin Siya bilang isang karpintero… Ngunit… Nasaan ang nagpapalayang hari sa Kanya?»

«Si David ay naghitsura din na isang maliit na pastol lamang. Ngunit nalalaman ninyo na walang ibang mas dakilang hari kaysa kay David. Ni hindi si Solomon sa lahat ng kanyang kaluwalhatian ay naging napakadakila. Sapagkat, pagkatapos ng lahat, si Solomon ay ipinagpatuloy lamang ang gawa ni David, ngunit hindi naging inspirado katulad niya. Samantalang si David! Tingnan na lamang ang pigura ni David! Ito ay napakalaki! Ang kanyang pagiging hari ay halos maabot ang Langit. Huwag pagdudahan ang pagiging hari ng Kristo, ibinabasi ang inyong paghuhusga sa Kanyang talaangkanan. Si David ay hari at pastol. Mas totoo pa: pastol at pagkatapos hari. Si Jesus ay hari at karpintero. O mas mabuti pa: karpintero at pagkatapos hari.»

«Ikaw ay nagsasalita katulad ng isang rabbi. Makikita ng isa na ikaw ay pinalaki sa Templo» sabi ng pangulo ng sinagoga. «At mapa-aalam mo ba ang Sanhedrin, na ako, ang pangulo, ay nangangailangan ng tulong ng Templo para sa isang pampersonal na dahilan?»

«Siyempre! Tiyak ‘yan! Kay Eleazar! Isipin na lang! At pagkatapos kay Jose ang Nakatatanda, kilala n’yo? Ang mayamang tao ng Arimathea. At pagkatapos si Sadoc, ang eskriba… at pagkatapos… Ang tanging gagawin mo ay ang sabihin sa akin!»

«Bueno, maging aking panauhin bukas. Pag-uusapan natin iyan.»

«Inyong panauhin? Hindi. Hindi ko maiiwanan si Maria, ang banal at malungkot na babaeng iyon. Ako ay nagpunta rito para lamang masamahan Siya…»

«Ano ang nangyayari sa aming kamag-anak? Alam namin na Siya ay malusog at, bagama't mahirap, Siya ay masaya» sabi ni Simon ni Alfeo.

«Oo, hindi namin Siya pinababayaan. Ang aking ina ay lagi Siyang kasama. At ang aking asawa at ako rin. bagama't… bagama't hindi ko Siya mapatatawad sa pagiging mahina sa Kanyang Anak. At sa pagpapamighati sa aking ama, na dahil kay Jesus ay namatay na dalawa lamang sa kanyang mga anak ang nasa tabi niya. At pagkatapos… Ngunit ang mga problema ng pamilya ay hindi kailangan na ipamalita sa publiko» sabi ni Jose ni Alfeo na may pagbuntung-hininga.

«Tama ka. Kailangan na ibulong iyan at ipinagtatapat sa isang mapagkaibigang puso. Ganyan din ang dapat sa maraming problema. Ako ay may ganyan din, bilang isang disipulo… Ngunit mas mabuti nang huwag magsalita tungkol diyan!»

«Sa kabaligtaran, pagusapan natin ang mga iyan. Ano ang problema? Problema para kay Jesus? Hindi kami sumasang-ayon sa Kanyang ikinikilos. Ngunit kami ay Kanyang mga kamag-anak. At kami ay mababasa na kakampi sa Kanya laban sa Kanyang mga kaaway. Magsalita ka!» sabing muli ni Jose.

«Problema? Wala! Sinasabi ko lamang…. Ang mga kapighatian ng isang disipulo ay marami! Hindi lamang dahil sa ikinikilos ng kanyang Guro sa Kanyang mga kaibigan at mga kaaway, sinasaktan ang Kanyang Sarili, ngunit dahil din nakapamimighati na makita Siya na hindi minamahal. Sana kayong lahat ay minamahal Siya…»

«Ngunit ano ang aming magagawa? Sinabi mo iyan mismo! Ang Kanyang ikinikilos ay ganyan na… Hindi Siya dati ganyan bago iniwanan Niya ang Kanyang Ina» sabi ng pangulo ng sinagoga na may pagpapa-umanhin. Tama ba iyon, ano ang masasabi ninyong lahat?»

Lahat sila ay sumang-ayon nang masolemne, nagsasalitang may pagpupuri tungkol sa tahimik, mababa-ang-loob, na mapag-isang Jesus nang nakaraan.

«Sino ang makapagsasabi na Siya ay magiging ang kung ano Siya ngayon? Siya ay ganap na deboto sa bahay at sa mga kamag-anak. Ngayon sa halip?» wika ng nakatatandang Nazareno.

Si Judas ay bumulalas na may pagbuntung-hininga: «kaawa-awang babae!»

«Bueno, ano ang nalalaman mo? Sabihin sa amin, magsalita ka!» sigaw ni Jose.

«Wala ng higit pa sa nalalaman mo. Sa palagay mo ba maganda para kay Maria na iwanan nang mag-isa?»

«Kung si Jose ay nabuhay katulad ng iyong ama, hindi sana nangyari yan» wika ng isa pang nakatatandang Nazareno nang makapagsalita lamang.

«Huwag mong paniwalaan iyan, lalaki. Ganyan din ang mangyayari. Kapag ang isa ay inilagay ang isang idea sa utak!...» sabi ni Judas.

Ang isang katulong ay nagdala ng mga lampara at inilapag ang mga ito sa mesa, sapagkat ngayon ay walang buwan bagama't ang kalawakan ay nagkikislapan sa mga bituin. Mas marami pang inumin ang dinala na kasabay at ang pangulo ng sinagoga ay ibinigay ang mga ito kay Judas kaagad.

«Salamat sa iyo. Hindi na ako makapagtatagal pa. Kailangan ko nang bumalik kay Maria» sabi niya tumatayo.

Ang mga anak din ni Alfeo ay tumayo nagsasabing: «Kami ay sasama sa iyo. Pareho ang ating daan…» at sila ay umalis nagbabatian nang maserimonya habang ang anim na nakatatanda ay nananatiling kasama ang pangulo ng sinagoga.

Ang mga kalsada ay ngayon napag-iwanan na ng mga tao. Ang mga tao ay mapakikinggan na mga nagsasalita sa mababang seryosong mga tinig sa ibabaw ng mga terasang bubungan. Ang mga bata ay mga natutulog na sa kanilang maliliit na kama at kung gayon ang kanilang mga tiling tinig nakakatulad ng mga siyap ng masasayang ibon ay hindi na marinig. Mula sa mga terasa ng mas mayayaman ang malabong liwanag ng mga lampara ay bumababang kasama ang mahihinang tinig ng mga tao.

Ang mga anak ni Alfeo at si Judas ay naglakad nang sandali na walang nagsasalita, pagkatapos si Jose ay tumigil at kinukuha ang bisig ni Judas siya ay nagsabi: «Makinig. Nadama ko na mayroon kang nalalaman na ayaw mong banggitin sa presensya ng mga estranghero. Ngunit ngayon kailangan na sabihin mo sa akin. Ako ang pinakamatanda sa pamilya at karapatan ko at katungkulan na malaman ang lahat.»

«Ako ay nagpunta rito para sa pakay na sabihan ka at kung gayon maprotektahan ang Guro, si Maria, ang iyong mga kapatid at ang inyong reputasyon. Ito ay isang masakit na sabihin at batahin. Napakasakit na gawin. Sapagkat ito ay nagmumukhang nag-iispiya. Ngunit pakiusap na unawain ako nang maayos. Ito ay hindi ganito. Ito ay pagmamahal lamang at kahinahunan. Marami akong nalalaman, na nalalaman mo na rin. Ang aking mga kaibigan sa Templo ay sinabihan ako. At nalalaman ko na sila ay mapanganib para kay Jesus at sa mabuting pangalan ng pamilya. Sinubukan kong maintindihan ako ng Guro. Ngunit hindi ako nagtagumpay. Sa kabaligtaran, habang pinapayuhan ko Siya, mas malala ang Kanyang ikinikilos, sa gayon pinupuna Siya ng mga tao at kinapopootan Siya nang lalo. Ang dahilan ay sapagkat Siya ay napakabanal na hindi Niya naiintindihan kung ano ang katulad ng mundo. Sa madaling salita, malungkot na makita ang isang bagay na maglaho sa pamamagitan ng kawalang pakikinig ng tagapagpundar nito.»

«Ngunit ano iyan? Sabihin mo sa amin ang lahat. At gagawa kami ng aksiyon. Tama ba iyon, Simon?»

«Siyempre. Ngunit tila imposible iyan sa akin na Siya ay walang kahinahunan at gagawa ng laban sa Kanyang misyon…»

«Ngunit kung ang mabait na bata-pang lalaking ito, na nagmamahal kay Jesus, ay iyan ang sinasabi?! Kita mo kung ano ang katulad mo. Ikaw ay laging ganyan: di-makatiyak, nagdadalawang-isip. Lagi mo akong iniiwang mag-isa sa delikadong mga sandali. Ang buong pamilya ay laban sa akin. Wala kang habag para sa ating reputasyon at para sa ating kaawa-awang kapatid na sinisira ang Kanyang Sarili!»

«Hindi! Hindi Niya sinisira ang Kanyang Sarili! Ngunit sinasaktan Niya ang Kanyang Sarili, iyan ang Kanyang ginagawa.»

«Magsalita ka!» pamimilit ni Jose habang si Simon ay nakapagtatakang tahimik.

«Ako ay magsasalita… Ngunit ibig kong makatiyak na hindi ka magbabanggit ng kahit ano kay Jesus… Isumpa mo ito.»

«Isinusumpa namin ito sa Banal na Belo. Magsalita ka.»

»At huwag kayong magkukuwento sa inyong ina, at higit sa lahat sa inyong mga kapatid tungkol sa aking sasabihin sa inyo.»

«Makatitiyak ka tungkol sa aming pananahimik.»

«At hindi ba kayo magsasalita kay Maria? Upang hindi Siya mapamighati. Iyan ay katungkulan ninyo na pangalagaan ang kapayapaan ng kaawa-awang Inang iyon, sa katahimikan, katulad ng ginagawa ko.»

«Wala kaming sasabihin sa kaninuman. Sinusumpa namin ito.»

«Bueno, makinig… Si Jesus ay hindi na lamang nananatili sa paglapit sa mga Hentil, sa mga publikano at mga puta, sa pananakit sa mga Pariseo at iba pang importanteng mga tao. Ngunit ginagawa Niya ang mga bagay na ganap na di-makatuwiran… Isipin na lamang nang nasa Philistia, ginawa Niya kami na maglakad sa paligid may dala-dalang isang maitim na lalaking kambing. Ngayon mayroon na Siyang isang Pilisteo kasama ng Kanyang mga disipulo. At bago iyan, ang batang Kanyang pinulot? Wala kayong idea kung anong mga komentaryo ang ginawa. At nang nakaraang ilang araw may kinuha Siyang isang griyegong babae, isang alipin, na tumakas mula sa kanyang Romanong panginoon. At ang Kanyang mga talumpati ay salungat sa ating kilalang-kilalang karunungan. Sa madaling salita Siya ay tila nababaliw. Sinasaktan Niya ang Kanyang Sarili. Sa Philistia nakialam din Siya sa isang seremonya ng mga mangkukulam, nakikipagtagisan nang harap-harapan sa kanila. Natalo Niya sila, ngunit… ang mga eskriba at mga Pariseo ay kinapopootan Siya. Ngunit ano ang mangyayari kung mapakinggan nila ang ganyang mga bagay? Kailangan na makialam kayo at tigilan…»

«Iyan ay malala, napakamalala. Ngunit papaano namin malalaman? Kami ay naririto… At kahit na ngayon, papaano namin matutuklasan?»

«Subalit sa kabila nito ito ay katungkulan ninyo na makialam at patigilin Siya. Ang Kanyang Ina ay isang ina, at napakabuti Niya. Hindi ninyo kailangan na iabandona si Jesus nang ganyan. Alang-alang sa Kanyang Sarili at alang-alang sa mundo. At ang Kanya ring patuloy na pagpapalayas ng mga dimonyo… Ang mga sabi-sabi ay tinutulungan Siya ni Beelzebub. Maiisip ninyo kung makagagawa iyan sa Kanya ng mabuti. Maging ano pa man ang mangyari, anong klase ng hari Siya magiging kung ang mga pulutong ay pinagtatawanan Siya ngayon pa lang o naiiskandalo?»

«Ngunit… talaga bang ginagawa Niya ang mga ganyang bagay?» tanong ni Simon di-makapaniwala.

«Tanungin mo Siya mismo. Sasabihin Niya sa iyo na ginagawa Niya. Sapagkat ipinagyayabang pa Niya ito.»

«Kailangan na paalamin mo kami…»

«Tiyak na gagawin ko! Kapag makakita ako ng isang bago magpapadala ako sa inyo ng salita. Ngunit… pakiusap, huwag kailanman magsalita ng kahit isang salita kaninuman!»

«Sinusumpa namin. Kailan ka aalis?»

«Pagkatapos ng Sabbath. Wala nang rason na tumagal pa ako rito. Nagawa ko na ang aking katungkulan.»

«At pinasasalamatan namin ikaw para diyan. Eh! Sinabi ko na Siya ay nagbago. At ikaw, kapatid… hindi ka maniwala sa akin… Nakikita mo na ba ngayon na tama ako?» sabi ni Jose ni Alfeo.

«Halos hindi ko mapaniwalaan ito. Sina Judas at Santiago, matapos man ang lahat, ay hindi mga tanga. Bakit hindi nila sinabi sa atin? Kung talagang ang mga bagay na iyan ay nangyayari, bakit hindi sila gumawa ng aksiyon?» sabi ni Simon ni Alfeo.

«Mamâ, hindi mo ako hihiyain sa di-paniniwala sa aking mga salita!» balik-sabi ni Judas na may pagtatampo.

«Hindi!... ngunit… Tama na iyan. Patawarin mo ako kung sasabihin ko: maniniwala ako kung makita ko mismo ang mga bagay-bagay.»

«O sige. Makikita mo kaagad at pagkatapos kakailanganin mong sabihin sa akin: “Tama ka”. Bueno. Naririyan na ang inyong bahay. Iniwan ko kayo. Ang Diyos ay sumainyo.»

«Ang Diyos ay sumainyo, Judas. At… makinig. Huwag kang magsalita kaninuman tungkol diyan. Para sa aming reputasyon…»

«Magiging tahimik ako katulad ng isang libingan. Paalam.»

At siya ay humiwalay nang mabilis. Pinapasok niya ang bahay nang mapanatag at umakyat sa terasa kung saan si Maria, na ang Kanyang mga kamay nasa Kanyang lapi, ay pinagninilay-nilayan ang kalawakan na nagsisiksikan sa mga bituin. Sa liwanag ng maliit na lampara na sinindihan ni Judas sa pag-akyat sa hagdanan, ang mga luha ay makikita na nagniningning sa mga pisngi ni Maria.

«Bakit Kayo umiiyak, Ina?» tanong nang nag-aalala ni Judas.

«Sapagkat sa palagay Ko mas maraming mga patibong sa mundo kaysa sa mga bituin sa kalawakan. Mga patibong para sa Aking Jesus…» si Judas ay tinitingnan si Maria nang maasikaso at siya ay tila nababalisa. Ngunit naghinuha Siya nang may-kabaitan: «Ngunit Ako ay napagiginhawahan ng pagmamahal ng Kanyang mga disipulo… Mahalin ang Aking Jesus… mahalin Siya… Ibig mo bang manatili rito, Judas? Ako ay bababa na sa Aking silid. Si Maria ni Clopas ay natulog na pagkatapos na maihanda ang minasang harina para bukas.»

«Oo, mananatili ako sa taas dito. Maganda rito.»

«Kapayapaan sa iyo, Judas.»

Kapayapaan sa Inyo, Maria.»

300511

 

 


Sunod na kabanata