27. Ang Sensong Edikto.

Hunyo 4, 1944.

Nakikita ko na muli ang bahay sa Nazareth: ang maliit na silid kung saan si Maria madalas kumain. Siya ngayon ay abala sa Kanyang ginagawa sa isang maputing piraso ng damit. Ibinaba Niya ito upang sindihan ang lampara, sapagkat dumidilim na, at hindi na Siya makakita nang mabuti sa pamamagitan ng medyo berdeng liwanag na pumapasok galing sa kalahating-nakabukas na pinto patungo sa lootan. Isinara din Niya ang pinto.

Ngayon, ang Kanyang tiyan ay napakalaki na. Ngunit Siya ay napakaganda pa rin. Ang Kanyang pagkilos ay laging maliksi at ang Kanyang mga paggalaw ay mahinhin. Wala sa Kanya ang lampang pagkilos na madalas mapupuna sa mga babaeng malapit nang manganak. Tanging ang Kanyang mukha lamang ang nagbago. Ngayon Siya ay “ang babae”. Noon, sa panahon ng Anunsiyasyon, Siya ay isa pa lamang bata-pang babae na may mukha na may kapanatagan ng isang bata. Pagkaraan, sa bahay ni Elizabeth noong si Juan Bautista ay pinanganak, ang Kanyang mukha ay naging mas pino at mayuming nagkagulang. Ngayon ito ay ang panatag ngunit matamis na mahestuwosong mukha ng isang babae na narating ang ganap na perpeksiyon sa maternidad.

Hindi na Niya nakakamukha ang «Anunsiyasyon» ng Florence, na mahal-na-mahal ninyo, Padre. Noong Siya ay isa pa lamang bata nakita ko ang pagkakahawig. Ang Kanyang mukha ngayon ay mas mahaba at mas manipis, ang Kanyang mga mata mas nag-iisip at mas malaki. Sa maikling pananalita, ito ay katulad ng kung ano si Maria ngayon sa Langit. Sapagkat ang Kanyang hitsura at edad ay muli ang kung ano ito noong pinanganak ang Tagapagligtas. Ang Kanyang kabataan ay ang eternal na kabataan na hindi lamang di-nakaranas ng pagkabulok sa kamatayan, bagkus hindi dumaan ng pagtanda. Ang panahon ay hindi napakialaman ang ating Reyna at Ina ng Panginoon Na siyang naglikha ng panahon; at kung sa pahirap sa Kanya sa panahon ng Pasyon – pahirap na matagal nang nagsimula bago pa ang Pasyon, masasabi kong mula pa noong nagsimula si Jesus mag-ebanghelyo – kung Siya ay nagmukhang matanda, ito ay katandaang katulad ng isang talukbong na nagtatakip sa Kanyang walang-pagkabulok na katawan.

Sa katunayan mula noong nakita Niya si Jesus na nabuhay muli, Siya ay muling naging ang bagong perpektong nilikha katulad ng dati bago ang gayong pagpapahirap, na tila sa paghalik Niya sa Kabanal-banalang mga Sugat ni Jesus Siya ay nakainom ng isang balsamo ng pagiging bata na nagkansela sa ginawa ng panahon, at lalo na, sa ginawa ng kapighatian. Sa katunayan, kahit na noong nakaraang walong araw, noong nakita ko ang pagbaba ng Banal na Espiritu noong Linggo ng Pentekostes, nakita ko na si Maria ay “maganda, pinakamaganda at bigla na lamang nagmukhang mas bata” katulad ng aking sinulat at naisulat na noong dati pa: “Kamukha Niya ang isang asul na anghel”. Ang mga anghel ay hindi tumatanda. Sila ay eternal na maganda, sapagkat larawan sila ng eternal na kabataan at ng eternal na kasalukuyan ng Diyos. Ang anghelikal na kabataan ni Maria, asul na anghel, ay naperpekto na ngayon, ngunit hindi sa loob ng kalihiman ng isang silid na hindi nalalaman ng mundo at na may isang arkanghel lamang bilang saksi. Narating nito ang perpektong edad na Kanyang dinala sa Langit at Kanyang pananatilihin magpasawalang-hanggan sa Kanyang banal na maluwalhating katawan, noong ang Espiritu ay inadornohan Siya ng singsing na pangkasal at kinukoronahan sa presensya ng lahat.

Ginusto kong gawin ang paglayong ito sa paksa sapagkat sa aking palagay ito ay kailangan. Babalik na ako ngayon sa pagsasalarawan.

Si Maria, kung gayon, ay ngayon tunay na isa nang «babae» puno ng dignidad at kayumihan. Ang Kanya ngiti ay nadagdagan sa katamisan at kadakilaan. Gaano Siya kaganda!

²Si Jose ay pumasok. Siya ay tila nanggaling sa nayon, sapagkat siya ay pumasok sa pamamagitan ng pinaka-pintuan, hindi ng talyer. Si Maria ay itinaas ang Kanyang ulo at ngumiti sa kanya. Si Jose din ay ngumiti. Ngunit ang kanyang ngiti ay tila pilít, na tila siya ay nag-aalala. Si Maria ay tiningnan siya nang may pag-uusisa. Siya pagkaraan ay tumayo upang kunin ang manta na hinuhubad ni Jose at ito ay Kanyang tinitiklop at ipinapatong sa ibabaw ng isang baul.

Si Jose ay naupo sa mesa. Ipinatong niya ang isang siko rito at ipinatong niya ang Kanyang ulo sa kanyang kamay, habang ang isang kamay, nang hindi niya kinukusa, ay sinusuklay nito at kinukusot ang kanyang balbas nang paulit-ulit.

«May nagpapabalisa ba sa iyo?» tanong ni Maria. «Maaari ba kitang tulungan?»

«Lagi Mo akong napapaginhawa, Maria. Ngunit ngayon, mayroon akong isang malaking problema… na may kinalaman sa Iyo.»

«Sa Akin, Jose. At ano ito?»

«Nagpaskil sila ng isang edikto sa pintuan ng sinagoga. Nag-uutos ito ng isang senso sa lahat na mga Palestino. At ang lahat ay kailangan na lumakad at magrehistro sa kanyang lugar ng pinanggalingan. Kailangan nating pumunta sa Bethlehem…»

³«O! Bulalas ni Maria, pinuputol Niya ang pagsasalita ni Jose at inilalagay ang isang kamay Niya sa Kanyang puson.

«Ito’y nakakabigla, hindi ba? At nakalulungkot. Alam ko.»

«Hindi, Jose. Hindi tungkol diyan. Iniisip Ko… Iniisip Ko ang Banal na mga Iskriptura: si Rachel, ang ina ni Benjamin at asawa ni Jacob mula kung kanino ang Bituin ay ipanganganak: ang Tagapagligtas. Si Rachel na inilibing sa Bethlehem, kung tungkol saan ay sinasabi: “Ngunit ikaw, Bethlehem, Ephrata, ang pinaka-aba sa mga tribu ng Judah, mula sa iyo ipanganganak ang Maghahari”. Ang Maghahari na ipinangako sa Sambahayan ni David. Siya ay ipanganganak doon…»

«Sa palagay Mo… sa palagay Mo ba ito na ang panahon?... O! Ano ang ating gagawin?» Si Jose ay ganap na nawawalan ng pag-asa. Tinitingnan niya si Maria sa pamamagitan ng nakaka-awang mga mata.

Nauunawaan Niya ito at Siya ay ngumingiti. Ngunit mas ngumingiti Siya sa Kanyang Sarili kaysa sa kanya. Isang ngiti na tila nagsasabing: «Siya ay isang tao, isang makatarungang tao, ngunit isang tao. At siya ay nakakakita bilang isang tao. Siya ay nag-iisip bilang isang tao. Kaawaan siya, o Aking kaluluwa, at gabayan siya upang siya ay makakita bilang isang espiritu.» Ngunit ang Kanyang kabaitan ay nagawa Siyang pakalmahin si Jose. Siya ay hindi nagsisinungaling, bagkus simpleng inililihis lamang Niya ang kanyang pananabik. «Hindi Ko alam, Jose. Ang Aking kapanahunan ay napakalapit na. Ngunit hindi kaya maaantala ng Panginoon ito upang mapagaanan ka sa pag-aalalang ito? Magagawa Niya ang lahat. Huwag matakot.»

«Ngunit ang paglalakbay!... Isipin ang mga pulutong ng tao. Makakakita kaya tayo ng mabuting matutuluyan? May panahon pa kaya tayong makabalik? At kung… kung Ikaw ay magiging isang Ina roon, ano ang gagawin natin? Tayo ay walang bahay doon… Wala na tayong kilala roon.»

«Huwag kang matakot. Magiging maayos ang lahat. Ang Diyos ay nakakakita ng masisilungan ng isang hayop na malapit nang manganak. Sa palagay mo kaya hindi Siya makakakita ng isa para sa Kanyang Mesiyas? Nagtitiwala tayo sa Kanya, hindi ba? Lagi natin Siyang pinagkakatiwalaan. Habang mas humihirap ang pagsubok, mas lalo tayong nagtitiwala. Katulad ng dalawang anak inilalagay natin ang ating mga kamay sa Kanyang maka-amang mga kamay. Siya ang ating gabay. Sumasandal tayo nang lubusan sa Kanya. Isipin kung papaano Niya tayo dinala nang may pagmamahal hanggang ngayon. Ang isang ama, kahit na ang pinakamagaling na ama sa lahat, ay hindi magagawa ito nang may mas magaling pang pangangalaga. Tayo ay Kanyang mga anak at Kanyang mga katulong. Tinutupad natin ang Kanyang kalooban. Walang masamang mangyayari sa atin. Ang edikto ring ito ay Kanyang kalooban. Ano ang Caesar sa katunayan? Isang instrumento lamang ng mga kamay ng Diyos. Mula pa noong panahon na nagpasya ang Diyos na patawarin ang tao, naisaayos na Niya ang lahat bago pa man mangyari ang mga mangyayari upang ang Kanyang Kristo ay maipanganak sa Bethlehem. Ang pinakamaliit na nayon sa Judah ay wala pa noon ngunit ang kaluwalhatian nito ay naiguhit na. At doon… ang isang makapangyarihang tao ay lumitaw, napakalayo mula rito, at tayo ay kanyang sinakop, at ngayon ibig niyang malaman ang lahat ng kanyang nasasakupan, ngayon, habang ang mundo ay nasa kapayapaan… upang ang kaluwalhatian ng Bethlehem ay mangyari at ang salita ng Diyos hindi mapasisinungalingan, - katulad na ito ay pasisinungalingan kung ang Mesiyas ay pinanganak sa ibang lugar. O! Ano ang maliit nating problema kung titingnan natin ang kagandahan ng sandaling ito ng kapayapaan? Isipin mo na lamang, Jose: isang panahon ng panahon kung kailan walang kapootan, sa mundo! May mas masaya pa bang oras para sa paglitaw ng “Bituin”, na ang liwanag nito ay dibino at ang impluwensiya nito ay katubusan? O! Huwag kang matakot, Jose. Kung ang mga daan ay hindi ligtas, kung ang mga pulutong ng mga tao ay magagawa nitong maging mas mahirap ang paglalakbay, ang mga anghel ay ipagsasanggalang at poprotektahan tayo. Hindi tayo: bagkus ang kanilang Hari. Kung wala tayong matatagpuang matutuluyan, ang kanilang mga pakpak ay ang magiging ating mga kulandong. Walang masamang mangyayari sa atin. Hindi ito mangyayari: ang Diyos ay kasama natin.»

⁴Si Jose ay tinitingnan Siya at nakikinig sa Kanya, masaya. Ang mga kulubot ng kanyang noo ay nawala. Siya ay tumayo, na hindi na pagod o kaya nag-aalala. Siya ay ngumingiti. «Ikaw ay pinagpalà, Araw ng aking kaluluwa! Ikaw ay pinagpalà, sapagkat nakikita Mo ang lahat sa pamamagitan ng Grasya, na Ikaw ay puno nito! Huwag na tayong mag-aksaya ng panahon, kung gayon. Sapagkat kailangan na tayong umalis kaagad hangga’t maaari, at makabalik kaagad hangga’t maaari, sapagkat ang lahat dito ay nakahanda na para sa… para sa…»

«Para sa ating Anak, Jose. Kailangan na ganyan Siya sa mga  mata ng mundo, alalahanin mo iyan. Ang Ama ay tinakpan ang Kanyang pagdating sa pamamagitan ng talukbong ng misteryo at kailangan na huwag natin alisin ang talukbong na iyan. Si Jesus ang gagawa niyan, kapag dumating na ang panahon…»

Ang kagandahan ng mukha ni Maria, ang tingin, ang hitsura at tinig, noong sinasabi Niya ang «Jesus» na ito ay hindi maisasalarawan. Ito ay isa nang lubos na kaligayahan. At ang bisyon ay nagtatapos dito.

                                                -----------------------------------------------

mary sinab

Sinasabi ni Maria: 

«Hindi na Ako magdadagdag pa nang labis, sapagkat ang Aking mga salita ay isa nang leksiyon.

Ngunit ibig Kong anyayahan ang atensiyon ng mga asawang ginang tungkol sa isang punto. Napakaraming kasal ang nawawasak sa pamamagitan ng pagkukulang ng mga babae: na hindi nagtataglay ng pagmamahal na iyon, na siyang ang lahat: kabaitan, awa at konsuwelo sa kanilang mga asawa. Ang pisikal na mga paghihirap na mabigat sa mga babae ay hindi mabigat sa mga lalaki. Ngunit ang lahat na tungkol sa moral ay mabigat sa kanila: ang pangangailangan ng trabaho, ang mga disisyon na kailangang gawin, ang mga pananagutan sa nakapuwestong mga awtoridad at sa kanyang sariling pamilya… o! gaano karami ang nagpapabigat sa isang lalaki! At gaanong kaginhawahan din ang kinakailangan niya! Ngunit ang pagkamakasarili ng isang babae ay gayon na naidadagdag niya ang bigat ng walang-kabuluhan at kung minsan di-makatarungang dalahin sa kanyang napapagod, pinanghihinaan-ng-loob, nag-aalalang asawa. At ang lahat ng ito sapagkat siya ay makasarili. Siya ay hindi nagmamahal. Ang pagmamahal ay hindi ang pagka-kontento ng mga pándamá at pangangailangan ng sarili. Ang pagmamahal ay ang mapakontento natin siya na ating minamahal, mahigit pa sa mga pándamá at pangangailangan, ibinibigay sa kanya ang tulong na kinakailangan upang mapanatili sana niyang nakabukas lagi ang kanyang mga pakpak sa mga kalangitan ng pag-asa at kapayapaan.

⁶Mayroon pang isang punto kung saan ibig Kong madala ang inyong atensiyon. Ako ay nakapagsalita na tungkol dito. Subalit ibig Kong ipilit: pagtitiwala sa Diyos. Ang pagtitiwala ay nilalagum ang mga teolohikal na mga birtud. Ang sinumang nagtitiwala ay may pananampalataya. Ang nagtitiwala ay umaasa. Ang nagtitiwala ay nagmamahal. Kapag tayo ay nagmamahal, tayo ay umaasa, naniniwala tayo sa isang tao, nagtitiwala tayo. Kung hindi, tayo ay hindi nga nagtitiwala. Ang Diyos ay nararapat ng ating pagtitiwala. Kung nakapagbibigay tayo ng tiwala sa mga tao na maaaring pumalya, bakit hindi natin pagtiwalaan ang Diyos na hindi kailanman papalya?

Ito ay kababaang-loob din. Ang mapagmalaking tao ay nagsasabi: “Gagawin ko ito nang ako lang. Hindi ko siya pinagkakatiwalaan sapagkat siya ay isang walang-kakayahang tao, isang sinungaling, isang mapaghari-hariang tao…” Ang isang may-kababaang-loob na tao ay magsasabi: “Pinagkakatiwalaan ko siya. Bakit hindi? Bakit ko iisipin na ako ay mas magaling kaysa sa kanya?” At mas tama niyang sinasabi tungkol sa Diyos: “Bakit ko Siya pagdududahan Siya Na napakabuti? Bakit ko iisipin na magagawa ko ito nang mag-isa?” Ang Diyos ay ibinibigay ang Kanyang Sarili sa may kababaang-loob, ngunit lumalayo sa abusado.

Ang pagtitiwala ay pagsunod din. At ang Diyos ay mahal ang masunuring tao. Ang pagsunod ay pagpapahiwatig na kinikilala natin ang ating mga sarili na Kanyang mga anak at kinikilala natin ang Diyos na ating Ama. At ang isang ama ay bagkus makapagmamahal kung siya ay isang tunay na ama. Ang Diyos ay ang ating tunay na Ama at isang perpektong Ama.

⁷Ang ikatlong punto ay ibig Kong tingnan ninyo. Ito ay laging nakabatay sa pagtitiwala. Walang pangyayari na maaaring mangyari kung hindi ito ipinahihintulot ng Diyos. Kayo ba ay makapangyarihan? Kayo ay naging gayon, sapagkat ito ay ipinahintulot ng Diyos. Magsikap, kung gayon, mga makapangyarihan, na huwag ninyong gawin ang inyong kapangyarihan na maging ikasasamâ ninyo. Ito ay laging “inyong ikasasamâ”, kahit na kung sa simula, ito ay tila makasasamâ sa iba. Sapagkat kung ang  Diyos ay nagpapahintulot, hindi Siya nagpapahintulot nang labis-labis, at kung kayo ay lumampas sa guhit, hahampasin Niya kayo at dudurugin kayo. Sikapin, kung gayon, o! mga nasasakupan, na gawin ang inyong kalagayan na maging isang batubalani na makakuha ng proteksiyon ng Langit. At huwag manumpa ng sinuman. Ipaubaya iyan sa pangangalaga ng Diyos. Nasa sa Kanya, ang Panginoon ng lahat, ang magpálâ at magsumpa sa Kanyang mga nilikha.

Humayo sa kapayapaan.»

(129) 141009/031113/033113

Sunod na kabanata.