271. Nagsasalita sa Isang Eskriba sa mga Pampang ng Jordan.

Setyembre 6, 1945.

Nang si Jesus ay nakababa sa kanang pampang ng Jordan, isang magandang milya, baka mahigit pa, mula sa maliit na isla ng Tarichea, kung saan walang iba bagkus magandang berdeng kabukiran, dahil sa lupa, na ngayon ay tuyo, natagpuan Niya ang isang malaking pulutong naghihintay sa Kanya.

Ang Kanyang mga pinsan kasama ang Zealot ay dumating upang tagpuin Siya: «Guro, ang mga bangka ay naibunyag tayo… Baka si Manaen ay isa ring pahiwatig…»

«Guro» sabi ni Manaen na may pagpapaumanhin «Ako ay umalis sa gabi upang walang makakita sa akin at wala akong sinumang tao na kinausap. Maniwala sa akin. Marami sa kanila ang nagtanong sa akin kung nasaan Kayo. At ang aking tugon sa lahat ay: “Siya ay umalis”. Ngunit sa palagay ko ang problema ay nagawa ng isang mangingisda na nagsabi na ibinigay niya sa Inyo ang kanyang bangka…»

«Ang tangang iyon ng aking bayaw!» kulog ni Pedro. «At sinabi ko sa kanya na itiklop ang kanyang bibig! At sinabi ko rin sa kanya na tayo ay patungong Bethsaida! At sinabi ko sa kanya na kung siya ay magsalita ng kahit isang salita aahitin ko ang kanyang balbas! Gagawin ko ito! Gagawin ko ngang talaga. At ano na ang ating agawin ngayon? Iyan na ang katapusan ng ating kapayapaan, pag-iisa at pagpapahinga!»

«Maging mabuti, Simon, maging mabuti. Nagkaroon na tayo ng ating mapayapang mga araw. Maging ano pa man nakuha Ko ang bahagi ng Aking binabalak: ang maturuan ka, mapaginhawahan at mapakalma ka upang maiwasan ang mga pananakit at mga kaibhan sa pagitan mo at ang mga Pariseo ng Capernaum. Ngayon puntahan na natin ang mga taong ito na mga naghihintay sa atin, at gantimpalaan ang kanilang pananampalataya at pagmamahal. Ang kanila bang pagmamahal ay hindi rin kaluwagan? Ang kapootan ay pinamimighati tayo. Ngunit dito ay may pagmamahal, kung gayon ito ay lugod.»

Si Pedro ay kumalma katulad ng isang hangin na bigla na lamang nawawala. At si Jesus ay lumakad patungo sa pulutong ng mga maysakit, na mga nananabik na naghihintay para sa Kanya, upang ang kanilang minimithi ay tila nakaukit na sa kanilang mga mukha, at sila ay Kanyang pinagaling, isa-isa, may-kabaitan, may-pasyensiya. Pumunta rin Siya sa isang eskriba na ipinakita sa Kanya ang kanyang maliit na may sakit na anak na lalaki.

At ang eskriba ang nagsabi sa Kanya: «Kita Ninyo? Kayo ay tumatakas. Ngunit ito ay walang silbi, ang pagmamahal ay natagpuan Kayo, katulad na ito ay nakasulat sa Awit ng mga Awit. Katulad Ninyo ang Pinakamamahal sa mga Awit. At sila ay lumalapit sa Inyo katulad na ang katulong ni Shulam ay pumupunta sa kanyang nobyo, hinaharap ang mga patrulyang mga guwardiya at ang karwaheng pandigmaan ni Amminadib.»

«Bakit mo sinasabi iyan?»

«Sapagkat iyan ay totoo. Piligrosong pumunta dahil Kayo ay kinapopootan. Hindi ba Ninyo nalalaman na ang Roma ay nagbabantay para sa Inyo at ang Templo ay kinapopootan Kayo?»

«Bakit mo Ako tinutukso, mamâ? Ang iyong mga salita ay mapanlinlang, upang madala ang Aking tugon sa Roma at sa Templo. Hindi Ko pinagaling ang iyong anak sa pamamagitan ng pandaraya…»

Ang eskriba na pinagalitan nang malumanay, ay ibinaba ang kanyang ulo na lito at nagtapat: «Nakikita ko na totoong nababasa Ninyo ang mga puso ng mga tao. Patawarin Ninyo ako. Ngayon nakikita ko na Kayo ay totoong banal. Patawarin Ninyo ako. Oo, totoo, ako ay pumunta at ang lebadura na inilagay ng iba sa aking puso ay nangangasim sa loob ko…»

«At natagpuan nito sa iyo ang kinakailangang init upang mangasim.»

«Oo, totoo… Ngunit ngayon ako ay aalis na wala ng ganyang lebadura. Ibig sabihin, may isang bagong pampaalsa.»

«Alam Ko. Wala Akong kinikimkim na sama ng loob. Marami ang nagkakamali sa pamamagitan ng kanilang sariling kalooban, marami sa pamamagitan ng kalooban ng ibang mga tao. Ang Diyos, Na makatarungan ay huhusgahan sila sa pamamagitan ng ibang mga sukatan. Eskriba, maging makatarungan at huwag manira sa hinaharap katulad na ikaw ay sinira. Kapag ang pamimilit ng mundo ay tinutulak ka, tingnan ang buháy na grasya, na siyang ang iyong anak, na iniligtas mula sa kamatayan, at maging mapagpasalamat sa Diyos.»

«Sa Inyo.»

«Sa Diyos. Ang lahat na kaluwalhatian at kapurihan sa Kanya. Ako ang Kanyang Mesiyas at Ako ang una na nagpupuri at nagluluwalhati sa Kanya. At ang unang sumusunod sa Kanya. Sapagkat hindi pinababa ng tao ang kanyang sarili sa pagpaparangal at paglilingkod sa Diyos sa katotohanan, ngunit pinabababa niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa kasalanan.»

«Tama Kayo. Lagi ba Kayong nagsasalita nang ganyan? Sa lahat?»

«Oo, sa lahat. Kung Ako ay magsasalita kay Annas, o kay Gamaliel, o sa isang nangungusap na ketongin sa isang landas sa kabukiran, ang mga salita ay magiging gayon din sapagkat iisa lang ang Katotohanan.»

«Magsalita, kung gayon, sapagkat ang lahat dito ay nakikiusap para sa isang salita o isang grasya Ninyo.»

«Gagawin Ko. Upang wala sanang magsabi na Ako ay may pinipili laban sa mga matapat sa kanilang mga paniniwala.»

«Ang mga mayroon ako ay ngayon patay na. Ngunit iyan ay totoo. Ako ay matapat ng sa akin. Naniwala ako na pinaglilingkuran ko ang Diyos sa pakikipaglaban sa Inyo.»

«Ikaw ay sinsiro. At iyan kung bakit karapat-dapat kang maintindihan ang Diyos, Na hindi kailanman kasinungalingan. Ngunit ang iyong mga paniniwala ay hindi pa patay. Sinasabi Ko sa iyo. Sila ay katulad ng mga sunog na makakapal na damo. Sila ay tila mga patay sa panlabas at sa katunayan tumanggap ng malakas na dagok na nakapagpahina sa kanila. Ngunit ang mga ugat ay buhay at ang lupa ay pinakakain sila. At ang hamog ay inaanyayahan sila na magkaroon ng bagong mga risome, na magkakaroon ng bagong mga suwì. Kailangan na magbantay ka na hindi ito mangyari, kung hindi sasakupin kang muli ng mga makakapal na damong ito. Ang Israel ay isang talunang-di-patalo!»

«Kung gayon ang Israel ay kailangan na mamatay? Ito ba ay isang masamang tanim?»

«Kailangan na mamatay ito upang mabuhay muli.»

«Isang espirituwal na reenkarnasyon?»

«Isang espirituwal na ebolusyon. Walang reenkarnasyon na kahit na ano.»

«Ang iba ay naniniwala rito.»

«Nagkakamali sila.»

«Ang Hellinismo ay ikinalat ang ganyang mga paniniwala sa atin. At ang mga may-pinag-aralan ay nanginginain sa mga ito at ipinagmamalaki ito na tila ito ay isang nobleng pagkain.»

«Isang kakatwang kontradiksyon sa mga sumisigaw na anatema kapag ang isa sa mga menor na animnaraan at labintatlong mga alituntunin ay nakakalimutan.»

«Totoo iyan. Ngunit ganyan ang mga bagay-bagay. Ang mga tao ay ibig na gayahin kahit na ang kanilang kinapopootan.»

«Bueno, gayahin Ako, nakikita na kinapopootan mo Ako. At iyan ay makakabuti sa iyo.»

Ang eskriba ay hindi makapagpigil na tumawa sa matalinong wika ni Jesus. Ang mga tao ay nakikinig nang nakanganga at ang mga nasa mas malalayo ay nagtatanong sa mga nasa malapit kay Jesus at sa eskriba na ulitin ang kanilang mga salita.

«Ngunit, sa katapatan, ano sa palagay Ninyo ang reenkarnasyon?»

«Na iyan ay isang pagkakamali. Sinabi Ko na sa iyo.»

«May ilan na nagsasabi na ang buháy ay nagsisimula sa patay at ang patay sa buháy, sapagkat kung ano ang naririyan ay hindi maaaring masira.»

«Sa katunayan, kung ano ang eternal ay hindi maaaring sirain. Ngunit sabihin mo sa Akin. Ayon sa iyo, ang Tagapaglikha ba ay may mga limitasyon sa Kanyang Sarili?»

«Wala, Guro. Ang isipin iyan ay magiging isang pagpapawalang-bisa.»

«Tama ka. Kung gayon, maiisip kaya ng isa na pinahihintulutan Niya ang isang espiritu na mag-reenkarnasyon sapagkat wala nang espiritu ang kailangan na mabuhay maliban sa mga naririyan na?»

«Hindi iyan kailangan isipin ng isa. Subalit may ilan na ganyang ang paniniwala.»

«At ang mas malala pa, ang Israel ay pinaniniwalaan ito. Ang kaisipan tungkol sa inmortalidad ng espiritu, na isa nang dakilang bagay, kahit na kung ito ay idinugtong sa pagkakamali ng isang maling pagtingin ng isang pagano tungkol sa kung papaano ang inmortalidad nangyayari, ay kailangan na perpekto sa isang Israelita. Sa halip ito ay nagiging isang maliit, mababa, may-pagkakasalang kaisipan sa mga naniniwala rito ayon sa hentil na mga kuru-kuro. Hindi iyan ang kaluwalhatian ng isang kaisipan, na pinatutunayan ng sarili na karapat-dapat ng paghanga sa paglapit mismo nito sa Katotohanan at kung gayon pinatutunayan ang kabuuang kalikasan ng tao, katulad na ito ay ang kaluwalhatian ng isang kaisipan sa mga hentil, dahil sa kanilang pag-unawa tungkol sa eternal na buhay ng mahiwagang bagay na tinatawag na kaluluwa at nagpapaiba sa atin sa mga hayop. Ngunit isang pagpapakababa ng kaisipan, na bilang may nalalaman tungkol sa Dibinong Karunungan at sa Totoong Diyos, ay nagiging materyalistiko kahit na tungkol sa napakataas na espirituwal na bagay. Ang espiritu ay lumilipat lamang mula sa Tagapaglikha patungo sa nilikha at mula sa nilikha patungo sa Tagapaglikha, kung Kanino ihaharap nito ang sarili nito pagkatapos ng buhay na ito upang tanggapin ang isang hatol ng buhay o ng kamatayan. Iyan ang katotohanan. At iyan ay mananatili magpakailanman kung saan iyan ipadala.»

«Hindi ba Ninyo tinatanggap ang Purgatoryo?»

«Oo, tinatanggap Ko. Bakit mo Ako tinatanong?»

«Sapagkat sinasabi Ninyo: “Iyan ay mananatili kung saan iyan ipadala”. Ang Purgatoryo ay pansamantala.»

«Iyan kung bakit sa Aking kaisipan inihahalo Ko iyan sa eternal na Buhay. Ang Purgatoryo ay “búhay” na. Natulig, nakatali, ngunit laging buháy. Pagkatapos ng pansamantalang pamamalagi sa Purgatoryo, ang espiritu ay nararating ang perpektong Buhay, na walang anumang limitasyon o mga pagkakatali. Dalawang bagay ang mananatili: ang Langit – ang Kalaliman. Ang Paraiso – ang Impiyerno. Dalawang kategoriya: ang pinagpalà – ang isinumpa. Ngunit mula sa tatlong kaharian na naririyan na, walang espiritu ang kailanman makapagbibihis sa sarili ng laman. At ganyan iyan hanggang sa huling resureksiyon, na siyang magtatapos magpakailanman sa engkarnasyon ng mga espiritu sa laman, engkarnasyon ng inmortal sa mortal.»

«Hindi ng eternal?»

«Ang Diyos ay Eternal. Ang eternidad ay ang walang simula at walang katapusan. At iyan ang Diyos. Ang Inmortalidad ay ang magpatuloy na mabuhay mula nang ang buhay ay nagsimula. At iyan ang espiritu ng tao. Iyan ang kaibahan.»

«Sinasabi Ninyo: “Eternal na Buhay”.»

«Oo. Mula nang ang tao ay nilikha upang mabuhay, dahil sa kanyang espiritu, sa pamamagitan ng Grasya at ng kanyang sariling kalooban, mararating niya ang eternal na Buhay. Hindi eternidad. Ang buhay ay nagpapahiwatig ng simula. Hindi natin sinasabi: “ang Búhay ng Diyos”, sapagkat ang Diyos ay walang simula.»

«At ano ang tungkol sa Inyong Sarili?»

«Ako ay mabubuhay sapagkat Ako ay isa ring laman at sa Aking dibinong espiritu isinama Ko ang kaluluwa ng Kristo sa laman ng tao.»

«Ang Diyos ay tinatawag na “Buháy na Diyos”.»

«Sa katunayan wala Siyang nalalamang kamatayan. Siya ay Búhay. Ang walang-katapusan na Búhay. Hindi Búhay ng Diyos. Búhay lang. Iyan lang. Ang mga ito ay maliliit na mga pagkakaibaiba, o eskriba. Ngunit ang Karunungan at Katotohanan ay dinaramtan ang kanilang mga sarili ng maliliit na pagkakaiba-iba.»

«Ganyan ba Kayo magsalita sa mga Hentil?»

«Hindi. Hindi nila maiintindihan. Pinapakita Ko sa kanila ang Araw. Ngunit katulad ng pagpapakita Ko nito sa isang bata, na magpahanggang ngayon bulag at tanga, na mahimalang nakapanumbalik ang paningin at katalinuhan. Kung kaya't: katulad ng isang bituin. Na hindi na pumupunta sa mga detalye tungkol sa pagkakabuo nito. Ngunit kayong mga tao ng Israel ay hindi bulag o mga tanga. Sa loob ng napakaraming siglo ang daliri ng Diyos ay binubuksan ang inyong mga mata at pinalilinawan ang inyong mga kaisipan…»

«Iyan ay totoo, Guro. Subalit kami ay bulag at tanga.»

«Ginawa ninyo ang inyong mga sarili na ganyan. At ayaw ninyo ang himala Niya na nagmamahal sa inyo.»

«Guro…»

«Iyan ang katotohanan, eskriba.»

Ang mamâ ay iniyuko ang ulo at nananahimik. Si Jesus ay iniiwan siya at dumaraan at habang ginagawa ito Kanyang hinahaplos si Marjiam at ang maliit na anak ng eskriba, na naglalaro ng iba't ibang kulay na mga maliliit na bato. Kaysa magturo Siya ay nagsasalita sa grupong ito o iyon. Ngunit nagpapatuloy Siya sa pagtuturo habang inaayos Niya ang mga pagdududa, nililinaw ang mga idea, sinusuma o pinalalawak ang mga bagay na nasabi na o ang mga konsepto na naalaala lamang nang kaunti ng kung sinong tao. At ang mga oras ay dumaan nang gayon.

160611

 

 


Sunod na kabanata