272. Ang Unang Himala ng mga Tinapay.

Setyembre 7, 1945.

Ang lugar ay gayon pa rin. Ngunit ang araw ay hindi na sumisikat mula sa silangan tumatagos sa mga tanim sa ilalim ng mga punungkahoy sa panabi ng Jordan sa mabangis na lugar na ito kung saan ang tubig ng lawa ay dumadaloy patungo sa ilalim ng ilog. Ito ay sumisikat, pahiris, mula sa kanluran, habang lumulubog sa isang maluwalhating mapulang kalawakan, may mga raya-raya ng huling sinag nito. Sa ilalim ng makapal na kadahunan, ang liwanag ay banayad-na-banayad, tumutulong sa mapayapang mga kulay ng dapit-hapon. Ang mga ibon, pinasaya ng sinag ng araw na kanilang kinalugdan buong araw at ng maraming pagkain na kanilang napulot sa katabing mga bukid, ay gumagawa ng kagulo ng mga pagsiyap at mga pag-awit sa mga tuktok ng mga punungkahoy. Ang gabi ay papalapit na may panghuling karangyaan ng araw.

Ito ay itinuturo ng mga apostol kay Jesus, Na laging nagtuturo ayon sa mga paksa na kanilang inihaharap sa Kanya. «Guro, ang gabi ay papalapit. Ito ay isang disyertong lugar, malayo sa mga kabahayan at mga nayon, ito ay malilim at basa-basa. Sa loob ng kaunting sandali hindi na posibleng makakita o makapaglakad dito. Ang buwan ay nahuhuli sa pagtaas. Paalisin na ang mga tao upang sila ay makapunta sa Tarichea o sa iba pang mga nayon sa panabi ng Jordan upang makabili ng pagkain at makakita ng mga matutuluyan.»

«Hindi sila kailangan na umalis. Bigyan sila ng makakain. Makatutulog sila dito katulad ng kanilang ginawa sa paghihintay sa Akin.»

«Guro, nalalaman Ninyo na may limang tinapay lamang ang natira at dalawang isda.»

«Dalhin iyan sa Akin.»

«Andres, lakad at hanapin ang bata. Siya ang tumitingin sa bag. Kamakailan lamang kasama niya ang anak ng eskriba at dalawang iba pang batang lalaki, abala sa paggawa ng bulaklak na mga girnalda at naglalaro ng hari-harian.»

Si Andres ay lumakad kaagad. Sina Juan at Felipe ay naghahanap din kay Marjiam sa pagitan ng mga pulutong, na palaging lumilipat ng mga lugar. Natagpuan nila siya halos magkasabay, na ang bag ng pagkain nasa kanyang balikat, may isang malaking usbong ng clematis sa kanyang ulo at isang sinturon ng clematis, mula kung saan ang isang sanga ay nakabitin, bilang isang espada, ang tuktok bilang ang hawakan, ang mahabang tangkay ang talim. May pitong bata ang kasama niya, lahat nakasuot ng gayon din na mga dekorasyon, naglalaro bilang mga alalay ng anak ng eskriba, isang payat na bata, na may hitsura ng isang naghirap nang labis, na adornado ng mga bulaklak nang higit pa kaysa iba at naglalarong hari.

«Halika, Marjiam. Ang Guro ay kailangan ka!»

Si Marjiam ay iniwan ang kanyang mga kalaro at tumakbong paalis na hindi inaalis ang kanyang… mga bulaklak na emblema. Ngunit ang ibang mga bata ay sinundan siya at si Jesus ay kaagad napalilibutan ng isang pabilog ng mga bata na may mga bulaklak na girnalda. Hinahaplos Niya sila habang si Felipe ay kinukuha ang isang parsela mula sa bag na nilalaman ang mga tinapay, na nakabalot kasama ang dalawang malaking isda: dalawang kilo ng isda, o mahigit nang kaunti. Hindi ito sasapat para sa labimpitong tao, hindi, labingwalo, kasama si Manaen, ng grupo ni Jesus. Dinala nila ang pagkain sa Guro.

«Mabuti. Ngayon dalhan Ako ng ilang mga basket. Labimpito, kasing dami ninyo. Si Marjiam ay ang mag-aabot ng pagkain sa mga bata…» Si Jesus ay tinititigan ang eskriba na laging nasa malapit Niya at nagtanong: «Magbibigay ka rin ba ng pagkain sa nagugutom na mga tao?»

«Gugustuhin ko. Ngunit ako mismo ay wala.»

«Ibigay ang Akin. Ibibigay Ko ito sa iyo.»

«Ngunit… pakakainin ba Ninyo ang limang libo katao, maliban sa mga babae at mga bata, sa pamamagitan ng dalawang isda at limang tinapay na iyan?»

«Walang duda. Huwag na di-makapaniwala. Ang mga maniniwala ay makikita ang himala na nangyayari.»

«O! Kung gayon ibig ko rin na mag-abot ng pagkain.»

Ang mga apostol ay bumalik may dalang malalaki at maliliit na basket, ang ilan ay mabababa at malalapad, ang iba ay malalalim at makikitid. Ang eskriba ay bumalik na may kung baga isang maliit na basket. Kitang-kita na ang kanyang pananampalataya o ang kanyang kawalang-paniniwala ay nagawa siyang iyon ang kunin bilang ang pinakamalaki nang kakailanganin.

«Mabuti. Iwanan ang lahat dito. Ngayon gawin ang mga pulutong na maupo sa maayos na pamamaraan, nang hili-hilera, hangga’t maaari.»

At habang ginagawa nila iyon si Jesus ay itinataas ang mga tinapay kasama ang isda sa ibabaw ng mga ito, inihahandog ang mga ito, nagdarasal at pinagpapalà ang mga ito. Ang eskriba ay hindi inaalis ang kanyang mga mata sa mga ito kahit isang sandali. Si Jesus ay binibiyak ang mga tinapay sa labingwalong bahagi: Gumagawa rin siya ng labingwalong bahagi sa dalawang isda, at naglalagay ng isang maliit na piraso ng isda: isang mumunting piraso nga, sa bawat basket. Pagkatapos pinaghahati-hati Niya ang bawat piraso ng labingwalong piraso ng tinapay sa maliliit na mumo: ang bawat mumo sa pagiging maraming mga mumo. Dumami nga kompara sa dati; mga dalawampu, hindi hihigit. Pagkatapos Kanyang inilalagay ang bawat mumo na Kanyang pinaghahati, sa isang basket, na may isang mumo ng isda.

«Ngayon dalhin sila at ipamigay ang pagkain hanggang gusto. Lakad. Marjiam, iabot ang pagkain sa iyong mga kasamahan.»

«Ah! Gaano ito kabigat!» sabi ni Marjiam binubuhat ang basket. Pumunta siya kaagad sa kanyang maliliit na kaibigan, naglalakad na katulad ng isang may-dalang mabigat na bagay.

Ang mga apostol, mga disipulo, si Manaen, ang eskriba ay pinagmamasdan siyang umaalis nang hindi makapaniwala… Pagkatapos kanilang pinulot ang kanilang mga basket at iniiling ang kanilang mga ulo nagsasabi sila sa isa’t isa: «Ang bata ay nagpapatawa! gayon din ang bigat katulad kanina.» At ang eskriba ay tinitingnan ang loob kanyang basket, inilagay niya ang kanyang kamay sa loob hinahanap ang pinakailalim, sapagkat dumidilim na sa palumpungan na kinaroroonan ni Jesus, samantalang sa malayu-layo, sa mahawan, ay maliwanag. Ngunit, sa kabila ng kanilang mga sinasabi, sila ay pumunta sa mga tao at nagsimulang ipamigay ang pagkain. At sila ay nag-aabot… Paminsan-minsan sila ay tumitingin kay Jesus nagtataka, habang sila ay papalayo nang papalayo, at ang Guro nakasandal sa isang puno ng kahoy na nakatiklop ang mga braso, ngumingiti nang napakabanayad sa kanilang pagtataka.

Ang pag-aabot ng pagkain ay matagal at maramihan… ang tanging hindi nagpapakita ng pagtataka ay si Marjiam, na ngumingiti at masaya na nagagawa niyang mapuno ang mga lapi ng napakaraming mahihirap na bata ng tinapay at isda. Siya rin ang naunang bumalik kay Jesus nagsasabing: «Nakapagbigay ako nang labis, labis-labis!... sapagkat alam ko kung ano ang magutom…» at itinataas niya ang kanyang maliit na mukha, na hindi na nangangayayat, bagkus, nakaalaala, namutla na may malaking mga mata… Ngunit si Jesus ay hinaplos siya at isang maningning na ngiti ang lumitaw sa kanyang mukha, habang sumasandal nang nagtitiwala kay Jesus, kanyang Guro at Protektor.

Ang mga apostol at mga disipulo ay bumabalik nang dahan-dahan, natutulala na may pagtataka. Ang huli ay ang eskriba na walang sinasabi. Ngunit gumagawa siya ng pagkilos na mahigit pa sa isang sermon. Siya ay lumuhod at hinahalikan ang laylayan ng tunika ni Jesus.

«Kunin mo ang iyong bahagi at bigyan mo Ako ng ilan. Ating kainin ang pagkain ng Diyos.»

Sila ay kumain, sa katotohanan, ng tinapay at isda, ang bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan…

Pansamantala ang mga tao, na ngayon ay mga busog na, ay nagpapalitan ng kanilang mga kuru-kuro. Ang mga nakapaligid kay Jesus ay gumagawa rin ng mga komentaryo pinagmamasdan si Marjiam, na tinatapos ang kanyang pagkain at nakikipaglaro sa ibang mga bata.

«Guro» tanong ng eskriba, «bakit naramdaman kaagad ng bata ang bigat, at kami ay hindi? Kinapa ko rin ang loob. Naroroon pa rin ang mga ilang mumo ng tinapay at ang tanging kapiranggot na isda. Nasimulan kong maramdaman ang bigat nang ako ay lumalapit na sa pulutong. Ngunit kung iyon ay nagkaroon ng bigat ng kung ano ang naipamigay, mangangailangan iyon ng dalawang pares ng mola upang madala, hindi isang basket, bagkus isang bagon puno ng pagkain. Sa simula ipinamimigay ko iyon nang katamtaman… ngunit pagkaraan bigay na lang ako nang bigay… at sa dahilan na ayaw kong maging di-makatarungan, binalikan ko ang mga nauna binigyan ko pa sila ng sobra, sapagkat kakaunti lamang ang aking naibigay sa kanila noong una. Subalit iyon ay nagkasya.»

«Naramdaman ko rin ang basket na bumigat nang ako ay umalis, at nagbigay ako ng marami kaagad sapagkat nadama ko na gumawa Kayo ng isang himala» sabi ni Juan.

«Ako, sa halip, ay tumigil, naupo ako at ibinuhos ang lahat sa aking lapi upang makita… At nakita ko ang buu-buong mga tinapay. Ako pagkatapos ay nagpatuloy» sabi ni Manaen.

«binilang ko pa nga sila, sapagkat ayaw kong mapahiya ako. May limampung maliliit na buong tinapay. Kung kaya't sinabi ko: «Ibibigay ko ito sa limampung tao at pagkatapos ako ay babalik. At binilang ko. Ngunit nang ako ay nakarating na sa limampu, ang bigat ay gayon pa rin. Tiningnan ko ang loob. Napakarami nila. Ako ay nagpatuloy at nakapagbigay ako ng daan-daan sa kanila. Hindi iyon kailanman umunti» sabi ni Bartolomeo.

«Ako, ako ay kailangan na tanggapin ko, hindi ako naniwala, at kinuha ko ang mga mumo ng tinapay at ang kapirasong mumo ng isda sa aking kamay at tiningnan ko sila nagsasabing: “Ano ang silbi nito? Si Jesus ay maaaring nagbibiro!... at tinitingnan ko sila nang paulit-ulit, nagtatago sa likuran ng isang punungkahoy, umaasa at pinanghihinaan ng loob na makita silang lumago. Ngunit sila ay laging iyon pa rin, Pabalik na sana ako, nang si Mateo ay dumaan nagsasabing: “Napuna mo ba kung gaano sila kaganda?” “Ano?” tinanong ko siya. “Ang mga tinapay at mga isda!”. “Sira ba ulo mo? Mga mumo lamang ng tinapay ang nakikita ko”. “Lakad at ipamigay sila na may pananampalataya, at makikita mo”. Ibinalik ko sa basket ang ilang mga mumo at lumakad ako nang nagdadalawang-isip… At pagkatapos… Patawarin Ninyo ako, Jesus, sapagkat ako ay isang makasalanan!» sabi ni Tomas.

«Hindi. Ikaw ay isang makalupang espiritu. Nangangatwiran ka ayon sa mundo.»

«Pati rin ako, Panginoon. Kaya iniisip ko na magbigay ng ilang mga sentimos kasama ang tinapay at sinabi ko sa aking sarili: “Makakakain sila sa ibang lugar”» sabi ng Iskariote. «Iniisip ko na hindi Kayo mapahiya. Kung gayon ano ako? Katulad ni Tomas o mahigit pa?»

«Ikaw ay mas “makalupa” pa kaysa kay Tomas.»

«Subalit iniisip ko na magbigay ng limos upang maging “makalangit”! Iyon ay aking personal na pera…»

«Limos sa iyong sarili, sa iyong pagmamalaki. At limos sa Diyos. Ngunit ang Huli ay hindi iyon kailangan at kasalanan at magbigay ng limos sa iyong pagmamalaki, hindi isang merito.»

Si Judas ay iniyuko ang ulo at naging tahimik.

«Ako, sa halip, ay inisip ko na kailangan kong durugin ang mga mumo ng isda at ng tinapay, upang iyon ay magkasya. Hindi ako nagduda na iyon ay sasapat, kapwa tungkol sa bilang at sa sustansiya. Ang isang patak ng tubig na ibinigay Ninyo ay mas makabubusog kaysa sa isang bangkete» sabi ni Simon Zealot.

«At ano ang inyong naisip?» si Pedro ay tinatanong ang mga pinsan ni Jesus.

«Naalaala namin ang Cana… at hindi nagduda» tugon nang mahigpit ni Judas.

«At ikaw, Santiago, Aking mahal na kapatid, iyon lang ba ang iyong iniisip?»

«Hindi, naisip ko na iyon ay isang sakramento, katulad ng sinabi Ninyo sa akin… Gayon ba iyon o mali ako?»

Si Jesus ay ngumingiti: «Iyon ay sakramento at hindi sakramento. Ang iyon kaisipan tungkol sa isang malayong bagay ay kailangan na maidagdag sa katotohanan tungkol sa kapangyarihan ng sustansiya sa isang patak ng tubig, na binanggit ni Simon. Ngunit hindi pa iyon isang sakramento.»

Ang eskriba ay may hawak-hawak na isang mumo ng tinapay sa kanyang kamay.

«Ano ang iyong gagawin diyan?

«Isang… alaala.»

«Magtatago rin ako ng isa. Ilalagay ko ito paikot sa leeg ni Marjiam sa loob ng isang maliit na bag» sabi ni Pedro.

«At dadalhin ko ito sa aming ina» sabi ni Juan.

«At papaano kami? Inubos namin ito…» sabi ng iba namimighati.

«Tumayo kayo. Umikot muli na dala ang mga basket at likumin ang mga tira, piliin ang pinakamahirap na mga tao at dalhin sila rito dala ang mga basket. At pagkatapos, kayo, Aking mga disipulo, ay pupunta sa mga bangka at maglayag papunta sa kapatagan ng Gennesaret. Paaalisin Ko ang mga pulutong pagkatapos na matulungan ang mas mahihirap na tao a sasamahan Ko kayo saka na.»

Ang mga apostol ay sumunod… at sila ay bumalik na may dalang labindalawang basket na puno ng mga tira ng pagkain at sinusundan ng mga tatlumpung mga pulubi o napakahirap na mga tao.

«Mabuti. Makalalakad na kayo ngayon.»

Ang mga apostol at ang mga disipulo ni Juan ay nagpaalam kay Manaen at umalis iniiwan si Jesus na medyo nagdadalawang-isip. Ngunit sila ay sumunod. Si Manaen ay nananatiling kasama si Jesus hanggang ang pulutong, sa huling liwanag ng gabi, ay umalis patungo sa mga nayon o naghahanap ng isang lugar na matutulugan sa pagitan ng matataas na makakapal na damo. Pagkatapos siya ay nagpaalam sa Guro. Ang eskriba ay nauna nang makaalis sa kanya, sa katunayan kasama siya ng mga nauna, dahil umalis siyang kasama ang kanyang anak sinusundan ang mga apostol.

Nang sila ay nakaalis o mga nakatulog na, si Jesus ay tumayo, pinagpapalà ang mga natutulog, a naglalakad nang dahan-dahan Siya ay nagpatungo sa lawa, sa maliit na isla ng Tarichea, mga ilang yarda sa itaas ng lawa, katulad ng inukaan na burol na nakausli dito. At nang marating Niya ang paanan nito, na hindi pinapasok ang bayan, bagkus iniikutan ito, inakyat Niya ang burol, at tumigil sa isang tuktok, nagdarasal sa harapan ng asul na lawa at sa kapayapaan ng mapanatag na may-buwan na gabi.

                                                                ---------------------------------------

 

Sinasabi ni Jesus: «Ilalagay mo rito ang bisyon na may petsa na Marso 4, 1944: Si Jesus naglalakad sa tubig.»

240611

 

 


Sunod na kabanata