279. Ang Pitumpu’t-dalawang Disipulo Nag-uulat kay Jesus Tungkol sa Kanilang Nagawa.

Setyembre 19, 1945.

Ang pitumpu’t-dalawang disipulo ay bumalik sa mahabang takipsilim ng isang malinaw na Oktubreng araw kasama sina Elias, Jose at Levi. Sila ay pagod at puno ng alikabok, ngunit masayang-masaya! Ang tatlong pastol ay masaya na sila ay malaya na ngayon na paglingkuran ang Guro. Sila ay masaya din sapagkat, pagkatapos ng maraming taon ng pagkahiwalay, kasama na nila ngayon ang kanilang mga kasamahan nang matagal nang panahon. Ang pitumpu’t-dalawang disipulo ay masasaya sapagkat nagawa nila ang kanilang unang misyon nang mabuti. Ang kanilang mga mukha ay nagniningning nang higit pa kaysa sa maliliit na lampara na nagpapaliwanag sa maliliit na tolda na itinayo para sa malaking grupo ng mga peregrino.

Ang tolda ni Jesus ay nasa gitna at sa loob nito ay naroon ang Banal na Birhen kasama si Marjiam na tumutulong sa Kanya sa paghahanda ng hapunan. Sa paligid nito ay ang mga tolda ng mga apostol. Si Maria ni Alfeo ay nasa tolda nina Santiago at Judas; si Maria Salome at ang kanyang asawa ay nasa kay Juan at Santiago; sa loob ng isang malapit dito ay naroon si Susanna kasama ang kanyang asawa, na hindi isang apostol o disipulo… nang pormal,… ngunit maaaring may karapatan siyang mapunta roon, sa dahilan na pinahintulutan niya ang kanyang asawa na maging ganap na para kay Jesus. Pagkatapos, sa kapaligiran ng mga ito, ay naroon ang mga tolda ng mga disipulo, ang ilan sa kanila ay kasama ang kanilang mga pamilya, ang ilan ay wala. At ang mga nag-iisa, katulad ng karamihan sa kanila, ay sumama sa isa o ilang mga kasamahan. Si Juan ng Endor ay sumama sa nag-iisang si Ermasteus, ngunit nagsikap siya na malapit hangga’t maaari sa tolda ni Jesus, upang si Marjiam ay makakapunta lagi sa kanya, nagdadala ng isang bagay o iba pa at pinasasaya siya sa pamamagitan ng mga salita ng isang matalinong bata na nasisiyahan na makasama sina Jesus, Maria at Pedro, at sa isang kapistahan pa.

Pagkatapos ng hapunan si Jesus ay pumunta sa mga dalisdis ng taniman ng mga olibo at ang mga disipulo ay sinundan Siya nang magkakasama.

Nang sila ay malayo na sa ingay ng mga tao at sa pulutong, pagkatapos na makapagdasal nang magkakasama, nag-uulat sila kay Jesus sa mas detalyadong pag-uulat kaysa ng nagawa nila dati, sa pagitan ng mga taong dumarating at umaalis. At sila ay namamangha at masaya kapag sinasabi nila: «Alam ba Ninyo, Guro, na hindi lamang mga sakit bagkus mga dimonyo rin ay sumusunod sa amin dahil sa kapangyarihan ng Inyong Pangalan? Anong ganda bagay, Guro! Kaming abang mga tao ay nagawang mapalaya ang isang lalaki mula sa nakakatakot na kapangyarihan ng isang dimonyo, dahil lamang kami ay inyong pinadala!...» at nagkukuwento sila ng napakaraming kaso na nangyari rito at doon. Tanging iisa lamang na inalihan ang sinasabi nilang: «dinala ng kanyang mga kamag-anak, o kung baga ng kanyang ina at mga kapitbahay nang sapilitan. Ngunit ang dimonyo ay pinagtatawanan kami nagsasabing: “Ako ay bumalik dito sa kagustuhan niya pagkatapos na mapalabas ako gawa ng Nazareno at hindi ko na siya iiwanan sapagkat mas mahal niya ako kaysa sa inyong Guro at ako ay hinahanap niya” at sa pamamagitan ng di-madadaig na lakas bigla niyang napalaya ang lalaki sa mga taong humahawak sa kanya at itinapon siya sa bangin. Tumakbo kami upang tingnan kung ang lalaki ay nagkalagas-lagas. Hindi ito nangyari! Siya ay tumatakbo katulad ng isang gasela inuulit ang mga pagmumura at mga bukang-bibig na hindi ng mundong ito… Kami ay nalulungkot para sa kanyang ina… Ngunit siya!... O! ang dimonyo ba ay nagagawa ang lahat na iyon?»

«Ang lahat na iyon at higit pa» sabi ni Jesus nang malungkot.

«Baka kung Kayo ay naroroon…»

«Hindi. Pinakiusapan Ko siya: “Humayo at huwag nang magkasalang muli”. Ngunit nagkasala siya. Alam niya na gusto niya ang kasamaan at siya ay pumayag. Siya ay wala na. May kaibahan sa pagitan ng isang tao na inalihan sa unang pagkakataon sa pamamagitan ng kanyang kamangmangan at ng isang tao na ibig na masakop nalalaman na sa pamamagitan nito ipinagbibili niyang muli ang kanyang sarili sa dimonyo. Ngunit huwag magsalita ng tungkol sa kanya. Siya ay isang miyembro na napawalay nang wala nang pag-asa. Siya ay isang nagkusa sa Kasamaan. Papurihan natin sa halip ang Panginoon para sa mga tagumpay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Nalalaman Ko ang pangalan ng nagkasala at ang mga pangalan ng mga nailigtas. Nakikita Ko si Satanas na nalaglag mula sa langit katulad ng isang kidlat sa pamamagitan ng inyong mga merito idinugtong sa Aking Pangalan. Sapagkat nakita Ko rin ang inyong mga sakripisyo, inyong mga panalangin, ang pagmamahal na sa pamamagitan nito kayo ay lumapit sa di-masasayang tao upang gawin ang sinabi Ko sa inyo na gawin. Kayo ay kumilos na may pagmamahal at ang Diyos ay pinagpalà kayo. Ang iba ay gagawin kung ano ang inyong ginagawa, ngunit gagawin nila ito nang walang pagmamahal. At hindi sila makakakuha ng mga kombersiyon… Ngunit huwag kayong magsaya dahil napayuko ninyo ang mga espiritu, bagkus magsaya dahil ang inyong mga pangalan ay naisulat sa Langit. Huwag kailanman alisin ang mga ito mula roon…»

«Guro, kailan darating ang mga hindi makakakuha ng mga kombersiyon? Baka kapag wala na Kayo sa amin?» tanong ng isa sa mga disipulo na ang pangalan ay hindi ko alam.

«Hindi, Agapo. Anumang oras.»

«Ano? Kapag nagtuturo din Kayo at nagmamahal sa amin?»

«Oo. Lagi Ko kayong mamahalin, kahit na kung kayo ay malayo sa Akin, Ang Aking pagmamahal ay laging darating sa inyo at mararamdaman ninyo ito.»

«O! totoo iyan. Naramdaman ko ito isang gabi nang ako ay namomroblema sapagkat hindi ko malaman ang aking isasagot sa isang naghaharap ng mga katanungan. Ako ay nasa punto na na umalis nang napapahiya. Ngunit naalaala ko ang Inyong mga salita: “Huwag matakot. Bibigyan kayo sa tamang sandali ng mga salitang sasabihin” at pinanawagan ko Kayo sa aking espiritu. Sinabi ko: “Si Jesus ay tiyak na minamahal ako. Tinatawagan ko ang Kanyang pagmamahal na tulungan ako” at ang Inyong pagmamahal ay dumating sa akin. Katulad ng isang apoy, isang liwanag… isang lakas… Ang lalaki sa harapan ko ay pinagmamasdan ako nanunuya at kumikindat sa kanyang mga kaibigan. Nakatitiyak siya na mananalo sa pagtatalo. Ibinuka ko ang aking bibig at iyon ay katulad ng isang ilog ng mga salita na dumaloy nang malugod mula sa aking hangal na bunganga. Guro, talaga bang dumating Kayo, o iyon ay isa lamang guniguni? Hindi ko alam. Alam ko na sa katapusan ang lalaki – siya ay isang bata-pang eskriba - ay niyakap ang aking leeg nagsasabing: “Ikaw ay pinagpalà at pinagpalà Siya na nagdala sa iyo sa ganyang karunungan” at siya ay tila nananabik na matagpuan Kayo. Darating ba siya?»

«Ang kaisipan ng tao ay kasing pabagu-bago ng mga salitang isinulat sa tubig, at ang kanyang kalooban ay kasing ligalig ng pakpak ng isang langaylangayan na palipad-lipad para sa huling pagkain ng araw. Ngunit magdasal para sa kanya… Oo. Ako ay pumunta sa iyo. At sina Matias at Timoneus, at si Juan ng Endor at si Simon at si Samuel at si Jonah: lahat sila ay pinuntahan Ko. Ang ilan ay nalaman ang presensya Ko, ang ilan ay hindi. Ngunit kasama ninyo Ako. At mapupunta Ako sa mga naglilingkod sa Akin nang may pagmamahal at katotohanan magpasawalanghanggan.»

«Guro, hindi pa Ninyo sinasabi sa amin kung sa mga naririto ngayon magkakaroon ng walang pagmamahal…»

«Hindi na kailangan na malaman iyan. Iyan ay magiging pagkukulang sa pagmamahal sa parte Ko na magpasimula ng galit sa isang kasama na walang kakayahan na magmahal.»

«Ngunit magkakaroon ba kahit ilan? Masasabi Ninyo iyan sa amin…»

«Oo, magkakaroon. Ang pagmamahal ay ang pinakasimple at pambihirang bagay na mayroon, at kahit na kung ito ay ihasik, hindi ito lagi nagkakaugat.»

«Ngunit kung hindi namin Kayo mamahalin, sino pa ang makapagmamahal?» Nagkaroon ng halos galit sa pagitan ng mga apostol at mga disipulo na nabalisa ng suspetsa at kapighatian.

Si Jesus ay isinara ang mga mata. Itinago Niya ito upang hindi sana ito magbigay ng pahiwatig. Ngunit gumawa Siya ng isang walang-pagtutol, may-kabaitan, malungkot na kilos ng Kanyang mga kamay, na Kanyang inuunat paharap na may bukas na mga palad, ang Kanyang kilos ng may-pagtanggap na pagtatapat at pag-amin at sinabi Niya: “Ganyan iyan dapat. Ngunit hindi ito ganito. Marami ang hindi pa nakakakilala ng kanilang sarili. Ngunit kilala Ko sila. At naaawa Ako sa kanila.»

«O! Guro! Iyan kaya ay ako?» tanong ni Pedro lumalapit kay Jesus, iniipit si Marjiam sa pagitan niya at ng Guro at inilalagay ang kanyang maiikling kamay sa mga balikat ni Jesus Na kanyang hinahawakan at inuuga, nagmumukhang baliw sa takot ng pagiging ang isa na hindi nagmamahal kay Jesus.

Si Jesus ay ibinukas ang Kanyang maningning ngunit malungkot na mga mata at tinitingnan ang nag-uusisa at natatakot na mukha ni Pedro, Siya ay nagsabi: «Hindi, Simon ni Jonah. Hindi ikaw. Nalalaman mo kung papaano magmahal at magmamahal ka pa nang lalu’t lalo pa. Ikaw ay ang Aking Bato, Simon ni Jonah. Isang mabuting bato. Ilalatag Ko diyan ang mga bagay na pinakamahal sa Akin at natitiyak Ko na susupurtahan mo sila na walang anumang kagambalaan.»

«At ako?», «Ako?», «Ako?». Ang tanong ay inuulit katulad ng alingawngaw mula sa isang bibig patungo sa isa pa.

«Kapayapaan! Kapayapaan! Maging kalmante at magsikap, lahat kayo, na magkaroon ng pagmamahal.

«Kung sino sa amin ang pinakamarunong magmahal nang lubos?»

Si Jesus ay tumingin nang paikot sa bawat isa: isang ngumingiting haplos… Pagkatapos Kanyang ibinaba ang Kanyang mga mata at tiningnan si Marjiam naiipit pa rin sa pagitan Niya at ni Pedro at itinutulak nang kaunti si Pedro, pinaikot Niya ang bata na ang kanyang mukha pagawi sa maliit na pulutong at nagsabi: «Naririto siya na marunong kung papaano magmahal nang lubos sa pagitan ninyo. Ang bata. Ngunit kayo, na ang mga pisngi ay natatakpan ng mga balbas at ang mga buhok kulay abo, ay hindi kailangan na manginig sa takot. Ang sinuman na naipanganak muli sa Akin ay nagiging “isang bata”. O! humayo sa kapayapaan. Purihin ang Diyos Na tumawag sa inyo, sapagkat totoong nakikita ng inyong mga mata ang kababalaghan ng Panginoon. Pagpalain ang mga makakakita rin ng nakikita ninyo. Sapagkat tinitiyak Ko sa inyo na maraming propeta at mga hari ang nagmimithing makita ang nakikita ninyo, ngunit hindi nila ito nakita, at maraming patriyarka ang nagkagustong malaman ang nalalaman ninyo, ngunit hindi nila nalaman, at maraming makatarungang tao ang nagkagustong mapakinggan ang napapakinggan ninyo ngunit hindi nila napakinggan. Ngunit magmula ngayon ang mga nagmamahal sa Akin, ay malalaman ang lahat.»

«At pagkatapos? Kapag Kayo ay wala na, ayon sa sinasabi Ninyo?»

«Pagkatapos kayo ay magsasalita sa katauhan Ko. At pagkatapos… O! malalaking grupo, hindi sa pamamagitan ng bilang bagkus ng grasya, ang mga makakakita, makaaalam at makaririnig sa kung ano ang nakikita ninyo ngayon, nalalaman at napapakinggan! O! malalaking minamahal na multitud ng Aking “maliit na malaki” na mga grupo! Eternal na mga mata, eternal na mga isip, eternal na mga tainga! Papaano Ko ipaliliwanag sa inyo, na mga nasa paligid Ko, kung magiging ano ang eternal na pamumuhay na ito, sa halip na eternal, walang katapusang pamumuhay ng mga magmamahal sa Akin at na Aking mamahalin hanggang sa punto na alisin ang panahon, at sila ay magiging “ang mga mamamayan ng Israel” kahit na kung sila ay mabubuhay kung saan ang Israel ay naging ang simpleng alaala na lamang ng isang nasyon, at sila ang magiging ang mga kapanahon ni Jesus namumuhay sa Israel. At sila ay makakasama Ko at mapapasaloob Ko, hanggang sa malaman nila kung ano ang kinansela ng panahon at ikinalito ng pagmamalaki. Anong pangalan ang ibibigay Ko sa kanila? Kayong mga apostol, kayong mga disipulo, ang mga naniniwala ay tatawaging “mga Kristiyano”. At sila? Anong pangalan ang magkakaroon sila? Isang pangalan na nalalaman lamang ng Langit. Anong gantimpala ang kanilang tatanggapin mula sa lupa? Ang Aking halik, ang Aking tinig, ang init ng Aking katawan. Lahat Aking Sarili. Ako, sila. Sila, Ako. Sukdulang kumunyon… Humayo. Mananatili Ako upang pasayahin ang Aking espiritu sa pagninilay-nilay sa mga na sa hinaharap ay makikilala at mamahalin Ako sa absulutong pamamaraan. Kapayapaan sa inyo.»

210711

 

 


Sunod na kabanata