28. Ang Paglalakbay Patungong Bethlehem.

Hunyo 5, 1944.

Nakikita ko ang isang pangunahing daan na nagsisiksikan sa mga tao. Ang mga maliliit na asno, kargado ng mga kagamitan at mga biyenes-muwebles o kaya ng mga tao, ay patungo sa iisang direksiyon. Ang ibang mga asno ay patungo sa kasalungat na direksiyon. Ang mga tao ay pinagmamadali ang kanilang mga sinasakyang hayop at ang mga naglalakad lamang ay binibilisan ang lakad dahil malamig ang panahon.

Ang ere ay malinis at tuyo. Ang kalawakan ay panatag, ngunit kahit saan ay may matalas na atmospera na karaniwan sa taglamig na mga araw. Ang lantad na kabukiran ay tila mas malawak tingnan, ang maiikling damo sa mga pastulan ay kinitil na ng hanging-taglamig; sa pinagpapastulan ang mga tupa ay naghahanap ng ilang damo at naghahanap ng ilang sinag ng araw, dahil ang araw ay lumilitaw nang napakabagal. Sila ay nakatayong magkakadikit, sapagkat sila rin ay giniginaw, at sila ay nag-iingay, itinataas ang kanilang mga ulo at tinitingnan ang araw na tila sinasabi nila: «Bilisan mo sapagkat maginaw!» Ang lupa ay umaalon at ang mga alun-alon na ito ay palinaw nang palinaw tingnan. Ito ay tunay na kaburulan na lugar. May mga lambak at mga gulόd natatakpan ng mga damo, at mga tagaytay. Ang daan ay tumatakbo sa gitna nito at patungong timog-silangan.

Si Maria ay nakasakay sa isang maliit na asno. Siya ay balot-na-balot ng isang makapal na manta. Sa harapan ng siyá ay naroroon ang gamit na nakita na sa Kanyang paglalakbay patungong Hebron, at sa ibabaw nito ay naroroon ang maliit na baul na laman ang mga kailangang-kailangang bagay.

Si Jose ay naglalakad sa tabi hawak ang renda. «Pagod Ka na ba?» tanong niya kay Maria paminsan-minsan.

Si Maria ay titingnan siya na ngingiti at tutugon: «Hindi, hindi Ako pagόd.» Nang ikatlo Kanyang idinagdag: «Baka ikaw ang pagod ng kalalakad.»

«O! Ako! Walang anuman sa akin ito. Iniisip ko lang na kung nakakuha pa ako ng isang asno mas komportable Ka sana, at tayo ay nakapaglalakbay sana nang mas mabilis. Ngunit talagang wala na akong makitang isa pa. Ang lahat ay nangangailangan ng masasakyan sa mga araw na ito. Ngunit laksan Mo ang Iyong loob. Mamaya lamang tayo ay nasa Bethlehem na. Ang Ephrata ay sa ibayo ng bundok na iyan.»

Sila ay kapwa tahimik. Ang Birhen, kapag Siya ay hindi nagsasalita, ay tila nakalubog sa internal na pagdarasal. Siya ay ngumingiting malumanay sa isa sa Kanyang mga naiisip at kung tinitingnan Niya ang pulutong, ito ay tila hindi Niya nakikita kung ano talaga ito: isang lalaki, isang babae, isang matandang lalaki, isang pastol, isang mayaman o kaya mahirap na tao, bagkus kung ano lamang ang hitsura nito sa harapan ng Kanyang paningin.

«Giniginaw Ka ba?» tanong ni Jose nang ang hangin ay nagsimulang umihip.

«Hindi, salamat sa iyo.»

Ngunit si Jose ay hindi lubos na masaya. Hinawakan niya ang Kanyang mga paa, na nababalot ng mga sandalyas at nakabitin sa tabi ng asno at halos di-makitang lumalabas mula sa Kanyang mahabang damit, at maaaring naramdaman ni Jose na ito ay malamig, sapagkat iniling niya ang kanyang ulo at kinuha ang blanket na nasa kanyang mga balikat at ibinalot niya ito sa mga paa ni Maria at itinakip din niya ang iba nito sa lapi ni Maria, upang ang Kanyang mga kamay ay mainitan din, na ngayon ay natatakpan na ng blanket at ng manta.

²May nasalubong silang isang pastol, na tumawid sa daan kasama ang kanyang kawan mula sa kanang bahagi ng daan patungo sa pastulan sa kaliwa. Si Jose ay yumuko na may sasabihin sa pastol. Ang pastol ay tumango. Si Jose ay kinuha ang asno at hinila ito patungo sa likuran ng kawan sa pinagpapastulang lugar. Ang pastol ay inilabas ang isang magaspang na mangkok mula sa kanyang alporhas, ginagatasan niya ang isang malaking tupa na may mga magang suso at iniabot ang mangkok kay Jose na ibinigay naman nito kay Maria.

«Pagpalain nawa kayong dalawa ng Diyos» bulalas ni Maria. «Ikaw, para sa iyong pagmamahal, at ikaw para sa iyong kabaitan. Ipagdarasal kita.»

«Kayo ba ay nanggaling sa malayo?»

«Mula sa Nazareth» tugon ni Jose.

«At saan kayo patungo?»

«Sa Bethlehem.»

«Isang malayong paglalakbay para sa isang babae sa Kanyang kalagayan. Siya ba ay iyong asawa?»

«Oo, Siya nga.»

«May lugar ba kayong pupuntahan?»

«Hindi, wala.»

«Masama ‘yan! Ang Bethlehem ay nagsisiksikan sa mga tao na mga nanggaling kung saan-saan upang magrehistro, o kaya mga nasa daan upang magrehistro sa ibang mga lugar. Hindi ko alam kung makatatagpo kayo ng matutuluyan. Kabisado ba ninyo ang lugar?»

«Hindi masyado.»

«Bueno… Ipaliliwanag ko sa inyo… para sa Kanya… (at itinuro niya si Maria). Hanapin ang otel, ngunit ito ay punό. Ngunit sasabihin ko na rin sa inyo, upang magabayan kayo. Ito ay nasa plasa, sa pinakamalaki. Ang pangunahing daan na ito ay dadalhin kayo roon. Hindi ninyo ito mapagkakamalan. May pontanya sa harapan nito, ito ay isang mahaba at mababang gusali na may napakalaking pintuan. Ito ay magiging punό. Ngunit kung hindi kayo makakuha ng silid sa otel, o kaya sa alin mang mga bahay, umikot kayo patungo sa likod ng otel, patungo sa kabukiran. Dito ay may ilang mga establero sa bundok na ginagamit kung minsan ng mga mangangalakal upang itali ang kanilang mga hayop doon, sa kanilang paglalakbay patungong Herusalem, kapag wala silang makuhang lugar sa otel. Ito ay mga establero, alam ninyo, sa bundok: ito ay basâ at malamig at wala ritong mga pintuan. Ngunit ito ay lagi nang masisilungan, sapagkat ang iyong asawa… Hindi Siya maaaring iwanan sa kalsada. Baka makakuha kayo ng masisilungan doon… at ilang mga dayami upang matulugan at para sa asno. At sana gabayan kayo ng Diyos. »

«At sana ang Diyos ay bigyan ka ng lugod» sagot ni Maria. Si Jose sa halip ay tumugon: «Ang kapayapaan ay mapasaiyo.»

Bumalik sila sa daan. Isang mas malawak na lambak ang makikita mula sa taluktok na inakyat nila. Sa lambak, pataas at pababa sa mga gulod na nakapaligid dito, ay maraming mga bahay. Ito ay ang Bethlehem.

«Naririto na tayo sa lupain ni David, Maria. Ngayon ay makapagpapahinga Ka na. Ang hitsura Mo ay pagod-na-pagod Ka…»

«Hindi. Ako ay nag-iisip… Sa Aking palagay…» Si Maria ay hinawakan ang kamay ni Jose at nagsabi sa kanya na may masayang ngiti: «Tunay na naiisip Ko na na ang Aking kapanahunan ay dumating na.»

«O Panginoon ng awa! Ano ang gagawin natin?»

«Huwag kang matakot, Jose. Maging matatag. Kita mo kung gaano Ako kakalma?»

«Ngunit maaaring naghihirap Ka nang husto.»

«O! Hindi. Ako ay punό ng lugod. Anong lugod ito, napakadakila, napakaganda, napakadi-mahahawakan, upang ang Aking puso ay kumakalabog nang kumakalabog at ito ay bumubulong sa Akin: “Siya ay parating na! Siya ay parating na! Ito ang sinasabi nito sa bawat pintig. Ito ay ang Aking Anak kumakatok sa Aking puso at nagsasabi: “Inay, Ako ay naririto at Ako ay parating upang ibigay sa Inyo ang halik ng Diyos”. O! Anong lugod ito, Aking mahal na Jose!»

Ngunit si Jose ay hindi malugod. Iniisip niya ang mahigpit na pangangailangan na makakita ng matutuluyan at binilisan niya ang kanyang paghakbang. Siya ay palipat-lipat sa mga pintuan ng mga bahay nakikiusap ng isang matutuluyang silid. Wala. Lahat ito ay punό. Narating nila ang otel. Kahit na ang pangkabukiran na mga beranda na nakapaligid sa nasa loob na bakuran ay punό ng mga nagkakampo.

Si Jose ay iniwanan si Maria sa asno sa loob ng bakuran at siya ay lumabas naghahanap sa ibang mga bahay. Bumalik siya na lubos na pinanghihinaan ng loob. Wala siyang nakita kahit isa. Ang mabilis na takipsilim ng taglamig ay nagsisimula nang magkalat ng mga anino. Si Jose ay pinakikiusapan ang tagapamahala ng otel. Nakikiusap din siya sa ilang mga manlalakbay. Sinasabi niya sa kanila na sila ay lahat malulusog ang katawan, na may isang babae na malapit nang manganak. Nakikiusap siya na maawa sila. Wala.

May isang Pariseo na kitang-kitang tinitingnan sila nang may paghamak at nang si Maria ay napalapit sa kanya, siya ay umiwas na tila siya ay nilapitan ng isang may-ketong. Si Jose ay tiningnan siya at ang kanyang mukha ay namula sa pagkamuhi. Si Maria ay ipinatong ang Kanyang kamay sa pupulsuhan ni Jose upang kumalma si Jose at nagsabi: «Huwag ka nang mamilit. Tayo na. Ang Diyos ang magbibigay.»

Sila ay lumabas at sinusundan nila ang pader ng otel. Sila ay lumiko sa maliit na kalsada na tumatakbo sa pagitan ng otel at ilang maralitang mga bahay. Pagkaraan sila ay lumiko patungo sa likuran ng otel. Hinahanap nila ang mga establero. Sa wakas, naririto ang ilang gruta, parang mga bodega ng silong ng bahay, sasabihin ko, kaysa mga establero, sapagkat ito ay napakababa at basa. Ang pinakama-iigi ay nakuha na. Si Jose ay lubos na pinanghihinaan ng loob.

«Ehi! Galilean!» sigaw ng matandang lalaki. «Sa baba roon, sa dulo, sa ilalim ng mga nagibang iyon, ay may kulungan ng hayop. Baka wala pang nakakuha niyon.»

Sila ay nagmadali patungo sa «kulungan». Ito nga ay isang kulungan. Sa loob ng labí ng isang lumang gusali ay may butas, na sa kabila nito ay may isang gruta, isang hukay sa bundok, kaysa isang gruta. Ito ay tila ang pundasyon ng lumang gusali, na ang pinakabubong ay ang mga eskombro na suportado ng mga katawan ng punungkahoy.

Dito ay halos walang liwanag, at upang makakita nang mas mabuti kinuha ni Jose ang kanyang pangkiskis at sinindihan ang isang maliit na lampara na kinuha niya mula sa kanyang alporhas na nakasukbit sa kanyang balikat. Siya ay pumasok at siya ay binati ng isang pag-ungal. «Pasok Ka, Maria. Ito ay bakante, Mayroon lang isang baka.» Si Jose ay ngumiti. «Mas mabuti na ito kaysa wala!...»

Si Maria ay bumaba sa asno at pumasok.

Si Jose ay naibitin na ang maliit na lampara sa pako sa isang sumusuportang haligi. Nakikita nila ang arko na natatakpan ng mga sapot ng gagamba, ang lupa – na puno ng bakas at ito ay malambot, may mga butas, basura, at mga tae – ay may nakakalat na mga dayami. Sa bandang likuran, ang toro ay lumingon at tumingin sa pamamagitan ng kanyang malalaking tahimik na mga mata habang may ilang dayaming nakabitin sa kanyang bibig. May isang magaspang na upuan at dalawang malaking bato sa isang sulok malapit sa isang pabilog na butas. Ang kaitiman ng sulok na iyon ay ang maliwanag na tanda na ang apoy ay doon madalas sinisindihan.

Si Maria ay lumapit sa toro. Siya ay giniginaw. Inilagay Niya ang Kanyang mga kamay sa leeg ng baka upang damahin ang init nito. Ang toro ay suminghal ngunit hindi naglikot. Ito ay tila nakaintindi. Si Jose din nang kanya itong tinulak upang makakuha siya ng maraming dayami sa sabsaban upang gumawa ng mahihigaan ni Maria, ang toro ay nanatiling kalmante at tahimik. Ang sabsaban ay doble: ibig sabihin, may isa kung saan doon kumakain ang toro, at sa taas nito ay may isa pa kung saan nakalagay ang reserbang dayami, na ibinaba ni Jose. Ang toro ay nagbigay din ng lugar para sa asno na, pagod at gutom, nagsimulang kumain kaagad.

Si Jose ay may natuklasan din na isang yupi-yuping timba, na nakataob. Siya ay lumabas, sapagkat may nakita siyang isang maliit na daloy ng tubig sa labas, at siya ay bumalik na may dalang ilang tubig para sa asno. Siya pagkaraan ay kumuha ng isang kumpol ng maliliit na sanga sa isang sulok at sinubukan niyang walisan ang lupa sa pamamagitan nito. Pagkatapos kanyang ikinalat ang mga dayami at gumagawa ng mahihigaan sa pamamagitan nito malapit sa toro, sa pinakaligtas at tuyong sulok. Ngunit napuna niya na ang mga dayami ay basa, at siya ay nagbuntung-hininga. Pagkaraan nagsindi siya ng apoy, at sa pamamagitan ng pasyensiya ni Job, pinatutuyo niya ang mga dayami, paunti-unti, hinahawakan malapit sa apoy.

Si Maria ay nakaupo sa bangkito, Siya ay pagod. Siya ay nagmamasid at ngumingiti. Ang dayami ay handa na ngayon. Si Maria ay mas nakakaupo na nang mas komportable sa malambot na dayami, na ang Kanyang likod nakasandal sa isa sa mga katawan-ng-punungkahoy na haligi. Si Jose ay tinatapos… ang mga kakailanganin ibinibitin ang kanyang manta bilang kurtina sa butas na magsisilbing pintuan. Ito ay pansamantalang proteksiyon. Pagkatapos siya ay nag-alok ng ilang tinapay at keso sa Birhen, at nagbigay din siya ng ilang tubig galing sa isang prasko.

«Matulog Ka na» sabi niya. «Ako ay mauupo at babantayan ko ang apoy na hindi mawala. May ilang kahoy, mabuti na lang; umasa tayo na ito ay magniningas at tatagal. Sa gayon hindi ko magagamit ang langis ng lampara.»

Si Maria ay masunurin na humiga. Si Jose ay tinakpan Siya ng Kanyang sariling manta at sa pamamagitan ng blanket na nakabalot sa Kanyang mga paa kanina.

«Ngunit ikaw… ikaw ay giginawin.»

«Hindi, Maria. Ako ay lalapit sa apoy. Subukan at magpahinga na ngayon. Ang lahat ay magiging mas maganda na bukas.»

Si Maria ay isinara ang Kanyang mga mata na hindi na namimilit. Si Jose ay gumapang sa kanyang maliit na sulok, naupo sa bangkito na kalapit niya ang ilang tuyong mga maliliit na kahoy. Ito ay napakakaunti. Hindi sa palagay ko ito tatagal.

Sila ay nakapuwesto ayon sa sumusunod: Si Maria ay nasa kanang tabi, na ang Kanyang likuran sa… pintuan, medyo natatakpan ng katawan ng tukod na kahoy at ng toro na nakadapa sa lupa. Si Jose ay nasa kaliwang tabi, paharap sa pintuan, at dahil siya ay nakaharap sa apoy, ang kanyang likod ay nakaharap kay Maria. Ngunit siya ay palingun-lingon paminsan-minsan upang tingnan si Maria, at nakikita niya na Siya ay nakahigang tahimik, na tila Siya ay natutulog. Binabali ni Jose ang maliliit na sanga na walang ingay hangga’t maaari at itinatapon ito nang isa-isa sa maliit na apoy, upang hindi ito mamatay at ito ay nakapagbigay ng ilang liwanag na hindi kaagad nauubos ang kahoy. Naririyan lamang ang malabong liwanag ng apoy:  kung minsan malakas, kung minsan mahina. Ang lampara sa katunayan ay pinatay at sa malabong liwanag tanging ang kaputian lamang ng toro at ang mga kamay ni Jose at ang kanyang mukha ang maaaninag. Ang lahat na iba pa ay lahat nakalilitong masa sa malabong liwanag.

                                                -----------------------------------------------------

«Walang diktasyon ngayon» sabi ni Maria. «Ang bisyon ang mismong nagsasalita. Nasa sa iyo na ang pag-intindi sa leksiyon ng karidad, kababaang-loob at kadalisayan na nanggagaling dito. Magpahinga na. Magpahingang nanonood, katulad Ko na madalas nagbabantay habang naghihintay kay Jesus. Siya ay darating upang dalhan ka ng kapayapaan.»

(134) 170610/031113/033113

Sunod na kabanata.