280. Sa Templo Para sa mga Tabernakulo.

Setyembre 20, 1945.

Si Jesus ay patungo sa Templo. Ang mga lalaking disipulo ay pinangungunahan Siya na grupu-grupo, ang mga babaeng disipulo sinusundan Siya, na grupu-grupo din, ibig sabihin, ang Kanyang Ina, si Maria ni Clopas, si Maria Salome, si Susanna, si Johanna ni Chuza, si Eliza ng Bethzur, si Annaleah ng Herusalem, si Martha at si Marcella. si Maria ng Magdala ay wala rito. Ang labindalawang apostol at si Marjiam sa paligid ni Jesus.

Ang Herusalem ay nasa karangyaan ng solemneng mga kapistahan nito. May mga tao sa bawat lansangan at mula sa bawat bansa. Ang awitan, pag-uusap, pagbubulong ng mga panalangin, ang pagmumura sa mga nagpapatakbo ng asno, ang iyakan ng mga bata ay maririnig kahit saan. At sa itaas ng lahat ng kalituhan ay nariyan ang malinaw na kalawakan na makikita sa pagitan ng mga bahay at naririyan ang kaaya-ayang sikat ng araw na nagpapatingkad sa mga kulay ng mga damit at bumubuhay sa namamatay na mga kulay ng mga balag at mga punungkahoy, na masusulyapan dito at doon, sa kabila ng mga pader ng saradong mga hardin at mga terasa.

Si Jesus paminsan-minsan ay nakatatagpo ng kakilala at ang kanilang mga pagbati ay humigit-kumulang magalang ayon sa tiyempo ng tao na Kanyang natatagpuan. Si Gamaliel sa katunayan ay yumuyukong malalim subalit mapagyabang at tumititig kay Stephen, na ngumingiti sa kanya mula sa grupo ng mga disipulo at na tinawag ni Gamaliel sa tabi, pagkatapos na makayuko kay Jesus, at nagsalita ng kaunti sa kanya. Si Stephen pagkatapos ay bumalik sa kanyang grupo. Ang pagbati ni Cleopas ng Emmaus, ang matandang pangulo ng sinagoga, ay mapagpitaganan; siya ay patungo sa Templo kasama ang kanyang kapwa mga kababayan. Kasing gaspang ng panunungayaw ang tugon ng mga Pariseo ng Capernaum sa pagbati ni Jesus. Ang mga magbubukid ni Johanan, pinangungunahan ng kanilang tagapamahala, ay binati si Jesus sa pagtapon ng kanilang sarili sa lupa at paghalik sa Kanyang mga paa sa alikabok ng daan.

Ang mga pulutong ay namamangha at tumitigil upang pagmasdan ang grupo ng mga kalalakihan na sa sangahan ng mga daan ay nagpapatirapa nang may pagsigaw sa paanan ng isang bata-pang lalaki, na hindi naman Pariseo o isang sikat na eskriba, na ni hindi isang satrapa o isang makapangyarihang kortesano, at ang ilan ay nagtatanong kung sino siya at ang bulong ay kakalat: «Siya ay ang Rabbi ng Nazareth, ang isang sinasabing ang Mesiyas.» Ang mga proselito at mga Hentil kung gayon ay magsisiksikan na may pag-uusisa, iniipit ang grupo sa pader, gumagawa ng sagabal sa maliit na liwasan, hanggang ang isang grupo ng mga nagpapatakbo ng mga asno ay ikakalat sila sumisigaw ng mga panunungayaw. Ngunit ang pulutong ay magsasama-sama muli, naihihiwalay ang mga kababaihan sa mga kalalakihan, sa isang magaspang na nag-uutos na pamamaraan na isa ring pagpapakita ng pananampalataya. Ang lahat ay ibig na hipuin ang damit ni Jesus, magsasalita ng isang salita sa Kanya, magtatanong ng ilan katanungan. Ang kanilang pagsisikap ay lubos na sayang, sapagkat sa kanilang pagmamadali, sa kanilang pananabik at kabalisahan na makapagpatuloy, nagkakatulakan sila kung kaya't walang sinuman ang magtagumpay at kahit ang mga tanong at mga tugon ay tatalo ng ingay.

Ang tanging hindi pumapansin sa nangyayari ay ang lolo ni Marjiam, na tumutugon ng sigaw sa sigaw ng kanyang apo, at kaagad pagkatapos na makapagbigay galang sa Guro ay niyakap ang bata sa kanyang puso at nananatiling ganyan, nakasandal sa kanyang mga sakong, ang kanyang mga tuhod nasa lupa, ay hinawakan ang apo sa kanyang lapi, hinahangaan at hinahaplos siya kasama ang mga luha at malugod na mga halik, tinatanong at pinakikinggan siya. Ang matanda ay nasa Paraiso na, napakasayang katulad niya.

Ang mga tropa ng Romano ay nagmadali sa lugar iniisip na may pag-aawayan at ipinipilit ang kanilang mga sarili sa pulutong. Ngunit nang makita nila si Jesus sila ay ngumiti at umalis nang mapayapa at pinayuhan lamang ang mga tao na naroroon na iwanan ang mahalagang sangandaan. Si Jesus ay sumunod kaagad, sinasamantala ang espasyong iniwan ng mga Romano, na mga naglalakad sa unahan Niya nang kaunti, na tila gumagawa sila ng daan para sa Kanya, ngunit sa katunayan sila ay bumabalik sa kanilang himpilan; ang Romanong tanod sa katunayan ay dinagdagan, na tila may nalalaman si Pilato ng isang masamang pakiramdam ng mga pulutong at natatakot siya ng isang pag-aalsa kapag ang Herusalem ay puno ng mga Hudyo mula sa lahat na lugar. At magandang makita Siya na umaalis, pinangungunahan ng koponan ng mga Romano, katulad ng isang hari, kung kanino sila ay nagbibigay daan, habang patungo siya sa kanyang mga pag-aari.

Nang dumaraan, sinabi Niya sa bata at sa matanda: «Manatiling magkasama at sundan Ako» at sa tagapamahala: «Pakiusap na iwanan mo ang iyong mga tauhan sa Akin. Sila ay Aking magiging mga panauhin hanggang ngayong gabi.»

Ang Tagapamahala ay tumugon nang magalang: «Ang lahat ay gagawin ayon sa Inyong kagustuhan» at siya ay umalis pagkatapos na yumuko nang malalim.

Ang Templo ay ngayon malapit na at ang pagsisiksikan ng mga pulutong, katulad na katulad ng mga langgam malapit sa bahay-langgam, ay mas matindi, nang ang isang magbubukid ni Johanan ay sumigaw: “Naroroon ang ating panginoon!» at bumagsak sa kanyang mga tuhod upang batiin siya, ginagaya ng lahat na iba pa.

Si Jesus ay nananatiling nakatayo sa gitna ng isang grupo ng mga tao na mga nakaluhod, sapagkat ang mga magbubukid ay nag-ipun-ipon sa paligid Niya. Siya ay lumingon tumitingin sa lugar na itinuturo ng magbubukid, at nakatagpo ang sulyap ng isang Pariseo na marangyang nakadamit, na aking nakita na, ngunit hindi ko alam kung saan.

Si Johanan, ang Pariseo, ay kasama ng ibang mga tao ng kanyang lipì: isang tumpok ng mamahaling mga damit ng mga palawit, mga hibilya, mga laso, mga pilakteryo, lahat mas malalaki kaysa ng pangkaraniwan. Si Johanan ay tinitingnan si Jesus nang maasikaso: isang sulyap ng pag-uusisa lamang, ngunit hindi na walang paggalang. Hindi, ang kanyang pagkilala ay isang matigas na pagkilala: tanging isang kaunting pagyuko ng ulo lamang. Subalit iyon ay isang pagbati na tinugunan ni Jesus nang magalang. Dalawa o tatlo pang mga Pariseo ang bumati sa Kanya, habang ang iba ay tumitingin nang mapanuya o nagkukunwaring nakatingin sa ibang direksiyon, isa lamang ang naghagis ng isang insulto at ang mga taong malapit kay Jesus ay nabigla, at kahit na si Johanan ay lumingon kaagad, dinudurog ng kanyang mga mata ang may-kagagawan, isang lalaki na mas bata kaysa sa kanya, na may matigas na kapuna-punang hitsura.

Nang sila ay makalampas at ang mga magbubukid ay nangahas na magsalita, ang isa sa kanila ay nagsabi: «Iyon ay si Doras, Guro, ang isang nanungayaw sa Inyo.»

«Hindi na bale. Nasa Akin kayo na nagpapalà sa Akin» tugon nang kalmante ni Jesus.

Nakasandal sa isang haligi ng arko ay naroon si Manaen may kasamang ibang mga tao, at nang kaagad makita niya si Jesus, itinaas niya ang kanyang mga kamay na may sigaw ng tuwa: «Ito ay tiyak na malugod na araw, natagpuan ko Kayo!» at siya ay kumilos patungo kay Jesus, sinusundan ng mga kasama niya. Kanyang pinagpipitaganan si Jesus sa ilalim ng malilim na arko, kung saan ang mga tinig ay umaalingawngaw katulad ng sa ilalim ng isang simboryo.

Habang binabati ni Manaen si Jesus, ang Kanyang mga pinsan na si Simon at si Jose ay dumaan malapit sa apostoladong grupo kasama ang ibang mga Nazareno… ngunit hindi man lamang sila bumati… si Jesus ay tinitingnan sila na nalulungkot ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano. Si Judas at Santiago ay naguusap nang balisa, si Judas ay nanginginig sa galit at lumayas, nilalabanan ang pagpipigil ng kanyang kapatid. Ngunit si Jesus ay tinawag siya na may nangingibabaw na tinig: «Judas, halika rito!» upang ang galit na anak ni Alfeo ay bumalik… «Hayaan lang sila. Katulad nila ang binhi na hindi pa nakaramdam ng panahon ng tagsibol. Pabayaan sila sa dilim ng walang-pakiramdam na tambak. Malalagos Ko rin iyan, kahit na kung ang tambak ay maging bato na nakabalot sa binhi. Gagawin Ko iyan pagdating ng araw.»

Ngunit ang pag-iyak ni Maria ni Alfeo, na nangungulila, ay naririnig nang mas malakas pa kaysa sa tugon ni Judas ni Alfeo. Ang mahabang pag-iyak ng isang naghihirap na tao… Ngunit si Jesus ay hindi tumatalikod upang paginhawahan siya bagama't ang kanyang pag-ungol ay malinaw-na-malinaw na naririnig sa ilalim ng arko umaalingawngaw.

Siya ay nagpatuloy sa pakikipagusap kay Manaen na nagsasabi sa Kanya: «Ang mga ito ay ang mga disipulo ni Juan at sumama sa akin. Katulad ko, ibig nilang maging sa Inyo.»

«Kapayapaan sa mabubuting disipulo. Nasa banda roon ay sina Matias, Juan at Simeon, na ngayon ay kasama Ko na mabuti na lang. Tinatanggap Ko kayo katulad ng pagtanggap Ko sa kanila, sapagkat ang lahat na nanggagaling sa banal na Precursor ay mahal sa Akin.»

Narating na nila ang bakuran ng Templo. Si Jesus ay nagbibigay ng mga tagubilin sa Iskariote at kay Simon Zealot para sa mga bibilhin sa ritwal at mga pag-aalay. Pagkatapos tinawag Niya si Juan, ang pari, at nagsabi sa kanya: «Dahil nanggaling ka sa lugar na ito, gumawa ng pagsasaayos na mag-anyaya ng ilang Levita na kilala mong magiging karapat-dapat na makaalam ng Katotohanan. Sapagkat sa taon na ito totoong makapagdiriwang Ako ng isang malugod na kapistahan. Hindi na kailan muli magiging napakakaaya-aya ang araw…»

«Bakit, aking Panginoon?» tanong ni Juan, ang eskriba.

«Sapagkat nasa Akin kayong lahat sa paligid Ko, lahat kayo, kung hindi sa pamamagitan ng inyong nakikitang presensya ito ay sa pamamagitan ng inyong mga kaluluwa..»

«Ngunit lagi kaming magiging ganito! At mas marami pa kasama namin» wika ng apostol na si Juan nang mariin. At ang lahat ay ginaya siya.

Si Jesus ay ngumingiti, ngunit nanatiling tahimik, habang si Juan, ang pari, ay umalis, patungo sa Templo, kasama si Stephen, upang isagawa ang utos. Si Jesus ay sinigawan sila: «Samahan ninyo kami sa Porch of the Pagans.»

Sila ay pumasok at halos kaagad natagpuan nila si Nicodemus, na yumuko nang malalim, ngunit hindi nilapitan si Jesus. Ngunit nakipagpalitan siya ng makahulugang ngiti kay Jesus na puno ng kapayapaan.

Habang tumitigil ang mga kababaihan kung sila pinahihintulutan, si Jesus ay sumama sa mga kalalakihan patungo sa lugar ng mga Hudyo, upang magdasal, at pagkatapos na magampanan ang ritwal, Siya ay bumalik upang samahan ang mga naghihintay sa Kanya sa Porch of the Pagans.

Ang napakalaki at mataas na mga beranda ay nagsisiksikan sa mga taong nakikinig sa mga pagtuturo ng mga rabbi. Si Jesus ay patungo sa lugar kung saan ang dalawang apostol at ang dalawang disipulo na pinauna ay nakatayo naghihintay sa Kanya. Siya pagkaraan ay napalibutan ng mga tao, dahil maraming mga tao, na nakakalat sa nagsisiksikan na marmol na korte, ang sumama sa mga apostol at mga disipulo. Ang pag-uusisa ay katulad na ang ilan sa mga disipulo ng mga rabbi ay lumapit din sa nakapaligid kay Jesus, ngunit hindi ko alam kung ginawa nila ito nang kusa o sila ay pinadala ng kanilang mga guro.

Si Jesus ay tuwiran silang tinanong: «Bakit kayo nagsisiksikan sa paligid Ko? Sabihin sa Akin. Mayroon kayong kilalang mga rabbi, na gustung-gusto ng lahat. Ako ay ang Di-kilala at Di-naiibigan na Isa. Kung gayon bakit kayo lumalapit sa Akin?»

«Sapagkat minamahal namin Kayo» tugon ng ilan, ang ilan ay nagsasabi: «Sapagkat ang Inyong mga salita ay iba sa mga salita ng iba pa», ang ilan: «Upang makita ang Inyong mga himala» o «Sapagkat napakinggan namin ang ibang mga tao na nagsalita tungkol sa Inyo» o: «Sapagkat Kayo lamang ang may mga salita ng eternal na buhay at mga gawang umaayon sa Inyong mga salita», at panghuli ang iba ay nagsasabi: «Sapagkat ibig namin sumama sa Inyong mga disipulo.»

Si Jesus ay tinitingnan ang mga tao habang sila ay nagsasalita, na tila ibig Niyang lagusin sila ng Kanyang mga mata at mabasa ang kanilang pinakatagóng mga kaisipan at ang iba sa kanila, na hindi makatagal sa Kanyang sulyap, ay umaalis o magtatago sa likuran ng isang haligi o sa likuran ng mga tao na mas matataas kaysa sa kanila.

Si Jesus ay nagpapatuloy: «Ngunit nalalaman ba ninyo ang ibig sabihin at kung ano ito na sundan Ako? Ako ay tumutugon sa mga salitang iyon lamang, sapagkat ang pag-uusisa ay hindi karapat-dapat ng tugon at dahil ang mga nagugutom para sa Aking mga salita ay kitang-kitang nagmamahal sa Akin at ibig na sumama sa Akin. Kung gayon, ang mga nagsalita ay pumorma ng dalawang grupo: ang mga mausisang tao na hindi Ko papansinin, at ang mga nagkukusa, na ibig Kong maturuan ng kabigatan ng bokasyon na iyan.

Ang sumunod sa Akin bilang isang disipulo ang ibig sabihin tatalikdan ang lahat ng damdamin para sa iisang pagmamahal lamang: sa Akin. Ang makasariling pagmamahal para sa sarili, ang makasalanang pagmamahal para sa mga kayamanan, pagkamakalaman o kapangyarihan, ang matapat na pagmamahal para sa asawa, ang banal na pagmamahal para sa ama’t ina, ang malalim na pagmamahal para sa at ng mga anak at mga kapatid, ay lahat kailangan na magbigay para sa Aking pagmamahal, kung ang isa ay ibig na maging Akin. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang Aking mga disipulo ay kailangan na maging mas malaya pa kaysa sa mga ibon na lumilipad sa kalangitan, mas malaya pa kaysa sa mga hangin na umiihip sa papawirin na walang kahit na ano o kahit na sino na magpipigil sa kanila. Kailangan nilang maging malaya, na walang mabibigat na tanikala, na walang mga tali ng materyal na pagmamahal, ni wala kahit ng manipis na mga sapot ng pinakamaliit na sagabal. Ang espiritu ay isang maselan na paruparo nakabalot sa mabigat na bahay-uod ng laman at kahit na ang nagbabalangaw na di-mararamdaman na sapot ng isang gagamba ay makapagpapabagal sa paglipad nito o patitigilin ito nang ganap: ang gagamba ng pagkamakalaman, ng kakulangan sa kaluwagan sa pagsasakripisyo. Ibig Ko ang lahat, na walang pagpipigil. Ang espiritu ay kailangan ang ganyang kalayaan at kaluwagan sa pagbibigay, upang matiyak na hindi ito nakasabid sa mga sapot ng mga damdamin, mga kaugalian, mga konsiderasyon, mga takot, ikinalat katulad ng kasing dami ng mga sinulid ng napakalaking gagamba na siyang si Satanas, ang magnanakaw ng mga kaluluwa.

Kung ang isa ay gustong sumama sa Akin at hindi napopoot sa isang banal na paraan sa ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, at sa sariling pinakabuhay niya, hindi siya magiging Aking disipulo. Sinabi Ko: “napopoot sa isang banal na paraan”. Sa loob ng inyong mga puso kayo ay nagsasabing: “Ang kapootan, katulad ng itinuro Niya sa atin, ay hindi kailanman banal. Kung gayon sinasalungat Niya ang Kanyang sarili”. Hindi. Hindi Ko sinasalungat ang Aking Sarili. Sinasabi Ko na kailangan na kapootan ninyo ang kabigatan ng pagmamahal, ang makalaman na pagiging madamdamin ng pagmamahal para sa inyong ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid na lalaki at babae, at para sa inyong pinakabuhay, sa kabaligtaran inuutos Ko sa inyo na mahalin ang mga kamag-anak at ang buhay sa pamamagitan ng magaang kalayaan ng mga espiritu. Mahalin sila sa Diyos at para sa Diyos, hindi kailanman ipinagpapaliban ang Diyos para sa kanila, pinagsisikapan at pinangangalagaan na madala sila kung saan ang disipulo ay nakarating na, ibig sabihin sa Diyos, ang Katotohanan. Mamamahal ninyo kung gayon ang Diyos at mga kamag-anak sa isang banal na paraan, pinangangalagaan ang bawat pagmamahal, upang ang pagkakaisa ng pamilya ay hindi magiging pabigat bagkus mga pakpak, hindi kapintasan, bagkus hustisya. Kailangan na kayo ay maging handa na kapootan kahit na ang inyong mga buhay upang masundan Ako. Kinapopootan niya ang kanyang buhay kung siya na hindi natatakot na mawala ito o magawa itong malungkot mula sa pantaong pananaw, ay gagamitin ito upang mapaglingkuran Ako. Ngunit ito ay isang hitsura lamang ng kapootan. Isang damdamin na napagkakamalang tawagin na “kapootan” ng tao na hindi maitaas ang sarili, sa dahilan na siya ay ganap na makalupa, nang kaunti superior sa mga hayop.

Sa katunayan ang ganyan na tila kapootan, na nilalaman ang pagkait sa sariling buhay ng panlaman na mga kasiyahan upang mabigyan ng higit at higit pang init ang buhay ng espiritu, ay pagmamahal. Ito ay pagmamahal, ng pinakamataas na antas at ang pinakabanal. Ang pagkaitan ang sarili ng mabababang kasiyahan, ang tanggihan ang panlaman na mga damdamin, ang makipagsapalaran na tumanggap ng di-makatarungang mga pagpuna, pangungutya at kaparusahan, bilang tinatanggihan, tinutungayaw at baka inuusig, lahat na isang pagkakasunud-sunod ng kapighatian. Ngunit kinakailangan na yakapin ang ganyang kapighatian at batahin ito, katulad ng isang krus, isang bitayan kung saan ang lahat na nakaraang pagkakamali ay pinagbabayarang-sala upang mapangatwiranan ng Diyos, mula kung Kanino makakakuha kayo ng bawat tunay, malaki, banal na grasya para sa ating mga minamahal. Siya na hindi nagbabata ng kanyang krus at hindi Ako sinusundan, siya na hindi magagawa iyan ay hindi maaaring maging Aking disipulo.

Kung gayon, kayo na nagsasabi: “Kami ay naparito sapagkat ibig naming sumama sa Inyong mga disipulo” ay kailangang isipin iyan nang mabuti. Iyan ay hindi isang kahihiyan, bagkus iyan ay karunungan na timbangin at husgahan ang sarili at tanggapin kapwa sa sarili at sa iba: “Hindi ako ginawa sa sangkap mula kung saan ginawa ang mga disipulo”. Ano? Ang mga hentil ay mayroon bilang isang batayan ng isa sa kanilang mga doktrina ang pangangailangan na “makilala ang sarili”, at kayo ba na mga Israelita ay hindi magagawa iyan upang kamtin ang Langit?

Sapagkat, tandaan ito, pinagpalà ang mga pumupunta sa Akin. Ngunit sa halip na pumunta upang pagtaksilan Ako at Siya na nagpadala sa Akin, mas mabuti pang huwag na lang pumunta, at manatiling mga anak ng Batas, katulad na kayo ay ganito magpahanggang ngayon. Kapahamakan ang darating sa mga, pagkatapos magsabing: “Ako ay pupunta”, ay makagagawa ng kasiraan sa Kristo sa pagiging ang mga nagtaksil sa Kristiyanong idea, ang mga tagapag-iskandalo ng maliliit at ng mabubuting tao! Kapahamakan ang darating sa kanila! Ngunit laging magkakaroon ng ilan sa kanila!

Kailangan kung gayon na gayahin ninyo siya na ibig na magtayo ng isang tore. Una pinag-aaralan niyang mabuti ang mga gagastahin at binibilang ang kanyang pera upang matiyak na siya ay mayroong sapat upang makumpleto ang trabaho, kung hindi, pagkatapos na mailatag ang pundasyon, baka kailangan niyang tumigil gawa ng kakulangan ng pera. Sa ganitong kaso mawawala sa kanya kung ano ang dating mayroon siya at maiiwanan na walang tore at walang mga talento at higit sa lahat siya ay pagtatawanan ng mga tao nagsasabing: “Nagsimula siyang magtayo ngunit hindi natapos ang trabaho. Mapupuno na niya ngayon ang kanyang tiyan ng mga labí ng kanyang di-tapos na gusali”.

Gayahin din ang mga hari sa lupa, sa paggamit ng kaawa-awang mga pangyayari sa mundo na maging may-pakinabang para sa mga sobrenatural na aral. Kapag ibig nilang makipagdigma sa isa pang hari, kalmante at maingat na tinitingnan ang lahat, ang sumasang-ayon at di-sumasang-ayon, tinitingnan nila kung ang benepisyo ng pakikipagdigma ay sulit sa buhay ng mga mamamayan, pinag-aaralan nila kung posibleng masakop ang lugar, kung ang kanilang puwersa, na kalahati lamang sa puwersa ng kaaway, subalit mas gustong makipagdigma, ay mananalo; at sa dahilan na tama sila sa pag-iisip na malayong manalo ang sampunlibo laban sa dalawampunlibo, bago makipagsalpukan sa kaaway, nagpadala sila ng mga sugo na may dalang mga regalo para sa katapat na hari, at kung gayon napakalma siya, dahil ang kanyang suspetsa ay napukaw na ng mga pagkilos-militar ng isa, nadesarmahan nila siya sa pamamagitan ng katibayan ng pakikipagkaibigan, naalis nila ang kanyang mga pagdududa at mga takot at gumawa sila ng isang kasunduan ng kapayapaan sa kanya, na lagi nang mas makakabuti kaysa sa isang digmaan, kapwa sa pantaong pananaw at sa espirituwal na punto de vista.

Iyan ang kailangan ninyong gawin bago simulan ang bagong pamumuhay at pakikipag-away sa mundo. Sapagkat ang maging Aking mga disipulo ay nagpapahiwatig ng pakikipaglaban sa masalimuot at marahas na takbo ng mundo, ng laman at ni Satanas. At kung sa inyong pakiramdam wala kayong lakas-ng-loob na bitawan ang lahat para sa kapakanan Ko, huwag kayong pumunta sa Akin, sapagkat hindi kayo maaaring maging Aking mga disipulo.»

«O sige. Ang Inyong sinasabi ay totoo» pagsang-ayon ng isang eskriba na humalo sa pulutong. «Ngunit kung huhubaran namin ang aming sarili ng lahat, sa pamamagitan ng kung ano namin Kayo pagsisilbihan? Ang Batas ay may nilalaman na mga utos na katulad ng pera na ibinigay ng Diyos sa tao upang sa paggamit nito mabili niya ang eternal na buhay. Sinasabi Ninyo: “Talikdan ang lahat” at binanggit Ninyo ang ama, ina, mga kayamanan, mga karangalan. Ang Diyos ay ibinigay din iyan sa amin, at sa pamamagitan ni Moses sinabi Niya sa amin na gamitin ito sa isang banal na paraan upang lumabas na makatarungan sa mga mata ng Diyos. Kung kukunin Ninyo ang lahat sa amin, ano ang Inyong ibibigay sa amin?»

«Totoong pagmamahal, katulad ng sinabi Ko, rabbi. Ibibigay Ko sa inyo ang Aking doktrina na walang inaalis kahit isang katiting sa lumang Batas, bagkus piniperpekto ito.»

«Kung gayon kami ay lahat mga disipulo, dahil kaming lahat ay may magkakaparehong bagay.»

«Lahat tayo ay mayroon niyan ayon sa Mosaic na Batas. Ngunit hindi lahat mayroon nito ayon sa Batas na ginawa Kong perpekto ayon sa Pagmamahal. Hindi lahat nagkakaroon nito sa magkakaparehong halaga ng mga merito. Kahit na sa pagitan ng Aking mga disipulo hindi lahat magkakaroon ng pari-parehong halaga ng mga merito at ang ilan ay hindi lamang na hindi magkakaroon, bagkus mawawalan ang tanging sentimos na mayroon sila: ang kanilang mga kaluluwa.»

«Ano? Ang binigyan ng marami ay maiiwanan ng mas marami. Ang Inyong mga disipulo, o kung baga ang Inyong mga apostol, ay sinusundan Kayo sa Inyong misyon at nalalaman ang Inyong pamamaraan ng pagkilos, at nagkaroon ng labis, ang Inyong totoong mga disipulo ay tumanggap nang labis, ang mga disipulo sa pangalan lamang ay tumanggap ng mas kaunti, at ang mga katulad ko na nakinig sa Inyo nang nagkataon lamang ay tumatanggap ng wala. Kitang-kita na ang Inyong mga apostol ay magkakaroon ng labis sa Langit, ang Inyong tunay na mga disipulo labis, ang Inyong mga disipulo sa pangalan lamang kulang, ang mga katulad ko wala.»

«Iyan ay kitang-kita ayon sa pantaong pananaw, ngunit kahit sa pantaong pananaw iyan ay mali. Sapagkat hindi lahat ang may kakayahan na pamungahin ng kita ang mga bagay na tinanggap. Makinig sa parabulang ito at patawarin ninyo Ako kung ang Aking pagtuturo ay napakahaba. Ngunit Ako ay isang langaylangayan na nagdaraan, at tumitigil Ako sa loob ng Bahay ng Ama nang panandalian lamang, dahil Ako ay pumarito para sa buong mundo, at dahil din ang maliit na mundong ito, na siyang ang Templo ng Herusalem, ay hindi Ako pahihintulutan na putulin ang Aking paglipad at manatili kung saan ang kaluwalhatian ng Panginoon ay tinatawag Ako.»

«Bakit Ninyo sinasabi iyan?»

«Sapagkat iyan ang katotohanan.»

Ang eskriba ay tumitingin sa kapaligiran at ibinaba ang kanyang ulo. Nakikita niya na iyon ay ang katotohanan dahil nakasulat ito sa mga mukha ng maraming miyembro ng Sanhedrin, ng mga rabbi at mga Pariseo na pinalalaki-nang-pinalalaki ang pulutong sa paligid ni Jesus. Mga mukhang naging kulay-berde sa kapaitan, o naging purpura sa galit, mga tingin na katumbas ng mga salita ng panunungayaw at ng dura ng lason, masasamang loob na nangangasim kahit saan, mithiin na maltratuhin ang Kristo, na nananatiling mithiin lamang dahil sa takot sa maraming mga tao na nakapaligid sa Guro na may pagmamahal at mga nakahanda para sa kahit anuman upang maipagsanggalang Siya, at baka dahil sa takot sa kaparusahan ng Roma, na mabuti ang pagtingin sa mababang-loob na Galilean na Guro.

Si Jesus ay kalmanteng nagpapatuloy nililinaw ang Kanyang kaisipan sa pamamagitan ng isang parabula: «Ang isang lalaki na papaalis na para sa isang mahabang paglalakbay, at sa gayon mawawala nang matagal-tagal, ay tinawag ang lahat niyang katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang lahat niyang kayamanan. Binigyan niya ang ilan sa kanila ng limang pilak na talento, ang iba dalawang pilak na talento, ang iba isang gintong talento: ang bawat isa ayon sa kanyang pusisyon at kakayahan. At pagkatapos siya ay umalis. Ngayon ang katulong na tumanggap ng limang pilak na talento, ay ipinangnegosyo ito nang maayos at pagkaraan ng ilang panahon kumita ito ng lima pa. Ang katulong na tumanggap ng dalawang pilak na talento, ay ito rin ang ginawa at nadoble ang halagang kanyang tinanggap. Ngunit ang katulong kung kanino nagbigay nang labis ang panginoon, isang talento ng purong ginto, ay nahintakutan na baka siya mabigo, nahintakutan sa mga magnanakaw at sa marami pang imahinasyon na mga idea at higit sa lahat napanghawakan ng katamaran, at naghukay siya ng isang malalim na balon sa lupa at itinago niya ang pera ng panginoon doon.

Maraming buwan ang dumaan at ang panginoon ay bumalik. Kaagad niyang tinawag ang kanyang mga katulong na ibalik ang pera na ipinagkatiwala sa kanila. Ang isang tumanggap ng limang pilak na talento ay lumapit at nagsabi: “Narito, aking panginoon. Binigyan ninyo ako ng lima. Sa dahilan na naisip ko na mali na hindi ko papagbungahin ng kita ang ibinigay Ninyo sa akin, ginawa ko ang magagawa ko at kumita ako ng lima pang talento. Hindi ko na magawa ang higit pa…” “Bueno, mabuti, aking mabuting matapat na katulong. Ikaw ay naging matapat, tumatrabaho at matapat sa kakaunti. Bibigyan kita ng karapatan sa mas malaki. Halika at samahan ang iyong guro sa kanyang kasayahan”. Ang sumunod ay ang lalaking binigyan ng dalawang talento at nagsabi: “Nangahas akong gamitin ang inyong pera. Naririto ang listahan kung papaano ko ginamit ang inyong pera. Kita ninyo? Noon ay may dalawang talento, ngayon ay mayroong apat. Nalulugod ba kayo, aking panginoon?” At ang panginoon ay binigyan ang mabuting katulong ng gayon ding tugon katulad ng sa nauna.

Sa huli ay dumating ang isa na lubos na pinagkakatiwalaan ng panginoon at na tumanggap ng isang gintong talento mula sa kanya. Kinuha niya ito mula sa baul at nagsabi: “Ibinigay ninyo sa akin ang pinakamahalaga sapagkat kilala ninyo ako na ako ay marunong at matapat, dahil alam ko na kayo ay walang-pinatatawad at mapaghanap at hindi ninyo mapahihintulutan ang mawalan kayo ng pera, ngunit kung datnan kayo ng kamalasan, ginagawan ninyo iyan ng remedyo kasama ang mga malapit sa inyo. Sa katunayan namimitas kayo mula sa kung saan hindi kayo naghasik at umaani kayo kung saan hindi kayo nagkalat ng binhi at hindi kayo nagbabayad ng kahit isang sentimos sa inyong bangko o sa inyong tagapamahala para sa kahit ano pa man na rason. Ang inyong pera ay kailangan na maging kung ano ang inyong sinasabi. Ngayon, sa dahilan na natatakot ako na mabawasan ang halaga ng kayamanan na ito, kinuha ko ito at itinago. Wala akong pinagkatiwalaang sinuman, ni hindi ang aking sarili. Hinukay ko na ito ngayon at ibinabalik ko ito sa inyo. Naririto ang inyong talento”.

«O di-makatarungang tamad na katulong! Totoo, hindi mo nga ako minahal, sapagkat hindi mo ako nakilala at hindi mo minahal ang aking kapakanan, sapagkat pinabayaan mo ito na maging hindi aktibo. Pinagtaksilan mo ang kompiyansa na ibinigay ko sa iyo at pinasinungalingan, inakusahan at isinumpa mo ang iyong sarili ng sarili mo mismo. Nalalaman mo na namimitas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani ako kung saan hindi ako nagkalat ng binhi, Bakit, kung gayon, hindi mo tinitiyak na may mapipitas at maaani ako? Ganyan ka ba magsukli sa kompiyansa ko sa iyo? Ganyan ba ang pagkakilala mo sa akin? Bakit hindi mo dinala ang pera sa bangko, upang makuha ko sana ang interes sa aking pagbalik? Maingat kong sinabi sa iyo kung papaano gawin iyan at ikaw, hangal na tamad na katulong, ay hindi mo isinaisip ang sinabi ko sa iyo. Ang iyong talento at ang lahat na iba pa ay kukunin sa iyo at ibibigay sa lalaki ng sampung talento”.

“Ngunit siya ay may sampu na, habang ang lalaking ito ay nawalan nito…” sila ay tumutol.

“At iyan ay tama. Siya na mayroon at nagtatrabaho sa pamamagitan ng mayroon siya, ay pagbibigyan ng marami pa at kahit na kalabisan pa. Ngunit siya na wala, sapagkat wala siyang gustong anuman, ay pagkakaitan din ng ibinigay na sa kanya. Ang tungkol sa walang pakinabang na katulong na nagtaksil sa aking pagtitiwala at pinabayaang walang magawa ang mga kaloob na binigay ko sa kanya, palayasin siya sa aking ari-arian at hayaan siyang umalis at lumuha at hayaan siyang mainggit”.

Iyan ang parabula. Katulad ng nakikita mo, rabbi, siya na may labis ay naiwanan ng kulang, sapagkat hindi siya karapat-dapat na angkinin ang kaloob ng Diyos. At hindi ibig sabihin na totoo na ang isa sa mga tinatawag mong mga disipulo sa pangalan lamang, mayroon kung gayon ng kakaunti na ipangnenegosyo, o kahit na ang isa sa mga nakikinig sa Akin nang nagkataon lamang, ayon sa sinasabi mo, at mayroon lamang ng kanilang mga kaluluwa bilang pera, ay hindi magtatagumpay na makakuha ang gintong talento pati ang interes nito, na kukunin mula sa isang napagbigyan nang pinakamalaki. Ang mga sorpresa ng Panginoon ay walang katapusan sapagkat ang reaksiyon ng tao ay walang katapusan. Makakakita ka ng mga Hentil na nararating ang eternal na buhay at mga Samaritano na magkakamit ng Langit, at makakakita ka ng mga purong Israelita at mga sumusunod sa Akin na nawawalan ng Langit at eternal na Buhay.»

Si Jesus ay naging tahimik na tila ibig Niyang bigyan ng katapusan ang debate at bumaling Siya patungo sa bakuran ng Templo.

Ngunit ang isang dalubhasa ng Batas, na naupong nakikinig nang husto sa ilalim ng beranda, ay tumayo at nakatayo sa Kanyang daan, tinanong Siya: «Guro, ano ang aking gagawin upang magkaroon ng eternal na buhay? Kayo ay tumugon sa iba, pakiusap na tumugon din sa akin.»

«Bakit ibig mo Akong tuksuhin? Bakit ibig mong magsinungaling? Umaasa ka ba na baka makapagsalita Ako ng iba sa nasa Batas dahil nagdagdag Ako ng mas maningning at mas perpektong idea rito? Ano ang nakasulat sa Batas? Sabihin sa Akin! Ano ang unang utos sa Batas?»

«”Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, nang buong talino mo. Mamahalin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili”.»

«Ang tugon mo ay tama. Gawin iyan at magkakaroon ka ng eternal na buhay.»

«At sino ang aking kapwa? Ang mundo ay puno ng mabubuti at masasamang tao, kilala at di-kilala, mapagkaibigan at mararahas sa Israel. Alin ang aking kapwa?»

«Ang isang lalaki na naglalakbay mula sa Herusalem pababa sa Jericho dumaraan sa tabi ng mga bangin ng bundok, ay nakasalubong ng mandarambong, na pagkatapos na sugatan siya nang malala, kinuha sa kanya ang lahat ng kanyang pag-aari at ang kanyang pinakadamit at iniwan siyang mas patay kaysa buhay sa gilid ng daan.

Ang isang pari, na nakatapos sa kanyang katungkulan sa Templo, ay naglalakbay nang pababa sa daan din na iyon. O! Nangangamoy pa siya ng insenso ng yaong Banal! At ang kanyang kaluluwa ay maaaring napabanguhan ng sobrenatural na kabaitan at pagmamahal, pagkatapos na makapanatili sa loob ng Bahay ng Diyos, halos nakakadikit ang Kataastaasan. Ang pari ay nagmamadali na makabalik sa bahay. Kung kaya't tiningnan niya ang may-sugat na lalaki ngunit hindi tumigil. Siya ay lumampas nang nagmamadali iniiwan ang kaawa-awang lalaki sa gilid ng daan.

Ang isang Levita ay dumaan. Kailangan ba niyang makuntamina, siya na maglilingkod sa Templo? Hindi kailanman. Binalumbon niya ang kanyang tunika upang sana hindi ito mamantsahan ng dugo, sinulyapan niya ang lalaki na umuungol sa loob ng kanyang dugo at binilisan ang kanyang paglakad pagawing Herusalem, pagawing Templo.

Ikatlo dumating ang isang Samaritano, na naglalakbay mula sa Samaria pagawing piyordo. Napuna niya ang dugo, siya ay tumigil, nakita ang sugatang tao sa dumidilim na takipsilim, bumaba siya sa kanyang sinasakyang hayop at nilapitan ang sugatang lalaki, na kanyang binigyan ng isang higop ng malakas at mabuting alak, pagkatapos pinunit niya ang kanyang manta upang makagawa ng mga bendahe, at magiliw na tinapalan ang mga sugat ng lalaki pagkatapos na mahugasan ito sa suka at malagyan ng langis. Isinakay niya ang lalaki sa kanyang kabayo at maingat na pinasunod ang hayop, hinahawakang kasabay ang lalaki, pinasisigla siya sa pamamagitan ng may-kabaitang mga salita, na hindi nag-aalala tungkol sa lahat ng problema o naiinis sapagkat ang lalaki ay isang Hudyo. Nang makarating siya sa bayan, dinala niya ang lalaki sa bahay-panuluyan, binantayan siya sa buong magdamag at nang umaga na, nakikita na siya ay mabuti-buti na, ipinagkatiwala niya siya sa namamahala ng panuluyan, binabayaran siya ng paunang bayad sa pamamagitan ng ilang dinari at nagsasabing: “Tingnan-tingnan siya katulad na titingnan mo ako. Sa aking pagbabalik babayaran ko anuman ang nagastos mo pa, nang may dagdag, kung gagawin mo ang lahat nang maayos”. At siya ay umalis.

Sabihin mo sa Akin ngayon, dalubhasa ng Batas. Alin sa mga tatlong ito ang isang “kapwa” para sa lalaki na nakatagpo ng mandarambong? Ang pari kaya? O ang Levita kaya? O hindi ba ito ang Samaritano na hindi na nagtanong kung sino ang sugatang lalaki, kung bakit siya nasugatan, kung baka nagagawa niya ang maling bagay sa pagtulong sa kanya, nagsasayang ng oras at pera at pumapasok sa piligro na baka siya ay mapagbintangan pa?»

Ang dalubhasa ng Batas ay tumugon: «Ang huling dumaan, na naawa sa kanya, ay ang kanyang “kapwa”.»

«Gawin din ang ganito at mamamahal mo ang iyong kapwa at ang Diyos sa iyong kapwa at magiging karapat-dapat ka ng eternal na buhay.

Walang sinuman ang maglakas-loob na magsalita at sinamantala ni Jesus ang sitwasyon upang masamahan ang mga kababaihan na naghihintay sa Kanya malapit sa bakuran at bumalik sa bayan kasama sila. Ang magkasamang pari ay sumama na ngayon sa mga disipulo, o kung baga: isang pari at isang Levita, isang kapita-pitagang matanda ang una, isang napakabata ang huli.

Si Jesus ay nagsasalita na ngayon sa Kanyang Ina, na si Marjiam nasa gitna, sa pagitan Niya at ni Maria. At tinanong ni Jesus si Maria: «Napakinggan ba Ninyo Ako, Inay?»

«Oo, Anak, at ang Aking kalungkutan ay naidagdag sa kalungkutan ni Maria ni Clopas. Umiyak siya nang kaunti bago pumasok sa Templo…»

«Alam Ko, Inay. At alam Ko kung bakit. Ngunit kailangan na huwag siyang umiyak, bagkus magdasal.»

«O! labis siyang nagdarasal! Nang nakaraang mga gabi, sa kanyang tolda, habang natutulog ang kanyang mga anak, siya ay nananalangin at lumuluha. Napapakinggan Ko siya sa pamamagitan ng manipis na partisyon ng mga sanga. Ang makita sina Jose at Simon mga ilang hakbang lamang ang layo, napakalapit, subalit labis na nahahati…! At hindi lamang siya ang tanging umiiyak. Si Johanna, na tila kalmanteng-kalmante, ay matagal nang umiiyak kasama Ako…»

«Bakit, Inay?»

«Sapagkat si Chuza… ay umaasal… nang ibang-iba. Kung minsan sumasang-ayon siya kay Johanna sa lahat. Kung minsan sinasalungat niya siya sa lahat. Kung sila ay nag-iisa kung saan walang nakakakita sa kanila, si Chuza ay ang pangkaraniwan na pambihirang asawa. Ngunit kung may ibang mga tao, ng korte siyempre, na kasama niya, diyan siya nagiging diktador at mapagmataas sa kanyang mapagpakumbabang asawa. Hindi ni Johanna maintindihan kung bakit…»

«Masasabi Ko sa Inyo. Si Chuza ay katulong ni Herodes. Intindihin Ninyo Ako, Inay. “Katulong”. Hindi Ko sasabihin kay Johanna, upang huwag siyang masaktan. Ngunit iyan kung ano si Chuza. Kung hindi siya natatakot na siya ang sisisihin o pagtatawanan ng kanyang hari, siya ay mabuting Chuza. Ngunit kapag kinatatakutan niya iyan, hindi na siya ganyan.»

«Ito ay dahil galit-na-galit si Herodes dahil kay Manaen at…»

«Ito ay dahil si Herodes ay nabaliw ng nakaraang pagsisisi sa pagbibigay kay Herodias. Ngunit si Johanna ay may labis nang kasayahan sa buhay. Sa ilalim ng kanyang maliit na korona, kailangang suutin niya ang kanyang magaspang na belo.»

«Si Annaleah ay lumuluha din…»

«Bakit?»

«Sapagkat ang kanyang katipan ay naliligaw ng daan… laban sa iyo.»

«Sabihin sa kanya na huwag umiyak. Iyan ay isang sulusyon. Isang grasya ng Diyos. Ang kanyang sakripisyo ay ibabalik si Samuel sa Kabutihan. Sa pansamantala maiiwan siyang malaya sa anumang nagpapabigat tungkol sa pagpapakasal. Pinangakuan Ko siya na isasama Ko siya. Mauuna siya sa Akin sa kamatayan…»

«Anak!...» si Maria ay idinidiin ang kamay ni Jesus, habang lubos na namumutla ang Kanyang mukha.

«Mahal na Ina! Ito ay alang-alang sa mga tao. Nalalaman Ninyo. Ito ay para sa pagmamahal sa mga tao. Ating inumin ang ating kopa na may mabuting kalooban. Tama ba iyan?»

Si Maria ay pinigilan ang Kanyang mga luha at tumugon: «Oo». Isang makabagbag damdamin na «oo».

Si Marjiam ay tumingala at nagsabi kay Jesus: «Bakit sinasabi Ninyo ang mga nakakatakot na salitang iyan na nagpapamighati kay Inay? Hindi ko papayagan na Kayo ay mamatay. Ipagsasanggalang ko Kayo katulad sa pagsasanggalang ko sa mga tupa.»

Si Jesus ay hinahaplos siya at upang maitaas ang espiritu ng nalulungkot na dalawa, tinanong Niya ang bata: «Ano na ba ang ginagawa ng iyong mga tupa ngayon? Hindi ka ba naniniphayo sa kanila?»

«O! Kasama ko Kayo! Ngunit lagi ko silang naiisip at nagtatanong ako: “Nadala na kaya ni Porphirea sila sa pastulan? at maaasikaso kaya niya na si Foam ay hindi dapat makapunta sa lawa?”. Si Foam ay napakalikot, alam N’yo? Ang kanyang ina ay tawag nang tawag sa kanya… na walang mangyari! Ginagawa niya ang gusto niya. At si Snow, siya ay matakaw-na-matakaw kumakain siya nang kumakain hanggang sa siya ay magkasakit. Nalalaman ba Ninyo, Guro? Alam ko kung ano ang maging isang pari sa Ngayon Ninyo. Mas nakaiintindi ako kaysa sa iba. Sila (at itinuturo niya ang mga apostol na mga naglalakad sa likuran) maraming malalaking salita ang kanilang sinasabi, gumagawa sila ng napakaraming mga plano… para sa hinaharap. Sasabihin ko: “Ako ay magiging pastol para sa mga tao, katulad na ako ay pastol para sa mga tupa. At sapat na iyan”. Ang Inay ko at Ninyo ay nagkuwento sa akin kahapon ng isang magandang pasahe tungkol sa mga propeta… at nagsabi Siya sa akin: “Ang ating Jesus katulad-na-katulad lang niyan”. At sa aking puso sinabi ko: ”Ako ay magiging ganyan din”. Pagkatapos sinabi ko sa ating Ina: “Pansamantala ako ay isang kordero, pagkaraan ako ay magiging isang pastol. Si Jesus sa halip sa kasalukuyan ay ang Pastol at Siya rin ang Kordero. Ngunit lagi Kayong ang babaeng-Tupa, aming mahal, maputi, magandang babaeng-Tupa, na ang Kaninong mga salita ay mas matamis pa kaysa sa gatas. Iyan kung bakit si Jesus ay ganyang klaseng tupa: sapagkat Siya ay ipinanganak Ninyo, ang Maliit na Tupa ng Panginoon”.»

Si Jesus ay yumuko at hinalikan siya nang magiliw. Pagkatapos sinabi Niya sa kanya: «Kung gayon gusto mo talagang maging isang pari?»

«Siyempre, aking Panginoon! Iyan kung bakit nagsisikap akong maging mabuti at matuto nang labis. Lagi akong pumupunta kay Juan ng Endor. Tinatrato niya akong isang lalaki at nang napakabait. Ibig kong maging ang pastol ng tupa na kapwa nailigaw at di-nailigaw, at ang doktor na pastol ng mga nasugatan o naghihirap gawa ng mga pilay, katulad ng sinasabi ng Propeta. O! Gaano kaganda!» at ang bata ay tumalon pinapalakpak ang mga kamay.

«Ano ang nakuha ng Blackcap na ito na siya ay napakasaya?» tanong ni Pedro lumalapit.

«Nakita niya ang kanyang daan. Nang malinaw-na-malinaw. Hanggang sa katapusan. At Akin kinokonsagra ang kanyang bisyon nang may pagsang-ayon Ko.»

Sila ay tumigil sa harapan ng isang gusali, na, kung hindi ako nagkakamali, ay malapit sa distrito ng Ophel, subalit sa mas pinong lugar.

«Tayo ba ay titigil dito?»

«Ito ang bahay na inaalok sa Akin ni Lazarus para sa ating malugod na bangkete. Si Maria ay naririto na.»

«Bakit hindi siya sumama sa atin? Sa takot na siya ay tuyain?»

«O! hindi! Sinabi Ko sa kanya.»

«Bakit, Panginoon?»

«Sapagkat ang Templo ay mas sensitibo kaysa sa isang asawang nagdadalang-tao. Hangga’t sa magagawa Ko, at hindi dala ng karuwagan, ayaw Ko silang makabangga.»

«Magiging walang silbi iyan sa Inyo, Guro. Kung ako Kayo, hindi ko lamang sila babanggain, bagkus itatapon ko sila pababa mula sa Moriah kasama ang lahat na mga nasa loob nito.»

«Ikaw ay isang makasalanan, Simon. Ang isa ay kailangan na magdasal para sa kanyang kapwa nilikha, hindi patayin sila.»

«Ako ay isang makasalanan. Ngunit Kayo ay hindi… at… kailangan na gawin Ninyo iyan.»

«May gagawa niya. Pagkatapos na ang sukat ay mapuno na.»

«Aling sukat?»

«Isang sukat na mapupuno ang buong templo, umaapaw sa Herusalem. Hindi mo maiintindihan… O! Martha! Buksan mo ang iyong bahay sa Peregrino!»

Si Martha ay ipinakilala ang kanyang sarili at binuksan ang pinto. Lahat sila ay pumasok sa -isang mahabang bulwagan nagtatapos sa isang may-lakaran na bakuran may nag-iisang punungkahoy sa bawat sulok ng apat na sulok. May isang malaking bulwagan sa itaas ng unang palapag at mula sa mga nakabukas na bintana nito posibleng makita ang buong bayan kasama ang mga burol at mga dalisdis nito. Sa gayon nabatid ko na ang bahay ay nasa timog o timog-silangan na tabi ng bayan.

Ang mesa ay may hain para sa maraming panauhin. Maraming mesa ang inayos nang magkakatabi. Mga sandaan katao ang maaaring makakain nang komportable rito. Si Maria ng Magdala, na abala sa loob ng imbakan na silid, ay dumating at nagpatirapa sa harapan ni Jesus. Pagkatapos si Lazarus ay dumating na may masayang ngiti sa kanyang banat na mukha. Ang mga panauhin ay pumasok nang unti-unti, ang ilan ay kung baga napapahiya, ang ilan ay mas nakatitiyak sa sarili. Ngunit ang kabaitan ng mga kababaihan ay nagawa silang lahat na mapanatag.

Si Juan, ang pari, ay ipinakikilala kay Jesus ang dalawa na kanyang dinala mula sa Templo. «Guro, ang aking mabuting kaibigan na si Jonathan at ang aking bata-pang kaibigan si Zachariah. Sila ay mga tunay na Israelita na walang malisya o masamang kalooban.»

«Kapayapaan sa inyo. Masaya Akong napunta kayo. At ritwal ay kailangan na masunod din sa magagandang kaugalian na ito. At maganda rin na ang lumang Pananampalataya ay nagbibigay ng mapagkaibigang kamay sa bagong Pananampalataya na nanggaling sa gayon ding pinanggalingan. Maupo sa tabi Ko habang naghihintay para sa hapunan.»

Ang patriarkal na si Jonathan ay nagsasalita, habang ang bata-pang Levita ay mausisang tumitingin sa kapaligiran, at tila namamangha at medyo nahihiya. Sa aking palagay ibig niyang maging mapanatag, ngunit sa katotohanan katulad niya ang isang isdang nasa labas ng tubig. Mabuti na lang si Stephen ay dumating upang matulungan siya at dinadala sa kanya, paisa-isa, ang mga apostol at ang mga disipulo.

Ang matandang pari ay nagsasabi hinahaplos ang kanyang maputing balbas: «Nang si Juan ay pumunta sa akin, kanyang guro, upang ipakita sa akin na siya ay napagaling, ibig ko Kayong makilala. Ngunit, Guro, halos hindi ako lumalabas sa aking bakuran. Ako ay matanda na… Ngunit umaasa ako na makita Kayo bago mamatay. At si Jehovah ay pinakinggan ako. Pagpalain nawa Siya! Ngayon napakinggan ko Kayo sa Templo. Nalalampasan Ninyo ang matandang si Hillel. Ayaw kong magduda, hindi, hindi ko mapagdududahan na Kayo ang hinihintay ng aking puso. Ngunit nalalaman ba Ninyo kung ano ang makainom sa loob ng halos walumpung taon ng pananampalataya ng Israel katulad ng kinalabasan nito sa loob ng mga siglo ng… pangangasiwa ng tao? Ito ay naging aming dugo. At ako ay matandang-matanda na! Ang mapakinggan Kayo ay katulad ng mapakinggan ang tubig na tumutulak mula sa isang malamig na bukal. O! oo! Isang birhen na tubig! Ngunit ako… ako ay puno ng pagod na tubig na nanggagaling sa napakalayo… at napabigat ng napakaraming mga bagay. Papaano ko maaalis ang pagkakatigmak na iyan at kalugdan Kayo?»

«Sa paniniwala at pagmamahal sa Akin. Wala nang iba pa ang kakailanganin para sa makatarungan na Jonathan.»

«Ngunit ako ay malapit nang mamatay! Magkakaroon ba ako ng panahon upang mapaniwalaan ang lahat na sinasabi Ninyo? Ni hindi ko na rin masusundan ang lahat ng Inyong mga salita o matutunan ito mula sa ibang mga tao. Kung gayon?»

«Matututunan mo ito sa Langit. Tanging ang isinumpang kaluluwa lamang ang namamatay sa Karunungan. Ngunit siya na namamatay sa grasya ng Diyos ay kumukuha ng buhay at namumuhay sa Karunungan. Sino Ako sa palagay mo?»

«Kayo bagkus ay maaaring ang Hinihintay na Isa, Na siyang ipinanguna ng anak ng aking kaibigan na si Zachariah. Nakilala ba Ninyo siya?»

«Siya ay Aking kamag-anak.»

«O! Kung gayon isa Kayong kamag-anak ni Juan Bautista?»

«Oo, pari.»

«Siya ay patay na… at hindi ko masasabi: “kaawa-awang tao!”. Sapagkat namatay siyang matapat sa katarungan, pagkatapos na magampanan ang kanyang misyon at dahil… O! ang nakakatakot na mga araw na ating kinabubuhayan! Hindi ba mas mabuting bumalik kay Abraham?»

«Oo. Ngunit mas nakakatakot pang mga araw ang darating, pari.»

«Sa palagay ba Ninyo? Ang Roma, eh?»

«Hindi lamang ang Roma. Ang may-pagkakamaling Israel ay ang magiging unang dahilan.»

«Totoo iyan. Ang Diyos ay hinahampas tayo. Karapat-dapat tayo nito. Ngunit ang Roma din… Napakinggan ba Ninyo ang tungkol sa mga Galilean na pinapatay ni Pilato habang sila ay naghahandog ng isang sakripisyo? Ang kanilang dugo ay humalo sa dugo ng biktima. Malapit sa pinaka-altar!»

«Oo, napakinggan Ko ang tungkol diyan.»

Ang lahat na Galilean ay nagsimulang magkagulo dahil sa gawang kalupitan na iyon. Sila ay sumisigaw: «Totoo na siya ay isang huwad na Mesiyas. Ngunit bakit patayin ang kanyang mga tagasunod pagkatapos na hampasin siya? At bakit sa sandaling iyon? Sila ba kaya ay mas malalaking makasalanan?»

Si Jesus ay naghatid ng kapayapaan at pagkatapos nagsabi: «Nagtatanong kayo kung sila ay mas malalaking makasalanan kaysa sa maraming ibang mga Galilean at kung sila ba ay pinatay dahil diyan? Hindi, hindi sila. Sasabihin Ko sa inyong totoo na sila ay nagbayad at marami pang iba ang magbabayad kung hindi kayo babaling sa Panginoon. Kung hindi kayo magtitika, kayong lahat ay pare-parehong mawawala, kapwa sa Galilee at sa ibang lugar pa. Ang Diyos ay galit sa Kanyang sambayanan. Sinasabi Ko sa inyo. Kailangan na huwag ninyong isipin na ang mga nahampas ay ang pinakamasama. Ang bawat isa sa inyo ay kailangan na suriin at husgahan ang sarili, at walang iba. Ang labing walong tao rin na binagsakan ng tore ng Siloam at napatay nito, ay hindi ang pinaka-makasalanan sa Herusalem. Sinasabi Ko sa inyo. Magtika kung ayaw ninyong madurog katulad nila, sa inyo ring mga kaluluwa. Halika, pari ng Israel. Ang pagkain ay handa na. Katungkulan mong mag-alay at pagpalain ang pagkain, sapagkat ang pari ay dapat na laging pinararangalan para sa Idea na kanyang pinangangatawanan at tinatawagan sa ating mga isip, at ito ay katungkulan mo sapagkat ikaw ay isang patriyarka sa pagitan namin, at kaming lahat ay mas nakababata sa inyo.»

«Hindi, Guro! Hindi! Hindi ko magagawa iyan sa presensya Ninyo! Kayo ay ang anak ng Diyos!»

«Nag-aalay ka ng insenso sa harapan ng altar! At ikaw kaya ay hindi naniniwala ng ang Diyos ay naroroon?»

«Oo, pinaniniwalaan ko iyan! Nang aking buong lakas!»

«Bueno, kung gayon? Kung hindi ka natatakot na mag-alay sa presensya ng Kabanalbanalang Kaluwalhatian ng Kataastaasan, bakit ka matatakot sa presensya ng Maawain na Isa, Na inilagay sa Sarili ang laman ng tao upang dalhin din sa inyo ang pagpapalà ng Diyos bago dumating ang gabi sa iyo? O! kayong mga tao sa Israel ay hindi nalalaman na tinakpan Ko ng talukbong na laman ang Aking di-matatagalang Dibinidad, upang ang tao ay sana malapitan ang Diyos at hindi mamatay dahil diyan. Halika, maniwala at maging masaya. Pinagpipitaganan Ko sa iyo ang lahat na banal na mga pari, mula kay Aaron hanggang sa kanya na magiging huling pari ng Israel na may Hustisya, kayo, baka, sapagkat ang makaparing kabanalan ay totoong nawawala sa pagitan natin, katulad ng isang pinababayaang tanim.»

210711

 

 


Sunod na kabanata