299. Sa Nain, sa Bahay ni Daniel na Ibinangon Mula sa Kamatayan,

Oktubre 12, 1944.

Ngayon ay kapistahan para sa mga mamamayan ng Nain. Si Jesus ay ang kanilang panauhin sa unang pagkakataon mula pa nang himala sa bata-pang si Daniel, na ibinangon mula sa kamatayan.

Si Jesus ay patungo sa bayan, nagpapalà, pinangungunahan at sinusundan ng isang malaking bilang na mga tao. Ang sambayanan ng Nain ay nasasamahan ng mga dumarating mula sa ibang mga nayon, na mga nanggaling sa Capernaum, kung saan sila pumunta sa paghahanap kay Jesus, at mula kung saan sila ay pinapunta sa Cana at pagkatapos sa Naim. Sa palagay ko ngayon na si Jesus ay marami nang disipulo, Siya ay naglagay na ng isang sistema na mapagkukunan ng impormasyon, upang ang mga peregrino na naghahanap sa Kanya ay matatagpuan Siya, bagama't patuloy ang Kanyang pagkilos, kahit man kaunting milya isang araw, na naipahihintulot ng panahon at ng maiikling araw. At kasama sa mga naghahanap sa Kanya, ay may ilang mga Pariseo at mga eskriba, maaaring magagalang…

Si Jesus ay panauhin sa bahay ng binata na ibinangon mula sa kamatayan. Ang mga kilalang-kilala ng lugar ay nag-ipun-ipon din doon. At ang ina ni Daniel, nang kanyang makita ang mga eskriba at mga Pariseo – pito sa kanila, katulad ng nakamamatay na mga kasalanan – ay may kababaang-loob na inanyayahan sila, humihingi ng paumanhin na hindi siya makapagbigay ng mas karapat-dapat na matutuluyan.

«Naririyan ang Guro, babae, at iyan ang nagkakabit ng malaking importansiya kahit na sa isang kuweba. Ngunit ang iyong bahay ay mahigit pa sa isang kuweba at amin itong pinapasok nagsasabing: “Kapayapaan sa iyo at sa iyong sambahayan”.»

Ang babae sa katotohanan, bagama't siya ay tiyak na hindi mayaman, ay ginagawa ang kanyang makakayanan upang maparangalan si Jesus. Ang lahat na mayayamang pamilya sa Nain ay tiyak na nakapasok sa mga listahan, nagtulung-tulong upang maadornohan ang bahay at ang hapag-kainan. At ang iba't ibang mga babae na nagkatulungan ay sumusulyap, mula sa lahat na posibleng mga lugar, sa grupo na dumaraan sa bulwagan patungo sa dalawang silid, na magkaharap, kung saan ang maybahay na babae ay naglagay ng mga ahin sa mga mesa. Baka iyon lamang ang lahat na kanilang hiniling, bilang kapalit ng kanilang pagpahiram ng mga gamit sa kusina, mga mantel at mga upuan, at para sa pagtrabaho sa kusina: ang makita ang Guro sa malapitan at masinghot ang hanging Kanyang ihinihinga. At ngayon sila ay makikita rito at doon, namumula, natatakpan ng harina o mga abo, o may basang tumutulong mga kamay, ayon sa kanilang gawain sa kusina; pinagmamasdan nila Siya nang husto, kinukuha nila ang kanilang maliit na bahagi ng dibinong tanawin, ng dibinong tinig, iniinom sa pamamagitan ng kanilang mga mata at mga tainga ang Kanyang mabait na pagpapalà at hitsura at nagmumukha silang nasisiyahan kapag bumabalik sila sa kalan ng kusina, sa mga paminggalan at lababo, mas mapupula pa kahit kailanman.

Ang pinakamasaya ay ang isa na nakasama ng maybahay na babae sa pagbibigay ng mga palanggana para sa ablusyon ng mga naging panauhin. Siya ay bata-pang babae maitim ang buhok at ang mga mata, ngunit ang kanyang kutis ay may bahid ng rosal. At siya ay mas lalo pang namumula nang ang maybahay na babae ay pinaalam si Jesus na siya ay ang kasintahan ng kanyang anak at sila ay malapit nang ikasal. «Kami ay naghintay sa Inyo upang ang buong sambahayan ay sana mapabanal ninyo. Pakiusap na siya ay Inyo ring pagpalain, upang siya ay sana maging isang mabuting asawa sa loob ng bahay na ito.»

Si Jesus ay tinitingnan siya, at sa dahilan na ang maliit na nobya ay yumuyuko, Kanyang ipinatong ang Kanyang kamay sa kanyang ulo nagsasabing: «Harinawang ang mga birtud nina Sarah, Rebeca at Rachel ay muling yumabong sa iyo at sana manganak ka ng tunay na mga anak ng Diyos, para sa Kanyang kaluwalhatian at sa kasayahan ng bahay na ito.»

Sina Jesus at ang mga kilalang tao ay nakatapos na ng ritwal ng puripikasyon at kanila nang pinapasok ang silid-kainan, kasama ang bata-pang maybahay na lalaki, habang ang mga apostol at ang mga di-masyadong maimpluwensiyang mga tao ng Nain ay pumunta sa katapat na silid. At ang bangkete ay nagsimula.

Mula sa kanilang paguusap nabatid ko na bago nagsimula ang aking bisyon, si Jesus ay nagturo at nagpagaling ng mga maysakit sa Nain. Ngunit ang mga Pariseo at mga eskriba ay hindi ito masyadong binibigyan ng pansin; sila, sa halip, ay nagpipilit ng mga tanong sa sambayanan ng Nain tungkol sa mga detalye ng sakit na siyang ikinamatay ni Daniel, ilang oras ang dumaan sa pagitan ng kanyang kamatayan at ng kanyang pagkabuhay muli, at kanilang itinatanong kung nakumpleto ang pag-iimbalsamo sa kanya, atbp. Si Jesus ay hindi Niya binibigyan ng pansin ang ganitong mga pag-iimbestiga at nakikipagusap Siya sa binatang nabuhay-muli na mabuting-mabuti ang kalagayan at kumakain nang ganadung-ganado.

Ngunit ang isang Pariseo ay tinawag si Jesus upang tanungin Siya kung nalalaman Niya ang tungkol sa sakit ni Daniel.

«Ako ay parating mula sa Endor nang di-sinasadya, sa dahilan na ibig Kong mabigyan nang kasiyahan si Judas ng Kerioth katulad na napagbigyan ko si Juan ni Zebedeo. Ni hindi Ko nalalaman na dadaanan Ko pala ang Nain nang nagsimula kami ng aming perigrinasyon para sa Paskuwa» tugon ni Jesus.

«Ah! Hindi ba Kayo sadyang pumunta sa Endor?» tanong ng namamanghang eskriba.

«Hindi. Wala Ako ni kaunting balak na pumuna roon, nang panahong iyon.»

«At bakit ang kapritsong iyon?»

«Upang makita ang kuweba ng manggagaway.»

«Baka kaya nagsalita Kayo tungkol diyan…»

«Hindi kailanman! Walang dahilan na Ako ay magsalita tungkol diyan.»

«Ibig kong sabihin… baka dahil sa episodyong iyan nagpaliwanag Kayo tungkol sa iba pang panggagaway, upang mapasimulan ang Inyong mga apostol sa…»

«Saan? Upang mapasimulan ang sinuman sa kabanalan, hindi kinakailangan ang mga perigrinasyon. Ang isang selda o isang tigang na lupa, isang taluktok ng bundok o isang nangungulilang bahay ay magsisilbing gayon din: maliban na may paghihigpit-ng-sinturon at kabanalan sa nagtuturo, at may kalooban na maging banal sa disipulo. Iyan ang Aking itinuturo at wala nang iba pa.»

«Ngunit ang mga himala na ginagawa na ngayon ng Inyong mga apostol ano ang mga ito kung hindi mga kababalaghan at…»

«Kalooban ng Diyos. Iyan lang. At habang sila ay mas nagiging banal, mas marami pang himala ang kanilang magagawa, sa pamamagitan ng dasal, pagpapakasakit at pagsunod sa Diyos. Wala nang iba pang pamamaraan.»

«Nakatitiyak ba Kayo tungkol diyan?» tanong ng isang eskriba hawak-hawak ang kanyang baba sa kanyang kamay at tinitingnan si Jesus nang pababa at pataas. Ang kanyang tono ng pananalita ay medyo mapanuya at nagpapakita ng awa.

«Ibinigay Ko sa kanila ang mga armas na iyan at ang doktrinang iyan. Kung sa pagitan nila, at ito ay marami, may magiging masama sa pamamagitan ng mabababang gawain, dala ng pagmamalaki o iba pang mga rason, hindi manggagaling sa Akin ang ganyang payo. Makapagdarasal Ako na makita ang may-kagagawan na matubos. Makagagawa Ako ng mahirap na pagtitika sa pagbabayad-sala, pinakikiusapan ang Diyos na tulungan lalo na siya sa pamamagitan ng liwanag ng Kanyang karunungan upang sana makita niya ang kanyang pagkakamali. Makaluluhod Ako sa kanyang paanan upang pakiusapan siya nang lahat ng Aking pagmamahal ng Kapatid, Guro at Kaibigan upang iwanan niya ang kanyang kasalanan. At hindi Ko titingnan iyan na isang pagpapakahiya, sapagkat ang halaga ng isang kaluluwa ay sulit na ipagpakahirap ang anumang pagpapakahiya upang mailigtas ang kaluluwang iyan. Ngunit wala na Akong magagawa pang iba. At kung pagkatapos ng lahat magpatuloy siya sa kanyang pagkakamali, ang mga mata at puso ng pinagtaksilang Guro at Kaibigan ay iiyak ng luha at dugo.» Gaanong kabaitan at kalungkutan ang nasa tinig at hitsura ni Jesus!

Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagkakatinginan sa isa’t isa. Nagpapalitan sila ng makahulugang mga sulyap, ngunit hindi na sila nagsasalita pa ng tungkol sa paksa.

Sa halip kanilang tinatanong si Daniel. Naaalaala ba niya kung ano ang kamatayan? Ano ang kanyang pakiramdam nang siya ay nabuhay muli? At ano ang kanyang nakita sa puwang sa pagitan ng kamatayan at buhay?

«Alam ko na naghihirap ako gawa ng isang mortal na sakit at dinanas ko ang aguniya. O! anong nakakatakot na bagay! Huwag ninyo akong gawin na maalaala ito!... Subalit ang araw ay darating kung saan ito ay aking paghihirapan muli! O! Guro…» Kanya niyang tinitingnan Siya at siya’y takot-na-takot upang siya’y namutla sa idea na ito ay kanyang daranasin muli.

Si Jesus ay may-kabaitan na pinagiginhawahan siya nagsasabing: «Ang kamatayan ay mismong pagbabayag-sala. Sa pagkamatay nang dalawang beses ikaw ay ganap na malilinisan ng iyong mga pagkakamali at ikaw ay kaagad na magsasaya sa Langit. Gawin na ang kaisipang ito ay magawa kang pamuhayan mo ang isang banal na buhay, upang ikaw ay sana magkaroon lamang ng mga di-sinasadya at benyal na mga pagkakamali.»

Ngunit bumalik sa pag-aatake ang mga Pariseo: «Ngunit ano ang naramdaman mo nang ikaw ay nabuhay muli?»

«Wala. Ako ay buhay at malusog na tila ako ay nagising mula sa isang matagal na malalim na pagkatulog.»

«Ngunit naalaala mo ba na ikaw ay namatay?»

«Naalaala ko na ako ay lubos na may sakit, nasa aguniya, at iyan lamang.»

«At ano ang naaalaala mo tungkol sa kabilang daigdig?»

«Wala. Wala roon. Isang maitim na butas, isang walang-lamang espasyo sa aking buhay… Wala.»

«Kung gayon, ayon sa iyo, walang Limbo, walang Purgatoryo, walang Impiyerno?»

«Sino ang nagsasabing wala? Siyempre mayroon. Ngunit hindi ko naaalaala ang mga ito.»

«Ngunit natitiyak mo ba na ikaw ay patay?»

Ang sambayanan ng Nain ay nawalan ng pasyensiya: Siya ba ay patay? Ano pa ba ang gusto ninyo? Nang amin siyang inilagay sa ataul, siya ay malapit nang mangamoy. Maging ano pa man, sa pamamagitan ng lahat na mga balsamong iyon at mga bendahe kahit na ang isang higante ay mamamatay!»

«Ngunit hindi mo ba maalaala na ikaw ay patay na?»

«Sinabi ko na sa inyo na hindi ko maalaala» ang binata ay nawawalan na ng kanyang pasyensiya at idinagdag niya: «Ngunit ano ba ang ibig ninyong mangyari sa pamamagitan ng mga tanong na ito? Na ang buong nayon ay nagkukunwari na ako ay patay, kasama na ang aking ina at aking kasintahan, na namamatay na sa pagdadalamhati sa kanyang higaan, pati ako, natatakpan ng mga bendahe at iimbalsamo, habang ang lahat ay hindi totoo? Ano ang sinasabi ninyo? Na sa Naim kami ay lahat bata o mga tanga ginaganahan sa pagbibiro? Ang buhok ng aking ina ay namuti sa loob ng kaunting mga oras lamang. Ang aking kasintahan ay kinailangan na tingnan ng manggagamot sapagkat ang kapighatian at saya ay halos nagawa siyang baliw. At ito ay inyong pinagdududahan? At bakit naman namin gagawin ang lahat na ito?»

«Bakit? Totoo iyan! Bakit naman namin gagawin iyan?» bulalas ng mga taga-Nain.

Si Jesus ay hindi nagsasalita. Pinaglalaruan ng Kanyang mga daliri ang mantel na tila Siya ay wala roon. Ang mga Pariseo ay hindi malaman kung ano ang sasabihin… Ngunit Siya ay nagsalita nang bigla na lamang, nang ang paguusap sa paksa ay tila natapos na, at Kanyang sinabi: «Sasabihin Ko sa inyo kung bakit. Sila (at Kanyang itinuturo ang mga Pariseo at mga eskriba) ay ibig patunayan na ang iyong pagkabuhay-muli ay isang may-katusuhan na larong ginawa upang lumaki ang Aking reputasyon sa madla. Ako, ang imbentor, kayo ang mga kasabwat upang malinlang ang Diyos at ang ating kapwa. Hindi. Iniiwan Ko ang pandaraya sa mga walang-halagang tao. Hindi Ako nangangailangan ng panggagaway, o mga taktika o mga kasabuwat upang Ako ay maging Ako. Bakit ibig ninyong pagkaitan ang Diyos ng kapangyarihan na maibigay ang isang kaluluwa sa isang katawan? Kung naglilikha Siya ng isang kaluluwa at ibinibigay ito kapag ang katawan ay binubuo, hindi ba Niya maibabalik ito sa katawan, kapag ang kaluluwa, na ibinabalik sa katawan sa pamamagitan ng panalangin ng Kanyang Mesiyas, ay isang pangganyak para sa maraming tao na pumunta sa Katotohanan? Maipagkakait ba ninyo sa Diyos ang kapangyarihan ng himala? Bakit ibig ninyong ipagkait ito?»

«Ikaw ba ay Diyos?»

«Ako Siya Na Ako nga. Ang Aking mga himala at Aking doktrina ay pinatutunayan kung sino Ako.»

«Ngunit bakit hindi siya makaalaala habang ang mga espiritu na pinananawagan ay nakapagsasabi kung ano ang susunod na mundo?»

«Sapagkat ang kaluluwang ito ay nagsasalita ng katotohanan, napabanal katulad nito ng pagtitika ng isang unang kamatayan, sa halip ang sinasabi ng mga labì ng mga nigromante ay hindi ang katotohanan.»

«Ngunit si Samuel…»

«Si Samuel ay dumating sa pamamagitan ng utos ng Diyos, hindi ng manggagaway, upang ihatid sa taksil ng Batas ang pasya ng Panginoon, Na hindi kailangan na pagtawanan sa Kanyang mga utos.»

«Kung gayon bakit ito ginagawa ng Iyong mga disipulo?» Ang mapagmataas na tinig ng isang Pariseo, na nagtaas ng tinig sa dahilan na nasaktan ang damdamin, ay nakakuha sa atensiyon ng mga apostol, na mga nasa katapat na silid, naihihiwalay ng isang koridor nang mahigit kaunting isang yarda ang lawak, ngunit hindi nakahiwalay sa pamamagitan ng mga pintuan o mabibigat na kurtina. Nang kanilang mapakinggan ang kanilang sarili na siyang tinutukoy, sila ay tumayo at pumunta nang walang-ingay sa koridor upang makinig.

«Sa ano nila ginagawa ito? Magsalita nang prangko, at kung ang inyong mga akusasyon ay totoo, babalaan Ko sila na huwag gumawa ng kahit ano laban sa Batas.»

«Nalalaman ko kung sa ano nila ginagawa ito, at maraming tao pa ang nakaaalam din. Ngunit sa dahilan na nagbabangon Kayo ng mga patay at sinasabi Ninyo na Kayo ay mahigit pa sa isang propeta, alamin Ninyo ito mismo. Tiyak na hindi namin sa Inyo ito sasabihin. ano pa man ang mangyari, may mga mata Kayo na nakakakita rin ng iba pang mga bagay na ginawa ng Inyong mga apostol, kung kailan hindi ito dapat gawin, o hindi nila ginawa, kung kailan kailangan itong gawin. At hindi Ninyo pinapansin.»

«Sabihin ninyo sa Akin ang ilan nito.»

«Bakit ang Inyong mga disipulo ay nilalabag ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Nakita namin sila ngayon. Ngayon din! Wala pang isang oras ang nakararaan! Sila ay pumunta sa silid-kainan upang kumain na hindi pinadadalisay ang kanilang mga kamay bago pa man!» Kung ang mga Pariseo ay nagsabi: «at pumatay sila ng mga mamamayan bago pa man» hindi sila makapagsasalita sa gayong nakakatakot na pamamaraan.

«Pinagmasdan ninyo sila, siyempre. Napakaraming mga bagay ang kailangan na makita. Mabubuti at magagandang bagay na nagagawa tayo nitong pagpalain ang Panginoon para sa paglilikha o pagpapahintulot sa mga gayong bagay at para sa pagbibigay sa ating ng ating mga buhay upang sana makita natin ang mga ito. Subalit sa kabila nito hindi ninyo ito pinagmamasdan. At marami pang iba ang gumagawa ng ginagawa ninyo. Ngunit nag-aaksaya kayo ng inyong panahon at ng inyong kapayapaan sa paghahanap ang mga bagay na hindi magaganda.

Nagmumukha kayong katulad ng mga jackal, o mas mabuti pa, katulad ng mga ayena tumatakbo sa isang may-mabahong-amoy na daan, hindi pinapansin ang mga alon ng mga pabango na dala ng hangin mula sa mga hardin na puno ng aromatikang mga yerba. Ang mga ayena ay hindi ibig ang mga liryo at mga rosas, ang mga hasmin at alkampor, ang sinamon at mga clove. Sa kanila ang mga ito ay hindi magagandang amoy. Ngunit ang baho ng isang nabubulok na labí sa ilalim ng isang bangin, o sa isang daanan ng kariton, o nakabaon sa ilalim ng matinik na halaman kung saan dito ito itinapon ng isang mamamatay-tao, o nadala ng masalimuot mga alon, magà, nagkukulay-lila, sabog, nakakatakot, O! iyan ay isang kasiya-siyang amoy para sa mga ayena. At habang ang hanging gabi ay lumalapot at dinadala nito ang lahat na amoy na nailabas ng araw mula sa lahat na mga bagay na napainitan nito, sila ay sisinghot upang maamoy ang di-tiyak na nakaaanyayang amoy, at kapag ito ay kanilang natuklasan at malaman kung saan ito nanggagaling, sila ay tatakbo, na ang kanilang mga nguso nasa ere, pinakikita ang kanilang hubad na mga ngipin sa kanilang nanginginig na mga panga, katulad ng isang nagdidiliryong tawa, upang pumunta kung nasaan ang nabubulok na labí . At maging ito man ay labí ng isang tao o ng isang kuwadrupedo, o isang ahas na napatay ng isang magbubukid, o isang layas-na-pusa na napatay ng isang maybahay, o maging ito ay isang kaawa-awang daga, O! gaganahan sila nito! At kanilang ibabaon ang kanilang mga pangil sa nakasusukang amoy, magpipista sila at didilaan ang kanilang mga labî…

Ngunit ito ay isang walang kuwentang bagay, kung ang ilang mga tao ay uunlad sa kabanalan araw-araw! Ngunit kung iisa lamang ang nagkamali, o mas marami ang nakalilimot sa hindi isang dibinong utos, bagkus isang pantaong kaugalian – maaari ninyong tawagin itong tradisyon, alituntunin, ayon sa ibig ninyo, ngunit ito ay laging isang pantaong bagay - diyan ito napupuna. At ang isa ay susundan kahit isang suspetsa… upang magsaya, kung ang suspetsa ay totoo.

Kayo na mga pumunta rito nang hindi dala ng pagmamahal, o pananampalataya o katapatan, bagkus para sa masamang pakay, sabihin sa Akin: bakit ninyong nilalabag ang kautusan ng Diyos, alang-alang sa inyong tradisyon? Sasabihin ba ninyo sa Akin na ang isang tradisyon ay mahigit pa sa isang Kautusan? Samantalang sinabi ng Diyos: “Igalang ang inyong ama’t ina, ang sinuman na magmura sa ama o ina ay kailangan na mamatay”! Sa halip sinasabi ninyo: “Sinuman ang nagsasabi sa kanyang ama’t ina: ang kailangan na magkaroon kayo mula sa akin ay corban[1] ay hindi na obligado na magbigay sa kanyang ama’t ina”. Kung gayon sa pamamagitan ng inyong tradisyon kinansela ninyo ang kautusan ng Diyos.

Mga mapagkunwari! Nakapagsalita nang tama si Isaiah tungkol sa inyo nang hinulaan niya: “Ang sambayanang ito ay pinararangalan Ako sa pamamagitan ng kanilang mga lábi lamang habang ang puso nito ay malayo sa Akin, kung gayon pinararangalan nila Ako nang walang kabuluhan dahil itinuturo nila ang pantaong doktrina at mga kautusan”.

At habang binabale-wala ninyo ang mga alituntunin ng Diyos, pinananatili ninyo ang mga tradisyon ng mga tao, ang mga ablusyon ng mga amphora at mga kalis, ng mga pinggan at mga kamay at iba pang gayong mga bagay. Habang pinangangatwiranan ninyo ang kawalang-pasasalamat at kasakiman ng isang anak, sa pag-aalok sa kanya ng pasubali ng isang sakripisyo upang maaari na siyang hindi magbigay ng isang piraso ng tinapay sa mga nagluwal sa kanya at nangangailangan ng kanyang tulong at kung kanino kanyang katungkulan na bigyan ng parangal, sapagkat sila ay kanyang mga magulang, kayo ay naiiskandalo sapagkat ang isa ay hindi naghuhugas ng kanyang mga kamay. Binabago at nilalabag ninyo ang salita ng Diyos upang masunod ang mga salita na inimbento ninyo at ipinasusunod ninyo bilang mga alituntunin. Kung gayon pinoproklama ninyo ang inyong mga sarili bilang mas makatarungan pa kaysa sa Diyos. Ibinibigay ninyo sa inyong mga sarili ang mga karapatan ng mga lehislador, samantalang ang Diyos lamang ang Lehislador ng Kanyang sambayanan. Kayo…» at Siya’y magpapatuloy, ngunit ang marahas na grupo ay lumabas, sa bulwagan ng mga akusasyon, nabubunggo ang mga apostol at ang mga nasa loob ng bahay, mga panauhin o mga babaeng tumutulong sa maybahay na babae, at ng mga nag-ipun-ipon sa koridor, nakuha ang pansin sa pamamagitan ng kumukulog na tinig ni Jesus.

Si Jesus, na nakatayo na, ay umupo ulit, kinakawayan ang lahat na mga naroroon na pumasok sa Kanyang kinaroroonan, at Siya ay nagsabi sa kanila: «Makinig sa Akin at intindihin ang katotohanan. Wala sa nasa-labas ng tao na pumapasok sa kanyang bunganga ang makapagpaparumi sa kanya. Ang kung ano ang lumalabas mula sa bunganga ang makapagpaparumi sa kanya. Hayaan ang mga may tainga na makarinig at gamitin ang kanilang pangangatwiran na makaintindi at ang kanilang kalooban na kumilos. At ngayon tayo na. Sambayanan ng Nain, magpursige sa mabuti at harinawang ang Aking kapayapaan ay laging sumainyo.»

Siya ay tumayo, nagpapaalam sa maybahay na lalaki at lalo na sa maybahay na babae at Siya ay lumakad sa koridor. Ngunit nakita Niya ang mapagkaibiganin na mga babae, na mga nagigiliw sa pagtingin sa Kanya at Siya ay lumakad patungo sa kanila nagsasabing: «Kapayapaan din sa inyo. Harinawang gantimpalaan kayo ng Langit para sa pagtulong ninyo sa Akin sa pamamagitan ng gayong pagmamahal na hindi Ko ikinalungkot ang hapag-kainan ng Aking Ina. Nadama Ko ang inyong makainang pagmamahal sa bawat mumo ng tinapay, sa bawat sawsawan at piraso ng inihaw, sa matamis na pulot at sa malamig na pinabanguhang alak. Mahalin ninyo Ako lagi nang ganyan, o mabubuting babae ng Nain. Ngunit huwag magtrabaho nang mabigat para sa Akin sa susunod. Ang isang pirasong tinapay at isang dakot ng mga olibo, na may makainang mga ngiti ninyo at may matapat na mabuting mga tingin ninyo, ay sapat-na-sapat na para sa Akin. Maging masaya sa loob ng inyong mga tahanan sapagkat ang pasasalamat ng Inuusig na Isa ay nasa inyo at Siya ay umaalis napaginhawahan ng inyong pagmamahal.»

Ang mga babae, lumuluha sa kanilang kasayahan, ay lahat nasa kanilang mga tuhod, at sa pagdaan Kanyang hinihipo nang magaan ang kanilang maputi o maitim na mga ulo, isa-isa, pinagpapalà sila. Pagkatapos Siya ay lumabas at muling naglakad nang palayo…

Ang maagang mga kulay ng gabi ay itinatago ang matinding kaputlaan ni Jesus, Na labis na pinasasamà ang loob gawa ng napakaraming bagay…


031211

 

 

¹ Corban: pang-alay sa Diyos, lalo na ang isa na ginawa sa pagtupad ng isang pangako.


Sunod na kabanata