3. Si Anna, Nananalangin sa Loob ng Templo, Nakamtan ang Kanyang Hinihiling.

Agosto 23, 1944.

¹Bago isulat ang sumusunod, ibig kung magbigay ng isang paalaala.

Ang bahay ay tila sa akin hindi ang kilalang-kilalang bahay sa Nazareth. Ang lugar, man lamang, ay ibang-iba. Ang lootan din na hardin ay mas malaki at sa kabila nito mga bukid ang makikita, hindi marami, ngunit ito ay naroroon. Pagkaraan, noong si Maria ay kinasal na, may iisa na lamang na lootan, malaki, ngunit hindi hihigit sa isang lootan: at hindi ko nakita sa ibang mga bisyon kahit kailan ang silid na nakita ko. Hindi ko malaman kung dahil sa pananalapi pinagbili ng mga magulang ni Maria ang bahagi ng kanilang ari-arian o kung si Maria, noong iniwan Niya ang Templo, ay lumipat sa ibang bahay na baka ibinigay sa Kanya ni Jose. Hindi ko maalaala kung sa mga nakaraang bisyon at mga tagubilin nagkaroon ako ng maliwanag na palatandaan na ang bahay sa Nazareth ay ang bahay kung saan Siya pinanganak.

Ang aking ulo ay napabibigatan nang labis ng pagod. At pagkatapos, lalo na sa mga diktasyon, nakakalimutan ko kaagad ang mga salita, bagama't ang utos ay nananatiling nasa aking isip at napaliliwanagan nito ang aking kaluluwa. Ngunit ang mga detalye ay naglalaho kaagad. Kung pagkaraan ng isang oras kailangan kong ulitin ang napakinggan ko, maliban sa isa o dalawang mga pangungusap, hindi ko na malaman ang iba pa. Ang mga bisyon, sa halip, ay nananatiling malinaw sa aking isip sapagkat kinailangan ko itong panuurin mismo. Napapakinggan ko ang mga diktasyon ngunit nakikita ko ang mga bisyon. Kung gayon ito ay nananatiling maliwanag na nasusundan ng aking isip sa pamamagitan ng iba’t ibang yugto.

Ako’y umaasa na magkakaroon ng deklarasyon tungkol sa bisyon kahapon. Sa halip wala.

²Nagsisimula na akong makakita at Ako’y magsusulat.

Sa labas ng mga pader ng Herusalem, sa mga burol at sa pagitan ng mga punong-olibo, ay may isang malaking pulutong. Kamukha nito ang isang malaking palengke. Ngunit wala ritong mga kubol. Walang mga sumisigaw na mga nagdudunung-dunungan o mga nagtitinda. Walang pinagbibiling mga hayop. May magagaspang na delanang mga tolda, tiyak na panlaban sa tubig-ulan, mga nakabitin sa mga posteng ibinaon sa lupa, at may sariwang mga sanga na nakatali sa mga poste, nagbibigay ng dekorasyon at praktikal na pampalamig. Ang ibang mga tolda, sa halip, ay ganap na gawa sa mga sanga na itinusok sa lupa at itinaling magkakakabit, kung gayon napoporma ang isang berdeng mga tunel. Sa ilalim ng bawat tolda ay nariyan ang mga tao ng bawat edad at katayuan sa buhay, mga nagkukuwentuhan nang mapayapa at masinsinan, na may paminsan-minsan na pag-iyak ng isang bata na sumisira sa katahimikan.

Ngayon ay ang pagdating na ng gabi at ang mga apoy ng maliliit na lampara ng langis ay pakurap-kurap sa buong kakaibang kampo. Sa paligid ng mga lampara ilang mga pamilya ang naghahapunan nakaupo sa lupa, ang mga ina hawak ang kanilang maliliit na anak sa ibabaw ng kanilang mga lapi. Marami sa mga sanggol na ito ang nakakatulog sa pagod na may hawak pang kapiraso ng tinapay sa loob ng kanilang munting rosas na mga daliri habang ang kanilang maliliit na ulo ay bumabagsak sa dibdib ng kanilang mga ina, katulad ng mga sisiw sa ilalim ng mga pakpak ng inaheng manok. Ang mga ina ay tinatapos ang kanilang pagkain, hangga't magagawa nila, na ang bawat isa may iisang kamay lamang ang libre, habang ang isa pa ay hawak ang bata sa kanyang dibdib. Pansamantala ang ibang mga pamilya ay hindi pa naghahapunan at naguusap-usap pa sa kalabuan ng takipsilim, sa paghihintay na maihanda ang pagkain. Maliliit na sulo ang sinisindihan dito at doon, at ang mga ginang ay abala sa palibot ng mga ito. Ang mabagal na medyo may-hapis na mga awit ang nagpapatulog sa mga bata na nahihirapan na makatulog.

Sa itaas ay naroroon ang isang magandang maliwanag na kalangitan, na padilim na nang padilim sa pagkakulay asul hanggang sa ito ay magmukhang isang napakalaking maitim na mala-asul-asul na malambot na telang kisame. Sa kisameng ito, sa paunti-unti, ang di makitang mga manggagawa at mga nagdedekorasyon ay naglalagay ng mga batong-hiyas at panggabing mga lampara, ang iba nakabukod, ang iba nakahanay sa kakaibang heometrikong disenyo, kasama rito ang nangingibabaw na Great Bear at ang Little Bear, sa korte ng isang kariton, na ang mga panulay ay nakasandal sa lupa pagkatapos na maalis ang baka mula sa pamatok nito. Ang Pole Star ay ngumingiti sa lahat ng kaningningan nito.

Natalos ko na ngayon ay Oktubre sapagkat ito ang sinasabi ng malakas na tinig ng isang mamâ: «Ang buwan ng Oktubreng ito ay maganda bihirang-bihira ang ganito noong mga nakaraang taon!»

³Naririto si Anna dumarating galing sa isang sulo may dalang kung ano sa kanyang mga kamay, nakapatong sa isang piraso ng tinapay na malaki at patag katulad ng isang keyk at nagsisilbi ring isang trey. Ang maliit na si Alfeo ay nakakapit sa kanyang damit at ngawngaw nang ngawngaw sa kanyang maliit na tinig. Si Joachim, noong makita si Anna na dumarating, ay nagmadaling sinindihan ang kanyang lampara; siya ay nasa pamasukan ng kanyang maliit na kubo gawa sa mga sanga at nakikipagusap sa isang lalaki na mga tatlumpung taong gulang, na binabati ni Alfeo mula sa malayo sa matiling tinig: «Itay.»

Si Anna sa kanyang maringal na paglakad ay dumaraan sa hilera ng mga kubo. Siya ay maringal, subalit mapagpakumbaba.  Siya ay hindi mayabang sa kaninuman. Binuhat niya ang isang bata ng isang maralitang babae, dahil ang makulit ay nadapa sa paanan ni Anna habang tumatakbong katulad ng isang buhong. Dahil narumihan ang kanyang mukha at siya'y umiiyak, pinunasan siya ni Anna, inaruga at isinasauli sa kanyang ina na tumakbo nang papunta sa kanila at humihingi ng paumanhin. Si Anna ay nagsabi sa kanya: «O! walang anuman ito. Mabuti na nga at hindi niya nasaktan ang kanyang sarili. Siya ay isang magandang bata. Ilang taon na siya?»

«Tatlong taon. Siya ang aking ikalawa sa bunso at may hinihintay akong isa pa malapit na. May anim na lalaki ako. Ngayon ibig kong magkaroon ng isang babae… Malaking bagay ang isang babae sa kanyang ina…»

«Ang Kataastaasan ay pinakonsuwelohan ka nang labis, babae!» buntung-hininga ni Anna.

At ang babae ay nagpatuloy: «Oo. Ako ay mahirap, ngunit ang mga bata ay ang aming lugod at ang malalaki na ay nakakatulong na sa mga gawain. At, Ginang (kitang-kita na si Anna ay nasa mataas na katayuan sa lipunan at ang babae ay natatalos ito), ilan ang inyong anak?»

«Wala.»

«Wala?! Hindi ba’t ang isang ito ay sa inyo?»

«Hindi, siya ay ang anak ng isang napakabuting kapitbahay. Siya ang aking konsuwelo…»

«Ang inyo ba ay namatay o…?»

«Hindi ako nagkaroon ng kahit isa.»

«O!» Ang abang babae ay tinitingnan siya naaawa.

Si Anna ay nagpaalam sa kanya, lubos na nagbubuntung-hininga, at pumunta sa kanyang kubo.

«Napaghintay kita, Joachim. Ako ay napigilan ng isang maralitang babae, ang ina ng anim na mga lalaki. Isipin mo iyon! At may hinihintay siyang isa pa malapit na.»

Si Joachim ay nagbubuntung-hininga.

Ang ama ni Alfeo ay tinatawag siya, ngunit siya ay tumugon: «Ako ay mananatili kay Anna. Tutulungan ko siya.» Ang lahat ay napatawa.

«Hayaan siya. Hindi niya kami ginagambala. Wala pa siyang obligasyon sa Batas. Dito o diyan siya ay bagkus isang maliit na ibon na kumakain» sabi ni Anna. At siya ay naupo ang bata nasa kanyang lapi binibigyan ng ilang keyk at, sa palagay ko, ilang inihaw na isda. Nakikita ko na siya ay may ginagawa na kung ano sa isda bago ibigay ito kay Alfeo; baka nag-aalis ng tinik. Napakain na niya nang una ang kanyang asawa. Siya ang kakaing huli.

Ang gabi, ay mas nagsisiksikan pang lalo sa mga bituin at ang kampo sa mga ilawan. Pagkaraan, sa unti-unti, maraming ilawan ang nawala. Ito ay ang mga lampara ng mga nauna nang naghapunan at ngayon mga natutulog na. Ang ingay din ay unti-unting nababawasan. Wala nang mga tinig ng mga bata ang maririnig. Tanging ang ilan na mga sanggol na lamang na hindi pa nakabitaw sa kanilang mga ina ang nagtataas ng kanilang katulad-sa-kordero na mga tinig sa paghahanap ng gatas ng kanilang mga ina. Ang gabi ay bumubuga ng hininga nito sa mga lugar at sa mga tao at pinapawi ang mga kirot at mga alaala, pag-asa at masasamang damdamin. O, baka ang huling dalawa ang nananatili sa mga panaginip, bagama't napagagaanan ito ng tulog.

Si Anna ay nagsabi sa kanyang asawa habang pinatutulog sa kanyang mga bisig si Alfeo na inaantok na: «Kagabi ako ay nanaginip, na sa susunod na taon pupunta ako sa Banal na Siyudad para sa dalawang kapistahan, sa halip na isa lang. At ang isa ay ang pag-aalay ng aking anak sa Templo… O! Joachim!...»

«Umasa, Anna. Wala ka bang nadamang iba pa? Ang Panginoon ba ay hindi bumulong ng kahit ano sa iyong puso?»

«Wala. Tanging isang panaginip lamang…»

«Bukas ay ang huling araw ng pananalangin. Ang lahat na mga alay ay naialay na. Ngunit atin itong gagawin ulit bukas, nang solemne. Makakamtan natin ang ating hinihingi mula sa Diyos sa pamamagitan ng ating matapat na pagmamahalan. Lagi kong iniisip na iyan ay mangyayari sa iyo katulad na ito ay nangyari kay Anna ni Elkanah.»

«Ipagkaloob sana ito ng Diyos… at sana may isang magsasabi sa akin ngayon: “Humayo sa kapayapaan. Ang Diyos ng Israel ay naipagkaloob na ang grasyang hinihingi mo!”»

«Kung ang grasya ay dumating, ang iyong anak ay sasabihin iyan sa iyo tumataob sa unang pagkakataon sa loob ng iyong sinapupunan; at iyan ay ang tinig ng isang inosente, kung gayon tinig ng Diyos.»

Ngayon ang kampo ay  tahimik na  sa kadiliman. Si Anna rin ay dinala na si Alfeo sa katabing kubo, at inilagay siya sa higaan malapit sa kanyang maliliit na kapatid, na mga tulog na. Pagkatapos siya ay nahigang katabi ni Joachim at ang kanilang lampara ay namatay na rin: isa sa mga maliliit na bituin sa lupa. Mas maganda ang mga tala sa arko ng langit na nananatiling nakabantay sa tulog na sangkatauhan.

                                             ---------------------------------------------------------

 

jesus sinab

⁵Sinasabi ni Jesus:

«Ang mga makatarungan ay laging marurunong, sapagkat, bilang mga kaibigan ng Diyos, sila ay namumuhay na kasama Siya at tinuturuan Niya, oo, Niya, ang Walang-Hangganang Karunungan.

Ang Aking mga lolo’t lola ay makatarungan at kung gayon taglay nila ang karunungan. Mauulit nilang tamang-tama ang sinasabi sa Aklat, inaawit ang mga papuri ng Karunungan ayon sa ibig sabihin nito: “Ito ay siya na aking minahal at hinanap mula pa nang aking kabataan: nagpasya akong siya ang magiging aking nobya”.

Si Anna ni Aaron ay ang malakas na babae na siyang binabanggit ng aming Ninuno. Si Joachim, isang inapo ng haring si David, ay hindi naghanap ng labis na alindog at kayamanan bilang birtud. Si Anna ay nagtataglay ng isang dakilang birtud. Ang lahat na banal na mga katangian ay nagsama-samang katulad ng isang mabangong kumpol ng mga bulaklak upang maging isang magandang bagay na nagkaroon noon: ang pambihirang Birtud na ito. Isang tunay na birtud, karapat-dapat na mailuklok sa harapan ng trono ng Diyos.

Si Joachim kung gayon ay napakasalan nang dalawang beses ang karunungan. “minamahal siya nang higit pa kaysa sa sino pa mang ibang babae”: ang Karunungan ng Diyos na nakaluklok sa puso ng isang makatarungang babae. Si Anna ni Aaron ay walang ibang hinahanap bagkus ang idugtong ang kanyang buhay sa buhay ng isang matuwid na lalaki, nakatitiyak na ang lugod ng pamilya ay nakasalalay sa pagkamatuwid. ⁶At upang maging ang kabuuan ng “malakas na babae” nagkukulang na lamang siya ng korona na mga anak, ang kaluwalhatian ng nag-asawang babae, ang katwiran ng kasal, ang isang binabanggit ni Solomon, dahil para sa kanyang kaligayahan wala siyang mga anak, ang mga bulaklak ng isang punungkahoy na naging kaisa ng katabing púno at nagkaroon gawa nito ng masaganang bagong bunga, kung saan ang dalawang mabuting kalidad ay nagkasama, sapagkat hindi siya kailanman dumanas ng kahit anong kabiguan dahil sa kanyang asawa.

⁷Bagamat siya’y tumatanda na at naging asawa na ni Joachim sa loob ng maraming mga taon, siya ay para kay Joachim laging “ang esposa ng kanyang kabataan, kanyang lugod, ang pinakamamahal na nasa likuran, ang mayuming batang usa”, na ang kaninong mga haplos ay laging may sariwang alindog ng unang gabi ng kasal at magiliw na humahalina sa kanyang pagmamahal, pinananatili itong kasing sariwa ng isang bulaklak na winisikan ng hamog, at kasing init ng isang apoy na pinananatiling umaapoy. Kung gayon, sa kanilang sinasapit, ang kanilang kawalang mga anak, nagsasalita sila sa isa’t isa ng “mga salitang nagpapaginhawa sa kanilang mga naiisip at sa kanilang mga problema”.

⁸At ang eternal na Karunungan, noong dumating na ang panahon, bukod sa tinuturuan sila nang gising, pinaliliwanagan sila sa pamamagitan ng mga panaginip sa gabi, mga bisyon ng tula ng kaluwalhatian na darating mula sa kanila at siya ngang ang Kabanalbanalang Maria, ang Aking Ina. Kung ang kanilang kababaang-loob ay nagawa silang mag-alinlangan, ang kanilang mga puso ay nanginig sa pag-asa sa unang pahiwatig ng pangako ng Diyos. May katiyakan na sa mga salita ni Joachim: “Umasa… Makukuha natin ang ating hinihingi mula sa Diyos sa pamamagitan ng ating matapat na pagmamahal”. Nangangarap sila ng isang anak: nakuha nila ang Ina ng Diyos.

⁹Ang mga salita ng aklat ng Karunungan ay lumalabas na isinulat para sa kanila: “Sa pamamagitan niya magkakaroon ako ng kaluwalhatian sa harapan ng mga tao… sa pamamagitan niya, ang inmortalidad ay magiging akin at mag-iiwan ako ng walang-kamatayang alaala sa mga papalit sa akin”. Ngunit upang makuha ang lahat na ito kinailangan nilang maging mga henyo ng isang tunay at tatagal na birtud na walang anumang pangyayari ang makawawasak. Birtud ng pananampalataya. Birtud ng Karidad. Birtud ng Pag-asa. Birtud ng kalinisan. Ang kalinisan ng isang mag-asawa. At ang basal na higaan ng mga mag-asawa ay binabantayan ng mga anghel at mula sa mga ito bumababa ang mabubuting anak na ginagawa ang birtud ng kanilang mga magulang na siyang panuntunan ng kanilang mga pamumuhay.

¹⁰Ngunit nasaan na sila ngayon? Ngayon ang mga anak ay hindi na ginugusto, ni ang kalinisan. Sasabihin Ko kung gayon na ang pagmamahal at kasal ay nalapastangan.»

(11)130510/031713



Sunod na kabanata.