30. Ang Adorasyon ng mga Pastol.

Hunyo 7, 1944. Bispiras ng Corpus Christi.

¹Ako ay nagsusulat sa presensya ng aking Jesus-Guro. Siya ay naririto para sa akin, lahat para sa akin. Siya ay bumalik, pagkaraan ng gayong katagal na panahon, lahat para sa akin.

Sasabihin ninyo: «Papaano? Nakakapakinig at nakakakita ka sa loob ng halos isang buwan at ngayon sasabihin mo na Siya ay kasa-kasama mo, pagkaraan ng gayong katagal na panahon?»

Ako ay tutugon kaagad sasabihin sa inyo kung ano ang aking laging ibig-sabihin nang maka-ilang beses ko nang sinasabi kapwa sa pamamagitan ng aking bunganga at ng aking pagsusulat.

May pagkakaiba sa pagitan ng nakakakita at nakakarinig. At higit sa lahat may pagkakaiba sa pagitan ng nakakakita at nakakarinig para sa ibang mga tao, at nakakakita at nakakarinig na lahat para sa aking sarili, para sa akin lamang. Sa una ako ay isang nanonood at inuulit ko ang aking nakikita at naririnig, ngunit kung ito ay nagbibigay sa akin ng lugod dahil ito ay laging ang mga bagay na nagdadala sa akin ng lugod, totoo rin na iyan ay, sa isang pananalita, isang panlabas na lugod. Ang salita ay isang di-magandang pagsasaad ng kung ano ang aking nararamdaman nang napakalinaw. Ngunit wala na akong makita na mas maganda pa. Sa madaling salita, isipin na lang na ang aking lugod ay katulad ng isa na nagbabasa ng isang magandang aklat o kaya nakakakita ng isang magandang tanawin. Ang isa ay maaantig, kinasisiyahan ito, hinahangaan ang armonya nito at mag-iisip: «Gaano kaganda ang mapunta sa lugar ng taong ito!». Sa ikalawang kaso, sa halip, ang ibig kong sabihin, kapag ako ay nakikinig at tumitingin para sa aking sarili, ang «taong iyon» ay ako. Ang salitang aking naririnig ay para sa akin, ang taong aking nakikita ay para sa akin. Ito ay siya at ako, si Maria at ako, si Juan at ako, na tila ako ay nanonood ng pelikulang pinalalabas, subalit nasa tabi ng kama ko, o kaya kumikilos sa loob ng aking silid, o kaya sumasandal sa mga muwebles, o kaya nakaupo o kaya nakatayo, katulad ng tunay na mga taong buháy, bilang aking mga panauhin, na ibang-iba sa mga bisyon na para sa lahat. Sa isang salita ang lahat ng iyan ay «akin».

Siya ay naririto naririyan ang Kanyang mahahabang patulis na mga daliri na may kaputian na nagiging kaputian ng lumang garing, naririyan ang Kanyang makisig na mahabang maputlang mukha kung saan nagniningning ang Kanyang nangingibabaw na matamis na mga mata ng madilim na sapiro sa pagitan ng Kanyang makapal na kulay-kapeng mga pilik-mata na may olandesang-pulang mga repleksiyon. Siya ay naririto naririyan ang Kanyang mahabang malambot na buhok, na sa tinatamaan ng liwanag ito ay matingkad na olandesang-pula at madilim nang kaunti sa malalalim na lupì. Naririto Siya! Naririto Siya! At Siya ay ngumingiti sa akin habang nagsusulat ako tungkol sa Kanya. Katulad ng madalas Niyang gawin sa Viareggio... ²at katulad ng Kanyang itinigil na gawin mula noong Semana Santa... nagagawa ang lahat na paghihirap na halos maging isang lagnat ng kawalang-pag-asa, kung kailan bilang karagdagan sa kapighatian ng pinagkaitan ng Kanyang presensya nawalan din ako ng kaginhawahan ng pamumuhay kung saan nakikita ko Siya at nasasabi ko: «Madalas Siyang sumandal dito, maupo doon, dito pinapatong Niya ang Kanyang kamay sa aking ulo» at kung saan namatay ang aking mga kamag-anak.

O! maliban na ito ay naranasan ng isa, hindi niya ito maiintindihan! Ito ay hindi ang kaso ng pagkukunwaring mapasaatin ang lahat ng ito. Alam nating mabuti na ito ay gratis na mga grasya at hindi tayo karapat-dapat na magkaroon nito, ni hindi natin ito maaasahan na tumagal kapag ito ay pinagkalooban sa atin.  Alam natin ito. At habang mas binibigay ito sa atin, mas lalo natin ibinababa ang ating sarili sa pagpapakababa, kinikilala ang ating nakamumuhing pagdurusa kompara sa Walang-hangganang Kagandahan at Dibinong Kayamanan na ibinibigay ang Sarili sa atin. Ngunit ano sa palagay ninyo, Padre? Hind ba gugustuhin ng isang anak na makita niya ang kanyang ama’t ina? O ng isang asawang babae ang kanyang  asawa? At kung dahil sa kamatayan o ng matagal na ausensiya napigilan silang makita ang kanilang mga minamahal, hindi ba sila naghihirap at hindi ba sila nakatatagpo ng kaginhawahan kung maninirahan sila sa lugar na dati nilang tinirhan, at kung kailangan nilang iwanan ang lugar na iyon, hindi ba’t doble ang kanilang paghihirap, dahil nawawala din sa kanila ang lugar kung saan ang kanilang pagmamahal ay nasuklian ng kanilang nawalang kamag-anak? Ang mga tao bang naghihirap nang ganyan ay masisisi? Hindi. At papaano ako? Si Jesus ba ay hindi aking Ama at esposo? Mas mahal pa, labis na mas mahal pa kaysa sa pinakamahal na ama at esposo?

At na Siya ay ganyan sa akin, mahuhusgahan ninyo sa kung papaano ako tumutugon sa kamatayan ng aking ina. Naghirap ako, alam ba ninyo? Umiiyak pa rin ako, sapagkat minahal ko siya, sa kabila ng kanyang ugali. Ngunit nalalaman ninyo kung papaano ko nalampasan ang mahirap na oras na iyon. Si Jesus ay naroroon. At Siya ay mas mahal sa akin kaysa ang aking ina. Maaari ko bang sabihin sa inyo ang isang bagay? Ako ay naghirap at naghihirap ako nang lalo na ngayon dahil sa kamatayan ng aking ina, na nangyari walong buwan na ang nakararaan, kaysa sa naghirap ako noon. Sapagkat sa loob ng dalawang buwan na ito hindi ko nakasama si Jesus nang para sa akin at wala si Maria nang para sa akin, at ngayon din, kung iwanan Nila ako nang sandali, mas nararamdaman ko nang higit pa kailanman ang pangungulila ng isang may-sakit na ulila at bumabagsak muli ako sa malalim na pagkataong kapighatian ng malulupit na araw na iyon.

Nagsusulat ako habang si Jesus ay nakatingin sa akin at kung gayon hindi ako nag-eeksahera o wala akong binabaluktot na kahit ano. Maging ano pa man hindi ko ugali ang ganito at kahit na kung ugali ko ito, imposibleng makapamilit ako nito habang tinitingnan Niya ako.

Naisulat ko ito rito, kung saan hindi ko nakasanayan na gawin ang ganito, sapagkat magpatungkol sa mga bisyon ni Maria hindi ko kailanman isiningit ang aking kaawa-awang kaakuhan, dahil alam ko na kailangang magpatuloy ako sa pagsasalarawan ng Kanyang mga kaluwalhatian. Ang Kanya bang Maternidad ay hindi isang korona ng mga kaluwalhatian sa bawat sandali? Matindi ang aking págkakasakit at napakahirap nito para sa akin na magsulat. At pagkatapos ako ay hinang-hina. Ngunit upang magawa Siyang makilala, upang sana mas mahalin pa Siyang lalo, hindi ko pinapansin ang lahat. Ang mga balikat ko ba ay sumasakit? Ang temperatura ko ba ay tumataas? Hindi na bale ‘yan! Gawing makilala si Maria, maganda at mahal katulad ng nakikita ko Siya sa pamamagitan ng kabaitan ng Ama at Niya, at iyan ay sapat na para sa akin.

³Pagkaraan nakikita ko ang isang napakalawak na kabukiran. Ang buwan ay nasa tuktok ng inog nito at naglalayag ito nang maayos sa kalangitan na punung-puno ng mga bituin. Nagmumukha silang mga diyamanteng batong itinanim sa isang napakalaking kulandong ng madilim na asul na pelus at ang buwan ay ngumingiti sa gitna nila sa pamamagitan ng malaking puting mukha nito, mula kung saan ilang mga agos ng liwanag ang bumababa at ginagawa ang lupa na maging maputi. Ang walang-bungang mga punungkahoy ay tila mas matataas at mas maiitim tingnan sa kaligiran ng napakaputing lupa, samantalang ang mabababang pader na tumataas dito at doon sa mga hangganan, ay nagmumukhang kasing puti ng gatas at ang isang maliit na bahay sa malayo ay tila isang bloke ng Carrara marble.

Sa aking kanan nakikita ko ang isang lugar na napaliligiran ng isang bakod ng matinik na tanim sa dalawang tabi at ng isang mababang magaspang na pader sa dalawa pang tabi. Ang mababang pader ay sinusuportahan nito ang isang klase ng malapad na panilungan, na sa loob ang pader ay gawa sa semento at may bahagi na ang bakod ay gawa sa kahoy, na tila sa tag-init ang bahaging gawa sa kahoy ay inaalis at ang panilungan ay nagiging isang portiko. Mula sa loob ng bakuran ang paulit-ulit na maiikling huni ay maririnig paminsan-minsan. Maaaring ito ay ang maliliit na tupa na nananaginip o may napapansin na ngayon ay halos umaga na dahil sa napaka-tingkad na liwanag ng buwan. Ang kaningningan ay matindi sa kalabisang antas nito at palakas pa nang palakas ito na tila ang buwan ay lumalapit sa lupa o kumikislap dahil sa isang misteryosong apoy.

Isang pastol ang dumungaw sa labas ng pintuan, at itinataas ang isang kamay sa kanyang noo upang maprotektahan ang kanyang mga mata, siya ay tumingin sa itaas. Tila hindi maaaring protektahan ng isa ang kanyang mga mata sa liwanag ng buwan. Ngunit ang buwan sa kasong ito ay napakaliwanag na bubulagin nito ang mga tao, lalo na mga nanggagaling sa isang madilim na bakuran. Ang lahat ay kalmante. Ngunit ang matingkad na sinag ng buwan ay nakapagtataka. Ang pastol ay tinawag ang kanyang mga kasamahan. Lahat sila ay pumunta sa pintuan: isang grupo ng balbon na mga kalalakihan sa iba't ibang mga edad. Ang ilan ay mga tin-edyer pa lamang, ang ilan ay mapuputi na ang buhok. Nagkukumentaryo sila tungkol sa kakaibang pangyayari at ang mga nakababata ay natatakot. Ang isa lalo na, isang batang lalaki na mga labindalawang taong gulang, ay nagsimulang umiyak, at ang nakatatandang mga pastol ay pinagtatawanan siya.

«Ano ba ang ikinatatakot mo, ikaw na baliw?» ang pinakamatanda ay nagsabi sa kanya. «Hindi mo ba nakikita na ang hangin ay tahimik na tahimik? Hindi ka pa ba nakakita ng isang maliwanag na buwan? Lagi kang nakatali sa damit ng nanay mo, hindi ba? Ngunit napakaraming bagay ang kailangan mong makita! Minsan, napunta ako sa kasing layo ng mga bundok ng Lebanon, mas malalayo pa nga. Mataas na mataas. Bata pa ako noon, at ang paglalakad ay aking isang kasiyahan. At mayaman pa rin ako noon... isang gabi nakita ko ang gayong kaningning na liwanag na akala ko si Elias ay pabalik na sa kanyang karosang apoy. At ang isang matandang lalaki – siya ang matanda noon – ay nagsabi sa akin: “ Isang malaking pangyayari ang malapit nang maganap sa mundo”. Iyon ay para sa amin isang masamang pangyayari, sapagkat ang mga sundalong Romano ang dumating. O! maraming mga bagay ang makikita ninyo, kung mabubuhay kayo nang sapat na matagal.»

⁴Ngunit ang maliit na pastol ay hindi na nakikinig sa kanya. Siya ay tila hindi na natatakot, sapagkat iniwan niya ang pamasukan at pumuslit mula sa likuran ng mga balikat ng isang maskuladong pastol, kung saan kanina pa siya nagtatago, at pumunta sa madamong kulungan ng mga tupa sa harapan ng panilungan. Siya ay tumitingin sa itaas at naglalakad katulad ng isang naglalakad-na-tulog o ng isang nahipnotismo ng isang bagay na kumukuha sa kanyang atensiyon. Sa isang sandali siya ay napasigaw: «O!» at nananatili siyang hindi-makagalaw na ang kanyang mga kamay medyo nakaunat. Ang kanyang mga kasama ay nagkakatinginan na nagtataka.

«Ngunit ano ang nangyayari sa tangang iyon?» sabi ng isa.

«Ibabalik ko na siya sa nanay niya bukas. Ayaw ko ng mga baliw na mga tagapag-alaga ng mga tupa» sabi ng isa pa.

At ang matanda na nagsalita kanina pa ay nagsabi: «Tayo na at tingnan natin bago natin siya husgahan.  Tawagin din ang iba pa na mga natutulog at dalhin ang inyong mga tungkod. Baka iyon ay isang mabangis na hayop o ilang magnanakaw...»

Sila ay pumasok, tinatawag nila ang iba pang mga pastol at lumabas silang may dalang mga sulô at mga pamukpok. Sinamahan nila ang bata.

«Ayón, ayón» bumubulong siyang ngumingiti. «Sa itaas ng punungkahoy, tingnan ang liwanag na dumarating. Tila nanggagaling ito sa sinag ng buwan. Ayón, lumalapit na ito. Gaano kaganda ito!»

«Ang nakikita ko ay isang kung baga mas maningning na liwanag.»

«Ganyan din ako.»

«Ganyan din ako» sabi ng iba pa.

«Hindi. Nakikita ko ang isang bagay na tila isang katawan» sabi ng isang pastol na aking natatandaan na siyang nagbigay kay Maria ng gatas.

«Iyan ay... iyan ay isang anghel» sigaw ng bata. «Naririto siya, siya ay bumababa, papalapit siya... Luhod! Sa inyong mga tuhod sa harapan ng anghel ng Diyos!»

Isang mahaba at mapagpitagan na «O!» ang nanggagaling sa grupo ng mga pastol, na bumabagsak na ang mga mukha sa lupa at habang mas matanda ang edad, sila ang lumalabas na mas nadudurog ng maningning na aparisyon. Ang mas nakababata ang mga nakaluhod, nakatingin sa anghel na lumalapit nang lumalapit, at pagkatapos tumigil sa gitna ng ere sa itaas ng pader ng panilungan, winawagayway ang kanyang malalaking pakpak, isang malaperlas na kaningningan sa loob ng maputing sinag ng buwan na nakapaligid sa kanya.

«Huwag matakot. Hindi ako nagdadala ng masamang mangyayari. Nagbabalita ako ng isang malaking lugod para sa sambayanan ng Israel at para sa lahat na mga tao ng mundo.» Ang tinig ng anghel ay ang armonya ng isang lira at ng umaawit na mga ruwinsensor.

«Ngayon, sa Siyudad ni David, ang Tagapagligtas ay pinanganak.» Sa pagsasabi nito, ang anghel ay pinabubuka nang malapad at mas malapad pa ang kanyang mga pakpak, pinagagalaw ang mga ito bilang tanda ng isang nakapananaig na lugod, at ang isang pagdaloy ng ginintuang mga kislap at ng mamahaling mga batong-hiyas ay tila nagmumula sa mga ito: isang tunay na bahagharing pumoporma ng isang arko ng pananagumpay sa itaas ng abang panilungan.

«... ang Tagapagligtas, Na siyang ang Kristo.» Ang anghel ay sumisinag nang may mas matingkad na liwanag. Ang kanyang dalawang pakpak, ngayon walang-galaw, nakaturo sa kalangitan katulad ng dalawang walang-galaw na mga panlayag sa sapiro ng dagat, ay tila dalawang matingkad na apoy na tumataas sa Langit.

«... ang Kristo, ang Panginoon!» Ang anghel ay kinakabig ang kanyang kumikislap na mga pakpak at tinatakpan ang kanyang sarili nito na tila sila ay kapa na gawa sa mga diyamante sa ibabaw ng isang damit na gawa sa mga perlas, yumuyuko siya sa pagsamba, ang kanyang mga kamay naka-krus sa ibabaw ng kanyang dibdib, habang ang kanyang ulo na nakatungo katulad ngayon, ay nawawala sa lilim ng mga dulo ng nakaluping mga pakpak. Tanging isang oblong na walang-galaw na pigura lamang ang makikita sa loob ng kaunting mga sandali.

Ngunit ngayon siya ay gumagalaw. Ibinuka niya ang kanyang mga pakpak, itinaas ang kanyang ulo, maningning sa isang makalangit na ngiti, at nagsabi: «Makikilala ninyo Siya ayon sa sumusunod na mga tanda: sa loob ng isang abang establero, sa likuran ng Bethlehem, makakakita kayo ng isang sanggol nababalot sa mga lampin, sa loob ng isang sabsaban para sa mga hayop, sapagkat walang bubungan ang natagpuan para sa Mesiyas sa siyudad ni David.» Ang anghel ay naging mabagsik, halos malungkot, sa pagsasabi nito.

⁵Ngunit mula sa mga Langit maraming anghel – o! gaano karami! – ang bumababa, lahat katulad niya – isang hagdanan ng mga anghel bumababa at nagbubunyi at pinadidilim ang liwanag ng buwan sa pamamagitan ng kanilang kaningningan. Lahat sila ay nag-ipun-ipon sa paligid ng nagbabalitang anghel, kinakaway ang kanilang mga pakpak, nagpapalabas ng mga pabango, sinasahimig ang mga nota kung saan ang pinaka magagandang tinig ng sangnilikha ay maaalaala, ngunit itinataas sa magkakaparehong perpeksiyon. Kung ang pagpintura ay ang pagpapahiwatig ng materyal upang maging liwanag, dito ang melodiya ay ang pagpapahiwatig ng musika upang mabigyan ng kaunting idea ang mga tao tungkol sa kagandahan ng Diyos. Ang mapakinggan ang melodiyang ito ay ang malaman ang Paraiso, kung saan ang lahat ay armonya ng pagmamahal na nagmumula sa Diyos upang gawing masaya ang pinagpalang mga kaluluwa, at pagkatapos mula sa kanila ito ay bumabalik sa Diyos upang sabihin sa Kanya: «Minamahal namin Kayo!»

Ang «Gloria» ng mga anghel ay kumakalat sa buong katahimikan ng kabukiran sa palapad nang palapad na mga siklo at ang matingkad na liwanag kasama nito. At ang mga ibon ay isinasali ang kanilang pag-awit upang batiin ang maagang liwanag, at ang mga tupa ay dinadagdag ang kanilang mga paghuni para sa maagang araw. Ngunit, katulad ng dati sa gruta para sa baka at sa asno, gusto kong maniwala na ang mga hayop ay binabati ang kanilang Tagapaglikha, Na bumaba sa pagitan nila upang mahalin sila kapwa bilang isang Tao at bilang Diyos.

Ang pag-awit ay unti-unting nawawala, gayon din ang liwanag, at ang mga anghel ay tumaas sa Langit...

⁶Ang mga pastol ay nagising sa reyalidad.

«Napakinggan ba ninyo?»

«Pupunta ba tayo at tingnan natin?»

«At papaano ang mga hayop?»

«O! Walang masamang mangyayari sa kanila! Sinusunod natin ang salita ng Diyos!...»

«Ngunit saan tayo pupunta?»

«Hindi ba’t sinabi niya na Siya ay pinanganak ngayon? At na sila ay hindi nakakita ng matutuluyan sa Bethlehem?» Ito ay ang pastol na nagbigay ng gatas, na siyang nagsasalita ngayon. «Sumama kayo sa akin, alam ko kung nasaan Siya. Nakita ko ang babae at ako ay naawa sa Kanya. Sinabihan ko sila kung saan pumunta, alang-alang sa Kanya, sapagkat naisip ko na baka hindi sila makakita ng matutuluyan, at binigyan ko ang lalaki ng ilang gatas para sa Kanya. Siya ay napakabata at maganda, at maaaring kasing buti at bait Niya ang anghel na nagsalita sa atin. Halikayo. Tayo na at kumuha ng ilang gatas, keso, mga kordero at pinatuyong mga balat ng hayop. Sila ay maaaring mahirap na mahirap... at iniisip ko kung gaano kaya Siya giniginaw, Siya na ang Kaninong pangalan hindi ako mangangahas na bigkasin! At isipin na lamang! Nagsalita ako sa Ina katulad na nakikipagusap ako sa isang kaawa-awang maybahay!...»

Pumunta sila sa panilungan at sila ay lumabas pagkaraan nang kaunti pagkatapos, ang ilan may dalang mga maliliit na prasko ng gatas, ang ilan may maliliit na mga lambat na may mga damong esparto nilalaman ng bawat isa ang isang buong bilog na keso, ang ilan may mga basket, ang bawat isa naglalaman ng maliit na humuhuning kordero at ang ilan may pinatuyong mga balat ng hayop.

«Dadalhan ko sila ng isang inahing tupa. Nanganak siya noong nakaraang buwan. Ang kanyang gatas ay napakaganda. Mapapakinabangan ito kung ang babae ay walang gatas. Siya ay tila isang bata-pang babae sa akin at napakaputla! Isang hasmin na mukha sa liwanag ng buwan» sabi ng pastol na nagbigay ng gatas. At pinangungunahan niya sila.

Nagsimula silang maglakad sa liwanag ng buwan natutulungan ng mga sulô, pagkatapos na maisara ang panilungan at ang bakuran. Naglalakad sila sa mga landas ng kabukiran, sa pagitan ng mga hilera ng matitinik na palumpong na nahubaran ng mga dahon ng taglamig. 

⁷Inikutan nila ang Bethlehem, narating nila ang establero hindi sa pamamagitan ng kinuha nina Maria, bagkus mula sa kasalungat na direksiyon, upang hindi nila nadaanan ang harapan ng mas mabubuting establero, sa halip nakita nila ang isang ito kaagad. Lumapit sila sa butas.

«Pumasok ka!» shepherd xx

«Hindi ako mangangahas!»

«Pumasok ka!»

«Hindi.»

«Tumingin ka man lamang.»

«Ikaw, Levi, na nakakitang una sa anghel, dahil ikaw ay kitang-kitang mas mabuti kaysa sa amin, tumingin ka sa loob.» Dati ang sabi nila sa kanya siya ay baliw... ngunit ngayon mapapaboran sila kung pangangahasan niya ang hindi nila ginagawa.

Ang bata ay nagdadalawang-isip, ngunit pagkatapos nagpasya siya. Lumapit siya sa butas, hinihila nang kaunti sa isang tabi ang nakasabit na manta, at tumitingin... at nananatiling labis na nasisiyahan.

«Ano ang nakikita mo?» tinatanong nila siya nang nananabik sa mabababang tinig.

«Nakakakita ako ng isang magandang bata-pang babae at isang lalaki niyuyukuan ang sabsaban at naririnig ko... naririnig ko ang isang maliit na sanggol umiiyak, at ang babae ay nagsasalita sa Kanya sa isang tinig... o! anong tinig!»

«Ano ang sinasabi Niya?»

«Sinasabi Niya: “Jesus, maliit na isa! Jesus, mahal ng Iyong Inay! Huwag umiyak, maliit na Anak”. Sinasabi Niya: “O! Kung masasabi Ko lamang sa Iyo: ‘Uminom Ka ng kaunting gatas, maliit na isa’. Ngunit wala pa Ako ng kahit kaunti”. Sinasabi Niya: “Ginaw na ginaw Ka, mahal Ko! At ang mga dayami ay tinutusok Ka! Gaano ito kasakit para sa Iyong Inay na marinig Kang umiiyak nang ganyan, nang hindi Ka matulungan!” Sinasabi Niya: “Tulog, kaluluwa Ko! Sapagkat nadudurog ang Aking puso na marinig Kang umiiyak at nakikita ang Iyong mga luha!” at hinahalikan Niya Siya, at parang pinapainitan Niya ang Kanyang maliliit na paa sa pamamagitan ng Kanyang mga kamay, sapagkat Siya ay nakayuko na ang Kanyang mga kamay nasa sabsaban.»

«Tawagin mo Siya! Gawin mong marinig ka Niya.»

«Ayaw ko. Kailangang tawagin mo Siya, sapagkat dinala mo kami rito at kilala mo Siya!»

Ang pastol ay binukas ang kanyang bunganga, ngunit nakagawa lamang siya ng kaunting ungol na ingay.

⁸Si Jose ay tumalikod at pumunta sa pintuan. «Sino kayo?»

«Mga pastol. Nagdala kami sa inyo ng kaunting pagkain at ilang lana. Pumunta kami upang sambahin ang Tagapagligtas.»

«Pasok kayo.»

Sila ay pumasok, at ang establero ay naging mas maliwanag dahil sa liwanag ng mga sulô. Ang mas nakatatanda ay tinutulak ang mga nakababata sa harapan nila.

Si Maria ay tumalikod at ngumingiti. «Halikayo» sabi Niya. «Halikayo!», at inaanyayahan Niya sila sa pamamagitan ng Kanyang kamay at ng Kanyang ngiti, at kinukuha Niya ang batang lalaki na nakakita sa anghel at inilapit Niya siya sa Kanya, sa tabi ng sabsaban. At ang batang lalaki ay tumingin, at siya ay masaya.

Ang iba, inanyayahan din ni Jose, ay lumalapit dala ang kanilang mga regalo at nilalagay nila ito sa paanan ni  Maria kasama ang ilang sinsirong mga salita. Pagkatapos tinitingnan nila ang Sanggol Na umiiyak nang kaunti at sila ay ngumingiti naaantig ang damdamin at masaya.

At ang isa sa kanila, medyo malakas ang loob kaysa sa iba, ay nagsabi: «Ina, kunin Ninyo ang delanang ito. Iyan ay malambot at malinis, hinanda ko iyan para sa aking anak na malapit nang ipanganak. Ngunit inaalay ko ito sa Inyo. Ihiga Ninyo ang Inyong Anak sa delanang ito. Iyan ay magiging malambot at mainit.» At inaalay niya ang pinatuyong balat ng tupa, isang magandang balat, na may maputi at malambot na lana.

Si Maria ay binuhat si Jesus, at inilagay ito sa paligid Niya. At pinakikita Niya Siya sa mga pastol, na, nakaluhod sa dayami sa lupa, tinitingnan Siya nang labis na nasisiyahan!

Sila ay naging malalakas ang loob, at ang isa ay nagmungkahi: «Dapat Siyang bigyan ng isang kutsara ng gatas, mas mabuti pa, ilang tubig at pulot-pukyutan. Ngunit tayo ay walang pulot-pukyutan. Binibigay namin iyan sa maliliit na sanggol. Ako ay may pitong anak, at alam ko...»

«May ilang gatas dito. Kunin Ninyo ito Babae.»

«Ngunit iyan ay malamig. Kailangan painitin iyan. Nasaan si Elias? Nasa kanya ang tupa.»

Si Elias ay maaaring ang pastol na nagbigay ng gatas. Ngunit siya ay wala roon. Nananatili siya sa labas at nakatingin mula sa mula, ngunit hindi siya makita sa madilim na gabi.

«Sino ang nagdala sa inyo rito?»

«Isang anghel ang nagsabi sa amin na pumunta kami rito, at si Elias ang nagturo sa amin ng daan. Ngunit nasaan na siya ngayon?»

Ang tupa ay pinahayag ang kanyang presensya sa pamamagitan ng isang huni.

«Pumasok ka, kailangan ka.»

Siya ay pumasok kasama ang kanyang tupa, nahihiya sapagkat lahat sila ay nakatingin sa kanya.

«Ah! Ikaw pala!» sabi ni Jose, na nakakilala sa kanya, at si Maria ay ngumingiti sa kanya nagsasabing: «Ikaw ay mabait.»

Ginagatasan nila ang tupa at sa pamamagitan ng gilid ng isang piraso ng linen inilubog sa mainit-init na mala-kremang gatas, binabasâ ni Maria ang mga labì ng Sanggol Na sinisipsip ang matamis na krema. Lahat sila ay ngumingiti, at lalo na, noong si Jesus ay nakatulog sa init ng lana, na ang kaunti ng linen nasa pagitan pa ng Kanyang mga labì.

⁹«Ngunit hindi kayo makapananatili rito. Malamig dito at basà. At... malakas ang amoy ng mga hayop. Hindi ito maganda... hindi ito mabuti para sa Tagapagligtas.»

«Alam Ko» tugon ni Maria nang may malalim na buntung-hininga. «Ngunit walang lugar para sa amin sa Bethlehem.»

«Huwag mawalan ng pag-asa, Babae. Maghahanap kami ng isang bahay para sa Inyo.»

«Sasabihin sa Aking sinyora» sabi ni Elias. «Siya ay mabait. Tatanggapin niya Kayo, kahit na kung kailangan niyang ibigay ang kanyang sarili mismong silid sa Inyo. Kaagad kapag may liwanag na, sasabihin ko sa kanya. Ang kanyang bahay ay punó ng mga tao. Ngunit makakakuha siya ng isang silid para sa Inyo.»

«Para sa Aking Sanggol, man lamang. Si Jose at Ako ay makahihiga din sa sahig. Ngunit para sa Maliit na Isa...»

«Huwag mag-alala, Babae. Ako ang bahala niyan. At sasabihan namin ang maraming tao ng sinabi sa amin. Hindi kayo magkukulang ng kahit ano. Pansamantala, kunin kung ano ang makakayanan ng aming karukhaan. Kami ay mga pastol...»

«Kami ay mahirap, din. At hindi namin kayo magagantimpalaan» sabi ni Jose.

«O! Ayaw namin niyan. Kahit na kung makakayanan ninyo, ayaw namin niyan. Ang Panginoon ay nagantimpalaan na kami. Nangako siya ng kapayapaan sa lahat. Sinabi ng mga angel: “Kapayapaan sa mga tao na may mabuting kalooban”. Ngunit naibigay na Niya ito sa amin, sapagkat sinabi ng anghel na ang Sanggol na ito ay ang Tagapagligtas, Na siyang ang Kristo, ang Panginoon. Kami ay mahirap at mangmang, ngunit alam namin na sinasabi ng Propeta na ang Tagapagligtas ay ang magiging ang Prinsipe ng Kapayapaan. At sinabi niya sa amin na pumarito at sambahin Siya.  Iyan kung bakit binigay Niya sa amin ang Kanyang kapayapaan. Kaluwalhatian sa Diyos sa Kataastaasang Langit at kaluwalhatian sa Kanyang Kristo rito, at Kayo ay pinagpala, Babae, Na nagpanganak sa Kanya: Kayo ay banal, sapagkat naging karapat-dapat Kayong dalhin Siya! Ibigay Ninyo sa amin ang Inyong mga utos bilang aming Reyna, sapagkat masaya kaming paglingkuran Kayo. Ano ang magagawa namin para sa Inyo?»

«Maaari ninyong mahalin ang Aking Anak, at laging itangi ang ganyan ding mga kaisipan katulad na mayroon kayo ngayon.»

«Ngunit papaano Kayo? Mayroon ba Kayong kahit anong gusto? Wala ba Kayong mga kamag-anak na ibig Ninyong mapasabihan na Siya ay naipanganak na?»

«Oo, mayroon Ako. Ngunit malayo sila. Sila ay nasa Hebron...»

«Lalakad ako» sabi ni Elias. «Sino sila?»

«Si Zachariah, ang pari, at ang Aking pinsan na si Elizabeth.»

«Si Zachariah? O! kilalang-kilala ko siya. Sa tag-init umaakyat ako sa mga bundok na iyon sapagkat ang mga pastulan ay mayaman at maganda, at ako ay ang kaibigan ng kanyang pastol. Kapag alam ko na na Kayo ay nakatigil na, pupunta ako kay Zachariah.»

«Salamat sa iyo, Elias.»

«Hindi Ninyo kailangan na pasalamatan ako, ito ay isang malaking karangalan para sa akin, isang abang pastol, na lumakad at makipagusap sa isang pari at sabihin sa kanya: “Ang Tagapagligtas ay naipanganak na”.»

«Hindi. Kailangang sabihin mo: “Ang iyong pinsan, si Maria ng Nazareth, ay sinabi na si Jesus ay pinanganak na, at ikaw ay dapat pumunta sa Bethlehem”.»

«Iyan ang sasabihin ko.»

«Gantimpalaan ka nawa ng Diyos. ¹⁰Tatandaan kita, Elias, at ang bawat isa sa inyo.»

«Sasabihan ba Ninyo ang Inyong Anak tungkol sa amin?»

«Tiyak na sasabihan Ko.» shepherd 4cr

«Ako si Elias.»  

«At ako sa Levi.»

«At ako si Samuel.»

«At ako si Jonah.»

«At ako si Tobias.»

«At ako si Jonathan.»

«At ako si Daniel.»

«At ako si Simeon.»

«Ang pangalan ko ay Juan.»

«Ako si Jose at ang aking kapatid na si Benjamin, kami ay kambal.»

«Tatandaan Ko ang inyong mga pangalan.»

«Kailangan na naming umalis... Ngunit kami ay babalik... At dadalhin namin ang iba pa upang sambahin Siya.»

«Papaano kami makababalik sa kulungan ng mga tupa, iniiwanan ang Sanggol?»

«Pagpapalà sa Diyos Na pinakita Niya Siya sa amin!»

«Pahihintulutan ba Ninyo kami na halikan namin ang Kanyang damit?» tanong ni Levi, nang may ngiti ng isang anghel.

At si Maria ay dahan-dahan na binuhat si Jesus, at nakaupo sa dayami, binalot ang munting mga paa sa isang linen, at inialok ito para halikan. At ang mga pastol ay yumuyuko hanggang sa lupa at hinahalikan ang munting mga paa, nababalot ng linen. Ang mga may balbas ay nililinis muna ito; halos lahat ay umiiyak, at noong kailangan na nilang umalis, naglakad sila nang paatras pabalik, iniiwan ang kanilang mga puso roon...

Ang bisyon ay nagtatapos nang gayon, na si Maria nakaupo sa dayami na ang Bata nasa Kanyang lapi at si Jose na, nakasandal na ang kanyang siko nasa sabsaban, ay tumitingin at sumasamba.

                                                                ------------------------------------

jesus sinab

¹¹Sinasabi ni Jesus:

Ako ay magsasalita ngayon. Ikaw ay pagod-na-pagod, ngunit magkaroon ng kaunti pang pasyensiya. Ngayon ay ang bispiras ng Corpus Christi. Makapagsasalita Ako sa iyo tungkol sa Eukaristiya at sa mga santong naging mga apostol ng kulto Nito, katulad na Ako ay nagsalita sa iyo tungkol sa mga santo na mga apostol ng Sagradong Puso. Ngunit gusto Kong magsalita sa iyo ng tungkol sa ibang bagay at tungkol sa isang klase ng mga tagapagsamba ng Aking Katawan na siyang mga nagsimula ng kultong Ito. Ibig sabihin: ang mga pastol. Sila ang unang mga tagapagsamba ng Aking Katawan ng Salita, Na naging Tao.

Minsan sinabi Ko sa iyo at ang Akin ding Simbahan ay sinasabi ito, ang Banal na mga Inosente ay ang mga tularang-martir ng Kristo, ngayon sinasabi Ko sa iyo na ang mga pastol ay ang unang mga tagapagsamba ng Katawan ng Diyos. At nasa kanila ang lahat na mga katangian na maging ang mga tagapagsamba ng Aking Katawan, o pang-Eukaristiyang mga kaluluwa.

Matatag na pananampalataya: pinaniwalaan nila nang agaran ang anghel at nang walang tanung-tanong.

Kagandahang-loob: binigay nilang lahat ang kanilang kayamanan sa kanilang Panginoon.

Kababaang-loob: nilapitan nila ang mga tao, na ayon sa pantaong pananaw, ay mas mahihirap pa kaysa sa kanila, at ginagawa nila ito nang may isang mapagpakumbabang saloobin na hindi napapahiya ang mga inaanyayahan, at sinasabi nila sa kanila na sila ang kanilang mga lingkod.

Mithiin: kung ano ang hindi nila maiaalay, pinagsisikapan nilang makuha ito sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa.

Agarang pagsunod: Naibigan ni Maria na paalamin si Zachariah at si Elias ay umalis kaagad. Hindi niya inantala ang bagay.

Pagmamahal, panghuli: naghirap sila sa pag-alis sa gruta at sinabi mo: “Iniwan nila ang kanilang mga puso roon”. At tama ka.

Ngunit ang ganito ba ay hindi kailangan na mangyari sa Aking Sakramento?

¹²At may isa pang punto, at ito ay ganap na para sa iyo: tandaan kung kanino unang ibinunyag ng anghel ang kanyang sarili at kung sino ang naging karapat-dapat na makapakinig sa mga pagbuhos ng damdamin ni Maria. Si Levi: ang batang lalaki. Ang Diyos ay pinapakita ang Sarili sa mga taong may kaluluwa ng isang bata at pinapakita rin Niya sa kanila ang mga misteryo at pinahihintulutan sila na marinig ang Kanyang dibinong mga salita at ang kay Maria. At ang mga may kaluluwa ng isang bata ay nasa kanila rin ang banal na lakas ng loob ni Levi at sinabi nila: “Halikan natin ang damit ni Jesus”. Sinabi nila iyan kay Maria. Sapagkat ¹³laging si Maria ang nagbibigay sa inyo kay Jesus.

Siya ang Tagapagdala ng Eukaristiya. Siya ang Buháy Pyx. Ang pumupunta kay Maria, ay natatagpuan Ako. Ang nakikiusap sa Kanya para sa Akin ay tinatanggap Ako mula sa Kanya. Kapag ang isang nilikha ay nagsabi kay Maria: “Ibigay Ninyo sa akin ang Inyong Jesus na sana upang mahalin ko Siya” ang ngiti ng Aking Ina ay nagagawa ang mga kulay ng Langit na magbago patungo sa isang mas buháy na kaningningan dahil sa mas malaking kasiyahan nito.

Sabihin, kung gayon, sa Kanya: “Pahintulutan akong halikan ko ang damit ni Jesus, pahintulutan akong halikan ko ang Kanyang mga sugat”. At mas mangahas pa: “Pahintulutan akong ipahinga ko ang aking ulo sa Puso ng Inyong Jesus, na sana upang magsaya ako Dito”. Halika. At magpahinga. Katulad ni Jesus sa Kanyang kuna, sa pagitan ni Jesus at ni Maria.»

(145) 170610/031513/033113

Sunod na kabanata.