302. Si Jesus sa Nazareth Para sa Dedikasyon.

Oktubre 15, 1945.

Ito ay isang madilim, malamig, mahangin na gabi ng Disyembre. Maliban sa mga dahon na napupunit sa mga punungkahoy na mayroon pang kaunti nito, at na mga kumakaluskos nililipad ng isang sumisipol na hangin, wala nang iba pang ingay sa mga kalsada ng Nazareth, na kasing dilim katulad ng isang patay na siyudad. Walang liwanag o ingay ang nakalulusot sa saradong mga pintuan. Ito ay tunay ngang isang nakakikilabot na gabi.

Subalit, ang Kordero ng Diyos ay naglalakad sa walang-tao na mga kalsada ng Nazareth, sa Kanyang pag-uwi. Isang matangkad na madilim na anino sa isang madilim na tunika, halos maglaho Siya sa madilim na walang-bituin na gabi at ang Kanyang mga yapak ay isang kaluskos na ingay lamang nang Siya ay napayapak sa isang bunton ng tuyong mga dahon, na naitambak ng hangin sa lupa, pagkatapos na paikutin, at handa nang tumaas muli at maipadpad sa kung saang lugar.

Nakarating Siya malapit sa bahay ni Maria ni Clopas. Nakatayo Siyang sandali di-makapagpasya kung kailangan Niyang pasukin ang hardin at kumatok sa pintuan ng kusina o magpatuloy… Siya ay nagpatuloy na hindi na tumigil. Siya ngayon ay nasa maliit na kalsada na kung nasaan naroroon ang Kanyang bahay. Makikita na mula rito ang napahirapan na mga puno ng olibo humahapay sa ibabaw ng maliit na burol kung saan ang bahay ay nakasandal, maiitim na mga anino umuundayo sa maitim na kaligiran ng kalangitan. Binilisan Niya ang Kanyang hakbang at dumating sa pintuan. Siya ay nakikinig nang maingat. Madaling mapakinggan kung ano ang nangyayari sa loob ng maliit na bahay na iyon! Kung ang isa ay didikit sa poste ng pintuan, may iilang pulgada lamang ng kahoy ang pumapagitan sa nakikinig at sa nagsasalita sa loob… Subalit walang tinig ang marinig.

«Gabi na» sabi niya na may buntong-hininga. «Maghihintay Ako hanggang pagsikat ng araw bago kumatok.»

Ngunit nang Siya ay papaalis na, narinig Niya ang may-kumpas na ingay ng habihan. Siya ay ngumiti at nagsabi: «Gising pa Siya at Siya ay naghahabi. Iyon ay tiyak na Siya… Iyan ang kumpas ng Inay.» Hindi ko makita ang Kanyang mukha ngunit natitiyak ko na Siya ay ngumingiti sapagkat nakadarama ako ng isang ngiti sa Kanyang tinig na dati ay malungkot at ngayon ay masayahin.

Siya ay kumakatok. Ang ingay ay tumigil nang sandali, pagkatapos ay naroon ang tunog ng isang upuan na itinutulak paatras, at panghuli ang malaplatang tinig na nagtatanong: «Sino iyan?»

«Ako ito, Inay!»

«Anak!» Isang nagmamahal na sigaw ng tuwa, kahit na kung binigkas sa mababang tinig. Ang ingay ng pansara na binubuksan ay narinig, at ang pinto ay nagbukas napalalabas ang isang ginintuang kislap sa madilim na gabi. Si Maria ay bumagsak sa mga bisig ni Jesus, sa may pintuan, na tila hindi na makapaghintay si Jesus na tanggapin si Siya at itinapon Niya ang Kanyang Sarili sa puso ni Jesus.

«Anak!» Aking Anak!» Mga halik at ang matamis na mga salitang «Inay – Anak»… Sila ay pumasok at ang pinto ay isinara nang matahimik.

Si Maria ay nagpapaliwanag sa mababang tinig: «Silang lahat ay natutulog. Ako ay gising… Mula nang sina Judas at Santiago ay bumalik nagsasabing Ikaw ay sumusunod sa kanila, Ako ay nanatiling gising hanggang hatinggabi. Giniginaw Ka ba, Jesus? Siyempre giniginaw Ka, Ikaw ay naninigas. Halika. Pinanatili Kong may apoy ang paapuyan. Maglalagay Ako ng gatong dito at paiinitan Mo ang Iyong Sarili.» At Kanyang inaakay Siya sa kamay na tila Siya ay ang Batang si Jesus pa rin…

Ang apoy ay nagniningning nang matingkad at lumalagitik sa kinalikaw na dapugan. Si Maria ay tinitingnan si Jesus Na dinadarang ang mga kamay upang ito ay mainitan. «Gaano Ka kaputla? Hindi Ka ganyan nang tayo ay naghiwalay… Ikaw ay numinipis at pumuputla, Aking Bata. Minsan ang Iyong kutis ay katulad ng gatas at mga rosas, ngunit ngayon Ikaw ay katulad ng isang lumang garing. Ano ang nangyari sa iyo kamakailan, Anak? Ang mga Pariseo pa rin?»

«Oo… at ibang mga alalahanin. Ngunit ngayon Ako ay masaya na, dito kasama Ninyo, at Ako ay magiging mabuti kaagad. Sa taon na ito ipagdiriwang natin ang Dedikasyon dito, Inay! Aabútin Ko ang perpektong edad dito katabi Ninyo. Natutuwa ba Kayo?»

«Oo. Ngunit ang Iyong perpektong edad, mahal Ko, ay malayo pa… Ikaw ay bata pa, at ang sa ganang Akin, Ikaw ay ang lagi Kong Bata. Narito, mainit na ang gatas. Iinumin Mo ba ito rito o sa isang silid?»

«Sa isang silid, Inay. Ako ay mainit na ngayon. Iinumin Ko ito habang tinatakpan Ninyo ang Inyong habihan.»

Sila ay bumalik sa maliit na silid at si Jesus ay naupo sa baul malapit sa mesa at iniinom ang Kanyang gatas. Si Maria ay tinitingnan Siya at ngumingiti. Mas lalo Siyang ngumingiti nang kinukuha Niya ang bag ni Jesus at inilalagay ito sa ibabaw ng isang patungan. Labis Siyang ngumingiti upang si Jesus ay nagtanong: «Ano ang Inyong iniisip?»

«Ako ay nag-iisip na Ikaw ay dumating sa eksaktong anibersaryo lamang ng aming pag-alis patungong Bethlehem… Sa panahon din na iyon ay may mga bag at mga kahon na bukas o puno ng mga damit at lalo na ng mga lampin… para sa isang Maliit na Isa, Na baka ipanganak, madalas Kong sabihin kay Jose; Sino ang ipanganganak na, sinabi Ko sa Aking sarili, sa Bethlehem ng Judah… Itinago Ko ang mga ito sa kailaliman, sapagkat si Jose ay natatakot niyan… Hindi pa niya nalalaman na ang kapanganakan ng Anak ng Diyos ay hindi nakapailalim, kapwa para sa Kanya at para sa Kanyang Ina, sa pangkaraniwang mga paghihirap sa panganganak. Hindi niya nalalaman… at siya ay natatakot nang pagiging malayo sa Nazareth kasama Ako sa ganoong kalagayan. Natitiyak Ko na Ako ay magiging isang Ina roon… Labis Kang nagbubunyi sa loob ng Aking sinapupunan para sa Iyong parating na Kapanganakang-Araw, at sa Kapanganakan-Araw ng Panunubos, kung kaya't Ako ay hindi maaaring malinlang. Ang mga Anghel ay nag-iikot sa paligid ng Ginang Na nagdadala sa iyo, Aking Diyos… Hindi na iyon ang makalangit na Arkanghel, o ang Aking magiliw na gabay na Anghel, katulad ng unang mga buwan. Ngayon ang mga anghel ay sumusulpot mula sa Langit ng Aking Diyos patungo sa Aking maliit na Langit: ang Aking sinapupunan, kung saan Ikaw ay naroroon… At napapakinggan Ko silang umaawit at nagpapalitan ng matalisik na mga salita… mga salita ng pananabik na makita Ka, Diyos na Nagkatawang-tao… Napakinggan Ko sila nang, naudyukan ng pagmamahal, umalis sila sa Paraiso upang pumunta at sambahin Ka, Pagmamahal ng Ama, nakatago sa Aking sinapupunan. At nagsikap Akong matutunan ang kanilang mga salita… kanilang mga awit… kanilang alab… Ngunit walang nilikhang sinuman ang maka-uulit o magkakaroon ng Makalangit na mga bagay…»

Si Jesus ay nakikinig sa Kanya, Siya ay nakaupo, si Maria nakatayo malapit sa mesa, labis na nananaginip katulad na si Jesus ay lubos na nasisiyahan… na ang isang kamay nakapatong sa maitim na kahoy at ang isa nakadiin sa Kanyang puso… At si Jesus ay ipinatong ang Kanyang mahabang mas maitim na kamay sa maliit na maputi, magiliw, banal na kamay at idiniin ito sa Kanyang sariling puso… At nang si Maria ay naging tahimik, halos nalulungkot na hindi Niya natutuhan ang mga salita, mga awit at ang alab ng mga anghel, sinabi ni Jesus: «Ang lahat na mga salita ng mga anghel, ang lahat na kanilang mga awit, ang lahat na kanilang alab, ay hindi Ako mapasasaya sa lupa, kung hindi Ako nagkaroon ng sa Inyo, Inay! Sinabi at ibinigay Ninyo sa Akin ang hindi nila maibigay sa Akin. Hindi Kayo natuto sa kanila, bagkus sila ay natuto sa Inyo… Halikayo rito, Inay, sa tabi Ko at magkuwento pa Kayo… Hindi ng tungkol sa nakaraan… bagkus ng kasalukuyan. Ano ang Inyong ginagawa?»

«Naghahabi Ako…»

«Alam Ko. Ngunit ng ano? Natitiyak Ko na labis Ninyong pinapagod ang Inyong Sarili para sa Akin. Tingnan Ko nga…»

Si Maria ay naging mas mapula pa sa telang nasa ibabaw ng habihan habang tumatayo si Jesus upang tingnan ito.

«Purpura? Sino ang nagbigay nito sa Inyo?»

«Si Judas ng Kerioth. Sa palagay ko nagawa niyang ibigay ito sa kanya ng mga mangingisda ng Sidon. Ibig niyang gumawa Ako ng kapa ng isang hari para sa iyo. Siyempre gagawin Ko ang kapa para sa iyo. Ngunit hindi Ka nangangailangan ng purpura upang maging isang hari.»

«Si Judas ay mas matigas-ang-ulo kaysa sa isang mola» ay ang tanging komentaryo tungkol sa purpurang regalo… Pagkatapos Kanyang tinanong ang Kanyang Ina: «At makagagawa ba Kayo ng buong kapa mula sa ibinigay sa Inyo?»

«O! hindi, Anak! Magagamit lamang ito para isang panabi ng isang tunika at manta. Ngunit hindi higit pa diyan.»

«Mabuti. Naintindihan Ko kung bakit hinahabi Ninyo iyan nang makikitid. Bueno… Inay: gusto Ko ang idea. Itago Ninyo ang mga panabing iyan para sa Akin at isang araw sasabihin Ko sa Inyo na gamitin iyan para sa isang magandang tunika. Ngunit marami pang oras. Huwag Ninyong pagurin ang Inyong Sarili.»

«Ako ay nagtatrabaho kung Ako ay nasa Nazareth…»

«Totoo iyan… At ano ang ginawa ng iba sa loob ng panahong ito?»

«Pinaunlad nila ang kanilang kaalaman.»

«Ibig sabihin: Pinaunlad Ninyo ang kanilang kaalaman. Anong palagay Ninyo sa kanila?»

«O! napakagaling nila. Kung ipaliliban Kita, hindi pa Ako nagkaroon ng masisigasig at mabubuting mag-aaral. Sinikap Ko rin na mapalakas Ko nang kaunti si Juan. Lubos na may sakit siya. Hindi siya mabubuhay nang matagal…»

«Alam Ko. Ngunit iyan ay mabuting bagay para sa kanya. Ano pa man ang mangyari, ginugusto niya iyan mismo. Kusa niyang naintindihan ang kahalagahan ng paghihirap at ng kamatayan. At ano ang tungkol kay Sintike?»

«Nakalulungkot na siya ay kailangang ilayo. Katumbas niya ang sandaan na mga disipulo dahil sa kanyang kabanalan at sa kanyang kakayahan na maintindihan ang sobrenatural.»

«Nabatid Ko iyan. Ngunit kailangan Kong gawin iyan.»

«Anuman ang Iyong ginagawa, Anak, ay laging nagagawang mabuti.»

«At ang bata?»

«Siya ay natututo din. Ngunit napakalungkot niya nang mga araw na ito… Naaalaala niya ang kasawiang-palad ng nakaraang taon… O! walang labis na kagalakan dito!... Sina Juan at Sintike ay nagbubuntung-hininga iniisip ang kanilang pag-alis dito, ang bata ay umiiyak iniisip ang kanyang patay na ina…»

«At ano ang tungkol sa Inyo?»

«Ako… Alam Mo, Anak. Walang sikat ng araw kapag wala Ka. Wala pa rin kahit na kung ang mundo ay minamahal Ka. Subalit mayroon man lamang ng mapanatag na kalawakan… Sa halip…»

«May iyakan. kaawa-awang Ina!... Sila ba ay nagtatanong sa Inyo tungkol kina Juan at Sintike?»

«At sino ang magtatanong sa Akin? Si Maria ni Alfeo ay nakaaalam ngunit tahimik. Si Alfeo ni Sarah ay nakita na si Juan at hindi nag-uusisa. Tinatawag niya siya “ang disipulo”.»

«At ang iba pa?»

«Maliban kina Maria at Alfeo, walang pumunta upang makita Ako. Isang babae lamang paminsan-minsan para sa ilang gawain o payo. Ngunit ang kalalakihan ng Nazareth ay hindi na lumalampas sa Aking pamasukan.»

«Ni hindi sina Jose at Simon?»

«… Hindi… Si Simon a nagpapadala sa Akin ng langis, harina, mga olibo, pangkatong, mga itlog… na tila ibig niya siyang mapatawad sa hindi niya pagkaintindi sa iyo, at ibig niyang magsalita sa pamamagitan ng mga regalo. Ngunit ibinibigay niya ang mga ito kay Maria, kanyang ina, at hindi siya pumupuna rito. Maging ano pa man, kung may pumunta rito, Ako lamang ang nakikita nila, sapagkat sina Sintike at Juan ay umaalis kung may kakatok…»

«Isang napakalungkot na pamumuhay.»

«Oo. At ang bata ay naghihirap nang labis, kung kaya't si Maria ni Alfeo ay isinasama siya kapag siya ay namimili para sa Akin. Ngunit ngayon tayo ay hindi na magiging malungkot, Aking Jesus, sapagkat Ikaw ay naririto na!»

«Ako ay naririto na… Ngayon tayo ay matulog na. Pagpalain Ninyo Ako, Inay, katulad ng dati Ninyong ginagawa nang Ako ay maliit na bata pa.»

«Pagpalain Mo Ako, Anak. Ako ay Iyong disipulo.»

Sila ay nagpapalitan ng halik… Nagsindi sila ng isa pang lampara at lumabas upang lumakad at matulog.

251211

 

 

 

 


Sunod na kabanata