305. Si Simon Zealot sa Nazareth.

Oktubre 18, 1945.

Dumidilim nang maaga sa Disyembre, ang mga ilawan ay sinisindihan nang maaga at ang mga pamilya ay nag-iipun-ipon sa isang silid. Iyan ay nangyayari din sa maliit na bahay sa Nazareth, at habang ang dalawang babae ay nagtatrabaho, ang isa sa habihan, ang isa sa pananahi, sina Jesus at Juan ng Endor, nakaupo malapit sa mesa, ay nag-uusap sa mabababang tinig, at si Marjiam ay malapit nang matapos sa pagpapakinis sa dalawang baul na nasa sahig.

Ang bata ay nagtatrabaho nang husto nang si Jesus ay tumayo at niyuyukuan ang baul nagsabi: «Tama na iyan ngayon. Sapat nang makinis iyan at bukas iyan ay atin nang mapipinturahan. Iligpit na ang lahat ngayon, dahil magtatrabaho ulit tayo bukas.» At habang lumalabas si Marjiam dala ang kanyang mga gamit sa pagpapakinis – matitigas na paleta kung saan ang magaspang na balat ng isda ay ipinako upang gawin ang ginagawa ng ating papel-de-liha, at mga gamit katulad ng mga kutsilyo, ngunit tiyak na hindi asero, para sa gayon ding gamit – si Jesus ay binubuhat sa pamamagitan ng Kanyang malalakas na braso ang isa sa mga baul at dinala ito sa pagawaan, kung saan sila ay maaaring doon nagtatrabaho sapagkat mayroon ditong mga pinaglagarian at mga pinagkataman malapit sa isa sa mga upuan, na mga inilagay sa gitna ng silid para sa okasyon. Si Marjiam ay naibalik na ang kanyang mga gamit sa mga lalagyan ng mga ito at inaalis na niya ang mga pinagkataman upang itapon ang mga ito sa apoy, ayon sa kanyang sinasabi, at ibig din niyang walisin ang mga kusot, ngunit si Juan ng Endor ay mas ginusto na siya na lang ang gumawa nito.

Ang lahat ay nalinis na nang bumalik si Jesus dala ang ikalawang baul, na Kanyang inilalagay malapit sa una. Ang tatlo sa kanila ay papalabas na nang kanilang mapakinggan na may kumakatok sa pinto at kaagad pagkatapos ang seryosong tinig ng Zealot umugong sa malalim na pagbati kay Maria: «Pagbati, Maria ng Aking Tagapagligtas, pinagpapalà ko ang Inyong kabaitan na nagpapahintulot sa akin na makatira sa ilalim ng Inyong bubungan.»

«Si Simon ay dumating na. Malalaman na natin ngayon kung bakit siya nahuli. Tayo na…» sabi ni Jesus.

Nang pinasok nila ang maliit na silid kung nasaan ang apostol kasama ang mga babae, si Simon ay inaalis mula sa kanyang mga balikat ang isang malaking bungkos.

«Kapayapaan sa iyo, Simon…»

«O! Aming Pinagpalang Guro! Ako ay nahuli, hindi ba? Ngunit nagawa ko ang lahat at maayos…»

Nagpalitan sila ng halik. Si Simon pagkatapos ay nagpatuloy sa kanyang kuwento: «Pinuntahan ko ang balo ng karpintero. Ang Inyong tulong ay dumating sa tamang sandali. Ang matandang babae ay labis na may sakit at kung gayon tumaas ang mga gastos. Ang maliit na karpintero ay ginagawa niya ang kanyang magagawa upang makagawa ng maliliit na bagay, at lagi Kayong naaalaala. pinagpapalà nilang lahat Kayo. Pumunta ako upang tingnan sina Nara, Samira at Sirah. Ang kanilang kapatid na lalaki ay mas mahirap pakisamahan kahit kailanman. Ngunit sila ay mapayapa, banal katulad nila, at pinagtitiisan nila ang kanilang abang tinapay na may kasamang mga luha at pagpapatawad. pinagpapalà nila Kayo para sa tulong na pinadala sa kanila. Ngunit hinihingi nila sa Inyo na magdasal na sana ang kanilang marahas na kapatid ay magbago. Ang matandang si Rachel ay pinagpapalà rin Kayo para sa inyong mga limos. Panghuli pumunta ako sa Tiberias upang mamili. Sana nabili ko ang tamang mga bagay. Matitingnan na ng mga babae ang mga ito… Ngunit ako ay napigilan sa Tiberias ng ilang mga tao na ang akala ako ay ang Inyong prekursor. Ako ay kanilang pinigilan nang tatlong araw… O! Maaari kong sabihin na iyon ay isang ginintuang kulungan! Ngunit iyon ay isa pa ring kulungan… Ibig nilang malaman ang maraming bagay. Sinabi ko sa kanila ang katotohanan nagpapaliwanag na kaming lahat ay Inyong pinakawalan at na Kayo ay tumigil para sa pinakamasamang panahon ng taglamig… Nang sila ay nakumbinsi na iyon ay ang katotohanan, at dahil din pumunta sila kay Simon ni Jonah at Felipe na hindi Kayo nakikita at wala ring nalalamang iba pa, pinalaya nila ako. Kahit na ang katuwiran na masama ang panahon ay hindi nakatulong, sapagkat ang panahon ay maganda. Iyan kung bakit ako nahuli.»

«Hindi na bale. Marami tayong panahon para magkasama-sama. Pinasasalamatan kita para sa lahat… Inay, tingnan Ninyo ang laman ng parsela kasama si Sintike at paalamin Ako kung ito ay sapat na para sa nalalaman Ninyo…» at habang ang mga babae ay binubuksan ang parsela, si Jesus ay naupo at nakikipagusap kay Simon.

«At ano ang Inyong ginawa, Guro?»

«Gumawa Ako ng dalawang baul, upang hindi maging walang-ginagawa at dahil ang mga iyon ay mapakikinabangan. Ako ay naglakad-lakad, kinasiyahan Ko ang pagiging nasa bahay…»

Si Simon ay tinititigan Siya… Ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano.

Ang mga pagbulalas ni Marjiam, na nakakita ng mahahabang linen at delanang mga tela, mga sandalyas, mga talukbong at mga sinturon na lumalabas mula sa balutan, ay nagawa si Jesus at ang Kanyang dalawang kasama na lumingon.

Si Maria ay nagsabi: «Ang lahat ay maayos. Magsisimula kaagad kaming manahi at ang lahat ay kaagad magiging handa.»

At bata ay nagtanong: «Magpapakasal ka ba, Jesus?»

Ang lahat ay tumawa at si Jesus ay nagtanong: «Bakit mo naisip iyan?»

«Ang lahat na ito na para sa isang lalaki at sa isang babae at ang dalawang baul na Inyong ginawa. Ang mga ito ay para sa Inyong trusu at para sa Inyong nobya. Maaari ba Ninyo ipakilala ako sa kanya?»

«Talaga bang ibig mong makilala ang Aking nobya?»

«O! Oo! Maaaring siya ay maganda at mabait! Ano ang kanyang pangalan!...»

«Ito ay lihim pansamantala. Sapagkat siya ay may dalawang pangalan, katulad mo, na una ay Jabez at pagkatapos Marjiam.»

«At hindi ko ba maaaring malaman ito?»

«Hindi sa ngayon. Malalaman mo ito isang araw.»

«Maaanyayahan ba Ninyo ako sa kasalan?»

«Ito ay hindi magiging kapistahan para sa mga bata. Aanyayahan kita sa piging ng kasalan. Ikaw ay magiging isa sa mga panauhin at isang saksi. Tama ba?»

«Gaano katagal ito? Sa loob ng isang buwan?»

«O! Mas matagal pa!»

«Kung gayon bakit Kayo nagtrabaho nang nagmamadali na magkaroon ng mga paltos sa Inyong mga kamay?»

«Nakuha Ko ang mga ito sapagkat hindi na Ako nagtatrabaho sa pamamagitan ng Aking mga kamay. Kita mo, Aking mahal na bata, kung gaano kasakit ang walang-ginagawa? Lagi. Kapag ang isa ay magpatuloy sa pagtatrabaho maghihirap siya nang doble sapagkat siya ay magiging maselan na. Ngayon, kung labis na nasasaktan ang kanya mga kamay, gaano pa masasaktan ang kanyang kaluluwa? Kita mo? Ngayong gabi kinailangan Kong sabihin sa iyo na tulungan mo Ako, sapagkat ang Aking mga kamay ay masakit na masakit na hindi Ko na mahawakan ang kikilan, samantalang noong dalawang taon pa lamang na nakararaan nakapagtatrabaho Ako nang labing-apat na oras na hindi Ako nakararamdam ng kahit anong sakit. Ganito rin ang nangyayari sa mga tao na ang kaninong pananabik at kalooban ay nawalan ng sigla. Ang isa ay nagiging malambot at mahina at madaling mapagod ng kahit ano. Sa kabilang dako, mas dobleng hirap ang gumawa ng mabuting mga aksiyon, na dati, nang ito’y laging ginagawa, ay walang-pagod. O! Hindi kailanman mabuti ang walang ginagawa nagsasabing: “Pagkatapos ng panahong ito makapagpapatuloy ako na may bagong lakas”! Ang isa ay hindi kailanman magtatagumpay, o magtatagumpay na may pinakamalaking paghihirap.»

«Ngunit hindi Kayo kailanman naging walang ginagawa!»

«Hindi. Gumawa Ako ng ibang trabaho. Ngunit nakikita mo na ang kawalang-magawa ng Aking mga kamay ay nakasamâ sa mga ito.» At si Jesus ay pinakita ang Kanyang mga kamay na mapula at may mga paltos.

Si Marjiam ay hinahalikan ang mga ito nagsasabing: «Ang aking ina ay madalas gawin iyan sa akin kapag nasasaktan ko ang aking sarili, sapagkat ang pagmamahal ay nakapagpapagaling.»

«Oo, ang pagmamahal ay nakapagpapagaling ng maraming bagay… Bueno.. Halika, Simon. Ikaw ay matutulog sa silid ng karpintero. Halika at ipakikita Ko sa iyo kung saan mo mailalagay ang iyong mga damit at…» sila ay lumabas at ang lahat ay nagtatapos.

281211

 

 


Sunod na kabanata