306. Isang Gabi sa Bahay sa Nazareth.

Oktubre 19, 1945.

Ang habihan ay nakatigil sapagkat sina Maria at Sintike ay abala tinatahi ang tela na dinala ng Zealot. Ang tela ay natabas na nang baha-bahagi at nilupi at itinabi nang maayos sa ibabaw ng mesa, ayon sa kulay. At ngayon paminsan-minsan ang mga babae ay kukuha ng isang piraso at ihihilbana sa ibabaw ng mesa, kung kaya't ang mga kalalakihan ay naitulak sa sulok ng nakatigil na habihan; sila ay malapit sa mga kababaihan ngunit hindi interesado sa kanilang ginagawa.

Ang mga apostol na sina Santiago at Judas ni Alfeo ay naroroon din at pinanonood ang abalang mga babae, nang hindi nagtatanong ng kahit ano, ngunit hindi sa palagay ko na walang pag-uusisa. Ang mga pinsan ay nagsasalita tungkol sa kanilang mga kapatid, at lalo na tungkol kay Simon, na sumama sa kanila hanggang sa layo ng pintuan ni Jesus at pagkatapos umalis «sapagkat ang kanyang anak ay hindi mabuti ang pakiramdam» sabi ni Santiago, upang mapagaan ang malungkot na balita at mapaumanhinan ang kanyang kapatid. Ngunit si Judas ay mas mahigpit at nagsabi: «Iyan kung bakit dapat siyang pumunta. Ngunit tila siya rin ay naging mapurol. Katulad ng lahat na mga Nazareno, pagkatapos ng lahat, kung ating di-ibibilang si Alfeo at ang dalawang disipulo, na ang tungkol sa kinaroroonan ay hindi ko alam. Malinaw na wala nang iba ang mabuti sa Nazareth, at kung ano ang mabuti ay lahat idinura na, na tila ito ay masama ang lasa sa ating bayan…»

«Huwag mong sabihin iyan» pakiusap ni Jesus. «Huwag mong lasunin ang iyong kaluluwa. Ito ay hindi nila kasalanan…»

«Kaninong kasalanan ito, kung gayon?»

«Ng maraming mga bagay… Huwag maging mausisa. Hindi lahat sa Nazareth ay masungit. Ang mga bata…»

«Sapagkat sila ay mga bata.»

«Ang mga babae…»

«Sapagkat sila ay mga babae. Ngunit ni ang mga bata o ang mga babae ay ipagpipilitan ang Inyong Kaharian.»

«Bakit hindi, Judas? Nagkakamali ka. Ang mga bata ngayon ay ang magiging mga disipulo bukas at siyang magpapakalat sa Kaharian sa buong mundo. At ang mga babae… Bakit hindi nila magagawa ito?»

«Tiyak na hindi Kayo makagagawa ng mga apostol sa mga babae. Kung baga man mga babaeng disipulo, na siyang tutulong sa mga disipulo, katulad ng sinabi Ninyo.»

«Babaguhin mo ang iyong isip tungkol sa maraming mga bagay sa hinaharap, Aking mahal na kapatid. Ngunit ni hindi Ako magsisikap na gawin kitang baguhin mo ito. Makakabangga Ko ang isang mentalidad na dumating sa iyo bilang resulta ng maling mga konsepsiyon at mga prekonsepsiyon tungkol sa mga babae. Hinihingi Ko lamang sa iyo na magmasid at tandaan ang mga pagkakaiba na nakikita mo sa pagitan ng mga disipulo at mga babaeng disipulo at pagmasdan kung papaano sila tumutugon sa Aking itinuturo. Makikita mo, simula sa inyong ina, na ating masasabi na siyang unang disipulo sa hanay ng panahon at ng kabayanihan, at siya pa rin, sa dahilan na nangunguna siya laban sa buong bayan na nanunuya sa kanya sapagkat siya ay matapat sa Akin, at kanyang nilalabanan ang sigaw ng kanyang sariling dugo na hindi nagpapaliban sa kanya ng paninisi sapagkat napakamatapat niya sa Akin, at makikita ninyo na ang mga babaeng disipulo ay mas mabubuti pa kaysa sa inyo mga disipulo.»

«Tinatanggap ko iyan, iyan ay totoo. Ngunit aling mga babaeng disipulo ang naririyan sa Nazareth? Ang mga anak na babae ni Alfeo, ang mga ina nina Ishmael at Aser at ang kanilang mga kapatid na babae. At iyan lang. Napakakaunti. Mas mabuti pang huwag na akong bumalik sa Nazareth upang hindi na makita ang lahat na iyan.»

«kaawa-awang ina! Mabibigyan mo siya nang matinding kapighatian» sabi ni Maria nakikihalo sa paguusap.

«Totoo iyan» sabi ni Santiago. «Labis siyang umaasa na maipagkakasundo niya ang ating mga kapatid kay Jesus at sa atin. Wala siyang hinihiling na iba pa sa palagay ko. Ngunit tiyak na hindi natin iyan magagawa sa pananatiling malayo. Hanggang ngayon ako ay nakinig sa inyo sa pamamagitan ng pananatiling nag-iisa.. Ngunit mula bukas ibig kong lumabas at lumapit sa mga tao… Sapagkat kung tayo ay kailangan na mag-ebanghelyo kahit sa mga Hentil, hindi ba natin maeebanghelyo ang ating sariling bayan? Ayaw kong maniwala na ito ay napakasamâ at hindi mababago.»

Si Judas Tadeo ay hindi tumutugon ngunit siya ay halatang naiinis.

Si Simon Zealot na nananahimik sa lahat ng oras, ay nakialam: «Ayaw kong magpahiwatig ng isang pagsuspetsa. Ngunit hayaan akong magtanong ng isa upang mapagaanan ang inyong mga isip. Ang aking tanong ay: nakatitiyak ba kayo na sa katigasan ng Nazareth walang banyagang kapangyarihan ang sangkot, na nanggaling sa labas at tumatrabaho nang mabuti rito sa isang bagay na, kung ang mga tao ay mangangatwiran ayon sa hustisya, siyang maaaring ang pinakamagandang garantiya na ang Guro ay ang Banal na Tao ng Diyos? Ang kaalaman tungkol sa perpektong pamumuhay ni Jesus, isang mamamayan ng Nazareth, ay kailangan na maging napakadali para sa mga Nazareno na tanggapin Siya bilang ang ipinangakong Mesiyas. Ako, at kasama ko ang maraming mga kaedad ko rito sa Nazareth, ay nalaman, mahigit pa sa nalaman ninyo, ang ilang sinasabing mga Mesiyas, sa reputasyon man lamang. At matitiyak ko sa inyo na ang kanilang pribadong mga pamumuhay ay pinawalang-bisa ng mga ito ang pinakamasugid na pamimilit ng kanilang pagiging mga Mesiyas. Ang Roma ay inusig sila nang puspusan bilang mga rebelde. Ngunit bukod sa kanilang mga ideang political, na hindi mapahihintulutan ng Roma kung saan ito naghahari, ang mga huwad na Mesiyas na iyon ay karapat-dapat na maparusahan para sa maraming pribadong mga rason. Amin silang inudyukan at sinuportahan sapagkat nakakatulong silang mabusog ang aming espiritu ng pagrerebelde laban sa Roma. Ginagaya namin ang kanilang hitsura sapagkat, mapupurol katulad namin, akala namin – hangga't hindi sa amin nalilinaw ng Guro ang katotohanan, at sa kamalasan, kahit na nalinaw sa amin, hindi pa rin kami naniniwala katulad na dapat kaming maniwala, ibig sabihin nang ganap – akala namin na sila ay ang mga ipinangakong “hari”. Pinakakalma nila ang aming mga pinanghihinaang mga kaluluwa sa pamamagitan ng mga pag-asa ng pambansang kasarinlan at ng pagtatayong muli ng kaharian ng Israel. Ngunit, O! gaano kamiserable! Anong isang panandalian at maruming kaharian sana ito naging?! Hindi, sa katunayan ang tawagin ang mga huwad na mga Mesiyas na iyon na mga hari ng Israel at mga tagapagpundar ng ipinangakong Kaharian, ay ang ipahiyang lubos ang idea tungkol sa Mesiyas. Sa Guro ang isang banal na pamumuhay ay idinudugtong sa malalim na doktrina. At ang Nazareth ay nalalaman ito, katulad na walang ibang bayan ang nakaaalam. Ni hindi ko inaakusahan ang Nazareth ng di-paniniwala sa Kanyang sobrenatural na kapanganakan., na hindi nalalaman ng Nazareth. Ngunit ang Kanyang pamumuhay!... Ngayon, labis na kapootan, labis na di-malagos na katigasan, hindi, labis na lumalaking panlalaban… hindi kay ito nanggagaling sa masungit na mga manyobra? Kilala natin ang mga kaaway ni Jesus. Alam natin kung ano ang kanilang mga halaga. Sa palagay ba ninyo sila ay di-kumikilos o wala lang dito, kung sila ay nauuna sa atin, o nagmamartsang katabi natin, o sumusunod sa atin kahit saan upang sirain ang gawa ng Kristo? Huwag akusahan ang Nazareth ng pagiging ang tanging salarin. Bagkus lumuha para rito, dahil ito ay nailigaw ng mga kaaway ni Jesus.»

«Ang iyong sinabi, Simon, ay totoong-totoo. Lumuha para rito…» sabi ni Jesus. At Siya ay malungkot na malungkot.

Si Juan ng Endor ay nagwika: «Tamang-tama ka rin sa pagsasabi na ang isang paborableng bagay ay nagbabago sa pagiging isang di-kapabur-pabor na bagay, sapagkat ang mga naiisip ng tao ay bihirang sumasang-ayon sa hustisya. Ang unang balakid dito ay ang abang kapanganakan, ang abang kamusmusan, ang abang kabataan, ang abang pagbibinata ng ating Jesus. Nakakalimutan ng tao na ang tunay ng mga halaga ay nakatago sa ilalim ng mapagpakumbabang mga hitsura samantalang ang mga walang-halaga ay nagkukunwari bilang mga dakilang tao upang maipilit nila ang kanilang mga sarili sa mga pulutong.»

«Maaaring ganyan… Ngunit walang makapagbabago sa aking opinyon tungkol sa aking kapwa mga kababayan. Anuman ang sinabi sa kanila, kailangan na hinusgahan nila ang Guro sa pamamagitan ng Kanyang totoong mga gawa at hindi sa pamamagitan ng mga salita ng di-kilalang mga tao.»    

Nagkaroon ng isang mahabang katahimikan, napuputol lamang ng ingay ng telang pinipirá-pirasó ng Banal na Birhen upang makagawa ng mga panggilid. Si Sintike ay hindi kailanman nagsalita, bagkus naging napaka mapakinig. Ang kanyang aktitud ay laging ng malalim na paggalang at pagkamatimpiin, at ito’y hindi kasing pormal kay Maria at sa bata lamang. Ngunit ang bata ay nakatulog sa maliit na bangkito sa paanan ni Sintike, ang ulo nasa ibabaw ng kanyang nakatiklop na braso nakapatong sa mga tuhod ni Sintike. Si Sintike ay hindi gumagalaw at naghihintay kay Maria na iabot sa kanya ang mga pinirasong tela.

«Anong inosenteng tupa… Siya ay ngumingiti» wika ni Maria niyuyukuan ang natutulog na bata.

«Ano kaya ang kanyang napananaginipan?» sabi ni Simon ngumingiti.

«Siya ay napaka matalinong bata. Mabilis siyang matuto at gusto niya ang malinaw na mga pagpapaliwanag. Nagtatanong siya ng napaka tusong mga katanungan at gusto niya ng malinaw na mga kasagutan para sa lahat. Tatanggapin ko na kung minsan napapahiya ako sa pagbibigay sa kanya ng kasagutan. Ang ilang mga paksa ay mataas sa kanyang edad at kung minsan ito ay higit pa sa kakayahan ko na ipaliwanag sa kanya» sabi ni Juan.

«Iyan nga! Katulad ng araw na iyon… Naaalaala mo ba, Juan? Mayroon kang nakakainis na mag-aaral noong araw na iyon! At napaka mangmang» sabi ni Sintike ngumingiting tahimik at tinitingnan ang disipulo nang may malalalim na mata.

Si Juan ay ngumiti rin at nagsabi: «Oo. At mayroon kayong napakahinang tagapagturo, na kinailangan na tawagin ang tunay na Tagapagturo upang matulungan siya… sapagkat wala sa mga aklat na kanyang nabasa, natagpuan ng tangang tagapagturo ang sagot na maibibigay sa isang bata. Na nagpapatunay na ako ay isa pa ring mangmang na tagapagturo.»

«Ang pantaong siyensiya ay kamangmangan pa rin, Juan. Ang tagapagturo ay hindi kinakapos, bagkus kung ano ang ibinigay sa kanya upang maging isang tagapagturo ang hindi sapat. kaawa-awang pantaong siyensiya! Gaano ito pira-pirasong tingnan sa akin! Nagagawa ako nito na isipin ang isang diyos na pinararangalan sa Gresya. Tanging paganong materyalismo lamang ang makapaniniwala na maaangkin ng mga Griyego ang diyosa ng Tagumpay magpakailanman, sapagkat siya ay walang mga pakpak! Hindi lamang inaalisan nila ng Tagumpay ang kanyang mga pakpak, bagkus pinagkakaitan nila kami ng aming kalayaan… Mas naging mabuti pa kung nagkaroon siya ng kanyang mga pakpak, sa aming paniniwala. Naniwala sana kami na siya ay nakalilipad at nakapagnanakaw ng mga selestiyal na kidlat upang maitapon sa aming mga kaaway. Ngunit sa kanyang kinalalagyan hindi kami niya nabigyan ng pag-asa, bagkus panimdim at kalungkutan. Hindi ko siya matingnan nang hindi naghihirap… At siya ay tila naghihirap at nagmumukhang napapahiya ng kanyang pagkawala ng mga pakpak. Nagmumukha siyang simbolo ng kapighatian, hindi ng lugod… At siya nga. At ang tao ay ginawa sa Siyensiya kung ano ang kanyang ginawa sa Tagumpay. Tinanggalan niya ito ng mga pakpak, na makakukuha ng sobrenatural na kaalaman at kung gayon maibigay sa kanya ang susi upang matuklasan ang maraming lihim ng kaalaman at ng sangnilikha. Sila’y naniwala noon at naniniwala na mapananatili nila itong isang bihag sa pagputol sa kanyang mga pakpak… At kung gayon nagawa itong mapurol at may-kulang… Ang may-pakpak na Siyensiya ay sana naging Karunungan. Sa katulad nito ngayon, ito ay parsiyal na pagka-intindi lamang.»

«At ang Akin bang Ina ay tumugon sa inyo nang araw na iyon?»

«Oo, tumugon Siya, nang may perpektong kalinawan at basal na mga salita, angkop na mapakinggan ng isang bata at dalawang adulto na magkaiba ng kasarian, upang wala sa amin ang kailangan na mamula sa hiya.»

«Tungkol ito saan?»

«Ang pinagmulan ng kasalanan, Guro. Isinulat ko ang paliwanag ng Inyong Ina, upang ito ay aking maalaala» sabi ni Sintike, at sinabi rin ni Juan ng Endor: «gayon din ako. Sa palagay ko iyan ang isa sa mga punto na itatanong sa amin na linawin, kung kami ay pupunta sa mga Hentil isang araw. Ngunit sa palagay ko hindi ako mapupunta sapagkat…»

«Bakit, Juan?»

«Sapagkat hindi na magtatagal ang aking buhay.»

«Ngunit pupunta ka ba nang may kagustuhan?»

«Mahigit pa sa maraming tao sa Israel, sapagkat ako ay walang pagkiling sa ano pa man. At dahil din… Oo, dahil din nakapagtayo ako ng isang masamang halimbawa sa mga Hentil sa Cintium a sa Anatolia. Ibig kong makagawa ng ilang kabutihan kung saan ako nagkamali. Ang kabutihan na kailangang gawin: Dalhin ang Inyong salita roon at gawin Kayong kilala… Ngunit magiging isang napakalaking karangalan sana ito… Hindi ako karapat-dapat nito.»

Si Jesus ay tinitingnan siya ngumingiti ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano tungkol dito. Siya ay nagtanong: «At wala na ba kayong ibang itatanong pa?»

«May isa ako. Pumasok ito sa isip ko nang makalawang gabi nang Kayo ay nagsasalita sa bata tungkol sa kawalang-magawa. Nagsikap ako na makita ang kasagutan, ngunit hindi ako nagtagumpay. Binalak kong maghintay hanggang sa Sabbath at itanong sa Inyo, kapag ang aming mga kamay ay hindi aktibo at ang aming mga kaluluwa, sa loob ng Inyong mga kamay, ay naitaas sa Diyos» sabi ni Sintike.

«Maaari mo nang itanong sa Akin, habang naghihintay tayo ng oras ng pagtulog.»

«Ganito ito, Guro. Sinabi Ninyo na ang mga nagiging pabaya sa kanilang espirituwal na gawain ay lalagong mahina at mapapalapit sa espirituwal na mga sakit. Tama ba iyon?»

«Oo, babae.»

«Ngayon sa akin ito ay lumalabas na tila nasa kaibahan sa kung ano ang aking napakinggan sa Inyo at sa Inyong Ina tungkol sa orihinal na kasalanan, ang mga epekto nito sa amin at ang katotohanan na kami ay mapapalaya mula rito sa pamamagitan Ninyo. Itinuro Ninyo sa akin na ang Panunubos ay kakanselahin Nito ang orihinal na kasalanan. Sa palagay ko hindi ako nagkakamali kung sasabihin ko na ito ay hindi makakansela sa lahat, bagkus sa mga naniniwala lamang sa Inyo.»

«Na siyang totoo.»

«Kung gayon hindi ko na babanggitin ang tungkol sa iba, bagkus ang tungkol sa isa lamang sa mga nailigtas na. Titingnan ko ang tungkol sa kanya pagkatapos ng mga epekto ng Panunubos. Ang kanyang kaluluwa ay hindi na mantsado ng orihinal na kasalanan. Siya kung gayon ay nasa kamay na muli ng Grasya katulad ng ating Unang mga Magulang dati. Hindi ba't iyan, kung gayon, ay nagbibigay ng lakas sa kanyang kaluluwa na hindi maaatake ng kahit na anong kahinaan? Sasabihin Ninyo: «Ang tao ay gumagawa ng personal na mga kasalanan din”. Sumasang-ayon ako. Ngunit pati ito ay mawawala din sa pamamagitan ng Inyong Panunubos. Hindi ko Kayo tatanungin kung papaano. Ngunit sa palagay ko mag-iiwan Kayo ng ilang mga pamamaraan, ilang mga simbolo… bilang katibayan na ang Inyong Panunubos ay totoong nangyari na; at hindi ko nalalaman kung papaano ito mangyayari, bagama't kung ano ang ipinahihiwatig sa Inyo sa Banal na Aklat ay nagagawa ang isa na manginig, at umaasa ako na ito ay isang simbolong paghihirap lamang, nakapaloob sa moral, bagama't ang pamimighating moral ay hindi huwad na impresyon at baka mas nakamamatay pa kaysa pisikal na kirot. Kayo ay mag-iiwan ng ilang mga pamamaraan, ilang simbolo. Ang bawat relihiyon ay mayroon ng mga ito, at kung minsan ang mga ito ay tinatawag na mga misteryo… Ang pagbibinyag, sa kasalukuyan pinaiiral sa Israel, ay isa, hindi ba?»

«Iyan nga. Sa Aking Relihiyon din ay magkakaroon ng mga tanda ng Aking Panunubos na gagamitin sa mga kaluluwa upang sila ay mapadalisay, mapalakas, maliwanagan, masuportahan, mapakain at maabsulbihan, ngunit may ibang mga pangalan kaysa sa mga binanggit mo.»

«Kung gayon? Kung maaabsulbihan din sila sa kanilang personal na mga kasalanan, sila ay laging nasa grasya… Kung gayon papaano sila magiging mahina at mapalantad sa espirituwal na mga sakit?»

«Gagawa Ako ng paghahambing para sa iyo. Ating kunin ang isang bagong panganak na sanggol, na malusog at malakas at ipinanganak ng napakalusog na mga magulang. Siya ay walang manang pisikal na diperensiya. Ang kanyang katawan ay perpekto kapwa tungkol sa mga buto at mga sangkap nito at ang kanyang dugo ay maganda. Nasa kanya kung gayon ang lahat na kinakailangan upang lumaki na malakas at malusog, at dahil din ang kanyang ina ay maraming nakapagbibigay-sustansiyang gatas. Ngunit sa maagang mga araw ng kanyang buhay nagkaroon siya ng napakalalang sakit, na di-malaman ang pinanggalingan. Ito ay tunay na nakamamatay na sakit. Siya ay nakabangon nang may-kahirapan sa pamamagitan ng awa ng Diyos, Na nagpanatili sa kanya nang buhay nang ang buhay ay papaalis na sa kanyang maliit na katawan. Bueno, sa palagay mo ba ang batang iyon ay magiging kasing lakas katulad nang kung siya ay hindi nagkaroon ng sakit na iyon? Hindi, maghihirap siya mula sa walang-katapusang panghihina. Kahit na kung ito ay hindi halata, ito ay naririyan at siya ay mapalalantad sa mga sakit nang may-kadalian kaysa kung siya ay hindi kailanman nagkasakit. Ang ilang sangkap ng kanyang katawan ay hindi magiging kasing lusog katulad nang dati. At kung gayon mas madali siyang magkaroon ng mga sakit. At ang mga ganyang sakit, sa tuwing makukuha niya ang mga ito, ay gagawin siyang mas nakalantad na magkasakit. Ganyan din naman sa larangang espirituwal. Ang Orihinal na kasalanan ay makakansela sa mga naniniwala. Ngunit ang kanilang kaluluwa ay magkakaroon pa rin ng kiling sa kasalanan, na hindi sana sila nagkaroon, kung hindi nagkaroon ng Orihinal na kasalanan. Kinakailangan kung gayon na laging magpatuloy na magbantay at pangalagaan ang sariling kaluluwa, katulad ng ginagawa ng isang maasikasong ina sa kanyang anak, na naiwang mahina ng sakit ng isang paslit. Kung kaya't hindi kayo kailangan na maging walang-magawa, bagkus laging aktibo upang lumagong malakas sa birtud. Kung ang isa ay bumagsak sa kakuparan o kawalang-sigla, mas madali siyang matutukso ni Satanas. At ang bawat grabeng kasalanan, na katulad ng isang malubhang pagkakasakit-muli, ay laging mailalantad ang isa sa mga sakit at espirituwal na kamatayan. Ngunit kung ang Grasya, naibalik ng Panunubos, ay natutulungan ng isang aktibong walang-kapagurang kalooban, ito ay mananatili. Hindi, ito ay lálaki, sapagkat ito ay masasamahan ng birtud na nakuha ng tao. Kabanalan at Grasya! Anong ligtas na mga pakpak upang makalipad patungo sa Diyos! Naintindihan mo ba?»

«Oo, aking Panginoon. Kayo, ibig sabihin ang Kabanalbanalang Trinidad, ay binibigay ang basiko na Pamamaraan sa tao. Ang tao sa pamamagitan ng kanyang gawa at pangangalaga ay kailangan na hindi ito masira. Naintindihan ko. Ang bawat malalang kasalanan ay sisirain ang Grasya, ibig sabihin, ang kalusugan ng espiritu. Ang mga tanda na iiwanan Ninyo sa amin, ay magbibigay ulit ng kalusugan, totoo iyan. Ngunit ang isang matigas-ang-ulo na nagkakasala, na hindi nagsisikap na iwasan ang kasalanan, ay magiging mas mahina sa bawat pagkakataon, kahit na kung siya ay pinatatawad sa bawat pagkakataon. Ang isa ay kailangan kung gayon na maging mapagbantay upang hindi mamatay. Salamat sa Inyo, Guro… Si Marjiam ay nagigising na. Gabi na…»

«Oo. Tayo ay magdasal nang sabay-sabay at pagkatapos tayo ay magpapahinga.»

Si Jesus ay tumayo, ginagaya ng lahat, ng bata rin na medyo tulog pa. At ang «Ama Namin» ay umugong nang malakas at may armonya sa loob ng maliit na silid.

281211

 

 


Sunod na kabanata