309. Si Simon Pedro sa Nazareth.

Oktubre 22, 1945.

Magtatanghali na nang si Pedro, nag-iisa at di-inaasahan, ay dumating sa bahay sa Nazareth. Marami siyang karga ng mga basket at maliliit na sako katulad ng isang portero. Ngunit napakasaya niya upang wala siyang maramdamang bigat o pagod.

Masayang-masaya siyang ngumiti kay Maria, Na pumunta upang buksan ang pinto, at kanya niyang binabati Siya na may lugod at pagpitagan. Pagkatapos siya ay nagtanong: «Nasaan ang Guro at si Marjiam?»

«Sila ay nasa binundok, sa itaas ng gruta, subalit pagawi sa bahay ni Alfeo. Sa palagay Ko si Marjiam ay namimitas ng mga olibo at si Jesus ay tiyak na nagninilay-nilay. Tatawagin Ko sila.»

«Ako ang bahala diyan.»

«Iwanan mo muna ang lahat na iyong dala-dala.»

«Hindi. Ito ay sorpresa para sa bata. Ibig kong makita na ibuka niya nang maluwang ang kanyang mga mata at maghalungkat nang nagtatakaw… Nagagawa siyang napakasaya nito, kaawa-awang bata.»

Siya ay lumabas sa pangkusinang-hardin, pumunta siya sa ilalim ng binundok, nagtago siya sa uka ng gruta, at pagkatapos siya ay sumigaw, binabago ang kanyang tinig nang kaunti: «Kapayapaan sa Inyo, Guro», at pagkatapos sa kanyang natural na tinig: «Marjiam!...»

Ang matiling tinig ni Marjiam, na pumupuno ng sigla sa mapayapang ere, ay naging tahimik… Nagkaroon ng isang pagtigil, pagkatapos ang halos babaeng tinig ng bata ay nagtanong: «Guro, ngunit hindi ba't iyon ay ang aking itay tinatawag ako?»

Si Jesus ay baka nakalubog sa pag-iisip upang wala Siyang napakinggang anuman, at ito ay Kanyang kusang tinatanggap.

Si Pedro ay tumawag muli: «Marjiam!» at siya ay tumawa nang kanyang dating bigay-na-bigay na tawa.

«O! Siya iyon! Itay! Itay! Nasaan kayo?» Siya ay kumiling upang tumingin sa pangkusinang-hardin, ngunit walang makitang anuman…

Si Jesus ay pumunta rin sa harapan upang tumingin… Nakita Niya si Maria Na ngumingiti sa may-pintuan at sina Juan at Sintike na mga ngumingiti rin mula sa silid sa dulo ng pangkusinang-hardin malapit sa batong hurno.

Ngunit si Marjiam ay nagpasya: siya ay tumalon mula sa binundok, malapit lang sa gruta, at si Pedro ay nakahanda nang sambutin siya bago siya lumagpak sa lupa. Naka-aantig ng damdamin na makita kung papaano sila magbatian. Sina Jesus, Maria at ang dalawang disipulo sa dulo ng pangkusinang-hardin ay pinagmamasdan sila, ngumingiti, at pagkatapos lahat sila ay nag-ipun-ipon sa paligid ng maliit na magiliw na grupo.

Pinalaya ni Pedro ang kanyang sarili, hangga't magagawa niya, mula sa hawak ng bata upang yumuko kay Jesus at batiin Siya muli. Si Jesus ay niyayakap siya kasama ang bata, na nakakapit pa sa apostol at nagtanong: «At ang inay?»

Ngunit si Pedro ay tumugon kay Jesus Na nagtanong sa kanya: «Bakit ka pumunta kaagad?»

«Sa palagay ba Ninyo makatatagal ako nang malayo na hindi Kayo nakikita? At pagkatapos… Eh! Pagkatapos naririyan si Porphirea na hindi ako iniiwanan sa kapayapaan: “Lakad na at tingnan si Marjiam. Dalhin sa kanya ito. Dalhin sa kanya iyan”. Tila iniisip niya na si Marjiam ay kasama ng mga mandarambong o nasa isang disyerto. Nang makalawang gabi siya ay bumangon upang gumawa lamang ng pulot na keyk at nang kaagad naluto iyon, pinalakad na niya ako…»

«Ah! Pulot na mga keyk…» sigaw ni Marjiam. Pagkatapos siya ay naging tahimik.

«Oo. Ito ay nasa loob dito kasama ng mga igos na pinatuyo sa hurno, mga olibo at mapulang mga mansanas. At siya ay gumawa ng tinapay na niluto na may langis ng olibo para sa iyo. At nagpadala siya ng ilang keso ginawa mula sa gatas ng iyong tupa. At may tunika na panlaban sa ulan. At pagkatapos, at pagkatapos… Hindi ko alam kung ano pa ang naririyan. Ano? Hindi ka na ba nagmamadali? Ikaw ba ay umiiyak? O! Bakit?»

«Sapagkat mas gusto ko sana na isinama mo siya rito, sa halip ng mga bagay na ito… Giliw-na-giliw ako sa kanya, alam mo ba?»

«O! Dibinong Awa! Sino ang maka-iisip ng ganyan?! Kung siya ay naririto nakikinig sa iyo, matutunaw siyang katulad ng mantikilya…»

«Tama si Marjiam. Sana isinama mo siya. Tiyak na ibig niyang makita ang bata pagkatapos ng napakatagal na panahon. Kaming mga babae ay katulad lamang niyan sa aming mga anak…» sabi ni Maria.

«Bueno… Ngunit makikita niya siya bago magtagal, hindi ba, Guro?»

«Oo, pagkatapos ng Dedikasyon, kapag tayo ay aalis na… Hindi… Pagbalik mo, pagkatapos ng Dedikasyon, ikaw ay babalik na kasama siya. Siya ay mananatili rito kasama ang bata nang ilang mga araw, at pagkatapos sila ay babalik sa Bethsaida na magkasama.»

«O! Gaano kaganda! Mapupunta ako rito kasama ang dalawang ina!» Ang bata ay mangitiin at masaya.

Lahat sila ay pumasok sa bahay at si Pedro ay inalisan ang sarili ng kanyang mga dala-dala.

«Narito ang ilan na dinaing, inatsara at sariwang isda. Magagamit Ninyo ito Ina. At naririto ang ilan ng malapot na keso, na gustung-gusto Ninyo, Guro. At naririto ang ilang itlog para kay Juan. Sana walang nabasag… Wala. Mabuti. At ilang ubas. Nakuha ko iyan mula kay Susanna sa Cana, kung saan ako natulog. Pagkatapos… Ah! Tingnan mo ito, Marjiam! Tingnan kung gaano ito kalinaw. Ito ay tila gawa sa buhok ni Maria»… at kanyang binubuksan ang isang banga ng malaput-lapot na pulot.

«Bakit napakaraming dala? Nag-abala ka nang husto, Simon» sabi ni Maria tinitingnan ang mga balutan, mga parsela, mga plorera at mga banga sa mesa.

«Abala? Hindi. Nagkaroon ako ng magandang huli at nakagawa ako ng mabuting kita. Iyan, sa ganang mga isda. Ang tungkol sa iba pa: ang lahat ay gawang bahay. Walang ginasta diyan ngunit nagbibigay ng labis na lugod na dalhin. Gayunpaman… Tayo ngayon ay nasa Dedikasyon na… Iyan ang kaugalian, hindi ba? Hindi mo ba titikman ang pulot?»

«Hindi ko magagawa» sabing seryoso ni Marjiam.

«Bakit? Hindi ba mabuti ang pakiramdam mo?»

«Hindi. Ngunit hindi ko iyan makukuha.»

«Ngunit bakit?»

Ang bata ay namumula ngunit hindi tumutugon. Tinitingnan niya si Jesus at nananahimik. Si Jesus ay ngumingiti at nagpaliwanag: «Si Marjiam ay gumawa ng pangako upang makakuha ng grasya. Hindi siya nakakakain ng pulot sa loob ng apat na linggo.»

«O sige. Kakain ka saka na… Kunin mo pa rin ang banga… Isipin na lang! Hindi ko naisip na siya ay… napaka…»

«Napaka-mapagkaloob, Simon. Siya na nasanay na sa pagpepenitensiya mula pa sa kanyang pagkabata, ay madadalian sa daan ng birtud sa buong buhay niya» sabi ni Jesus, habang lumalayo ang bata na ang banga nasa kanyang mga kamay.

Si Pedro ay pinagmamasadan siyang umaalis at siya’y namamangha. Pagkatapos siya ay nagtanong: «Ang Zealot ba ay wala rito?»

«Siya ay pumunta kay Maria ni Alfeo. Ngunit siya ay babalik kaagad. Kayo ay matutulog na magkatabi ngayong gabi. Halika sa kabilang silid, Simon Pedro.»

Sila ay lumabas habang sina Maria at Sintike ay inaayos ang silid na nasakop ng mga dala-dala.

«Guro… Ako ay naparito upang tingnan Kayo at ang bata. Iyan ay totoo. Ngunit dahil din nag-iisip ako nang husto nang mga araw na ito, lalo na pagkatapos ng pagdating ng tatlong nakalalasong mga putakting iyon… na aking sinabihan ng mas maraming kasinungalingan kaysa ang mga isda na mayroon sa dagat. Sila ngayon ay patungo na sa Gethsemane dahil iniisip nila na si Juan ng Endor ay naroroon at pagkatapos sila ay pupunta kay Lazarus, umaasang matatagpuan nila roon si Sintike at Kayo. Hayaan silang maglakad!... Ngunit sila ay babalik at… Guro, ibig nilang gumawa sa Inyo ng gulo dahil sa dalawang sawing-palad na taong iyon…»

«Ginawa Ko na ang lahat na kinakailangan ilang buwan na ang nakararaan. Kapag sila ay bumalik hinahanap ang dalawang inuusig na taong ito, hindi nila sila matatagpuan kahit saan sa Palestina. Nakikita mo ba ang mga baul na ito? Ginawa Ko iyan para kay Juan at Sintike. Napuna mo ba ang mga nakaluping damit na iyon malapit sa habihan? Iyan ay para sa kanila. Nasorpresa ka ba?»

«Oo, Guro. Saan Ninyo sila ipadadala?»

«Sa Antioch.»

Si Pedro ay sumipol nang makahulugan at pagkatapos nagtanong: «Kanino? At papaano sila pupunta roon?»

«Sa isang bahay na pag-aari ni Lazarus. Ang huling bahay na mayroon si Lazarus kung saan ang kanyang ama ay ang namahala sa ngalan ng Roma. At sila ay pupunta sa pamamagitan ng dagat…»

«Ah! Alam ko na! Sapagkat kung si Juan ay pumunta roon nang naglalakad…»

«Sa pamamagitan ng dagat. Natutuwa Ako na nakapagsasalita Ako sa iyo tungkol diyan. Ipadadala Ko sana si Simon upang sabihin sa iyo: “Halika”, upang ihanda ang lahat. Makinig. Dalawa o tatlong araw pagkatapos ng Kapistahan ng Dedikasyon aalis tayo mula rito nang unti-unti, upang hindi makakuha ng atensiyon ng sinuman. Ang grupo ay mapoporma Ko, ikaw, ang iyong kapatid, sina Santiago at Juan, ang Aking dalawang pinsan, sina Juan at Sintike. Tayo ay pupunta sa Ptolemais! Mula roon dadalhin mo sila sa pamamagitan ng bangka sa Tyre. Doon sasakyan ninyo ang isang barko na maglalayag patungong Antioch, na tila kayo ay mga proselito na bumabalik. Pagkatapos kayo ay babalik at matatagpuan ninyo Ako sa Achzib. Ako ay mapupunta sa tuktok ng bundok araw-araw. Maging ano pa man ang Espiritu ay gagabayan kayo…»

«Ano? Hindi ba Kayo sasama sa amin?»

«Labis Akong mapupuna. Ibig Kong bigyan ng kapayapaan ang kaluluwa ni Juan.»

«At ano ang aking gagawin dahil hindi pa man lamang ako napapalayo rito?»

«Ikaw ay hindi isang bata… at malapit nang maglakbay ka nang mas malayo kaysa Antioch. Nagtitiwala Ako sa iyo. Nakikita mo na labis Kitang pinahahalagahan…»

«At papaano sina Felipe at Bartolomeo?»

«Sila ay darating at tatagpuin tayo sa Jotopata at mag-eebanghelyo habang naghihintay sa atin. Ako ay susulat sa kanila at dadalhin mo ang sulat.»

«At… ang dalawang iyon doon, nalalaman na ba nila ang kanilang kapalaran?»

«Hindi. Ibig Kong ipagdiwang nila ang Kapistahan sa kapayapaan…»

«H’m. Kaawa-awang mga tao… Isipin mo iyan! Ang mga tao ay inuusig ng mga kriminal at…»

«Huwag mong dumihan ang iyong bunganga, Simon.»

«Hindi, Guro… Makinig… papaano namin dadalhin ang mga baul na ito? At si Juan? Sa akin mukhang malala ang kanyang sakit.»

«Magdadala tayo ng isang asno.»

«Hindi. Magdadala tayo ng isang kariton.»

«At sino ang magpapatakbo nito?»

«Eh! Kung si Judas ni Simon ay natotong managwan, si Simon ni Jonah ay matututong magpatakbo ng kariton. Maaaring hindi mahirap magpatakbo ng isang asno sa pamamagitan ng bukado. Ilalagay natin ang mga baul at ang dalawang iyon sa kariton… at tayo ay maglalakad. Oo, mas mabuti nang gawin iyan, maniwala sa akin.»

«At sino ang magbibigay sa atin ng kariton? Tandaan na ayaw Kong mapuna ang ating pag-alis.»

Si Pedro ay nag-iisip… Nagpasya ang kanyang isip: «Mayroon ba Kayo ng kahit ilang pera?»

«Oo. Malaki-laki pa ang pera na nakuha natin para sa mga hiyas-na-bato ni Misace.»

«Kung gayon madali ito. Bigyan Ninyo ako ng ilan. Kukuha ako ng asno at kariton mula sa isang tao at… oo… gagawin nating panregalo ang asno sa ilang kaawa-awang tao at ang kariton… malalaman natin… natutuwa ako na ako ay pumunta rito. At kailangan ko bang talagang bumalik kasama ang aking asawa?»

«Oo. Mas mabuti iyan.»

«Mabuti. Ngunit ang dalawang sawing-palad na iyon! Nalulungkot ako na mawawalan na tayo ng Juan. Totoo, hindi na natin siya makakasama nang matagal. Ngunit, kaawa-awang lalaki! Maaari siyang namatay dito, katulad ni Jonah…»

«Hindi nila siya pahihintulutan. Ang mundo ay kinapopootan ang mga tinutubos ang mga sarili.»

«Mapapahiya siya…»

«May makikita Akong dahilan upang magawa siyang umalis na may magaang kaisipan.»

«Aling dahilan?»

«gayon ding dahilan upang mapaalis Ko si Judas ni Simon: ang magtrabaho para sa Akin.»

«Ah!... Ang kaibahan ay na kay Juan ito ay magiging kabanalan, samantalang kay Judas ito ay pagmamalaki lamang.»

«Simon, huwag manirang-puri.»

«Iyan ay mas mahirap pa kaysa gawing umawit ang isang isda! Iyan ang katotohanan, Guro, iyan ay hindi paninirang-puri… Ngunit sa palagay ko si Simon ay dumating na kasama ang Inyong mga pinsan. Tayo na…»

«Tayo na. Wala ni isang salita sa kahit sinuman.»

«Sinasabihan ba Ninyo ako? Hindi ko maaalis ang katotohanan kapag ako ay nagsasalita, ngunit maaari akong maging tahimik, kung gusto ko. At gusto ko! Isinumpa ko ito sa aking sarili. Isipin lang ako pupunta sa Antioch! Sa mga dulo ng mundo! O! Sana ako ay nakabalik na! Hindi na ako matutulog hanggang hindi pa ito natatapos…»

Sila ay lumabas at wala na akong makita pa.

250112

 

 

 


Sunod na kabanata