311. Si Juan ng Endor Kailangang Pumunta sa Antioch. Katapusan ng Ikalawang Taon.

Oktubre 24, 1945.

Ngayon ay isang basang taglamig na umaga. Si Jesus ay gising na at abala sa Kanyang pagawaan. Gumagawa Siya ng maliit na mga bagay. Ngunit sa isang tabi ay may isang bagong habihan, hindi napakalaki, subalit maganda ang pagkakorte at pinakinis.

Si Maria ay pumasok na may dalang isang kopa ng umuusok na mainit na gatas. Inumin Mo ito, Jesus. Matagal Ka nang gising. Ngayon ay basa at malamig…»

«Oo, ngunit nagawa Kong matapos man lamang ang lahat… Ang walong araw na kapistahan ay naparalisa ang Aking gawain…» Si Jesus ay naupo sa upuan ng karpintero, medyo patagilid, at iniinom ang gatas habang tinitingnan ni Maria ang habihan at ikinukuskos ang Kanyang kamay dito nang may-paggiliw.

«Iyan ba ay Inyong pinagpapalà, Inay?» tanong ni Jesus ngumingiti.

«Hindi, hinahaplos Ko ito sapagkat Ikaw ang gumawa nito. Napagpala Mo ito sa paggawa nito. Mabuting idea na gawin ito. Malaki ang pakinabang nito para kay Sintike. Siya ay napakagaling na mághahabi. Makakatulong ito sa kanya na malapitan ang mga babae at mga dalaga. Ano pa ang Iyong ginawa, nakakakita Ako ng maninipis na pinagkataman, ng olibo, sa palagay Ko, malapit sa turnuhan?»

«Gumawa Ako ng mapakikinabangang mga bagay para kay Juan. Kita Ninyo? Isang lalagyan ng mga panulat at isang tablang sulatan. At ang mga mesang ito kung saan maitatago niya ang kanyang mga rolyo. Hindi Ko sana nagawa ang lahat na ito kung hindi naisip ni Simon ni Jonah na kumuha ng kariton. Ngunit ngayon pati ito ay maisasakay na rin natin… at sa pamamagitan din ng maliliit na bagay na ito mararamdaman nila na minamahal Ko sila…»

«Naghihirap Ka sa pagpapadala sa kanila, hindi ba?»

«Naghihirap Ako… Para sa Aking sarili at para sa kanila… Naghintay Ako hanggang sa kasalukuyang sandali upang sabihin sa kanila… at nakapagtataka na si Simon ay hindi pa dumarating kasama si Porphirea... Kailangang sabihan ko na sila ngayon… Ang kirot na ito ay nasa loob ng Aking puso sa lahat na mga araw na ito at kahit na ang liwanag ng napakaraming lampara ay nagmumukhang malungkot sa Akin… Isang paghihirap na ngayon ay kailangan Ko nang sabihin sa iba… Ah! Inay, gusto Ko sanang nasarili Ko na lamang ang lahat…»

«Aking mabuting Anak!» si Maria ay hinahaplos ang kamay ni Jesus upang paginhawahan Siya.

Nagkaroon ng katahimikan… Pagkatapos si Jesus ay nagpatuloy sa pagsalita: «Si Juan ba ay gising na?»

«Oo. Napakinggan Ko siyang umubo. Baka siya ay nasa kusina iniinom ang kanyang gatas. kaawa-awang Juan!...» dumadaloy ang mga luha sa mga pisngi ni Maria.

Si Jesus ay tumayo: «Pupunta Ako… Kailangan Kong pumunta at sabihin sa kanya. Magiging mas madali ito kay Sintike… Ngunit kay Juan… Inay, pumunta Kayo kay Marjiam, gisingin siya at magdasal habang nagsasalita Ako sa taong iyon… Ang pakiramdam Ko parang kailangan Kong halukayin ang kanyang mga bituka. Baka mapatay o maparalisa Ko ang kasiglahan ng kanyang espiritu… Gaano kasakit, Ama!... Pupunta Ako…» at Siya ay totoong nalulungkot nang Siya ay lumabas.

Nilakad Niya ang kaunting distansiya na naghihiwalay sa Kanya mula sa silid ni Juan, na siyang ang silid din kung saan si Jonah ay namatay, ibig sabihin, ang silid ni Jose. Nasalubong Niya si Sintike, na pumapasok na may dalang isang panggatong mula sa batong hurnuhan at na bumati sa Kanya, ganap na walang nalalaman tungkol sa sitwasyon. bagama't nakalubog sa pag-iisip Siya ay tumugon sa pagbati ng griyego at tumigil upang tingnan ang isang taniman ng mga liryo na nagsisimula nang magpakita ng isang munting bungkos ng mga dahon. Ngunit hindi ako nakatitiyak na totoong nakita Niya ang mga ito… Pagkatapos nagpasya ang Kanyang isip. Siya ay tumalikod at kumatok sa pinto ni Juan, na nagbukas at na ang mukha ay nagningning nang makita si Jesus papunta sa kanya.

«Maaari ba Akong makapasok nang isang sandali?» tanong ni Jesus.

«O! Guro! Siyempre! Ako ay nagsusulat ng sinabi Ninyo kagabi tungkol sa kahinahunan at pagsunod. Sa palagay ko mas mabuti na tingnan Ninyo, sapagkat sa palagay ko hindi ko naalaala ang lahat tungkol sa kahinahunan.»

Pinasok ni Jesus ang maliit na silid, na nalinisan na at kung saan sila ay nakapaglagay na ng isang maliit na mesa para sa ikaluluwag ng matandang guro. Niyukuan ni Jesus ang mga pergamino at nagbabasa. «Mabuti. Naulit mo ito nang maayos.»

«Dito, tingnan. Sa palagay ko ang pangungusap na ito ay hindi lubos na tama. Lagi Ninyong sinasabi na hindi kinakailangan na maging mapag-alala tungkol sa bukas at sa sariling katawan. Ngayon naisip ko na maling sabihin na ang kahinahunan, tungkol din sa mga bagay para sa bukas, ay isang birtud. Isang pagkakamali ko, siyempre.»

«Hindi. Hindi ka nagkakamali. Iyan ang eksaktong Aking sinabi. Ang eksaherado at may-takot na pananabik ng isang makasariling tao ay iba sa mahinahong pangangalaga ng isang makatarungang tao. Makasalanan ang maging may-katakawan para sa hinaharap, na, baka, hindi natin kailanman makikita. Ngunit hindi makasalanan ang maging matipid upang masiguro ang isang pirasong tinapay, ang para din sa mga kamag-anak, kapag mayroong isang kakapusan. Ang makasariling pangangalaga sa sariling katawan ay makasalanan, kung ang isang tao ay humihingi na ang lahat na mga nakapaligid sa kanya ay kailangan na mag-alala tungkol sa kanya, at umiiwas sa lahat na trabaho o sakripisyo na kung hindi’y baka ang kanyang katawan ay maghihirap, ngunit hindi makasalanan ang pangalagaan ito laban sa mapag-aksayang mga sakit, ang resulta ng mapagpabayang asal, mga sakit na isang pabigat para sa mga kamag-anak at isang pagkawala ng may-pakinabang na trabaho para sa iba. Ang buhay ay ibinigay ng Diyos. Ito ay Kanyang regalo. Dahil dito kailangang gawin natin ang isang banal na paggamit nito, na hindi nagiging mapabaya o makasarili. Tingnan mo? Kung minsan ang kahinahunan ay nagpapahiwatig ng mga pagkilos, na maaaring tingnan ng mga tangang tao na karuwagan o pagka-salawahan, samantalang iyon ay ang resulta ng banal na kahinahunan sa liwanag ng bagong mga pangyayari, na nangyari. Halimbawa: kung ikaw ay Aking ipadadala ngayon sa gitna mismo ng mga tao na baka gumawa sa iyo ng kapinsalaan… halimbawa sa mga kamag-anak ng iyong asawa o sa guwardiya ng mga mina kung saan ka nagtrabaho, nagagawa Ko ba ang mabuti o masamang bagay?»

«Ako… ayaw kong maghusga sa Inyo. Ngunit sasabihin kong mas mabuti na ang ipadala ako sa ibang lugar, kung saan walang piligro sa aking maliit na birtud na mapalagay sa napakahirap na pagsubok.»

«Iyan ka na! Makapaghuhusga ka nang may-karunungan at may-kahinahunan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi Kita kailanman ipapadala sa Bithynia o Mysia, kung saan ka napunta na. Ni hindi Kita ipapadala sa Cintium, bagama't may espirituwal na mithiin kang pumunta roon. Ang iyong espiritu ay baka mapangibabawan ng labis na pantaong karahasan at baka bumagsak muli. Ang kahinahunan kung gayon ay itinuturo sa Akin na huwag kang ipadala kung saan wala kang magiging halaga, samantalang maipadadala Kita sa ibang lugar na may mabuting kikitain para sa Akin, para sa mga kaluluwa ng iyong kapwa at ng sa iyong sarili. Hindi ba’t tama iyon?»

Sa dahilan na si Juan ay ganap na walang nalalaman kung ano ang napipintong kapalaran para sa kanya, hindi niya masakyan ang mga pagpapahiwatig ni Jesus sa posibilidad ng isang misyon sa labas ng Palestina. Si Jesus ay pinag-aaralan ang kanyang mukha at nakikita na siya ay kalmante, ganap na masaya sa pakikinig sa Kanya, at mabilis sa pagtugon: «Siyempre, Guro, magiging mas may-pakinabang ako sa ibang lugar. Nang sinabi ko mga isang araw na ang nakararaan: “Ibig kong pumunta sa pagitan ng mga Hentil upang magtatag ng isang mabuting halimbawa kung saan ako ay nakapagpakita ng masamang halimbawa”, pinagalitan ko ang aking sarili nagsasabing: “Sa pagitan ng mga Hentil, oo, sapagkat wala kang kinikilingan katulad ng mga Israelita. Ngunit huwag sa Cintium, ni sa malungkot na mga bundok, kung saan ako namuhay bilang isang sentensiyado at katulad ng isang lobo sa mga minahan ng tingga at sa mga tibangan ng mamahaling marmol. Ni hindi alang-alang sa isang perpektong sakripisyo na ikaw ay pumunta roon. Ang iyong puso ay mababalisa ng mga alaala ng kalupitan, at kung ikaw ay kanilang makilala, kahit na kung sila ay hindi nagmamalupit sa iyo, sasabihin nila: ‘Manahimik, mamamatay-tao. Hindi kami makikinig sa iyo’ kung kaya't ganap na walang kabuluhan na pumunta roon”. Iyan ang sinabi ko sa aking sarili. At tama ako.»

«Makapagsasabi ka kung gayon na ikaw ay nagtataglay ng karunungan. Taglay Ko rin ito. Iyan kung bakit inilayo Kita mula sa mahirap na gawain ng apostolado, katulad ng isinasagawa ng iba, at dinala Kita rito, upang magpahinga at mamayapa.»

«O! oo! Gaano kapayapa ito! Kung mamumuhay ako rito nang sandaang taon, ako ay magiging pareho pa rin. Ito ay isang sobrenatural na kapayapaan. At kung ako ay umalis, dadalhin kong kasama ko ito. Dadalhin ko rin ito sa susunod na buhay… Ang mga alaala ay maaaring mabalisa pa rin ang aking puso at ang mga pananakit ay maaaring magawa akong maghirap, sapagkat ako ay isang tao. Ngunit hindi na muli ako maaaring mapoot, sapagkat ang kapootan ay naisterilisa rito nang ganap, hanggang sa pinakamalayong mga panangga nito. At nawalan na ako ng pagkasuklam sa mga babae, na aking tiningnan na siyang pinakamarumi at pinakamasamang mga hayop sa lupa. Ang Inyong Ina ay wala sa sinasabi kong ito. Pinagpitaganan ko Siya mula pa sa unang sandali nang pagkakita ko sa Kanya sapagkat naramdaman ko na Siya ay iba sa lahat na mga babae. Siya ay ang pabango ng babae, subalit ang pabango ng banal na babae. Sino ang hindi nagmamahal sa amoy ng pinakapurong mga bulaklak? Ngunit pati rin ang ibang mga babae, ang mabubuting disipulong babae, mapagmahal at matiyaga sa ilalim ng kanilang nakapamimighating mga dalahin, katulad ni Maria ni Clopas at ni Eliza; ang mapagbigay katulad ni Maria ng Magdala, ganap-na-ganap sa kanyang pagbabago ng pamumuhay; mabait at purong katulad ni Martha at ni Johanna; marangal, matalino, maalalahanin at matuwid, katulad ni Sintike, ay naipagkasundo ako sa mga babae. Si Sintike, tatanggapin ko, ay ang isang gustung-gusto ko. Ang pagkakahawig ng aming isipan at ng aming sirkunstansiya ay nagawa siyang mapamahal sa akin: siya ay dating alipin, ako dating sentensiyado, at gawa niyan kami ay nagkakaunawaan, na hindi nangyayari sa iba na hindi ganito. Siya ay kapayapaan at kapanatagan sa akin. Hindi ko masasabi sa Inyo nang eksakto kung ano nga siya sa akin at kung ano ang tingin ko sa kanya. Dahil ako ay matanda kompara sa kanya, nakikita ko siya bilang isang anak na babae, isang marunong at pala-aral na anak na babae na ibig kong magkaroon… Ngunit ako, isang may-sakit na tao na kanyang ginagamot nang may labis na pagmamahal, isang malungkot at nag-iisang tao na namighati at nanghinayang sa kanyang ina sa buong buhay niya, at naghahanap ng isang ina sa bawat babae, na hindi kailanman nakatagpo ng isa, nakikita ko na ngayon ang aking pangarap na nagkakatotoo sa kanya at nararamdaman ko ang hamog ng makainang pagmamahal na bumababa sa aking pagod na ulo at sa aking kaluluwa habang ako ay patungo sa aking kamatayan… Nakikita Ninyo na, habang nakikita ko kay Sintike ang kaluluwa ng isang anak na babae at ng isang ina, nakikita ko sa kanya ang perpeksiyon ng pagiging-babae at alang-alang sa kanya pinatatawad ko ang lahat na kasamaan na aking tinanggap mula sa mga babae. Kung, na isang imposibleng kaso, ang kabuktutan ng aking asawa, na aking pinatay, ay bumangon mula sa kamatayan, nararamdaman ko na mapapatawad ko siya sapagkat naintindihan ko na ngayon ang kaluluwa ng babae, nakakiling na magmahal, maluwag sa pagbibigay ng kanyang sarili… kapwa sa kabutihan at sa kasamaan.»

«Nalulugod Ako na natagpuan mo ang lahat na iyan kay Sintike. Siya ay magiging mabuting kasama mo para sa natitirang mga araw mo at marami kayong magagawang mabuti nang magkasama. Sapagkat pagsasamahin Ko kayo…»

Si Jesus ay muling pinag-aaralan si Juan. Ngunit walang tanda ng nagising na atensiyon sa disipulo, bagama't siya ay hindi isang mababaw na tao. Aling dibinong awa ang nagtatago sa pangungusap ni Juan hanggang sa krusyal na sandali? Hindi ko alam. Alam ko na si Juan ay ngumingiti nagsasabing: «Magsisikap kaming mapaglingkuran Kayo hanggang sa makakayanan namin.»

«Oo. At natitiyak Ko na gagawin ninyo, na hindi na tinatanong ang gawain o ang lugar, na Aking itatalaga sa inyo, kahit na kung ito ay hindi ang inyong hinihiling…»

Si Juan ay nagkaroon ng unang pahiwatig kung ano ang naghihintay sa kanya. Ang kanyang hitsura at kulay ay nagbago. Siya ay naging seryoso at maputla at ang kanyang tanging nag-iisang mata ay nakatitig nang maasikaso at mapagtanong sa mukha ni Jesus, Na nagpapatuloy: «Naaalaala mo ba, Juan, noong sinabi Ko sa iyo, upang maalis ang iyong pagdududa tungkol sa kapatawaran ng Diyos: “Upang maunawaan mo ang Awa gagamitin kita sa espesyal na mahabaging mga gawain at gagamitin Ko sa iyo ang mga parabula ng awa”?»

«Oo. At ginawa Ninyo. Nakumbinsi Ninyo ako at napagkalooban Ninyo ako ng posibilidad na makagawa ng mga gawain ng awa, at sasabihin ko, gawain na pinakamaselan, katulad ng pagbibigay ng mga limos at pagtuturo sa isang bata, isang Pilisteo at isang griyego. Naklaro nito sa akin na ang Diyos ay naka-aalam ng tungkol sa aking totoong pagsisisi, at kung gayon ipinagkatiwala Niya sa akin ang inosenteng mga kaluluwa o ang mga nagbagong kaluluwa, na sana magawa ko silang perpekto.»

Si Jesus ay niyakap si Juan at kinabig siya sa tabi Niya, katulad ng madalas Niyang ginagawa sa isa pang Juan, at namumutla dahil sa kapighatian na magagawa Niya, sinabi Niya: «Ngayon din ulit ang Diyos ay ipagkakatiwala ang isang maselan na banal na gawain sa iyo. Isang gawain ng pagkakagusto. Tanging ikaw na mapagbigay, walang-pag-alinlangan at walang-kinikilingan, marunong, at higit sa lahat, naialay ang sarili sa lahat na pagbibitaw at mga pagtitika upang mapagbayaran-sala ang natitira pang paglilinis at pagkakautang na mayroon ka pa sa Diyos, tanging ikaw lamang ang makagagawa nito. Ang sino pa man ay tatanggi, at ito’y lubos na tama, sapagkat nagkukulang siya ng kinakailangang mga katangian. Wala ni isa sa Aking mga apostol ang nagtataglay ng mayroon ka, upang pumunta at ituro ang mga pamamaraan ng Panginoon… At isa pa, ang iyong pangalan ay Juan. Kung gayon ikaw ay magiging isang Prekursor ng Aking Doktrina… ihahanda mo ang daan para sa Guro… hindi, kikilos ka sa lugar ng iyong Guro, Na hindi makapupunta nang gayon kalayo… (si Juan ay gumalaw at nagsisikap na mapalaya ang sarili mula sa braso ni Jesus, upang matingnan Siya sa mukha, ngunit hindi siya nagtagumpay, sapagkat ang hawak ni Jesus ay may-kabaitan ngunit ma-awtoridad, habang ang Kanyang mga labì ay ibinibigay ang panghuling bigwas…)… Hindi Siya makalalayo nang ganyan… nang kasing layo ng Syria… nang kasing layo ng Antioch…»

«Panginoon!» sigaw ni Juan, pinalalaya ang sarili nang may-karahasan mula sa pagkakayakap ni Jesus. «Panginoon! Sa Antioch? Sabihin Ninyo sa akin na mali ang pagka-intindi ko sa Inyo! Sabihin sa akin, pakiusap!...» Siya ay nakatayo… Ang kanyang buong aktitud ay isang nakikiusap: ang kanyang nag-iisang mata, ang kanyang mukha na naging kulay abo, ang kanyang nanginginig na mga labì, ang kanyang nakaunat na nanginginig na mga kamay, ang kanyang nakatungong ulo, na tila napabigatan ng balita.

Ngunit hindi masasabi ni Jesus: «Mali ang pagka-intindi mo.» Ibinuka Niya ang Kanyang mga kamay, tumatayo upang tanggapin ang matandang tagapagturo sa Kanyang dibdib, at ibinuka Niya ang Kanyang mga labì upang patotohanan: «Oo, sa Antioch. Sa isang bahay ni Lazarus. Kasama si Sintike. Kayo ay aalis bukas o sa makalawa.»

Ang pangungulila ni Juan ay totoong makabagbag-damdamin. Napalaya niya nang kaunti ang kanyang sarili mula sa yakap ni Jesus, at harapan, na ang kanyang manipis na baba basa ng mga luha, siya ay tumangis: «Ah! Ayaw na Ninyo sa akin!! Saan ko Kayo nasaktan, aking Panginoon?» Pinalaya niya ang kanyang sarili sa pagkakahawak ni Jesus at itinapon ang sarili sa mesa, sa isang bugso ng makabagbag-damdamin na mga hikbi napuputol ng atake ng pag-ubo, hindi mapatigil ng mga haplos ni Jesus at siya ay dumaing: «Pinalalayas Ninyo ako, tinatanggihan Ninyo ako, hindi ko na Kayo ulit makikita…»

Si Jesus ay maliwanag na namimighati at Siya ay nagdarasal… Pagkatapos Siya ay umalis nang dahan-dahan at nakita si Maria kasama si Marjiam sa pintuan ng kusina. Ang bata ay natakot ng pag-iyak ni Juan… Sa medyo malayu-layo, ay naroon si Sintike, na nagtataka rin. «Inay, halikayong sandali.»

Si Maria ay pumunta kaagad. Siya ay maputla. Sila ay pumasok nang magkasama. Si Maria ay niyukuan ang umiiyak na lalaki na tila siya ay isang kaawa-awang bata, nagsasabing: «Mabuti, maging mabuti, kaawa-awang anak Ko! Huwag umiyak nang ganyan! Masasaktan mo ang iyong sarili.»

Si Juan ay itinaas ang kanyang nanginginig na mukha at sumigaw: «Pinaaalis Niya ako!... Mamamatay akong nag-iisa, sa malayo… O! Naghintay sana Siya nang kaunting buwan at pinabayaan akong mamatay dito. Bakit ang kaparusahan na ito? Saan ako nagkasala? Pinroblema ko ba Kayo kahit kailan? Bakit bigyan ako ng lahat ng kapayapaan na ito, at pagkatapos… at pagkatapos…» Siya ay bumagsak muli sa mesa, umiiyak nang mas malakas, humahangos…»

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang isang kamay sa nanginginig na mga balikat, nagsasabing: «At posible bang makapaniniwala ka na kung magagawa Ko, hindi Kita pananatilihin dito? O! Juan! May nakapangingilabot na mga pangangailangan sa daan ng Panginoon! At Ako ang unang-unang naghihirap sa pamamagitan niyan, dahil kailangan Kong batahin ang Aking kapighatian at ang kapighatian ng buong mundo. Tingnan mo Ako, Juan. Tingnan kung ang Aking mukha ay ang mukha ng isa na napopoot sa iyo, at napapagod na sa iyo… Halika rito, sa Aking mga bisig, at pakiramdaman kung papaano tumitibok ang Aking puso sa kapighatian. Unawain Ako, Juan, huwag na hindi mo Ako maintindihan. Ito ang huling pagbabayad-kasalanan na ipinapataw sa iyo ng Diyos, upang mabuksan ang mga tarangkahan ng Langit sa iyo. Makinig…» at Kanya siyang itinataas at hinahawakan sa loob ng Kanyang mga bisig. «Makinig… Inay, lumabas Kayo nang isang sandali… Makinig ngayon, na tayo ay nag-iisa. Kilala mo kung sino Ako. Matatag ka bang naniniwala na Ako ang Tagapagtubos?»

«Siyempre matatag ako. Iyan kung bakit ibig kong manatiling kasama Ninyo, nang palagian, hanggang kamatayan…»

«Kamatayan… Ang Aking kamatayan ay isang nakapanghihilakbot!...»

«Ang akin, ang ibig kong sabihin. Ang aking kamatayan…»

«Ang iyo ay magiging mapanatag, mapagiginhawahan ng Aking presensya, na siyang maglalagay sa isipan mo ng katiyakan ng pagmamahal ng Diyos, at inaaliw ng pagmamahal ni Sintike, pati na rin ng lugod ng pagkakahanda sa pananagumpay ng Ebanghelyo sa
Antioch. Ngunit ang Akin! Makikita mo ang Aking katawan na gagawing isang masa ng laman natatakpan ng mga sugat, natatakpan ng mga dura, kinamuhian, pinabayaan sa isang galit na pulutong, pinatay nakabitin sa isang krus katulad ng isang kriminal… Mababata mo ba ang lahat na iyan?»

Si Juan, na sa bawat detalye kung papaano si Jesus haharapin sa loob ng Kanyang Pasyon ay umaatungal ng: «Hindi, hindi!» ay sumigaw ng matinding «hindi» at nagdagdag: «Magsisimula akong kapootan ang sangkatauhan muli… Ngunit magiging patay na ako, sapagkat Kayo ay bata pa at…»

«At makakakita na lang Ako ng bagkus iisang Dedikasyon.»

Si Juan ay tiningnan Siya, nahintakutan…

«Sinabihan Kita nang palihim upang masabi sa iyo na iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit Kita inilalayo. Ngunit hindi lamang ikaw. Palalayuin Ko, bago pa man, ang lahat na ayaw Kong mabalisa nang higit pa sa makakayanan ng kanilang lakas. At sa palagay mo ba iyan ay pagkukulang ng pagmamahal?...»

«Hindi, aking martir na Diyos… Ngunit iiwanan ko Kayo… at mamamatay akong malayo sa Inyo.»

«Sa ngalan ng Katotohanan na Ako nga, ipinangangako Ko sa iyo na yuyukuan Ko ang unan ng iyong aguniya.»

«papaano iyan mangyayari, kung ako ay napakalayo sa Inyo at sinasabi Ninyo na hindi Kayo makapupunta nang napakalayo? Sinasabi Ninyo iyan upang maging hindi masyadong malungkot ang aking pag-alis…»

«Si Johanna ni Chuza, namamatay sa paanan ng Lebanon, ay nakita Ako bagama't Ako ay nasa malayo at hindi pa niya Ako kilala at mula sa Aking kinaroroonan ibinalik Ko siya sa kaawa-awang buhay ng mundong ito. Maniwala sa Akin, sa araw ng Aking kamatayan pagsisisihan niya na siya ay nabuhay pa!... Ngunit para sa iyo, na siyang lugod ng Aking puso sa loob ng ikalawang taon ng Aking pagtuturo, gagawa Ako ng mas higit pa. Ako ay darating upang dalhin ka sa kapayapaan, at ipinagkakatiwala Ko sa iyo ang misyon na sabihin sa mga naghihintay: Ang oras ng Panginoon ay dumating na. Katulad na ang tagsibol ay dumarating sa lupa, gayon din naman ang tagsibol ng Paraiso ay lumalabas para sa atin”. Ngunit hindi lamang iyan ang pagkakataon na Ako ay darating… Ako ay darating… mararamdaman mo Ako… lagi… Magagawa Ko at gagawin Ko ito. Mapupunta sa loob mo ang Guro, kagaya na wala Ako sa loob mo ngayon. Sapagkat ang Pagmamahal ay naipaaabot sa mga minamahal nito, at napaka sensitibo hanggang sa mahipo hindi lamang ang kanilang mga espiritu, bagkus ang kanilang mga pándamá. Ikaw ba ay mas panatag na ngayon, Juan?

«Oo, aking Panginoon. Ngunit gaano kapigha-pighati!»

«Subalit, hindi ka nagrerebelde…»

«Rebelde? Hindi kailanman! Mawawala Kayo sa akin nang ganap. Sasabihin ko ang “aking” Ama Namin: Masusunod ang Inyong kalooban.»

«Nalalaman Ko na maiintindihan mo Ako…» Hinahalikan Niya ang mga pisngi ni Juan, basa pa ng patuloy subalit mas kalmanteng mga luha.

«Pahihintulutan ba Ninyo akong makapagpaalam sa bata?... Iyan pa ang isang kapighatian… Napamahal siya sa akin…» at umiiyak siya nang mapait ulit…

«Oo. Tatawagin Ko siya kaagad… At tatawagin Ko rin si Sintike. Siya ay maghihirap din. Kailangan na tulungan mo siya, ikaw, isang lalaki…»

«Oo, aking Panginoon.»

Si Jesus ay lumabas habang si Juan ay umiiyak at hinahalikan at hinahaplos ang mga pader at mga gamit ng maliit na mapagkaibigang silid.

Sina Maria at Marjiam ay pumasok nang magkasabay.

«O! Ina! Napakinggan ba Ninyo? Nalaman na Ninyo?»

«Alam Ko na. At Ako ay nalulungkot… Ngunit Ako rin ay humiwalay kay Jesus… At Ako ay ang Kanyang Ina…»

«Totoo iyan!... Marjiam, halika rito. Alam mo ba na aalis na ako at tayo ay hindi na magkikitang muli?...» Ibig niyang maging matapang. Ngunit kanyang kinuha ang bata sa kanyang mga bisig, naupo siya sa gilid ng kama at umiiyak sa maitim na ulo ni Marjiam, na ginaya kaagad siya.

Si Jesus ay pumasok kasama si Sintike, na nagtanong: «Bakit ang labis na iyakan, Juan?»

«Tayo ay Kanya nang pinalalayo, hindi mo ba alam? Hindi ka pa ba nasasabihan? Ipinadadala Niya tayo sa Antioch!»

«Kung gayon? Hindi ba't sinabi Niya kung saan may dalawang taong nagsama sa Kanyang pangalan, Siya ay nasa pagitan nila? Ano ba, Juan! Hanggang ngayon, baka kaya, napili mo mismo ang iyong katayuan, kung kaya’t ang imposisyon ng kalooban ng iba, kahit na kung isang mapagmahal na imposisyon, ay nakakatakot sa iyo. Ako… ako ay nasanay na sa pagtanggap ng kapalaran na ipinapataw sa akin ng ibang mga tao. At anong kapalaran!... Kung kaya't ngayon lubos kong ibinibigay ang aking sarili sa bagong kapalaran na ito. Bakit hindi? Ako ay hindi nagrebelde laban sa despotikong pang-aalipin, maliban kung ibig nitong maghari sa aking kaluluwa. At ngayon ba ay kailangan kong magrebelde laban sa matamis na pang-aalipin ng pagmamahal, na hindi nanunugat bagkus nagtataas ng ating mga kaluluwa at naggagawad sa atin ng karangalan ng pagiging Kanyang mga lingkod? Natatakot ka ba ng bukas dahil ikaw ay hindi mabuti ang kalusugan? Ako ay magtatrabaho para sa iyo. Natatakot ka ba na iwanan na nag-iisa? Ngunit hindi kita kailanman iiwanan. Makatiyak ka tungkol diyan. Wala na akong ibang tinatangka sa buhay bagkus ang mahalin ang Diyos at ang aking kapwa. At ikaw ang kapwa na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Isipin, kung gayon, kung ikaw ba ay mahal sa akin!»

«Hindi ninyo kailangan na magtrabaho upang mabuhay, sapagkat mapupunta kayo sa bahay ni Lazarus. Ngunit pinapayo Ko sa inyo na pakinabangan ang pagtuturo bilang isang pamamaraan na malapitan ang mga tao Ikaw, Juan, bilang isang tagapagturo, at ikaw, Sintike, sa pamamagitan ng pananahi. May pakinabang iyan sa inyong apostolado at magbibigay iyan sa inyo ng tangkáin sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay.»

«Iyan ay gagawin, Panginoon» tugon ni Sintike nang matatag.

Si Juan ay hawak-hawak pa rin ang bata sa kanyang mga bisig at umiiyak nang matahimik. Si Marjiam ay hinahaplus-haplos siya…

«Maaalaala mo ba ako?»

«Oo, Juan, lagi, at magdarasal ako para sa iyo… Hindi… Sandali lang…» Siya ay tumakbong umalis.

Si Sintike ay nagtanong: «Papaano kami pupunta sa Antioch?»

«Sa pamamagitan ng dagat. Natatakot ka ba?»

«Hindi, Panginoon. Maging ano pa man, Kayo ang nagpapadala sa amin, at iyan ay poprotektahan kami.»

«Kayo ay lalakad kasama ang dalawang Simon, ang Aking mga kapatid, ang mga anak ni Zebedeo, sina Andres at Mateo. Mula rito hanggang Ptolemais sasakay kayo sa kariton, kung saan ilalagay natin ang mga baul at ang isang habihan na ginawa Ko para sa iyo, Sintike, kasama ang ibang mga bagay na mapakikinabangan ni Juan…»

«May nakini-kinita akong isang bagay nang makita ko ang mga baul at ang mga damit. At inihanda ko ang aking sarili para sa paghihiwalayan. Ito ay napakaganda na mamuhay dito!...» ang isang pinipigilang hikbi ay pumutol sa tinig ni Sintike. Ngunit inayos niya ang kanyang sarili upang masuportahan ang lakas-loob ni Juan. Nagtanong siya sa matatag na tinig: «Kailan kami aalis?»

«Kapag kaagad dumating ang mga apostol, baka bukas.»

«Bueno, kung walang anuman sa Inyo, lalakad ako at aayusin ang mga damit sa loob ng mga baul… Ibigay mo sa akin ang iyong mga rolyo, Juan.» Sa palagay ko nagmamadali si Sintike na maging mag-isa upang siya ay makaiyak…

Si Juan ay tumugon: «Kunin mo ang mga iyan… ngunit ibigay mo sa akin ang rolyong iyan na may asul na ribon.»

Si Marjiam ay pumasok dala ang kanyang banga ng pulot.

«Naririto, Juan, kunin mo ito. Kakainin mo iyan sa lugar ko…»

«Hindi, aking bata! Bakit?»

«Sapagkat sinabi ni Jesus na ang isang kutsarang pulot na ibinigay bilang sakripisyo ay makapagbibigay ng kapayapaan at pag-asa sa naghihirap kaluluwa. Ikaw ay naghihirap… ibinibigay ko sa iyong lahat ang pulot upang sana ganap kang mapaginhawahan.»

«Ngunit isang napakalaking sakripisyo ito para sa iyo, bata.»

«O! hindi! Sa panalangin ni Jesus sinasabi natin: “Huwag Ninyo kaming ipahintulot sa tukso, bagkus iadya Ninyo kami sa masama”. Ang bangang ito ay tukso sa akin… at baka naging isang masama sapagkat baka nagawa nitong malabag ko ang aking pangako. Ngayon hindi ko na ito makikita pa… at ito ay magiging mas madali… at natitiyak ko na ako ay tutulungan ng Diyos, dahil sa bagong sakripisyong ito. Ngunit huwag ka nang umiyak pa. At ikaw, din, Sintike…»

Sa katunayan ang griyego ay umiiyak na ngayon, nang walang ingay, habang kinukuha ang mga rolyo ni Juan. At si Marjiam ay hinahaplos silang salit-salitan, na may labis na mithiin na umiyak mismo. Si Sintike ay lumabas puno ng mga rolyo at si Maria ay sinusundan siya dala ang banga ng pulot.

Si Juan ay naiwang kasama si Jesus, Na nakaupo sa tabi niya, at karga ang bata. Siya ay kalmante, ngunit malungkot.

«Ilagay mo sa rolyo ang iyong huling mga isinulat» mungkahi ni Jesus. «Sa Aking palagay ibig mo iyang ibigay kay Marjiam…»

«Oo… Mayroon na akong kopya para sa sarili ko… Naririto, bata. Ito ay ang mga salita ng Guro. Ang mga salitang Kanyang binigkas nang ikaw ay wala rito at ang iba rin… Ibig kong ipagpatuloy ang pagkopya niyan para sa iyo, sapagkat mayroon kang mahabang buhay sa harapan mo… at sino ang nakaaalam kung gaano ka mag-eebanghelyo… Ngunit hindi ko na ito magawa pa… Ngayon ako ito na maiiwanan na walang mga salita Niya…» At siya ay nagsisimulang umiyak nang may-kapaitan muli.

Si Marjiam ay may-kabaitan at lalaking-lalaki sa kanyang bagong pagkilos. Niyakap niya si Juan sa leeg at nagsabi: «Isusulat ko na ngayon iyan para sa iyo at ipadadala ko iyan sa iyo… Tama ba iyon, Guro? Iyan ay magagawa, hindi ba?»

«Siyempre magagawa iyan. At iyan ay magiging isang malaking karidad na gawin.»

«Gagawin ko iyan. At kapag ako ay hindi nakatitiyak, si Simon Zealot ang gagawa niyan. Minamahal niya ako at minamahal ka niya at gagawin niya iyan dala ng karidad. Kung kaya't huwag ka na ulit umiyak pa. At ako ay pupunta upang bisitahin ka… Ikaw ay tiyak na hindi pupunta nang napakalayo…»

«O! gaano kalayo! Daan-daang milya… At malapit na akong mamatay.»

Ang bata ay nalulungkot at nawawalan ng pag-asa. Ngunit inayos niya ang kanyang sarili nang may magandang kapanatagan ng isang bata na iniisip ang lahat na ito ay madali lamang. «Kung ikaw ay makakapunta roon, kung gayon makakapunta rin ako kasama ang aking itay. At… tayo ay magsusulatan. Kapag nagbabasa ang isa ng banal na mga Iskriptura, siya ay nakakasama ang Diyos, hindi ba? Kung gayon kapag tayo ay nagbabasa ng sulat, katulad ito ng nakakasama natin ang tao na ating minamahal at siyang nagsulat sa atin. Sige na, tayo na sa kabilang silid, sumama ka sa akin…»

«Oo, tayo na, Juan. Malapit nang dumating ang Aking mga kapatid kasama ang Zealot. Nagpasabi Ako para sa kanila.»

«Nalalaman ba nila?»

«Hindi pa. Naghihintay Ako na sabihin sa kanila kapag naririto na silang lahat…»

«Sige, aking Panginoon. Tayo na…»

Ang matandang lalaki na umaalis mula sa silid ni Jose ay totoong nabaluktot na ng edad. At siya ay tila nagpapaalam sa bawat tangkay, sa bawat sanga, sa pontanya at sa gruta, habang patungo sa pagawaan kung saan sina Maria at Sintike ay matahimik na naglalatag ng mga bagay at mga damit sa mga baul…

At sina Simon, Judas at Santiago ay natagpuan silang gayon… tahimik at malungkot. Pinapanood nila sila… ngunit hindi nagtatanong at hindi ko alam kung nalaman nila ang katotohanan.

                                                                --------------------------

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus:

«Upang mabigyan ang nagbabasa ng maliwanag na indikasyon, pinangalanan Ko ang lugar ng kulungan ng pagbabayarang-sala ni Juan, sa pamamagitan ng pangalan na siyang ginagamit ngayon. May isa na tumututol dito. Kung kaya't Akin na ngayong lilinawin ang bagay na ito: Bithynia at Mysia ito, para sa mga may gusto ng lumang mga pangalan. Ngunit ito ay ang Ebanghelyo para sa mga simpleng tao at maliliit, hindi para sa mga dalubhasa, na sa karamihan nito ito ay di-katanggap-tanggap at walang kabuluhan.
At ang simpleng mga tao at ang maliliit ay naiintindihan nang mabuti ang “Anatolia” kaysa sa “Bithynia o Mysia”. Hindi di ba't tama ito, munting Juan, na umiiyak sa kapighatian ni Juan ng Endor? Ngunit may napakaraming Juan ng Endor sa mundo! Sila ay ang mga hikahos na mga kapatid kung para kanino ginawa Kitang maghirap nang nakaraang taon. Magpahinga na ngayon, munting Juan, dahil hindi ka kailanman ipadadala nang malayo mula sa iyong Guro, hindi, maging malapit at malapit ka pa sa Kanya.

At ang ikalawang taon ng pagtuturo at ng pakikihalubilo sa publiko ay nagtatapos nang gayon: ang taon ng Awa… At bagkus mauulit Ko ang lamentasyon na idinikta sa pagsasara ng unang taon. Ngunit hindi nito idinadawit ang Aking bunganga¹, na nagpapatuloy sa kanyang pagtatrabaho nagpapakahirap laban sa lahat ng klase ng mga sagabal. Totoong hindi ang “malalaking” tao bagkus ang “maliliit” ang nagpapatuloy sa landas ng kabayanihan, pinapatag ito sa pamamagitan ng kanilang mga sakripisyo, at para din sa mga napabibigatan ng napakaraming mga bagay. Ang “maliliit”, ibig sabihin ang mga simple, mapagpakumbaba, puro sa kanilang mga puso at katalinuhan: ang “maliliit na bata”. At sinasabi Ko sa inyo, o maliliit na bata, at sa iyo, Romualdo, at sa iyo, Maria, at sa lahat na mga katulad ninyo: “Halikayo sa Akin upang pakinggang muli at lagi ang Salita Na nagsasalita sa inyo sapagkat minamahal Niya kayo at Siya ay nagsasalita sa inyo upang pagpalain kayo. Ang Aking kapayapaan ay sumainyo”.»


050212



¹ Si Maria Valtorta.



Sunod na kabanata