313. Ang Pag-alis sa Nazareth.

Oktubre 30, 1945.

Gabi ngayon. Isa pang pagpapaalam na gabi para sa maliit na bahay sa Nazareth at sa mga taong naninirahan dito. Isa pang hapunan kung saan ang kapighatian ay nagagawa ang mga tao na maging tahimik at ayaw nang kumain. Sina Jesus, Juan, Sintike, Pedro, Juan, Simon at Mateo ay mga nakaupo sa mesa. Hindi posible para sa iba na maupo roon. Ang mesa sa Nazareth ay napakaliit! Iyon ay ginawa para lamang sa isang maliit na pamilya ng matatapat na tao, na ang pinakamalaki nang maaanyayahan na maupo rito ay isang peregrino o isang may-sakit na tao upang mabigyan sila ng kaginhawahan ng pagmamahal kaysa ng pagkain! Si Marjiam ay maaaring makaupo rito ngayong gabi, dahil siya ay isang napakapayat na bata at maliit lamang ang kakailanganin niyang espasyo… Ngunit si Marjiam ay seryosong-seryoso at tahimik at kumakain sa isang sulok, nakaupo sa isang maliit na bangkito sa paanan ni Porphirea, na pinaupo ni Maria sa upuan ng Kanyang habihan at na, mapagpakumbaba at matimpiing katulad niya, ay kumakain ng pagkaing ibinigay nila sa kanya, nakatingin na ang mga mata puno ng awa sa dalawang papaalis, na nagsisikap na lunukin ang kanilang pagkain na nakatungo ang kanilang mga ulo upang itago ang kanilang mukha na pinapula ng pag-iyak. Ang iba, ibig sabihin, ang dalawang anak ni Alfeo, sina Andres at Santiago ni Zebedeo ay nasa kusina, malapit sa isang uri ng masahan ng tinapay. Ngunit sila ay maaaring makita sa pamamagitan ng nakabukas na pinto.

Ang Banal na Birhen at si Maria ni Alfeo ay dumating at sinisilbihan ang isang ito o ang isang iyon, nang may makainang pangangalaga bagama't sila ay nag-aalala at malungkot. At kung ang Banal na Birhen ay nanghahaplos sa pamamagitan ng Kanyang ngiti, napakalungkot ngayong gabi, mga nilalapitan Niya, si Maria ni Alfeo, na mas di-nagtitimpi at mas di-pormal, ay nagdadagdag ng aksiyon at mga salita sa kanyang ngiti, at higit pa sa minsan nagpapasaya siya sa pamamagitan ng isang haplos o isang halik, ayon sa kung sinuman ang makikinabang nito, ang isang ito o iyon na kainin ang pagkain na pinaka-angkop sa kanilang pangangailangan at dahil sa napipintong paglalakbay. Sa palagay ko dala ng awa kay Juan, na naubusan na ng lakas at naging mas payat pa sa loob ng mga araw ng paghihintay, ibibigay niya ang kanyang sarili bilang pagkain sa kanya, nanabik nang husto na makumbinsi si Juan na kailangang kainin ang pagkain na ito o iyon, na ang mga kapaki-pakinabang na sangkap nito ay kanyang pinapupurihan. Ngunit sa kabila ng kanyang… pangungumbinsi, ang pagkain ay nananatiling halos di-nagagalaw sa pinggan ni Juan at si Maria ni Alfeo ay naghihirap ang kalooban katulad ng isang ina na nakikita ang kanyang di pa nakabitaw na anak na ayaw dumede.

«Ngunit hindi ka makaaalis nang ganyan, anak!» bulalas niya. At sa kanyang makainang pagmamahal hindi niya tinitingnan na si Juan ay halos kaedad niya at na ang tawag na «anak» ay hindi bagay. Ngunit ang nakikita lamang niya kay Juan ay isang naghihirap na nilikha at sa gayon wala na siyang makita pang ibang pangalan upang paginhawahan siya… «Hindi makakabuti sa iyo na maglakbay nang walang laman ang tiyan, sa loob ng umuugang kariton na iyon, sa lamig ng pagiging basa ng gabi. At pagkatapos! Sino ang nakaaalam kung ano ang iyong kakainin sa loob ng nakakatakot na mahabang paglalakbay!... Eternal na awa! Sa dagat sa loob ng napakaraming milya! Ako ay mahihintakutang mamatay. At sa tabi ng mga baybayin ng Phoenicia at pagkatapos!... mas malala pa! At ang may-ari ng barko ay tiyak na magiging isang Pilisteo, o taga-Phoenicia o galing sa ibang mala-impiyernong bansa… at hindi maaawa sa iyo… Kung kaya't, habang malapit ka pa sa isang ina na nagmamahal sa iyo, kumain!... kaunti nitong pambihirang isda. Masiyahan lamang si Simon ni Jonah na siyang naghanda nito sa Bethsaida nang may labis na pagmamahal at nagturo sa akin kung papaano lutuin ito para sa iyo at kay Jesus, upang ito ay makapagpalakas sa iyo. Talaga bang ayaw mo nito?... Bueno… O! Kakainin mo ito!»… at siya ay tumakbo patungo sa kusina at bumalik na may dalang isang mangkok na puno ng umuusok na puding. Hindi ko alam kung ano ito… Ito ay tiyak na isang uri ng harina o minasang butil na may gatas: «Tingnan, ginawa ko ito sapagkat naalaala ko na isang araw nagsalita ka tungkol dito bilang ito ay isang matamis na alaala ng iyong kamusmusan… Ito ay mabuti at makakabuti sa iyo. Sige na, kaunti lang.»

Pinabayaan ni Juan si Maria na maglagay ng ilang kutsara ng malambot na pagkain sa kanyang pinggan at sinubukan niyang lunukin ito, ngunit mga luha ang dumaloy sa kanyang mukha naidadagdag ang alat nito sa pagkain, habang iniyuyuko niya nang mas mababa pa ang kanyang ulo sa pinggan.

Ang iba ay binibigyan ng kaukulang hustisya ang ulam, na baka pambihira. Ang kanilang mga mukha ay nagliwanag sa pagkakita rito at si Marjiam ay tumayo… ngunit kanyang naramdaman na kailangan niyang tanungin ang Banal na Birhen: «Maaari ba akong makakain ng ilan? Gustong kumain nito limang araw pa hanggang sa katapusan ng aking pangako…»

«Oo, anak. Makakakain ka ng ilan» sabi ni Maria hinahaplos siya.

Ngunit ang bata ay nag-aalinlangan pa at si Maria, upang mawala ang pag-aatubili ng maliit na disipulo, ay tinanong ang Kanyang Anak: «Jesus, ibig malaman ni Marjiam kung makakakain siya ng puding ng ulam na barley… dahil sa pulot na nagpapatamis dito, alam Mo…»

«Siyempre, makakakain ka, Marjiam. Pinakakawalan Kita ngayong gabi sa iyong sakripisyo, maliban kung kakainin din ni Juan ang kanyang pulot na puding. Kita mo kung gaano gusto ng bata ang puding? Tulungan mo siya, upang siya ay makakain ng ilan» at si Jesus, Na malapit kay Juan, ay kinuha ang kanyang kamay at hinahawakan ito habang masunurin na sinisikap ni Juan na maubos ang kanyang pagkain.

Si Maria ni Alfeo ay mas masaya na ngayon. At gumagawa siya ng panibagong tangka sa pamamagitan ng isang magandang umuusok na peras na ulam, niluto sa hurnuhan. Siya ay pumasok muli mula sa pangkusinang-hardin dala ang kanyang trey at nagsabi: «Umuulan na. Kasisimula pa lang. Anong perhuwisyo!»

«Hindi! Sa kabaligtaran! Magiging walang tao sa mga kalsada. Laging malungkot ang magpaalam kapag umaalis ang isa… Mas mabuti nang maglayag sa hangin, nang walang masasayarang buhangin o mga bato na magpapatigil o magpapa-dahan-dahan sa isa…» sabi ni Pedro na nakakakita ng mga layag at paglalayag sa bawat aksiyon.

«Salamat sa iyo, Maria. Ngunit ayaw ko na ng iba pa» sabi ni Juan sa pagtatangkang tanggihan ang prutas.

«Ah! Hindi ito! Niluto ito ni Maria. Aayawan mo ba ang pagkain na inihanda Niya? Tingnan mo kung gaano Niya kagaling inihanda ito! May mga rekado sa maliliit na butas… nilagyan ng mantikilya… Ito ay pagkain bagay sa isang hari. Isang lapot na matamis. Siya Mismo ay nagkulay-kape sa kátatayo malapit sa apoy upang pakinangin iyan nang ganyan. At mabuti ito para sa iyong lalamunan at sa iyong ubo… Paiinitan at pagagalingin ka nito. Maria, sabihin Mo sa kanya kung papaano nito natulungan ang aking Alfeo nang siya ay may sakit. Ngunit niyang Ikaw ang magluto nito. Siyempre! Ang Iyong mga kamay ay banal at nagbibigay ng kalusugan!... Ang pagkain na Iyong inihahanda ay totoong banal nga!... Ang aking Alfeo ay naging mas kalmante pagkatapos na makain ang Iyong mga peras… nakakahinga siya nang mas maluwag… Ang aking kaawa-awang asawa!...» at si Maria ay sinamantala ang kanyang pag-aalaala upang makaiyak sa wakas at makaalis upang umiyak. Baka masama ang aking kaisipan, ngunit sa palagay ko hindi iiyak si Maria para sa kanyang «kaawa-awang Alfeo» nang gabing iyon, kung hindi siya nakaramdam ng awa para sa dalawang malapit nang umalis… Si Maria ni Alfeo ay lubos na namimighati para kina Juan at Sintike at lubos na naghihirap ang kalooban sa pag-alis nina Jesus, Santiago at Judas, kung kaya't siya ay umiyak para hindi siya mapupusan ng paghinga.

Si Maria ay pinalitan siya at nagpapatong ng isang kamay sa balikat ni Sintike, na nakaupo tapat ni Jesus, sa pagitan nina Simon at Mateo. «Sige na. Kumain. Kayo ba ay aalis at papápag-alalahanin din Ako sapagkat kayo ay umalis na walang laman ang inyong mga tiyan?»

«Ako ay kumain na, Ina» sabi ni Sintike tumitingala at pinakikita ang kanyang pagod na mukha na may mga tanda ng ilang araw ng pag-iyak. Pagkatapos kanyang ibinaba ang kanyang ulo patungo sa kanyang balikat, kung saan nakapatong ang kamay ni Maria, at kanyang ikinuskos ang kanyang mukha rito upang mahaplos. Sa pamamagitan ng isa pang kamay si Maria ay hinahaplos ang buhok ni Sintike at kinakabig ang ulo niya patungo sa Kanyang Sarili, ang ulo ni Sintike nasa Kanyang nang dibdib na.

«Kumain, Juan. Totoong makakabuti iyan sa iyo. Kailangan na huwag kang ginawin. Simon ni Jonah, tiyakin na tuwing gabi mayroon siyang ilang mainit na gatas na may pulot, o kung man lamang ilang mainit na tubig at pulot. Tandaan iyan.»

«Titingnan ko rin iyan, Ina. Makatitiyak Kayo» sabi ni Sintike.

«Nakatitiyak Ako sa katotohanan. Ngunit gagawin mo iyan kapag kayo ay nasa Antioch na. Si Simon ni Jonah ang bahala nito, pansamantala. At tandaan, Simon, na bigyan siya ng maraming langis ng olibo. Iyan kung bakit binigay Ko ang maliit na banga ng langis. Ingatan na iyan ay huwag mabasag. At kung nakita ninyo na nahihirapan siyang huminga, gawin katulad ng sinabi Ko sa inyo, ginagamit ang isa pang maliit na plorera ng balsamo. Kumuha nang sapat nito upang maipahid sa kanyang dibdib, mga balikat at mga atay. Painitan muna ito nang hindi naman kayo nasusunog, pagkatapos ipahid ito at takpan siya kaagad ng mga piraso ng delana na ibinigay Ko sa inyo. Inihanda Ko ang balsamo para sa espesyal na gamit na iyan. At ikaw, Sintike, tandaan ang pagkagawa nito, upang makagawa ka pa ng marami. Lagi kang makakakita ng liryo, alkampor, oregano, resina at mga klabo ng laurel, artemisya at ang iba pa. Napakinggan Ko na si Lazarus ay may mga hardin ng mga halamang esensiya sa Antigonea.»

«At ito ay magaganda» sabi ng Zealot na nakakita na sa mga ito. At dinagdag niya: «Ayaw kong magpayo ng anuman. Ngunit sasabihin ko na ang lugar na iyon ay mas mabuti para kay Juan, kapwa para sa kanyang espiritu at sa kanyang katawan, kaysa Antioch. Iyon ay nahaharangan sa mga hangin, ang magaang mga hangin ay nanggagaling sa mga palumpungan ng mga halamang resina sa mga dalisdis ng isang maliit na burol, na nakapagpoprotekta sa mga hanging-dagat ngunit napahihintulutan ang mabubuting asing-dagat na kumalat dito, ito ay mapanatag at tahimik subalit kaaya-aya dahil sa malaking bilang ng iba't ibang mga bulaklak at mga ibon na namumuhay doon sa kapayapaan… Makikita ninyo mismo kung ano ang babagay sa inyo. Si Sintike ay napakagaling ang pakiwari! Mas mabuting umasa sa mga babae sa ilang mga bagay. Hindi ba?»

«Sa katunayan ipinagkakatiwala Ko si Juan sa mabuting pakiwari at mabait na puso ni Sintike» sabi ni Jesus.

«At gayon din ako» sabi ni Juan ng Endor. «Ako… ako… ako ay wala nang sigla… at… hindi na ako kailanman mapakikinabangan…»

«Huwag mong sabihin iyan, Juan! Kapag ang taglagas ay hinubaran nito ng mga dahon ang mga punungkahoy, hindi ibig sabihin nito na sila ay wala nang magagawa. Sa kabaligtaran sila ay tumatrabaho nang may nakatagong lakas upang maihanda ang pananagumpay ng susunod na pamumunga. Ganyan din sa iyo. Ikaw ay nahubaran ng malamig na hangin ng iyong kirot. Ngunit sa katunayan sa kaibuturan ng iyong kaluluwa ikaw ay tumatrabaho na para sa iyong bagong mga ministeryo. Ang iyong pinaka grabeng kapighatian ay ang udyok na maging aktibo. Natitiyak ko ang tungkol diyan. At pagkatapos ikaw, laging ikaw, ang siyang tutulong sa akin, isang abang babae, na marami pang kailangan na malaman upang maging kung anong bagay man ni Jesus.»

«O! Ano ang inaasahan mo sa akin na maging?! Wala man lang akong magagawa… Ako ay isang tapos nang tao!»

«Hindi. Hindi tama na sabihin iyan! Tanging namamatay na tao lamang ang makapagsasabi: “Ako ay isang tapos nang tao”. Wala nang iba. Sa palagay mo ba ikaw ay wala nang ibang gagawin? Kailangang gawin mo pa kung ano ang sinabi mo sa akin isang araw: ang kumpletuhin ang sakripisyo. Papaano mo magagawa ito, kung hindi sa pamamagitan ng paghihirap? Ito ay kahangalan, Juan, na ulitin sa iyo ang sinabi ng mga marurunong na awtor, isang guro ng paaralan, ngunit paalalahanan kita ng tungkol kay Gorgias ng Leontina (o Leontine). Itinuro niya na ang isa ay hindi nagbabayad-sala, sa buhay na ito o sa kabila, bagkus sa pamamagitan ng kapighatian at paghihirap. At ibig din kitang paalalahanan ng tungkol sa dakilang si Socrates: “Ang suwayin ang nakatataas sa atin, maging ito man ay diyos o isang tao, ay masama at nakakahiya”. Ngayon, kung tamang gawin ito para sa di-makatarungang pasya, ipinatutupad ng di-makatarungang mga tao, magiging ano ito kung ginawa sa utos ng kabanalbanalang Tao at ng ating Diyos? Ang pagsunod ay isang dakilang bagay, sa simpleng dahilan na ito ay pagsunod. Kung gayon, pinakadakila ang pagsunod sa isang banal na utos, na aking tinitingnan, at kailangan mong tingnan kasama ko, na isang dakilang awa. Lagi mong sinasabi na ang iyong buhay ay patapos na at hindi mo pa nararamdaman na nakabayad ka na sa pagkakautang sa Hustisya. Kung gayon bakit hindi mo tingnan ang matinding kapighatian na ito bilang isang pamamaraan na makansela ang iyong pagkakautang, at gawin iyan sa maikling panahon na mayroon ka pa? Malaking kapighatian upang makakuha ng malaking kapayapaan! Maniwala sa akin, sulit na ipaghirap ito. Ang tanging importanteng bagay sa buhay ay ang mapanalunan ang Birtud kapag dumating na tayo sa oras ng ating kamatayan.»

«Pinasisigla mo ako, Sintike… Pakiusap na lagi mong gawin iyan.»

«Gagawin ko. Pinapangakuan kita rito. Ngunit kumomporme kang kasama ko, bilang isang lalaki at isang Kristiyano.»

Ang hapunan ay tapos na. Si Maria ay kinukuha ang mga peras na iniwan at inilalagay ito sa loob ng isang plorera, na Kanyang iniaabot kay Andres, na lumabas at bumalik nagsasabing: «Palakas nang palakas ang ulan. Sasabihin ko na mas mabuti ito…»

«Oo. Laging isang aguniya ang maghintay. Pupunta ako kaagad upang ihanda ang asno. At makakasama rin kayo, dala ang mga baul at ang lahat pa. Ikaw din, Porphirea. Bilis! Ikaw ay napakatiyaga na kahit na ang asno ay umaamo at pahihintulutan kang bihisan ito (iyan ang eksaktong sinabi niya) na hindi nagrereklamo. Pagkatapos si Andres ang gagawa nito, dahil siya ay katulad mo. Bilis, lahat kayo!» At si Pedro ay tinutulak ang lahat, maliban kina Maria, Jesus, Juan ng Endor at Sintike, palabas ng silid at ng kusina.

«Guro! O! Guro, tulungan Ninyo ako! Ang oras ay dumating na… at ang pakiramdam ko nabibiyak ang aking puso! Ito ay totoo ngang dumating na! O! bakit, mabuting Jesus, hindi Ninyo ako pinahintulutan na mamatay dito, pagkatapos na mapakinggan ko ang nakakatakot na balita tungkol sa aking sentensiya at nagsikap akong tanggapin ito?!» at si Juan ay bumagsak sa dibdib ni Jesus, umiiyak nang naghihirap.

Sina Maria at Sintike ay nagsisikap na pakalmahin siya, at si Maria, bagama't laging mapagpigil, ay itinikal siya kay Jesus, niyayakap at tinatawag siya: «Aking mahal na anak, Aking ginigiliw na anak»…

Si Sintike pansamantala ay lumuhod sa paanan ni Jesus nagsasabing: «Pagpalain ako, ikonsagra ako, upang sana ako ay lumakas. Panginoon, Tagapagligtas at Hari, ako, dito, sa presensya ng Inyong Ina, nanunumpa at nagpapahayag na susundan ko ang Inyong doktrina at paglilingkuran Kayo hanggang sa aking huling hininga. Isinusumpa ko at ipinahahayag ko na itatalaga ko ang aking sarili sa Inyong doktrina at sa Inyong mga tagasunod alang-alang sa Inyo, aking Guro at Tagapagligtas. Isinusumpa ko at ipinahahayag ko na wala nang iba pang pakay sa aking buhay at na ang lahat na siyang mundo at laman ay tiyak na patay na, hanggang sa ganang akin, habang, sa tulong ng Diyos at ng mga panalangin ng Inyong Ina, umaasa akong matalo ko ang Dimonyo upang hindi sana niya ako madala sa pagkakamali at hindi sana ako maisumpa sa oras ng Inyong paghuhukom. Isinusumpa ko at ipinahahayag ko na ang mga panggaganyak at mga pananakot ay hindi ako mababaluktot at aalalahanin ko ang lahat, maliban kung ipahintulot ng Diyos ang iba. Ngunit umaasa ako sa Kanya at naniniwala ako sa Kanyang kagandahang-loob, kung saan natitiyak ko na hindi Niya ako iiwanan sa awa ng malalabong kapangyarihan, mas malakas kaysa sa akin. Ikonsagra Ninyo ang Inyong lingkod, o Panginoon, upang sana siya ay maprotektahan mula sa mga patibong ng bawat kaaway.»

Si Jesus ay ipinapatong ang Kanyang mga kamay sa kanyang ulo, katulad ng ginagawa rin ng mga pari, at nananalangin para sa kanya.

Si Maria ay pinasunod si Juan sa tabi ni Sintike at ginawa siyang lumuhod nagsasabing: «Pagpalain din ang isang ito, Anak, upang sana mapaglingkuran Ka niya nang may kabanalan at kapayapaan.»

At si Jesus ay inuulit ang ginawa Niya sa nakababang ulo ng kaawa-awang Juan. Pagkatapos Kanya siyang itinayo at ginawa si Sintike na tumayo, at inilalagay ang kanilang mga kamay sa loob ng mga kamay ni Maria sinabi Niya: «At hayaan Siyang ang maging huling humaplos sa inyo rito» at Siya ay lumabas nang mabilis. Hindi ko alam kung saan.

«Ina, paalam! Hindi ko kailanman makakalimutan ang mga araw na ito» ungol ni Juan.

«Ni hindi Ko rin ikaw makakalimutan, mahal na anak.»

«Ako rin, Ina… Paalam. Hayaang halikan ko Kayong muli… O! Pagkatapos ng maraming taon napagbigyan ko ang aking mithiin para sa makainang mga halik!... Ngunit hindi na ngayon…» si Sintike ay umiiyak sa mga bisig ni Maria Na humahalik sa kanya.

Si Juan ay humihikbi nang walang pagpipigil. Si Maria ay niyayakap din siya, nasa Kanya nang mga bisig kapwa ang dalawa, sa totoong Ina ng mga Kristiyano, at sa pamamagitan ng Kanyang kadali-dalisayang mga labì hinipo Niya nang magaan ang kulubot na mukha ni Juan: isang basal, ngunit napakamapagmahal na halik. At kasama ng Kanyang halik ay ang mga luha ng Banal na Birhen sa nangayayat na pisngi…

Si Pedro ay pumasok: «Nakahanda na. Sige na…» at wala na siyang masabi pang iba sapagkat siya ay labis na naaantig ang damdamin.

Si Marjiam, na sinusundan ang kanyang itay katulad ng isang anino, ay kumapit sa leeg ni Sintike at hinahalikan siya, pagkatapos kanyang niyakap si Juan at hinahalikan siyang paulit-ulit… Ngunit siya ay umiiyak din.

Sila ay nakalabas. Si Maria ay hawak si Sintike sa kamay, at si Juan ay nakuha ang kamay ni Marjiam.

«Ang aming mga manta…» sabi ni Sintike at kumikilos siya upang bumalik sa bahay.

«Naririto ito. Bilis, kunin iyon…» si Pedro ay nagpapakunwari ng kagaspangan dahil ayaw niyang ipakita na siya ay naaantig, ngunit sa pamamagitan ng likod ng kanyang kamay pinupunas niya ang kanyang mga luha nakatayo sa likuran ng dalawa na nagsusuot ng kanilang mga manta.

Sa banda roon, sa kabila ng halamang bakod, ang maliit na sumasayaw na lampara ng kariton ay nagbibigay ng manilaw-nilaw na liwanag sa madilim na ere… Ang ulan ay lumalagaslas sa pagitan ng mga dahon ng mga punong olibo at maririnig sa pontanya na puno ng tubig… Ang isang kalapati, nagising ng liwanag ng mga lampara, na pinoprotektahan ng mga manta ng mga apostol, hinahawakan nang mababa upang maliwanagan ang daanan na puno ng sanaw, ay humuhuni nang paiyak…

Si Jesus ay malapit na sa kariton sa ibabaw kung saan ang isang blanket ay inilagay upang maging isang bubong.

«Halikayo, mabilis, umuulan nang malakas!» pagmamadali ni Pedro. At habang si Santiago ni Zebedeo ay pinapalitan si Porphirea sa paghawak sa bukado, si Pedro, nang walang seremonya, ay binuhat si Sintike sa lupa at inilagay siya sa kariton, at na may mas mabilis na kilos hinawakan niya si Juan ng Endor at isinakay siya. Sumakay din siya mismo at binigyan ang kaawa-awang asno ng gayong kalakas na hagupit ng latigo, upang ito ay napaluksong paharap halos masagasaan si Santiago. At si Pedro ay nagpipilit hanggang sila ay nasa pangunahing daan na, isang malayu-layong distansiya mula sa mga bahay… Isang huling pagpapaalam na sigaw ang nakarating sa mga taong umaalis, na mga umiyak nang walang pagpipigil…

Si Pedro ay pinatigil ang asno sa labas ng Nazareth, hinihintay si Jesus at ang iba, na pagkaraan ay nasamahan siya naglalakad nang mabilis sa lumalakas na ulan.

Kinuha nila ang isang daan sa loob ng mga hardin ng mga gulayin, upang pumuntang muli sa hilaga ng bayan, na hindi na ito tinatawid. Ngunit ang Nazareth ay madilim at tulog na sa yelong-lamig na ulan ng isang taglamig na gabi… at sa palagay ko ang ingay ng mga sapatos ng asno, na halos di marinig sa basang gamit-na-gamit na daan, ay hindi maririnig ng mga gising…

Ang grupo ay nagpapatuloy nang tahimik-na-tahimik. Tanging ang mga tangis lamang ng dalawa ang maririnig, nakahalo sa tunog ng ulan sa mga dahon ng punong mga olibo.

050212


Sunod na kabanata