319. Ang Bagyo at ang mga Himala sa Barko.

Nobyembre 5, 1945.

Ang Mediterraneo ay isang galít na kalawakan ng berdeng-asul na tubig, na may napakataas na bumubulang mga taluktok ng mga alon na naghahampasan. Walang makapal na ulap ngayon. Ngunit ang tubig-dagat, napupulbos ng patuloy na pagbabanggaan ng mga alon, ay nagiging isang umaapoy na maalat na alikabok na sumusuot kahit na sa mga damit ng tao, pinapupula ang mga mata, pinakakati ang mga lalamunan, at tila kumakalat katulad ng isang belo ng maalat na pulbos kahit saan, kapwa sa ere, ginagawa itong di-malampasan ng liwanag katulad ng nagagawa ng manipis na ulap, at sa mga bagay na tila winisikan ng maniningning na harina: maliliit na kristal ng asin. Ito ay nangyayari, subalit, kung saan walang paghahampas ng mga alimbukay, o kung saan ang mga alon ay hindi bumubuhos sa kubyerta mula sa isang tabi patungo sa isa pa, hahampas dito, pupunta sa tabi ng barko, pagkatapos bubuhos ulit sa dagat, na may atungal ng isang talon, sa pamamagitan ng labasan ng tubig sa pinakamababang parte ng barko sa kabilang tabi. At ang barko ay tumataas at bumabagsak sa tubig, isang patpat na nasa awa ng karagatan, isang wala lang kompara rito, umiingit at umuungol mula sa pinakamababang bahagi ng barko hanggang sa mga tuktok ng mga haligi ng mga layag… Ang dagat ay totoo ngang ang panginoon at ang barko ang laruan nito…

Maliban sa mga nagmamanyobra ng barko, walang sino pa man ang nasa kubyerta. Wala rito ni mga bagahe, tanging panagip na mga bangka lamang. At ang mga tripulante, una sa lahat ang Cretan na si Nicomedes, halos hubad, gumugulong katulad ng barko, ay patakbu-takbo rito at doon, nag-aakma o nagtatali, isang mahirap na trabaho gawa ng baha at madulas na kubyerta. Ang nakasarang mga lusutan ay nagagawang imposibleng makita kung ano ang nangyayari sa ilalim ng kubyerta. Ngunit natitiyak ko na sila ay hindi maaaring napakasaya sa ibaba roon!...

Hindi ko malaman kung nasaan sila, sapagkat wala rito bagkus dagat sa paligid at isang malayong dalampasigan, na tila isang bulubunduking dalampasigan, hindi mga burol. Masasabi ko na sila ay maaaring naglalayag na nang higit pa sa isang araw, sapagkat ngayon ay tiyak na umaga, dahil ang araw, na lumilitaw at nawawala sa pagitan ng makakapal na ulap, ay sumisikat mula sa silangan.

Sa palagay ko nakapaglalayag ang barko nang kaunti, sa kabila na ito ay naitatapun-tapon nang labis. At ang dagat ay tila mas nagiging matarik.

Sa pamamagitan ng nakatatakot na lagapak ang isang bahagi ng isang haligi ng layag, ang eksaktong pangalan nito ay hindi ko alam, ay naputol, at sa pagbagsak, nadadala ng pagdagsa ng tubig na bumagsak sa kubyerta kasama ang isang tunay na ipu-ipo, ay nagiba ang bahagi ng tabi ng barko.

Ang mga nasa ilalim maaaring ang pakiramdam ang barko ay napupuno ng tubig… At iyan ay napatunayan, pagkaraan ng isang sandali, nang ang isang takip ng isang lusutan ay medyo nagbukas at ang ubaning ulo ni Pedro ay lumitaw. Siya ay tumitingin sa paligid, may nakita, at isinara ang takip sa tamang sandali upang maiwasan ang isang dagsa ng tubig na bumagsak sa lusutan. Ngunit pagkaraan, sa loob ng isang sandali ng kakalmahan, binuksan niya ito ulit at siya’y pumunta sa ibabaw. Siya ay kumakapit sa mga suporta at pinagmamasdan ang lahat na nangyayari, at siya ay sumipol at bumubulong nagkukumento tungkol sa sitwasyon.

Si Nicomedes ay nakita siya: «Alis! Umalis ka!» sigaw niya. «Isara ang takip. Kung ang barko ay maging mas mabigat, lulubog ito. Masuwerte tayo kung hindi ko kailangan na itapon sa dagat ang mga karga… Hindi pa ako nakakita ng bagyong katulad nito! Sinasabi ko sa iyo, umalis ka! Ayaw ko ng mga hindi sanay sa dagat na makaabala sa akin. Hindi ito ang lugar para sa mga hardinero, at…» Hindi siya makapagpatuloy sapagkat ang isa pang dagsa ng alon ay bumagsak sa kubyerta binabasa ang lahat na mga naroroon. «Kita mo?» sigaw niya kay Pedro na basang-basa.

«Gayon. Ngunit hindi ako nasusorpresa nito. Hindi ko lamang kaya ang mag-alaga ng mga hardin. Ako ay ipinanganak sa tubig, ng isang lawa, totoo iyan… Ngunit kahit na ang lawa!... Bago naging isang hardinero ako ay isang mangingisda at nalalaman ko…»

Si Pedro ay kalmanteng-kalmante at alam-na-alam niyang mabuti kung papaano makitungo sa paggulong-gulong ng barko sa pamamagitan ng kanyang matatatag na mga paa na nakabukang malapad. Ang Cretan ay pinagmamasdan siya habang siya ay lumalapit kay Pedro.

«Hindi ka ba natatakot?» tinanong niya siya.

«Hindi ko iyan iisipin!»

«At ang iba?»

«Tatlo ay mga mangingisdang katulad, ibig sabihin, mangingisda noon… Ang iba pa, maliban sa may sakit na lalaki, ay malalakas.»

«Pati ang babae?... Ingat! Tingin! Hawak!»

Isa pang dagsa ng tubig ang sumakop sa kubyerta. Si Pedro ay naghintay hanggang ito ay makatapos at pagkatapos nagsabi: «Napakinabangan ko sana ang kalamigan na ito noong tag-init… Hindi na bale! Nagtatanong ka kung ano ang ginagawa ng babae. Siya ay nagdarasal… at mabuti pang iyan na rin ang gawin mo. Ngunit nasaan na tayo ngayon, nang eksakto? Sa kanal ng Cyprus?»

«Sana nga naroon na tayo! Maglalayag ako sa isla at maghintay para sa mga elemento na kumalma. Kalalabas pa lang natin sa Colonia Julia, o Beritus, kung iyan ang gusto mo. Ngayon mahaharap na natin ang pinakamatindi nito… Iyon ay ang mga bundok ng Lebanon.»

«Hindi ka ba makakapasok doon, kung saan naroroon ang nayon?»

«Iyan ay hindi mabuting daungan, mga batuhang-babaw at mga bato. Hindi posible. Ingat!...»

Isa pang ipu-ipo ng hangin at isa pang piraso ng isang poste ang bumagsak tinatamaan ang isang lalaki, na hindi tinangay ng tubig palabas ng barko dahil lamang sa ang tubig ay pinasalpok siya sa isang nakaharang.

«Pumunta ka sa ilalim ng kubyerta! Lakad! Kita mo?»

«Alam ko, alam ko… ngunit ang mamang iyon?...»

«Kung siya ay hindi patay makakapanumbalik siya. Hindi ko siya maaasikaso… Nakikita mo!...» Sa katunayan ang Cretan ay kailangan na may mata sa likuran ng kanyang ulo alang-alang sa buhay ng lahat.

«Ibigay mo siya sa akin. Ang babae ay titingnan siya…»

«Kahit na anong gusto mo, ngunit umalis ka!...»

Si Pedro ay gumagapang hanggang sa layo ng di-gumagalaw na lalaki, hinawakan ang kanyang paa at hinila siya palapit sa kanya. Tiningnan niya siya, sumipol… Siya’y bumulong: «Ang kanyang ulo ay nabiyak katulad ng hinog na granada. Ang Panginoon ay kailangan na naririto… O! Kung Siya ay naririto! Panginoong Jesus! Aking Guro, bakit Ninyo kami iniwanan?» May malalim na kapighatian sa kanyang tinig… Inilalagay niya ang namamatay na tao sa kanyang balikat, bilang siya mismo ay puno ng dugo, at bumalik sa takip ng lusutan.

Ang Cretan ay sumigaw sa kanya: «Wala nang silbi iyan. Walang mangyayari. Kita mo!...»

Ngunit si Pedro, kargadong katulad niya, ay sumenyas na tila upang sabihin: «Makikita natin» at siya ay dumidikit sa isang poste upang matagalan ang isang alon. Pagkatapos kanyang binuksan ang takip at sumigaw: «Santiago, Juan, halikayo rito!» at sa tulong nila ibinababa niya ang nasugatang tao, pagkatapos bumaba siya mismo isinasara ang takip.

Sa mausok na liwanag ng nakabiting mga lampara nakita nila na si Pedro ay dumurugo: «Nasugatan ka ba?» tinanong nila siya.

«Hindi, hindi ako. Ito ay kanyang dugo… Ngunit… pati kayo ay mabuti pang magdasal sapagkat… Sintike, tumingin ka rito. Sinabi mo sa akin minsan na marunong kang manggamot ng mga nasugatang tao. Tingnan mo ang kanyang ulo…»

Si Sintike ay iniwanan si Juan ng Endor, na kanyang sinusuportahan, dahil siya ay naghihirap nang husto, at pumunta sa mesa kung saan nila inihiga ang kaawa-awang tao, at siya ay tumingin…

«Isang masamang sugat! Nakakita na ako nang dalawang beses ng ganito, sa dalawang alipin, ang isa ay hinampas na kanyang panginoon, ang isa ng bato sa Caprarola. Mangangailangan ako ng tubig, maraming tubig upang malinis ito at mapatigil ang dugo…»

«Kung tubig lamang ang gusto mo!... May napakarami pa nga! Halika, Santiago, dalhin ang taóng. Magagawa natin ito nang dalawa tayo.»

Sila ay umalis at bumalik basang-basa. At si Sintike sa pamamagitan ng basang mga damit ay hinuhugasan at dinidiinan ang batok ng mamâ… Ngunit ang sugat ay grabe. Ang buto ay nakikita mula sa sentido hanggang sa batok. Ngunit ang mamâ ay ibinuka nang malabo ang kanyang mga mata at bumubulong habang naghahapuhap ng hininga. Siya ay napangingibabawan ng likas na takot ng kamatayan.

«Maging mabuti! Maging mabuti! Makaka-ahon ka» sabi ng griyego pinagiginhawahan siya nang makainang pagmamahal at siya ay nagsasalita sa kanya sa wikang Griyego dahil Griyego ang salita ng mamâ.

Ang mamâ, bagama't nahintakutan, ay namangha at tinitingnan si Sintike nang may malabong ngiti nang mapakinggan niya ang kanyang katutubong wika at naghahanap sa kamay ni Sintike… lalaking nagiging isang bata kapag kaagad siya ay naghihirap at maghahanap para sa isang babae na laging isang ina sa mga kasong ganyan.

«Susubukan ko ang pamahid ni Maria» sabi ni Sintike nang ang sugat ay hindi na masyadong dumurugo.

«Ngunit iyan ay para sa kirot…» pagtutol ni Mateo, na namutla nang husto, hindi ko alam kung dahil sa masalimuot na dagat o sa pagkakita sa dugo, o dahil sa dalawa.

«O! Si Maria ang naghanda nito, sa pamamagitan ng Kanyang sariling mga kamay! Gagamitin ko ito na nagdarasal… Maaari bang magdasal din kayo. Walang magagawang masama iyan. Ang langis ay laging isang gamot…»

Siya ay pumunta sa sako ni Pedro, kumuha ng isang plorera mula rito, isang tansong plorera sasabihin ko, binuksan ito, at kumuha ng kaunting pamahid, na kanyang pinaiinitan sa isang lampara sa ibabaw ng takip din ng plorera. Ibinuhos niya ito sa isang tinuping piraso ng linen na damit at ginamit ito sa may sugat na ulo. Pagkatapos ito’y kanyang nilagyan ng linen na mga bendahe nang mahigpit. Naglagay siya ng tinuping manta sa ilalim ng ulo ng may-sugat na mamâ na tila nakakatulog at siya ay naupong malapit sa kanya nagdarasal; ang iba ay nagdarasal din.

Ang bagyo ay nagngangalit pa sa kubyerta at ang barko ay tumatagilid nang husto. Pagkaraan nang kaunti ang isang takip ng mga lusutan ay nagbukas at ang isang mandaragat ay nagmadaling pumasok.

«Anong nangyayari?» tanong ni Pedro.

«Tayo ay namimiligro. Ako ay naparito upang kumuha ng insenso at mga alay para sa isang sakripisyo…»

«Kalimutan ang tungkol sa mga kalokohang iyan!»

«Ngunit si Nicomedes ay ibig na magsakripisyo kay Venus! Tayo ay nasa kanyang karagatan…»

«Na kasing desperado katulad ni Venus» imik ni Pedro sa mababang tinig. Pagkatapos malakas nang kaunti: «Ikaw, sumama ka sa akin. Pumunta tayo sa kubyerta. Baka ay trabahong kailangang gawin doon… Natatakot ka bang manatiling kasama ang may-sugat na lalaki at ang dalawang iyon?» Ang dalawa ay sina Mateo at si Juan ng Endor, na hirap-na-hirap na gawa ng pagkalula.

«Hindi. Makakalakad kayo» tugon ni Sintike.

Habang pumupunta sa kubyerta nasalubong nila ang Cretan na nagsisikap nang sindihan ang insenso at umaatake sa kanilang nagagalit upang papuntahin sila sa ilalim, sumisigaw: «Hindi ba ninyo nakikita na kung walang himala tayo ay malulubog? Ito ang unang pagkakataon! Ang una mula nang ako ay naglalayag!»

«Makinig lamang: sasabihin niya ngayon na naglagay tayo ng orasyon!» bulong ni Judas ni Alfeo.

Sa katotohanan ang mamâ ay sumisigaw nang mas malakas: «Isinumpang mga Israelita, ano ang dala-dala ninyo? Kayong mga aso, naglagay kayo ng orasyon sa akin! Lumayas kayo! Mag-aalay na ako ng isang sakripisyo sa bagong-panganak na Venus…»

«Hindi, hindi kailanman. Kami ang magsasakripisyo…»

«Lumayas kayo! Kayo ay mga pagano, kayo ay mga dimonyo, kayo ay…»

«Napapakinggan mo ba iyon? Sinusumpa ko sa iyo na kung pababayaan mo kaming gawin ang gusto naming gawin, makikita mo ang himala.»

«Hindi. Lumayas kayo!» at kanyang sinisindihan ang insenso at nagtatapon siya sa dagat, hangga't magagawa niya, ng ilang mga likido na kanina ay kanyang inialay at tinikman, pati na rin ilang mga pulbos, na hindi ko nakikilala. Ngunit ang mga alon ay pinatay ang insenso at ang dagat, sa halip na kumalma, ay mas nagalit pa, inaanod ang lahat na mga gamit sa ritwal at halos matangay din si Nicomedes…

«Ang iyong diyosa ay binibigyan ka ng magandang kasagutan! Kami naman ngayon. Mayroon din kaming Isa, mas puro kaysa sa isang iyan na gawa sa bula, ngunit pagkatapos… Umawit, Juan, katulad ng ginawa mo kahapon, at susunod kami sa iyo, at tingnan natin!»

«Oo, tingnan natin! Ngunit kung ito ay lumala, itatapon ko kayo sa dagat bilang mga pampakalmang mga biktima.»

«O sige. Sige na, Juan!»

At si Juan ay sinimulan ang kanyang awit, sinusundan ng lahat na iba pa, kasama na rin si Pedro, na pangkaraniwan ay hindi umaawit, sa dahilan na siya ay laging nawawala sa tono. Ang Cretan ay pinagmamasdan sila, nang may nakatiklop na mga braso at isang ngiti na medyo galit at medyo panunuya. Pagkatapos ng awit, sila ay nagdarasal na ang kanilang mga kamay nakaunat. Maaaring ito ay ang «Ama Namin» ngunit ito ay sa wikang Hebreo at hindi ko ito maintindihan. Sila ay umaawit nang mas malakas. Kung gayon pinagsasalit-salitan nila ang mga awit at mga panalangin nang walang takot o pagkaputol, bagama't tinatamaan sila ng mga alon. Ni hindi sila kumakapit sa mga suporta, ngunit kompiyansang-kompiyansa sila na tila sila ay kaisa ng kahoy sa kubyerta. At ang karahasan ng mga alon ay totoong nagsimulang humupa nang unti-unti. Ito ay hindi humupang ganap, katulad na ang hangin ay hindi bumagsak nang ganap. Ngunit ang bagyo ay hindi na kasing galit katulad ng dati, ni ang mga alon ay hindi na sumasampa sa kubyerta.

Ang mukha ng Cretan ay isang tula ng pagtataka… Si Pedro ay pasulyap-sulyap sa kanya at nagpapatuloy sa pagdarasal. Si Juan ay ngumingiti at umaawit nang mas malakas… Ang iba ay sinusundan siya tinatalo nang palinaw-nang-palinaw ang atungal ng mga alon habang ang dagat ay kumakalma sa pagiging normal na galaw at ang hangin ay nagsimulang umihip nang paborable.

«Bueno? Ano ang palagay mo diyan?...»

«Ngunit ano ang sinabi ninyo? Anong pormularyo iyon?»

«Pormularyo ng Totoong Diyos at ng Kanyang banal na Lingkod na Babae. Maaari mo nang itaas ang iyong mga layag at ayusin ang mga bagay-bagay, dito… Hindi ba't isang isla iyon?»

«Oo, iyan ay Cyprus… At ang dagat ay mas kalmante pa sa kanal nito… Gaano kakaiba! Ngunit ang bituin na iyon na inyong sinasamba, sino iyon? Si Venus, hindi ba?»

«Dapat sabihin mo: na inyong pinagpipitagan. Sinasamba namin ang Diyos lamang. Ngunit Siya na pinagpipitagan namin ay walang kaugnayan kay Venus. Siya ay si Maria. Si Maria ng Nazareth, ang Hebreong si Maria, ang Ina ni Jesus, ang Mesiyas ng Israel.»

«At ang isang ibang iyon, ano iyon? Iyon ay hindi Hebreo…»

«Hindi, iyon ay aming sariling wika, ang wika sa aming lawa, ng aming amangbayan. Ngunit hindi namin iyon maaaring sabihin sa iyo, isang pagano. Iyon ay isang talumpati nakatuon kay Jehovah, at tanging mga naniniwala lamang ang makaaalam nito. Paalam, Nicomedes. At huwag ikalungkot kung ano ang napunta sa ilalim ng dagat. Isang… orasyon na nakabawas sa iyong kamalasan. Paalam, eh? Ikaw ba ay di-makapagsalita?»

«Hindi… Ngunit… Mawalang-galang na… Nainsulto ko kayo!»

«O! Hindi na bale! Mga epekto iyon ng… kulto ni Venus… Halina, mga bata, puntahan natin ang iba…» at ngumingiti nang masaya si Pedro patungo sa lusutan sa ilalim.

Ang Cretan ay sinusundan sila: «Makinig! At papaano ang lalaki? Patay na ba siya?»

«Hindi kailanman! Baka ibigay namin siya sa iyo na ligtas at malusog maya-maya lamang… Isa pang hokus-pokus lamang ng aming… mga orasyon…»

«O! Pakiusap pagpaumanhinan ako! Ngunit sabihin sa akin, saan iyan matututunan ng isa upang siya’y matulungan? Nakahanda akong magbayad para diyan…»

«Paalam, Nicomedes! Mahabang kuwento iyan… at hindi iyan ipinahihintulot… Ang mga sagradong bagay ay hindi ibinibigay sa mga hentil. Paalam! Mapabuti ka sana, aking kaibigan!»

At si Pedro, sinusundan ng lahat na iba pa, ay pumunta sa ilalim ng kubyerta, ngumingiti. Ang dagat din ngayon ay kaaya-ayang tanawin, ang isang magandang hanging hilaga ay napapaboran ang nabigasyon habang ang araw ay lumulubog at ang isang tapyas ng lumiliit na buwan ay lumilitaw sa silangan.

110312

 

 

 


Sunod na kabanata