320. Pagdating at Pagdaong sa Seleucia.

Nobyembre 6, 1945.

Ang bayan ng Seleucia ay lumitaw sa loob ng isang magandang paglubog-ng-araw katulad ng isang napakalaking puting masa sa gilid ng asul na tubig ng dagat, na mapayapa at kaaya-ayang maningning, habang ang ihip ng hangin ay nakikipaglaro sa mga alon sa ilalim ng walang-ulap na kalangitan na inihahalo ang cobalt na asul sa purpura ng paglubog-ng-araw. Ang barko sa ilalim ng layag ay patungo sa malayong bayan at binabaha ito ng kagandahan ng lumulubog na araw, upang ito ay tila umaapoy na may mga liwanag ng kaluguran para sa pagdating na ngayon ay malapit na.

Sa kubyerta, kasama ang mga mandaragat na hindi na abala o nag-aalala, ay may mga pasahero na nakikita na ang kanilang destinasyon ay lumalapit. Ang nasugatang mandaragat ay nakaupo sa tabi ni Juan ng Endor, na mas lalong nangayayat kaysa ng siya ay umalis. Ang ulo ng mamâ ay may manipis na bendahe pa rin at siya ay kasing putla ng garing dahil sa dugo na nawala sa kanya. Ngunit siya ay ngumingiti at nagsasalita sa mga nagligtas sa kanya at sa kanyang mga kasamahan na, habang sila ay dumaraan, binabati siya sa kanyang pagbabalik sa kubyerta.

Ang Cretan ay nakita rin siya at ipinagkakatiwala ang kanyang lugar nang sandali sa namamahala ng mga mananagwan, siya ay lumapit upang batiin ang kanyang «napakabuting Demetes», na bumalik sa kubyerta sa unang pagkakataon pagkatapos na masugatan. «At salamat sa inyong lahat» sinasabi niya sa mga apostol. «Hindi ko naisip na siya ay mabubuhay pa, pagkatapos na mahampas ng mabigat na biga at ng bakal, na nagpabigat pa rito. Demetes, ang mga taong ito ay tunay na bumuhay sa iyo, sapagkat ikaw ay kasing tulad na ng patay, at hindi lamang minsan, bagkus dalawang beses. Ang una ay nang ikaw ay nakahandusay katulad ng isang bulto ng kalakal sa kubyerta, at dahil sa nawawalang dugo sa iyo at sa mga alon na maaaring nagtulak sa iyo palabas ng barko, maaari kang namatay at napunta sa kaharian ni Neptune kasama ang mga Nereids at mga Tritons. Ang ikalawa ay dahil ginamot ka nila sa pamamagitan ng kanilang mga pamahid. Tingnan ko nga ang iyong sugat.»

Ang mamâ ay inalis ang bendahe at pinakikita ang isang makinis na magaling-nang peklat, katulad ng isang mapulang marka mula sa kanyang sentido hanggang sa batok, sa ilalim lamang ng kanyang buhok, na lumilitaw na pinutol, baka ni Sintike, upang hindi nito matamaan ang sugat. Si Nicomedes ay hinipo nang magaan ang marka: «Kahit na ang buto ay gumaling! Ang pangkaragatan na Venus ay mahal ka! At ibig lamang niya ikaw ay nasa dagat at sa mga dalampasigan ng Gresya. Harinawang si Eros ay maging mapagkaloob sa iyo, ngayon na tayo ay darating na, at tulungan ka na makalimutan ang iyong kamalasan at ang takot ni Thanatos dahil nasa panghahawak ka na niya.»

Si Pedro ay pinakikita ang kanyang nararamdaman sa pagkarinig sa napakaraming mitolohiyang mga adorno. Sumasandal sa isang poste ng layag, na ang kanyang mga kamay nasa kanyang likod, siya ay hindi nagsasalita, ngunit ang lahat ay nagsasalita sa loob niya pinipigilan ang masakit na pangalan sa paganong si Nicomedes at sa kanyang paganismo, at isinasaad ang kanyang pagkainis sa kabuuan ng Hentilismo.

Ang iba ay gayon din ang pakiramdam… si Judas ni Alfeo ay kumukunot ang noo katulad ng lagi niyang nagagawa kapag masama ang timpla ng ulo, ang kanyang kapatid ay palakad-lakad nagpapakita ng malaking interes sa dagat. Si Santiago ni Zebedeo ay nagpasya na ang pinakamabuting gawin ay ang iwanan silang lahat at pumunta sa ilalim upang kunin ang mga bag at ang habihan, si Mateo ay pinaglalaruan ang kanyang sinturon at ang Zealot ay ginagaya siya, inaabala nang labis ang kanyang sarili sa kanyang mga sandalyas, na tila ito ay mga bago, at si Juan ni Zebedeo ay nahipnotismo ng karagatan.

Ang kawalang-galang at pagkainis ng walong apostol ay kitang-kita – at ang pagkapipi ng dalawang disipulo nakaupo malapit sa nasugatang lalaki ay kasing linaw – upang ang Cretan ay nabatid ito at siya ay humihingi ng paumanhin: «Iyan ay ang aming relihiyon, alam n’yo? Katulad na kayo ay naniniwala sa inyong relihiyon, kaming lahat ay naniniwala sa aming relihiyon…»

Walang tumutugon at ang Cretan ay may-karunungang nagpasya na iwanan ang kanyang mga diyos sa kapayapaan at bumaba mula sa Olympus sa lupa, o kung baga sa dagat, sa kanyang barko, inaanyayahan ang mga apostol na pumunta sa unahan upang magkaroon ng mabuting tanawin ng bayan na kanilang nilalapitan. «Ayón iyon, kita n’yo? Nakarating na ba kayo diyan kahit minsan?»

«Ako ay napunta rito, minsan, ngunit dumaan ako sa lupa» sabi ng Zealot nang seryoso at walang-pakiramdam.

«Mabuti! Kung gayon nalalaman mo na ang Seleucia ay ang tunay na daungan ng Antioch. Ang bayang pangkaragatan ay nasa bunganga ng ilog Orontes, na kagandahang angkop din na tumanggap ng mga bangka na makapupunta sa ilog hanggang sa layo ng Antioch kapag ang tubig ay malalim. Ang bayan na inyong nakikita, ang mas malaki, ay ang Seleucia. Ang isa pa, sa gawing timog, ay hindi isang bayan, bagkus ang labí ng isang nasalantang lugar. Ito ay nakapanloloko, ngunit iyan ay isang patay na lugar. Ang kabit-kabit na iyon ay ang Pierios, gawa nito ang bayan ay tinawag na Seleucia Pieria. Ang tuktok ng bundok sa mas malayo pa papaloob sa lupa, sa kabila ng kapatagan, ay ang bundok ng Casius, at pinaghaharian nito katulad ng isang higante ang kapatagan ng Antioch. Ang isa pang kabit-kabit sa hilaga ay ang Amanus. O! Makikita ninyo ang ginawa ng mga Romano sa Seleucia at sa Antioch! Wala na silang magagawa na mas maganda pa. Isang daungan na may tatlong lunas, na isa sa pinakamaganda, mga kanal, mahahabang hanay ng mga bato at mga rompeolas. Walang labis na ganito sa Palestina. Ngunit ang Syria ay mas maganda kaysa sa iba pang mga probinsiya ng Imperyo…»

Ang kanyang mga salita ay bumagsak sa katahimikan ng katulad sa patay. Kahit na si Sintike, na bilang isang griyego ay hindi kaagad naaalibadbaran katulad ng iba, ay ipinirmi ang kanyang mga labì, at ang kanyang mukha ay naging kasing talas kahit kailanman katulad ng isang mukha na nililok sa isang medalya o isang bato: ang mukha ng isang diyosa na naiinis sa pagkakapaghalubilo sa mga taga-lupa.

Ang Cretan ay nahalata ito at siya ay humihingi ng paumanhin: «Ano ang aasahan ninyo! Matapos man ang lahat nagkaka-pera ako gawa ng mga Romano!...»

Ang tugon ni Sintike ay kasing talas ng isang espada: «At ang ginto ay pinapupurol ang sambayanang espada ng karangalan at kalayaan», at sinabi niya ito sa pamamaraan at sa gayong purong Latin na ang mamâ ay natulala…

Pagkatapos siya ay naglakas-loob na magtanong: «Ngunit hindi ba’t ikaw ay isang griyego?»

«Ako ay griyego. Ngunit mahal mo ang mga Romano. Ako ay nagsasalita sa iyo sa wika ng iyong mga panginoon, hindi ng sa amin, na siyang ang wika ng aming pinahirapang Amangbayan.»

Ang Cretan ay napahiya habang ang mga apostol ay tahimik na nagsasaya sa leksiyon na ibinigay sa nagpupuri sa Roma. At ang Cretan ay binago ang paksa at nagtanong na sa kung anong paraan sila magtutungo mula sa Seleucia hanggang Antioch.

«Maglalakad, mamâ» tugon ni Pedro.

«Ngunit gabi na. At magiging madilim na pagdaong ninyo…»

«Magkakaroon ng lugar kung saan kami makatutulog.»

Si Judas Tadeo, na nakita na naihanda na nila ang lahat na kinakailangan para sa sakripisyo sa mga diyos, na maaaring iaalay sa kanilang pagdating sa piyer, ay nagsabi: «Hindi na iyan kinakailangan. Pinasasalamatan ka namin para sa iyong kabaitan, ngunit mas gusto namin na makababa. Tama ba iyon, Simon?»

«Oo, tama iyan. May mga panalangin din kaming kailangang bigkasin, at ito ay… ikaw at ang inyong mga diyos, o kami at ang aming Diyos.»

«Gawin kung ano ang gusto ninyo. Ibig ko sanang makabayad ng kagandahang-loob sa anak ni Theophilus.»

«At ibig sana namin na makabayad sa Anak ng Diyos, kinukumbinsi ka na may iisang Diyos lamang. Ngunit ikaw ay isang bato na ayaw gumalaw. Ayon sa nakikita mo, tayo ay nasa parehong sitwasyon. Subalit baka isang araw tayo ay magkita pa rin at baka hindi ka na kasing mapilit…» sabi ng Zealot nang seryoso.

Si Nicomedes ay kumilos na tila upang sabihin: «Baka!». Isang pagkilos ng balintunang kawalang-ingat tungkol sa paanyaya na kilalanin ang totoong Diyos at kalimutan ang di-totoong isa. Siya pagkatapos ay pumunta sa lugar ng piloto dahil ang piyer ay malapit na.

«Pumunta tayo sa ilalim at kunin ang mga baul. Gawin natin ito nang sarili natin. Gustung-gusto ko nang makaalis sa paganong amoy na ito» sabi ni Pedro. At lahat sila pumunta sa ilalim maliban kina Sintike at Juan.

Ang dalawang napapatapon ay magkalapit at pinagmamasdan nila ang rompeolas na papalapit nang papalapit.

«Sintike, isa pang hakbang patungo sa di natin alam, isa pang hila mula sa masayang nakaraan, isa pang aguniya, Sintike… Hindi ko na ito matanggap…»

Si Sintike ay kinuha ang kanyang kamay. Siya ay maputlang-maputla at kapigha-pighati. Ngunit siya ay ang malakas na babae pa rin na nakaaalam kung papaano magpaginhawa sa mga tao. «Oo, Juan, isa pang hila, isa pang aguniya. Ngunit huwag mong sabihin na isa pang hakbang patungo sa di natin alam… Hindi iyan tama. Nalalaman natin kung ano ang ating misyon dito. Sinabi iyan sa atin ni Jesus. Kung kaya't hindi tayo patungo sa di natin alam, sa kabaligtaran humahalo tayong humahalo sa kung ano ang nalalaman natin, sa Kalooban ng Diyos. Ni hindi pa nga tama na sabihin: “isa pang hila”. Tayo ay isinasama sa Kanyang kalooban. Ang hila ay naghihiwalay. Tayo ay isinasama. Kung kaya't tayo ay hindi pinaghihiwalay. Tayo lamang ay humihiwalay sa sensitibong mga kasiyahan ng ating pagmamahal para sa Kanya, ating Guro, nirereserba ang super-sensitibong mga kasiyahan para sa ating mga sarili, inililipat ang pagmamahal at katungkulan sa isang sobrenatural na lebel. Kumbinsido ka ba na iyan ay ganyan? Kumbinsido ka? Bueno, ni hindi mo kailangang sabihin: “isa pang aguniya”. Ang aguniya ay nagpapalagay ng isang napipintong kamatayan. Ngunit sa pagkakaabot sa isang espirituwal na lebel upang gawin itong ating luklukan, ating atmospera at ating pagkain, tayo ay hindi namamatay, “tayo’y nabubuhay”. Sapagkat kung ano ang espirituwal, ay eternal. Tayo kung gayon ay tumataas sa isang mas buháy na búhay, isang antisipasyon ng dakilang Buhay sa Langit. Kung gayon, magsaya! Kalimutan na ikaw ay ang tao-Juan, at alalahanin na ikaw ay nakatalaga sa Langit. Mangatwiran, kumilos, mag-isip at umasa lamang bilang isang mamamayan ng inmortal na Amangbayan na iyan…»

Ang iba ay bumalik dala ang kanilang mga kargada, nang ang barko ay pinapasok nang mahestuwoso ang malaking piyer ng Seleucia.

«At ngayon tayo ay magtungo nang mabilis hangga't maaari, sa unang otel na makikita natin. Maaaring mayroon sa kapaligiran, at bukas… sa pamamagitan ng bangka o kariton tayo ay pupunta sa ating destinasyon.»

Ang barko ay dumaong sa pamamagitan ng mga direksiyon na ibinigay nang pagpipito at ansga tulayan ay ibinaba.

Si Nicomedes ay nilapitan ang paalis na mga pasahero.

«Paalam, mamâ. At salamat sa iyo» sabi ni Pedro sa katauhan ng lahat.

«Paalam, mga Israelita. At pinasasalamatan ko kayo. Kung pupunta kayo sa kalsadang iyan makakakita kayo ng matutuluyan kaagad. Paalam.»

Ang mga apostol ay bumaba sa tabing ito, at siya ay pumunta sa salungat na direksiyon, at habang si Pedro at ang iba pa, kargadong katulad ng mga portero, ay papunta upang magpahinga, ang pagano ay sinisimulan ang kanyang walang-silbing ritwal…

210312

 

 


Sunod na kabanata