321. Mula Seleucia Hanggang Antioch.

Top of Form

(Walang petsa)

«Tiyak na makakakita kayo ng kariton sa palengke. Kung gusto ninyo ang akin, ibibigay ko ito sa inyo, sa alaala kay Theophilus. Kung ako ay isang masayang tao, utang ko ito sa kanya. Ako ay kanyang ipinagtanggol sapagkat siya ay isang makatarungang tao. At ang mga bagay na ganyan ay hindi nakakalimutan ng isa» sabi ng namamahala ng otel nakatayo sa harapan ng mga apostol sa maagang sikat ng araw ng umaga.

«Ang problema ay gagamitin namin ang kariton nang mga ilang araw… At magkagayunman sino ang magpapatakbo nito? Nakapagpapatakbo ako ng isang asno… Ngunit isang kabayo…»

«Ngunit pareho lamang iyan, mamâ! Hindi kita bibigyan ng isang mailap na bisiro, bagkus isang matalinong panghilang kabayo, kasing bait ng isang tupa. At kayo ay makakarating sa maikling panahon at walang anumang hirap. Kayo ay makakarating sa Antioch sa ikaanim na oras, at dahil din alam ng kabayo ang daan at lalakad nang mag-isa ito. Isasauli ninyo ito sa akin kung gusto na ninyo, nang walang anumang interes sa panig ko, sa dahilan na gusto ko lamang makagawa ng isang bagay na maganda sa anak ni Theophilus, at masasabi ninyo sa kanya na ako ay laging nagkakautang sa kanya, na naaalaala ko siya at ako ay kanyang lingkod.»

«Ano ang ating gagawin?» si Pedro ay tinatanong ang kanyang mga kasama.

«Kung anuman ang inaakala mong mas maganda. Magpasya ka at kami ay susunod.»

«Susubukan ba natin ang kabayo? Iniisip ko si Juan… at upang maging mabilis din… Ang pakiramdam ko nagdadala ako ng isang tao sa bitayan at gustung-gusto kong makita ang lahat na ito na tapos na…»

«Tama ka» lahat sila nagsasabi.

«Bueno, kukunin ko iyan, mamâ.»

«At ako ay nasisiyahan na ibigay iyan sa iyo. Ihahanda ko na ang sasakyan.»

Ang namamahala ng otel ay umalis. Maaalis na ni Pedro ang bigat na mula kanyang dibdib: «Nawala sa akin ang kalahati ng aking pamumuhay sa nakaraang ilang mga araw. Gaano nakalulungkot! Sana nasa akin ang karosa ni Elijah, ang manta na kinuha ni Eliseo, kahit ano na magpapabilis sa paggawa ng mga bagay-bagay… At higit sa lahat, hanggang sa ikamatay ko mismo, ibig kong makapagbigay ng isang bagay na magpapaginhawa sa kaawa-awang mga sawing-palad na iyon, ginagawa silang makalimot… Hindi ko alam!... Sa kaunting mga salita, isang bagay na hindi sila maghihirap nang labis… Ngunit kung malaman ko kung sino ang dahilan ng lahat ng kapighatiang ito, hindi na ako si Simon ni Jonah, kung hindi ko pipilipitin ang kanyang leeg katulad ng isang basang damit. Hindi ko ibig sabihin… na papatayin siya. Hindi! Ngunit pipigain ko siya katulad ng piniga niya ang lugod at buhay palabas sa dalawang kaawa-awang taong iyon…»

«Tama ka. Ito ay labis na kapigha-pighati. Ngunit sinasabi ni Jesus na kailangan na patawarin natin ang mga pananakit…» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«Kung ako ang kanilang sinaktan, magpapatawad ako… At magagawa ko. Ako ay malakas at malusog, at kung may mananakit sa akin, may sapat akong lakas na labanan ang aking kapighatian. Ngunit ang kaawa-awang Juan! Hindi, hindi ko makakalimutan ang isang pananakit sa tao na tinubos ng Panginoon, sa isang tao na namamatay nang biyak ang puso…»

«Iniisip ko ang sandali kung kailan tayo ay magpapaalam sa kanya…» sabi ni Andres na may buntung-hininga.

«Ako rin. Ito ay isang naririyan-laging idea at ako ay pinahihirapan nito nang lalo habang ang sandaling iyan ay papalapit…» bulong ni Mateo.

«Gawin natin ito nang mabilis hangga't maaari, alang-alang sa kabutihan» sabi ni Pedro.

«Hindi, Simon. Patawarin mo ako, kung sasabihin ko sa iyo na nagkakamali ka sa gustuhin iyan. Ang iyong pagmamahal para sa iyong kapwa ay nagiging lihis at iyan ay hindi kailangan na mangyari sa iyo, sa dahilan na ikaw ay laging matuwid» sabi ng Zealot nang kalmante nagpapatong ng kamay sa balikat ni Pedro.

«Bakit, Simon? Ikaw ay may pinag-aralan at mabait. Ipakita mo sa akin kung saan ako nagkakamali at kung makikita ko na ako ay nagkakamali, sasabihin ko sa iyo: “Tama ka”.»

«Ang iyong pagmamahal ay nagiging di-maganda dahil ito ay nagiging makasarili.»

«papaano? Ako ay namimighati rito, at ako ay makasarili?»

«Oo, kapatid, sapagka't sa labis na pagmamahal – ang bawa't kalabisan ay kawalang-kaayusan at kung gayon nagdadala sa pagkakasala – ikaw ay nagiging duwag. Ayaw mong maghirap nakikita ang ibang tao na naghihirap. Iyan ay pagkamakasarili, aking kapatid sa ngalan ng Panginoon.»

«Iyan ay totoo! Tama ka! At pinasasalamatan kita sa pagsabi sa akin. Iyan ang kailangang gawin sa pagitan ng mabubuting magkakasama. Bueno. Ako ay hindi na magmamadali… Ngunit sabihin mo sa akin ang katotohanan, hindi ba't ito ay nakakaawang sitwasyon?»

«Totoong iyan nga…» lahat sila nagsasabi.

«papaano natin siya iiwanan?»

«Sasabihin ko na iiwanan natin sila kapag nabigyan na sila ng pag-aruga ni Felipe… Makapananatili tayo ng ilang mga araw sa Antioch, itinatago ang ating mga sarili, tinatawagan si Felipe upang malaman kung papaano sila mismo nakapamumuhay sa bagong kapaligiran…» mungkahi ni Andres.

«Hindi. Ang ganyang biglaang paghiwalay ay magagawa silang maghirap nang labis» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«Bueno. Ating kunin ang bahagi ng mungkahi ni Andres. Tayo ay mananatili sa Antioch, ngunit sa bahay ni Felipe. At sa loob ng ilang mga araw tayo ay pupunta at bibisitahin sila, ngunit padalang na nang padalang, hanggang sa tayo ay tumigil na sa pagpunta» sabi ng isa pang Santiago.

«Mapananariwa natin ang kanilang kapighatian at mapalulungkot natin sila nang labis. Hindi. Hindi iyan kailangang gawin» sabi ni Tadeo.

«Ano ang ating gagawin, Simon?»

«Ah! Sa ganang akin, mas gusto ko pang nasa kanilang kalagayan kaysa magsabing: “Paalam sa inyo”.» sabi ni Pedro na nalulungkot.

«Minumungkahi ko ito. Sumama tayo sa kanila sa bahay ni Felipe at manatili roon. Pagkatapos tayong lahat ay pupunta sa Antigonea. Iyon ay isang magandang lugar… At tayo ay mananatili roon. Kapag sila ay nasanay na, tayo ay aalis, sa nakalulungkot ngunit may pagkalalaking pamamaraan. Iyan ang aking sasabihin. Maliban kung si Pedro ay tumanggap ng ibang tagubilin mula sa Guro» sabi ni Simon Zealot.

«Ako? Wala. Sinabi Niya sa akin: “Gawin ang lahat nang maayos, may pagmamahal, nang walang pagiging makupad, subalit walang pagmamadali, sa paraan na sa akala mo ay ang pinakamabuti”. Hanggang ngayon sa palagay ko nagawa ko ito. May iisang bagay lamang: Sinabi ko na ako ay isang mangingisda!... Ngunit kung hindi ko sinabi iyan, hindi sana niya ako pinahintulutan sa kubyerta.»

«Huwag kang magkaroon ng katangahang mga alinlangan, Simon. Iyan ay mga patibong ng dimonyo upang mabalisa ka» sabi ni Tadeo upang paginhawahan siya.

«Oo. Tamang-tama! Sa palagay ko siya ay nasa paligid natin katulad nang hindi pa kailanman, gumagawa ng mga hadlang at nagsisikap na takutin tayo upang makagawa tayo ng mga karuwagang mga aksiyon» sabi ng apostol na si Juan, at siya ay naghihinuha sa mababang tinig: «Sa palagay ko ibig niya na ang dalawang iyon ay mawalan ng pag-asa sa pagpapanatili sa kanila sa Palestina… at ngayon na naiiwasan nila ang kanyang mga patibong, ipinaghihiganti niya ang kanyang sarili laban sa atin… Nararamdaman ko na siya ay nasa paligid ko katulad ng isang ahas nagtatago sa damuhan… At nararamdaman ko siya nang ganyan sa loob ng maraming buwan… Ngunit naririto na ang namamahala nanggagaling sa isang tabi at si Juan kasama si Sintike sa isa pang tabi. Sasabihin ko sa inyo ang iba pa saka na, kapag tayo ay nag-iisa, kung interesado kayo tungkol diyan.»

Sa katunayan ang isang matatag na kariton hila ng isang malakas na kabayo ay paparating sa isang tabi ng bakuran, minamaneho ng may-ari, habang ang dalawang disipulo ay papalapit sa kanila sa kabilang tabi.

«Panahon na ba na umalis?» tanong ni Sintike.

«Oo, oras na. Natatakpan ka ba nang mabuti, Juan. Ang iyo bang kirot ay nawawala nang kaunti?»

«Oo, nakabalot ako sa delanang mga damit at ang pamahid ay natulungan ako.»

«Sakay na, kung gayon, at makakasama ninyo kami sa isang sandali.»

… At nang makatapos sila sa pagkakarga, at ang lahat ay nasa kariton na, sila ay lumabas sa pamamagitan ng maluwang na pintuan, pagkatapos nang paulit-ulit na pagtitiyak ng may-ari tungkol sa katinuan ng kabayo. Tinatawid nila ang isang liwasan na itinuro sa kanila at kinuha ang kalsada malapit sa mga pader hanggang sa sila ay makalabas sa isang geyt at pagkatapos nagpatuloy una sa tabi ng isang malalim na kanal at pagkaraan sa tabi ng ilog. Ito ay isang mabuting namementenang kalsada, tumatakbong hilagang-silangan, sinusundan ang pakurba-kurba ng ilog. Sa kabilang tabi ay may mga bundok, ang mga dalisdis, mga sapa at mga bangin nito ay napakaberde, at sa lugar kung saan maraming sikat ng araw makikita rito ang mayayabong na hiyas ng maraming mga tanim sa mga pang-ilalim ng mga palumpungan.

«Gaano karaming mirto!» bulalas ni Sintike.

«At mga laurel!» dagdag ni Mateo.

«Malapit sa Antioch ay may isang lugar na sagrado kay Apollo» sabi ni Juan ng Endor.

«Baka nadala ng hangin ang mga binhi hanggang dito…»

«Baka. Ngunit ang buong lugar dito ay puno ng magagandang tanim» sabi ng Zealot.

«Dahil nakarating ka na rito, sa palagay mo ba dadaan tayo malapit sa Daphne?»

«Kailangan. Makikita ninyo ang isa sa pinakamagandang mga lambak sa mundo. Maliban sa malaswang kulto, na naging maruming mga pagpapakasasa, ito ay isang lambak ng makalupang paraiso, at kung ang Pananampalataya ay papasukin ito, ito ay magiging isang tunay na Paraiso. O! gaanong kabutihan ang inyong magagawa rito! Sana ang inyong mga puso ay kasing taba ng lupa…» sabi ng Zealot upang makapasok sa kaisipan ng dalawang disipulo ang pampalubag na mga idea. Si Juan ay iniyuko ang ulo at si Sintike ay nagbuntung-hininga.

Ang kabayo ay tumutrote nang may tiyempo at si Pedro ay hindi nagsasalita, tensyonado katulad niya sa pagpapatakbo sa kabayo, bagama't ang kabayo ay nagpapatuloy nang ligtas, na hindi na nangangailangan ng gabay o sundot. Tumatakbo sila nang gayong kabilis hanggang sa tumigil sila sa isang tulay upang kumain at makapagpahinga ang kabayo. Ang katanghaliang araw ay sumisikat at ang lahat ng kagandahan ng isang pinakamagandang kabukiran ay kitang-kita.

«Ngunit… mas gusto ko ito kaysa sa dagat…» sabi ni Pedro tumitingin sa paligid.

«Anong bagyo!»

«Ang Panginoon ay nagdarasal para sa atin. Pakiramdam ko Siya ay malapit sa atin nang tayo ay nananalangin sa kubyerta. Kasing lapit ng tila Siya ay kasama natin…» sabi ni Juan ngumingiti.

«Nasaan na kaya Siya. Wala akong kapayapaan iniisip na Siya ay walang damit… At kung Siya ay mabasa? Ano ang Kanyang kakainin? Kayang-kaya Niya ang pag-aayuno…»

«Makatitiyak ka na ginagawa Niya iyan upang matulungan tayo» sabi ni Santiago ni Alfeo nakatitiyak.

«At para sa iba ring mga dahilan. Ang ating Kapatid ay matagal-tagal nang namimighati. Walang-tigil na pinahihiya Niya ang Kanyang Sarili upang matalo ang mundo» sabi ni Tadeo.

«Ang ibig mong sabihin ay ang dimonyo na nasa mundo» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Pareho din iyan.»

«Ngunit hindi Siya magtatagumpay. Ang aking puso ay napabibigatan ng takot…» sabi ni Andres may kasamang buntung-hininga.

«O! Ngayon na tayo ay malayo na, gaganda na ang mga bagay!» sabi ni Juan ng Endor nang kung baga may kapaitan.

«Huwag mong paniwalaan iyan! Ikaw at si Sintike at wala kompara sa “malalaking kapintasan” ng Mesiyas ayon sa malalakas sa Israel» sabing maigting ni Tadeo.

«Nakakasiguro ka ba? Higit pa sa lahat ng aking mga problema, naririto ang kirot na ito sa loob ng aking puso: na napasamà ko si Jesus sa pagpunta sa Kanya. Kung natitiyak ko na hindi ito ganito, hindi ako labis maghihirap.» sabi ni Juan ng Endor.

«Sa palagay mo ba sinsiro ako, Juan?» tanong ni Tadeo.

«Oo.»

«Kung gayon, sa ngalan ng Diyos at sa ngalan ko tinitiyak ko sa iyo na nabigyan mo si Jesus ng bagkus iisang kapighatian: ang pangangailangan na ikaw ay ipadala rito para sa isang misyon. Wala kang kinalaman tungkol sa lahat ng Kanyang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap na mga kapighatian.»

Ang unang ngiti, pagkaraan ng malulungkot na araw ay nagpaningning sa malalalim na pisngi ni Juan ng Endor, na nagsabi: «Anong kagaanan ng loob ang binigay mo sa akin! Ang araw ay tila mas maningning sa akin, ang aking sakit di masyadong peste, at ang aking puso ay mas nagiginhawahan… Salamat sa iyo, Judas ni Alfeo, salamat sa iyo!»

Sila ay sumakay muli sa kariton at pagkatapos na matawid ang tulay nagpatuloy sila sa kabilang pampang ng ilog, sinusundan ang daan na deretsong patungong Antioch, dumaraan sa isang napakatabang lupa.

«Ayan ka na! Ang Daphne ay nasa romantikong lambak na iyon. At sa banda roon, sa kapatagan, ay ayón ang Antioch at ang mga tore nito sa mga pader. Papasukin natin ang geyt malapit sa ilog. Ang bahay ni Lazarus ay hindi napakalayo sa mga pader. Ang kanyang pinaka magagandang bahay ay naipagbili. Ang natirang isa, minsan ay ang lugar kung saan ang mga katulong at mga suki ni Theophilus ay tumitigil at nagpapahinga at marami itong establero at kamalig. Si Felipe ang naninirahan dito. Isang mabuting matandang kaluluwa matapat kay Lazarus. Para kayong nasa sariling bahay. At pupunta tayo sa Antigonea kung saan naroroon ang bahay kung saan si Eucheria ay nanirahan kasama ang kanyang mga anak, na mga batang-bata pa noon…»

«Ang bayan na ito ay protektadong-protektado, hindi ba?» tanong ni Pedro, na ngayon ay nagpapahingalay, dahil nalaman na niya na ang pagsubok sa kanya bilang isang kutsero ay naging matagumpay.

«Oo, protektadong-protektado. Napakamatataas na pader at malalapad, may mahigit sandaan na tore, na, katulad ng nakikita mo, kamukha ng mga higante nakatayo sa mga pader, na may di-madadaanan na mga hukay sa mga paanan nito. At ang bundok na Silpius ay nagagamit ang mga tuktok nito upang makatulong sa depensa ng bayan, bilang isang panangga sa pinakamahinang bahagi ng mga pader… Naririto ant geyt. Mas mabuti pa kung ikaw ay tumigil at pumasok na hawak ang bukado ng kabayo. Gagabayan kita dahil alam ko ang daan…»

Dumaan sila sa geyt pinagmamasdan ng mga Romano.

Ang apostol na si Juan ay nagsabi: «Ano kaya kung ang sundalo ng Fish Gate ay naririto… Magiging masaya si Jesus na malaman ito…»

«Hahanapin natin siya. Ngunit magpatuloy lamang ngayon» utos ni Pedro, na halatang nag-aalala tungkol sa pagtuloy sa di-kilalang bahay.

Si Juan ay sumunod nang walang tanung-tanong; tinitingnan lamang niya nang mabuti ang bawat sundalong kanyang nakikita.

Pagkaraan ng kaunting distansiya, naririyan ang isang matibay na itinayo ngunit simpleng bahay, ibig sabihin, isang mataas na pader na walang mga bintana. Mayroon lamang ng iisang malaking pinto sa sentrong bahagi ng pader.

«Naririto na tayo. Tigil» sabi ng Zealot.

«O! Simon! Maging mabuti! Maaari bang magsalita ka ngayon?»

«Oo, magsasalita ako, kung makapagpapasaya sa iyo iyan» at ang Zealot ay kumatok sa mabigat na pinto. Ipinakikilala niya ang kanyang sarili bilang isang sugo ni Lazarus. Siya ay pumasok nang mag-isa. Siya ay lumabas kasama ang isang matandang maringal na tao, na labis na yumuyuko at nag-uutos sa isang katulong na buksan ang geyt at papasukin ang kariton. At siya ay humihingi ng paumanhin sa pagpapapasok sa kanilang lahat doon at hindi sa pamamagitan ng pinaka pintuan.

Ang kariton ay tumigil sa loob ng isang malaking bakuran na may mga portiko, mentenadong mabuti, na may malaking puno ng kahoy sa bawat isa ng apat na sulok at dalawa sa gitna na nagpoprotekta sa isang balon ng tubig at sa mga painuman ng mga kabayo.

«Asikasuhin ang kabayo» utos ng tagapamahala sa katulong. Pagkatapos kanyang sinabi sa mga panauhin: «Maaaring sumama sa akin at pagpalain sana ang Panginoon sa pagpapadala sa akin ng Kanyang mga lingkod at mga kaibigan ng aking panginoon. Ang inyong lingkod ay inyong pag-utusan. ibigay ninyo sa akin ang inyong mga utos.»

Si Pedro ay namumula sapagkat ang mga salita at mga pagyuko ng tagapamahala ay sa kanya talaga nakatuon, at hindi niya malaman ang kanyang sasabihin… Ang Zealot ay sinaklolohan siya.

«Ang mga disipulo ng Mesiyas ng Israel, na siyang mga binabanggit sa iyo ni Lazarus ni Theophilus, at na mga mula ngayon ay maninirahan sa iyong bahay upang paglingkuran ang Panginoon, ay walang ibang kailangan bagkus ang makapagpahinga. Maaari bang ipakita mo sa kanila ang kanilang mga silid?»

«O? May mga silid na laging nakahanda para sa mga peregrino, katulad nang mga araw ng aking sinyora. Halikayo…» At sinusundan ng lahat siya ay dumaraan sa isang maliit na koridor patungo sa isang maliit na bakuran na sa dulo nito ay ang tunay na bahay. Binuksan niya ang pinto, dumaan sa isang daanan, pagkatapos lumiko sa kanan. Dito ay may hagdanan. Sila ay umakyat, kung saan may isa pang koridor na may mga silid sa tigkabilang tabi.

«Naririto na tayo. At harinawang ang inyong pamamalagi ay maging masaya. Magpapakuha na ako ng tubig at ilang mga linen. Mapasainyo sana ang Diyos» sabi ng matanda at siya ay umalis.

At sa wakas, pagkatapos ng labis na paglalakbay, isang bahay, isang silid, isang kama… Isang pahingahan para sa ilan, huling hantungan para sa iba…

210312/012913

 


Sunod na kabanata