322. Sa Antigonea.

Nobyembre 7, 1945.

«Ang aking anak na si Ptolmai ay pumunta sa palengke. Babalik siya sa Antigonea ngayong ikaanim na oras. Kainaman ang araw ngayon. Ibig pa rin ba ninyong lumakad ayon sa inyong plano?» Tanong ng matandang si Felipe habang nagbibigay ng mainit na gatas sa kanyang mga panauhin.

«Tiyak na lalakad kami. Kailan ba ang sinabi mo?»

«Sa ikaanim na oras. Makababalik kayo bukas, kung gugustuhin ninyo, o sa gabi bago ang Sabbath, kung mas gugustuhin ninyo iyan. Ang lahat na mga Hebreong mga katulong at ang mga yumakap sa ating pananampalataya ay pumupunta lahat sa pagdiriwang ng Sabbath.»

«Gagawin namin iyan. At ang lugar na iyon ay maaari pa ring piliin bilang tirahan ng dalawang ito.»

«Masisiyahan ako kahit na kung mawawala sila sa akin. Sapagka't iyon ay isang magandang lugar. At makagagawa kayo ng labis para sa mga katulong, ang ilan sa mga ito ay ang mga naiwan pa rin ng aming panginoon. Ang iba ay naroroon sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng aming sinyora na tumubos sa kanila mula sa malulupit na panginoon. Kung kaya't hindi sila lahat Israelita. Ngunit sa ngayon ni hindi na rin sila mga pagano. Ang tinutukoy ko ay ang mga kababaihan. Ang lahat na lalaki ay tinuli. Hindi ko sila kinasusuklaman… Ngunit napakalayo pa rin nila mula sa hustisya ng Israel. Ang mga santo ng Templo ay maiiskandalo sa kanila, dahil sila ay mga perpekto…»

«Siyempre! Maiiskandalo nga sila! Bueno! Makauunlad na sila ngayon sa pagsinghot sa karunungan at kabutihan mula sa mga sugo ng Panginoon… Napakinggan ba ninyo kung gaano karami ang inyong gagawin?» hinuha ni Pedro, kinakausap ang dalawa.

«Gagawin namin iyan. Hindi namin bibiguin ang Guro» nangangako si Sintike. At siya ay lumabas upang ihanda ang mga kinakailangang dalhin.

Si Juan ng Endor ay tinanong si Felipe: «Sa palagay mo ba sa Antigonea makagagawa ako ng ilang kabutihan din sa ibang mga tao, bilang isang tagapagturo?»

«Labis na kabutihan. Ang matandang si Plautus ay namatay tatlong buwan na ang nakararaan at ang mga anak ng mga Hentil ay walang paaralan ngayon. Ang tungkol sa mga Hudyo, walang guro para sa kanila sapagkat ang lahat na tao natin ay lumalayo sa lugar na iyon, na malapit sa Daphne. Mangangailangan ito ng isang katulad… katulad ni Theophilus… Na walang pagka-istrikto para… para…»

«Oo, walang pagiging Pariseo, ang ibig mong sabihin» agarang hinuha ni Pedro.

«Iyan nga… oo… Ayaw kong mamintas… Ngunit sa palagay ko… Walang silbi ang manumpa… Mas mabuti pa kung sila ay tumulong… Katulad ng madalas gawin ng aming sinyora… Mas marami pa siyang nadalang tao sa Batas sa pamamagitan ng kanyang mga ngiti at sa mas mabuti pang paraan kaysa ng isang rabbi.»

«Iyan kung bakit pinadala ako rito ng Guro! Ako ang may tamang mga katangian… O! Gagawin ko ang Kayang kalooban. Hanggang sa aking huling hininga. Naniniwala na ako ngayon, lubos akong naniniwala na ang aking misyon ay walang iba bagkus isang misyon ng pagnanais. Sasabihin ko kay Sintike. Makikita ninyo na kami ay mamamalagi rito… Sasabihin ko sa kanya» at siya ay lumabas, puno ng buhay katulad nang hindi pa siya naging ganito sa loob ng matagal na panahon.

«Kataastaasang Panginoon, pinasasalamatan ko Kayo at pinagpapalà ko Kayo! Maghihirap pa rin siya ngunit hindi na labis katulad ng dati… Ah! Anong kagaanan?» bulalas ni Pedro. Naramdaman niya pagkatapos na ito’y kayang katungkulan na bigyan si Felipe ng ilang klase ng kapaliwanagan, hanggang sa magagawa niya, tungkol sa kanyang kaluguran: «Kailangang mabatid mo na si Juan ay ang punto ng mga pag-atake ng… “mga istrikto” sa Israel… Tinatawag mo itong “ang mga istrikto”…»

«Ah! Alam ko na! Siya ay inuusig sa pampulitikang mga kadahilanan katulad… katulad…» at kanyang tinitingnan ang Zealot.

«Oo, katulad ko at higit pa, at para din sa iba pang mga rason. Sapagkat nagagalit niya sila hindi lamang dahil siya ay mula sa ibang lipì, bagkus sa siya rin ay nasa Mesiyas. Kung kaya't – hayaang sabihin ito nang minsanan – kapwa siya at si Sintike ay ipinagkakatiwala sa iyong katapatan… Naiintindihan mo ba?...»

«Oo, naiintindihan ko. At nalalaman ko kung papaano gumalaw.»

«Anong sasabihin mo na sila?»

«Dalawang tagapagturo na rekomendado ni Lazarus ni Theophilus, si Juan ay tagapagturo sa mga batang lalaki, at si Sintike para sa mga babae. Nakikita ko na siya ay nagbuburda at may habihan… Marami-raming pagbuburda ang nagagawa at pinagbibili sa Antioch ng mga banyaga. Ngunit ito ay magaspang at balandang na mga yari. Kahapon nakita ko na si Sintike ay may isang piraso ng binurdahang tela na nagpapaalaala sa akin tungkol sa aking mabuting sinyora… Marami ang bibili ng mga ito…»

«Sa muli harinawang papurihan ang Panginoon» sabi ni Pedro.

«Oo. Magpapagaan iyan sa ating pamimighati sa paghihiwalay.»

«Kayo ba ay aalis na kaagad?»

«Kailangan. Kami ay naantala ng bagyo. Sa pagsimula ng Shebat kailangang kasama na namin ang Guro. Siya ay naghihintay na para sa amin, sapagkat huli na kami» paliwanag ni Tadeo.

Sila ay naghiwalay, ang bawat isa inaasikaso ang kanyang gawain, ibig sabihin, si Felipe ay pumunta kung saan ang isang babae ay tinawag siya, ang mga apostol patungo sa isang mataas na lugar, sa ilalim ng sikat ng araw.

«Makaaalis tayo sa araw pagkatapos ng Sabbath. Anong masasabi ninyo?» tanong ni Santiago ni Zebedeo.

«Sa ganang akin!... Walang anuman ito!... Sa tuwing umaga ako ay gumigising pinahihirapan ng idea na si Jesus ay nag-iisa, walang mga damit, walang sinuman ang tumitingin sa Kanya, at sa tuwing gabi natutulog ako na may gayon ding laging naiisip. Ngunit magpapasya tayo ngayon.»

«Sabihin ninyo sa akin. Ngunit ang Guro ba ay nalalaman ang lahat? Mga ilang araw ko nang iniisip kung papaano Niya nalaman na makikita natin ang Cretan, papaano Niya nahulaan ang gawain nina Juan at Sintike, papaano… Ibig kong sabihin… ang maraming mga bagay» sabi ni Andres.

«Sa katunayan sa palagay ko ang Cretan ay tumitigil sa Seleucia sa nakatakdang mga petsa. At baka si Lazarus ay sinabihan si Jesus, at kung gayon nagpasya Siyang umalis na hindi na naghihintay para sa Paskuwa…» paliwanag ng Zealot.

«Oo nga! Tama iyan. At papaano si Juan sa Paskuwa?» tanong ni Santiago ni Zebedeo

«Katulad ng bawat iba pang mga Israelita…» sabi ni Mateo.

«Hindi. Ang ibig sabihin niyan ay ang bumagsak sa bunganga ng lobo!»

«Hindi kailanman! Sino ang makakikilala sa kanya kasama ang maraming mga tao?»

«Ang Iskar… O! Ano ang sinabi ko! Kalimutan ito. Isang paraan lamang iyan ng aking isip…» si Pedro ay namumula at malungkot, sapagkat siya ay nakapagsalita.

Si Judas ni Alfeo ay nagpatong ng isang kamay sa kanyang balikat at ngumingiti sa pamamagitan ng kanyang mahigpit na ngiti, sinabi niya: «Hindi na bale! Kaming lahat ay iyan din ang iniisip. Ngunit wala tayong pagsasabihang sinuman. Ating pagpalain ang Eternal na Ama sa paglayo sa kaisipan ni Juan mula sa bagay na ito.»

Silang lahat ay tahimik, buhos sa pag-iisip. Ngunit sa dahilan na sila ay mga tunay na Israelita, ang kaisipan kung papaano ang napatapon na disipulo magdiriwang ng Paskuwa sa Herusalem ay nagpapaalala sa kanila… at sila ay nagsimulang pagusapan itong muli.

«Sa palagay ko si Jesus ang bahala tungkol diyan. Baka ito ay alam na ni Juan. Kailangan lamang na tanungin natin siya» sabi ni Mateo.

«Hindi, huwag. Huwag maglagay ng mga mithiin at mga tinik kung saan ang kapayapaan ay nagsisimula pa lamang na sumibol» nakikiusap ang apostol na si Juan.

«Oo. Mas mabuti nang tanungin mismo ang Guro» patotoo ni Santiago ni Alfeo.

«Kailan natin Siya makikita? Ano sa palagay ninyo!» tanong ni Andres.

«O! Kung aalis tayo sa araw pagkatapos ng Sabbath, sa katapusan ng buwan tayo ay tiyak na mapupunta na sa Ptolemais…» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Kung makakakita tayo ng barko…» wika ni Judas Tadeo.

At ang kanyang kapatid ay nagdagdag: «At kung walang bagyo.»

«Laging may mga barkong umaalis patungong Palestina. At kung tayo ay magbabayad, tayo ay bababa sa Ptolemais, kahit na kung ang barko ay patungo sa Joppa. Mayroon ka pa bang perang natitira, Simon?» ang Zealot ay tinatanong si Pedro.

«Oo, mayroon pa, bagama't ang magnanakaw na iyon, ang Cretan, ay piniga ako nang garapalan, sa kabila ng kanyang mariin na mga pagtutol na ibig niyang makagawa ng isang pabor kay Lazarus. Ngunit kailangan kong magbayad para sa pagbantay sa bangka at sa pag-aalaga kay Antonius… Ayaw kong galawin ang perang binigay sa akin para kina Juan at Sintike. Iyan ay sagrado. Kahit tayo’y magutom. Hindi ko iyan gagalawin.»

«Iyan ang tamang gawin. Ang taong iyon ay lubhang may sakit. Iniisip niya na siya ay makapagtuturo. Sa palagay ko lagi siyang magkakasakit, at pagkaraan…» sabi ng Zealot.

«Ganyan din ang aking opinyon. Si Sintike ay mas magiging abala sa paghahanda ng mga pamahid kaysa sa pagtatrabaho» patotoo ni Santiago ni Zebedeo.

«Ano sa palagay ninyo ang pamahid na iyon? Anong gandang bagay! Sinabi sa akin ni Sintike na ibig niyang gawin iyan dito at gamitin para makilala ang mga pamilyang mga tagarito» sabi ni Juan.

«Isang napakagandang idea! Ang isang taong napagagaling ay laging nagiging isang disipulo at ang mga kamag-anak ay gumagaya» sabi ni Mateo.

«O! hindi! Tiyak na hindi» bulalas ni Pedro.

«Ano? Ang ibig mo bang sabihin ang mga himala ay hindi nakakaingganyo ng mga tao sa Panginoon?» si Andres ay tinatanong siya kasama ang dalawa o tatlo pang mga kasamahan.

«O! Munting mga sanggol! Baka magsabi ang isa na kabababá pa lamang ninyo mula sa Langit! Ngunit hindi ba ninyo nakikita kung ano ang kanilang ginagawa kay Jesus? Si Eli ba ng Capernaum ay nagbago? O si Doras? O si Oshea ng Korazim? O si Melkia ng Bethsaida? At - paumanhinan ako kayong nagmula sa Nazareth – ang buong Nazareth, pagkatapos ng lima, anim, sampung mga himala na ginawa roon, hanggang sa pinakahuli para sa inyong pamangkin?» tanong ni Pedro.

Walang tumugon, sapagkat iyon ang mapait na katotohanan.

«Hindi pa natin natatagpuan ang sundalong Romano. Ang pagkaintindi ni Jesus…» sabi ni Juan pagkaraan ng kaunting sandali.

«Sasabihan natin ang mga maiiwan. Magiging isa pang pagkakataon iyan para sa kanila» tugon ng Zealot.

Si Felipe ay bumalik: «Ang aking anak ay handa na. Nakatapos siya nang maaga. Kasama niya ang kanyang ina na naghahanda ng mga regalo para sa kanyang mga apo.»

«Ang iyong manugang-na-babae ay mabuti, hindi ba?»

«Siya ay mabuti. Naaaliw niya ako sa pagkawala sa akin ng aking Jose. Siya ay katulad ng isang anak sa akin. Siya ay ang dating katulong ni Eucheria, at pinalaki niya. Halikayo at kumain ng kahit ano bago umalis. Ang iba ay kumakain na ng kahit ano.»…

… At sila ay tumutrote patungong Antigonea, pinangungunahan ng kariton ni Ptolmai, ang apo ni Felipe… Pagkaraan narating nila ang maliit na bayan. Nakalugar katulad nito sa pagitan ng matatabang hardin, nahaharangan sa mga hangin sa pamamagitan ng mga kabit-kabit na mga bundok sa paligid nito, sapat na malayo upang hindi ito masiil, subalit sapat na sarado upang maprotektahan ito at bumubuhos dito ang mga amoy ng kanilang resinosong mga kakahuyan at mahahalagang tanim, puno ng sikat ng araw, napasasaya nito ang paningin at puso ng isa sa pagdaan lamang dito.

Ang mga hardin ni Lazarus ay nasa katimugang bahagi ng bayan at napangungunahan ng isang abenida, na ngayon ay walang mga tanim, sa mga panabi nito kung saan ay ang mga kabahayan ng mga hardinero. Mabababa ngunit maayos na naaasikasong mga bahay, mula sa mga pintuan nito kung saan ang mga kabataan at mga kababaihan ay lumalabas na mga nanonood nang mausyuso at bumabati ng mga ngiti. Iba't ibang lahi ang makikita sa iba't ibang mga mukha.

Nang kaagad napasok niya ang geyt, kung saan nagsisimula ang ari-arian, si Ptolmai ay pinatutunog ang kanyang latigo sa isang espesyal na pamamaraan sa harapan ng bawat bahay; maaaring ito ay isang senyas. At ang mga nakatira sa bawat bahay, pagkatapos na mapakinggan ito, ay pupunta sa kanilang mga bahay at pagkatapos lalabas, isinasara ang mga pintuan at maglalakad sa abenida, sa likuran ng dalawang kariton, habang naglalakad nang namamasyal ang mga kabayo at sila ay titigil sa sentro ng raya-rayang mga landas na umuunat sa bawat direksiyon katulad ng mga rayos ng isang gulong, sa pagitan ng di-mabilang na mga bukid inayos bilang mga taniman ng mga bulaklak, ang iba sa mga ito ay walang tanim, ang iba puno ng mga evergreen, protektado ng mga laurel, mga akasya o katulad na mga punungkahoy na mga may lumalabas na maamoy na tila gatas na mga katas at mga resina sa pamamagitan ng mga bitak sa kanilang mga puno. Nasa hangin ang magkakahalong amoy ng balsamo, resina, at aromatikang mga pabango. May mga bahay pukyutan kahit saan, pati mga tangke ng irigasyon kung saan ang mga kalapating kasing puti ng niyebe ay umiinom. At sa espesyal na mga lugar mapuputing manok ang nagkakahig sa lupa, na kabubungkal pa lamang, habang ilang mga babae ang nanonood sa kanila.

Si Ptolmai ay paulit-ulit na pinatutunog ang kanyang latigo, hanggang sa ang lahat na nasasakupan ng maliit na kaharian ay naipon nang lahat sa paligid ng mga dumating. Pagkatapos kanyang sinimulan ang kanyang maikling talumpati: «Makinig. Si Felipe, at ating pinuno at ama ng aking ama, ay nagpadala at nirerekomenda ang banal na mga taong ito mula sa Israel, na pumunta rito sa pamamagitan ng kalooban ng ating panginoon, at harinawang ang Diyos ay laging makasama niya at ng kanyang pamilya. Tayo ay laging nagrereklamo na rito ay walang rabbi na nagsasalita sa atin. Ngayon ang kagandahang-loob ng Diyos at ng ating panginoon, na bagama't ay malayo ay naging mapagmahal sa atin – harinawang bigyan siya ng Diyos ng kabutihan na ibinibigay niya sa kanyang mga katulong – ay kumuha para sa atin ng kung ano ang labis na minimithi ng ating mga puso. Ang Mesiyas na ipinangako sa mga tao ay lumitaw sa Israel. Sinabi ito sa amin sa mga Kapistahan sa Templo at sa loob ng bahay ni Lazarus. Ngunit ngayon ang panahon ng grasya ay totoong dumating na sapagkat ang Hari ng Israel ay inaalagaan ang Kanyang pinakamabababang lingkod at nagpadala ng Kanyang mga ministro upang ihatid sa atin ang Kanyang mga salita. Ito ay ang Kanyang mga disipulo at ang dalawa sa kanila ay maninirahang kasama natin, maging dito man o sa Antioch, itinuturo sa atin ang Karunungan ng Langit at ang siyensiya na kinakailangan sa ibabaw ng lupa . Si Juan, isang tagapagturo sa paaralan at isang disipulo ng Kristo, ay ituturo sa ating mga anak ang luma at ang bagong karunungan. Si Sintike, isang disipulo at isang tagapagturo sa paggawa sa karayom, ay tuturuan ang ating mga batang babae sa siyensiya ng pagmamahal ng Diyos at sa sining ng paggawa sa karayom. Tanggapin sila bilang isang pagpapalà mula sa Langit, at mahalin sila katulad ng pagmamahal sa kanila ni Lazarus ni Theophilus at ni Eucheria – kaluwalhatian sa kanilang mga kaluluwa at kapayapaan – at katulad ng pagmamahal sa kanila ng mga anak na babae ni Theophilus: sina Martha at Maria, ating minamahal na mga sinyora at mga disipulo ni Jesus ng Nazareth, ang Rabbi ng Israel, ang ipinangakong Hari.»

Ang maliit na grupo ng kalalakihan, mga nakasuot ng maiikling tunika at may hawak ng mga gamit panghardin sa kanilang may lupang mga kamay, at grupo ng mga kababaihan at mga bata ng iba’t ibang edad, ay nakikinig sa lubos na pagtataka, pagkatapos sila ay nagbulungan at sa huli iniyuko ang kanilang mga ulo nang napakababa.

Si Ptolmai ay nagsimulang ipakilala sila: «Si Simon ni Jonah, ang pinuno ng mga sugo ng Panginoon; si Simon ang Kananeo, isang kaibigan ng ating panginoon; sina Santiago at Judas, mga kapatid ng Panginoon; sina Santiago at Juan, sina Andres at Mateo» at pagkatapos sa mga apostol at mga disipulo: «Si Ana, aking asawa, ng tribu ni Judas, katulad ng aking ina, sapagkat kami ay purong mga Israelita at pumunta kami rito kasama ni Eucheria ni Judas, si Jose, ang anak na konsagrado sa Panginoon, at si Theocheria, aming panganay, na pinangalanan sa aming makatarungang mga panginoon, isang marunong na anak na babae na nagmamahal sa Diyos bilang isang tunay na Israelita. Sina Nicolas at Dositeus. Si Nicolas ay isang Nazir; si Dositeus, aming ikatlong anak, ay may-asawa na nang ilang taon (sinasabi niya ito na may malaking buntung-hininga) kay Hermione. Halika rito, babae…»

Ang isang napakabatang morenang babae ang lumapit karga ang isang di pa nakabitaw na sanggol.

«Naririto siya. Siya ay anak ng isang proselito at isang griyegong ina. Ang aking anak ay nakita siya sa Alexandroscene sa Phoenicia, nang siya ay pumunta sa pangangalakal… at ginusto siya… at si Lazarus ay hindi tumutol, sa kabaligtaran sinabi niya sa akin: “Mas mabuti na iyan kaysa magpakasamà. At mas mabuti na nga. Ngunit mas gusto ko ang isang may dugong Hudyo…»

Ang kaawa-awang Hermione ay iniyuko ang ulo na tila siya ay isinumpa. Si Dositeus ay nanginginig sa galit at naghihirap. Si Ana, ang kanyang ina, ay tinitingnan si Dositeus nang may kapigha-pighating mga mata…

bagama't pinakabata sa mga apostol, naramdaman ni Juan na kinakailangan niyang itaas ang napahiyang mga espiritu at nagsabi: «Sa Kaharian ng Panginoon ay wala nang mga Griyego o mga Israelita, mga Romano o mga Phoenician, bagkus mga anak ng Diyos lamang. Kapag matutunan ninyo ang Salita ng Diyos mula sa mga pumunta rito, ang inyong mga puso ay tataas sa bagong liwanag at ang babaeng ito ay hindi na magiging “ang banyaga”, bagkus ang disipulo ng ating Panginoong Jesus katulad mo mismo at lahat ng iba pa.»

Si Hermione ay itinaas ang kanyang napahiyang ulo at ngumingiti nang nagpapasalamat kay Juan at gayon ding ekspresyon ng pagpapasalamat ang makikita sa mga mukha nina Dositeus at Ana.

Si Ptolmai ay tumugon nang mahigpit: «Ipagkaloob iyan ng Diyos, sapagkat bukod sa kanyang pinanggalingan, hindi ko masisisi ang aking manugang para sa kahit na ano. Ang bata sa kanyang mga bisig ay si Alfeo, ang kanyang bunso, tinawag sa pangalan ng kanyang ama, isang proselito. Ang maliit na batang babae na may mga matang kakulay ng asul ng kalawakan at may mga kulot na ebony ay si Myrthica, na tinawag sa pangalan ng ina ni Hermione, at ang isang ito, ang panganay, ay si Lazarus, katulad na ibig ng aming panginoon, at ang isa pa ay si Hermas.»

«Ang panlima ay kailangang tawaging Ptolmai at ang ikaanim Ana, upang sabihan ang Panginoon at ang mundo na ang iyong puso ay bumukas sa bagong pangunawa» sabing muli ni Juan.

Si Ptolmai ay yumuko nang walang sinasabi. Kanyang ipinagpatuloy pagkaraan ang kanyang mga introduksiyon: «Ang dalawang ito ay magkapatid mula sa Israel: si Miriam at si Silvian, ng tribu ni Naphtali. At ang mga ito ay sina Elbonides, sa tribu ni Dan, at si Simeon, isang Judaean. At naririto ang mga proselito, mga Romano o mga anak ng mga Romano, na tinubos ng karidad ni Eucheria mula sa pagkaalipin at hentilismo: sina Lucius, Marcellus, Solon ang anak ni Elateus.»

«Isang pangalang Griyego» wika ni Sintike.

«Mula sa Thessalonica. Ang alipin ng isang lingkod ng Roma» - at may kitang-kitang panunuya sa pagsasabing “lingkod ng Roma” - «kinuha siya ni Eucheria kasama ang kanyang namamatay na ama, noong maproblemang mga panahon, at kung ang kanyang ama ay namatay na isang pagano, si Solon ay isang proselito… Priscilla, lumapit ka rito kasama ang iyong mga anak…»

Ang isang matangkad na payat na babae na may agilenyong ilong ang lumapit itinutulak ang isang batang babae at lalaki, na may dalawang magandang maliliit na babaeng nakakapit sa kanyang saya.

«Ito ay ang asawa ni Solon, isang napalayang alipin ng isang Romana na patay na ngayon, at ito ay si Marius, si Cornelia, at ang kambal na sina Maria at Martilla. Si Pricilla ay may karanasan sa mga pabango. Amiclea, halika ka kasama ang iyong mga anak. Siya ay ang anak ng mga proselito. Tecla, huwag mong itago ang iyong sarili. Siya ay ang asawa ni Marcellus. Siya ay nalulungkot sapagkat siya ay baog. Siya ay anak din ng mga proselito. At ito ang mga magbubukid. Tayo na sa mga hardin ngayon. Halikayo.»

At kanya silang dinadala sa malawak na ari-arian sinusundan ng mga hardinero na nagpapaliwanag tungkol sa iba't ibang pag-aalaga at gawain, habang ang mga kababaihan ay bumabalik sa kanilang mga manok, na mga nagsamantala sa pagkawala nila na pasukin ang ibang mga lugar.

Si Ptolmai ay nagpapaliwanag: «Sila ay dinadala rito upang mapalaya ang lupa mula sa mga uod bago itanim ang taunang mga tanim.»

Si Juan ng Endor ay ngumingiti sa pagputak ng mga manok at nagsasabing: «Kamukha sila ng dating mayroon ako…» at siya ay yumuyuko nagtatapon ng mga mumo ng tinapay galing sa kanyang sako, hanggang sa siya ay napaligiran ng mga dumalaga at siya ay tumatawa sapagkat ang isang garapal ay tinuka ang tinapay mula sa kanyang mga daliri.

«Iyan ay di masama!» bulalas ni Pedro sinisiko si Mateo at itinuturo si Juan na nakikipaglaro sa manok at si Sintike nakikipagusap sa salitang Griyego kay Solon at Hermione.

Pagkatapos sila ay bumalik sa bahay ni Ptolmai, na nagpapaliwanag: «Ito ang lugar. Ngunit kung ibig ninyong magturo, makagagawa tayo ng lugar. Kayo ba ay maninirahan dito o…»

«Oo, Sintike! Dito! Mas maganda rito! Ang Antioch ay sinisiil ako sa pamamagitan ng mga alaala…» nakikiusap si Juan sa kanyang kasama sa mababang tinig.

«Siyempre… Ayon sa ibig mo. Maliban na ikaw ay malusog. Lahat ay pareho sa akin. Hindi na ako lumilingon… Laging abante… Magsaya, Juan! Mapapabuti tayo rito. Mga bata, mga bulaklak, mga kalapati, mga manok para sa atin, kaawa-awang mga nilikha. At para sa ating kaluluwa… ang lugod na mapaglingkuran ang Panginoon. Ano ang masasabi ninyong lahat?» nagtatanong siya kinakausap ang lahat na apostol.

«Kami ay gayon din ang opinyon katulad ng sa iyo, babae.»

«Bueno, iyan ay ayos na.»

«Mabuti. Aalis kami na may magaang mga kaisipan…»

«O! Huwag kayong umalis! Hindi ko na kayo makikita muli! Bakit napakabilis? Bakit?...» si Juan ay bumalik sa kanyang malungkot na kalagayan.

«Ngunit hindi naman kami aalis ngayon! Kami ay mananatili hanggang ikaw ay…» si Pedro ay hindi malaman kung ano ang sasabihin tungkol sa kung ano ang kalalabasan ni Juan, at upang maitago ang kanyang mga luha kanyang niyakap ang umiiyak na Juan nagsisikap na paginhawahan siya nang gayon…

210312

 

 


Sunod na kabanata