324. Pagbalik ng Walong Apostol at ang Pagdating sa Achzib.

Nobyembre 19, 1945.

Si Jesus, Na napakamaputla, payat at malungkot na sasabihin ko na maaaring Siya ay naghihirap, ay nasa pinakamataas na lugar ng isang maliit na bundok, kung saan ay may isang nayon din. Ngunit si Jesus ay wala sa nayon, na bagama't nasa tuktok, ay nakalatag sa pababang timog-silangan ng dalisdis. Si Jesus sa halip ay nasa isang maliit na nakausling lupa, sa pinakamataas na bahagi, nakaharap sa hilagang-kanluran; sa katunayan mas sa kanluran kaysa sa hilaga.

Sa dahilan na si Jesus ay nakatingin sa iba't ibang direksiyon, nakikita Niya ang paalun-alon na magkakabit na mga bundok na ang pinakadulong hilagang-kanluran at timog-silangang mga bahagi nito ay umuusli patungo sa dagat, sa pagawing timog-kanluran kasama ang Mount Carmel, na naglalaho sa maliwanag na araw, sa hilagang-kanluran naroon ang matulis na tungos, nakakahawig sa pambangga ng isang barko, katulad-na-katulad ng aming Apuanian Mountains lalung-lalo na tungkol sa maputing mabatong mga balatok na nagniningning sa sikat ng araw. Ang malalakas na agos ng tubig at mga sapa, lahat mayaman sa tubig sa panahong ito ng taon, ay bumababa mula sa umaalon na kabit-kabit na mga bundok na ito at sa kabila ng kapatagan sa tabi ng baybayin sila ay umaagos patungo sa dagat. Ang ilog ng Kidron, ang pinakamahalaga sa kanilang lahat, ay dumadaloy patungo sa dagat malapit sa malapad na bay ng Sicaminon, pagkatapos na makaporma ng isang latag ng tubig sa tagpuang-agusan ng isa pang maliit na sapa malapit sa bunganga nito. Ang tubig ng mga sapa ay kumikislap katulad ng mga topasyo o mga sapiro sa katanghaliang sikat ng araw ng isang maliwanag ng araw, habang ang dagat ay nagmumukhang isang napakalaking sapiro na may hilatsa ng magaang mga guhit ng mga perlas.

Ang tagsibol sa timog ay nagsisimula nang lumitaw sa pamamagitan ng mga dahon na nagsusulputan mula sa mga bukas na buko, malalambot na makikinang na dahon, napakasariwa na tatawagin ko silang wala pang kamalay-malay, walang alam tungkol sa alikabok, tungkol sa mga bagyo, sa mga kagat ng insekto at sa kontakto ng mga tao. At ang mga sanga ng mga punong almendras ay mga tungkos na ng maputing malarosas na espuma, napakalambot at pinung-pino na tila ang mga ito ay nasa punto nang lumipad mula sa kanilang tinubuang mga sanga upang maglayag katulad ng mga ulap sa mapanatag na ere. Ang mga bukid din sa kapatagan, na mataba bagama't di malaki, nalimitahan ng hilagang-kanluran at timog-kanluran na mga lungos, ay mayabong sa mga butil, na nagagawa ang mga ito na isang kaaya-ayang tanawin, samantalang kamakailan pa lamang ito ay walang tanim.

Si Jesus ay tumitingin. Tatlong daanan ang makikita mula kung saan Siya nakatayo. Ang isa ay nanggagaling sa nayon at nagtatapos kung saan Siya naroroon: isang makitid na landas tama lamang para sa mga tao, at dalawa pang daanan, na bumababa mula sa nayon nagsasanga sa magkahiwalay na direksiyon, patungong hilagang-kanluran at timog-kanluran.

Gaanong masasaktin ang hitsura ni Jesus! Mas maraming bakas ng pagpapakasakit sa Kanyang mukha ngayon kaysa nang siya ay nag-ayuno sa disyerto. Noon Siya ay naging maputla, ngunit Siya ay bata pa rin at matipuno. Ngayon Siya ay napudpod na ng komplikadong paghihirap na dumudurog kapwa sa pisikal at moral na lakas. Ang Kanyang mga mata ay malungkot, matamis at mahigpit tingnan na kalungkutan. Ang maninipis Niyang pisngi ay napatitindi ang espirituwalidad ng Kanyang hitsura, ng Kanyang mataas na noo, mahabang tuwid na ilong, at mga labing ganap na walang sensuwalidad. Isang anghelikal na mukha na wala ng lahat ng pagka-materyal. Ang Kanyang balbas ay mas mahaba kaysa karaniwan, at tumubo sa Kanyang mga pisngi humahalo sa Kanyang mahabang buhok, na nakalaylay sa Kanyang mga tainga, upang sa Kanyang mukha ang makikita lamang ay ang Kanyang noo, mga mata, ilong at ang Kanyang maninipis na buto sa pisngi kasing putla ng garing na wala kahit anong pahiwatig ng kulay. Ang Kanyang buhok ay gusot at walang-sigla, at bilang isang ala-ala ng kuwebang pinanggalingan Niya, may maliliit na bahagi ng tuyong mga dahon at mga tinting na nakasabit dito. Ang Kanyang gusot na maalikabok na tunika at manta ay nagpapakita rin ng kabangisan ng lugar kung saan ito sinuot na hindi kailanman pinapalitan.

Si Jesus ay patingin-tingin sa paligid… Ang araw sa tanghali ay pinaiinitan Siya at tila ito ay Kanyang kinasisiyahan sapagkat iniiwasan Niya ang lilim ng ilang mga puno ng terebinto upang tumayo sa loob ng sikat ng araw, ngunit bagama't ang araw ay maningning at malinaw hindi nito nabibigyan ng buhay ang Kanyang maalikabok na buhok o ang Kanyang pagod na mga mata; ni hindi nito makulayan ang Kanyang nangayayat na mukha.

Hindi ang araw ang nagpapanumbalik o nagpapasaya sa Kanya, bagkus ito ay ang pagkakita Niya sa Kanyang minamahal na mga apostol na parating umaakyat na pakaway-kaway ang mga kamay nakatingin sa nayon mula sa hilagang-kanluran na daan, ang di masyadong matarik na daan. Ang pagbabago ng Kanyang anyo ay nagsimula. Ang Kanyang mga mata ay nagningning at ang Kanyang mukha ay tila naging di masyadong nangayayat dahil sa isang malarosas na pagkakaiba na kumakalat sa Kanyang mga pisngi at higit sa lahat dahil ang Kanyang ngiti ay napapaningning ito. Kanyang ibinuka ang Kanyang mga kamay, na dati nakatiklop, at bumulalas: «Aking mga minamahal!» Sinasabi Niya ito na itinataas ang Kanyang mukha, tumitingin sa kapaligiran, na tila ibig Niyang ipaabot ang Kanyang kasiyahan sa mga tangkay at mga tanim, sa maliwanag na kalawakan, sa ere, na nagkakaamoy na ng tagsibol. Binalumbon Niya ang Kanyang mga manta paikot sa Kanyang katawan upang hindi ito masabit sa mga palumpong at Siya ay tumakbong pababa dumaraan sa mas maikling landas upang tagpuin ang mga apostol na umaakyat, ngunit hindi pa Siya nakikita, Nang Siya ay maaari nang mapakinggan tinawag Niya sila, upang mapatigil sila ng pagpunta sa nayon.

Napakinggan nila ang kilalang tawag, ngunit baka dahil sa lugar na kanilang kinalalagyan hindi nila makita si Jesus, na ang Kaninong madilim na manta ay humahalo sa kadiliman ng kakahuyan na nagtatakip sa dalisdis. Sila ay tumitingin sa kapaligiran paturu-turo ang mga kamay… Si Jesus ay tinawag silang muli… Sa wakas ang isang mahawan na lugar ay ipinakita Siya sa kanila, sa loob ng sikat ng araw, na ang Kanyang mga kamay nakabukas, na tila ibig na Niya silang yakapin. Pagkatapos ang isang malakas na sigaw ay umalingawngaw sa baybayin: «Ang Guro!» at nagsimula silang magtakbuhan pataas ng bangin na mabato, iniiwan ang daan, nagagalusan ang mga sarili, nadadapa, humahangos, na hindi nararamdaman ang bigat ng kanilang mga sako o ang kahirapan ng pag-akyat… itinutulak katulad nila ng kanilang lugod na makita Siyang muli.

Ang mga nakababáta at mas maliliksi ay natural na siyang nakarating nang una sa Kanya, ibig sabihin, ang mga anak ni Alfeo, na nagpapatuloy sa pamamagitan ng matatatag na hakbang ng mga táong namumuhay sa mga burol, at sina Juan at Andres, na mga tumatakbong kasing bilis ng mga batang usa, tumatawang masasaya. At sila ay bumabagsak sa Kanyang paanan nang nagmamahal at gumagalang, nagniningning sa kasayahan… Pagkatapos si Santiago ni Zebedeo ang dumating at sumunod ang iba pang mas walang karanasan sa pakikipag-unahan at sa mga bundok, sina Mateo at ang Zealot na halos dumating nang magkasabay, at huli… si Pedro.

Ngunit ipinilit niyang siya’y makaraan sa gitna ng grupo sa tiyak na pamamaraan na marating niya ang Guro, na ang Kaninong mga paa ay niyayakap ng mga unang nakarating, na mga humahalik pa sa Kanyang manta o sa Kanyang mga kamay. Hinawakan niya sina Juan at Andres na mga nakakapit sa mga damit ni Jesus katulad ng kapit ng mga talaba sa bato, at humahangos dahil sa pamimilit, itinulak niya sila sa tabi upang siya ay makaluhod sa paanan ni Jesus nagsasabing: «O! Aking Guro! buhay na muli ako sa wakas! Hindi ko na ito matagalan pa! Ako ay tumanda at nangayayat na tila nagkasakit ako nang malubha! Tingnan kung ito ay hindi totoo, Guro…» at itiningala niya ang kanyang ulo upang ito ay makita ni Jesus. Ngunit sa paggawa nito nakita niya ang pagbabago kay Jesus at siya ay tumayo sumisigaw: «Guro!? Ngunit ano ang Inyong ginawa? Gaano kami naging tanga! Tingnan lang! Wala ba kayong makita kahit ano? Si Jesus ay nagkasakit!... Aking Guro, ano ang nangyari sa inyo? Sabihin Ninyo sa Inyong Simon!»

«Wala, Aking mga kaibigan.»

«Wala? Sa pamamagitan ng mukhang iyan? Kung gayon may nanakit sa Inyo?»

«Wala, Simon.»

«Hindi ‘yan posible. Kayo kung hindi nagkasakit ay inusig! May mga mata ako upang makakita!...»

«gayon din Ako. At nakikita Ko na ikaw nga ay tumanda at nangayayat. Kung gayon, bakit ka nagkaganyan?» ang Panginoon ay nagtatanong, ngumingiti kay Pedro na pinagmamasdan Siya na tila ibig niyang makakita ng katotohanan mula sa buhok, balat, balbas ni Jesus…

«Ngunit ako ay naghirap! At hindi ko ipinagkakaila iyan. Sa palagay ba Ninyo maganda ang makakita ng labis na kapighatian?»

«Nasabi mo iyan! Ako ay naghirap din dahil sa ganyang kadahilanan…»

«Dahil lang diyan, Jesus?» tanong ni Judas ni Alfeo nang may labis na habag at pagmamahal.

«Oo, dahil sa kapighatiang iyan, Aking kapatid. Dahil sa kapighatian na nagawa ng pangangailangan na ilayo…»

«At ng kapighatian na napipilitan ng…»

«Pakiusap!... Maging tahimik! Ang katahimikan tungkol sa pananakit sa Akin ay mas mahalaga sa Akin kaysa ano pa man na salitang binibigkas upang mapaginhawahan Ako, nagsasabing: “Alam ko kung bakit Kayo naghihirap”. Maging ano pa man, maaari ninyong malaman, na Ako ay naghirap para sa maraming dahilan, hindi lamang para sa isang iyon. At kung Ako ay hindi pinutol ni Judas, nasabi Ko sana sa inyo. Si Jesus ay mahigpit sa pagsasabi nito. Lahat sila ay napatigil.

Ngunit si Pedro ang unang nakapagpanumbalik sa sarili at siya’y nagtanong: «Ngunit saan Kayo pumunta, Guro? At ano ang Inyong ginawa?»

«Ako ay nasa loob ng isang gruta… nagdarasal… nagninilay-nilay… pinalalakas ang Aking espiritu, kumukuha ng lakas para sa inyo sa inyong misyon, at para kay Juan at Sintike sa kanilang paghihirap.»

«Ngunit saan? Nang walang mga damit, walang pera! Papaano Kayo namuhay?» si Simon ay nanabik.

«Sa loob ng gruta wala Akong pangangailangan ng kahit ano.»

«Ngunit, papaano ang pagkain, ang apoy, higaan, ang lahat… ang ibig kong sabihin! Ako ay umaasa na Kayo ay magiging isang panauhin, katulad ng isang nawalang peregrino, sa Jiphthahel, o sa kung saang lugar, sa loob ng isang bahay, ang ibig kong sabihin. At iyan ay nagbigay sa akin ng ilang kapayapaan. Ngunit… eh?! Sabihin sa Kanya kung ako ay pinahihirapan ng kaisipan na Siya ay walang mga damit, walang pagkain, walang posibilidad na makakuha ng kahit ano, at higit sa lahat, walang kalooban na makuha ito. Ah! Jesus! Hindi sana Ninyo iyan ginawa! At hindi na Ninyo iyan kailanman gagawin ulit! Hindi ko Kayo iiwanan kahit na isang oras. Itatahi ko ang aking tunika sa tunika Ninyo, upang masusundan ko Kayo katulad ng isang anino, maging gusto man Ninyo ito o hindi. Hihiwalay lamang ako sa Inyo kapag ako ay mamatay.»

«O kung Ako ay mamatay.»

«O! Hindi Kayo. Kailangan na huwag Kayong mamatay bago sa ako. Huwag Ninyong sabihin iyan. Talaga bang ibig Ninyong wasakin ang aking puso?»

«Hindi. Sa kabaligtaran ibig Kong magsayang kasama kayo at ang lahat sa loob ng magandang oras na ito na nagdala muli sa Akin sa Aking mga minamahal na mga kaibigan. Kita mo! Maganda-ganda na ang Aking pakiramdam sapagkat ang inyong sinsirong pagmamahal ay pinakakain, pinaiinitan at pinagiginhawa Ako sa lahat» At Kanya Niyang hinahaplos silang lahat isa-isa, habang ang kanilang mga mukha ay nagniningning sa masasayang ngiti, ang kanilang mga mata nagkikislapan sa lugod at ang kanilang mga labì nanginginig sa emosyon sa mga salitang iyon, at sila ay nagtatanong: «Totoo, Panginoon?», «Ganyan ba, Guro?», «Kami ba ay mahal-na-mahal Ninyo?»

«Oo. Mahal-na-mahal. May kahit na anong pagkain ba kayo?»

«Oo. Natitiyak ko na Kayo ay hirap-na-hirap at nagdala ako ng ilan sa daan. May tinapay at inihaw na karne ako, gatas, keso at mga mansanas; at isang prasko ng malasang alak at ilang itlog para sa Inyo. Maliban na ito ay hindi nabasag…»

«Bueno, tayo ay maupo rito, sa loob ng magandang sikat ng araw na ito, at kumain. Habang kumakain masasabi ninyo sa Akin…»

Sila ay naupo sa ilalim ng sikat ng araw sa isang terasa at si Pedro ay binubuksan ang kanyang sako at tinitingnan ang kanyang tagong kayamanan: «Ang lahat ay maayos» bulalas niya. «Pati ang pulot mula sa Antigonea. Bueno! Hindi ba't sinabi ko sa inyo? Sa aming pagbabalik, kung kami ay inilagay nila sa loob ng isang bariles at pinagulong ito ng isang baliw, o kung tayo ay kanilang inilagay sa isang bangka na walang mga sagwan, kahit na kung may tagas ang bangka, at may isang bagyo, makakabalik tayo nang ligtas at husto… Ngunit papunta roon… Habang mas iniisip ko ito mas kumbinsido ako na ang dimonyo ay nakikialam sa amin. Upang mapigilan kami na makaalis kasama ang dalawang sawing-palad na iyon…»

«Siyempre! Sa ating pagbabalik ay wala nang dahilan…» patotoo ng Zealot.

«Guro, gumawa ba Kayo ng penitensiya para sa amin? tanong ni Juan, na gustung-gustong pagnilayan si Jesus kung kaya't nakalimutan na niyang kumain.

«Oo, Juan. Ang Aking isip ay sinusundan kayo. Nadama Ko ang inyong mga panganib at ang inyong paghihirap. tinulungan Ko kayo hangga't magagawa Ko…»

«O! Naramdaman ko ito! Sinabi ko pa nga sa inyo. Naaalaala ba ninyo?»

«Oo. Totoo iyan» pinatototohanan nilang lahat.

«Bueno, binibigay na ninyo sa Akin ang Aking ibinigay sa inyo.»

«Nag-ayuno ba Kayo, Panginoon?» tanong ni Andres.

«Siyempre nag-ayuno Siya! Kahit na kung ibig Niyang kumain; dahil wala Siyang pera, sa loob ng isang kuweba, papaano mo Siya maaasahan na makakuha ng pagkain?» tugon ni Pedro.

«Lahat alang-alang sa amin! Gaano ako nalulungkot!» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«O! hindi! Huwag kayong mag-alala! Hindi Ko ginawa iyon para sa inyo lamang, bagkus para din sa buong mundo. Katulad ng ginawa Ko nang sinimulan Ko ang Aking misyon, Akin din ginawa ito ngayon. Noon, sa katapusan, Ako ay tinulungan ng mga anghel. Ako ay tinutulungan ninyo ngayon. At maniwala sa Akin, ito ay dobleng lugod para sa Akin. Sapagkat ang ministeryo ng karidad ay hindi mapuputol ng mga anghel. Ngunit ito ay hindi kaagad matatagpuan sa mga tao. Ito ay sinasabuhay ninyo. At mula sa pagiging mga tao, alang-alang sa Akin, kayo ay naging mga anghel sa pagpili ninyong maging banal anuman ang mangyari. Ginagawa ninyo Ako kung gayon na masaya, kapwa bilang Diyos at bilang Tao-Diyos. Sapagkat binibigay ninyo sa Akin kung ano ang nanggagaling sa Diyos: Karidad, at binibigay ninyo sa Akin kung ano ang may kaugnayan sa Tagapagtubos: ang inyong pagtaas sa Perpeksiyon. Iyan ang nanggagaling sa inyo at iyan ay mas nakakabusog kaysa sa ano pang pagkain. Noon din, sa disyerto, Ako ay pinakain ng pagmamahal pagkatapos ng pag-aayuno. At iyon ay napanumbalik Ako. At kung ano ang nangyari noon, ay nangyayari ngayon! Tayong lahat ay naghirap. Kapwa kayo at Ako. Ngunit hindi nasayang. Sa palagay Ko, mas nakatulong iyan sa inyo kaysa sa isang buong taon ng pagtuturo. Kapighatian, pagninilay-nilay sa kapinsalaan na nagagawa ng tao sa kanyang kapwa, ang habag, pananampalataya, pag-asa, karidad na kinailangan ninyong isabuhay, nang lahat kayo lamang, ay napagulang kayo katulad ng mga bata na naging mga lalaki…»

«O! oo! Ako ay tumanda, totoong ako nga. Hindi na muli ako magiging ang dating si Simon ni Jonah katulad ng ako ay umalis. Naintindihan ko kung gaano kapigha-pighati, gaano kahirap ang aming misyon, sa kabila ng lahat na kagandahang iyon…» sabi ni Pedro na may pagbuntung-hininga.

«Bueno, magkakasama na tayo ngayon. Sabihin sa Akin…»

«Magsalita, Simon. Mas mabuti kang magsalita kaysa sa akin» sabi ni Pedro sa Zealot.

«Hindi. Bilang isang mabuting pinuno ikaw ang kailangang magsalita sa katauhan naming lahat» tugon ng iba.

At si Pedro ay nagsimula, sinasabi bilang isang introduksiyon: «Ngunit tulungan ninyo ako.» Kanyang inaalaala ang lahat sa mabuting pagkakasunud-sunod hanggang sa pag-alis sa Antioch. Pagkatapos siya ay nagsimulang magsalita tungkol sa kanilang pagbabalik: «Kaming lahat ay namimighati, katulad ng madali Ninyong maintindihan. Hindi ko kailanman makakalimutan ang huling mga salita ng dalawang iyon…» Sa pamamagitan ng likod ng kanyang kamay pinupunas niya ang dalawang malaking luha na bumababa sa kanyang mga pisngi… «Katunog iyon ng huling sigaw ng isang nalulunod… Makinig… mas mabuti pang ipagpatuloy ninyo… Hindi ko magagawa…» at siya ay tumayo at umalis upang mapigilan ang kanyang emosyon.

Si Simon Zealot ay nagpatuloy: «Wala sa amin ang nagsalita nang matagal… Hindi namin magawa… May nakabara sa aming mga lalamunan, na sumasakit… At ayaw naming umiyak… sapagkat kung may isa sa amin ang nagsimulang umiyak, katapusan na iyon… Kinuha ko ang mga renda, sapagkat si Simon ni Jonah, upang maitago ang kanyang kapigha-pighating kalagayan, ay pumuna sa hulihan ng kariton nagkukunwaring may hinahanap sa mga sako. Kami ay tumigil sa isang nayon sa kalahatian ng Antioch at Seleucia. bagama't ang sinag ng buwan ay paningning nang paningning habang ang gabi ay dumidilim, kami ay tumigil doon, sapagkat hindi namin kabisado ang mga daan. At kami ay nakatulog doon, nakahiga sa aming mga dala-dala. Wala sa amin ang gustong kumain… sapagkat hindi kami makakain. Iniisip namin ang tungkol sa dalawang iyon… Pagsikat ng araw tinawid namin ang tulay at bago ang ikatlong oras kami ay nasa Seleucia. Isinauli namin ang kabayo at kariton sa tagapamahala ng otel at sa dahilan na siya ay gayon kabait na tao, hiningi namin ang kanyang payo tungkol sa barko. Sinabi niya: “Sasama ako sa piyer sa inyo. May mga kilala akong tao at kilala nila ako”. At iyon ang kanyang ginawa. Nakatagpo kami ng tatlong bangka patungo sa mga daungan sa lugar na ito. Ngunit sa isa nito ay may ilang… kakaibang mga tao, na ayaw naming makasama. Ang aming kasama ay sinabihan kami, dahil may napakinggan siya tungkol sa kanila mula sa may-ari ng bangka. Ang ikalawa ay galing sa Ashkelon at ayaw nilang dumaong sa Tyre, maliban kung magbabayad kami ng hindi namin makakayanan. Ang ikatlo ay totoong mamiserableng maliit na bangka, na may kargang mga kahoy. Isang kaawa-awang bangka, na iilan lamang katao ang mag-aasikaso at sa aking palagay sa pamamagitan ng malaking paghihirap. Iyan kung bakit pumayag silang dumaong sa Tyre, bagama't sila ay patungo sa Caesarea, maliban kung kami ay magbabayad ng para sa isang araw na pagkain at upa para sa buong tropa ng tauhan. Ito ay bumagay para sa amin. Sa katunayan kapwa si Mateo at Ako ay medyo nag-aalala. May mga bagyo sa mga araw na ito ng taon… at alam na Ninyo ang nangyari sa aming pagpunta roon. Ngunit sinabi ni Simon Pedro: “Walang mangyayari”. Kung kaya't kami ay sumakay. Ang bangka ay naglayag nang napakasuwabe at mabilis na parang ang mga anghel ang mga panlayag. Narating namin ang Tyre sa loob ng kalahati ng oras ng aming pagpunta roon at nang kami ay dumating ang may-ari ng bangka ay naging napakabait na pumayag na hilahin ang aming bangka hanggang malapit na kami sa Ptolemais. Sina Pedro, Andres at Juan ang sumakay sa bangka upang pangasiwaan iyon… Ngunit iyon ay napakadali… Hindi katulad ng aming paglalayag palabas. Sa Ptolemais kami ay humiwalay. At kami ay tuwang-tuwa na bago kami pumunta sa aming bangka kung saan naroroon lahat ang aming mga dala-dala, binigyan namin siya ng mas malaking pera kaysa ng napagkayarian. Tumigil kami nang isang araw sa Ptolemais, at pagkatapos pumunta kami rito… Ngunit hindi namin kailanman makakalimutan ang aming ipinaghirap. Tama si Simon ni Jonah.»

«At hindi ba’t tama rin kami sa pagsasabi na ang dimonyo ay nakialam lamang sa amin sa aming paglalayag palabas?» ang ilan sa mga apostol ay nagtatanong.

«Tama kayo. Ngayon makinig. Ang inyong misyon ay tapos na. Tayo ay pupunta na sa Jiphthahel, maghihintay para kina Felipe at Natanael. At kailangan natin iyan gawin kaagad. Pagkatapos ang iba pa ay darating… Pansamantala tayo ay mag-eebanghelyo rito, sa mga hangganan ng Phoenicia at sa loob mismo ng Phoenicia. Ngunit kung ano ang kapapangyari pa lamang ay kailangan na mailibing sa inyong mga puso magpakailanman. Hindi kayo tutugon sa sinuman na magtatanong tungkol diyan.

«Ni hindi kina Felipe at Natanael? Alam nila na kami ay sumama sa Inyo…»

«Ako ay magsasalita sa kanila. Labis Akong naghirap, Aking mga kaibigan, katulad ng inyong nakita. Sa pamamagitan ng Aking paghihirap Ako ay nagbayad para sa kapayapaan nina Juan at Sintike. Huwag sayangin ang Aking paghihirap. Huwag ninyong pabigatan pa ang Aking mga balikat ng isa pang pasanin. Maraming-marami na Ako!... At ang bigat nito ay pabigat nang pabigat araw-araw, oras-oras… Sabihin kay Natanael na labis na Akong naghirap. Sabihin kay Felipe, at sabihin sa kanila na maging mabuti. Sabihin sa dalawa pang iba. Kung sasabihin ninyo sa kanila na naintindihan ninyo na Ako ay naghirap, at na iyan ay Aking pinatototohanan, sinasabi ninyo sa kanila ang katotohanan. Wala nang iba pa ang kinakailangan.»

Si Jesus ay nagsasalita nang pagod-na-pagod… Ang walo ay tinitingnan Siyang kapigha-pighati, at si Pedro ay naglalakas-loob na haplusin ang Kanyang ulo, tumatayo sa Kanyang likuran. Si Jesus ay tiningala ang Kanyang ulo at tinitingnan ang Kanyang matapat na Pedro sa pamamagitan ng malungkot na nagmamahal na ngiti.

«O! Hindi ko matagalan na makita Kayo na ganyan! Ito’y tila… pakiramdam ko ang lugod ng ating pagkikita-kita muli ay tapos na at na ang kabanalan na lamang nito ang natitira! Bueno… Tayo na sa Achzib. Papalitan Ninyo ang Inyong mga damit, ahitan Ninyo ang Inyong mga pisngi at ayusin ang Inyong buhok. Hindi Kayo makapananatiling ganyan! Hindi ko matatagalan na makita Kayo nang ganyan… Kamukha Ninyo ang isa… na nakatakas sa malulupit na kamay, katulad ng isa na pinaghahagupit, o pagod-na-pagod… Kamukha Ninyo si Abel ng Bethlehem sa Galilee, napalaya sa kanyang mga kaaway…»

«Oo, Pedro. Ngunit ang puso ng iyong Guro ang siyang minaltrato… at hindi na ito makapanunumbalik muli… Sa kabaligtaran ito ay sasaktan nang lalu’t lalo pa. Tayo na…»

Si Juan ay nagbuntung-hininga: «Nalulungkot ako… gustung-gusto ko pa sanang sabihan si Tomas, na mahal-na-mahal ang Inyong Ina, ng tungkol sa awit at sa pamahid…»

«Sasabihan mo siya isang araw… Hindi ngayon. Isang araw sasabihin mo ang lahat. Ikaw pagdating niyan ay pahihintulutan na magsalita. Ako Mismo ang magsasabi sa iyo: “Humayo at sabihin ang lahat na alam mo”. Pansamantala tingnan ang katotohanan sa himala. Ibig sabihin: ang kapangyarihan ng Pananampalataya. Sina Juan at Sintike ay napakalma ang dagat at napagaling ang mamâ hindi sa pamamagitan ng mga salita o ng pamahid. Bagkus sa pamamagitan ng pananampalataya nang kanilang binanggit ang Pangalan ni Maria at nang kanilang ginamit ang Kanyang pamahid. At dahil sa iyong pananampalataya na naroroon din, at sa iyong karidad. Karidad sa nasugatang tao. Karidad sa Cretan. Nailigtas ninyo ang buhay ng una at sinubukan na mabigyan ng pananampalataya ang huli. Ngunit kung madaling magpagaling ng mga katawan, mahirap na magpagaling ng mga kaluluwa… Walang sakit na mas mahirap alisin, kaysa sa isang espirituwal na sakit…» at si Jesus ay nagbuntung-hininga nang malalim.

Sila ay nasa tanawin na ng Achzib. Si Pedro ay umuna na kasama si Mateo sa paghahanap ng matutuluyan. Ang iba ay sumusunod nakapaikot kay Jesus. Ang araw ay mabilis na lumulubog, habang pinapasok nila ang nayon…

 120412

 

 


Sunod na kabanata