325. Sa Achzib Kasama ang Anim na Apostol.

Nobyembre 11, 1945.

«Panginoon, sa loob ng gabi ako ay nag-iisip… Bakit ibig Ninyong pumunta nang ganito kalayo, at pagkatapos bumalik sa hangganan ng Phoenicia? Payagan Ninyo akong umalis kasama ang isa sa mga kasamahan ko. Ipagbibili ko si Antonius… Nalulungkot akong kailangan kong gawin ito… ngunit hindi na natin ito kailangan at makakakuha ito ng pansin ng mga tao. Lalakad ako at tatagpuin ko sina Felipe at Bartolomeo. Sa daan na iyon lamang sila maaaring pumunta at siguradong makikita ko sila. At makatitiyak Kayo na hindi ako magsasalita. Ayaw kong pamighatiin Kayo… Makapagpapahinga Kayo rito kasama ang iba pa at makatitipid tayong lahat sa pagod ng pagpunta hanggang sa Jiphthahel… at makatitipid tayo sa oras» sabi ni Pedro habang lumalabas mula sa isang bahay kung saan sila natulog. At sila ay nagmumukhang hindi masyadong mga pagod, dahil nakasuot sila ng bagong mga damit at ang kanilang mga balbas at buhok ay naayos sa pamamagitan ng magagaling na kamay.

«Iyan ay magandang idea. Hindi kita pipigilan. Makakalakad ka sinuman ang gustuhin mong makasama. »

«Si Simon, kung gayon. Pagpalain Ninyo kami, o Panginoon.»

Si Jesus ay niyayakap sila: «Sa pamamagitan ng halik. Lakad.»

Pinagmamasdan nila silang bumaba nang mabilis sa kapatagan.

«Gaano kabuti si Simon! Sa loob ng mga nakaraang araw naunawaan ko siya katulad ng di ko pa naunawaan siya dati» sabi ni Judas Tadeo.

«Ako rin» sabi ni Mateo. «Hindi siya kailanman makasarili, mapagmalaki o mapaghanap?»

«Hindi siya kailanman nagsamantala ng katotohanan na siya ay ating pinuno. Sa kabaligtaran, tila siya ang pinakahuli sa lahat, pinanghahawakan pa rin ang kanyang pusisyon» dagdag ni Santiago ni Alfeo.

«Hindi kami nagtataka. Kilala na namin siya nang maraming taon. Siya ay hindi mainitin ang ulo bagkus may napakabait na puso. At napakamatapat!» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Ang aking kapatid ay mabait, kahit na kung siya ay magaspang. Ngunit mula nang siya ay mapasama kay Jesus, siya ay naging dobleng kasing bait. Ang aking kalikasan ay ganap na iba at kung minsan nagagawa siyang magalit gawa nito, sapagkat nalalaman niya na ako ay naghihirap dahil sa aking ugali. Nagagalit siya sapagkat mahal niya ako. Kapag siya ay nauunawaan ng isa, makakasundo niya siya nang mabuti» sabi ni Andres.

«Sa loob ng nakaraang mga araw lagi kaming nagkakaunawaan at lagi kaming iisang isip» wika ni Juan.

«Totoo iyan! Napuna ko ito mismo. Sa loob ng buong buwan, sa mga sandali rin ng kasabikan, hindi kami kailanman naging mapagreklamo sa isa’t isa... Samantalang kung minsan… Hindi ko alam kung bakit…» pagsasalita sa sarili ni Santiago ni Zebedeo.

«Bakit? Ngunit madali itong maintindihan! Sapagkat tayo ay matuwid sa ating mga intensiyon. Tayo ay hindi perpekto; ngunit tayo ay matuwid. Kung kaya't ating tinatanggap kung ano ang iminumungkahi ng isa at tinatanggihan natin ang masama na itinuturo sa atin na masama, samantalang dati hindi natin ito nalalaman mismo. Bakit? Madaling sabihin ito! Sapagkat ang walo sa atin ay pare-pareho ang kaisipan: na gawin ang mga bagay sa pamamaraan na masisiyahan si Jesus. Iyan lamang!» bulalas ni Tadeo.

«Hindi sa palagay ko na ang iba ay naiiba sa kaisipan» sabi ni Andres sa mapagkasundong tono.

«Hindi. Ni si Felipe o si Bartolomeo, bagama't ang huli ay kung baga nakatatanda at labis na isang Israelita… Ni si Tomas, bagama't nakakiling siya na maging mas tao kaysa espirituwal. Magkakamali ako, kung aakusahan ko sila ng… Jesus, tama Kayo. Patawarin ako. Ngunit kung nalalaman Ninyo kung ano ang ibig sabihin nito sa akin na makita Kayong naghihirap! At dahil sa kanya! Ako ay inyong disipulo, katulad ng lahat pang iba. Ngunit mahigit pa sa lahat ako ay Inyong kapatid at kaibigan at nasa mga ugat ko ang maapoy na dugo ni Alfeo. Jesus, huwag Ninyo akong tingnan nang napakahigpit o napakalungkot. Kayo ay ang Kordero at ako… ang leon. At maniwala sa akin, nahihirapan akong magpigil sa pagsira sa pamamagitan ng bigwas ng aking mga kuko ang kalambatan ng paninirang-puri na bumabalot sa Inyo, at sa pagsira sa silungan kung saan ang tunay na kaaway ay nagtatago. Ibig kong makita ang tunay na bahagi ng kanyang espirituwal na mukha, na tinatawag kong… at baka ito ay isang kabulaanan; at kung makikilala ko siya nang walang kahit anong takot ng pagkakamali, mamarkahan ko siya sa pamamaraan na sa natitirang buhay niya hindi siya mangangarap na saktan niya Kayo» sabi ni Tadeo nang masimbuyo, bagama't si Jesus ay sumulyap sa kanya upang patigilin siya, nang siya ay nagsimulang magsalita.

Si Santiago ni Zebedeo ang tumugon sa kanya: «Mamarkahan mo ang kalahatian ng sambayanan ng Israel!... Ngunit si Jesus ay magpapatuloy pa rin gayunpaman. Sa loob ng mga nakaraang araw nakita mo kung mayroon mang nakapagpigil sa Jesus. Ano na ang ating gagawin ngayon, Guro? Kayo ba ay nagsalita rito?»

«Hindi. Hindi pa Ako napunta sa mga dalisdis na ito kahit isang araw. Natulog Ako sa kakahuyan.»

«Bakit hindi nila Kayo ginusto?»

«Ang kanilang mga puso ay tinanggihan ang Peregrino… Ako ay walang pera..»

«Sila ay mga matitigas ang puso kung gayon! Ano ang ikinatatakot nila?»

«Na baka Ako ay isang mandarambong… Ngunit hindi na bale. Ang Ama Na nasa Langit ay ginawa Akong makatagpo ng isang kambing, na maaaring nawawala o lumayas. Halikayo, ipakikita Ko siya sa inyo. Siya ay namumuhay sa palumpungan kasama ang kanyang mga anak. Ngunit siya ay hindi tumakbo nang makita niya Akong dumating. Sa kabaligtaran, hinayaan niya Akong gatasan Ko siya… patungo sa Aking bunganga, na tila Ako ay kanyang maliit, din. Ako ay natulog malapit sa kanya, kasama ang maliliit halos nasa Aking dibdib. Ang Diyos ay mabuti sa Kanyang Salita!»

Sila ay patungo sa lugar kung saan sila nagtagpo kahapon, isang matinik na palumpungan. Sa gitna ay may napakatanda nang puno ng terebinto, namalaging hindi ko alam kung papaano, biyak sa gitna katulad nito, na tila ang lupa ay nagbukas hinahati ang matigas na puno, ganap na natatakpan ng berdeng ivy at ng mga matitinik na tanim na walang mga dahon sa kasalukuyan. Ang kambing ay nanginginain malapit sa kanyang mga anak at nakikitang may napakaraming tao ipinusisyon niya ang kanyang mga sungay nakahandang ipagsanggalang ang sarili. Ngunit nakilala siya pagkaraan si Jesus at kumalma. Nagtapon sila ng ilang mga mumo ng tinapay at umalis.

«Ako ay natulog sa banda roon» paliwanag ni Jesus. «At naririto pa sana Ako kung hindi kayo dumating. Ako ay nagutom. Ang pakay ng pag-aayuno ay tapos na… At walang kabuluhan ang magpumilit sa ibang mga bagay na hindi na mababago...»

Si Jesus ay malungkot na muli… Ang anim ay nagkakatinginan, ngunit hindi nagsasalita ng kahit na ano.

«At ngayon? Saan na tayo pupunta?»

«Tayo ay mananatili rito ngayon. Bukas tayo ay bababa at magtuturo sa daan patungong Ptolemais at pagkatapos tayo ay magtutungo sa hangganan ng Phoenicia at babalik dito bago ang Sabbath.»

At sila ay unti-unting bumalik sa nayon.

120412

 

 

 


Sunod na kabanata