329. Ang mga Anak ng Kulog. Papuntang Achzib Kasama ang Pastol na si Annas.

Nobyembre 14, 1945.

Si Jesus ay naglalakad patawid ng isang napakabulubunduking rehiyon. Ang mga bundok ay hindi matataas, ngunit ang daan ay pataas at pababa lagi sa mga burol, at marami ritong mga umaagos na tubig, na masasayang dumadaloy sa malamig na sariwang panahon, at kasing linaw ng kalangitan at kasing luntian ng unang mga dahon na nagsisimula nang tumubo nang parami na nang parami sa mga punungkahoy. Ngunit bagama't ang panahon ay napakaganda at mapagpasaya na mapagiginhawahan ang puso ng isa, ang disposisyon ni Jesus ay hindi lumalabas na labis na napagaanan at ang mga apostol ay nagmumukhang mas labis na nag-aalala kaysa sa Kanya. Sila ay naglalakad nang napakatahimik sa tabi ng ilalim ng lambak. Ang mga pastol at mga kawan ay ang tanging makikitang búhay. Ngunit si Jesus ay tila hindi sila nakikita.

Ang isang pinanghihinaang-loob na buntung-hininga ni Santiago ni Zebedeo at ang kanyang biglaang mga salita, ang maaasahang resulta ng isang nag-aalalang isip, ay nakuha ang atensiyon ni Jesus… Sa Santiago ay nagsabi: «At pagkatalo!... at pagkatalo!... Tila tayo ay isinumpa…»

Si Jesus ay nagpatong ng isang kamay sa kanyang balikat: «Hindi mo ba nalalaman na iyan ang kapalaran ng mas mabubuti?»

«Eh! Alam ko mula nang mapasama ako sa Inyo! Ngunit paminsan-minsan mangangailangan tayo ng medyo iba, na hindi natin nakuha sa nakaraan, upang mapasaya ang mga puso at pananampalataya…»

«Pinagdududahan mo ba Ako, Santiago?» Gaanong kapighatian ang nasa nanginginig na tinig ni Jesus.

«Hindi!...» Ang kanyang “hindi” ay tiyak na hindi ang isang napakatiyak na salita.

«Ngunit ikaw ay talagang nagdududa. Ano, kung gayon? Hindi mo na ba Ako minamahal katulad nang dati? Ang katotohanan na nakita mo Akong pinalayas, nilibak, o di pinansin lamang malapit sa mga hangganan ng Phoenicia, ito kaya’y nakapagpahina sa iyong pagmamahal?» May matinding kapighatian sa nanginginig na mga salita ni Jesus, bagama't wala ritong mga hikbi o mga luha. Ang Kanyang pinaka kaluluwa ay tumatangis.

«Hindi, aking Panginoon, hindi iyan! Sa kabaligtaran, habang mas nakikita ko Kayong di maintindihan, tinatanggihan, pinahihiya, nasasaktan, mas lalong lumalaki ang aking pagmamahal sa Inyo. At papayag ako nang husto na ialay ang aking buhay bilang isang sakripisyo, upang hindi Kayo makita nang ganyan, at upang mabago ang mga puso ng tao. Kailangan na paniwalaan Ninyo ako. Huwag durugin ang aking puso, na nalulungkot na nang lubos, sa pagdududa na hindi ko Kayo minamahal. Kung hindi… kung hindi gagawa ako ng mga kalabisan. Ako ay babalik at ipaghihiganti ko ang aking sarili sa mga (nagpamighati sa Inyo, upang patunayan na mahal ko Kayo, upang maalis ang Inyong pagdududa, at kung ako ay kanilang nahuli at pinatay, wala akong pakialam dito kahit kaunti. Makukontento na ako na nabigyan Kayo ng katibayan ng aking pagmamahal.»

«O! anak ng kulog! Saan nanggagaling ang labis na kapusukan? Ibig mo bang maging isang manlilipol na kidlat? » Si Jesus ay ngumingiti sa sigasig at mga intensiyon ni Santiago.

«O! Nakita ko man lamang na Kayo ay ngumiti! Iyan ay isa nang resulta ng aking mga intensiyon. Anong masasabi mo, Juan? Gagawin ba natin ang aking mga intensiyon upang mapagaanan ang Guro, Na nalulungkot dahil sa napakaraming mga pagpapalayas?»

«O! oo. Tayo na. Tayo ay babalik at magsasalita sa kanila. At kung iinsultuhin pa rin nila Siya nagsasabing Siya ay hari lamang sa salita, o isang pinagtatawanang hari, isang walang-pera o baliw na hari, bibigyan natin sila nang maganda-gandang dagok hanggang matanto nila na ang hari ay may isang sandatahang-lakas ng matatapat na tao, na hindi matatanggap ang kanilang panunuya. Ang karahasan ay mapakikinabangan paminsan-minsan. Tayo na, kapatid!» tugon ni Juan sa kanya, at galit katulad niya, siya ay tila ibang tao, ibang-iba sa kailanman mapanatag na Juan.

Si Jesus ay inilagay ang Sarili sa pagitan ng dalawa, hinawakan sila sa kanilang mga braso upang pigilin sila at nagsabi: «Makinig lang sa kanila! At ano ang Aking itinuturo sa loob ng matagal nang panahon? O! Anong gandang sorpresa! Pati rin si Juan, ang Aking kalapati, ay naging isang lawin! Tingnan, gaano kapangit, kadilim, kabalisa siyang tingnan, nasira ng kapootan. O! nakakahiya! At kayo ay nagtataka dahil ang ilang Phoenician ay nananatiling walang-pakialam, ang ilang mga Hudyo maramdamin, ang ilang Romano pinalalayas Ako, habang kayo ay ang unang hindi nakakaintindi ng kahit ano pagkatapos na makasama Ko sa loob ng dalawang taon, at kayo ay naging apdo dahil sa kapootan sa inyong mga puso, at inaalis ninyo ang Aking doktrina ng pagmamahal at pagpapatawad sa inyong mga puso at ito’y inyong tinatanggihan na tila ito ay isang kalokohan na bagay, at inyong tinatanggap ang karahasan bilang isang mabuting kakampi! O! Banal na Ama! Ito ay isang katalunan nga! Sa halip ng pagiging mga lawin naghahasa ng kanilang mga tuka at panaklaw, hindi ba't mas mabuti kung kayo ay mga anghel nagdarasal sa Ama na magbigay ng kagaanan sa Kanyang Anak? Kailan ang isang bagyo kailanman naging mabuti sa pamamagitan ng mga kidlat at mga ulang-yelo nito? Bueno, sa pag-alaala tungkol sa kasalanang ito ninyo laban sa Karidad, sa pag-alaala tungkol sa sandali nang makita Ko ang hayop-tao na nagliwanag sa inyong mga mukha sa halip na tao-anghel na laging ibig Kong makita sa inyo, tatawagin Ko kayong “ang mga anak ng kulog”.»

Si Jesus ay medyo seryoso habang nagsasalita sa dalawang uminit na mga anak ni Zebedeo. Ngunit ang Kanyang paninita ay hindi tumagal, sapagkat nang kaagad sila nagsisi niyakap Niya kaagad sila, ang Kanyang mukha nagniningning sa pagmamahal, nagsasabing: «Ayaw Ko na muling makita kayo na ganyan. At salamat sa inyong pagmamahal. At salamat sa inyo, Aking mga kaibigan» nagsasabi Siya kina Andres, Mateo at sa Kanyang dalawang pinsan. «Halikayo rito, upang sana mayakap Ko rin kayo. Hindi ba ninyo nalalaman, na kung wala na Akong iba bagkus ang gawin ang kalooban ng Aking Ama at ang inyong pagmamahal, lagi Akong magiging masaya, kahit na kung ang buong mundo ay sampalin Ako? Ako ay nalulungkot, hindi tungkol sa Aking Sarili, o tungkol sa Aking mga pagkatalo, ayon sa tawag ninyo nito, bagkus nalulungkot Ako para sa mga kaluluwa na tumatanggi sa Buhay. Mabuti, tayong lahat ay masaya na ngayon, hindi ba, kayong malalaking sanggol? Halina, kung gayon. Pumunta sa mga pastol na iyon na ginagatasan ang kanilang mga tupa at manghingi sa kanila ng ilang gatas sa ngalan ng Diyos. Huwag matakot.» Sinasabi Niya nakikita ang mapanglaw na tingin ng mga apostol. Sumunod na may pananampalataya. Makakakuha kayo ng gatas, hindi mga dagok, kahit na kung ang mamâ ay isang Phoenician.»

At ang anim ay lumakad habang si Jesus ay naghihintay sa kanila sa daan. At ang malungkot na Jesus, Na walang may gusto, ay nagdarasal pansamantala…

Ang mga apostol ay bumalik na may isang maliit na balde ng gatas, at sinabi nila: «Ang mamâ ay hinihingi sa Inyo na magpunta sa banda roon, ibig niyang makipagusap sa Inyo, ngunit hindi niya maiiwanan ang kanyang di-maaasahang mga kambing sa mga batang pastol.»

Si Jesus ay nagsabi: «Bueno, tayo na roon at kainin ang kanyang tinapay.»

At sila ay nagpunta sa gilid ng kanal kung saan ang mga kambing ay ngumunguyang nag-aalala.

«Salamat sa ibinigay mong gatas sa Akin. Ano ang kailangan mo sa Akin?»

«Kayo ay ang Nazareno, hindi ba? Ang isa na gumagawa ng mga himala?»

«Ako ang isa na nagtuturo ng Eternal na Kaligtasan. Ako ang daan upang makapunta sa totoong Diyos, ang Katotohanan na binibigay ang sarili, ang Buhay na nagpapasigla sa inyo. Ako ay hindi isang madyikero na gumagawa ng mga kababalaghan. Ang mga himala na Aking nagagawa ay mga manipestasyon ng Aking kabutihan at ng inyong kahinaan na nangangailangan ng mga katibayan upang makapaniwala. Ngunit ano ang kailangan mo sa Akin?»

«Bueno… Kayo ba ay nasa Alexandroscene nang dalawang araw na nakaraan?»

«Oo, naroroon Ako. Bakit?»

«Ako ay naroroon, din, kasama ang aking mga anak, at nang mabatid ko na magkakaroon ng pag-aaway, ako ay umalis, sapagkat ugali nila na gumawa ng gulo upang makapagnakaw kung ano ang nasa palengke. Sila ay mga magnanakaw, lahat sila: ang mga Phoenician… at ang iba pa. Hindi ko dapat sabihin ang ganyan sapagkat ako ay ang anak ng isang proselitong ama at isang Syrian na ina at ako ay isang proselito mismo. Ngunit iyan ang katotohanan. Bueno. Tayo’y bumalik sa aking kuwento. Ako ay nanilungan sa isang establero kasama ang aking mga anak, naghihintay para sa kariton ng aking anak. At nang gabi, nang paalis na ako sa bayan, nakatagpo ako ng isang babae, na umiiyak, na ang kanyang maliit na anak na babae nasa kanyang mga bisig. Siya ay naglakad ng walong milya upang makapunta sa Inyo. Sapagkat siya ay nakatira sa kabukiran. Tinanong ko siya kung ano ang problema, dahil siya ay isang proselito. Siya ay nagpunta upang itinda ang ilang ani at gumawa ng kaunting pamimili. Napakinggan niya ang tungkol sa Inyo at ang kanyang puso ay napuno ng pag-asa. Siya ay tumakbong pauwi upang kunin ang maliit na batang babae. Ngunit ang isa ay nakakapaglakad nang mahina na may dala! Nang siya ay makarating sa bodega ng magkakapatid na lalaki, Kayo ay wala na roon. Ang magkakapatid ay sinabi sa kanya: ”Siya ay pinalayas nila. Ngunit kagabi sinabi Niya sa amin na Siya ay babalik dadaan sa mga baytang ng Tyre”. Dahil ako ay isa ring ama, sinabi ko sa kanya: “Bueno, pumunta ka roon”. Ngunit tumugon siya sa akin: “Kung dahil sa nangyari Siya ay bumalik sa Galilee sa pamamagitan ng ibang daan?”. Sinabi ko sa kanya: “Ngayon makinig. Maaaring ito ay ang daan na iyon o ang isang nasa tabi ng hangganan. Pinapastol ko ang aking kawan sa pagitan ng Rohob at Lesemdan, sa daan sa hangganan sa pagitan nito at ng Naphtali. Kung makikita ko Siya sasabihin ko sa iyo, pinapangakuan kita sa aking karangalan”. At nasabi ko na sa Inyo.»

«At harinawang gantimpalaan ka ng Diyos. Pupuntahan Ko ang babae. Kailangan Kong bumalik sa Achzib.»

«Pupunta ba Kayo sa Achzib? Bueno, makakapunta tayo na magkasama, kung hindi Ninyo kamumuhian na kasabay ang isang pastol.»

«Wala Akong sinuman na kinamumuhian. Bakit ka pupunta sa Achzib?»

«Sapagkat ang aking mga kordero ay naroroon. Maliban… kung nawala na silang lahat sa akin.»

«Bakit?»

«Sapagkat doon ay may sakit… Hindi ko alam kung iyon ay pangkukulam o ibang bagay. Alam ko na ang aking magandang kawan ay nagkasakit. Iyan kung bakit dinala ko rito ang mga kambing, dahil sila ay mga malulusog pa at inilalayo ko sila sa mga tupa. Dalawa sa aking mga anak ang mag-aalaga sa kanila rito. Sila ngayon ay nasa bayan na, namimili. Ngunit ako ay babalik doon, upang makita silang namamatay, aking magagandang ma-delana na mga tupa…» Ang mamâ ay nagbubuntung-hininga… Tiningnan niya si Jesus at siya ay humihingi ng paumanhin: «Isang katangahan ang magsalita sa Inyo tungkol sa mga bagay na ito, iniisip kung sino Kayo, at upang problemahin Kayo, dahil Kayo ay maaaring namomroblema na sa pagtatrato nila sa Inyo. Ngunit ang aming mga tupa ay minamahal at pera sa amin, alam N’yo?...»

«Naiintindihan Ko. Ngunit sila ay makapanunumbalik. May kinuha ka bang sinuman, na nakaaalam tungkol sa mga bagay na ito, upang tingnan sila?»

«O! Lahat sila ay nagsasabing nang gayon ding bagay: “Patayin sila at ipagbili ang mga balat. Wala nang iba pa ang kailangang gawin”, at binantaan din nila ako kung ang mga tupa ay iiikot ko… Natatakot sila sa sakit… para sa kanilang mga tupa. Kung kaya't kinailangan ko silang panatilihin doon.. at sila ay namamatay nang mas mabilis. Sila ay masasama, alam N’yo, ang mga tao sa Achzib…»

Si Jesus ay simpleng nagsabi: «Alam Ko.»

«Sasabihin ko na ginaway nila iyon…»

«Hindi. Huwag mong paniwalaan ang kalokohan na iyan… Aalis ka na ba kaagad pagdating ng iyong anak?»

«Oo, aalis ako. Parating na sila sa ngayon. Ang mga ito ba ay Inyong mga disipulo. Ito lamang?»

«Hindi. Mayroon pa Akong iba.»

«Bakit hindi sila pumupunta rito? Minsan, natagpuan ko ang isang grupo nila malapit sa Merom. Isang pastol ang kanilang pinuno. Ganyan ang sinabi nila. Isang matangkad na malakas na tao, Elias ang kanyang pangalan. Iyon ay noong Oktubre, sa palagay ko. Maaaring bago o pagkatapos ng mga Tabernakulo. Iniwan na ba Kayo niya ngayon?»

«Wala sa Aking mga disipulo ang umalis sa Akin.»

«Ako’y sinabihan…»

«Ng ano?»

«Na Kayo… na ang mga Pariseo… Sa madaling salita, na ang Inyong mga disipulo ay iniwan Kayo sapagkat sila ay natatakot, at na Kayo ay …»

«Isang dimonyo. Maaari mong sabihin iyan. Alam Ko. Dobleng merito para sa iyo, dahil naniwala ka pa rin gayunpaman.»

«At dahil sa meritong iyan, hindi ba Ninyo… ngunit baka nanghihingi ako ng para sa isang kalapastanganan…»

«Sabihin mo sa Akin. Kung iyan ay masama, paaalamin kita.»

«Hindi ba Ninyo mapapagpala ang aking kawan, pagdaan Ninyo?» sabi ng mamâ nang lubos na nananabik…

«Pagpapalain Ko ang iyong kawan. Ang isang ito…» at itinaas Niya ang Kanyang kamay pinagpapalà ang mga kambing na nakakalat sa paligid «… at ang iyong kawan ng mga tupa. Naniniwala ka ba na ang Aking pagpapalà ay maililigtas sila?»

«Katulad na nakapagliligtas Kayo ng mga tao sa mga sakit, maaaring makapagliligtas Kayo ng mga hayop. Sinasabi nila na Kayo ay ang Anak ng Diyos. Ang mga tupa ay nilikha ng Diyos. Kung kaya't pag-aari sila ng Ama. Hindi ko… alam kung mapaggalang ang pakiusapan Kayo. Ngunit kung ito ay posible, pakiusap na gawin Ninyo iyan, Panginoon, at magdadala ako ng malaking alay sa Templo. Hindi, hindi ako magdadala! Ibibigay ko ito sa Inyo para sa mahihirap. Mas mabuti pa iyan.»

Si Jesus ay ngumingiti at tahimik. Ang mga anak ng pastol ay dumating at pagkaraan ng kaunting sandali si Jesus, ang mga apostol at ang matandang lalaki ay lumakad, iniiwan ang mga bata-pang kalalakihan na tingnan ang mga kambing. Sila ay naglalakad nang mabilis dahil ibig nilang marating ang Kedesh kaagad at pagkatapos magpatuloy kaagad patungo sa daan na mula sa dagat ay maghahatid sa pinakalupa. Maaaring ito ang daan na sumasanga sa paanan ng talampas, ang isang kinuha nila patungo sa Alexandroscene. Iyan man lamang ang aking naintindihan mula sa pakikipagusap ng pastol sa mga disipulo. Si Jesus ay nasa unahan nila, nag-iisa.

«Ngunit hindi ba tayo magkakaroon ng mas karagdagang problema?» tanong ni Santiago ni Alfeo.

«Ang Kedesh ay wala sa hurisdiksiyon ng senturyon. Ito ay nasa labas ng hangganan ng Phoenicia. At kung hindi sila ginagalit ng isa, ang mga senturyon ay hindi nakikialam sa relihiyon.»

«Maging ano pa man hindi naman tayo titigil…»

«Magagawa ba ninyo na makapaglakad ng mahigit pa sa labintatlong milya sa isang araw?» tanong ng pastol?»

«O! Kami ay perpetwong walang-kapagurang mga peregrino!»

Sila ay patuloy sa paglalakad… Narating nila ang Kedesh at dumaan dito nang walang anumang problema. Kinuha nila ang deretsong daan. Ang Achzib ay itinuturo ng muson. Ang pastol ay binabanggit ito nagsasabing: «Makakarating tayo roon bukas. Sasama kayo sa akin ngayong gabi. May kilala akong mga magbubukid sa mga lambak, ngunit ang karamihan sa kanila ay nasa loob ng mga hangganan ng Phoenicia… Bueno… tatawirin natin ang prontera. At tayo ay tiyak na hindi malalaman… O! Ang kanilang bihilansya! Mas mabuti pa kung magbantay sila para sa mga magnanakaw!...»

Ang araw ay lumubog at ang liwanag ay naging malabo sa mga kakahuyan ng mga lambak. Ngunit alam ng pastol ang daan at nagpapatuloy nang buo ang loob.

Narating nila ang isang maliit na nayon, tanging ilang mga kabahayan lamang.

«Kung tayo ay bibigyan ng pagtanggap dito, makakasama natin ang mga Israelita. Tayo ay nasa hangganan. Kung tayo ay hindi nila patutuluyin, pupunta tayo sa isa pang nayon, isang nayon ng Phoenicia.»

«Wala Akong kinikilingan, mamâ.»

Sila ay kumatok sa pinto.

«Ikaw ba iyan, Annas? May kasamang mga kaibigan? Pasok kayo, at sana mapasainyo ang Diyos» sabi ng maedad na babae.

Sila ay pumasok sa isang maluwang na kusina, na may isang malagablab na paapuyan. Ang lahat ng miyembro ng isang malaking pamilya ng lahat ng edad ay nakaupo sa paligid ng mesa ngunit may-kabaitan silang nagbigay lugar para sa mga bagong dating.

«Ito ay si Jonah. Ito ang kanyang asawa, kanyang mga anak at mga apo at mga manugang-na-babae. Isang pamilya ng mga patriyarka matapat sa Panginoon» sabi ni Annas, ang pastol, kay Jesus. Pagkatapos kanyang kinakausap ang matandang Jonah: «At ang tao na ito na kasama ko ay ang Rabbi ng Israel, Na ibig ninyong makilala.»

«pinagpapalà ko ang Panginoon na makapagbibigay ako sa Inyo ng ospitalidad dahil may lugar ako ngayong gabi. At pinagpapalà ko ang Rabbi Na pumunta sa aking bahay, at hinihingi ko sa Kanya na pagpalain ito.»

Si Annas ay nagpapaliwanag na ang bahay ni Jonah ay katulad ng isang otel para sa mga peregrino naglalakbay mula sa karagatan patungo sa pinakalupa.

Lahat sila ay naupo sa loob ng mainit na kusina at ang babae ay pinagsisilbihan ang mga panauhin. Dito ay may labis na paggalang upang ito ay halos nakakahiya. Ngunit si Jesus ay napangibabawan ang kahirapan sa pag-ipon sa mga bata sa paligid Niya, nang tapos na ang kainan, at Siya nagka-interes sa kanila, at pagkaraan sila ay nagging magkakasundo. At pagkatapos ng mga bata, sa loob ng maikling panahon sa pagitan ng hapunan at oras ng pagtulog, at mga lalaki din sa bahay ay naging malakas ang loob at pinaaalam nila kay Jesus kung ano ang kanilang natutuhan tungkol sa Mesiyas at nagtatanong sa Kanya ng mga katanungan. At si Jesus ay nagpapaliwanag, nagbibigay patotoo, nagtutuwid sa isang may-kabaitan na paguusap, hanggang kapwa ang mga panauhin at mga miyembro ng sambahayan ay umalis upang magpahinga, pagkatapos nang silang lahat ay pinagpalà ni Jesus.

080512

 


Sunod na kabanata