337. Patungong Saphet. Ang Parabula Tungkol sa Mabuting Magbubukid.

Nobyembre 22, 1945.

Ang daan patungong Saphet ay iniiwan ang kapatagan ng Korazim at inaakyat ang katangi-tanging bulubundukin na makapal na natatakpan ng mga punungkahoy. Ang isang agos ng tubig ay dumadaloy pababa sa mga bundok patungo sa lawa ng Tiberias.

Ang mga peregrino ay naghihintay sa may tulay para sa mga pinadala sa Merom. At hindi nila kailangan na maghintay nang matagal. Ang iba sa katunayan naglalakad nang mabilis ay nakarating nang eksakto sa oras sa lugar na napag-usapan at nakatagpo ang Guro at ang kanilang mga kasamahan nang may malaking lugod at pinaalam sa kanila ang tungkol sa kanilang paglalakbay, na pinagpalà din ng ilan na mga himala, na ginawa nang magkakasunod ng «lahat na apostol». Ngunit si Judas ng Kerioth ay gumagawa ng pagtutuwid: «Maliban sa akin, dahil wala akong magawa kahit ano.» Ang kanyang pagkakapahiya sa pag-amin nito ay masakit.

«Sinabi namin sa iyo na ito ay dahil sa katotohanan na kaharap natin ang isang malaking makasalanan» tugon ni Santiago ni Zebedeo. At siya ay nagpapaliwanag: «Alam Ninyo, Guro? Ito ay si Jacob at malala ang kanyang sakit. Iyan kung bakit pinananawagan niya Kayo, sapagkat natatakot siya ng kamatayan at ng hukom ng Diyos. Ngunit siya ay mas mukhang-pera kaysa kailanpaman, ngayon na nakikita niya ang isang tunay na sakuna para sa kanyang mga tanim, na ganap na sinira ng yelo. Nawala sa kanya ang lahat niyang binhi at hindi na siya makapagtanim pa muli sapagkat siya ay may sakit at ang kanyang babaeng katulong ay hindi kaya ang mag-araro sa bukid, sapagkat siya ay gastado na ng pagod at pagkagutom, dahil nagtitipid din si Jacob sa harina para sa tinapay, nahihintakutan katulad niya na baka siya maiwanan na wala kahit anong pagkain isang araw. Inararo namin ang malaki-laking bahagi ng karugtong lupa para sa kanya, at baka kami nagkasala, sapagkat nagtrabaho kami nang buong araw ng Biyernes, pagkatapos din ng paglubog ng araw hanggang sa dumilim na, at kahit pagkatapos pa sa tulong ng mga sulo at siga. Sina Felipe, Juan at Andres ay alam kung papaano ito gawin, at gayon din ako. Nagtrabaho kami nang husto... Sina Simon, Mateo at Bartolomeo ay sinusundan kami nag-aalis ng mga butil na lumitaw at mga nasira, at si Judas ay pumunta sa ngalan Ninyo upang manghingi kina Judas at Anna ng kaunting binhi, nangangakong pupuntahan namin siya ngayon. Nakuha namin ito at iyon ay piling mga binhi. Kung kaya't sinabi namin: “Ihahasik namin ito bukas”. Iyan kung bakit kami nahuli nang kaunti. Sapagkat nagsimula kami sa pagsimula ng paglubog ng araw. Harinawang ang Eternal na Ama ay patawarin kami tinitingnan ang rason kung bakit kami nagkasala. Si Judas, pansamantala, ay nanatili malapit sa higaan ni Jacob, upang ikumberte siya. Nakapagsasalita siya nang mas mabuti kaysa sa amin. Iyan man lamang ang kusang–loob na sinabi nina Bartolomeo at Simon. Ngunit si Jacob ay ayaw pakinggan ang lahat ng kanyang sinasabi. Ibig niyang gumaling, sapagkat ang kanyang sakit ay napapagasta siya ng pera at kanyang iniinsulto ang kanyang katulong na babae tinatawag siyang tamad. Sa dahilan na sinabi niya: “magbabalik-loob ako sa Diyos kung ako ay gumaling”, si Judas ay ipinatong ng kanyang mga kamay sa kanya upang mapakalma siya. Ngunit si Jacob ay nanatiling may sakit katulad ng dati. Si Judas ay pinanghinaan ng loob at sinabi sa amin. Sinubukan namin bago matulog. Ngunit hindi kami nakakuha ng himala. Ngayon pinaninindigan ni Judas na ito ay ganito dahil nawalan siya ng Inyong pabor, dahil nagalit niya Kayo at ngayon siya ay malungkot. Ngunit sinasabi namin na ito ay dahil ang nasa harapan namin ay isang makasalanan na matigas ang ulo, na nagkukunwaring nakukuha niya ang lahat na gusto niya at siya ang naglalagay ng mga kondisyon at nagbibigay ng mga utos sa Diyos. Sino ang tama?»

«Kayong pito. Kayo ay nagsalita ng katotohanan. Papaano sina Judas at Anna? At ang kanilang mga bukid?»

«Kaunting sira lamang. Ngunit sila ay may pamamaraan... at ang lahat ay naisaayos na. At sila ay mabubuting tao! Narito. Nagpadala sila nitong alay sa Inyo at ang pagkain na ito. Umaasa silang makita Kayo minsan. Ang pag-iisip ni Jacob ay ito na malungkot. Gusto ko sanang mapagaling ang kanyang kaluluwa, kaysa ang kanyang katawan...» sabi ni Andres.

«At ano ang tungkol sa ibang mga lugar?»

«O! Nang patungo sa Deberet, malapit sa nayon, pinagaling namin ang isang lalaki sa katunayan si Mateo ang may gawa – na naghihirap gawa ng paulit-ulit na lagnat. Pabalik pa lamang siya mula sa doktor na sumuko na sa kanya. Kami ay tumigil sa kanyang bahay at hindi siya nagkaroon ng mataas na temperatura mula paglubog hanggang pagsikat ng araw at sinabi niya na ang kanyang pakiramdam ay mabuti at malakas. Pagkatapos sa Tiberias si Andres ay pinagaling ang isang mamamangka, na nabalian ng balikat nang bumagsak mula sa isang tulay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay at ang balikat ay gumaling. Maiimahina Ninyo ang lalaki! Namimilit siyang isakay kami nang libre patungong Magdala at Capernaum at pagkatapos patungong Bethsaida at siya ay nananatili roon, sapagkat may ilan na mga disipulo roon: si Timoneus ng Aera, si Felipe ng Arbela, si Ermasteus at si Marcus ni Josiah, ang isa sa mga napalaya sa dimonyo malapit sa Gamala. Si Jose rin, ang mamamangka, ay gusto na maging isang disipulo... Ang mga bata, sa bahay ni Johanna, ay malusog na malusog. Sila ay tila hindi na ang dating mga bata. Sila ay naglalaro sa hardin kasama si Johanna at si Chuza...»

«Nakita Ko sila. Napunta rin Ako roon. Magpatuloy.»

«Sa Magdala si Bartolomeo ay napanampalataya ang isang masamang puso at pinagaling ang isang makasalanan na katawan. Gaano siya kagaling na nagsalita! Nagpaliwanag siya na ang kawalang-kaayusan ng espiritu ay gumagawa ng kawalang-kaayusan sa katawan at ang bawat pagpayag sa pagsisinungaling ay humahantong sa pagkawala ng kapayapaan, ng kalusugan at sa huli sa pagkawala ng kaluluwa. Nang kanyang makita na ang lalaki ay nagsisisi at kumbinsido, ipinatong niya ang kanyang mga kamay at ang lalaki ay gumaling. Ibig nilang panatilihin kami sa Magdala. Ngunit sinunod namin ang Inyong mga tagubilin at sa susunod na umaga ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay patungong Capernaum. May limang tao roon na ibig na mapagaling Ninyo. At sila ay aalis na sana, dahil sila ay pinanghinaan ng loob. Pinagaling namin sila. Wala kaming nakitang sinuman, sapagkat kami ay umalis kaagad sa pamamagitan ng bangka para sa Bethsaida, upang maiwasan ang mga pagtatanong nina Eli, Uriah at mga kasamahan. Sa Bethsaida! Ngunit, Andres, maaari bang sabihin mo sa iyong kapatid...» hinuha ni Santiago ni Zebedeo na siyang laging nagsasalita.

«O! Guro! O! Simon! Kung makita Ninyo si Marjiam! Hindi Ninyo siya makikilala!...»

«Naku! Siya ay hindi naging isang babae?» bulalas at tanong ni Pedro.

«Sa kabaligtaran! Isang magandang lalaki; siya ay matangkad at payat, dahil siya ay lumaki nang husto... Siya ay maganda! Halos hindi namin siya makilala. Siya ay kasing tangkad ng iyong asawa at kasing tangkad ko...»

«O! bueno! Ni ikaw, o si Porphirea o ako ay mga punong palmera! Sa pinakamataas na sa atin tayo ay maikukumpara sa tinikan na mga palumpong...» sabi ni Pedro, na, bagaman, ay tuwang-tuwa sa balita na ang kanyang inampon na anak ay lumaki na.

«Oo, kapatid. Ngunit noong nakaraang kapistahan ng Dedikasyon siya ay isa pa lamang bulilit na halos hindi makaabot sa ating mga balikat. Ngayon siya ay totoong isang binata na, kung tungkol sa taas, boses at pagkaseryoso. Siya ay naging katulad ng mga tanim na iyon na nabubungkok nang maraming taon pagkatapos bigla na lamang naging katakatakang mayabong. Ang iyong asawa ay naging abala sa pagpapahaba ng kanyang mga damit at sa paggawa ng mga bago. At ginagawa niya ito na may malalapad na laylayan at may mga borlas sa baywang, sapagkat tamang nakikita niya na si Marjiam ay lálaki pa. At mas lalo siyang lumalaki sa karunungan. Si Natanael sa kanyang marunong na kababaang-loob ay hindi sinabi sa Inyo na sa halos dalawang buwan si Bartolomeo ay ang guro ng pinakabata at pinaka makabayani sa Inyong mga disipulo, na bumabangon bago sumikat ang araw upang pastulin ang mga tupa, magsisibak ng kahoy, iigib ng tubig, magsisindi ng apoy, magwawalis sa sahig, gagawa ng pamimili, dala ng pagmamahal para sa kanyang kinikilalang ina, at pagkatapos sa hapon, hanggang kalaliman ng gabi, mag-aaral siya at magsusulat katulad ng isang maliit na doktor. Isipin na lang iyan! Iniipon niya ang lahat na maliliit na bata sa Bethsaida, at sa araw ng Sabbath nagbibigay siya ng maiikling leksiyon tungkol sa ebanghelyo. Sa gayon ang maliliit, na hindi isinasama sa sinagoga, na kung isasama makaiistorbo sa serbisyo, ay nagkakaroon na kanilang araw ng pananalangin, katulad na katulad ng malalaki nang tao. At ang mga ina ay nagsasabi sa akin na napakagandang pakinggan siyang nagsasalita at ang mga bata ay minamahal at sinusunod siya na may paggalang at sila ay nagiging napakabuting mga bata. Anong klaseng disipulo ang kalalabasan niya!»

«Bueno, bueno! Ako... ay naantig... Aking Marjiam! Kahit na sa Nazareth. Eh! ang kanyang kabayanihan... para sa maliit na batang babaeng iyon. Si Rachel, hindi ba’t iyon?» Si Pedro ay tumigil sa tamang sandali, namumula sa takot na baka siya makapagsalita nang labis.

Mabuti na lang si Jesus ay tinulungan siya at si Judas ay nasa malalim na pag-iisip at hindi nakikinig. O baka nagkukunwari siya na hindi siya nakikinig. Sinabi ni Jesus: «Oo, si Rachel. Tama ka. Siya ay gumaling. At ang mga bukid ay magbibigay ng isang mabuting ani ng butil. Si Santiago at Ako ay nanggaling doon. Ang sakripisyo ng isang bata ay labis ang nagagawa.»

«Sa Bethsaida si Santiago ay gumawa ng isang himala para sa isang kaawa-awang lumpo, at si Mateo, sa kalsada, malapit sa bahay ni Jacob, ay pinagaling ang isang batang lalaki. At ngayong araw, sa liwasan ng nayon na iyon malapit sa tulay, si Felipe ay pinagaling ang isang lalaki na may sakit ang mga mata at si Juan isang bata na nilukuban ng dimonyo.»

«Mabuti ang ginawa ninyong lahat. Napakabuti. Pupunta na tayo ngayon sa nayon na iyon sa mga dalisdis at titigil sa isa sa mga bahay doon upang matulog.»

«At Kayo, aking mahal na Guro, ano ang Inyong ginawa? Kumusta si Maria? At ang isa pang Maria?» tanong ni Juan.

«Sila ay mabuti at pinaaabot nila ang kanilang pangungumusta sa inyo. Sila ay naghahanda ng mga kasuutan at ang lahat na ito ay kakailanganin para sa perigrinasyon sa tagsibol. At gustung-gusto nila itong gawin upang makasama sila sa atin.»

«Sina Susanna din, si Johanna at ang aming mga ina ay ganyan din kasabik» sabi ni Juan.

Si Bartolomeo ay nagsabi: «Ang akin ding asawa at dalawang anak na babae ay ibig na sumama ngayong taon, pagkatapos ng maraming taon, sa Herusalem. Sinasabi ng aking asawa na hindi na muli ito magiging kasing ganda katulad ng taon na ito... Hindi ko alam kung bakit niya sinasabi ito. Ngunit pinangangatawanan niya na nararamdaman niya ito sa loob ng kanyang puso.»

«Kung ganyan ang akin din ay sasama. Hindi niya sinabi sa akin... Ngunit kung ano ang nagagawa ni Anna, magagawa din ni Maria» sabi ni Felipe.

«At ang mga kapatid ni Lazarus? Nakita ninyo sila...» tanong ni Simon Zealot.

«Sila ay sumusunod sa mga tagubilin ng Guro at may mga pangangailangan, ngunit sila ay naghihirap... Si Lazarus ay nagmumukhang hirap na hirap, hindi ba siya, Judas? Kinailangan niyang makahiga nang madalas. Ngunit nananabik silang naghihintay sa Guro» sabi ni Tomas.

«Mamaya lamang ay Paskuwa na at pupunta tayo sa bahay ni Lazarus.»

«Ngunit ano ang Inyong ginawa sa Nazareth at sa Korazim?»

«Sa Nazareth kinumusta Ko ang mga kamag-anak at ang mga kapag-anak ng dalawang disipulo. Sa Korazim nagsalita Ako sa sinagoga at pinagaling Ko ang isang babae. Tumigil kami sa bahay ng balo, na ang kaninong ina ay namatay. Iyon ay isang kapighatian at isang kaginhawahan din, dahil sa kanilang karukhaan at sa pagkawala ng oras ng pagtatrabaho upang maalagaan ang imbalido; siya ngayon ay naghahabi para sa ibang mga tao. Ngunit hindi na siya pinanghihinaan ng loob. Kung ano ang hindi kailangan na mawala sa kanya, ay ngayon ligtas na at kung gayon siya ay masaya na. Sa tuwing umaga si Jose ay pumupunta sa trabaho kasama ang isang karpintero malapit sa Balon ni Jacob upang matutunan ang gawain.»

«Ang mga taga-Korazim ba bumuti man lamang nang kaunti?» tanong ni Mateo.

«Hindi, Mateo. Palala sila nang palala» pagtanggap ni Jesus nang prangko. «At kami ay kanilang minaltrato. Ang malalakas ang nagmaltrato. Hindi ang simpleng mga tao.»

«Napakamay-kahirapan ang lugar na iyon. Huwag na Kayong pumunta pa roon» sabi ni Felipe.

«Mamimighati nito ang disipulong si Elias, ang balo at ang babae na Aking pinagaling ngayon, at ang lahat na mabubuting tao.»

«Oo. Ngunit napakakaunti nila na... hindi na ako mag-aalala pang muli tungkol sa lugar na iyon. Sinabi Ninyo ito Mismo: “Hindi ito matatrabaho”» sabi ni Tomas.

«Ang resina ay isang bagay at ang mga puso ay isang ibang bagay. May isang bagay ang mananatili, katulad ng buto na ibinaon sa ilalim ng napakatigas na mga tigkal ng lupa. Matatagalan itong sumulpot, ngunit ito sa huli ay lilitaw. Ganyan din ang mangyayari sa Korazim. Kung ano ang Aking naihasik ay magsisimulang tumubo isang araw. Ang isa ay hindi kailangan na sumuko sa unang pagkakataon niyang matalo.

Makinig sa parabulang ito. Maaaring tawagin ito na: “Ang parabula tungkol sa isang mabuting magbubukid”.

Ang isang mayaman na lalaki ay nagmamay-aari ng isang magandang ubasan, kung saan may iba’t ibang klase ng mga puno ng igos. Ang ubasan ay binubukid ng isang katulong, isang espertong tagapag-alaga ng ubas at tagapagpungos ng mga namumungang-punungkahoy, na ginagawa ang kanyang trabaho nang may pagmamahal para sa kanyang panginoon at para sa mga punungkahoy. Taun-taon, sa tamang panahon, ang mayaman ay madalas na pumunta sa kanyang ubasan nang makailang beses upang tingnan ang kanyang mga ubas at mga igos na nahihinog at tikman ang mga ito, pinipitas ang prutas sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay. Isang araw siya ay patungo sa isang puno ng igos ng napakagandang kalidad, ang tanging nag-iisang ganyang kalidad sa ubasan. Ngunit sa araw din na iyon, katulad sa nakaraang dalawang taon, nakita niya na ito ay lahat dahon wala ni anong prutas. Kung kaya't tinawag niya ang tagapag-alaga ng ubas at nagsabi: “Sa loob ng tatlong taon ako ay naghahanap ng bunga sa puno ng igos na ito at wala akong makita bagkus mga dahon. Kitang-kita na ang puno ay nakatapos na sa pamumunga. Kung kaya't putulin ito. Walang silbi na ito ay naririto kumukuha ng espasyo at sinasayang ang ating panahon nang walang kinikita. Putulin ito, sunugin, linisin ang lupa ng mga ugat nito at maglagay ng isang bagong puno sa lugar nito. Sa loob ng kaunting mga taon mamumunga ito”. Ang tagapag-alaga, na matiyaga at mapagmahal, ay tumugon: “Tama kayo. Ngunit iwanan ito sa akin para sa isa pang taon. Hindi ko ito puputulin. Hindi, bagkus, huhukayan ko ang lupa nang mas maingat, lalagyan ko ito ng pataba at pupungusan. Baka mamunga itong muli. Kung pagkatapos ng huling subok na ito ang puno ay hindi mamunga, gagawin ko ang inyong kagustuhan at puputulin ko ito”. Ang Korazim ay ang puno na hindi namumunga. Ako ang Mabuting Magbubukid. Kayo ang walang-tiyaga na mayaman. Iwanan ito sa Mabuting Magbubukid.»

«Mabuti. Ngunit ang parabula ay hindi tapos. Ang puno ng igos ba ay namunga sa sumunod na taon?» tanong ng Zealot.

«Hindi ito namunga at ito ay pinutol. Ngunit napangatwiranan ang magbubukid sa pagputol ng isang punungkahoy na nagmumukhang bata at mayabong, sapagkat ginawa niya ang lahat ng kanyang katungkulan. Ibig Ko rin mapangatwiranan sa pagputol sa ibang mga tao sa pamamagitan ng palakol at sa pag-alis sa kanila mula sa Aking ubasan, kung saan may mga di-namumunga at nakalalason na mga tanim, mga pugad ng ahas, mga naninipsip ng katas, mga parasito o mga lason na sumisira o nanunugat sa kanilang kapwa mga disipulo, o sila ay pumapasok nang gumagapang sa pamamagitan ng kanilang masasamang ugat upang magpakarami, nang hindi tinatawag sa Aking ubasan, kung saan sila ay nagrerebelde na mapahugpong, dahil sila ay pumasok lamang upang mag-espiya, manira at gawing baog ang Aking bukid. Puputulin Ko sila pagkatapos na masubukan ang lahat na mapanampalataya sila. Pansamantala, sa halip ng palakol, ginagamit Ko ang panggupit at ang pampungos, at binabawasan Ko ang mga sanga at naghuhugpong... O! Ito ay magiging mahirap na trabaho. Kapwa para sa Akin na siyang gumagawa nito at para sa dumaranas ng pagsasaayos. Ngunit ito ay kailangan na gawin. Upang sa Langit maaari nilang sabihin: “Ginawa Niya ang lahat, ngunit habang mas nagpupungos Siya, naghuhugpong, nagbubunggkal at naglalagay ng pataba, pinagpapawisan, lumuluha, at dumurugo habang nagtatrabaho, mas nagiging baog at masama sila... Naririyan ang nayon. Mauna na, lahat kayo at maghanap ng matutuluyan. Ikaw, Judas ng Kerioth, manatili rito sa Akin.»

Sila ay nananatiling nag-iisa at sa loob ng agaw-liwanag sila ay nagpapatuloy nang magkalapit, sa loob ng lubos na katahimikan.

Sa wakas si Jesus ay nagsabi, na tila nagsasalita Siya sa Kanyang sarili: «datapwa't, kahit na kung nawala sa atin ang pabor ng Diyos sa paglabag sa Kanyang Batas, laging maaari tayong maging kung ano tayo dati, sa pamamagitan ng pagtalikod sa kasalanan...»

Si Judas ay hindi tumutugon.

Si Jesus ay nagpapatuloy: «At kung naiintindihan ng isa na hindi posible na magkaroon ng kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring nasa kung saan naroroon si Satanas, madaling maremedyuhan ito ng isa, sa paggusto sa kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos kaysa sa mga mithiin ng ating pagmamalaki.»

Si Judas ay tahimik.

Sa ngayon narating na nila ang unang bahay ng nayon at si Jesus, nagsasalita pa rin sa Kanyang sarili, ay nagsabi: «At ang isipin na Ako ay gumawa ng mahigpit na penitensiya na sana ayusin niya ang kanyang mga pamamaraan at bumalik sa kanyang Ama...»

Si Judas ay napakilos, itinaas ang kanyang ulo, tinitingnan Siya... ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano.

Si Jesus ay tinitingnan din siya... at pagkatapos Siya ay nagtanong: «Judas, kanino Ako nagsasalita?»

«Sa akin, Guro. Ito ay dahil sa Inyo na ako ay wala nang kapangyarihan. Inalis Ninyo ito sa akin upang madagdagan ang kay Juan, kay Simon, kay Santiago, ang sa lahat, maliban sa akin. Hindi Ninyo ako minamahal, iyan ‘yan! At magtatapos ako sa hindi sa Inyo pagmamahal at sa panunumpa sa oras kung kailan minahal ko Kayo at sinira ko ang aking sarili sa mga mata ng mundo para sa isang duwag na hari, na natatalo kahit na ng karaniwang mga tao. Hindi ko ito inaasahan sa Inyo!

«Ni Ako sa iyo. Ngunit hindi kita kailanman niloko. At hindi kita kailanman pinilit. Kung kaya't bakit ka nananatili sa Akin?»

«Sapagkat minamahal ko Kayo. Hindi ako makakahiwalay sa Inyo. Naaakit Ninyo ako at iniinis Ninyo ako. Minimithi ko Kayo nang labis katulad ng pagmithi ko sa hangin upang makahinga at... tinatakot Ninyo ako. Ah! Ako ay isinumpa! Ako ay napahamak! Bakit hindi Ninyo palayasin ang dimonyo sa akin, dahil magagawa Ninyo?» ang mukha ni Judas ay nangingitim at balisa, kamukha niya ang isang baliw puno ng poot at takot... Nagpapaalaala siya sa akin, bagama't kaunti lamang, ng tungkol sa maladimonyong maskara ni Judas noong Biyernes Santo.

At ang mukha ni Jesus ay nagpapaalaala sa akin ng tungkol sa ipinahampas na Nazareno, Na nakaupo sa nakataob na taóng sa bakuran ng Praetorium, ay tinitingnan ang Kanyang mga manunuya nang lahat ng Kanyang mapagmahal na habag. Sinabi Niya, at ang isang hikbi ay lumalabas na sa Kanyang tinig: «Sapagkat walang pagsisisi sa loob mo, bagkus kapootan lamang laban sa Diyos, na tila Siya ang may kagagawan ng iyong kasalanan.»

Si Judas ay bumigkas ng isang nakapangingilabot na sumpa sa pagitan ng kanyang mga ngipin...

«Guro, nakakita na kami ng mga matutuluyan. May lugar para sa lima sa isang lugar, para sa tatlo sa isa pa, para sa dalawa sa pangatlong lugar at pagkatapos dalawang lugar ang makakukuha ng isa bawat isa. Hindi kami makatagpo ng mas maganda pa» sabi ng mga disipulo.

«Sige. Sasama Ako kay Judas ng Kerioth» sabi ni Jesus.

«Hindi. Mas gusto kong ako'y nag-iisa. Hindi Kayo makapagpapahinga...»

«Ayon sa ibig mo... Sasama Ako kay Bartolomeo. Magagawa ninyo ang ibig ninyo. Pansamantala pumunta tayo kung saan mas maraming lugar, upang sana lahat tayo ay makakain nang magkakasama.»

230512

 

 


Sunod na kabanata