34. Ang Adorasyon ng mga Mago.

Pebrero 28, 1944.

¹Ang tinig na nasa loob ko ay pinaalalahanan ako:    

«Tawagin mo ang mga kontemplasyon na tatanggapin mo nang ganito: “Ang Ebanghelyo ng Pananampalataya”, sapagkat lilinawin nito para sa iyo at para sa ibang mga tao ang kapangyarihan ng pananampalataya at ng mga bunga nito at pagtitibayin ka sa iyong pananampalataya sa Diyos.»

²Nakikita ko ang Bethlehem, mukhang maliit at maputi, nagmumukhang katulad ng isang inakáy ng manok sa ilalim ng mga bituin. Dalawang pinaka-kalsada ang humahati sa bayan nang pa-krus: ang isa ay nanggagaling mula sa kabila ng bayan, at ito ang pangunahing daan na nagpapatuloy hanggang sa kabila, ang isa pa ay tinatawid ang bayan, pa-iskuwala sa pangunahing-daan sinasakop ang tigkabila ng bayan, ngunit hindi na lumalayo pa. Maraming ibang maliliit na daan na humahati sa bayan sa maraming mga bahagi, na hindi nakakatulad ng pagpaplano natin ngayon ng mga daan. Ang mga kalsada ay bagay sa lupa, na lahat may grado, at sa iba't ibang bahay na itinayo dito at doon, ayon sa kalagayan ng lupa at sa kapritso ng nagpapatayò. Ang  ilang bahay ay patungo sa kanan, ang iba pakaliwa, ang ilan sa isang sulok na pinaiikutan ng daan, na dahil dito ang daan ay nagiging katulad ng isang ribon paikut-ikot sa halip na tuwid mula sa isang dulo patungo sa isa pa. Paminsan-minsan ay may maliit na liwasan na nagagamit para sa palengke, o para sa isang pontanya, o dahil sa kakulangan ng plano, naiiwang nakatiwangwang na walang nakatayong bahay, dahil ang lupa ay sobrang nakatagilid.

Ang lugar na tila siyang kinaroroonan ko, ay lumalabas na eksaktong ang isa sa mga nakatiwangwang na maliliit na liwasan (o plasa). Ito ay kailangan na kudrado, o rektanggulo man lamang. Sa halip ito ay kakaibang-kakaibang klase ng triyanggulo na may punggok na sulok. Sa pinakamahabang tabi, ang paanan ng triyanggulo, ay may mababang malapad na gusali, ang pinakamalapad sa nayon. Sa labas ng gusali, ang pader ay makinis na may dalawang pintuan lamang, na sa kasalukuyan ay sarado. Sa loob sa halip, sa isang malaking panloob na liwasan, ang gusali ay maraming bintana sa unang palapag; sa ibaba, sa halip, ay may mga arkada nakapaligid sa mga yarda na may mga dayami at eskombro, na may mga painuman para sa mga kabayo at para sa iba pang mga hayop. Nakakabit sa mga haligi, ay ang mga bakal na singsing kung saan itinatali ang mga hayop, at sa isang tabi ay may panilungan na matutuluyan ng mga kawan at mga sasakyang hayop. Sa aking pakiramdam ito ay ang otel ng Bethlehem.

Sa dalawa pang magkasing-habang tabi ay may ilang mga bahay, ang iba malalaki, ang iba maliliit, ang ilan may maliliit na lootan, ang iba wala, sapagkat ang ilan sa kanila ay nakaharap sa liwasan, sa ibang mga kaso, ang bahay ay nasa likuran ng bahay na nakaharap sa liwasan. Sa isang natitirang maikling tabi, nakaharap sa otel, ay may isang maliit na bahay lamang, na may hagdanan sa labas, mula sa unang palapag patungo sa mga silid ng bahay. Ang lahat na silid ay sarado dahil gabi ngayon. Walang tao sa mga kalsada, dahil malalim na ang gabi.

³Napupuna ko na ang liwanag ng gabi ay lumalakas, ito ay nanggagaling mula sa3 kings kalangitan na nagsisiksikan sa mga bituin, na napakagandang tingnan sa silangang bahagi ng langit: sila ay napakaningning at malalaki at tila napakalapit na posible itong abutin at hipuin, animo’y mga bulaklak na nagkikislapan sa tersiyopelo ng kisame ng Langit.  Tinaas ko ang aking mata upang tingnan ang pinanggagalingan ng lumalakas na liwanag. Ang isang bituin na pambihira ang laki upang ang buwan ay tila mas maliit kompara rito, ay papalapit sa kalangitan ng Bethlehem. At tila ang lahat na bagay ay nagbibigay-daan dito, katulad ng ginagawa ng mga tagapaglingkod upang paraanin ang isang reyna: ang liwanag nito ay natatalo ang lahat. Mula sa kabilugan nito, na nagmumukhang isang dambuhalang maputlang sapiro na may liwanag na nagmumula sa araw na nasa loob nito mismo, isang buntot ng liwanag ang nakasunod kung saan olandesang mga topaz, mga berdeng esmeralda, mga kumikislap-kislap na mga opalo, mga dugong-kapulahan na mga kislap ng rubi at malulumanay na kislap ng amatista ang humahalo sa nangingibabaw na maputlang sapiro. Ang lahat na mga batong-hiyas sa lupa ay nasa buntot ng liwanag na dumaraan sa kalangitan na may mabilis at umaalun-alon na kilos na tila ito ay buháy. Ngunit ang nangingibabaw na kulay ay ang nanggagaling sa espera ng bituin: maka-langit na kulay na maputlang sapiro na bumababa at ginagawa nitong magmukhang asul na plata ang mga bahay, ang mga kalsada, ang lupa ng Bethlehem, ang kuna ng Tagapagligtas. Ito ay hindi na ang dukhang bayan, na ayon sa ating pamantayan ay mas maliit pa kaysa sa isang nayong pangkabukiran. Ito ay isang pantastikong bayan ng isang mahiwagang kuwento, lahat gawa sa plata. Pati na rin ang mga tubig ng mga pontanya at ang mga lalagyang-tubig ay gawa sa likidong diyamante. 

At nang may mas maningning na sinag ng liwanag ang bituin ay tumigil sa ibabaw ng maliit na bahay na nasa pinakamakipot na tabi ng plasa. Ni ang mga taong mga nakatira rito, o kaya ang mga mamamayan ng Bethlehem ay hindi ito nakikita, sapagkat lahat sila ay natutulog sa kanilang mga nakasarang mga bahay, ngunit ang tala ay binibilisan ang nagniningning na mga pintig nito at ang buntot na liwanag ay pumipintig at nanginginig nang pabilis pa nang pabilis gumagawa ng kalahating siklo sa kalangitan. At ang kalangitan ay nagliliwanag dahil sa mga bituin na nahihila ng buntot, isang lambat na puno ng mamahaling batong-hiyas na nagniningning at nagkukulay sa iba pang bituin ng pinakamayuming mga kulay, na tila pina-aabot ang kani-kanilang sariling lugod sa isa’t isa.

Ang maliit na bahay ay nagbago ang anyo sa pamamagitan ng likidong apoy ng mga hiyas na bato. Ang bubungan ng maliit na terasa, ang maitim na batong mga baytang, ang maliit na pintuan, ay katulad ng mga bloke ng purong plata na winisikan ng diyamante at ng alikabok na perlas. Walang maharlikang palasyo sa lupa ang nagkaroon o kaya magkakaroon ng isang hagdanan na katulad nito, ginawa upang gamitin ng mga anghel at ng isang Ina na siyang ang Ina ng Diyos. Ang maliliit na paa ng Imakuladang Birhen ay makayayapak sa maputing karilagang ito, maliliit na paa na nakadestinong mamahinga sa mga baytang ng Trono ng Diyos.

Ngunit ang Birhen ay hindi nag-aalam. Siya ay gising malapit sa kuna ng Kanyang Anak at nananalangin. May mga kaningningan sa loob ng Kanyang kaluluwa na natatalo ang kaningningan na ginagamit ng tala upang maadornohan ang mga materyal na bagay.

⁴Mula sa pangunahing daan ang isang kabalgata ay papalapit. Ang guwarnisadong mga kabayo ay pinasusunod ng kamay, ang mga dromedaryo at mga kamelyo ay may mga sakay o kargado ng bagahe. Ang mga paa nito ay gumagawa ng tunog ng tubig na umaagaas at sumasalpok sa mga bato ng isang ilog. Nang marating ng kabalgata ang plasa, lahat sila ay tumigil. Naliliwanagan ng tala, ito ay isang pantasya ng karilagan. Ang mga guwarnisyon ng pinakamayamang sasakyang-hayop, ang mga damit ng mga nakasakay, ang kanilang mga mukha, ang kanilang mga bagahe, lahat ay kumikinang, at ang sinag ng tala ay dinadagdagan ang kaningningan ng mga metal, mga balat, mga seda, mga hiyas-na-bato, mga balabal. Ang mga mata ay nagniningning at ang mga bunganga nakangiti sapagkat isa pang kaningningan ang nagniningning sa kanilang mga puso: ang kaningningan ng isang sobrenatural na lugod.

Habang ang mga katulong ay lumalapit sa otel may kasamang mga hayop, tatlong miyembro ng karabana ang bumaba mula sa kanilang sinasakyang mga hayop, na kaagad namang kinuha ng mga katulong pagkatapos, at sila ay naglakad patungo sa maliit na bahay. At sila ay nagpatirapa, nakadikit ang kanilang mga noo sa lupa, upang halikan ang lupa. Sila ay tatlong personahe ng kapangyarihan na hindi maitatago gawa ng kanilang napakayamang mga kasuutan. Ang isa sa kanila, napakaitim ang balat, na bumaba mula sa isang kamelyo, ay nababalot ang sarili ng isang sciamma¹ gawa sa purong makináng na seda, na binigkisan sa kanyang baywang ng isang mamahaling paha, mula kung saan nakabitin ang isang punyal o kaya espada na may kaluban na may mga tampok na batong-hiyas. Ang dalawa pa, na kapwa bumaba mula sa dalawang maringal na mga kabayo, ang isa nakasuot ng magandang may raya-rayang kapa, na ang nangingibabaw na kulay ay dilaw, kinorteng katulad ng mahabang mga domino may saklob sa ulo at kordon, na nagmumukhang isang piraso ng gintong piligrina dahil sa napakayamang gintong burda nito. Ang ikatlo ay nakasuot ng sedang kamisadentro na lumalabas mula sa mahabang maluwang na pantalon, makipot sa mga bukung-bukong. Siya ay nakabalot sa napaka-pinong balabal na nakakatulad ang isang mabulaklak na hardin, napaka-tingkad ng mga bulaklak na nag-aadorno rito. Ang kanyang ulo ay may turban na nahahawakan ng isang maliit na kadenang balót ng mga tampok ng diyamante.

Pagkatapos na pagpitaganan ang bahay kung saan naroroon ang Tagapagligtas, sila ay tumayo at naglakad patungo sa otel, na ang pintuan nito ay napabuksan na ng mga katulong.

At ang bisyon ay natapos dito. Ito ay nagsimula muli mga tatlong oras ang nakaraan, ⁵sa tagpo kung saan ang mga Mago ay sumasamba kay Jesus.

Ngayon ay umaga na. Ang araw ay sumisikat sa kahapunan ng kalangitan. Ang isa sa mga katulong ng tatlong Mago ay tinatawid ang plasa at inakyat ang hagdanan ng maliit na bahay. Siya ay pumasok. Siya ay lumabas at bumalik sa otel.

Ang tatlong Mago ay lumabas, ang bawat isa sinusundan ng kanyang katulong. Tinawid ang plasa. Ang karaniwan na nagdaraang mga tao ay napapalingon upang tingnan ang maharlikang mga personahe na naglalakad nang solemne at dahan-dahan. Isang ganap na ka-apat ng isang oras ang nakaraan pagkatapos na makalabas ang mga lingkod at kung gayon ang mga nakatira sa maliit na bahay ay nagkaroon ng panahon na makapaghanda upang tanggapin ang mga panauhin.

Ang mga Mago ay mas mayaman ang kasuutan ngayon kaysa noong gabing nakaraan. Ang kanilang mga suot na seda ay nagniningning, ang mga batong-hiyas kumikislap, ang isang malaking kumpol ng mamahaling balahibo, na natatakpan ng mas mamahalin pang maliliit na bagay, ay nanginginig at sumisinag mula sa noo ng isang Mago na may turban.

Ang isa sa mga katulong ay may dalang maylabor na kaban, ang lahat na nagpapatibay na metal ay iniukit na ginto; ang isang katulong ay hawak ang magandang hinulmang kalis na natatakpan sa ibabaw ng purong gintong takip na mas makinis pa ang pagkakakiskis; ang ikatlong katulong ay may dalang katulad ng malapad na mababang amphora, sa ginto rin, na ang takip nito ay pinormang kahawig ng piramide na sa tuktok ay may diyamante. Ang mga regalo ay tila mabibigat, sapagkat medyo nahihirapan ang mga katulong na nagdadala nito, lalo na ang may dala ng kaban.

Ang mga Mago ay inakyat ang hagdan at pumasok. Pinasok nila ang silid na ang haba ay mula sa kalsada hanggang sa dulo ng bahay. Ang pangkusinang-hardin sa likuran ng bahay ay maaaring makita mula sa bintana na nakabukas sa araw. May mga pintuan sa ibang mga pader, at ang mga may-ari, ibig-sabihin ang lalaki at ang babae kasama ang ilang mga bata at mas maliliit pang iba ay patagóng sumusulyap sa mga panauhin.

⁶Si Maria ay nakaupo na, ang Bata nasa Kanyang lapi at si Jose ay nakatayo malapit sa Kanya. Ngunit Siya rin ay tumayo at yumuko nang makita Niya na pumapasok ang mga Mago. Si Maria ay puti lahat ang damit. Siya ay maganda sa Kanyang lisong puting damit na nagtatakip sa Kanya mula leeg hanggang paa, mula sa Kanyang mga balikat hanggang sa Kanyang mga pupulsuhan. Siya ay napakaganda sa Kanyang ulo na nakokoronahan ng Kanyang olandesang buhok na nakatirintas, ang Kanyang mukha mas mala-rosas para sa okasyon, kasama ang Kanyang mga matang ngumingiti nang napakatamis habang ang Kanyang mga labì ay binibigkas ang mga pagbati: «Sumainyo nawa ang Diyos», na ang tatlong Mago ay natigilan nang sandali, ganap na namangha. Pagkatapos sila ay nagpatuloy at nagpatirapa sa paanan ni Maria. At hiningi nila na si Maria ay maupo.

Sila ay hindi naupo, bagama't sinasabi ni Maria na sila ay maaaring makaupo. Sila ay nanatiling nakaluhod, nakasandal sa pamamagitan ng kanilang mga sakong. Sa likuran nila, na mga nakaluhod din, ay ang tatlong katulong. Sila ay nasa may-pintuan lamang. Nailagay na nila ang tatlong regalong dala nila sa harapan ng mga Mago, at ngayon sila ay naghihintay ng utos.

Ang tatlong Mago ay pinagninilay-nilayan ang Bata, Na sa palagay ko ay mga siyam na3 kings visit buwan hanggang isang taon ang gulang, Siya ay napakasigla at malakas. Siya ay nakaupo sa lapi ng Kanyang Ina at ngumingiti at nag-iingay sa matinis na tinig ng isang maliit na ibon. Siya ay nakadamit na pulos puti katulad ng Kanyang Ina, may maliliit na sandalyas sa Kanyang maliliit na paa. Simpleng-simple ang Kanyang damit: isang maliit na tunika, mula kung saan ang kanyang maliliit na paa ay umuusli, at ang Kanyang bilugan na maliliit na kamay na ibig hawakan ang lahat, at higit sa lahat, ang napakagandang maliit na mukha kung saan dalawang asul na mata ang nagniningning, at isang marikit na bunganga na may mga biloy sa tabi pinakikita ang unang munting mga ngipin kapag Siya ay ngumingiti. Ang Kanyang maririkit na mga kulot na buhok ay napakaningning at napakalambot na tila ito ay mga gintong alikabok.

⁷Ang pinakamatanda sa mga Mago ang nagsasalita sa ngalan ng lahat sa kanila. Ipinaliliwanag niya kay Maria na isang gabi nang nakaraang Disyembre, nakakita sila ng bagong tala na may pambihirang ningning na lumabas sa kalangitan. Ang mga mapa ng mga bituin ay hindi nagpapakita ng ganoong tala. Ang pangalan nito ay hindi kilala sapagkat ito ay walang pangalan. Pinanganak mula sa sinapupunan ng Diyos, ito ay lumaki upang sabihin sa mga tao ang isang banal na katotohanan, isang lihim ng Diyos. Ngunit ang mga tao ay hindi ito binigyan ng pansin, sapagkat ang kanilang mga kaluluwa ay naninigas sa putik. Hindi sila nagtaas ng mata sa Diyos ni hindi nila binasa ang mga salita na Kanyang isinusulat sa pamamagitan ng mga bituin ng apoy sa kisame ng Langit. Pagpalain nawa Siya magpakailanman.

Nakita nila ito at nagsikap sila nang husto na maintindihan ang ibig-sabihin nito. Sila ay masaya na kalimutan ang kaunting tulog na madalas nilang ipinagkakaloob sa kanilang mga sarili at kalimutan pati na ang kanilang pagkain, ganap na iniuukol ang mga sarili sa pagsasaliksik tungkol sa sodyako, at ang tungkol sa pagtatagpu-tagpo ng mga bituin, ng oras, ng panahon, ang kalkulasyon sa mga oras na dumaan at ang mga astronomikal na kombinasyon ang nagsabi sa kanila ng pangalan at ng lihim ng tala. Ang pangalan nito: «Mesiyas», ang lihim nito: «Ang Mesiyas ay dumating na sa mundo». At sila ay naglakbay upang sambahin Siya. Ang bawat isa sa kanila ay hindi magkakakilala. Sa ibabaw ng mga bulubundukin, tinatawid ang mga disyerto, binabaybay ang mga lambak at mga ilog, naglalakbay sa gabi narating nila ang daan patungong Palestina, sapagkat ang tala ay gumagalaw patungo sa direksiyon na iyon. Para sa bawat isa sa kanila, nanggagaling sa tatlong iba’t ibang lugar sa lupa, ang tala ay patungo sa direksiyong iyon, at sila ay nagkita-kita sa ibayo ng Dead Sea. Ang kalooban ng Diyos ay pinagtagpo sila roon, at mula roon sila ay magkakasamang naglakbay, nagkaka-intindihan, bagama't ang bawat isa ay may kanyang sariling wika, sa pamamagitan ng isang himala ng Eternal na Ama nangyaring sila ay magkaintindihan habang nagsasalita sa wika ng kanyang sariling bansa.

Sila ay magkakasamang nagtungo sa Herusalem, sapagkat ang Mesiyas ay ang magiging Hari ng Herusalem, ang Hari ng mga Hudyo. Subalit sa itaas ng siyudad na iyon, ang tala ay itinago ang sarili at naramdaman nilang nadudurog ang kanilang mga puso at sinuri nila ang kanilang mga sarili upang alamin kung nabigo silang marapatin ang Diyos. Ngunit nang ang kanilang mga konsiyensya ay tiniyak muli ito sa kanila, sila ay lumapit kay haring Herodes upang magtanong kung saang palasyo ipanganganak ang Hari ng mga Hudyo sapagkat sila ay naparoon upang sambahin Siya. At ang hari ay pinulong ang punong mga pari at mga eskriba at tinanong sila kung saan maaaring ipanganak ang Mesiyas. At sila ay tumugon: «Sa Bethlehem, sa Judah.»

At sila ay nagpatungong Bethlehem at kaagad nang sila’y makaalis sa Banal na Siyudad, ang tala ay nagpakitang muli sa kanila, at noong gabi bago sila makarating sa Bethlehem ang ningning nito ay lumakas; ang buong kalangitan ay umaapoy. Pagkatapos ang tala ay tumigil sa itaas ng bahay na ito sinasalikop ang lahat na liwanag ng iba pang mga bituin sa sinag nito. At naintindihan nila na ang Dibinong Bata ay naririto. At ngayon Siya ay kanila nang sinasamba, inaalay ang kanilang mga regalo, at higit sa lahat, ang kanilang mga puso, nang walang-tigil na pagpapasalamat sa Diyos para sa grasyang ipinagkaloob sa kanila; ni kailanman sila ay hindi titigil sa pagmahal sa Kanyang Anak Na ang banal na katawan ay kanila nang nakita. Pagkatapos binalak nilang bumalik kay haring Herodes, sapagkat ibig din ng hari na sambahin Siya.

⁸Pansamantala, naririto ang ginto na ang nababagay na mag-ari ay isang hari, naririto ang insenso na nababagay sa isang Diyos, at naririto, Ina, naririto ang mira sapagkat ang Inyong Anak ay isang Tao bukod sa Diyos at dadanasin Niya ang kapaitan ng laman at ang pantaong pamumuhay pati na rin ang di-maiiwasang kamatayan. Ang aming kaluluwa, puno katulad ngayon ng pagmamahal, ay mas gugustuhin na hindi na banggitin ang mga salitang iyan at mas gugustuhin pa namin na isipin na ang Kanyang laman ay eternal din katulad ng Kanyang Espiritu. Ngunit, Babae, kung ang aming mga isinulat at higit sa lahat ang aming mga kaluluwa ay tama, Siya ay Inyong Anak, ang Tagapagligtas, ang Kristo ng Diyos at kung gayon ang magliligtas sa mundo, na ang isa sa mga kaparusahan ay ang kamatayan. Ang mira na ito ay para sa oras na iyon. Na ang Kanyang banal na laman ay hindi sana mapangibabawan ng pagka-sira ng pagkabulok, bagkus mapanatili nito ang integridad ng katawan hanggang sa resureksiyon nito. At dahil sa regalong ito, nawang maalaala Niya kami at iligtas ang Kanyang mga lingkod sa pagpapahintulot Niyang makapasok sila sa Kanyang kaharian. Sa pansamantala upang kami ay mapabanal, maaari ba, Ina, na ipagkatiwala Ninyo ang Inyong Maliit na Sanggol sa aming pagmamahal. Upang ang Kanyang makalangit na pagpapalà ay bumaba nawa sa amin, habang hinahalikan namin ang Kanyang mga paa.»

⁹Si Maria, Na napangibabawan ang takot gawa ng mga salita ng Mago, at naitatago Niya ito sa pamamagitan ng isang ngiti ng kalungkutan ng kalungkut-lungkot na pagpapahiwatig, ay iniabot ang Bata. Ibinaba Niya Siya sa mga bisig ng pinakamatandang Mago, na hinahalikan ang batang Jesus at tinatanggap ang Kanyang haplos, at pagkatapos iniabot niya Siya sa dalawa pang kasama.

Si Jesus ay ngumingiti at nilalaro ang maliit na mga kadena at mga palawit ng mga kapa ng tatlong Mago at mausisang tinitingnan ang nakabukas na kaban, puno ng mga madilaw na nagkikislapan na laman nito, at nginingitian ang bahagharing napoporma ng araw na sumisinag sa maningning na tuktok ng takip ng mira.

Pagkaraan iniabot nilang muli ang Bata kay Maria at sila ay tumayo. Si Maria din ay tumayo. Sila ay yumuko ng paggalang sa isa’t isa, pagkatapos na maibigay ng pinakabata ang utos sa katulong, na lumabas naman. Ang tatlong Mago ay nagpapatuloy sa pag-uusap sa loob ng ilang sandali. Hindi sila makapagpasya ng pag-alis sa bahay. Ang mga luha ay nagniningning sa kanilang mga mata. Sa wakas sila ay kumilos patungo sa pintuan, sinasamahan nina Maria at Jose.

Ang Bata ay ibig na magpabitang  at ibigay ang Kanyang kamay sa pinakamatanda sa tatlo, at Siya ay lumakad nang gayon, hawak sa Kanyang kamay ni Maria at ng Mago, ang kapwa sa kanila yumuyuko upang mapa-ayos ang paglakad ng Bata. Si Jesus ay naglalakad na may pagdadalawang-isip ang hakbang, katulad ng lahat na mga bata, at Siya ay tumatawa isinisipa ang Kanyang maliliit na paa sa hilera ng sinag ng araw sa sahig.

Nang marating nila ang dulo – hindi dapat makalimutan na ang silid ay kasing haba ng bahay – ang mga Mago ay nagpapaalam nakaluhod muli, hinahalikan ang mga paa ni Jesus. Si Maria, niyuyukuan ang Bata, ay kinuha ang kamay ni Jesus at ginagabayan ito, sa pagpapalà sa ulo ng bawat Mago. Ito ay isa nang antanda ng krus, na sinusundan ng maliliit na daliri ni Jesus, ginagabayan ni Maria.

Ang tatlong Mago ay bumaba sa hagdanan. Ang karabana ay nakahanda na sa ibaba naghihintay sa kanila. Ang mga sapatos ng kabayo ay nagkikislapan sa sinag ng araw. Ang mga tao ay nagka-ipun-ipon sa maliit na plasa pinapanood ang di-pangkaraniwan na tanawin.

Si Jesus ay tumatawa magkadikit ang Kanyang mga palad. Ang Kanyang Ina ay itinaas Siya sa malapad na parapet ng landing at hinahawakan Siya nakadikit sa Kanyang dibdib sa pamamagitan ng isang kamay upang hindi Siya mahulog. Si Jose ay nakababa nang kasama ang mga Mago at hinahawakan ang renda ng bawat isa sa kanila habang sila ay sumasakay sa kanilang mga kabayo at kamelyo.

Mga katulong at mga panginoon  ay lahat nakasakay na sa kanila nang mga sasakyang hayop. Ang utos ng pagsisimula ng paglalakbay ay ibinigay na. Ang tatlong Mago ay yumuko na kasing baba ng mga leeg ng kanilang sinasakyang hayop sa isang panghuling pagpapaalam at pagpapalà.

                                                                                                ---

jesus sinab 

¹⁰Sinasabi ni Jesus:

«At ngayon ano ang sasabihin Ko sa inyo, o mga kaluluwa na nag-aakalang ang inyong pananampalataya ay namamatay? Ang mga Magong iyon mula sa silangan ay wala ni anuman na makapagtitiyak sa kanila tungkol sa katotohanan. Walang sobrenatural. Ang tanging mayroon sila ay ang astronomikal na kalkulasyon at ang kanilang pag-iisip na naging perpekto sa pamamagitan ng mahigpit na matapat na pamumuhay. At mayroon silang pananampalataya. Pananampalataya sa lahat: sa siyensiya, sa kanilang konsiyensya, sa kabutihan ng Diyos.

Ang siyensiya ay nagawa silang maniwala sa tanda ng bagong bituin, na ito ay walang iba bagkus “ang iyon” na hinihintay ng sangkatauhan sa loob ng napakaraming siglo: ang Mesiyas. Dahil sa kanilang mga konsiyensya, nagkaroon sila ng pananampalataya sa mga tinig ng kanilang mga konsiyensya, na nakarinig ng makalangit na “mga tinig” nagsasabi sa kanila: “Iyan ang bituin na nagbabalita ng pagdating ng Mesiyas”. Dahil sa kabutihan ng Diyos, sila ay naniwala na ang Diyos ay hindi sila lilinlangin, at sa dahilan na ang kanilang mga intensiyon ay matapat, tutulungan Niya sila sa bawat paraan upang marating ang kanilang sinasadya.

At sila ay nagtagumpay. Sa lahat na mga tao na nagsasaliksik tungkol sa mga tanda, tanging sila lamang ang nakaintindi sa tandang iyon sapagkat ang kanilang mga kaluluwa lamang ang nananabik na malaman ang salita ng Diyos para sa matapat na pakay, na ang pangunahing pagmamagandang-loob nito ay ang mapapurihan at maparangalan kaagad ang Diyos.

¹¹Hindi sila naghangad ng anumang pampersonal na kalamangan. Sa kabaligtaran, kailangan nilang harapin ang mga pagpapakahirap at paggasta ng pera ngunit hindi sila nanghihingi ng anumang pantaong gantimpala. Tanging hinihingi lamang nila sa Diyos na sila ay maalaala at mailigtas para sa eternal na buhay.

At dahil hindi sila nanghihingi ng anumang pantaong gantimpala sa hinaharap, sila kung gayon ay walang pantaong mga alalahanin, nang sila ay nagpasya ng kanilang paglalakbay. Kayo ay maaaring nagkaroon ng daan-daan na problema: “papaano ko magagawa ang ganyang paglalakbay sa mga bansa at sa gitna ng mga tao na ang mga wika ay iba? Paniniwalaan kaya nila ako o kaya ipakukulong nila ako bilang espiya? Anong tulong ang ibibigay nila sa akin upang matawid ang mga disyerto, mga ilog at mga bundok? At ang init? At ang mga hangin ng matataas na lugar? At ang sakit na malarya sa mga patay na tubig ng mga latian? At ang baha at malakas na ulan? At ang iba’t ibang pagkain? At ang mag-kakaibang mga wika? At… at… at…” Ganyan kayo mangatwiran. Ngunit hindi sila nangatwiran nang ganyan. Sa pamamagitan ng sinsiro, banal na pangangahas sinasabi nila: “Kayo, o Diyos, ay nababasa ang aming mga puso at nakikita Ninyo ang pakay na aming sinasadya. Ipinagkakatiwala namin ang aming sarili sa Inyong mga kamay. Pagkalooban Ninyo kami ng sobrenatural na lugod na sambahin ang Inyong Pangalawang Persona, Na naging Laman upang iligtas ang mundo”.

Iyon lang. At sila ay nagsimulang maglakbay mula sa malayong Indies. Si Jesus pagkatapos ay sinabi sa akin na kapag sinasabi Niyang Indies, ang ibig Niyang sabihin ay ang meridional na Asya kung saan nakalugar ang Turkey, Afghanistan at Persia sa ating heograpiya. Mula sa kabit-kabit na bulubundukin ng Mongolia na siyang pinamumugaran ng mga agila at mga buwitre, mula kung saan ang Diyos ay nagsasalita nang may mga atungal ng mga hangin at ng mga ilog at nagsusulat ng mga salita ng misteryo sa malawak na pahina ng mga glasyer. Mula sa lupain kung saan ang Nilo ay tumataas at pagkatapos umaagos sa berdeng asul na tubig nito hanggang sa asul na puso ng Mediteraneo, ni ang mga bulubundukin, o kaya ang mga kakahuyan, o kaya ang mga buhangin, tuyong mga karagatan na mas piligroso kaysa sa mga dagat, ay hindi nakapagpigil sa kanila na magpatuloy. At ang tala ay sumisinag sa kanila sa gabi, napipigilan sila na matulog. Kapag ang hinahanap ng isa ay Diyos, ang natural na mga kinaugalian ay kailangan na magbigay-daan sa sobrenatural na mga konsiderasyon at mga pangangailangan.

Ang tala ay ginabayan sila mula sa hilaga, sa silangan at sa timog, at sa pamamagitan ng isang himala, ito ay nagpatuloy para sa kanilang tatlo patungo sa iisang lugar. At sa pamamagitan ng isa pang himala ng Diyos, pagkatapos ng napakaraming milya sila ay ginawang magpangita sa lugar na iyon at gawa pa rin ng dagdag na himala, pinangyari ang pina-agang Karunungan ng Pentekostes, iginawad sa kanila ang kaloob ng pagkaka-intindihan at nagawa ang bawat isa sa kanila na maintindihan ang isa’t isa, katulad sa ito ang siyang nangyayari sa Paraiso, kung saan iisang wika lamang ang winiwika: ang wika ng Diyos.

Sila ay pinanghinaan-ng-loob  nang isang sandali lamang, nang ang tala ay nawala sa paningin sa dahilan na ang naging maruruming tao sa Herusalem ay di-karapat-dapat na makita ang tala ng Diyos, at dahil sila ay mabababa ang kalooban, dahil sila ay tunay ngang dakila, hindi nila inisip na ito ay kagagawan ng kasamaan ng ibang tao. Bagkus inisip nila na sila ay nagkulang mismo na marapatin ang Diyos, at sinuri nila ang kanilang mga konsiyensya nang may pagkatakot at pagsisisi nakahandang humingi ng kapatawaran.

¹³Ngunit ang kanilang mga konsiyensya ay binigyan sila  ng muling-pagtitiyak. Ang kanilang kaluluwa ay nasanay na sa pagninilay-nilay at ang bawat isa sa kanila ay may pinaka-sensitibong konsiyensya, nahasà ng paulit-ulit na atensiyon, at ng matalas na pagsusuring papaloob, na nagagawa ang kanilang kalóoban na maging isang salamin kung saan kahit na ang pinakamaliit na pagkakamali sa araw-araw na paggalaw ay makikita. Ang kanilang konsiyensya ay naging kanilang tagapagturo, isang tinig na nagbababala at sumisigaw hindi tungkol sa pinakamaliit na pagkakamali, bagkus tungkol sa pinakamaliit na kiling tungo sa mga pagkakamali, sa lahat na pantaong bagay, sa ikakukontento ng sariling “kaakuhan”. Kung kaya’t, nang kanilang inilagay ang kanilang sarili sa harapan ng tagapagturong ito at sa mahigpit na salamin na ito, alam nila na ito ay hindi magsisinungaling. Tiniyak muli nito sa kanila at binigyan sila ng lakas ng loob. 

“O! Anong tamis na maramdaman na tayo ay walang anumang bagay na laban sa Diyos! Ang maramdaman na Siya ay may-kabaitan na nakatingin sa kaluluwa ng Kanyang matapat na anak at pinagpapalà siya.  Ang pananampalataya, pagtitiwala, pag-asa, lakas at pasyensiya ay pinalalaki ng ganyang pakiramdam. Ang bagyo ay nagngangalit ngayon lamang. Ngunit ito ay makakalampas, sapagkat ang Diyos ay mahal ako at nalalaman Niya na minamahal ko Siya, at hindi Siya makakalimot na tulungan akong muli”. Ganyan magsalita ang mga tumatamasa ng kapayapaan na nanggagaling sa isang matuwid na konsiyensya, na siyang ang reyna ng bawat pagkilos nila.

¹⁴Sinabi Ko “sila ay may-kababaang-loob sapagkat sila ay tunay ngang dakila.” Ano, sa halip, ang nangyayari sa inyong sariling mga buhay?  Diyan ang isang tao ay hindi kailanman nagiging mababa ang kalooban hindi dahil sa siya ay dakila, bagkus dahil siya ay mas mapangibabaw at ginagawa niya ang kanyang sarili na malakas sa pamamagitan ng kanyang arogansiya at ng inyong kahangalang idolatriya. May mga kaawa-awang tao na, sa simpleng dahilan lamang na sila ay ang mga utusan ng ilang mapangibabaw na tao, o kaya katu-katulong sa loob ng kung anong opisina, o kaya ng ilang mga opisyal sa kung anong maliit na villa, ibig-sabihin, mga alila ng nagpapatrabaho sa kanila, ay kumikilos na tila sila ay maliliit na diyos. At sila ay nakaka-awa!...

Ang tatlong Mago ay tunay na dakila. Una, dahil sa kanilang sobrenatural na mga birtud, ikalawa, dahil sa kanilang siyensiya, pánghuli dahil sa kanilang kayamanan. Subalit ang kanilang pakiramdam sila ay wala: alikabok sa alikabok ng lupa, kompara sa Kataastaasang Diyos, Na sa pamamagitan ng isang ngiti ay nalilikha ang mga daigdig at ikinakalat ang mga ito katulad ng mga butil ng trigo upang masiyahan ang mga mata ng mga anghel sa pamamagitan ng mga batong-hiyas ng mga bituin.

Ang kanilang pakiramdam sila ay bagkus wala kompara sa Kataastaasang Diyos Na naglikha sa planeta kung saan sila naninirahan at ginawa Niya ito na pinaka iba-iba. Isang Walang-Hangganang Eskultor ng walang-hangganang mga gawain, na sa pamamagitan ng diin ng Kanyang hinlalaki, nailagay Niya ang isang paikot na mga burol dito, ang butong istruktura ng mga tagaytay ng mga bundok at ng mga taluktok doon, katulad na magkaka-ugnay na mga buto ng lupa, ng napakalaking katawan na ito, na ang mga ugat ay ang mga ilog, ang mga lunas ang mga lawa, ang mga puso ang mga karagatan, ang mga damit ang mga kakahuyan, ang mga belo ang mga ulap, ang mga dekorasyon ang kristal na mga glasyer, ang mga hiyas ang mga turkesa at ang mga esmeralda, ang mga opalo at ang mga berilo ng lahat ng mga tubig na umaawit, kasama ang mga kakahuyan at ang mga hangin, ang dakilang koro ng pagpupuri sa kanilang Panginoon.

Ngunit ang kanilang pakiramdam sila ay wala tungkol sa kanilang karunungan kompara sa Kataastaasang Diyos, mula kung Kanino ang kanilang karunungan ay nanggaling at Siyang nagbigay sa kanila ng mas makapangyarihang mga mata kaysa sa basta’t dalawang balintatao na sa pamamagitan nito nakikita nila ang mga bagay-bagay: ang mga mata ng kanilang mga kaluluwa, na naka-aalam kung papaano basahin sa mga bagay-bagay ang salitang hindi sinulat ng mga kamay ng tao, bagkus inukit ng kaisipan ng Diyos.

At pakiramdam nila sila ay wala tungkol sa kanilang kayamanan: isang atoma kompara sa kayamanan ng May-ari ng Sansinukuban, Na nagkakalat ng mga metal at mga hiyas sa mga bituin at mga planeta at nagkakaloob ng di-nauubos na sobrenatural na kayamanan sa mga puso ng mga nagmamahal sa Kanya.

¹⁵At nang makarating sila sa harapan ng maralitang bahay, sa pinakamaralitang bayan ng Judah, hindi nila iniling ang kanilang mga ulo nagsasabing: “Imposible”, bagkus binaluktot nila ang kanilang mga likod, ang kanilang mga tuhod, at higit sa lahat ang kanilang mga puso at sila ay sumamba. Diyan, sa likuran ng maralitang pader na iyan, ay naririyan ang Diyos. Ang Diyos na lagi nilang pinananawagan, ngunit na ang tungkol Kanino hindi sila kailanman nagkaroon ng kahit kaunting pangitain na makita nila. At pinanawagan nila Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at para sa “kanilang” eternal na kapakanan. O! Iyon lamang ang kanilang tanging hinihiling. Ang makita Siya, makilala Siya, kamtin Siya sa buhay kung saan wala nang mga bukang-liwayway at mga takipsilim!

Siya ay naririyan, sa likuran ng maralitang pader na iyan. Ang Kanya kayang puso ng isang Sanggol, na isa pa ring puso ng Diyos, ay mararamdaman nito ang tatlong pusong iyon, na nakapátirapá sa alikabok ng kalsada ay sumisigaw: “Banal, Banal, Banal, Pagpalain ang Panginoong aming Diyos. Kaluwalhatian sa Kanya sa Kataastaasang Langit at kapayapaan sa Kanyang mga lingkod. Kaluwalhatian, kaluwalhatian, kaluwalhatian at mga pagpapalà.”?.  Sila ay nagtatanong na may nagmamahal na panginginig. At sa loob ng buong gabi at sa sumunod na umaga inihahanda nila ang kanilang mga kaluluwa sa pamamagitan ng pinakamainit na panalangin para sa pakikipag-kumunyon sa Sanggol-Diyos.

Sila ay hindi pumunta sa altar na iyon, ang lapi ng Birhen na siyang mayhawak sa Dibinong Ostiya, na ang kanilang mga kaluluwa puno ng pantaong mga alalahanin, katulad ng ginagawa ninyo. Kinalimutan nila ang kumain at matulog, at kung sinuot nila ang pinakamagandang mga kapa, ito ay hindi para sa pantaong pagmamarangya, bagkus upang parangalan ang Hari ng mga hari. Sa maharlikang mga palasyo, ang mga dignitaryo ay sinusuot ang pinakamagagandang damit. At ang mga Mago ba ay hindi kailangan na pumunta sa Haring iyon sa kanilang pinakamagagandang kasuutan? Anong mas maganda pang oportunidad ang naroon na, sa kanila?

O! Sa kanilang malayong mga bansa, maraming pagkakataon na kinailangan nilang adornohan ang kanilang sarili para sa mga táong katulad nila mismo. Upang tanggapin at parangalan sila. Makatarungan lamang, kung gayon, na ipatirapa nila ang mga purpura at mga hiyas, mga seda at mamahaling balahibo sa paanan ng Supremong Hari. Makatarungan lamang na ilagay sa Kanyang matamis na maliliit na paa ang mga hilatsa ng lupa, ang mga hiyas ng lupa, ang mga balahibo ng lupa, ang mga metal ng lupa – ang lahat na ito ay Kanyang gawa – upang ang lahat na ito ng lupa ay nawa sambahin ang kanilang Tagapaglikha. At sila ay magiging masaya kung ang Munting Bata ay uutusan silang humiga sa lupa at maging buháy na alpombra para sa Kanyang maliliit na hakbang ng Sanggol, at kung sila ay lakaran Niya, sa dahilan na iniwan Niya ang mga bituin upang bumaba sa kanila, na bagkus mga alikabok lamang.

¹⁶Sila ay mabababa-ang-kalooban, mapagbigay at masunurin sa “mga tinig” mula sa Itaas. Sinasabi nito sa kanila na magdala ng mga regalo sa Bagong-Panganak na Hari. At sila ay nagdala ng mga regalo. Hindi nila sinabi: “Siya ay mayaman at hindi Niya kakailanganin ang mga ito. Siya ay Diyos at hindi mamamatay”. Sila ay sumunod. At sila ang unang tumulong sa Tagapagligtas sa Kanyang karukhaan. Gaano kapaki-pakinabang ang gintong iyon para sa Kanya Na malapit nang maging isang tinutugis! Gaano kamakahulugan ang mira na iyon para sa Kanya Na malapit nang patayin! Gaano kabanal ang insensong iyon para sa Kanya Na kailangan na amuyin ang baho ng kahalayan ng tao na umiiral sa paligid ng Kanyang walang-hangganang kadalisayan!

¹⁷Sila ay mabababa ang kalooban, mapagbigay, masunurin at magalang sa isa’t isa. Ang mga birtud ay laging naglilikha ng iba pang mga birtud. Mula sa mga birtud na itinutuon sa Diyos, ay lumalabas ang mga birtud magpatungkol sa ating mga kapwa. Ang paggalang, na isang karidad. Ang pinakamatanda ay ang pinagkatiwalaan ng tungkulin na magsalita para sa kanilang lahat, siya ang unang tumanggap ng halik ng Tagapagligtas at nakahawak sa Kanyang maliliit na kamay. Ang iba ay makikita pa Siyang muli. Siya hindi na, sapagkat siya ay matanda na at ang araw para sa kanyang pagbalik sa Diyos ay hindi na nalalayo. Makikita niya ang Kristo pagkatapos ng Kanyang makabagbag-damdamin na kamatayan at susunod siya sa Kanya, kasama ang iba pang pinagpalang mga kaluluwa, sa Kanyang pagbabalik sa Langit. Ngunit hindi na niya Siya makikita sa mundong ito. Harinawang, kung gayon, ang init ng Kanyang maliit na kamay na ipinagkatiwala sa kanyang kulubot na kamay, ay maging ang biyatiko para sa kanya.

Walang inggit sa loob ng kanyang mga kasamahan. Sa kabaligtaran, ang kanilang pagpitagan sa matandang Marunong na Tao ay lumalaki. Tiyak na karapat-dapat siya nang higit pa sa kanila, at para sa mas matagal na pagkakataon. Ang Diyos-Sanggol ay alam ito. Ang Salita ng Ama ay hindi pa nagsasalita, ngunit ang bawat pagkilos Niya ay isang salita. At harinawang pagpalain ang Kanyang inosenteng salita, sapagkat itinalaga nito na siya ang Kanyang paborito.

¹⁸Ngunit, Aking mga anak, may dalawa pang aral sa bisyon na ito.

Ang asal ni Jose na naka-aalam kung papaano panatilihin ang “kanyang” lugar. Siya ay naroroon bilang tagapag-alaga ng Kadalisayan at Kabanalan. Ngunit hindi bilang ang mangangamkam ng kanilang mga karapatan. Si Maria kasama si Jesus ang tumatanggap ng parangal at mga salita. Si Jose ay nagbubunyi dahil kay Maria at hindi siya nagdaramdam dahil  pangalawang personahe lamang siya. Si Jose ay isang makatarungan na tao: siya ang makatarungan na tao. At siya ay laging makatarungan. Sa sandali rin na ito. Ang mga singaw ng kapistahan ay hindi pumapasok sa kanyang ulo. Nananatili siyang mababa ang kalooban at makatarungan.

Siya ay masaya para sa mga regalo. Hindi para sa kanyang sarili, bagkus dahil iniisip niya na sa pamamagitan ng mga ito mas mapagiginhawahan niya ang pamumuhay ng kanyang Esposa at ng magandang Bata. Walang kasakiman kay Jose. Siya ay isang manggagawa at magpapatuloy sa pagtatrabaho. Ngunit nananabik siya na “Sila”, ang kanyang dalawang pagmamahal, ay dapat maging komportable. Walang nakaaalam ni siya o ang mga Mago na iyon ay magagamit para sa isang pagtakas at sa pamumuhay bilang mga napatapon, kung saan ang mga kayamanan ay nawawalang katulad ng mga ulap na kinakalat ng mga hangin, at sa kanila ring pagbalik patungo sa kanilang sariling bansa, kung saan ang lahat ay nawala na sa kanila, mga suki at mga kagamitang pambahay, at kung saan tanging ang mga pader na lamang ang natira, na prenotektahan ng Diyos, sapagkat doon Niya nakaisa ang Birhen at doon Siya naging Laman.

Si Jose ay mababa ang kalooban, sa katotohanan, bagama't siya ang tagapag-alaga ng Diyos at ng Ina ng Diyos at ng Esposa ng Kataastaasan, hinahawakan niya ang mga estribo ng mga utusang ito ng Diyos. Siya ay isang mahirap na karpintero, sapagkat ang patuloy na mga panggigipit ng tao ay napagkaitan ang mga eredero ni David ng maharlikang kayamanan. Ngunit siya ay laging ang anak ng isang hari, at mayroon siyang bikas ng isang hari. At ang tungkol sa kanya ay kailangan ding sabihin: “Siya ay mababa ang kalooban, sapagkat siya ay dakila ngang tunay ”.

¹⁹Isang hulíng may-kabaitang makahulugang aral.

Itong si Maria ang kumukuha ng kamay ni Jesus at gumagabay dito. Kahit na ngayon. Ngayon si Jesus ay marunong nang magpalà. Ngunit kung minsan ang Kanyang pinakong kamay ay bumabagsak nang pagod at nawawalan ng sigla, sapagkat nalalaman Niya na walang kapararakan ang magpalà. Sinisira ninyo ang Aking pagpapalà. Ito rin ay bumabagsak nang nagagalit, sapagkat sinusumpa ninyo Ako. Itong si Maria kung gayon ang nag-aalis sa panghahamak mula sa Aking kamay sa pamamagitan ng Kanyang mga halik. O! Ang mga halik ng Aking Ina! Sino ang makapagsasabi ng “hindi” sa halik na iyon? At pagkatapos, sa pamamagitan ng Kanyang balingkinitan, ngunit mapagmahal na di-mapahihindiang mga daliri, kukunin Niya ang Aking pupulsuhan at pipilitin Akong magpalá. Hindi Ko matatanggihan ang Aking Ina, ngunit kailangan na pumunta kayo sa Kanya, at gawin ninyo Siyang inyong Tagapagtanggol.

Siya ang Aking Reyna, bago naging inyo, at ang Kanyang pagmamahal sa inyo ay ganyan na lamang na wala nang kahit sino ang mag-aakala at makaiintindi. At kahit wala ang Aking salita, bagkus sa pamamagitan lamang ng Kanya mga luha, at ng alaala ng Aking Krus, na ang tanda Nito ay ang ginawa Niyang bakasin Ko sa hangin, ipakikiusap Niya ang inyong kalagayan at hihikayatin Ako: “Ikaw ang Tagapagligtas. Kung gayon magligtas”.

Iyan, Aking mga anak, ang "Ebanghelyo ng pananampalataya" sa bisyon ng tagpo ng mga Mago. Pagnilayan ito at gayahin ito. Para sa inyong sariling kabutihan.»

(167) 220610 /031913/040113

 

Top of Form¹ Kasuutang Etiopia.

Sunod na kabanata.