340. Ang Pipi’t Bingi na Pinagaling malapit sa hangganan ng Phoenicia.

 

Nobyembre 25, 1945.

Hindi ko alam kung saan nagpalipas ng gabi ang mga peregrino. Alam ko na ngayon ay umaga muli, na sila ay nasa kanilang paglalakbay, nasa bulubundukin na mga lugar pa rin, na ang kamay ni Jesus ay nakabendahe, at gayon din ang noo ni Santiago ni Alfeo, habang si Andres ay paika-ika nang masama at si Santiago ni Zebedeo ay wala ang kanyang bag, na dinadala ng kanyang kapatid na si Juan.

Dalawang ulit si Jesus na nagtanong: «Makalalakad ka ba, Andres?»

«Oo, Guro. Nahihirapan akong maglakad gawa ng bendahe. Ngunit hindi ito napakasakit.» At sa ikalawang beses dinagdag niya: «At papaano ang Inyong kamay, Guro?»

«Ang kamay ay hindi paa. Ito ay nagpapahinga at hindi napakasakit.»

«H’m! Namamagang katulad niyan at na ang sugat ay tagos hanggang sa buto, nahihirapan akong maniwala na iyan ay hindi napakasakit... Ang langis ay mabuti para diyan. Ngunit sana mayroon tayo ng ilan ng pamahid ng Inyong Ina mula sa...»

«Mula sa Aking Ina. Tama ka» sabi ni Jesus nang mabilis nang mapakinggan ang malapit nang makalabas sa mga labì ni Pedro, na namumula sa kahihiyan at nakatingin kay Jesus nang nalulungkot. Ang Guro ay ngumingiti sa kanya at ipinatong ang Kanyang may-sugat na kamay sa balikat ni Pedro upang mailapit sa siya sa Kanyang Sarili.

«Masasaktan Kayo nang inilalagay iyan nang ganyan.»

«Hindi, Simon. Minamahal mo Ako at ang iyong pagmamahal ay isang napakagandang na langis.»

«O! Kung ayon magaling na sana Kayo! Lahat kami naghihirap nakikita Kayong minaltratong katulad niyan, ay may ilan sa amin ang umiyak.» Si Pedro ay tinitingnan sina Juan at Andres...

«Ang langis at tubig ay mabubuting gamot, ngunit ang mga luha ng pagmamahal at awa ay mas mabisa kaysa ano pa man. Kita ninyo? Ako ay mas masayahin ngayon kaysa kahapon. Sapagkat ngayon nalaman Ko kung gaano kayong sumunod at gaano ninyo Ako minamahal. Ang bawat isa.» At si Jesus ay tinitingnan sila sa pamamagitan ng Kanyang kinaugaliang malungkot na malulumanay na mata, na sa umagang ito ay nagniningning, bagama't may kahinaan, sa lugod.

«Ngunit anong mga ayena sila! Hindi pa ako nakakita ng labis na kapootan!» sabi ni Judas ni Alfeo. Silang lahat ay maaaring mga Judaean.»

«Hindi, kapatid. Ang mga rehiyon ay walang pakialam dito. Ang kapootan ay pareho kahit saan. Alalahanin na Ako ay pinalayas sa Nazareth maraming buwan na ang nakararaan at ibig nilang bugbugin Ako ng mga bato. Naaalaala mo?» sabi ni Jesus nang kalmante, na nagpapaginhawa sa mga Judaean na apostol para sa mga salita ni Tadeo.

Sa katunayan sila ay lubos na napaginhawahan na ang Iskariote ay nagsabi: «Ngunit sasabihin ko ito sa kanila! O! Sasabihin kong talaga! Tayo ay walang ginagawang masama. Tayo ay hindi gumanti, at Siya ay nagsalita ng wala bagkus pagmamahal sa simula’t simula. At tayo ay kanilang binato, na tila tayo ay mga ahas. Sasabihin ko sa kanila.»

«At sino ang sasabihan mo, kung lahat sila ay laban sa atin?»

«Alam ko kung sino ang sasabihan ko. Pansamantala, sasabihan ko sina Hermas at Stephen kaagad kapag makita ko sila. At si Gamaliel ay makaaalam kaagad. Ngunit sa Paskuwa alam ko kung sino ang sasabihan ko. Sasabihin ko: “Hindi makatarungan na gawin iyon. Ang iyong galit ay laban sa batas. Ikaw ang may pagkakamali, hindi Siya”.»

«Mas mabuti kung hindi mo nilapitan ang mga taong iyon!... Sa palagay ko may pagkakamali ka rin sa kanilang paningin» nagpapayong may-karunungan si Felipe

«Totoo iyan. Mas mabuti pa kung hindi ka sila nilapitan muli. Oo. Mas mabuti pa. Ngunit sasabihan ko si Stephen. Siya ay mabuti at walang lason...»

«Hindi na bale, Judas. Wala kang mababagong kahit ano para sa mas ikabubuti. Pinatawad Ko na sila. Kalimutan na natin ito» sabi ni Jesus nang kalmante at nangungumbinsi.

Dalawang beses, habang tinatawid ang dalawang maliliit na ilog kapwa si Andres at ang dalawang Santiago ay binabasa ang mga bendahe ng kanilang mga galos. Si Jesus ay hindi. Nagpapatuloy Siya nang mapayapa na tila wala Siyang nararamdamang sakit.

Ngunit ang Kanyang kamay ay maaaring masakit ngang talaga, kung sinasabi Niya kay Andres na hatiin ang Kanyang tinapay, kapag sila ay tumitigil upang kumain; at kung kailangan niyang pakiusapan si Mateo na itali ang Kanyang sandalyas, kapag nakakalag ang mga sintas ng Kanyang mga sandalyas... Higit sa lahat, kapag, habang bumababa sa isang matarik na mas maikling daan, mauumpog Siya sa isang puno, dahil ang Kanyang paa ay nadulas, hindi Niya mapigilan ang umungol, habang ang Kanyang bendahe ay namumula muli gawa ng dugo. Sa katunayan sila ay tumigil sa unang bahay ng nayon, kung saan sila nakarating paglubog ng araw, upang manghingi ng kaunting tubig at langis upang tingnan ang Kanyang kamay, na, pagkatapos na maalis ang bendahe, ay nagmumukhang maga lahat na may malaking maasul-asul na galos sa likuran at ang mapulang sugat sa gitna. Habang naghihintay para sa may-bahay na babae na dumating dala ang kanilang hinihingi, lahat sila ay yumuyko upang tingnan ang sugat at gumagawa sila ng kanilang mga komentaryo. Ngunit si Juan ay lumayo sa isang tabi upang itago ang kanyang mga luha.

Si Jesus ay tinawag siya: «Halika rito. Ito ay hindi malala. Huwag umiyak.»

»Alam ko. Kung nasa akin iyan, hindi ako iiyak. Ngunit nasa Inyo iyan. At hindi Ninyo sinasabi sa amin kung gaano kasakit ang mahal na kamay na ito, na hindi kailanman nanakit sa sinuman» tugon ni Juan, kung kanino ibinigay ni Jesus ang Kanyang nasugatan na kamay; at si Juan ay magiliw na hinahaplos ang dulo ng mga daliri, ang pupulsuhan, ang lahat na nasa paligid ng galos at pagkatapos magiliw na pinatihaya ang kamay upang halikan ang palad at idikit ang kanyang pisngi sa kalaliman ng palad nagsasabing: «Ito ay mainit!... Maaaring napakasakit nito!» at ang mapagmahal na mga luha ay pumatak dito.

Ang babae ay dinala ang tubig at langis at si Juan sa pamamagitan ng isang piraso ng linen ay nililinis ang dugo na nagmamantsa sa kamay, magiliw na binubuhusan ng kaunting mainit-init na tubig ang sugat, na pagkatapos kanyang nilagyan ng langis, at binalot sa malinis na mga piraso ng tela at sa huli hinalikan ang bendahe. Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang isa pang kamay sa nakatungong ulo ni Juan.

Ang babae ay tinanong siya: « Siya ay iyong kapatid?»

«Hindi. Siya ay aking Guro. Aming Guro.»

«Saan kayo nanggaling?» tinanong niya ang iba pa.

«Mula sa Karagatan ng Galilee.»

«Napaka-layo! Bakit?»

«Upang ituro ang Kaligtasan.»

«Halos gabi na. Tumigil sa aking bahay. Ito ay isang maralitang bahay. Ngunit kami ay tapat. Mabibigyan ko kayo ng gatas kapag bumalik na ang aking mga anak kasama ang mga tupa. Ang aking asawa ay masisiyahan na tanggapin kayo.»

«Salamat sa iyo, babae. Titigil kami rito kung gusto ito ng aming Guro.»

Ang babae ay umalis upang gawin ang kanyang gawaing-bahay habang ang mga apostol ay tinatanong si Jesus kung ano ang gagawin.

«Oo. Magandang idea iyan. Bukas pupunta tayo sa Kedesh at pagkatapos patungong Paneas. Kanina pa ako nag-iisip, Bartolomeo. Mas mabuting gawin ang iyong minungkahi.. Nabigyan mo Ako ng isang magandang payo. Umaasa Ako na sa ganyan makakakita Ako ng iba pang mga disipulo at ipadala silang nauuna sa Akin sa Capernaum. Alam Ko na ang iba ay nanggaling na sa Kedesh, at ang tatlong pastol mula sa Lebanon ay kasama nila.»

Ang babae ay bumalik at nagtanong: «Bueno?»

«Oo, mabuting babae. Titigil kami rito para ngayong gabi.»

«At para sa hapunan. O! Tanggapin ang aking paanyaya. Hindi ito kabigatan sa akin. At sa kahulihulihan kami ay tinuruan na maging maawain ng ilan na mga lalaki na mga disipulo ng Jesus na iyon ng Galilee, na siyang tinatawag na Mesiyas at gumagawa ng napakaraming himala at nagtuturo ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ngunit hindi Siya kailanman napunta rito. Baka dahil kami ay nasa hangganan ng Syria at Phoenicia. Ngunit ang Kanyang mga disipulo ay dumating. At malaking bagay na iyon! Dito sa nayon, kaming lahat ay ibig na pumunta sa Judaea sa Paskuwa, upang tingnan kung makikita namin ang Jesus na ito. Sapagkat mayroon kaming ilan na mga taong may sakit at ang Kanyang mga disipulo ay pinagaling ang ilan sa kanila ngunit hindi lahat. Kasama sa huli ay ang isang bata-pang anak na lalaki ng isang kapatid ng asawang babae ng aking bayaw.»

«Ano ang problema niya?» tanong ni Jesus ngumingiti.

«Siya ay... Siya ay hindi makapagsalita at hindi siya makarinig. Baka ang isang dimonyo ay pumasok sa sinapupunan ng kanyang ina at ginagawa siyang maghirap at pinanghihina ang kanyang kalooban. Ngunit siya ay mabuti, hindi katulad ng nalukuban. Ang mga disipulo ay nagsabi na si Jesus ng Nazareth ang kinakailangan para sa kanya, sapagkat maaaring may nawawalang isang bagay, at tanging ang Jesus lamang na iyon... O! Naririto na ang aking mga anak na lalaki at ang aking asawa! Melkiah, tinanggap ko ang mga peregrinong ito sa ngalan ng Panginoon at sinasabi ko sa kanila ang tungkol kay Levi... Sarah, lakad at gatasan ang mga tupa at ikaw, Samuel, bumaba ka sa gruta at magdala ng ilan na langis at alak at kumuha din ng ilan na mansanas sa atik. Bilisan mo, Sarah, ihahanda natin ang mga kama sa itaas.»

«Huwag mong pagurin ang iyong sarili, babae. Kahit anong lugar ay babagay sa amin. Maaari Ko bang makita ang lalaki na iyong binabanggit?»

«Oo... Ngunit O! Panginoon! Kayo kaya ang Nazareno?»

«Ako.»

Ang babae ay bumagsak sa kanyang mga tuhod sumisigaw: «Melkiah, Sarah, Samuel! Halikayo at sambahin ang Mesiyas! Anong araw! At nasa aking bahay Siya! At ako ay nagsasalita kanina pa sa Kanya! At dinalhan ko Siya ng tubig upang malinisan ang Kanyang sugat... O!... » siya ay nabibilaukan sa emosyon. Siya pagkatapos ay tumakbo sa palanggana at nakita na ito ay walang laman: «Bakit mo itinapon ang tubig na iyon? Iyon ay banal na tubig! O! Melkiah! Ang Mesiyas ay kasama natin dito.»

«Oo, ngunit maging mabuti, babae at huwag sabihan ang sino pa man. Lakad at kunin ang pipi’t bingi at dalhin siya rito»... sabi ni Jesus ngumingiti.

 ... At si Melkiah maya-maya ay nakabalik kasama ang pipi’t bingi, ang kanyang mga kamag-anak at mga kalahati man lamang ng mga mamamayan ng nayon... Ang ina ng kaawa-awang lalaki ay sinasamba si Jesus at nakikiusap sa Kanya.

«Oo, mangyayari ang ayon sa ibig ninyo» at inakay Niya ang pipi’t bingi at inilayo siya sa pulutong, na nagsisiksikan at siyang kinaaabalahan ng mga apostol sa pagtutulak pabalik, upang maprotektahan ang may-sugat na kamay ni Jesus. Si Jesus ay inilapit sa Kanyang sarili ang pipi’t bingi, inilagay ang Kanyang mga hinlalaki sa kanyang mga tainga, hinihipo ang kanyang mga labì sa pamamagitan ng Kanyang dila, pagkatapos itinitingala ang Kanyang mga mata sa kalangitan, na dumidilim na, hiningahan Niya ang mukha ng lalaki at sumigaw: «Maging bukas!» at pinabayaan siyang makaalis.

Ang bata-pang lalaki ay tinitingnan Siya nang isang sandali habang bumubulong ang mga pulutong. Ang pagbabago si hitsura ng pipi’t bingi ay kataka-taka: mula sa pagiging walang-kabuhay-buhay at malungkot ito ay naging mangha at ngumingiti. Hinihipo niya ang kanyang mga tainga, dinidiinan ang mga ito, inaalis ang kanyang mga kamay... Kinukumbinsi niya ang kanyang sarili na siya ay totoo ngang nakaririnig, ibinuka niya ang kanyang bunganga nagsasabing: «Inay! Nakakarinig ako! O! Panginoon, sinasamba ko Kayo!»

Ang pulutong ay nagkaroon ng karaniwan na kasigasigan, dahil sila rin ay nagtatanong sa isa’t isa: «Papaano siya nakapagsasalita kung hindi siya kailanman nakarinig ng isang salita mula nang siya ay ipinanganak? Isang himala sa loob ng himala! Kinalagan Niya ang kanyang dila at binuksan ang kanyang mga tainga at tinuruan din siyang kasabay na makapagsalita. Mabuhay si Jesus ng Nazareth! Hosana sa Banal na Mesiyas!»

At nagsisiksikan sila kay Jesus Na itinataas ang Kanyang nasugatan na kamay upang pagpalain sila, habang ang iba, sa pamimilit ng babae ng bahay, ay binabasa ang kanilang mga mukha at kanilang mga galamay ng natitirang mga patak ng tubig na naiwan sa palanggana.

Si Jesus ay nakikita sila at sumigaw: «Dahil sa inyong pananampalataya kayong lahat ay magaling na. Umuwi na kayo. Maging mabuti at tapat. Maniwala sa salita ng Ebanghelyo. At sarilinin ninyo lamang kung ano ang nalalaman ninyo, hanggang sa pagdating ng panahon na ito ay kailangang ibalita sa mga liwasan at sa buong mundo. Harinawang ang Aking kapayapaan ay mapasainyo.»

At Siya ay pumunta sa loob ng malaking kusina kung saan ang apoy ay lumalagablab at ang liwanag ng dalawang lampara ay kumukurap-kurap.

310512

 

 


Sunod na kabanata