345. Si Jesus Hinulaan ang Kanyang Pasyon sa Unang Pagkakataon. Si Pedro ay Pinagalitan.

Nobyembre 30, 1945.

Maaaring iniwan ni Jesus ang bayan ng Caesarea Philippi sa pagsikat ng araw, sapagkat ang bayan kasama ang mga bundok nito ay malayo na sa kanilang likuran ngayon, at si Jesus sa muli ay nasa kapatagan naglalakad pagawing lawa ng Meiron, mula kung saan pupunta Siya sa lawa ng Gennesaret. Ang Kanyang mga apostol ay kasama Niya kasabay ang lahat na mga disipulo na mga nasa Caesarea. Ngunit walang nasusorpresa na makita ang gayong karaming karabana sa daan, sapagkat mas marami pang mga karabana ng mga Israelita o ng mga proselito ang patungo sa Herusalem mula sa lahat ng bahagi ng Diaspora, dahil ibig nilang manatili nang matagal-tagal sa Banal na Siyudad upang mapakinggan ang mga rabbi at masinghot ang hangin ng Templo nang matagal.

Sila ay nagpapatuloy nang mabilis ngunit bagama't ang araw ay mataas na sa kalangitan, ito ay hindi problema, dahil ang sikat ng araw ng tagsibol ay malumanay na napaiinitan ang bagong mga dahon, ang mga punungkahoy na nasa pamumulaklak at nagagawa ang mga bulaklak na bumukad kahit saan. Ang kapatagan bago ang lawa ay katulad ng isang mabulaklak na alpombra, at ang mga peregrino na tumitingin sa mga burol na nakapaligid dito ay nakikita ang mga ito na may mga pulu-pulo ng puti, rosas, klabel o halos pulang pamumulaklak ng sari-sari’t iba’t ibang namumungang-punungkahoy, o kapag dumaraan sila malapit sa mga kabahayan ng mga magbubukid o mga talyer sa tabi ng daan, kinalulugdan nila ang tanawin ng unang mga palumpong ng mga rosas puno ng mga bulaklak sa mga hardin, sa tabi ng mga hilerang mga tanim o sa mga pader ng mga bahay.

«Ang mga hardin ni Johanna ay maaaring lahat nasa pamumulaklak» wika ni Simon Zealot.

«Ang hardin din sa Nazareth ay maaaring nagmumukhang isang basket na puno ng mga bulaklak. Si Maria ay ang matamis na pukyutan na dumaraan sa isang palumpong ng mga rosas patungo sa isa pa, pagkatapos sa mga hasmin, na malapit nang mamulaklak, patungo sa mga liryo, na may mga buko na, at kukuha Siya ng isang tangkay ng puno ng almendras, na kadalasan na Niyang ginagawa. Maaaring kukuha Siya ng isang tangkay ng puno ng peras o ng puno ng granada, upang ilagay ito sa amphora sa loob ng Kanyang maliit na silid. Nang kami ay mga bata pa, taun-taon madalas namin Siyang tanungin: “Bakit lagi Kayong may isang tangkay ng bulaklak diyan, at hindi Ninyo inilalagay ang maagang mga rosas diyan?”. At Siya ay tutugon: “Sapagkat sa mga petalo niyan nakikita Ko ang isang utos na nakasulat, na dumating sa Akin mula sa Diyos at naaamoy Ko ang purong amoy ng selestiyal na ere”. Naaalaala mo ba, Judas?» si Santiago ni Alfeo ay tinatanong ang kanyang kapatid.

«Oo, naaalaala ko. At naaalaala ko na nang ako'y lumaki, lagi akong nananabik na hintayin ang tagsibol upang makita ko si Maria na naglalakad sa Kanyang hardin, sa ilalim ng Kanyang mga punungkahoy, na ang mga pamumulaklak nito ay katulad ng mga ulap, o sa pagitan ng mga palumpong ng maagang mga rosas. Hindi pa ako nakakita ng mas maganda pa kaysa sa isang eternal na dalagang dumaraan nang malumanay sa pagitan ng Kanyang mga bulaklak habang ang mga kalapati ay lumilipad sa paligid Niya...»

«O! Pumunta tayo sa Kanya kaagad, Panginoon! Upang makita ko rin ang lahat na iyan!» nakikiusap si Tomas.

«Ang tanging kailangan na gawin natin ay ang bilisan ang ating mga hakbang at bawasan ang pahinga sa gabi, upang makarating sa Nazareth sa tamang panahon» tugon ni Jesus.

«Talaga bang dadalhin Ninyo ako roon, Panginoon?»

«Oo, Tomas. Dadalhin kita. Pupunta tayo sa Bethsaida at pagkatapos sa Capernaum, kung saan tayo maghihiwalay. Magpapatuloy tayo patungong Tiberias sa bangka at pagkatapos sa Nazareth. Sa gayon, maliban sa inyo mga Judaean, makakakuha tayong lahat ng maninipis na damit, dahil tapos na ang taglamig.»

«Oo. At tayo ay pupunta at sasabihin natin sa Kalapati: “Bumangon, magmadali, aking pinakamamahal, at halika, dahil nakaraan na ang taglamig, ang mga ulan ay tapos na at wala na, ang mga bulaklak ay lumitaw sa lupa... Bangon, aking kaibigan, at halika, aking kalapati nagtatago sa mga bitak ng bato, ipakita mo sa akin ang iyong mukha, hayaang marinig ko ang iyong tinig”.»

«Mabuting gawa, Juan! Katulad mo ang isang mangingibig umaawit sa kanyang giliw!» sabi ni Pedro.

«Ako nga. Punung-puno ako ng pagmamahal para kay Maria. Hindi na ako kailanman makakakita ng ibang mga babae na makakapukaw ng aking pagmamahal. Maliban kay Maria, Na aking minamahal nang buong sarili ko.»

«Ganyan din ang aking sinabi nang nakaraang isang buwan, hindi ba, Panginoon?» sabi ni Tomas.

«Sa palagay ko tayong lahat ay punung-puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ganyang ka-noble, selestiyal na pagmamahal!... Na tanging ang Donna lamang ang nakapupukaw. At ang ating mga kaluluwa ay minamahal ang Kanyang kaluluwa nang ganap, ang ating mga isip minamahal at hinahangaan ang Kanyang katalinuhan, ang ating mga mata humahanga at nasisiyahan sa Kanyang purong kayumihan, na nagbibigay ng lugod nang walang anumang pagkabagabag, katulad ng nakatingin ang isa sa isang bulaklak... Si Maria, ang Kagandahan ng lupa, at , sa aking palagay, ang Kagandahan ng Langit... sabi ni Mateo.

«Iyan ay totoo! Nakikita nating lahat kay Maria kung ano ang pinakamatamis sa mga babae: ang purong dalaga, ang pinakamatamis na ina. At hindi natin malaman kung minamahal natin Siya mas para sa una o sa huling kayumihan...» sabi ni Felipe.

«Minamahal natin Siya dahil Siya ay si “Maria”. Iyan ‘yan!» wika ni Pedro.

Si Jesus ay kanina pa nakikinig sa kanila at Siya ay nagsabi: «Kayong lahat ay nakapagsalita nang mabuti. Si Simon Pedro ay tamang-tama: minamahal ng isa si Maria sapagkat Siya ay si “Maria”. Sa ating paglalakbay patungo sa Caesarea sinabi Ko sa inyo na ang mga nagdudugtong lamang sa perpektong pananampalataya sa perpektong pagmamahal ang magtatagumpay na makaiintindi sa ibig-sabihin ng mga salitang: “Jesus, ang Kristo, ang Salita, ang Anak ng Diyos at ang Anak ng tao”. Ngunit masasabi Ko na ngayon sa inyo na mayroon pang isang pangalan na punung-puno ng ibig-sabihin. At ito ay ang pangalan ng Aking Ina. Tanging ang mga nagdudugtong lamang sa perpektong pananampalataya sa perpektong pagmamahal ang makaiintindi sa tunay na ibig-sabihin ng pangalan na “Maria”, sa tunay na ibig-sabihin ng Ina ng Anak ng Diyos. At ang tunay na ibig-sabihin ay magsisimulang lumitaw nang malinaw sa tunay na matatapat at mga nagmamahal na tao sa oras ng nakapangingilabot na pagpapahirap, kapag ang Ina ay pahihirapan kasama ang Kanyang Anak, kapag Siya kapwa-manúnubos kasama ang Tagapagtubos, sa mga mata ng buong mundo at magpasawalang-hanggan kailanpaman.

«Kailan?» tanong ni Bartolomeo, habang sila ay nakatigil sa tabi ng isang malaking agos ng tubig kung saan maraming disipulo ang umiinom.

«Tayo'y tumigil dito at kainin ang ating tinapay. Ngayon ay katanghalian. Mararating natin ang lawa ng Meron sa gabi at makakakuha tayo ng mga bangka at mapa-iikli natin ang ating paglalakbay» tugon ni Jesus nang may-pag-iiwas.

Lahat sila ay naupo sa malambot na damo sa pampang ng ilog, sa loob ng mainit na sinag ng araw, at si Juan ay nagsabi: «Nakakaawang sirain ang maliliit na bulaklak na ito, na napakalambot. Kamukha nila ang maliliit na piraso ng kalangitan na bumagsak dito, sa mga parang na ito». Dito ay may daan-daan ng mga myosotis.

«Tutubo sila nang mas magaganda bukas. Sila ay namulaklak upang gawin ang lupa na isang silid ng hapag-kainan para sa Panginoon» sabi ng kanyang kapatid na si Santiago upang paginhawahan siya.

Si Jesus ay inaalay at benebendisyunan ang pagkain at lahat sila ay kumain nang masaya. Ang lahat na mga disipulo, katulad ng mga sunflower, ay nakatingin kay Jesus, Na nakaupo sa gitna ng hilera ng Kanyang mga apostol.

Ang kainán ay natapos kaagad, ito ay nagawang malasa ng kapayapaan at ng purong tubig. Dahil si Jesus ay nananatiling nakaupo, walang sinuman ang gumagalaw. Ang mga disipulo ay gumagalaw nang kaunti upang mas makalapit at mapakinggan ang sinasabi ni Jesus sa mga apostol na mga nagtanong sa Kanya ng mga katanungan tungkol sa Kanyang sinabi kanina tungkol sa Kanyang Ina.

«Oo. Sapagkat isang dakilang bagay nga ang maging Aking Ina ayon sa laman. Kailangan na isipin ninyo na si Anna ni Elkanah ay naaalaala bilang ang ina ni Samuel. At si Samuel ay isa lamang propeta. Subalit ang kanyang ina ay nababanggit dahil lamang siya ang nanganak sa kanya. Kung gayon, si Maria ay maaalaala na may pinakadakilang papuri, sa pagbibigay kay Jesus, ang Tagapagligtas, sa mundo. Ngunit ito ay magiging napakaliit, kompara sa kung ano ang inaasahan ng Diyos sa Kanya upang mapunuan ang sukat na kinakailangan para sa panunubos sa mundo. Hindi bibiguin ni Maria ang minimithi ng Diyos. Hindi Niya Siya kailanman binigo. Siya ay nagbigay at ibibigay ang Kanyang sarili nang ganap kapwa tungkol sa mga hinihiling ng total na pagmamahal at ng total na sakripisyo. At kapag nagampanan na Niya ang kataastaasang sakripisyo, kasama Ako at para sa Akin, at para sa mundo, diyan maiintindihan ng matatapat na nananampalataya at naniniwala ang tunay na ibig-sabihin ng Kanyang Pangalan. At sa magpakailanman sa hinaharap, ang bawat tunay na nananampalataya at ang bawat nagmamahal na naniniwala ay pagkakalooban na malaman ito. Ang Pangalan ng Dakilang Ina, ng Banal na Nars, Na magpapakain sa lahat na mga anak ng Kristo sa pamamagitan ng Kanyang mga luha, upang mapalaki sila para sa Buhay sa Langit.»

«Mga luha, Panginoon? Kailangan bang umiyak ang Inyong Ina?» tanong ng Iskariote.

«Ang bawat ina ay lumuluha. At ang Aking Ina ay luluha nang mas higit pa kaysa sa sino pa mang ina.»

«Bakit? Napapaiyak ko ang aking ina kung minsan, sapagkat hindi lagi akong naging isang mabuting anak. Ngunit Kayo! Hindi Ninyo kailanman napamighati ang Inyong Ina.»

«Hindi. Hindi Ko Siya napamimighati bilang Kanyang Anak. Ngunit labis Ko Siyang mapamimighati bilang Tagapagtubos. May dalawa na magpapaluha nang walang-tigil sa Aking Ina: Ako, upang mailigtas ang Sangkatauhan, ang Sangkatauhan sa pamamagitan ng patuloy na pagkakasala nito. Ang bawat tao na nabuhay, nabubuhay o mabubuhay, ay pagbabayaran ni Maria ng mga luha.»

«Bakit?» tanong ni Santiago ni Zebedeo, na kitang-kitang nagtataka.

«Sapagkat ang bawat tao ay pagbabayaran Ko ng paghihirap upang matubos siya.»

«Ngunit papaano Ninyo masasabi iyan tungkol sa mga namatay na o hindi pa naipanganganak? Ang mga nabubuhay, ang mga eskriba, mga Pariseo, mga Saduseo ay baka papaghirapin Kayo sa pamamagitan ng kanilang mga bintang laban sa Inyo, ang kanilang paninibugho, ang kanilang kasamaan. Ngunit wala nang higit pa riyan» sabi ni Bartolomeo nang makumpiyansa.

«Si Juan Bautista ay pinatay din... at hindi lamang siya ang tanging propeta na pinatay ng Israel, o ang tanging pari ng eternal na Kalooban, na pinatay dahil siya ay hindi nagustuhan ng mga sumusuway sa Diyos.»

«Ngunit Kayo ay mas mahigit pa sa isang propeta at kaysa kay Juan Bautista mismo, Inyong Prekursor. Kayo ay ang Salita ng Diyos. Ang kamay ng Israel ay hindi itataas laban sa Inyo» sabi ni Judas Tadeo.

«Sa palagay mo ba, kapatid? Mali ka» tugon ni Jesus.

«Hindi. Hindi maaari ito! Hindi iyan mangyayari! Ang Diyos ay hindi ito ipahihintulot! Ito ay magiging perpetwong kahihiyan ng Kanyang Kristo» si Judas Tadeo ay balisang-balisa na siya ay tumayo.

Si Jesus ay tumayo rin at tinititigan ang kanyang maputlang mukha at sinsirong mga mata. Siya ay nagsabing dahan-dahan: «Subalit sa kabila nito, ito ay mangyayari» at ibinaba Niya ang Kanyang kanang kamay, na Kanyang naitaas, na tila Siya ay nanunumpa.

Lahat sila tumayo at sumisiksik nang mas malapit sa paligid Niya: isang pabilog ng malulungkot na di makapaniwalang mga mukha; mga tinig ay maririnig na bumubulong: «Siyempre... kung ito nga ay totoong ganito... maaaring tama si Tadeo.»

«Ang nangyari kay Juan Bautista ay mali. Ngunit napapurihan nito ang mamâ, isang bayani hanggang sa pinakahuli. Kung sa halip ito ang mangyari sa Kristo, mapaliliit nito ang Kanyang kasikatan.»

«Ang Kristo ay mauusig, ngunit hindi mapahihiya.»

«Ang unsiyon ng Diyos ay nasa Kanya.»

«Sino ang magpapatuloy na maniwala sa Inyo, kung makita nila Kayo na nasa awa ng mga tao?»

«Hindi namin pahihintulutan iyan.»

Si Santiago ni Alfeo ay ang tanging isa na hindi gumagawa ng komentaryo. Ang kanyang kapatid ay sinusumbatan siya: “Hindi ka ba magsasalita ng kahit ano? Hindi ka ba tutugon? Hindi mo ba napakinggan? Ipagtanggol mo ang Kristo laban sa Kanyang Sarili!»

Si Santiago ay hindi tumutugon, ngunit tinatakpan niya ang kanyang mukha sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at siya ay tumabi umiiyak.

«Siya ay isang tanga!» wika ng kanyang kapatid.

«Baka hindi ganyan katanga katulad ng iniisip mo» tugon ni Ermasteus. At siya ay nagpapatuloy: «Kahapon, nang pinaliliwanag ang hula, ang Guro ay nagsalita ng tungkol sa isang naagnas na katawan na nabuo muli at tungkol sa isang katawan na babangon muli mula sa kamatayan sa pamamagitan ng sarili nito. Sa palagay ko ang isa ay hindi makakabangon muli, maliban na siya ay mamatay muna.»

«Ngunit maaaring mamatay sa pamamagitan ng natural na kamatayan, o gawa ng katandaan. At kahit na iyan ay labis-labis para sa Kristo!» balik-sabi ni Tadeo, at marami ang nagsasabi na siya ay tama.

«Oo, ngunit sa ganyang kaso, hindi iyan magiging isang tanda na ibibigay sa henerasyon na ito, na napakatanda kaysa sa Kanya» wika ni Simon Zealot.

«Siyempre hindi. Ngunit hindi Siya nangangahulugan na nagsasalita ng tungkol sa Kanyang Sarili Mismo» balik-sabi muli ni Tadeo, na matigas ang ulo sa kanyang pagmamahal at pagrespeto

«Walang sinuman, bagkus ang Anak ng Diyos ang makababangon sa pamamagitan ng sarili mismo mula sa kamatayan, katulad na walang sinuman bagkus ang Anak ng Diyos ang maipanganganak katulad ng Kanyang kapanganakan. Pinaninindigan ko ito, dahil nakita ko ang Kanyang kapanganakan» sabi ni Isaac bilang isang ganap na kumbinsidong saksi.

Si Jesus ay kanina pa nakikinig sa kanila, tinitingnan ang bawat isa habang nagsasalita, na ang Kanyang mga braso nakaikis sa Kanyang dibdib. Ngayon Siya ay gumagawa ng pagkilos na ibig Niyang magsalita at sinabi Niya: «Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kapangyarihan ng mga tao sapagkat Siya ay ang Anak ng Diyos, ngunit Siya ay ang Tagapagtubos din ng tao. At walang panunubos na walang paghihirap. Ang Aking katawan, laman at dugo ay maghihirap, upang mapagbayaran ang mga kasalanan ng laman at ng dugo. Ako ay maghihirap nang moral upang mapagbayaran ang mga kasalanan ng mga intensiyon at masisimbuyong damdamin. At Ako ay maghihirap nang espirituwal para sa mga kasalanan ng mga kaluluwa. Ang Aking paghihirap ay magiging kumpleto. Kung gayon sa naitakdang panahon Ako ay mahuhuli sa Herusalem at pagkatapos na maghirap nang husto sa mga kamay ng mga Nakatatanda at Matataas na Pontipise, sa mga kamay ng mga eskriba at mga Pariseo, Ako ay sesentensiyahan sa kahiya-hiyang kamatayan. At ang Diyos ay pababayaan silang gawin ito, sapagkat ito ay kailangan na maging ganyan, dahil Ako ay ang Kordero Na siyang magbabayad para sa mga kasalanan ng buong mundo. At sa pinakamalalim na paghihirap, na dadanasin din ng Aking Ina at ng kaunti pang mga tao kasama Ko, mamamatay Ako sa bitayan, at pagkatapos ng tatlong araw, sa pamamagitan lamang ng Aking sariling dibinong kalooban, Ako ay babangon muli sa eternal na maluwalhating buhay bilang Tao at Ako ay magiging Diyos muli sa Langit kasama ang Ama at ang Espiritu Santo. Ngunit kailangan Ko munang paghirapan ang lahat na kabuktutan at ang Aking puso kailangan na malagos ng Kasinungalingan at Kapootan.»

Ang isang koro ng naiskandalong mga sigawan ay kumalat sa mabangong mainit na ere ng tagsibol.

Si Pedro, na naapektuhan din at naiskandalo, ay kinuha ang braso ni Jesus at hinila Siya sa tabi at bumulong sa Kanyang tainga: «O! Panginoon! Huwag Ninyong sabihin iyan. Hindi iyan tama. Kita Ninyo? Sila ay naiskandalo. Nawala Ninyo ang kanilang pagtingin. Sa kahit anong dahilan hindi Ninyo kailangan na ipahintulot iyan; maging ano pa man ang ganyan ay hindi kailanman mangyayari. Kung kaya't bakit magsalita ng tungkol diyan na tila ito ay totoo? Kailangan na tumaas Kayo nang tumaas sa mga mata ng mga tao, kung kailangan Ninyong maipilit ang Inyong awtoridad, at sa huli magtapos sa paggawa ng huling himala, katulad ng pagdurog sa Inyong mga kaaway. Ngunit hindi Ninyo kailanman kailangan na pababáin ang Inyong Sarili sa lebel ng isang pinarusahang kriminal.» At si Pedro ay nagmumukhang katulad ng isang guro o isang namimighating ama na may-kabaitan na pinupuna ang isang anak na nakapagsalita ng isang katangahan.

Si Jesus, Na medyo nakayuko upang pakinggan ang pagbulong ni Pedro, ay itinuwid ang Sarili at Na may mahigpit na hitsura at mga matang nanlilisik sa galit, Siya ay sumigaw upang Siya ay marinig ng lahat at matutunan ang leksiyon: «Lumayas ka sa Akin, dahil ikaw ngayon ay si Satanas nagpapayo sa Akin na suwayin Ko ang Aking Ama! Ngunit iyan kung bakit Ako pumunta! Hindi upang maparangalan! Sa pagpapayo sa Akin na maging mapagmalaki, suwail at mahigpit na walang-pagkakawanggawa, pinagagawa mo Ako ng masasamang bagay. Lumayas ka! Iniiskandalo mo Ako! Hindi mo ba naiintindihan na ang kadakilaan ay hindi nakasalalay sa mga parangal, bagkus sa sakripisyo at na walang importansiya kung tingnan na mga uod ng mga tao, kung ang tingin sa atin ng Diyos ay mga anghel? Ikaw, tangang tao, ay hindi naiintindihan ang kadakilaan ng Diyos o ang Kanyang mga rason, at ikaw ay tumitingin, naghuhusga, nakikiramdam at nagsasalita ayon sa purong pagkatao lamang.

Ang kaawa-awang Pedro ay nadurog ng mahigpit na pangaral at napapahiya siya ay tumabi at umiyak... ngunit ang kanyang mga luha ay hindi ang mga luha ng lugod ng mga nakaraang araw. Iniiiyak niya ang kanyang puso sapagkat nabatid niya na siya ay nagkasala at napamighati ang tao na kanyang minamahal. At si Jesus ay pinabayaan siyang makaiyak. Inalis Niya ang Kanyang mga sandalyas, hinilang pataas ang Kanyang mga damit at bumaba sa ilog at tinatawid ito.

Ang iba ay sinusundan Siya nang tahimik. Walang mangahas na magsalita ng kahit ano. Ang kaawa-awang Pedro ay ang huli sa grupo at walang mangyari sa pagsisikap nina Isaac at Simon Zealot na mapaginhawahan siya.

Si Andres ay lumingon nang ilang beses upang tingnan siya at pagkatapos bumulong ng kung ano kay Juan, na ganap na nalulungkot. Ngunit si Juan ay iniling ang kanyang ulo. Si Andres pagkaraan ay nagpasya ang isip. Siya ay tumakbo patungo sa harapan at inabutan si Jesus. Tinawag niya Siya sa mababang nanginginig na tinig: «Guro! Guro!...»

Pinabayaan ni Jesus na tawagin Siya nang ilang beses. Sa wakas Siya ay tumalikod at na may mahigpit na hitsura nagtanong Siya: «Ano ang kailangan mo?»

«Guro, ang aking kapatid ay nalulungkot... siya ay umiiyak..»

«Dapat sa kanya iyan.»

«Iyan ay totoo, Guro. Ngunit siya ay isang tao... maaaring magkamali ang isa kapag nagsasalita.»

«Sa katunayan ang kanyang sinabi ngayon ay maling-mali» tugon ni Jesus. Ngunit hindi na Siya masyadong mahigpit ngayon at ang kislap ng isang ngiti ay napahuhupa ang Kanyang dibinong mga mata.

Lumakas muli ang loob ni Andres at dinoble ang kanyang pagsisikap pabor sa kanyang kapatid. «Ngunit Kayo ay makatarungan at nalalaman Ninyo na siya ay nagkamali sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal sa Inyo...»

«Ang pagmamahal ay kailan maging liwanag, hindi kadiliman. Ginawa niya itong kadiliman at binalutan niya ng mga bendahe nito ang kanyang kaluluwa.»

«Totoo iyan, Panginoon. Ngunit ang mga bendahe ay maaalis kung gusto ito ng isa. Ito ay hindi na tila ang espiritu mismo ay nasa kadiliman. Ang mga bendahe ay ang nasa labas. Ang espiritu ay ang nasa loob, ang buháy na nukleo... Ang loob ng aking kapatid ay mabuti.»

«Bueno, alisin niya ang mga bendahe na kanyang inilagay dito.»

«Tiyak na gagawin niya ito, Panginoon! Inaalis na niya ito. Kung Kayo ay lilingon makikita Ninyo kung papaano nasisira ang kanyang mukha ng mga luha, na hindi Ninyo pinagiginhawahan. Bakit napakahigpit Ninyo sa kanya?»

«Sapagkat katungkulan niya ang maging ang “una”, katulad na ibinigay Ko sa kanya ang karangalan na maging ganyan. Ang nakatatanggap nang labis, ay kailangan na magbigay nang labis...»

«O! Panginoon! Oo, tama iyan. Ngunit hindi ba Ninyo naaalaala si Maria ni Lazarus? O si Juan ng Endor? O si Aglae? O ang Magandang babae ng Korazim? O si Levi? Ibinigay Ninyo sa kanila ang lahat at pinakita lamang nila sa Inyo ang kanilang intensiyon ng pagiging matubos, Panginoon!... Napakinggan Ninyo ang aking mga pakiusap alang-alang sa Magandang babae ng Korazim at kay Aglae... Hindi ba Ninyo pakikinggan ang aking mga pakiusap alang-alang sa Inyong Simon at akin, na nagkamali sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal para sa Inyo?»

Si Jesus ay tinitingnan ang Kanyang malumanay na apostol na naging matapang at mapilit pabor sa kanyang kapatid, katulad na siya ay naging tahimik na mapilit para sa Magandang babae ng Korazim at kay Aglae, at ang Kanyang mukha ay nagningning nang matingkad: «Lakad at tawagin ang iyong kapatid» sabi Niya «at dalhin siya rito.»

«O! Salamat sa Inyo, aking Panginoon! Lalakad ako kaagad...» at siya ay tumakbong umalis, kasing bilis ng isang langaylangayan.

«Halika, Simon. Ang Guro ay hindi galit sa iyo. Halika, sapagkat gusto Niyang sabihin sa iyo.»

«Hindi. Nahihiya ako... Kinagalitan Niya ako kani-kanina pa lamang... Kailangan Niya ako upang pagalitan Niya akong muli...»

«Gaano kaliit ang pagkakakilala mo sa Kanya! Halika na! Sa palagay mo ba gusto kitang dalhin sa Kanya upang maghirap muli? Hindi ako mamimilit kung hindi ako nakatitiyak na may naghihintay para sa iyo roon ng isang malaking kaluguran. Halika.»

«Ngunit ano ang aking sasabihin sa Kanya?» tanong ni Pedro, lumalakad na medyo nag-aalinlangan: siya ay napipigilan ng kanyang pagkataong kalikasan, ngunit siya ay kasabay na itinutulak ng kanyang kaluluwa na hindi makatiis na wala ang pagpapakababa at pagmamahal ni Jesus. «Ano ang sasabihin ko sa Kanya?» patuloy niyang pagtatanong.

«Wala! Ipakita mo sa Kanya ang iyong mukha at magiging sapat na iyan» sabi ng kanyang kapatid pinalalakas ang kanyang loob.

Ang lahat na disipulo, dahil ang magkapatid ay inunahan sila, ay tinitingnan sila ngumingiti, dahil naiintindihan nila kung ano ang nangyayari.

Narating nila ang kinaroroonan ni Jesus. Ngunit sa huling sandali si Pedro ay tumigil. Si Andres ay hindi nag-aksaya ng panahon. Sa pamamagitan ng isang malakas na tulak, katulad ng madalas niyang gawin kapag nagtutulak ng kanyang bangka patungo sa lawa, itinapon niya siya nang paabante. Si Jesus ay tumigil. Si Pedro ay itinaas ang kanyang mukha... Si Jesus ay itinungo ang Kanya... Nagtitinginan silang dalawa. Dalawang malalaking luha ang bumaba sa namumulang mga pisngi ni Pedro...

«Halika rito, Aking malaking bigláin na bata, na sana Ako ay maging isang ama at mapunas ang iyong mga luha» sabi ni Jesus, at itinaas Niya ang Kanyang kamay kung saan ang peklat ng bato sa Giscala ay makikita pa at sa pamamagitan ng Kanyang mga daliri pinunas Niya ang dalawang malaking luha.

«O! Panginoon! Pinatawad na ba Ninyo ako!» tanong ni Pedro sa nanginginig na tinig, kinukuha ang kamay ni Jesus patungo sa kanyang sarili at tinitingnan Siya nang may nagmamahal na nangungusap na mga mata, katulad ng isang tapat na aso na ibig na mapatawad ng kanyang galít na panginoon.

«Hindi kita kailanman isinumpa...»

«Ngunit kanina...»

«Minahal kita. Pagmamahal ang hindi ipahintulot na magka-ugat ang mga paglisya ng mga damdamin at karunungan sa iyo. Kailangan na ikaw ay maging ang una sa lahat, Simon Pedro.»

«Kung gayon... kung gayon, minamahal pa rin Ninyo ako? Gusto pa rin Ninyong kasama ako Ninyo? Hindi dahil na ibig kong maging ang una, alam N’yo. Masaya na ako na maging kahit ang huli, maliban na ako ay kasama Ninyo, sa paglilingkod sa Inyo... at mamamatay ako sa paglilingkod sa Inyo, Panginoon, aking Diyos!»

Si Jesus ay inakbayan ang mga balikat ni Pedro at kinabig siyang málapit sa Kanyang sarili.

At si Pedro, na kanina pa hinahawakan ang isang kamay ni Jesus, ay pinupupog ito ng mga halik... Siya ay masaya at bumulong: «Gaano akong naghirap!... Salamat sa Inyo, Jesus.»

«Mas mabuti pang pasalamatan mo ang iyong kapatid. At sa hinaharap tiyakin na pasanin mo ang iyong pabigat nang may katarungan ang kabayanihan. Hintayin natin ang iba. Nasaan sila?»

Sila ay nakatayo kung saan sila naroroon nang inabutan ni Pedro si Jesus, upang maiwanan ang Guro na libreng makapagsalita sa Kanyang napahiyang apostol.

Si Jesus, nakaakbay pa ang Kanyang kamay sa balikat ni Pedro, ay nagsabi:

«Pagkatapos ng nangyari, naintindihan ninyo na isang mabigat na bagay ang mapunta sa paglilingkod sa Akin. Pinagalitan Ko siya. Ngunit ang Aking pangaral ay para sa inyong lahat. Sapagkat gayon ding mga kaisipan ang nasa mga puso ng karamihan sa inyo, kung ito’y hindi man buo nang ganap, ito ay mikrobyo pa lamang.

Ako ay naparito upang maging Daan, Katotohanan at Buhay. Binibigay Ko sa inyo ang Katotohanan sa pamamagitan ng Aking pagtuturo. Minamarkahan Ko ang daan, tinuturo Ko ito at pinapantay para sa inyo sa pamamagitan ng Aking sakripisyo. Ngunit binibigyan Ko kayo ng Buhay sa pamamagitan ng Aking Kamatayan. At tandaan na sinuman ang tumutugon sa Aking tawag at sumusunod sa Akin upang makipagtulungan sa panunubos sa mundo ay kailangan na nakahandang mamatay upang makapagbigay Buhay sa ibang mga tao. Kung gayon, ang sinuman na ibig na sumunod sa Akin ay kailangan na nakahandang pagkaitan ang kanyang sarili, ang kanyang lumang sarili ng masisimbuyong damdamin nito, mga pagkiling, mga kinaugalian, mga tradisyon at mga kaisipan, at sundan Ako sa pamamagitan ng kanyang bagong sarili.

Gawin ng bawat tao na pasanin ang kanyang krus, katulad na papasanin Ko ang Akin. Kailangan na pasanin niya ito kahit na kung ito ay kahiya-hiya sa kanya. Kailangan na ang bigat nito ay wasakin ang kanyang sariling pagkatao upang mapalaya ang kanyang espirituwal na sarili, na hindi pinupuno ng krus ng takot, sa kabaligtaran ito ay isang suporta at isang bagay ng pagpipitagan sapagkat ang espiritu ay nakaaalam at nakaaalaala. At gawin niyang sundan Ako dala ang kanyang sariling krus. At sa katapusan ng kanyang buhay may naghihintay ba ng isang kahiya-hiyang kamatayan para sa kanya, katulad na ito ay naghihintay para s Akin?

Hindi na bale. Hindi siya kailangan na malungkot dahil diyan, sa kabaligtaran hayaan siyang magbunyi, sapagkat ang kahihiyan ng lupa ay magiging dakilang kaluwalhatian sa Langit, samantalang hindi karangal-rangal ang kumilos sa isang karuwagan na paraan sa harapan ng espirituwal na kabayanihan.

Lagi ninyong sinasabi na kayo ay nakahandang sumunod sa Akin at harapin ang mukha ng kamatayan kasama Ako. Sundan Ako, kung gayon, at pasusundin Ko kayo sa Kaharian dumaraan sa isang mahirap ngunit banal na maluwalhating daan, sa katapusan nito kung saan kakamtin ninyo ang walang-pagbabago na Buhay magpakailanman. Ibig-sabihin “ang mabuhay”. Ang sundan, sa halip, ang mga daan ng mundo at ng laman ay “ang mamatay”. Kung kaya't ang sinuman na ibig na mapanatili ang kanyang buhay sa lupa ay mawawalan nito, samantalang siya na mawawalan ng kanyang buhay sa lupa alang-alang sa Akin at alang-alang sa Aking Ebanghelyo, ay mapananatili ito. Ngunit tandaan: anong mapapala ng tao kung makuha niya ang buong mundo, ngunit mawawala sa kanya ang kanyang kaluluwa?

At maging labis na maingat, kapwa ngayon at sa hinaharap, na huwag ikahiya ang Aking mga salita at ang Aking mga gawa. Ang gawin ito, ay “ang mamatay” din. Sapagkat siya na ikinahihiya Ako at ang Aking mga salita sa gitna ng tanga, mapangalunya, makasalanan na henerasyon na ito, na Aking binanggit sa inyo, at sa pag-asa na makakuha ng proteksiyon at kita ay hinihimok ito ikinakaila Ako at ang Aking Doktrina itinatapon ang Aking mga salita sa maruruming bunganga ng mga baboy at mga aso – na ang kapalit nito ay dumi at hindi pera – ay huhusgahan ng Anak ng Tao, kapag Siya ay dumating sa kaluwalhatian ng Kanyang Ama kasama ang mga anghel at mga santo upang husgahan ang mundo. Ikahihiya Niya pagdating niyan ang mga mapangalunya at mga mapakiapid, at ang mga duwag at mga usurero at palalayasin sila sa Kanyang Kaharian, sapagkat sa selestiyal na Herusalem ay walang silid para sa mga mapangalunya, mga duwag, mga mapakiapid, mga manlalapastangan at mga magnanakaw. At sasabihin Ko sa inyong totoo na ang ilan sa mga naririto ngayon kasama ng Aking mga disipulo at ilan sa mga babaeng disipulo ay hindi matitikman ang kamatayan bago makita ang Kaharian ng Diyos na itinatatag at ang Hari nito kinukoronahan at pinapahiram ng langis.»

Sila ay naglalakad na muli naguusap-usap nang pakaway-way habang ang araw ay unti-unting lumulubog sa kalangitan...

260510/200612

 


Sunod na kabanata