346. Ang hula Kina Pedro at Marjiam. Ang Bulag na lalaki sa Bethsaida.

 Disyembre 1, 1945.

Sila ay hindi na naglalakad, bagkus tumatakbo sa kasariwaan ng bukang-liwayway, na mas kaaya-aya at mas malinaw kaysa sa mga naunang mga umaga; nagkikislapan na mga patak ng hamog at maraming-kulay na mga petalo ang bumabagsak sa kanilang mga ulo at sa mga parang, nagdadagdag ng iba pang mga kulay sa di-mabilang na mga kulay ng maliliit na bulaklak na tumutubo sa mga pampang ng mga ilog at sa mga bukid, at nagniningning sa damo katulad ng mga brilyante. Sila ay nagtatakbuhan sa gitna ng mga umaawit na mga ibon at sa loob ng magaang ihip ng hangin na umaagaas sa mga sanga at humahaplos sa mga dayami at sa mga tangkay ng butil na tumutubong pataas na nang pataas araw-araw; at napapakinggan nila ang masayang lagaslas ng mga sapa na umaagos sa pagitan ng kanilang mga pampang at malumanay na pinayuyuko ang mga tangkay ng mga bulaklak sumasayad sa kanilang malinaw na tubig. Sila ay tumatakbo na tila sila ay patungo sa isang tipanan. Kahit na ang mga nakatatanda, katulad nina Felipe, Bartolomeo, Mateo, at ang Zealot ay sumasali sa malugod na pagmamadali ng mga nakababata. At ganito rin ang nangyayari sa mga disipulo, kung saan ang mga nakatatanda ay nakikipagpaligsahan sa mga nakababata sa pagtakbo nang mabilis.

Ang mga parang ay basa pa rin ng hamog nang marating nila ang lugar ng Bethsaida, nakakulong sa maliit na espasyo sa pagitan ng lawa, ng ilog at ng bundok. Ang isang binata nakayuko sa ilalim ng mga bigkis ng mga panggatong ay bumababa mula sa kakahuyan sa bundok. Siya ay bumababang napakabilis, halos tumatakbo, ngunit hindi niya makita ang mga apostol mula sa kanyang pagkakayuko... Siya ay umaawit nang masaya habang tumatakbo sa ilalim ng kanyang pasan na mga panggatong, at nang kaagad niyang marating ang pinaka kalsada, sa unang mga kabahayan sa Bethsaida, itinapon niya ang kanyang pasan sa lupa at itinuwid ang kanyang sarili upang makapagpahinga, hinahawi ang kanyang maitim na buhok na mapunta sa likuran. Siya ay matangkad at payat, at ang kanyang katawan, bagama't balingkinitan at maliksi, ay malakas. Siya ay isang magandang nagbibinatang-lalaking tingnan.

«Iyon ay si Marjiam» sabi ni Andres.

«Baliw ka ba? Iyan ay isang mamâ» tugon ni Pedro.

Ikinorte ni Andres ang kanyang mga kamay sa kanyang bunganga at tinawag niya siya sa isang malakas na tinig. Ang binata, na pupulutin na sana niya ang kanyang pasan, pagkatapos na maitali ang sinturon ng kanyang maikling tunika, na halos hindi umabot sa kanyang mga tuhod at nakabukas sa kanyang dibdib baka dahil ito ay masikip, ay tumalikod patungo sa direksiyon ng tawag at nakita sina Jesus, si Pedro at ang iba pa na mga nakatingin sa kanya, nakatayo sa isang grupo ng mga willow sumasawsaw sa isang malaking ilog, ang huling sanga ng Jordan bago ang lawa ng Galilee, sa labas lamang ng nayon. Ibinagsak niya ang mga bigkis na panggatong, itinaas ang kanyang mga kamay at sumigaw: «Aking Panginoon! Aking ama!» at siya ay kumuripas ng takbo.

Si Pedro ay tumakbo din, tinatawid ang sapa sa kanyang mga sandalyas, itinaas lamang niya ang kanyang mga kasuutan, at pagkatapos tumakbo sa maalikabok na daan, iniiwan ang basang mga bakas ng kanyang mga sandalyas sa tuyong lupa.

«Ama!»

«Anak!»

Sila ay nagyakapan at si Marjiam ay totoong kasing taas ni Pedro, at sa gayon ang kanyang maitim na buhok ay bumabagsak sa mukha ni Pedro nang sila ay nagpalitan ng halik. Ngunit sa dahilan na si Marjiam ay napaka balingkinitan, mas mataas siyang tingnan.

Pagkatapos, si Marjiam ay kumalas mula sa nagmamahal na yakap at ipinagpatuloy ang kanyang pagtakbo patungo kay Jesus, Na ngayon nasa tabi na ng tabing ito ng sapa at unti-unting lumalapit napalilibutan ng mga apostol. Si Marjiam ay bumagsak sa Kanyang paanan, na ang kanyang mga kamay nakataas at siya ay bumulalas: «O! Aking Panginoon, pagpalain ang Inyong lingkod!»

Ngunit si Jesus ay yumuko, itinaas at idinikit siya sa Kanyang puso hinahalikan ang kanyang mga pisngi at binabati siya ng «walang katapusang kapayapaan at paglago sa karunungan at grasya sa mga daan ng Panginoon.»

Ang mga apostol ay nagbigay din ng malugod na pagbati sa bata, lalo na ang mga hindi sa kanya nakakita sa loob ng maraming buwan at binabati siya nila sa kanyang paglaki.

Ngunit si Pedro!... Kung siya ay kanyang ipinanganak hindi sana siya naging napakasaya! Lumalakad siya nang paikot kay Marjiam, tinitingnan siya, hinihipo siya, at tinatanong ang iba: «Hindi ba’t magandang lalaki siya? Hindi ba’t matatag ang kanyang pangangatawan? Tingnan kung gaano siya katuwid? Anong lapad na dibdib! At ang kanyang tuwid na mga paa!... Medyo payat, hindi pa masyadong maskulado. Ngunit maganda ang kanyang hinaharap! Napakabuti! At ang kanyang mukha? Sabihin sa akin kung siya ang isang maliit na bata na karga-karga ko nang nakaraang taon, nang siya ay nagmumukhang isang patpatin, miserable, malungkot, takot na ibon... mabuting gawa, Porphirea! Ah! Napakagaling niya na pinakakain niya siya ng maraming pulot, mantikilya, langis, itlog at atay ng isda. Kailangan ko siyang kamayan kaagad. Walang anuman ba sa Inyo, Guro? Maaari ba akong pumunta upang tingnan ang aking asawa?»

«Lakad, Simon. Makakasama mo Ako maya-maya lamang.»

Si Marjiam, na ang kanyang kamay nasa kamay pa rin ni Jesus, ay nagsabi: «Guro, ang aking ama ay tiyak na sasabihan ang inay na maghanda ng isang pagkain para sa Inyo. Hayaan Ninyo akong makapunta at tulungan siya...»

«Oo, lakad. At pagpalain ka nawa ng Diyos sa pagpaparangal mo sa iyong ama’t ina.»

Si Marjiam ay tumakbong umalis, pinulot ang kanyang bigkis ng mga panggatong, inilagay ito sa kanyang balikat, inabutan si Pedro at naglalakad sa tabi niya.

«Nakakamukha nila si Abraham at si Isaac umaakyat sa bundok» wika ni Bartolomeo.

«O! kaawa-awang Marjiam! Iyan nga ang magiging huling pasanin!» sabi ni Simon Zealot.

«At kaawa-awang kapatid ko! Hindi ka alam kung may lakas siya na gawin ang ginawa ni Abraham...» sabi ni Andres.

Si Jesus ay tiningnan siya at pagkatapos tinitingnan ang ubanin na ulo ni Pedro, na papalayo malapit sa kanyang Marjiam, at sinabi Niya: «Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang araw ay darating kung saan si Pedro ay magbubunyi nalalaman na ang kanyang Marjiam ay nakakulong, binugbog, hinagupit, hinatulan na mamatay, at magkakaroon siya ng lakas-ng-loob na ilagay niya mismo ang bata sa bitayan upang maramtan siya ng purpura ng Langit at mapasigla ang lupa sa pamamagitan ng dugo ng isang martir, at si Pedro ay maninibugho at mamimighati para sa isang rason lamang: na siya ay wala sa lugar ng kanyang anak at kanyang naiilaliman, dahil ang pagkapili sa kanya bilang ang Supremong Ulo ng Aking Simbahan ay mapipilitan siyang panatilihin ang kanyang sarili para sa Simbahan hanggang sa sabihin Ko sa kanya: “Lakad at mamatay para rito”. Hindi pa ninyo nakikilala si Pedro. Kilala Ko.»

«Nakikita Ninyo ang martiryo para kay Marjiam at sa aking kapatid?»

«Nalulungkot ka ba, Andres?»

«Hindi. Nalulungkot ako na hindi rin Ninyo ito nakikita para sa akin.»

«Sasabihin Ko sa inyong totoo na kayo ay daramtan ng purpura, maliban sa isa.»

«Sino?... Sino?...»

«Tayo ay manahimik tungkol sa kapighatian ng Diyos» sabi ni Jesus nang malungkot ngunit seryoso. At lahat sila ay tahimik, nagmumukhang natatakot at nag-iisip.

Nilalakad nila ang unang kalsada sa Bethsaida, sa pagitan ng mga hardin ng mga gulayin puno ng sariwang kaberdehan. Si Pedro, kasama ang ibang mga tao ng Bethsaida, ay pinasusunod ang isang bulag na lalaki patungo kay Jesus. Si Marjiam ay wala dito. Maaaring nananatili siya sa bahay upang tulungan si Porphirea. Sa pagitan ng mga tao ng Bethsaida at ng mga kamag-anak ng bulag na lalaki, ay naroon ang maraming disipulo na mga nanggaling sa Sicaminon at iba pang mga bayan, at kabilang dito ay sina Stephen, Hermas, Juan ang pari, Juan ang eskriba at marami pa. (Malaking problema ko na ngayon ang maalaala ang mga pangalan nilang lahat: napakarami nila).

«Dinala ko siya sa Inyo, Panginoon. Ilang araw na siyang naghihintay sa Inyo rito» paliwanag ni Pedro, habang ang bulag na lalaki at ang kanyang mga kamag-anak ay nananawagan: «Jesus, Anak ni David, maawa sa amin!», «Hipuin ng Inyong kamay ang mga mata ng aking anak, at siya ay makakakita», «Maawa sa akin, Panginoon! Naniniwala ako sa Inyo!»

Si Jesus ay inakay ang bulag na lalaki at umatras nang kaunting mga hakbang kasama siya, upang mailagay siya sa lilim, dahil ang kalsada ay puno ng sinag ng araw. Inilagay Niya siya sa natatakpan-ng-mga-dahon na pader ng unang bahay sa nayon, at tumayo sa harapan niya. Binabasa Niya ng laway ang Kanyang mga hintuturo at ikinuskos ito sa mga mata ng mamâ. Pagkatapos idiniin Niya ang Kanyang mga kamay sa kanyang mga mata, na ang puno ng bawat palad nasa mata at ang Kanyang mga daliri umaabot sa buhok ng kaawa-awang mamâ. Siya ay nagdarasal at pagkatapos inalis ang Kanyang mga kamay, nagtatanong: «Ano ang nakikita ninyo?»

«May nakikita akong ilan na mga tao. Maaaring sila ay mga lalaki. Ngunit ganyan ko naiimahina ang mga punungkahoy na nasa pamumulaklak. Ngunit sila ay tiyak ngang mga lalaki, dahil sila ay naglalakad at sumisenyas sa akin.»

Ipinatong muli ni Jesus ang Kanyang mga kamay, pagkatapos inalis ito nagtatanong: «At ngayon?»

«O! Ngayon nakikita ko ang kaibahan ng mga punungkahoy na nakatanim sa lupa at ang mga lalaking iyon na nakatingin sa akin... At nakikita ko Kayo! Gaano Kayo kagandang lalaki! Ang Inyong mga mata ay katulad ng kalangitan at ang Inyong buhok ay tila mga sinag ng araw... at ang Inyong tingin at ang Inyong ngiti ay nanggagaling sa Diyos. Panginoon, sinasamba ko Kayo!» at siya ay lumuhod hinahalikan ang laylayan ng Kanyang tunika.

«Tumayo kayo at pumunta sa inyong ina na, sa loob ng maraming taon ay ang inyong naging liwanag at kaginhawahan at ang kaninong pagmamahal tanging kayo lamang ang nakaaalam.»

Kinuha Niya ang mamâ sa kamay at pinasunod siya sa kanyang ina, na nakaluhod mga ilang hakbang ang layo nasa pagsasamba, katulad ng kanyang ginawa kanina nang nangungusap.

«Tumayo kayo, babae. Naririto ang inyong anak. Nakakakita na siya ngayon ng liwanag at harinawang ang kanyang puso ay ibigin na sundan ang eternal na Liwanag. Umuwi at maging masaya. At mamuhay nang banal dala ng pasasalamat sa Diyos. Ngunit sa pagdaan sa mga nayon huwag sabihin kaninuman na pinagaling kita, kung hindi magmamadali ang mga pulutong patungo rito at mapipigilan Ako na makapunta kung saan makatarungan na Ako ay pumunta, upang kumpirmahin ang pananampalataya at dalhin ang liwanag at lugod sa ibang mga anak ng Aking Ama.»

At Siya ay mabilis na nawala sa isang maliit na daan sa pagitan ng mga pangkusinang-hardin, patungo sa bahay ni Pedro, na Kanyang pinapasok binabati nang may-kabaitan si Porphirea.

260510/200612

 


Sunod na kabanata