347. Mula Capernaum Hanggang Nazareth Kasama si Manaen at ang mga Babaeng Disipulo.

Disyembre 2, 1945.

Nang sila ay nakababa sa maliit na baybayin ng Capernaum sila ay sinalubong ng mga nagsisigawan na mga bata na mga nakikipag-unahan sa mga langaylangayan, na ngayon abala sa pagtatayo ng kanilang mga pugad, napakabilis nilang tumakbo mula sa baybayin hanggang sa mga kabahayan, nagtitilian sa kanilang matitinis na tinig, masasaya sa simpleng kaluguran ng mga bata, kung kanino ang lahat ay isang magandang tanawin at isang mahiwagang bagay: isang maliit na isda na natagpuang patay sa baybayin, o isang bato na pinakinis ng mga alon at iyan dahil sa kulay nito, ay nagmumukhang isang mamahaling bato, o isang bulaklak na tumutubo sa pagitan ng dalawang bato, o ang nagbabalangaw na salagubang na nahuli sa paglipad. Lahat magagandang bagay na kanilang maipakikita sa kanilang mga ina upang sila ay makahalo sa lugod ng kanilang mga anak.

Ngunit ang maliliit na tao na mga langaylangayan ay nakita na si Jesus at ang lahat ng kanilang mga paglipad ay nagtatapos patungo sa Kanya, Na maglalakad na sa baybayin. At ito ay isang mainit na buháy na pagdagsa ng mga bata, isang magiliw na tanikala ng murang maliliit na kamay, ito ay ang pagmamahal ng mga puso ng mga bata na sumasalubong kay Jesus, Na iniipit, pinalilibutan at pinaiinitan, na tila sila ay isang magiliw na apoy.

«Ako! Ako!»

«Isang halik!»

«Sa akin!»

«Sa akin din!»

«Jesus! Mahal Kita!»

«Huwag Ka na uling umalis nang matagal!»

«Pumupunta ako rito araw-araw upang tingnan kung Ikaw ay darating.»

«At madalas akong pumunta sa Iyong bahay.»

«Kunin Mo ang bulaklak na ito, iyan ay para sa aking ina, ngunit binibigay ko iyan sa iyo.»

«Isa pang halik sa akin, isang malaking halik. Hindi Mo ako hinalikan noong una, sapagkat tinulak ako sa likod ni Jael...»

At ang kanilang matiling mga tinig ay patuloy sa pagsigaw, habang nagsisikap si Jesus na makalakad sa gitna ng nagmamahal na lambat.

«Iwanan na Siya ngayon! Lakad! Tama na iyan ngayon!» sigaw ng mga apostol at mga disipulo nagsisikap na luwagan ang pang-iipit. Walang pag-asa! Katulad nila ang mga baging na may mga panupsop. Natatanggal sila rito at kumakapit doon.

«Hayaan sila! Sa pamamagitan ng kaunting pasyensiya makakarating tayo roon» sabi ni Jesus ngumingiti at sobra-sobra ang kaiklian ng hakbang na Kanyang ginagawa upang makapagpatuloy na hindi nayayapakan ang walang-sandalyas na mga paa ng mga bata.

Ang nakapagpalaya sa Kanya mula sa nagmamahal na pang-iipit ay ang pagdating ni Manaen kasama ang ibang mga disipulo, kasama rito ang mga pastol na dati nasa Judaea.

«Kapayapaan sa Inyo, Guro!» kulog na wika ni Manaen na mapangibabaw sa kanyang maringal na kasuutan at hindi na ngayon nagsusuot ng mga alahas sa kanyang noo at mga daliri; isang magandang espada ang sa halip nakabitin sa kanyang tabi at nakukuha nito ang magalang na paghanga ng mga bata, na, sa pagkakita sa maringal sa kabalyero na nakasuot ng purpura at may dalang kagila-gilalas na armas sa kanyang tabi, ay tumabi kitang-kitang natatakot.

At sa gayon mayayakap Niya siya at sina Elijah, Levi, Matias, Jose, Juan, Simeon at hindi ko alam kung ilan pa. «Papaano na kayo ay naririto? At papaano ninyo nalaman na Ako ay dumaong?»

«Nalaman namin sa pamamagitan ng mga sigawan ng mga bata. Nilalagos nito ang mga pader katulad ng mga palaso ng kaluguran. Ngunit ako ay pumunta rito iniisip na ang Inyong susunod na paglalakbay sa Judaea ay malapit na at na ang mga babae ay sasama rin dito... Ibig ko rin na mapasama rito... Upang protektahan Kayo, Panginoon, kung hindi ako masyadong nagmamalaki sa pag-iisip nito. May labis na pananabik sa Israel laban sa Inyo. Ikinalulungkot kong sabihin ito. Ngunit ito ay nalalaman Ninyo.»

At habang nagsasalita nang ganito, narating nila ang bahay at sila ay pumasok. Si Manaen ay ipinagpapatuloy ang kanyang pagsasalita pagkatapos na ang maybahay na lalaki at ang kanyang asawa ay sinamba ang Guro.

«Sa ngayon ang pananabik at ang interes para sa Inyo ay napasok na ang bawat lugar, ginigising at kinukuha ang pansin ng kahit na ang pinaka mapurol na tao, na dati ay ganap na abalá lamang tungkol sa ibang mga bagay. Ang balita tungkol sa Inyong mga nagawa ay nakapasok kahit sa maruming mga pader ng Machaerus at narating ang mahalay na mga taguan ni Herodes, ibig-sabihin: ang kanyang lugar sa Tiberias, ang mga kastilyo ni Herodias at ang maringal na maharlikang palasyo ng mga Asmonean, malapit sa palengkeng Sixtus. Katulad ng isang ragasa ng liwanag at ng kapangyarihan ang balita ay tumatagos sa maitim na masasagwang harang, ginigiba ang mga tambak ng mga kasalanan na inilagay bilang mga trintsera na makapagtatakip sa napakaruming mga pagtatalik ng Korte at ng malulupit na krimen nito, ito ay sumisibad katulad ng isang palasong apoy nagsusulat ng mga salita na magpahanggang ngayon malayong mas grabe kaysa sa mga naisulat sa mahalay na mga pader ng mahahalay na silid-higaan at sa mga pader ng trono at bulwagan ng bangkete sa kapistahan ni Belshazzar. Ang balita ay isinisigaw ang Inyong Pangalan at kapangyarihan, ang Inyong Kalikasan at ang Inyong Misyon. At si Herodes ay nanginginig sa takot; si Herodias pagulung-gulong sa kanyang higaan natatakot na Kayo ay baka ang naghihiganting Hari, na kukuha sa kanyang kayamanan at kalayaan, kung hindi ang kanyang pinaka buhay, maiiwan siya sa awa ng mga mamamayan, na maghihiganti para sa kanyang maraming krimen. Nanginginig sila sa Korte, dahil sa Inyo. Nanginginig sila sa pagkatao at sa mas higit pa sa pagkataong takot. Mula ng pinugot nila ang ulo ni Juan, isang apoy ang tila nagniningas sa mga bituka ng mga pumatay sa kanya. Ni hindi na nila kinalulugdan ang kanilang dating miserableng kapayapaan, ang kapayapaan ng mga baboy na busog sa mga paglalasing, na siyang nagpapatahimik sa kanilang naninising mga konsiyensya sa kalasingan o pakikipagtalik. Walang nakapagpapatahimik sa kanila... Sila ay inuusig... At kinapopootan nila ang isa’t isa pagkatapos ng pagtatalik, nasusuklam sa isa’t isa, inaakusahan ang isa’t isa sa paggawa ng krimen na ngayon nagpapahirap sa kanila dahil lumampas ito sa limitasyon. Si Salome, na tila nalukuban ng dimonyo, ay natigatig ng gayong kalibugan na kahit na ang isang alipin na babae ay hindi iyon magagawa. Ang Maharlikang palasyo ay nangangamoy nang higit pa sa isa kanal. Si Herodes ay nagtanong sa akin tungkol sa Inyo nang makailang beses. At lagi akong tumutugon sa kanya: “Sa ganang akin Siya ay ang Mesiyas, ang Hari ng Israel ng walang-katulad na maharlikang angkan: ang kay David. Siya ay ang Anak ng tao na hinulaan ng mga Propeta, Siya ay ang Salita ng Diyos, Siya, Na bilang ang Kristo, ang Pinahiran-ng-langis ng Diyos, ay siyang may karapatan na maghari sa lahat ng nabubuhay”. At si Herodes ay namumutla sa takot dahil nadadama niya na Kayo ang Tagapaghiganti. At dahil ang kanyang mga konsorte, upang siya ay mapaginhawahan nagsasabing Kayo ay si Juan, napagkamalan na paniwalaan na patay, na sa gayon hinihimatay siya sa takot, o na Kayo ay si Elijah o kung sinong propeta ng nakaraan, nilalabanan niya ang kanyang takot at ang sigaw ng kanyang konsiyensyang inuubos ng paninisi, sa pagsasabing: “Hindi. Hindi Siya maaaring maging si Juan! Pinapugutan ko siya at ang kanyang ulo ay nasa maingat na pangangalaga ni Herodias. At hindi Siya maaaring maging ang isa sa mga propeta. Ang isa ay hindi na muli namumuhay pagkatapos mamatay. Ni hindi Siya maaaring ang Kristo. Sino ang nagsasabing Siya nga? Sino ang mangangahas na magsabi sa akin na Siya ang Hari ng walang-katulad na maharlikang angkan? Ako ang hari! Wala nang iba! Ang Mesiyas ay pinatay ni “Herod the Great”: Siya ay nilunod sa dagat ng dugo, nang Siya ay ipinanganak kaagad. Siya ay kinatay katulad ng isang maliit na kordero... at Siya ay mga ilang buwan pa lamang ang edad... Hindi ba ninyo naririnig Siyang umiiyak? Ang Kanyang paghuni ay laging umaalingawngaw sa loob ng aking ulo kasama ang atungal ni Juan: ‘Labag sa Batas para sa iyo na mapasaiyo si Herodias’... Ito ba ay labag sa Batas para sa akin? Hindi, hindi labag sa Batas! Ako ay pinahihintulutan ng lahat, dahil ako ang hari’. Gusto ko ang alak at mga babae rito, kung tinatanggihan ni Herodias ang aking mga yakap, at gawin si Salome na sumayaw upang magising ang aking mga pandama, na tinatakot ng inyong nakakatakot na mga kuwento”. At siya'y magpapakalasing kasama ang mga mananayaw ng Korte, habang sa loob ng silid ni Herodias ang baliw na babae ay sisigaw ng mga panunumpa laban sa Martir at ng mga pananakot sa Inyo, at si Salome, sa kanyang mga silid, nadarama kung ano ang ibig-sabihin ng ipanganak sa dalawang mahalay na mga magulang at ang pumayag sa isang krimen at ang gawin ito sa pagbibigay ng kanyang katawan sa sobra-sobrang pagnanasa ng isang maruming tao. Nang si Herodes ay nahingawan, ibig niyang siya'y mapasabihan ng tungkol sa Inyo at ibig niya Kayong makita. Iyan kung bakit pabor siya sa aking mga pagdalaw sa Inyo, dahil umaasa siya na baka madala ko Kayo sa kanya. Na hindi ko kailanman gagawin dahil hindi ako nakahandang dalhin ang Inyong kabanalan sa lungga ng maruruming hayop. At si Herodias ay ibig na mapunta Kayo sa kanya upang hampasin Kayo. At sumisigaw siya nang ganyan hawak-hawak ang kanyang panusok... At si Salome ay ibig niyang mapunta Kayo sa kanya, dahil nakita niya Kayo sa Tiberias, nang hindi Ninyo nalalaman, nang nakaraang buwan ng Ethanim at nababaliw siya sa Inyo... Iyan ang Maharlikang Palasyo, Guro! Ngunit nananatili ako roon upang mabantayan kung ano ang kanilang balak na gawin sa Inyo.»

«At Ako ay nagpapasalamat sa iyo para diyan at ang Kataastaasan ay pinagpapalà ka. Iyan ay ang isa rin na pamamaraan ng paglilingkod sa Kataastaasan sa Kanyang mga dekreto.»

«Iyan ang aking naisip. At iyan kung bakit ako naparito.»

«Manaen, dahil naririto ka na, nakikiusap Ako sa iyo ng isang pabor. Huwag kang sumama sa Akin patungong Herusalem, bagkus sumama sa mga kababaihan. Lalakad Ako kasama ang Aking mga disipulo sa di-alam na daan at walang sinuman ang makapananakit sa Akin. Ngunit sila ay mga babae at walang proteksiyon at siya na sasama sa kanila ay isang maamong kaluluwa at naturuan na ibigay ang kanyang isa pang pisngi sa sinuman na hahampas sa kanya. Ang iyong presensya ay magiging isang ligtas na proteksiyon. Naiintindihan Ko na ito ay isang sakripisyo, ngunit magkakasama tayo sa Judaea. Aking mahal na kaibigan, huwag mong ipagkait sa Akin ang pabor na ito.»

«Panginoon, ang bawat mithiin Ninyo ay batas sa Inyong lingkod. Ako ay nasa paglilingkod sa Inyong Ina at sa mga babaeng disipulo mula sa sandaling ito, hanggang sa gustuhin Ninyo.»

«Salamat sa iyo. At ang pagsunod mong ito ay isusulat din sa Langit. Ngayon, habang naghihintay para sa mga bangka, ating pagalingin ang mga maysakit na mga naghihintay para sa Akin.»

At si Jesus ay bumaba patungo sa pangkusinang-hardin kung saan may mga estretser at mga taong may sakit at pinagaling Niya sila kaagad, habang si Jairus at ang kaunting mga kaibigan sa Capernaum ay nagbibigay ng kanilang paggalang sa Kanya.

Pansamantala ang mga kababaihan – ibig-sabihin: sina Porphirea at Salome, ang maedad na asawa ni Bartolomeo at ang di-masyadong maedad na asawa ni Felipe kasama ang kanyang bata-pang mga dalaga – ay abala sa paghahanda ng mga pagkain para sa isang malaking pulutong ng mga disipulo na ang kaninong pagkagutom ay mapupunuan ng maraming basket ng mga isda na inialay ng mga mamamayan ng Bethsaida at ng Capernaum. At ang malaking gawain ng pag-aalis ng mga hasang ng mga kumikisay pang mga isda, ang paghuhugas sa mga ito sa mga palanggana at pag-iihaw nito ay ginagawa sa kusina habang si Marjiam at ilan pang mga disipulo ay inaasikaso ang pagpapanatili sa apoy at ang pagdadala ng mga pitsel ng tubig upang matulungan ang mga babae.

Ang mga pagkain maya-maya lamang ay handa na at ang kainan ay kaagad natapos. At sa dahilan na ang sapat na bilang ng mga bangka ay nag-ipun-ipon na, ang tanging kanilang gagawin na lamang ay ang magpalaot patungo sa Magdala, sa ibabaw ng kahali-halinang lawa, na napakamapayapa at anghelikal sa esmeraldang kaberdehan ng mga baybayin nito.

Ang mapag-arugang bahay at ang mga hardin ni Maria ng Magdala ay tinatanggap ang Guro at ang Kanyang mga disipulo sa katanghaliang oras, at ang buong Magdala ay nagmamadali upang batiin ang Rabbi, Na patungong Herusalem.

--------------------

Ang matapat na pulutong ay naglalakad nang mabilis at masaya sa tabi ng malamig na mga dalisdis ng mga burol ng Galilee, sinusundan ng isang komportableng bagon kung saan naroroon si Johanna kasama si Porphirea, si Salome, ang mga asawa nina Bartolomeo at Felipe at ang dalawang anak na babae ng huli at ang dalawang masayahing inampon ni Johanna, sina Matias at Maria, na ang mga hitsura ay nagbago nang husto na hindi mo na makikilala mula sa kung ano sila dati limang buwan na ang nakararaan. Si Marjiam ay may katapangan na naglalakad kasama ang malalaki nang mga tao, at ayon sa tagubilin ni Jesus na siya ay sumabay sa apostoladong grupo, sa pagitan nina Pedro at Juan at wala siyang napalalampas na salita sa kung ano ang sinasabi ni Jesus.

Ang araw ay sumisikat sa napakalinaw na kalangitan at ang mga dagsa ng hangin ay nadadala ang mga amoy ng mga kakahuyan, ang menta, ang mga biyoleta, ang maagang mga liryo ng lambak, ang mga palumpong ng mga rosas na puno ng mga bulaklak, at higit sa lahat, ang sariwang medyo mapait-pait na amoy ng mga bulaklak ng mga namumungang-punungkahoy, na kung saan-saan ay nagpapaulan ng kaputiang-niyebeng mga petalo sa mga damuhan. Sila ay lahat may mga petalo sa kanilang mga buhok habang sila ay nagpapatuloy sa gitna ng walang-tigil na mga huni ng mga ibon, sa gitna ng nanrarahuyong mga awit at nananabik na mga tawagan mula sa isang palumpungan hanggang sa isa pa, sa pagitan ng matatapang na lalaki at ng mahiyaing mga babae, habang nananabsab ang mga tupa, matataba gawa ng kanilang pagbubuntis, at ang unang maliliit na kordero ay ibinabangga ang kanilang maliliit na nguso sa bilog na mga utong upang madagdagan ang pagsipsip ng gatas, o sila ay patalun-talon sa mga parang na puno ng malalambot na damo, katulad ng masasayang mga bata.

Narating nila kaagad ang Nazareth pagkatapos ng Cana, mula kung saan sumama na si Susanna sa iba pang mga babae, dala niya ang mga produkto ng kanyang lupa sa mga basket at mga plorera at ang isang buong sibol ng mapulang mga rosas, lahat nasa pagbubuko at malapit nang bumukadkad, «upang ialay kay Maria» sabi niya.

«Mayroon din akong dalang ilan, kita mo?» sabi ni Johanna inaalisan ng takip ang isang uri ng kahon, kung saan maraming mga bulaklak ng rosas ang nakalatag kasama ng basang mga lumot: «Ito ang mga una at ang pinakamagagandang mga bulaklak. Ngunit wala pa rin para sa Kanya, Na napakamahal!»

Nakikita ko na ang bawat babae ay may dalang pagkain para sa Paskuwang paglalakbay at kasama ng pagkain ang iba ay nagdala ng mga bulaklak, ang iba mga tanim para sa hardin ni Maria. Si Porphirea ay humihingi ng paumanhin para sa pagdala lamang ng isang plorera ng alkampor, na maganda gawa ng munting asul na berdeng mga dahon nito na mangangamoy kapag hinipo nang kahit kaunti lamang. «Si Maria ay gusto ang nagagawang pamahid na halaman na ito...» sabi niya. At sila ay lahat pagpupuri sa kanya para sa mayabong na kagandahan ng bata-pang tanim. «O! Binantayan ko ito noong buong taglamig, pinoprotektahan ito sa paninigas at sa ulang-yelo sa loob ng aking silid. Si Marjiam ay tinutulungan akong ilabas ito para masikatan ng araw tuwing umaga, at ipasok ito sa gabi... At kung walang bangka at bagon, ang mahal na batang iyon ay dadalhin ito sa ibabaw ng kanyang balikat upang madala kay Maria, upang makagawa sa Kanya at sa akin ng maganda» sabi ng mapagpakumbabang babae, na lalong nagkakaroon ng lakas ng loob sa pamamagitan ng kabaitan ni Johanna at nasa kanyang tabi dala ang lugod na siya ay makakapunta sa Herusalem kasama ang Guro, ang kanyang asawa at si Marjiam.

«Napunta ka na ba roon?»

«Nang buhay pa ang aking ama madalas akong pumunta taun-taon. Ngunit pagkaraan... Ang aking ina ay hindi na pumupunta. Madadala sana ako ng aking mga kapatid na lalaki, ngunit katulong ako ng aking ina at ayaw niya akong payagan. Pagkatapos pinakasalan ko si Simon at ang aking kalusugan ay hindi naging napakabuti. Ang paglalakbay ay matatagalan si Simon at siya ay naiinip... Kung kaya't nananatili ako sa bahay hinihintay siya... Ang Panginoon ay nakita ang aking mithiin... at ito ay gayon na rin na tila inialay ko ang aking sakripisyo sa Templo...» sabi ng mapagpakumbabang babae.

At si Johanna, na malapit sa kanya, ay inilagay ang kanyang kamay sa ibabaw ng magagandang tirintas na buhok, nagsasabing: «Aking mahal!» At labis na may pagmamahal, pag-unawa at ibig-sabihin sa adhetibong iyon.

Ayón ang Nazareth... Ayón ang bahay ni Maria ni Alfeo na nasa mga bisig na ng kanyang mga anak; at sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, na mga tumutulo pa at mapula dahil siya ay naglalaba, hinahaplos niya sila, at pagkatapos, tinutuyo ang kanyang mga kamay sa kanyang magaspang na epron, tumakbo siya upang yakapin si Jesus... At ayón ang bahay ni Alfeo ni Sarah, kasunod kaagad ng bahay ni Maria. Si Alfeo ay sinabihan ang kanyang pinakamatandang anak na tumakbo upang sabihan si Maria, at siya ay nagmadali patungo kay Jesus puno ang kanyang bisig ng mga kaapuhan at binati niya Siya kasama ang mga bata na karga niya katulad ng isang punpon ng mga bulaklak na iniaalay kay Jesus. At ayón si Maria: Siya ay lumitaw sa pintuan, sa loob ng sikat ng araw, nakasuot ng malabnaw na asul na damit, na medyo kupas na, na ang Kanyang malagintong buhok nagniningning sa Kanyang malabirhen na noo at napoporma ang isang mabigat na buhol ng mga tirintas sa ibabaw ng Kanyang batok; Siya ay humantong sa dibdib ng Kanyang Anak, Na hinahalikan Siya nang lahat ng Kanyang pagmamahal.

Ang iba ay tumigil nang di-halata upang maiwanan sila nang libre sa kanilang unang pagkikita. Ngunit si Maria ay tumikal, lumingon, ang Kanyang mukha, di nabago ng edad, ay ngayon malarosas dahil sa sorpresa at sa Kanyang maningning na ngiti, at bumati Siya sa pamamagitan ng Kanyang anghelikal na tinig: «Kapayapaan sa inyo, mga lingkod ng Panginoon at mga disipulo ng Aking Anak. Kapayapaan sa inyo, mga kapatid na babae sa Panginoon» at Siya ay nakikipagpalitan ng isang pangkapatiran na halik sa mga babaeng disipulo, na mga nakababa na sa bagon.

«O! Marjiam! Hindi na kita makakarga! Ikaw ay isang lalaki na ngayon. Ngunit halika sa Ina ng lahat ng mabubuting anak, mabibigyan pa naman kita ng isang halik. Aking mahal! Pagpalain ka nawa ng Diyos at gawin kang lumago sa Kanyang mga daan, nang kasing lakas katulad ng paglaki ng iyong bata-pang katawan, at nang mahigit pa. Anak, kailangan na dalhin natin siya sa kanyang lolo. Magiging masaya siya na makita niya siya na ganyan» sinabi Niya pagkatapos hinaharap si Jesus.

Pagkatapos Kanyang niyayakap sina Santiago at Judas ni Alfeo. At ibinibigay Niya sa kanila ang balita na tiyak na makapagpapasaya sa kanila nang higit pa sa lahat: «Si Simon sa taon na ito ay sasama sa Akin, bilang isang disipulo ng Guro. Sinabi niya sa Akin.»

At binabati Niyang isa-isa ang pinakakilala na Niya, ang mas mga maimpluwensiya, sinasabi ang pinakamagandang mga salita sa bawat isa sa kanila. Si Manaen ay inakay patungo sa Kanya ni Jesus, Na ipinakikilala Niya kay Maria bilang ang Kanyang abay sa paglalakbay patungong Herusalem.

«Hindi Ka ba sasama sa amin, Anak?»

«Inay, may ibang mga lugar pa Akong kailangan na ebanghelyuhin. Magkikita tayo sa Bethany.»

«Harinawang mangyari ang Iyong kalooban ngayon at lagi. Salamat sa iyo, Manaen. Ikaw: isang taong anghel; ang aming mga tagapag-alaga: ang mga anghel sa Langit; at kami ay magiging ligtas na tila kami ay nasa Banal ng mga Banal.» At Kanyang iniaabot ang Kanyang maliit na kamay kay Manaen bilang tanda ng pakikipagkaibigan. At ang kabalyero, na pinalaki sa mga kaugalian sa korte, ay lumuhod upang halikan ang mayuming kamay na iniaalok sa kanya.

Pansamantala ang mga bulaklak at ang kailangang maiwan sa Nazareth ay naibaba na. Ang bagon ay dinala sa isa sa mga establero sa bayan.

Ang maliit na bahay ay nagmumukhang isang taniman ng mga rosas gawa ng mga rosas na ikinalat ng mga babaeng disipulo sa kung saan-saan. Ngunit ang halaman ni Porphirea, na inilagay sa ibabaw ng isang mesa, ay ang isa na siyang pinaka hinahangaan ni Maria, Na dinala ito sa isang bagay na lugar ayon sa mga tagubilin ng asawa ni Pedro.

Sila ay tiyak na hindi lahat makakapasok sa maliit na bahay o sa pangkusinang-hardin, na hindi isang asyenda, ngunit ito ay tila tumataas patungo sa kalangitan at nagiging mahangin, napakarami ang mga ulap ng mga pamumulaklak ng mga punungkahoy sa hardin. At si Judas ni Alfeo ay tinatanong si Maria ngumingiti: «Namitas na ba Kayo ng Inyong sanga para sa Inyong amphora ngayon?»

«Tiyak na tiyak iyan, Judas. At iniisip Ko iyan nang kayo ay dumating...»

«At nangangarap na naman Kayo muli, Inay, ng tungkol sa Inyong malayo nang misteryo...» sabi ni Jesus, niyayakap Siya sa pamamagitan ng Kanyang kaliwang kamay at idinidikit Siya sa Kanyang puso.

Si Maria ay itiningala ang Kanyang namumulang mukha at nagsabi na may buntung-hininga: «Oo, Anak, at nangangarap Akong muli ng tungkol sa unang tibok ng Iyong puso sa loob Ko.»

Sinabi ni Jesus: «Hayaan ang mga babaeng disipulo, ang mga apostol, si Marjiam, ang pastol na mga disipulo, si Juan ang pari, si Stephen, si Hermas at Manaen na makapanatili rito. Ang iba ay maaaring makapaghanap ng mga matutuluyan...»

«Marami ang makatitigil kasama ko...» sigaw ni Simon ni Alfeo mula sa pintuan kung saan siya ay pinatigil. «Ako ay kanilang kapwa disipulo at inaako ko sila.»

«O! Kapatid, pasok ka, na sana mahalikan kita» sabi ni Jesus nang mapagmahal, habang si Alfeo ni Sarah, si Ishmael at si Aser, ang dalawang disipulo, dati mga drayber ng asno, ng Nazareth, ay nagsabi: «Halikayo sa aming bahay!»

Ang mga disipulong hindi napiling manatili, ay umalis at ang pinto ay maisasara na... ngunit ito ay binuksan muli kaagad pagkatapos para sa pagdating ni Maria ni Alfeo, na hindi maaaring makapanatiling malayo, kahit na kung ang kanyang nilalabhan ay masira. Sila ay mga apatnapung katao at sila ay kumalat sa mainit na mapayapang hardin, hanggang sa ang pagkain ay ipinamigay, at ang lahat ay nakita itong may selestiyal na lasa, napakasaya nilang kainin ito sa loob ng bahay ng Panginoon, at iniabot ni Maria.

Si Simon ay bumalik pagkatapos na maisaayos ang mga disipulo at nagsabi: «Hindi Mo ako tinawag kasama ang iba, ngunit ako ay Iyong kapatid at ako ay mananatili pa rin dito.»

«Mabuti, Simon, halika rito. Ibig Ko kayong naririto upang makilala si Maria. Marami sa inyo ang nakakikilala kay Maria bilang ang “ina”; ang ilan bilang ang “esposa”. Ngunit walang nakakikilala sa Kanya bilang ang “birhen” na Maria. Ibig Kong makilala ninyo Siya sa loob ng hardin na ito na nasa pamumulaklak, kung saan ginusto ng inyong mga puso na pumunta nang kayo ay napilitan na mapapunta sa malayo, bilang isang pahingahang lugar pagkatapos ng inyong apostoladong gawain.

Ako ay nakinig sa inyo mga apostol, mga disipulo at mga kamag-anak na nagsalita, at napakinggan Ko ang inyong mga impresyon, ang inyong mga alaala at ang inyong mga sinasabi tungkol sa Aking Ina. Babaguhin Ko ang anyo ng lahat na iyan, na kapuri-puri bagama't napakapantao pa rin, sa pagiging isang sobrenatural na kaalaman. Sapagkat ang Aking Ina ay kailangan na mabago ang anyo, sa harapan Ko, sa mga mata ng pinaka karapat-dapat, upang maipakita Siya katulad ng kung ano nga Siya. Nakakakita kayo ng isang babae. Isang babae na ibang-iba sa ibang mga babae, dahil sa Kanyang kabanalan, ngunit sa katotohanan nakikita ninyo Siya bilang isang kaluluwa nakabalot sa isang katawan, katulad na katulad ng lahat na mga babae na Kanyang mga kapatid. Ngunit ngayon ibig Kong ibunyag sa Inyo ang kaluluwa ng Aking Ina. Ang Kanyang totoo at eternal na kagandahan.

Halikayo rito, Inay. Huwag mamula. Huwag umalis nang nahihiya, matamis na kalapati ng Diyos. Ang Inyong Anak ay ang Salita ng Diyos at Siya ay makapagsasalita ng tungkol sa Inyo at sa Inyong misteryo, tungkol sa Inyong mga misteryo, o kataastaasang Misteryo ng Diyos. Tayo ay maupo rito, sa loob ng kaaya-ayang lilim ng mga punungkahoy na nasa pamumulaklak malapit sa bahay, malapit sa Inyong banal na silid. Ganyan! Ating hawiin ang pumapagaypay na kurtinang ito, upang ang mga alon ng kabanalan at ang Paraiso ay sana makalabas sa pambirhen na silid na ito, upang matigmak kaming lahat ng Inyong mga birtud... Oo. Ako rin. Na sana Ako ay mangamoy ng Inyo, o perpektong Birhen, upang sana matiis Ko ang baho ng mundo, upang sana makakita Ako ng kadalisayan pagkatapos na mapuno Ko ang Aking mga mata ng Inyong Kadalisayan... Marjiam, Juan, Stephen halikayo rito, at kayo, mga babaeng disipulo, tumayo sa harapan mismo ng nakabukas na pintuan ng basal na luklukan ng pinaka Basal sa lahat ng mga babae. At kayo, Aking mga kaibigan, tumayo sa likuran. At Kayo, Aking pinakamamahal na Ina, dito, sa tabi Ko.

Kani-kanina lamang sinabi Ko sa inyo: “ang eternal na kagandahan ng kaluluwa ng Aking Ina”. Ako ang Salita. At sa gayon magagamit Ko ang mga salita nang hindi nagkakamali. Sinabi Ko: eternal, hindi inmortal. At sinadya Kong sabihin nang ganyan. Ang tao ay inmortal na, pagkatapos maipanganak, ay hindi namamatay. Kung gayon ang mga kaluluwa ng makatarungan ay inmortal sa Langit, ang mga kaluluwa ng mga makasalanan ay inmortal sa Impiyerno, sapagkat ang isang kaluluwa, kapag ito ay nalikha na, ay hindi mamamatay ngunit mamamatay sa grasya. Ngunit ang isang kaluluwa ay may buhay, ito ay naririyan na mula pa sa sandali na ito ay inisip ng Diyos.[1] Ito ay ang Isip ng Diyos na siyang naglilikha. Ang kaluluwa ng Aking Ina ay inisip ng Diyos mula sa walang-hanggan. Ito kung gayon ay eternal sa kagandahan, kung saan ibinuhos ng Diyos ang bawat perpeksiyon upang makatanggap ng kasiyahan at kaginhawahan mula rito.

Nakasulat sa Aklat ng aming ninunong si Solomon, na nakakita sa Inyo sa hinaharap, at kung gayon matatawag na Inyong propeta: “Ang Diyos ay tinaglay ako sa pagsimula ng Kanyang mga gawain, mula sa simula’t simula, bago ang Paglilikha. Mula sa walang-hanggan ako ay matatag na nailuklok, mula sa pagsimula, bago nagkaroon ng Lupa. Wala pa ang kalaliman, at ako ay pinaglihi. Wala pang mga bukal na bumubukal ng tubig, ang mga bundok ay hindi pa naitatalaga sa kanilang malalaking masa, at ako ay naroroon na. Bago ang mga burol ako ay naipanganak na. Hindi pa Niya nagagawa ang Lupa, ang mga ilog, o ang mga polo[2] ng mundo, at ako ay naroroon na. Nang Kanyang inihanda ang kalawakan at ang Langit ako ay naroroon. Nang sa pamamagitan ng di-malalabag na batas isinara Niya ang kalaliman sa ilalim ng arko, nang Kanyang matatag na itinalaga ang selestiyal na arko at Kanyang ibinitin doon ang mga pinanggagalingan ng tubig, nang binigyan Niya ng mga hangganan ang karagatan at inutusan ang tubig na huwag lalampas sa limitasyon, nang Kanyang inilatag ang mga pundasyon ng lupa, ako ay nasa Kanyang tabi inaayos ang lahat. Ako ay laging malugod na nasa paglalaro sa Kanyang presensya. Naglaro ako sa sansinukuban”.

Oo, Inay, para kung Kanino ang Diyos, ang Napakalawak, ang Kataastaasan, ang Birhen, ang Di-Nilikha, ay buntis at dinadala Kayo katulad ng isang napakatamis na dalahin, nagbubunying nararamdaman Kayo na gumagalaw sa loob Niya, nang sa pamamagitan ng Inyong mga ngiti nilikha Niya ang Sansinukob! May kahirapan na Kayo ay Kanyang iniluwal upang ibigay sa Inyo ang mundo, kagiliw-giliwan na kaluluwa, ipinanganak ng Diyos upang maging ang “Birhen”. Ang Perpeksiyon ng Sangnilikha, ang Liwanag ng Paraiso, ang Payo ng Diyos, Na tinitingnan Kayo Kanyang pinatawad ang Pagkakasala, sapagkat tanging Kayo lamang mag-isa, sa pamamagitan ng Inyong Sarili ang makapagmamahal katulad na hindi makapagmamahal ang lahat ng Sangkatauhan na pinagsama-sama. Sa loob Ninyo ay ang Pagpapatawad ng Diyos! Kayo ang Panggagamot ng Diyos, Kayo ang haplos ng Eternal na Ama sa sugat na ginawa ng tao sa Diyos! Sa loob Ninyo ay ang Kaligtasan ng mundo, Ina ng Pagmamahal na Nagkatawang-Tao at ng pinagkalooban na Tagapagtubos! Ang kaluluwa ng Aking Ina!... At ang Inyong karingalan, ang Inyong panalangin, ang kaisipan na Ako ay Inyong dinala ay pinagiginhawahan Ako magpakailanpaman para sa Aking patutunguhan na kapighatian at di-makataong mararanasan tungkol sa kung ano ang naparuming mundo para sa Pinaka-Perpektong Diyos. Salamat sa Inyo, Inay! Nang Ako ay dumating Ako ay puno na ng Inyong konsolasyon, bumaba Ako na Kayo lamang ang naiisip. Ang Inyong pabango, ang Inyong awit, ang Inyong pagmamahal... Lugod, Aking lugod!

Ngayon na nalalaman na ninyo na iisa lamang ang Babae Na walang bahid ng pagkakasala, na iisang Tao lamang ang hindi nanunugat sa Tagapagtubos, makinig sa ikalawang pagbabagong-anyo ni Maria, ang Piniling Anak na Babae ng Diyos.

Noon ay isang maliwanag na hapon ng buwan ng Adar at ang mga punungkahoy ay nasa pamumulaklak sa tahimik na pangkusinang-hardin, at si Maria, ang nobya ni Jose, ay pumitas ng isang mabulaklak na sanga upang palitan ang isang nasa loob ng Kanyang silid. Si Maria, kinuha mula sa Templo upang adornohan ang isang bahay ng mga santo, ay kararating pa lamang sa Nazareth. At na ang Kanyang kaluluwa nahahati ng Templo, ng bahay at ng Langit, tinitingnan Niya noon ang mabulaklak na sanga, iniisip na sa pamamagitan ng kaparehong sanga, na namulaklak sa di-pangkaraniwan na pamamaraan, isang sanga na kinuha mula sa hardin na ito sa kalaliman ng taglamig at namulaklak na tila noon ay tagsibol sa harapan ng Kaban ng Panginoon – baka ang Araw-Diyos nagsisinag sa Kanyang Kaluwalhatian ay pinainitan ito – ang Diyos ay ibinunyag ang Kanyang kalooban kay Maria... At iniisip din Niya na sa araw ng kanilang kasal si Jose ay nagdala sa Kanya ng iba pang mga bulaklak, ngunit hindi kailanman naging katulad ng una na sa mga petalo nito ay nakasulat: “Gusto Kong makaisa Mo si Jose”... Nag-iisip Siya ng tungkol sa maraming bagay... At habang nag-iisip tumaas Siya sa Diyos. Ang Kanyang mga kamay ay abala sa sulidan at sa ikiran at nagsusulid ng isang sinulid na mas manipis pa kaysa sa buhok ng Kanyang mura-pang ulo...

Ang Kanyang kaluluwa ay naghahabi ng isang alpombra ng pagmamahal, kumikilos nang mabilis, katulad ng isang lansadera sa isang habihan, mula sa lupa patungo sa Langit. Mula sa mga pangangailangan ng bahay, ni Jose, hanggang sa mga pangangailangan ng kaluluwa, ng Diyos. At Siya ay umawit at nagdasal. At ang alpombra ay napoporma sa mistikal na habihan, ito ay lumalabas mula sa lupa patungo sa Langit, ito ay tumataas upang mawala sa itaas doon... Naporma ng ano? Ng manipis, perpektong malakas na mga sinulid ng Kanyang mga birtud, ng lumilipad na sinulid ng lansadera, na akala Niya ay “Kanya”, samantalang ito ay sa Diyos: ang lansadera ng Kalooban ng Diyos, kung saan nakaikid ang kalooban ng maliit, dakilang Birhen ng Israel, Di-kilala sa Mundo, Kilala ng Diyos, nakaikid at naging kaisa ng Kalooban ng Panginoon. At ang alpombra ay naadornohan ng mga bulaklak ng pagmamahal, ng kadalisayan, mga palmera ng kapayapaan at mga palmera ng kaluwalhatian, na may nangangamoy nang matamis na mga biyoleta, may mga hasmin... Ang bawat birtud ay namulaklak sa alpombra ng pagmamahal, na iniladlad ng Birhen nang nakapang-aakit mula sa lupa hanggang sa Langit. At sa dahilan na ang alpombra ay hindi sapat ipinilit Niya ang Kanyang puso umaawit: “Gawin ang Aking Minamahal na pumunta sa Kanyang hardin at kanin ang prutas ng Kanyang mga puno... ...Gawin ang Aking Minamahal na pumunta sa Kanyang hardin, sa taniman ng mga pampalasa, upang manginain sa mga hardin at mangalap ng mga liryo. Ako ay sa Aking minamahal at ang Aking Minamahal ay Akin. Siya ay nanginginain kasama ang gitna ng mga liryo!”. At mula sa walang-hangganan na distansiya, sa pagitan ng mga buhos ng Liwanag, ang isang Tinig ay dumating na hindi mapapakinggan ng pantaong mga tainga at hindi maisasa-tinig ng pantaong lalamunan. At ito ay nagsabi: “Gaano Ka kaganda, Aking minamahal! Gaano Ka kaganda!... Ang Iyong mga labì ay pinadadalisay ang ligaw na pulot... Ikaw ay isang hardin na nakabakod, isang selyadong pontanya, Aking kapatid na babae, Aking ipinangakong nobya...” at ang dalawang tinig ay nagkasama upang awitin ang eternal na katotohanan: “Ang pag-ibig ay mas malakas kaysa sa kamatayan. Walang makapapatay o makalulunod sa ‘ating’ pagmamahal”. At ang Birhen ay ganyan na nagbago ang anyo nang si Gabriel ay bumaba at tinawag Siyang pabalik sa Lupa, sa pamamagitan ng kanyang sigla, at muling isinama ang Kanyang kaluluwa sa Kanyang katawan, upang mapakinggan sana Niya at maintindihan ang hinihiling ng tumawag sa Kanya na “Kapatid na Babae” ngunit ibig Siyang maging Kanyang “Nobya”.

At ang Misteryo ay nangyari diyan... At ang mahiyaing babae, ang pinakamahiyaing babae sa lahat na mga babae, Na ni hindi nagmamalay ng tungkol sa likas na simbuyo ng panggaganyak ng laman, ay hinimatay sa harapan ng Anghel ng Diyos, sapagkat kahit na ang anghel ay nakababalisa sa kababaang-loob at pagkamahiyain ng Birhen, at tanging nang mapakinggan laman Niyang siya ay nagsalita Siya kumalma, at Siya ay naniwala, at sinabi Niya ang salita, sa pamamagitan nito kung saan “ang “kanilang” pagmamahalan ay naging Laman at tatalunin Nito ang Kamatayan at walang kahit na anong baha ang makapapatay dito o kasamaan na makapanlulunod dito...»

Si Jesus ay yumuko nang malumanay kay Maria Na nakarating nang unti-unti sa paanan ni Jesus, halos nagtatalik sa galak, sa pag-alaala tungkol sa malayo nang oras, nagniningning sa pamamagitan ng espesyal na liwanag, na tila lumalabas mula sa Kanyang kaluluwa, at tinanong Siya ni Jesus sa mababang tinig: «Ano ang Inyong itinugon, Kadali-dalisayang Ina, sa kanyang na nagtiyak sa Inyo na sa pagiging Ina ng Diyos, hindi Ninyo mawawala ang Inyong Pagkabirhen?»

At si Maria, halos nasa isang panaginip, ay unti-unting sinabi, ngumingiti, ang Kanyang mga mata nagniningning sa malulugod na luha: «Ako ang katulong ng Panginoon! Mangyari sa Akin ang ayon sa inyong Salita» at isinandal Niya ang Kanyang ulo sa mga tuhod ng Kanyang Anak, sinasamba Siya.

Si Jesus ay tinatakpan si Maria ng Kanyang manta, itinatago Siya sa mga mata ng lahat at sinabi Niya: «At iyon ay pinangyari. Ang lahat ay papapangyarihin hanggang sa katapusan. Hanggang sa Kanyang susunod na pagbabagong-anyo at sa isa pa pagkatapos niyan. Siya ay magiging lagi ang “Katulong ng Diyos”. Siya ay laging kikilos ayon sa kung ano ang sinasabi ng “Salita”. Ang Aking Ina! Iyan ang Aking Ina. At kailangan ninyong magsimula nang masanay sa Kanyang banal na Pigura... Inay! Inay! Itaas Ninyo ang Inyong mukha, Aking Minamahal... Tawagin Ninyong pabalik sa Lupa muli ang Inyong debotong mga tagahanga kung nasaan tayo naroroon pansamantala...» Sinasabi Niya inaalisan ng takip si Maria pagkaraan nang kaunting sandali, kung saan walang ingay ang naririnig maliban sa paghugong ng mga pukyutan at paglaguklok ng maliit na pontanya.

Si Maria ay itiningala Niya ang Kanyang mukha na basa ng mga luha at bumulong: «Bakit ginawa Mo ito sa Akin, Anak? Ang mga lihim ng Hari ay sagrado...»

«Ngunit maibubunyag ito ng Hari kailan man Niya gustuhin. Inay, ginawa Ko ito, upang sana ang mga salita ng Propeta ay maintindihan: “Ang Babae ay ipapaloob ang Tao sa Kanyang Sarili”, at ang mga salita ng iba pang mga propeta: “Ang Birhen ay maglilihi at magluluwal sa isang Anak”. At dahil din na ang Aking mga disipulo, na mga nahihintakutan ng napakaraming mga bagay na kanilang tinitingnan na nakapagpapababa sa Salita ng Diyos, ay magkaroon sana, bilang panimbang, ng iba pang maraming bagay pinatototohanan ang mga ito sa kaluguran ng pagiging “Akin”. Sa gayon hindi na sila maiiskandalo at magagapi nila ang Langit... Ngayon ang mga pupunta sa bahay kung saan sila ay mga panauhin, ay makakalakad na. Ako ay mananatiling kasama ang mga kababaihan at si Marjiam. At lahat na mga lalaki ay kailangan na naririto bukas sa bukang-liwayway, sapagkat ibig Ko kayong dalhin sa isang lugar sa malapit. Pagkatapos tayo ay babalik at magpapaalam sa mga kababaihan, pagkatapos pupunta tayo sa Capernaum upang kalapin ang iba pang mga disipulo at sabihin sa kanila na sundan ang mga kababaihan...»

030610/290612/012913



¹Ang pandiwang isipin, sa kasong ito, ay nangangahulugan na likhain, katulad na ito ay nilinaw ng pangungusap na kaagad sumusunod dito. «Ito ay ang Isip ng Diyos na siyang naglilikha rito.

 

²Tinutukoy ang North pole at South pole sa Tagalog.



Sunod na kabanata