350. Ang Buwis sa Templo at ang Barya sa Bunganga ng Isda.

Disyembre 5, 1945.

Ang dalawang bangka na kanilang kinuha upang makabalik sa Capernaum ay naglalayag sa kakaibang kalmanteng-kalmanteng lawa: isang tunay na malaking tipak ng asul na kristal, na nagiging isang makinis na piraso ulit, kaagad kapag nakaraan na ang dalawang bangka. Ngunit ito ay hindi ang mga bangka nina Pedro at Santiago, bagkus mga bangka na baka kanilang inupahan sa Tiberias. At naririnig ko si Judas na nagrereklamo sapagkat siya ay naiwan na walang pera pagkatapos ng huling paggasta na ito.

«Inaasikaso Niya ang ibang mga tao. Ngunit papaano tayo? Ano ang ating gagawin ngayon? Ako ay umaasa na si Chuza... Ngunit wala... Katulad natin ang kalagayan ng isang pulubi, isa sa marami na nanghihingi ng limos ng mga peregrino sa mga daan» bumubulung-bulong siya sa mababang kay Tomas.

Ngunit ang huli ay tumugon nang may-kabaitan: «Ano naman iyan, kung ganyan nga iyan? Hindi ako kailanman nag-aalala.»

«Siyempre! Ngunit kapag oras na upang kumain, ikaw ito na gustong makakain nang mas marami kaysa sa iba.»

«Talaga! Ako ay gutom. Matapang ako kahit na sa ganyan. Bueno, ngayon, sa halip na humingi sa sino mang tao para sa ilang tinapay at isang ulam na kung ano, hihingi ako nang diretso sa Diyos.»

«Ngayon! Ngunit bukas tayo ay magiging ganito rin ang kalagayan; at sa araw pagkatapos bukas ito ay magiging ganito pa rin; at tayo ay patungo sa Decapolis kung saan tayo ay hindi kilala; at sila ay kalahating mga pagano roon. At ito ay hindi lamang tungkol sa tinapay, naririyan ang mga sandalyas na napupudpod, at ang mahihirap na mangungulit sa iyo, at ang isa ay maaaring magkasakit...»

«At kung magpapatuloy ka nang ganito, makikita mo akong parang patay malapit na at pag-iisipan mo ang pagpapalibing sa akin. O! gaano karaming alalahanin! Ako... hindi ako kailanman nag-aalala. Ako ay masaya at kalmante katulad ng isang bagong-panganak na sanggol.»

Si Jesus na tila nakalubog sa pag-iisip, nakaupo sa unahan ng bangka halos nasa gilid, ay tumalikod at nagsabi sa malakas na tinig kay Judas na nasa hulihan, ngunit sinabi Niya ito na tila Siya ay nagsasalita sa lahat: «Napakabuti na maging wala ni isang sentimos. Ang pagiging Ama ng Diyos ay lalong magniningning kahit sa pinaka abang mga bagay.»

«Ang lahat ay walang anuman para sa Inyo kamakailan. Walang anuman kung kami ay hindi makagawa ng mga himala, walang anuman kung wala tayong matanggap na mga alay, walang anuman kung naibigay natin ang lahat na mayroon tayo: sa maikling pananalita, ang lahat ay walang anuman... Ngunit hindi ako mapakali... Kayo ay isang mahal na Guro, isang banal na Guro, ngunit hinggil sa materyal na pamumuhay ang pag-uusapan... Kayo ay walang halaga» sabi ni Judas nang walang kapaitan, na tila pinupuna niya ang isang mabuting nakababatang kapatid, na ang kaninong pagwawalang-anuman sa lahat ay kanyang ipinagmamalaki.

At si Jesus ay tumugon sa kanya ngumingiti: «Iyan ang Aking pinakamagandang katangian na maging isang tao na walang halaga tungkol sa materyal na pamumuhay... At sasabihin Ko muli: napakabuti na maging wala kahit isang sentimos» at ngumingiti Siya nang malaki.

Ang bangka ay sumadsad sa mabatong baybayin at tumigil. Sila ay dumaong habang ang iba pang mga bangka ay lumalapit at malapit nang tumigil. Si Jesus ay patungo sa bahay kasama sina Judas, Tomas, sina Judas at Santiago, si Felipe at Bartolomeo.

Si Pedro ay bumaba mula sa ikalawang bangka kasama si Mateo, ang mga anak ni Zebedeo, sina Simon Zealot at Andres. Ngunit habang ang iba ay patungo sa bahay, si Pedro ay nananatili sa baybayin upang makipagusap sa mga mamamangka na nagdala sa kanila roon at baka kanyang mga kakilala, at pagkaraan tinulungan silang makaalis. Pagkatapos isinuot niya ang kanyang tunika at naglakad patungo sa bahay.

Habang tinatawid niya ang liwasan ng palengke dalawang lalaki ang lumalapit sa kanya at pinatigil siya nagsasabing: «Makinig, Simon ni Jonah.»

«Nakikinig ako. Ano ang kailangan ninyo?»

«Ang iyong Guro, sa dahilan lamang na Siya ay ganyan, Siya ba ay nagbabayad o hindi ng dalawang drachma na para sa Templo?»

«Siyempre nagbabayad Siya! Bakit hindi Siya dapat magbayad?»

«Bueno... sapagkat sinasabi Niya na Siya ay ang Anak ng Diyos at...»

«At Siya nga» balik-sabi ni Pedro nang may-pagpasya at namumula na siya sa galit. At dinagdag niya: «Ngunit, sa dahilan na Siya ay isang anak din ng Batas, at ang pinakamabuting anak na nagkaroon ang Batas, nagbabayad Siya ng Kanyang mga drachma katulad ng bawat Israelita...»

«Wala kaming katibayan tungkol diyan. Kami ay sinabihan na hindi Siya nagbabayad at pinapayuhan namin Siya na magbayad.»

«H’m» paungot ni Pedro na nasa punto nang uminit ang ulo. «H’m... Ang aking Guro ay hindi nangangailangan ng inyong payo. Humayo sa kapayapaan at sabihin sa mga nagpadala sa inyo rito na ang mga drachma ay babayaran sa unang pagkakataon.»

«Sa unang pagkakataon!... Bakit hindi kaagad? Sino ang magtitiyak sa amin na magbabayad Siya? Siya ay naglalagalag lagi nang walang pinupuntirya!»

«Hindi Siya makakabayad kaagad dahil Siya ay walang pera. Kung babaligtarin ninyo Siya, wala kahit isang sentimos ang babagsak sa lupa. Kaming lahat ay walang pera, sapagkat kami, na hindi mga Pariseo, na hindi mga eskriba, na hindi mga Saduseo, na hindi mayayaman, na hindi mga espiya, na hindi mga ahas, binibigay namin ang mayroon kami sa mahihirap, ayon sa Kanyang doktrina. Naintindihan ninyo? At ngayon naibigay na namin ang lahat at hanggang magbigay ang Kataastaasan, maaari kaming mamatay sa gutom, o tumayo sa isang kanto sa kalsada at humingi ng limos. Sabihin din iyan sa mga nagsasabi na Siya ay isang matakaw. Paalam!» at iniiwan niya sila na bumubulung-bulong at kumukulo sa galit.

Siya ay pumasok sa bahay at umakyat sa itaas kung saan naroroon si Jesus pinakikinggan ang isang tao na nakikiusap sa Kanya na pumunta sa isang bahay sa bundok sa kabila ng Magdala, kung saan ang isang lalaki ay namamatay.

Si Jesus ay pinahahayo ang lalaki nangangako na pupunta Siya roon kaagad, at pagkatapos na makaalis ang mamâ, binalingan Niya si Pedro, na nakaupo sa isang sulok nakalugmok sa pag-iisip, at nagsabi sa kanya: «Ano ang iyong opinyon, Simon? Bilang isang patakaran, mula kanino ang mga hari sa lupa kumukuha ng bayad o buwis? Sa kanilang mga anak o sa mga banyaga?»

Si Pedro ay nagulat at nagsabi: «Papaano Ninyo nalaman, Panginoon, ang aking sasabihin sa Inyo?»

Si Jesus ay ngumingiti kumikilos na tila upang sabihin: «Hindi na bale»; pagkatapos sinabi Niya: «Tugunan ang Aking tanong.»

«Sa mga banyaga, Panginoon.»

«Bueno, kung gayon, ang mga anak ay hindi kasali, na sa katotohanan ito ang tama. Sapagkat ang isang anak ay kadugo at kasambahay ng kanyang ama at kung gayon kailangan lamang niyang magbayad ng pagmamahal at pagsunod sa kanyang ama. Kung kaya't Ako, ang Anak ng Ama, ay hindi kailangan na magbayad ng buwis sa Templo, na siyang bahay ng Ama. Binigyan mo sila ng tamang kasagutan. Ngunit sa dahilan na may pagkakaiba sa pagitan mo at nila, na ito ay: na ikaw ay naniniwala na Ako ang Anak ng Diyos, habang sila at ang mga nagpadala sa kanila ay hindi, upang hindi sila maiskandalo, magbabayad Ako ng buwis at kaagad, habang sila ay nasa liwasan pa nangungulekta ng pera.»

«Ngunit papaano, kung tayo ay wala ni isang sentimos?» tanong ni Judas, na lumapit sa kanila kasama ang iba pa. «Nakikita Ninyo na kinakailangan na magkaroon ng kahit kaunti!»

«Mapakikiusapan natin ang maybahay na lalaki na ipahiram ito sa atin» sabi ni Felipe.

Si Jesus ay ikinilos ang Kanyang kamay nag-uutos ng katahimikan at nagsabi: «Simon ni Jonah, pumunta ka sa baybayin at magtapon ng isang tali na may malakas na kawil hanggang sa layo na makakayanan mo. At kapag may kumagat na isda, hilahin ang tali kaagad. Ito ay magiging isang malaking isda. Buksan ang bunganga nito sa baybayin at makakakita ka ng isang barya sa loob nito. Kunin ito, pumunta sa dalawang lalaki at magbayad para sa Akin at para sa iyo. Pagkatapos dalhin ang isda rito. Iihawin natin ito at si Tomas ay bibigyan tayo ng karidad ng isang maliit na tinapay. Tayo ay kakain at pagkatapos pupunta kaagad sa lalaki na namamatay. Santiago at Andres: ihanda ang mga bangka at sasakay tayo rito patungo sa Magdala at maglalakad tayong pabalik sa gabi upang hindi tayo makaabala sa pangingisda ni Zebedeo at sa bayaw ni Simon.»

Si Pedro ay umalis at maya-maya lamang nakikita siyang umaakyat sa bangka na medyo nakadaong; nagtapon siya ng isang manipis na tali, na may pabigat na maliit na bato, sa dulo, kung saan nakadugtong ang totoong tali ng pangingisda.. Ang tubig sa lawa ay sumabog nang ang bato ay tumama rito, pagkatapos naging kalmado muli nang ang bilog na mga bakas ng tama ng bato ay lumalayo...

Ngunit pagkaraan nang kaunti, ang maliit na tali na maluwag na hawak ni Pedro ay nabanat at nanginig... Si Pedro ay hinila ang tali, na mas lalu’t lalo pang nanginginig. Sa pamamagitan ng huling hatak ang tali ay lumitaw kasama ang isda na kumikisay sa ibabaw ng ulo ni Pedro at bumagsak sa manilaw-nilaw na buhangin kung saan ito ay kumikisay pinahihirapan ng kawil na lumalaslas sa ngala-ngala nito at gawa ng pag-aagaw buhay.

coin in fishIto ay isang magandang isda, kasing laki ng isdang “brill” mga tatlong kilo man lamang ang bigat. Hinila ni Pedro ang kawil mula sa malaman na mga labì ng isda, isinuot ang kanyang daliri sa lalamunan nito at hinugot ang isang malaking pilak na barya. Itinaas niya ito hawak ng kanyang hinlalaki at hintuturo upang ipakita ito sa Guro, Na nasa parapet ng terasa. Kinuha niya ang tali, pinapalumpon ito, kinuha ang isda at tumakbo patungo sa liwasan.

Ang lahat na mga apostol ay natulala... Si Jesus ay ngumingiti at nagsabi: «At sa gayon maaalis natin ang iskandalo...»

Si Pedro ay pumasok: «Sila ay patungo rito. At si Eli, ang Pariseo ay kasama nila. Sinikap kong maging kasing bait ng isang bata-pang dalaga, at tinawag ko sila nagsasabing: “Hoy, mga mensahero ng Fisc¹! Kunin ito. Iyan ay apat na drachma, hindi ba? Dalawa para sa Guro at dalawa para sa akin. Patas na tayo, hindi ba? Magkikita tayo sa Lambak ng Jehoshaphat, lalo na ikaw, aking mahal na kaibigan”. Sumamâ ang loob nila sa pagbanggit ko ng “Fisc”. “Kami ay mga tao ng Templo, hindi ng Fisc”. “Nangungulekta kayo ng buwis katulad ng mga kolektor. Ang bawat kolektor ng buwis, sa ganang akin, ay tauhan ng Fisc” tumugon ako. At si Eli ay nagsabi sa akin: “Ikaw na mapag-insultong isa! Hinihiling mo ba na ako ay mamatay?”. “Hindi, aking kaibigan, hindi kailanman! Hinihiling ko na sana magkaroon ka ng magandang paglalakbay sa Lambak ng Jehoshaphat. Hindi ka ba pupunta sa Herusalem para sa Paskuwa? Kung gayon maaari tayong magkita roon, aking mahal na kaibigan”. “Hindi ko hinihiling at ayaw kong mangahas kang tawagin mo akong iyong kaibigan”. “Sa katunayan ito ay isang napakalaking karangalan” tumugon ako. At ako ay umalis. Ang nakakatuwa ang mga mamamayan ng Capernaum ay naroroon at nakita nila na ako ay nagbayad para sa Inyo at para sa akin. At ang matandang ahas na iyon ay hindi na makapagsasabi ng kahit ano pa ngayon.»

Ang mga apostol ay hindi makapagpigil sa pagtawa pinakikinggan ang kuwento at nakikita ang panggagaya-gaya ni Pedro. Si Jesus ay ibig na maging seryoso. Ngunit ang isang magaang ngiti ay nakalabas mula sa Kanyang mga labì habang sinasabi Niya: «Mas malala ka pa kaysa sa mustasa» at naghinuha Siya: «Lutuin ang isda at tayo ay magmadali. Ibig Kong makabalik dito paglubog ng araw.»


 

 



¹Fisc, maaaring ang tinutukoy ni Pedro nito ay ang tanggapan ng pagbubuwis ng Emperador ng Roma – RLB.



Sunod na kabanata