361. Sa Kabilang Pampang. Si Jesus Tinagpo ang Kanyang Ina at ang mga Babaeng Disipulo.

Disyembre 16, 1945.

Nasa kabila na sila ngayon ng Jordan at sila ay naglalakad nang mabilis pagawing timog-kanluran, patungo sa ikalawang kabit-kabit na mga burol, mas mataas kaysa sa nauna, na sa kabila nito ay ang kapatagan ng Jordan. Naintindihan ko mula sa kanilang paguusap na iniwanan nila ang kapatagan upang maiwasan ang putik na kanilang naranasan sa kabilang pampang at iniisip nila ang kanilang pupuntahan sa pamamagitan ng mga loobang landas, na mas mabuting naaalagaan at mas maaaring gamitin para sa paglalakad, lalo na sa mga basang panahon.

«Nasaang dako tayo?» tanong ni Mateo na nahihirapan na maisip  ang mga direksiyon

«Tayo ay tiyak na nasa pagitan ng Shiloh at Bethel. Natatandaan ko ang mga bundok» sabi ni Tomas. «Dumaan tayo rito hindi pa nagtatagal kasama si Judas, na siyang panauhin ng isang Pariseo sa Bethel.»

«Maaaring naging kanya ka ring panauhin, ngunit ayaw mong pumunta. Siya o ako ay hindi sa iyo nagsabing: “Huwag pumunta”.»

«Hindi ko sinasabi na sinabi mo ang ganyan. Sinasabi ko lamang sa iyo na mas ginusto kong manatiling kasama ang mga disipulo na mga nag-eebanghelyo rito.»

At ang pagtatalo ay natapos. Si Andres sa katunayan ay natutuwa at nagsabi: «Kung may mapagkaibigan na mga Pariseo sa Bethel, hindi tayo malulusob.»

«Ngunit tayo ay patungo sa kabilang direksiyon, hindi sa Herusalem» sinasabi nila sa kanya.

«Pupunta pa rin tayo roon para sa Paskuwa ano pa man ang mangyari! Hindi ko alam kung papaano natin ito gagawin...»

«Siyempre! Bakit Niya sinabi na Siya ay babalik  sa Cana? Ang mga babae ay maaaring nakabalik na at maaaring nagawa na natin ang ating paglalakbay sa Herusalem...»

«Kapalaran ng aking asawa na hindi makapag-Paskuwa sa Herusalem!» bulalas ni Pedro.

Si Juan ay tinanong si Jesus na nakikipagusap nang masaya sa Zealot: «Guro, papaano natin magagawang makapunta at makabalik nang nasa oras?»

«Hindi Ko alam. Nagtitiwala Ako sa Diyos. Kung tayo ay máhuli, hindi ito magiging Aking kasalanan.»

«Tama Kayo sa pagiging mahinahon» sabi ng Zealot.

«O! Sa ganang Akin, nagpatuloy sana Ako. Sapagkat hindi pa ito ang Aking oras. Nararamdaman Ko ito. Ngunit papaano ninyo matatanggap ang pagpapatuloy, kung titingnan na sa loob ng matagal-tagal kayo ay naging... pagod-na-pagod?»

«Guro... tama Kayo. Isang dimonyo ang tila nanlalason sa amin. Nagbago kami nang labis!»

«Ang tao ay napapagod. Gusto niya ang lahat nang mabilis. At nananaginip siya ng mga katangahang bagay. Kapag makita niya na ang kanyang mga panaginip ay iba sa katotohanan, mababalisa siya at, kung wala siyang mabuting kalooban, siya ay susuko. Hindi niya naaalaala na ang Makapangyarihan, Na maaaring nilikha Niya ang Sansinukuban mula sa Kawalang-kaayusan sa loob ng isang sandali, ay nilikha ito sa may-kaayusan na magkakahiwalay na yugto sa loob ng mga panahon ng oras na tinatawag na mga araw. Mula sa Espirituwal na Walang-Kaayusan ng buong mundo kailangan Kong gawin ang Kaharian ng Diyos. At gagawin Ko ito. Itatayo Ko ang mga pundasyon nito, itinatayo Ko na ito, at kinakailangan Kong biyakin ang isang napakatigas na bato upang mailatag ang mga pundasyon na hindi guguho. Unti-unti ninyong gagawin ang mga pader. Ang mga susunod sa inyo ay ipagpapatuloy ang gawain, kapwa sa taas at as lapad. Dahil sa Ako ay mamamatay sa gawain, gayon din kayo at mas marami pang iba ang mamamatay na may pagdanak ng dugo o wala, tinupok ng apoy ng gawain na ito para kung saan hinihingi ng espiritu ng pagsasakripisyo ang kabutihang-loob, mga luha, dugo at walang katapusang pagtitiyaga ...»

Si Pedro ay ipinasok ang kanyang ubanin na ulo sa pagitan nina Jesus at Juan: «Maaari bang sabihin ninyo sa akin kung ano ang inyong sinasabi?»

«O! Simon! Halika rito. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa darating na Simbahan. Ipinaliliwanag Ko na, salungat sa inyong pagmamadali, sa inyong kapaguran, sa inyong panghihina ng loob at iba pa, humihingi ito ng trankilidad, pagsisikap, pagbubuhos ng lakas at tiwala. Sinasabi Ko na ang sakripisyo ng bawat miyembro ay kinakailangan. Nagsisimula sa Akin, ang Tagapagtatag. Ako, sa katunayan, ang  mistikal na Ulo, para sa inyo, para sa lahat na mga disipulo, para sa lahat na tatawaging mga Kristiyano at mapapasama sa unibersal na Simbahan. At totoo na sa dakilang klasipikasyon ng herarkiya ang pinaka mapagpakumbabang mga tao, na tila simpleng “mga bilang”, ay ang gagawa sa Simbahan na Ito ay maging tunay na buháy-na-buháy. Sa katotohanan mangyayari na sa kanila Ako madalas tatakbo, upang maipagpatuloy na maging buhay ang pananampalataya at ang lakas ng patuloy na pinalalakas na mga kalipunan ng mga apostol, at kakailanganin Kong ipahintulot na ang mga apostol ay pasakitan ni Satanas at ng mainggitin, mapagmalaki, di-makapaniwalang mga tao. At ang kanilang moral na matinding paghihirap ay hindi magiging mas kulang sa sakit kaysa sa materyal na martiryo, dahil makikita nila ang kanilang mga sarili sa pagitan ng aktibong kalooban ng Diyos at ng masamang kalooban ng tao, na kikilos bilang kasangkapan ni Satanas at sa bawat pamamaraan at pagsisikap ay palalabasin sila bilang mga sinungaling, baliw, nalukuban na mga tao, upang maparalisa ang Aking gawa sa kanila at ang mga bunga ng Aking gawa, na siyang kasing dami ng matagumpay na mga dagok laban sa Halimaw.»

«At lalaban ba sila?»

«Lalaban sila, kahit na kung Ako ay hindi nila kasamang pisikal. Kinakailangan nilang maniwala hindi lamang sa kung ano ang kanilang katungkulan upang maniwala, bagkus sa kanilang lihim na misyon din, at kinakailangan nilang maniwala na ito ay banal at mapakikinabangan, at na ito ay nagmula sa Akin, habang sumisirit si Satanas sa paligid nila upang takutin sila at ang buong mundo sumisigaw upang tuyain sila at ang hindi laging perpektong maniningning na ministro ng Diyos upang isumpa sila. Iyan ang kapalaran na Aking mga tinig sa hinaharap. Gayunpaman wala Akong ibang pamamaraan na magising ang mga tao at madala silang pabalik sa Ebanghelyo at sa Kristo! Ngunit para sa lahat na Aking hiningi sa kanila at ipinataw sa kanila at tinanggap mula sa kanila, o! pagkakalooban Ko sila ng eternal na kaluguran, isang espesyal na kaluwalhatian. Sa Langit ay may isang saradong Aklat. Tanging ang Diyos lamang ang nakababasa rito. Ang lahat na katotohanan ay nakapaloob dito. Ngunit ang Diyos kung minsan ay inaalis Niya ang mga selyo at binubuhay muli ang katotohanan na naibunyag na sa mga tao, pumipili ng isang tao, pinili para sa kapalaran na iyon, upang malaman ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap, katulad na ito ay nakapaloob sa misteryosong aklat. Nakakita na ba kayo ng isang anak, ang pinaka mahusay sa pamilya, o isang mag-aaral na bata, ang pinaka magaling sa eskuwelahan, tinatawag ng kanyang ama o ng tagapagturo upang basahin ang aklat na para sa mga adulto at maipaliwanag niya ito? Siya ay tatayo sa tabi ng kanyang ama o tagapagturo, akbay ng isa ng kanilang kamay, habang ang isa pang kamay ng ama o ng tagapagturo ay itinuturo ang mga linya na ibig niyang mabasa at maintindihan ng kanyang pinakamamahal na bata. Ganyan din ang ginagawa ng Diyos sa mga konsagrado sa ganyang kapalaran. Inilalapit Niya sila sa Kanyang Sarili at hinahawakan sila ng Kanyang kamay at pinipilit silang basahin nila ang gusto Niyang mabasa nila, at maintindihan ang ibig sabihin at maulit ito pagkatapos at paghirapan ang panunuya at kapighatian dahil dito. Ako, ang Tao, ay ang Tagapagtatag ng pamilya ng mga nagsasalita ng Katotohanan ng makalangit na aklat, at kung gayon ipinaghihirap Ko ang panunuya, ang kapighatian at kamatayan. Ngunit ang Ama ay inihahanda na ang Aking kaluwalhatian. At kapag Ako ay nakataas na rito, ihahanda Ko ang kaluwalhatian ng mga pinilit Kong basahin nila sa saradong aklat ang gusto Kong mabasa, at sa presensya ng buong nakabangon na Sangkatauhan at ng mga koro ng anghel ipakikilala Ko sila kung ano sila dati, tinatawag sila sa tabi Ko habang binubuksan Ko ang mga selyo ng Aklat, na hindi na ngayon kinakailangan na manatiling sarado, at sila ay ngingiti nakikita at nababasa muli ang mga salita na nilinaw sa kanila nang sila ay naghihirap sa lupa.»

«At papaano ang iba?» tanong ni Juan na labis na nakinig sa leksiyon.

«Alin na iba?»

«Ang iba, na katulad sa akin na hindi nakabasa sa aklat na iyan sa lupa, hindi ba nila malalaman kailanman kung ano ang sinasabi diyan?»

«Ang lahat ay malalaman ng pinagpalang mga kaluluwa sa Langit. Bilang gumon sa Walang-Hanggan na Karunungan, malalaman nila.»

«Kaagad kapag sila ay mamatay?»

«Kaagad kapag pinasok nila ang Buhay.»

«Bakit kung gayon na sa Huling Araw gagawin Ninyong makita ng lahat na tinatawag Ninyo sila na malaman ang Aklat?»

«Sapagkat hindi lamang ang pinagpalang mga kaluluwa ang mapaparoon upang makita iyan. Ang lahat ng Sangkatauhan ay mapaparoon. At sa panig ng isinumpang mga kaluluwa marami ang mga tumawa sa mga tinig ng Diyos, na tila iyon ay mga tinig ng baliw o nasaniban na mga tao at nagpahirap sa kanila dahil sa kanilang regalo. Ito ay magiging isang matagal na inaasahan ngunit makatarungan na paghihiganti na ipinagkaloob sa mga martir na iyon ng tangang kasamaan ng mundo.»

«Gaano kaganda ang makita ang lahat na iyan!» bulalas ni Juan labis na naliligayahan.

«Oo. At makita ang lahat na mga Pariseo ginigiling ang kanilang mga ngipin, puno ng galit» sabi ni Pedro kinukuskos ang kanyang mga kamay.

«O! Sa aking palagay titingnan ko lamang si Jesus at ang pinagpalang mga kaluluwa binabasa ang Aklat kasama Siya...» tugon ni Juan, pinapangarap ang oras na iyon, habang ang kanyang malabnaw-na-asul na mga mata, nawawala sa kung anong bisyon ng liwanag, ay nagagawang mas maningning ng madamdaming mga luha, na bumukal mula sa mga ito, at ang isang inosenteng ngiti ay lumitaw sa kanyang mapupulang labí.

Ang Zealot ay tinitingnan siya; si Jesus ay tinitingnan siya. Ngunit si Jesus ay hindi nagsasalita ng kahit ano. Ang Zealot sa halip ay nagsabi: «Titingnan mo ang iyong sarili, kung gayon! Sapagkat kung mayroon sa atin na magiging “tinig ng Diyos” sa lupa at pipiliin na siyang magbabasa ng mga pasahe ng selyadong Aklat, ikaw ito, Juan, ang paboritong disipulo ni Jesus at kaibigan ng Diyos.»

«O! Huwag mong sabihin iyan! Ako ang pinaka mangmang sa pagitan ninyo. At kung si Jesus ay hindi nagsabi na ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga bata, iisipin ko na hindi ako kailanman makakapasok dito, dahil mabuti ako para sa wala. Tama ba iyon, Guro, na ang aking tanging merito ay na ako ay katulad ng isang bata?»

«Oo, kasama ka sa pinagpalang kamusmusan. At pagpalain ka sana dahil diyan!»

Nagpatuloy sila sa paglalakad nang matagal-tagal, pagkatapos si Pedro, na nililingon ang kanilang dinadaanan, ay bumulalas: «Maawaing Maykapal! Iyan ay ang bagon ng mga babae!»

Lahat sila ay tumalikod. Ito sa katunayan ay ang mabigat na bagon ni Johanna na papalapit hila ng dalawang malakas na kabayo. Sila ay tumigil hinihintay ito. Sa dahilan na ang balat na atip ay ganap na nakababa, hindi posibleng makita kung sino ang nakasakay sa bagon. Si Jesus ay sumenyas sa drayber na tumigil at ang mamâ ay bumulalas ng sigaw ng kaluguran nang makita niya si Jesus nakatayo sa gilid ng daan na ang Kanyang kamay nakataas.

Habang pinatitigil ng mamâ ang dalawang humahangos na kabayo, ang payat na mukha ni Isaac ay lumitaw sa pamamagitan ng puwang sa atip: «Ang Guro!» sumigaw siya. «Inay, magsaya! Naririto Siya!»

Maririnig ng isa ang mga tinig ng mga babae at ang pagkaluskos ng mga paa sa loob ng bagon, ngunit bago ang isa sa kanila makababa, sina Manaen, Marjiam at Isaac ay nakatalon na sa ibaba at sinasamba ang Guro.

«Naririto ka pa rin ba, Manaen?»

«Ako ay nanatiling tapat sa mga utos, lalo na ngayon, dahil ang mga babae ay natatakot... Ngunit... Kami ay sumunod, sapagkat katungkulan namin ang sumunod, ngunit matitiyak ko sa Inyo na walang dahilan upang mag-alala. Nalalaman kong tiyak na si Pilato ay tinawagan ang magugulong tao na magkaroon ng kaayusan, nagsasabi na ang sinuman na magpapasimula ng mga pagrerebelde sa loob ng mga kapistahan na araw ay parurusahan nang husto. Sa palagay ko ang asawa ni Pilato at higit sa lahat ang kanyang binibining mga kaibigan ay nasa likuran ng ganyang proteksiyon. Sa korte nalalaman namin ang lahat at wala. Ngunit sapat ang aming nalalaman...» at si Manaen ay tumabi upang makaraan si Maria, Na nakababa na sa bagon at nakalapit na nang kaunti patungo sa kanila, at kitang-kita na nananabik nang labis at lubos na naaantig ang damdamin.

Nagpalitan Sila ng halik habang ang lahat na mga babaeng disipulo ay sinasamba ang Guro. Ni si Martha o si Maria ni Lazarus ay naroroon.

Si Maria ay bumulong: «Gaanong pagdurusa mula ng gabing iyon! Gaano Ka kinapopootan ng lahat, Anak!» at mga luha ang bumababa sa mapupulang linyang naiwan sa Kanyang mukha gawa ng maraming luha ng nakaraang mga araw.

«Ngunit nakikita Ninyo na ang Ama ay tinitingnan ang lahat. Kung kaya't huwag lumuha! Nilalabanan Ko ang lahat na kapootan ng mundo nang walang takot. Ngunit isang luha Ninyo ay magpapalungkot sa Akin. Magsaya, Banal na Ina!» at niyayakap si Maria ng isang kamay, Siya ay tumalikod upang batiin ang mga babaeng disipulo, at lalo na si Johanna, na bumalik upang masamahan si Maria.

«O! Guro! Walang kahirapan ang samahan ang Inyong Ina. Si Maria ay napigilan sa Bethany sapagkat ang kanyang kapatid, si Lazarus, ay labis na naghihirap. Kung kaya't pumunta ako. Iniwan ko ang mga bata sa asawa ng tagapangasiwa ng mansiyon, dahil siya ay mabait at makaina. Ngunit naroon din si Chuza upang tumingin sa kanila, kung kaya't maiisip Ninyo kung si Matthias, na siyang paborito ng aking asawa, ay magkukulang ng kahit ano! Ngunit sinabi rin sa akin ni Chuza na hindi na kinakailangan na umalis. Ang babala ng Prokonsul ay nagawa si Herodias na alisin ang kanyang mga pangalmot. Ang Tetrarka din ay nanginginig sa takot at nag-aalala siya tungkol sa isang bagay lamang: na si Herodias ay baka siraan siya sa mga mata ng Roma. Ang kamatayan ni Juan ay nakasira sa lahat na mga sitwasyon na paborable kay Herodias. At alam-na-alam na Herodes na ang mga tao ay laban sa kanya dahil ng págpapatay kay Juan. Ang matandang lobo ay napagwari-wari na ang pinaka-malalang kaparusahan para sa kanya ay ang mawala ang nakakapoot na madayang proteksiyon ng Roma. Maaari siyang atakihin ng mga tao kaagad. Kung kaya't huwag mag-alala! Wala siyang magagawa sa pamamagitan ng kanyang sariling pagkukusa!»

«Kung gayon, tayo’y bumalik sa Herusalem! Makapagpapatuloy kayo na wala ng kahit na anong takot tungkol sa inyong kaligtasan. Tayo na. Gawin ang mga babae na bumalik ulit sa bagon, at si Mateo at sino pa mang napapagod ay makakasama sa kanila. Magpapahinga tayo sa Bethel. Tayo na.»

Ang mga babae ay sumunod. Sina Mateo at Bartolomeo ay sumama sa kanila. Ang iba ay mas ginusto na sumunod sa bagon nang naglalakad kasama sina Manaen, Isaac at Marjiam. At si Manaen ay kinukuwento sa kanila kung papaano siya nagsiyasat upang malaman kung gaano ang katotohanan sa pagyayabang ng Herodian na nakagawa ng labis na pagkabalisa sa mapayapang pagtitipon sa Bethany, malapit kay Lazarus «na naghihirap nang labis» sabi ni Manaen.

«Mayroon bang isang babaeng pumunta sa Bethany?»

«Wala, Panginoon. Ngunit nawala kami ng tatlong araw. Sino siya?»

«Isang disipulo. Ibibigay Ko siya kay Eliza sapagkat siya ay bata pa, nag-iisa at walang pamamaraan.»

«Si Eliza ay nasa mansiyon ni Johanna. Ibig niyang sumama. Ngunit masama ang kanyang sipon. Namamatay siyang makita Kayo. Madalas niyang sabihin: “Ngunit hindi ba ninyo naiintindihan na ang makita Siya ay nagbibigay sa akin ng kapayapaan?»

«Mabibigyan Ko rin siya ng kaluguran sa pamamagitan ng bata-pang babaeng ito. At ano ang tungkol sa iyo, Marjiam? Hindi ka ba magsasalita ng kahit ano?»

«Nakikinig ako, Guro.»

«Ang bata ay nakikinig at nagsusulat. Ginagawa niya ang isang ito o ang isang iyon na ulitin ang Inyong mga salita at sinusulat niya ang mga ito. Ngunit nauulit ba namin ang mga ito nang tama?» sabi ni Isaac.

«Titingnan Ko ang gawa ng Aking disipulo at idadagdag Ko ang anuman na nawawala» sabi ni Jesus hinahaplos ang tansong pisngi ni Marjiam. At Siya ay nagtanong: «At ano ang tungkol sa iyong matandang ama? Nakita mo na ba siya?»

«O! Oo! Hindi niya ako nakilala. Umiyak siya sa tuwa. Ngunit makikita natin siya sa Templo, sapagkat pinapupunta sila ni Ishmael. Binigyan pa nga niya sila ng mas maraming araw sa taon na ito. Siya ay natatakot sa Inyo.»

«Maiisip ko ang ganyan! Pagkatapos ng kung ano ang nangyari kay Hananiah sa buwan ng Shebat!» sabi ni Pedro tumatawa.

«Ngunit ang takot sa Diyos ay hindi lumilikha, ito ay naninira. Ito ay hindi pakikipagkaibigan. Ito ay paghihintay lamang na kadalasan nagiging poot.  Ngunit ang lahat ay nagbibigay ng maibibigay ng isa...»

Nagpapatuloy sila sa kanilang paglalakad at nawala sila sa aking paningin.

250810/170812

 

 



Sunod na kabanata