Top of Form

362. Sa Ramah. Ang Bilang ng Pinili.

Disyembre 17, 1945.

Si Tomas, na nasa likuran ng grupo nakikipagusap kay Manaen at kay Bartolomeo, ay iniwan ang kanyang mga kasamahan at hinabol ang Guro, Na nasa harapan kasama sina Marjiam at Isaac. «Guro, maya-maya lamang malapit na tayo sa Ramah. Maaari ba Kayong pumunta at pagpalain ang sanggol ng aking kapatid na babae? Nananabik siyang makita Kayo! Makakatigil tayo roon. May lugar para sa lahat. Gawin Ninyo akong masaya, Panginoon!»

«Gagawin Ko, at nang may malaking kaluguran! Papasukin natin ang Herusalem bukas at makapagpapahinga tayo nang mabuti.»

«O! Mauuna na ako at sasabihan sila! Maaari na ba akong makaalis?»

«Oo, lakad. Ngunit alalahanin na Ako ay hindi isang makalupang kaibigan. Huwag pilitin ang iyong mga kamag-anak na gumasta ng malaking pera. Tratuhin Ako bilang isang “Guro”. Malinaw ba iyan?»

«Oo, aking Panginoon, ganyan iyan. Sasabihin ko sa aking mga kamag-anak. Sasama ka ba sa akin, Marjiam?»

«Kung pahihintulutan ako ni Jesus...»

«Makakalakad ka, anak.»

Ang iba, na nakakita kina Tomas at Marjiam na pagawing Ramah, na nasa kaliwang tabi ng daan, na, sa palagay ko, magdadala sa isa mula sa Samaria hanggang Herusalem, ay binilisan ang kanilang paglakad upang malaman kung ano ang nangyayari.

«Pupunta tayo sa bahay ng kapatid na babae ni Tom. Nakapunta na Ako sa lahat na mga bahay ng inyong mga kamag-anak. Makatarungan na Ako ay pumunta din sa kanya. Iyan kung bakit pinauna Ko siya.»

«Bueno, kung walang anuman sa Inyo, ako ay aalis din. Ibig kong malaman kung may anumang bago. Kung may masamang balita, mapupunta ako sa Damascus Gate kapag Kayo ay dumating doon. At kung hindi tatagpuin ko Kayo... Saan, Panginoon?» sabi ni Manaen.

«Sa Bethany, Manaen. Pupunta Ako kaagad sa bahay ni Lazarus. Ngunit iiwanan Ko ang mga babae sa Herusalem. Lalakad Akong mag-isa. Hindi, bagkus, hihingin Ko sa iyo na samahan ang mga babae sa kanilang mga bahay pagkatapos ng pagpapahinga ngayon.»

«Ayon sa ibig Ninyo, Panginoon.»

«Sabihin sa drayber na sundan tayo sa Ramah.»

Sa katunayan ang bagon ay lumalapit nang unti-unti sa likuran ng apostoladong grupo. Si Isaac at ang Zealot ay tumigil sa paghihintay sa bagon, habang ang iba ay kinukuha ang panabing daan, na na may katamtamang pagkakahilig ay magdadala sa napakamababang maliit na burol kung saan ang Ramah ay naitayo.

Si Tomas, na wala sa sarili sa kaluguran at nagmumukhang mas namumula-mula dahil ang kanyang mukha ay napakaningning, ay naghihintay sa pamasukan ng nayon. Tumakbo siya upang salubungin si Jesus: «Gaano kami kasaya, Guro! Ang lahat ng pamilya ay naririto! Ang aking ama na sabik-na-sabik na makita Kayo, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki!... Gaano ako kasaya!» At naglalakad siyang katabi ni Jesus gumigiri-giri patawid sa nayon katulad ng isang kongkistador na nagtagumpay.

Ang bahay ng kapatid na babae ni Tomas ay nasa krosing sa silangang tabi ng bayan. Ito ay isang tipikal na bahay ng isang may-kayang Israelita, na may napakakaunting mga bintana, may isang bakal na pintuan na may butas na silipan, may terasang bubungan at mataas na maitim na mga pader na pumapaligid sa hardin pati rin sa likuran ng bahay, may mga namumungang-punungkahoy na mas matataas pa sa mga pader.

Ngayon ang babaeng katulong ay hindi na kinakailangan na sumilip sa silipan. Ang pintuan ay maluwang na nakabukas at ang lahat na mga nakatira ay nakapila sa bulwagan kung saan ang mga adulto ay abala sa pagpipigil sa mga batang lalaki at babae, na, nananabik tungkol sa balita, ay di-mapakali at walang-tigil sa pagtakbo sa harapan, kung gayon nasisira ang kaayusan ayon sa herarkiya, ang unang linya, bilang pandangal na lugar, ay para sa mga magulang ni Tomas, kanyang kapatid at asawa nito.

Ngunit nang si Jesus ay makita sa pintuan, walang makapagpigil sa mga bata. Katulad nila ang isang inakay ng mga sisiw lumalabas mula sa kanilang pugad pagkatapos ng pagpapahinga sa gabi. At si Jesus ay tinatanggap ang salpok ng mabait na madaldal na grupo na bumabangga sa Kanyang mga tuhod at sumisiksik sa Kanya, itinataas ang kanilang maliliit na mukha upang mahalikan, at hindi sila umaalis sa kabila na ang kanilang mga ama’t ina ay tinatawag sila at si Tomas ay kinailangan na magbigay ng ilang sampal upang maibalik ang kaayusan.

«Hayaan sila! Hayaan lang sila! Sana ang buong mundo ay katulad nito!» bulalas ni Jesus Na yumuko upang mapagbigyan ang lahat na mga bata.

Sa wakas Siya ay makapapasok na at sinasalubong ng mas magalang na mga pagbati ng mga adulto. Ang gustung-gusto kong lalo ay ang pagbati ng ama ni Tomas, isang tipikong may-katandaan na Hudyo, na itinataas ni Jesus mula sa kanyang pagkakaluhod upang siya ay Kanyang mahalikan «dala ng pasasalamat para sa kanyang kagandahang-loob sa pagbigay sa Kanya ng isang apostol.»

«O! Ang Diyos ay minahal ako nang higit pa kaysa sa sino pa man sa Israel, sapagkat habang ang bawat Hudyo ay may isang anak na lalaki, ang panganay, konsagrado sa Panginoon, ako ay may dalawa: ang panganay at ang bunso; at ang bunso ay mas sagrado, sapagkat, bagama't siya ay ni hindi isang Levita o isang pari, ginagawa niya ang ni hindi ginagawa ng Mataas na Pari: lagi niyang nakikita ang Diyos at tumatanggap siya ang Kanyang mga utos!» sinasabi niya sa nanginginig na tinig ng mga nakatatandang tao, mas napapanginig pa ng emosyon. At siya'y nagtatapos: «Sabihin lang Ninyo sa akin ang isang bagay upang magawang masaya ang aking kaluluwa. Dahil hindi Kayo nagsisinungaling, sabihin sa akin: ang anak kong ito, sa kanyang pagsunod sa Inyo, karapat-dapat ba siya sa paglilingkod sa Inyo at karapat-dapat ng eternal na Buhay?»

«Makapagpapahinga kayo sa kapayapaan, itay. Ang inyong anak ay may dakilang lugar sa puso ng Diyos dahil sa kanyang pag-uugali, at magkakaroon siya ng dakilang lugar sa Langit dahil sa kanyang magiging paraan ng paglilingkod sa Diyos hanggang sa ihinga niya ang kanyang huling hininga.»

Si Tomas ay humahagap ng hangin katulad ng isang isda na wala sa tubig, lubos na naaantig ng kanyang narinig. Ang matanda ay itinataas ang kanyang nanginginig na mga kamay, habang ang mga luha ay bumababa sa malalalim na kulubot ng kanyang mukha at nawawala sa patriyarkal na balbas, at sinabi niya: «Harinawang ang pagpapalà ni Jacob ay bumaba sa iyo; ang pagpapalà ng patriyarka sa makatarungang isa sa kanyang mga anak; harinawang ang Makapangyarihan-sa-lahat ay pagpalain ka sa pamamagitan ng mga pagpapalà ng Langit sa itaas, mga pagpapalà ng kalaliman na nasa ibaba, mga pagpapalà ng mga suso at sinapupunan. Harinawang ang mga pagpapalà ng iyong ama ay malampasan ang mga pagpapalà ng kanyang mga ninuno at hanggang sa dumating ang mithiin ng eternal na mga burol, mamalagi sana ang mga ito sa ulo ni Tomas, sa ulo niya na isang nazir sa pagitan ng kanyang mga kapatid na lalaki!»

At lahat sila ay tumugon: «Amen.»

«At ngayon, aking Panginoon, maaari ba Ninyong pagpalain ang bahay na ito at higit sa lahat ang lahat na maliliit na ito na mga dugo ng aking dugo» sabi ng matanda tinuturo ang mga bata.

At si Jesus, inuunat ang Kanyang mga kamay, ay sinasabi ang pagpapalà ni Moses sa malakas na tinig at dinagdag Niya: «Harinawang ang Diyos, sa kung Kaninong presensya ang iyong mga ninuno ay naglakad, ang Diyos Na nagpakain sa Akin mula pa ng Aking kabataan hanggang sa kasalukuyang araw, harinawang ang anghel na nagligtas sa Akin mula sa lahat ng kasamaan, ay pagpalain ang mga batang ito; harinawang sila ay pangalanan sa Akin at sa Aking mga ninuno at harinawang sila ay dumami nang napakarami sa lupa» at nagtatapos Siya sa pagkuha sa huling panganak na bata mula sa mga bisig ng kanyang ina upang halikan ang kanyang noo nagsasabing: «At harinawang ang pili na mga birtud na namalagi sa makatarungan na Tao, mula kung Kanino ikaw ay pinangalanan, ay bumaba sa iyo katulad ng mantekilya at pulot, ginagawa ang iyong pangalan na karapat-dapat ng Langit at adornado nang katulad ng púno ng palmera punó ng kulay-gintong mga datiles at katulad ng sidra punó ng maharlikang mga dahon.»

Ang lahat ay naantig at labis na naliligayahan. Pagkatapos lahat sila ay sumisigaw sa tuwa habang pinapasok ni Jesus ang bahay at tumigil lamang sila nang Siya ay nasa bakuran na, kung saan Kanyang pinakikilala ang Kanyang Ina, ang mga babaeng disipulo, ang mga apostol at ang mga disipulo.

--------------------

Ngayon ay hindi na umaga, o katanghalian. Ang mahinang sinag ng liwanag na nahihirapan na makalampas sa lukot na mga ulap habang ang panahon ay labis na pabagu-bago pa, ay nagagawa akong makapagsabi na ang araw ay malapit nang lumubog at na ang takipsilim ay parating na.

Ang mga babae ay wala na rito. Ni sina Isaac at Manaen. Si Marjiam sa halip ay kasama ni Jesus, at masayang-masaya na makasama Siya, habang si Jesus ay lumalabas kasama ang mga apostol at ang lahat na lalaking mga kamag-anak ni Tomas upang tingnan ang ilang mga ubasan, na tila isang espesyal na kalidad. Kapwa ang matanda at ang bayaw ni Tomas ay nagsasalita nang madetalye tungkol sa pusisyon ng ubasan at tungkol sa pagiging pambihira ng mga baging, na sa kasalukuyan ay may bagkus iilan na mga murang dahon pa lamang.

Si Jesus ay nakikinig nang magiliw sa mga paliwanag nagpapakita ng interes sa pagpupungos at sa pagbubungkal ng lupa, na tila ang mga ito ay ang pinaka may-silbing mga bagay sa lupa. Sa katapusan nagsabi Siya kay Tomas ngumingiti: «Bebendisyunan Ko ba ang dote na ito ng iyong kakambal na kapatid na babae?»

«O! Aking Panginoon! Ako ay ni hindi si Doras o si Ishmael. Alam ko na ang Inyong pinaka hininga, Inyong presensya sa isang lugar ay isa nang pagpapalà. Ngunit kung ibig Ninyong itaas ang Inyong kamay sa mga tanim na ito, pakiusap na gawin Ninyo, ang kanilang bunga ay tiyak na magiging banal.»

«At hindi ba iyan magiging masagana? Anong masasabi ninyo, itay?»

«Banal... ay sapat na. At aking pipisain ang mga ubas at padadalhan Kita ng alak para sa susunod na Paskuwa, upang magamit Ninyo ito sa ritwal na kalis.»

«Mabuti. Aasahan Ko iyan. Sa susunod na Paskuwa gusto Kong gamitin ang alak ng isang tunay na Israelita.»

Iniwan nila ang ubasan upang bumalik sa nayon.

Ang balita tungkol sa presensya ni Jesus ng Nazareth ay kumalat sa nayon at ang sambayanan ng Ramah ay lahat nasa mga kalsada at nananabik na malapitan Siya.

Napuna ito ni Jesus at Siya’y nagsabi kay Tomas: «Bakit hindi sila lumalapit? Sila ba kaya ay natatakot sa Akin? Sabihin sa kanila na minamahal Ko sila.»

O! Si Tomas ay hindi naghintay na sabihan siya nang dalawang beses. Pumunta siyang mabilis palipat-lipat sa grupo ng mga tao na siya ay nagmumukhang isang malaking paru-parong palipat-lipat sa mga bulaklak. At ang mga nakarinig ng paanyaya ay hindi rin naghintay na sabihan ng dalawang beses. Lahat sila ay tumakbo, pinaaabot ang salita sa paligid, at nag-ipun-ipon sa paligid ni Jesus, upang nang sila ay makarating sa krosing kung saan naroroon ang bahay ni Tomas, may napakalaking pulutong na nakikipagusap nang magalang sa mga apostol at sa mga kamag-anak ni Tomas, nagtatanong ng iba't ibang mga tanong.

Nalaman ko na si Tomas ay nagtrabaho nang mabuti sa loob ng taglamig na mga buwan at ang karamihan ng ebanghelyo ay nalalaman na sa nayon. Ngunit ibig nilang magkaroon ng mas detalyadong paglilinaw at ang isang mas naapektuhan ng pagpapalà ni Jesus sa mga bata ng mapag-arugang bahay at ng sinabi ng Guro kay Tomas, ay nagtanong: «Sila bang lahat kung gayon ay magiging makatarungan, dahil sa Inyong pagpapalà?»

«Hindi dahil diyan, bagkus dahil sa kanilang mga pagkilos. Binigyan Ko sila ng lakas ng Aking pagpapalà upang mapalakas sila sa kanilang mga pagkilos. Ngunit nasa kanila na ang paggawa at ang paggawa ng mabubuti upang marating ang Langit. pinagpapalà Ko ang lahat... ngunit hindi lahat sa Israel ang maliligtas.»

«Sa kabaligtaran, tanging kakaunti lamang ang maliligtas. Kung magpapatuloy silang kumilos katulad ng ikinikilos nila ngayon» bulong ni Tomas.

«Ano ang sinasabi mo?»

«Ang katotohanan. Ang mga nang-uusig sa Kristo at naninirang-puri sa Kanya, ang mga hindi nagsasabuhay ng Kanyang tinuturo, ay hindi magkakaroon ng bahagi sa Kanyang Kaharian» sabi ni Tomas sa kanyang malalim na tinig.

May isang tao ang humila sa kanyang manggas nagtatanong: «Napakahigpit ba Niya?» tinuturo si Jesus.

«Hindi, hindi Siya mahigpit. Hindi lang iyan, napakabuti Niya.»

«Ano sa isip mo, maliligtas ba ako? Hindi ako isa sa mga disipulo. Ngunit kilala mo ako at lagi akong naniniwala sa sinasabi mo. Ngunit hindi ko alam kung ano ang aking kailangan gawin. Ano ang dapat kong gawing eksakto upang maligtas, bukod sa akin nang nagagawa?»

«Tanungin mo Siya. Ang Kanyang pasya ay mas makatotohanan at magiliw kaysa ng akin.»

Ang mamâ ay pumunta sa harapan. Sinabi niya: «Guro, sinusunod ko ang Batas, at mula ng inulit sa akin ni Tomas ang Inyong mga salita, mas lalo pa akong sumusunod. Ngunit hindi ako masyadong mapagbigay. Ginagawa ko ang kailangan kong dapat gawin. Nagpipigil akong gawin ang hindi tamang gawin, sapagkat natatakot ako ng Impiyerno. Ngunit mahilig ako ng komportableng pamumuhay at, aaminin ko, nagsisikap akong gawin ang mga bagay-bagay sa isang pamamaraan na habang hindi ako nakagagawa ng kasalanan, hindi ko rin labis na pinahihirapan ang aking sarili. Maliligtas ba ako sa pagkilos nang ganyan?»

«Maliligtas ka. Ngunit bakit maging gahaman kasama ang mabuting Diyos Na napakamapagbigay sa iyo? Bakit gusto mo lamang maligtas, at nang may ilang kahirapan, at ayaw mong matamo ang kabanalan, na nagbibigay ng eternal na kapayapaan kaagad? Ano ka ba, mama! Maging mapagbigay sa iyong kaluluwa!»

Ang mamâ ay nagsabi nang mapagpakumbaba: «Iisipin ko ang tungkol diyan, Panginoon. Pakiramdam ko tama Kayo at nakagagawa ako ng mali sa aking kaluluwa sa pamimilit dito na dumaan sa mahabang panahon ng puripikasyon bago magkaroon ng kapayapaan.»

«Mabuti. Ang iyong iniisip ay siya nang simula ng pagiging perpekto.»

Isa pang lalaki mula sa Ramah ang nagtanong: «Panginoon, kakaunting tao lamang ba ang maliligtas?»

«Kung nalalaman ng tao kung papaano kumilos alang-alang sa kanyang sarili at nang may pagpipitagan na pagmamahal sa Diyos, ang lahat ng tao ay maliligtas, ayon sa minimithi ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang kinikilos ng tao. At katulad ng isang tanga, naglalaro siya ng palara, sa halip na kumuha ng purong ginto. Maging mapagbigay sa paghahangad ng Kabutihan. Nasasaktan ba kayo nito? Nandiyan ang merito nito. Pagsikapan na makadaan sa makitid na pintuan. Ang isa pang pintuan, na malapad at batbat ng dekorasyon, ay ang panggaganyak ni Satanas upang kayo ay mailigaw. Ang geyt ng Langit ay makipot, mababa, ilang at magaspang. Upang mapasok ito ang isa ay kailangan na maliksi, magaan, walang karangyaan at walang materyalismo. Ang isa ay kailangan na maging espirituwal upang magawa ito. Kung hindi, kapag ang oras ng inyong kamatayan ay dumating, hindi kayo makakaraan dito. At totoong makikita na marami ang magsisikap na makaraan dito ngunit hindi magtatagumpay, sa dahilan na sila ay punung-puno ng materyalismo, umaapaw sa makamundong karangyaan, napatigas nang husto gawa ng kasalanan, hindi makayuko dahil sa kanilang pagmamalaki, na gumaganap bilang kalansay. At ang Nagmamay-ari ng Langit ay pagkatapos darating upang isara ang  geyt, at ang mga nasa labas, ang mga hindi nakapasok sa tamang oras, ay kakatok sa pintuan sumisigaw: “Panginoon, buksan ang geyt sa amin. Kami ay naririto rin”. Ngunit Siya ay tutugon: “Talagang hindi Ko kayo nakikilala, ni hindi Ko alam kung saan kayo nanggaling”. At sasabihin nila: “Ano? Hindi ba Ninyo kami naaalaala? Kami ay kumain at uminom kasama Kayo at nakinig kami sa Inyo nang Kayo ay nagpapahayag sa aming mga liwasan”. Ngunit Siya ay tutugon: “Talagang hindi Ko kayo nakikilala. Habang mas tinitingnan Ko kayo mas lalo kayong nagmumukhang nagpakasawa sa ipinagbabawal Kong pagkain. Habang mas pinag-aaralan Ko kayo, mas lalo Kong nakikita na hindi kayo kasama sa Aking pamilya. Ngayon, talagang nakikita Ko na kung kaninong mga anak at mga nasasakupan kayo: ng Isang iyon. Si Satanas ang inyong ama, ang Laman ang inyong ina, ang Pagmamalaki ang inyong yaya, ang Poot ang inyong katulong, ang kasalanan ang inyong tagong-kayamanan, ang mga bisyo ang inyong pinahahalagahan. Sa inyong mga puso ay nakasulat: ‘Pagkamakasarili’. Ang inyong mga kamay ay marumi ng mga pagnanakaw na ginawa ninyo laban sa inyong mga kapatid. Lumayas kayo rito! Lumayo kayo sa Akin, lahat kayo, mga tagapagpaandar ng kasamaan”. Pagkatapos, habang sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta at mga makatarungan ng Kaharian ng Diyos ay darating mula sa mga kataasan ng Langit nagniningning sa kaluwalhatian, ang mga hindi nagmahal bagkus naging makasarili, ang mga hindi isinakripisyo ang kanilang mga sarili bagkus namuhay sa kandungan ng karangyaan, ay palalayasin at ikukulong sa lugar kung saan may eternal na pagluha at walang iba bagkus takot. Ang mga nakabangon nang maluwalhati at mga nanggaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, ay mag-iipun-ipon sa paligid ng mesa ng kasalan ng Kordero, ang Hari ng Kaharian ng Diyos. At makikita ng isa na marami sa lumalabas na “pinaka-maliit” sa hukbo ng lupa, ay ang una sa lungsod ng Kaharian. At makikita din ng isa na hindi lahat na malalakas sa Israel ay malalakas sa Langit, at hindi lahat na pinili ng Kristo na maging Kanyang mga lingkod ay naging karapat-dapat na mapili sa mesa ng kasalan. Sa halip makikita ng isa na marami, na mga tiningnan na maging “una” ay magiging hindi lamang ang huli, bagkus ni hindi kahit huli. Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang nakagawa na gawin ang kanilang pagkakapili na maging tunay na kaluwalhatian.»

Habang si Jesus ay nagsasalita, ilang mga Pariseo ang dumating kasama ng isang grupo ng naglalakbay patungong Herusalem, o nanggagaling sa Herusalem naghahanap ng mga matutuluyan, ang Banal na Siyudad bilang nagsisiksikan na sa mga tao. Nakita nila ang laksá-laksáng dami ng mga tao at lumapit sila rito upang makita ito. Pagkatapos nakita nila ang magandang ulo ni Jesus na nagniningning sa kaligiran ng madilim na pader ng bahay ni Tomas.

«Paraanin kami, sapagkat ibig namin na makausap ang Nazareno» sumisigaw sila nang mapaghari-harian.

Ang mga pulutong ay nagbigay-daan nang walang-sigla at ang mga apostol ay nakikita ang grupo ng mga Pariseo na patungo sa kanila.

«Kapayapaan sa Inyo, Guro!»

«Kapayapaan sa inyo. Ano ang kailangan ninyo?»

«Kayo ba ay patungong Herusalem?»

«Katulad ng bawat matapat na Israelita.»

«Huwag pumunta! Isang seryosong panganib ang nagbabanta sa Inyo roon. Alam namin sapagkat nanggaling kami sa Herusalem upang tagpuin ang aming mga pamilya. At kami ay pu8munta rito sapagkat napakinggan namin na Kayo ay nasa Ramah.»

«Sino ang nagsabi sa inyo, kung walang anuman sa inyo ang aking pagtatanong?» tanong ni Pedro na naging suspetsoso at handa na upang makipagdiskusyon.

«Wala itong pakialam sa iyo, mamâ. Ang tanging kailangan na malaman mo, dahil tinatawag mo kaming mga ahas, ay maraming ahas malapit sa Guro at kailangan na huwag mong pagtiwalaan nang labis ang napakarami at napakamalalakas na mga disipulong ito.»

«Hoy! Hindi ka nagpapakahulugan na si Manaen o...»

«Manahimik, Pedro. At ikaw, Pariseo, kailangan na malaman mo na walang panganib ang makapagpipigil sa isang matapat na naniniwala na tuparin ang kanyang katungkulan. Kung mawawala sa kanya ang kanyang buhay, ito ay walang halaga. Ang malala, ay ang mawalan ang isa ng kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng paglabag sa Batas. Ngunit alam mo ito. At nalalaman mo na nalalaman Ko ito. Kung gayon bakit mo Ako binubuyo? Hindi mo kaya nalalaman na nalalaman Ko kung bakit mo ginagawa ito?»

«Hindi ko Kayo binubuyo. Iyan ang katotohanan. Marami sa amin ang palaban sa Inyo. Ngunit hindi lahat. Hindi namin Kayo kinapopootan. Alam namin na si Herodes ay hinahanap Kayo at sinasabi namin sa Inyo: umalis Kayo. Lumayo Kayo rito, sapagkat kung mahuli Kayo ni Herodes, papatayin niya Kayo nang tiyak. Iyan ang gusto niya.»

«Iyan ang gusto niya, ngunit hindi niya iyan gagawin. Nalalaman Ko iyan nang tiyak. Maging ano pa man, makalalakad na kayo at sabihin sa matandang lobo na Siya, Na kanyang hinahanap, ay nasa Herusalem, sa katotohanan Ako ay naparito nagpapalayas ng mga dimonyo at nanggagamot ng mga tao, na hindi itinatago ang Aking Sarili. Ginagawa Ko iyan at gagawin Ko iyan ngayon, bukas at sa makalawa, hanggang sa ang Aking panahon ay tapos na. Ngunit kailangan Kong magpatuloy hanggang marating Ko ang katapusan. At kailangan Kong pasukin ang Herusalem ngayon, at pagkatapos minsan pa, at minsan pa at minsan pa ulit, sapagkat hindi posible para sa Akin na tumigil bago pa man. At kailangan na gawin ito nang may katarungan, ibig sabihin, sa Herusalem.»

«Si Juan Bautista ay namatay sa ibang lugar.»

«Namatay siya sa kabanalan, at ang kabanalan ang ibig-sabihin: “Herusalem”. Kung ang ibig-sabihin ng Herusalem ngayon ay “Kasalanan”, iyan ay dahil sa kung ano ang makalupa lamang at malapit nang hindi ito maging ganito. Ngunit Ako ay nagsasalita ng kung ano ang eternal at espirituwal, ibig sabihin, ng Makalangit na Herusalem. Ang lahat na makatarungan at ang mga propeta ay namamatay diyan, sa kabanalan nito. At Ako ay mamamatay diyan at walang kabuluhan ang pagsisikap mong madala mo Ako sa pagkakasala. At mamamatay din Ako sa pagitan ng mga burol ng Herusalem ngunit hindi sa pamamagitan ng kamay ni Herodes, bagkus sa pamamagitan ng kalooban niya na mas tusong napopoot sa Akin kaysa sa napopoot si Herodes, sapagkat nakikita niya sa Akin ang mangangagaw ng inaasam-asam na Pagkapari at ang Tagapaglinis ng Israel mula sa lahat ng nakahahawang mga sakit na nagpaparumi rito. Kung kaya't huwag ibintang kay Herodes ang lahat ng panggigigil na pumatay, bagkus ang bawat isa sa inyo ay kailangan na kunin ang kanyang bahagi, sapagkat, totoo, ang Kordero ay nasa bundok na inaakyat ng mga lobo at mga asong-gubat sa lahat na tabi upang lapain ito at...»

Ang ulan ng nagbabagang katotohanan ay nagawa ang mga Pariseo na lumayas.

Si Jesus ay tinitingnan silang umaalis. Pagkatapos tumingin Siya nang patungong timog, patungo sa isang mas malinaw na kaningningan, na baka nangangahulugan na siyang ang lugar ng Herusalem at malungkot Niyang sinabi: «Herusalem, Herusalem, ikaw na pumapatay sa iyong mga propeta at bumabato sa mga pinadadala sa iyo, gaano Ako kadalas na nananabik na maipon ang iyong mga anak, katulad ng pag-iipon ng isang inahing manok ng kanyang mga inakay sa loob ng kanyang mga pakpak, at ikaw ay tumatanggi! Kung gayon mangyari iyan! Ang iyong Bahay ay maiiwan na wala ang totoong Guro nito. Siya ay darating, Siya ay kikilos, ayon sa itinakda ng ritwal, katulad na dapat kumilos ang una at huling anak ng Israel, at pagkatapos Siya ay aalis. Hindi na Siya mamamalagi sa loob ng iyong mga pader upang mapadalisay ka sa pamamagitan ng Kanyang presensya. At titiyakin Ko sa iyo na ikaw at ang mga naninirahan sa iyo ay hindi na Ako makikita, sa Aking tunay na hitsura, hanggang sa dumating ang oras kung kailan sasabihin mo: “pagpapalà sa Kanya Na dumarating sa ngalan ng Panginoon”... At kayo mga mamamayan ng Ramah, tandaan ang mga salitang ito at ang lahat na iba pa upang hindi sana kayo mapasama sa kaparusahan ng Diyos. Maging matapat... Humayo. Kapayapaan sa inyo.»

At si Jesus ay umalis patungo sa bahay ni Tomas kasama ang lahat ng kanyang mga kamag-anak at ang mga apostol.

280810/051012




Bottom of Form

 



Sunod na kabanata