Top of Form

364. Sa Gethsemane at Bethany.

Enero 3, 1946.

Si Jesus ay pinapasok ang tahimik na luntiang Hardin ng Gethsemane.

Si Marjiam ay kasama pa rin Niya at siya ay tumatawa iniisip kung gaano si Pedro nananabik na magmadali upang makasama sa kanila. Sinabi niya: «O! Guro! Iniisip ko kung gaano siya bumubulung-bulong! At kung Kayo ay nagpatuloy sa Bethany sa halip na tumigil dito, kalungkut-lungkot ang kanyang kalagayan.

Si Jesus ay ngumingiti din at tinitingnan ang bata Siya ay tumugon: «Oo. Paliliguan niya Ako ng kanyang mga ungol. Ngunit matuturuan siya nito na maging mas maingat sa susunod. Habang Ako ay nagsasalita, siya ay hindi nakikinig, bagkus nakikipagusap sa ibang mga tao...»

«Nagtatanong sila roon ng maraming katanungan, Panginoon» sabi ni Marjiam, na hindi na tumatawa, bagkus nagsisikap na mapangatwiranan si Pedro.

«Makapagpapahiwatig ang isa nang maganda na siya ay tutugon saka na, kapag ang Salita ng Panginoon ay nakatapos ng pagsasalita. Tandaan iyan, para sa iyong buhay sa hinaharap, kapag ikaw ay maging pari. Kailangan na makuha mo ang pinakadakilang paggalang habang ikaw ay nagtuturo at sa lugar kung saan ka nagtuturo.»

«Ngunit pagdating niyan, Panginoon, ang kaawa-awang Marjiam ang magsasalita...»

«Walang anuman iyan. Laging ang Diyos ang magsasalita sa pamamagitan ng mga labì ng Kanyang mga lingkod, sa mga oras ng kanilang ministeryo. At bilang ganyan kailangan Siyang mapakinggan sa katahimikan at may paggalang.»

Si Marjiam ay sumimangot, na nagsasaad ng kanyang nararamdaman sa loob.

Napuna ito ni Jesus at Siya ay nagsabi: «Hindi ka ba kumbinsido? Bakit ganyan ang ekspresyon ng mukha mo? Magsalita, anak, nang walang takot.»

«Aking Panginoon, nag-iisip lamang ako kung ang Diyos ay nasa mga labì at mga puso ng Kanyang mga pari sa kasalukuyan, at nanginginig akong natatakot iniisip na ang mga pari sa hinaharap ay baka katulad nila... At naghinuha akong nagsasabing na...maraming mga pari ang nagpapasamâ sa hitsura ng Panginoon... Ako ay tiyak na nagkasala... Ngunit masagwang-masagwa at mangamkam sila, walang kabuhay-buhay... na...»

«Huwag manghusga. Ngunit tandaan ang iyong nararamdaman na pagkasuklam. Ilagay iyan sa isip sa hinaharap. At sa pamamagitan ng lahat mong lakas iwasan na maging katulad ng nang-iinis sa iyo at tiyakin na ang mga nasa pangangasiwa mo ay hindi rin katulad nila. Gawin ang kasamaan na nakikita mo na maging may-pakinabang para sa isang mabuting pakay. Ang bawat kilos at kapiraso ng kaalaman ay kailangan na magawang maging mabuti sa pamamagitan ng matuwid na paghusga at kalooban.»

«O! Panginoon! Bago tayo pumasok sa bahay, na nakikita na natin, pakiusap na tumugon sa isa pang tanong! Hindi ninyo ikinakaila na ang mga pari sa kasalukuyan ay may depekto. Sinasabi Ninyo sa akin na huwag manghusga. Ngunit Kayo ay nanghuhusga. At makapanghuhusga Kayo. At nanghuhusga Kayo nang may katarungan. Ngayon makinig, Panginoon, sa aking tanong. Kapag ang mga pari sa kasalukuyan ay nagsasalita ng tungkol sa Diyos at tungkol sa relihiyon, alam natin kung ano ang katulad ng karamihan sa kanila, ngunit ang tinutukoy ko ay ang pinaka-malala sa kanilang lahat, makikinig ba kami sa kanila bilang sila ay makatotohanan?»

«Oo, Aking anak, lagi. Dala ng paggalang sa kanilang misyon. Kapag kumikilos sila kaugnay sa kanilang ministeryo, hindi na sila si Annas, isang tao, o Sadoc, isang tao, at iba pa. Sila ay “ang pari”. Laging ihiwalay ang kaawa-awang pagiging-tao sa ministeryo.»

«Ngunit kung sila ay kumikilos pa nang napakasama...»

«Ang Diyos ang maglalaan. At pagkatapos!... Makinig, Marjiam! Walang tao ang lubos na mabuti o lubos na masama. At walang sinuman ang lubos na mabuti na siya ay makapaghuhusga sa kanyang mga kapatid na sila ay lubos na masasama. Kailangan na isaisip natin ang ating sariling mga depekto, at itapat sa mga ito ang mabubuting katangian ng mga taong ibig nating husgahan, magkakaroon tayo kung gayon ng tamang sukat para sa mapagkawanggawang paghuhusga. Hindi pa Ako nakatagpo ng isang lubos na masamang tao.»

«NI hindi si Doras, Panginoon?»

«Ni hindi siya, sapagkat siya ay isang matapat na asawa at isang mapagmahal na ama.»

«Ni hindi ang ama ni Doras?»

«Siya, rin, ay isang matapat na asawa at isang mapagmahal na ama.»

«Ngunit wala siyang iba bagkus iyon!»

«Wala siyang iba bagkus iyon. Ngunit kung magkagayon siya ay hindi masama. Kung gayon hindi siya ganap na masama.»

«Si Judas ba ay hindi rin masama?»

«Hindi.»

«Ngunit hindi siya mabuti.»

«Hindi siya ganap na mabuti katulad na siya ay hindi ganap na masama. Hindi ba ka kumbinsido sa Aking sinasabi?»

«Ako ay kumbinsido na Kayo ay ganap na mabuti at na Kayo ay ganap na walang kasamaan. Oo, nakumbinsi ako na Kayo ay ganyan. Kayo ay labis na ganyan, na wala Kayong inaakusahan na sinuman...»

«O! Aking minamahal na anak! Kung bibigkasin Ko ang unang kataga ng isang salita ng pag-aakusa, kayong lahat ay babatikusin ninyo ang taong inaakusahan, katulad ng mababangis na hayop!... Iniiwasan Ko na gawin ninyo ang ganyan, upang sana hindi kayo madungisan ng kasalanan ng pagpapadalus-dalos sa paghuhusga. Subukan na unawain Ako, Marjiam. Ito ay hindi tungkol sa hindi Ko nakikita ang kasamaan, kung saan mayroong kasamaan, o na hindi ko nakikita ang paghahalo ng mabuti at masama sa ilang mga tao. O ito ay tungkol sa hindi Ko naiintindihan kung ang isang kaluluwa ay tumataas o mas bumababa pa sa lebel kung saan Ko siya pinasusunod. Ang lahat ng ito ay walang kinalaman tungkol diyan, anak. Bagkus ito ay tungkol sa kahinahunan upang maiwasan ang pagkakaroon sa inyo ng pagkukulang sa karidad. At lagi Ko itong gagawin. Sa hinaharap din, kapag kinakailangan Kong sabihin ang Aking opinyon tungkol sa isang tao. Hindi mo ba nalalaman, anak, na kung minsan ang isang salita ng papuri at ng pampalakas-loob ay mas may pakinabang kaysa sa maraming paninita? Hindi mo ba nalalaman na sa loob ng sandaan ng napakasamang mga kaso, mga kaso na tinitingnan na mabuti-buti pa rin kung ikukumpara sa ibang mga kaso, ang kalahati man lang nito ay totoong nagiging mabuti, sapagkat pagkatapos na matulungan ng Aking Salita, sila ay natutulungan din ng napakamababait na tao, na hindi tutulong bagkus iiwas sa mga tao, na pinagbibintangang bilang masasamang tao? Ang mga kaluluwa ay kailangan na suportahan, hindi papagmukmukin.  Ngunit kung hindi Ako ang unang magsusuporta sa kanila at magtatakip sa kanilang mga depekto, pinipilit kayong maging mabait sa kanila at matulungin sa kanila, hindi ninyo kailanman iuukol na may aktibong habag ang inyong mga sarili sa kanila. Tandaan iyan, Marjiam...»

«Oo, Panginoon... (isang malalim na buntung-hininga). Tatandaan ko iyan... (isa pang malalim na buntung-hininga)... Ngunit napakahirap nito sa harapan ng ilang mga ebidensiya...»

Si Jesus ay tinititigan siya. ngunit Kanya lamang nakikita ang itaas ng noo ni Marjiam, na nagbaba ng kanyang mukha.

«Marjiam, tumingala. Tingnan mo Ako. At sabihin mo sa Akin: aling ebidensiya ang mahirap na huwag pansinin?»

Si Marjiam ay naguguluhan... ang kanyang kulay-tansong mukha ay namumula... Siya ay tumugon: «Bueno... marami, Panginoon...»

Si Jesus ay namimilit: «Bakit mo binanggit si Judas? Dahil siya ba ay isang “ebidensiya”. Baka ang isa na mas mahirap para sa iyo na labanan... Ano ang ginawa sa iyo ni Judas? Sa anong bagay ka niya iniskandalo?» at nagpatong si Jesus ng isang kamay sa balikat ng bata, na labis na namumula na siya ay naging purpurang-purpura.

Si Marjiam ay tinitingnan Siya na may mga luhang nagniningning sa kanyang mga mata, pagkatapos pinakawalan niya ang kanyang sarili at tumakbo sumisigaw: «Si Judas ay isang nanlalapastangan!... Ngunit hindi ko masasabi...  Isaalang-alang ako, Panginoon!...» at siya ay nagtago sa kakahuyan, tinatawag nang walang-mangyari ni Jesus, Na napapakilos nang namimighati.

Ngunit ang Kanyang tinig ay nakuha ang pansin ng mga taong nasa loob ng bahay sa Gethsemane. At si Jonah ay lumitaw sa pintuan ng kusina kasama ang Ina ni Jesus, sinusundan ng mga babaeng disipulo: sina Maria ni Clopas, Maria Salome at Porphirea. Nang makita nila si Jesus sila ay lumabas upang salubungin Siya.

«Kapayapaan sa inyong lahat! Naririto Ako, Inay!»

«Nag-iisa? Bakit?»

«Umuna Ako sa lahat. Iniwan Ko sila sa Templo... Ngunit kasama Ko kanina si Marjiam...»

«At nasaan ang aking anak? Hindi ko siya nakikita» tanong ni Porphirea na nagmumukhang kung baga balisa.

«Siya ay pumunta roon... Ngunit mapupunta siya rito maya-maya lang. May sapat ba kayong pagkain para sa lahat? Ang iba ay malapit nang dumating.»

«Wala, Panginoon, wala tayong sapat na pagkain. Sinabi Ninyo na pupunta Kayo sa Bethany.

«Siyempre... Ngunit pagkaraan naisip Ko na mas mabuting pumunta rito. Lumakad nang mabilis upang kunin ang kinakailangan at bumalik kayo kaagad. Mananatili Ako rito kasama ang Aking Ina.

Ang mga babaeng disipulo ay sumunod kaagad nang walang anumang pagtutol.

Si Jesus ay nananatiling nag-iisa kasama si Maria at naglalakad sila nang dahan-dahan sa ilalim ng makakapal na kadahunan ng mga sanga ng punungkahoy, kung saan ang maninipis na sinag ng araw ay tumatagos gumagawa ng munting mga bilug-bilog sa berdeng damuhan.

«Pupunta Ako sa Bethany pagkatapos nating kumain, kasama si Simon.»

«Si Simon ni Jonah?»

«Hindi, si Simon Zealot. At isasama Ko si Marjiam...» si Jesus ay naging tahimik at nag-iisip.

Si Maria ay nakapuna at nagtanong: «Ginalit Ka ba ni Marjiam?»

«Hindi, Inay. Kabaligtaran! Bakit Ninyo naisip ang ganyan?»

«Bakit Ka nag-iisip?... Bakit Mo siya tinatawag nang mapilit? At bakit Ka niya iniwanan? Bakit siya umalis na tila nahihiya siya? Ni hindi siya pumunta rito upang batiin ang kanyang ina at Ako!»

«Ang bata ay umalis dahil sa isang katanungan Ko.»

«O!...» si Maria ay lubos na nagitla. Siya ay napatahimik nang isang sandali, pagkatapos Siya ay bumulong, na tila nagsasalita Siya sa sarili: «Ang magkasamang dalawa sa Makalupang Paraiso ay umalis pagkatapos ng kanilang pagkakasala, nang mapakinggan nila ang tinig ng Diyos... Ngunit kailangan nating unawain ang bata, Anak. Siya ay lumalaking isang lalaki... at baka... Si Satanas ay tinutuklaw ang bawat tao, Anak» sabi ni Maria sa nakakaawang nangungusap na tinig...

Si Jesus ay tinitingnan Siya at nagsabi: «Gaanong makaina Kayo! Kayo ang “Ina”! Ngunit huwag isipin na ang bata ay nagkasala. Sa kabaligtaran, tinitiyak Ko sa Inyo na siya ay naghihirap dahil siya ay nasaktan ng isang matingkad na pagbubunyag. Siya ay puro at napakabuti... Isasama Ko siya ngayon, upang sana maunawaan niya, nang hindi siya sinasabihan, na naiintindihan Ko siya. Ang mga salita ay magiging walang silbi, at maging ano pa man hindi Ako makatatagpo ng kahit anong salita na magbibigay-katwiran sa panlalapastangan ng inosensiya.» Binigkas ni Jesus ang huling mga salita sa isang mahigpit na tinig.

«O! Anak! Ito ba ay kasing bigat niyan? Hindi Kita tatanungin ng kahit anong pangalan. Ngunit kung may isa man sa amin ang nagpabalisa sa bata, maaaring ito ay ang isa lamang... Anong isang dimonyo siya!»

«Tayo na at hanapin natin si Marjiam, Inay. Hindi niya Kayo tatakbuhan.»

Sila ay lumakad at natagpuan siya sa likuran ng isang palumpong ng hawthorn.

«Ikaw ba ay namimitas ng mga bulaklak para sa Akin, Aking mahal na anak?» tanong ni Maria nilalapitan siya at niyayakap siya...

«Hindi, ngunit hinahanap ko Kayo» sabi ni Marjiam na ang kanyang mukha basa pa na may mga luha.

«At Ako ay naparito. Tayo na, sapagkat ngayon ikaw ay pupunta sa Bethany kasama ang Aking Jesus! At kailangan mong nakadamit nang maayos.»

Ang mukha ni Marjiam ay nagningning sa kaluguran, dahil napangibabawan na niya ang kanyang pagkakapahiya, at nagsabi siya: «Siya lang ba ang ako?»

«At si Simon Zealot.»

Si Marjiam, na isa pa ring bata, ay tumalon sa tuwa at lumabas sa kanyang pinagtataguan at bumagsak sa dibdib ni Jesus. Siya ay sabik-na-sabik.

Ngunit si Jesus ay ngumingiti at pinasisigla siya nagsasabing: «Lakad at tingnan kung ang iyong ama ay nakarating na.» At habang si Marjiam ay tumatakbong umaalis, si Jesus ay nagwika: «Siya ay isa pa ring bata, bagama't matalas ang pag-iisip. Isang tunay na krimen ang balisahin ang kanyang puso. Ngunit gagawin Ko ang kinakailangan na gawin» at Siya ay naglakad patungo sa bahay kasama si Maria.

Bago sila makarating doon nakita nila si Marjiam tumatakbo patungo sa kanila. «Guro... Inay... May ilang mga tao... ilan na mga nasa Templo kanina... ang mga proselito... May isang babae... Isang babae na ibig na makita Kayo, Inay... Sinasabi niya na nakita niya Kayo sa Bethlehem... Ang kanyang pangalan ay Naomi.»

«Napakarami Kong nakilalang mga babae, pagkatapos! Ngunit tayo na...»

Narating nila ang maliit na bukas-na-lugar kung saan naroroon ang bahay. Ang isang grupo ng mga tao ay naghihintay kay Jesus at nang kanilang makita kaagad Siya sila ay nagpatirapa. Ngunit ang isang babae ay tumayo kaagad at tumakbo patungo kay Maria ibinabagsak ang sarili sa Kanyang paanan tinatawag Siya sa pangalan.

«Sino ka? Hindi kita maalaala. Tumayo ka.»

Ang babae ay tumayo at magsasalita na sana nang ang mga apostol ay dumating humihingal.

«Panginoon, bakit Ninyo ginawa iyon? Patakbu-takbo kami sa Herusalem katulad ng mga sirang tao. Akala namin pumunta Kayo sa bahay ni Johanna o ni Annaleah... bakit hindi Kayo namalaging kasama namin?» nagtatanong sila nang kung baga naguguluhan.

«Dahil tayo ay magkakasama na ngayon, wala nang kabuluhan ang magpaliwanag kung bakit. Hayaan ang babaeng ito na makapagsalita sa kapayapaan.»

Lahat sila ay nag-ipun-ipon sa paligid ng babae upang pakinggan siya.

«Hindi na Ninyo ako maalaala, o Maria ng Bethlehem. Ngunit sa loob ng tatlumpu’t isang taon naaalaala ko ang Inyong pangalan at ang Inyong mukha bilang ang mga simbolo ng awa. Nanggaling din ako sa malayo, mula sa Perga, dahil sa Edikto. At ako ay buntis. Ngunit umaasa ako na makauwi sa oras. Ang aking asawa ay nagkasakit sa daan at siya ay nanghina at namatay sa Bethlehem. Ipinanganak ko ang aking anak dalawampung araw bago siya mamatay. At ang aking pagtangis ay nilagos ang kalangitan at tinuyo ang aking dibdib at ginawa nitong lason ang aking gatas. At kapwa ang aking anak at ako ay napuno ng mga paltos... At kami ay ipinatapon sa isang kuweba at iniwan doon upang mamatay... Bueno... Kayo lamang ang pumupunta nang maalaga, paminsan-minsan, sa loob ng isang buong buwan, at dinadalhan Ninyo kami ng pagkain at ginagamot Ninyo ang aming mga sugat, umiiyak na kasama ako at pinasususo ang aking anak, na utang niya ng kanyang buhay sa Inyo... Inilagay Ninyo sa panganib ang Inyong sarili na batuhin ng mga tao sapagkat tinatawag nila akong ang “ketongin na babae”... O! aking magiliw na tala! Hindi ko iyon nakalimutan. Ako ay umalis nang ako ay gumaling. At sa Ephesus napakinggan ko ang págpapatay sa mga bata. Hinanap ko Kayo sa gayong katagal na panahon. Hindi ako makapaniwala na Kayo ay napatay kasama ang Inyong Anak sa loob ng nakapangingilabot na gabing iyon. Ngunit hindi ko Kayo kailanman makita. Nang nakaraan tag-init ang isang tao na taga-Ephesus ay napakinggan ang Inyong Anak, nalaman niya kung sino Siya, sinundan niya Siya nang matagal-tagal at nakasama Siya kasama ang iba pang mga tao noong Kapistahan ng mga Tabernakulo. At nang siya ay nakabalik, sinabi niya sa akin. At ako ay naparito upang makita ko Kayo, Banal na Ina, bago ako mamatay. Pumarito ako upang pagpalain Kayo para sa bawat patak ng gatas na ibinigay Ninyo sa aking Juan, pinagkakaitan Ninyo nito ang Inyong banal na Anak...» Ang babae ay umiiyak, sa isang magalang na aktitud, na ang kanyang ulo medyo nakatungo, hawak-hawak ng kanyang mga kamay ang mga kamay ni Maria...

«Ang isa ay hindi kailanman dapat na tumangging pasusuhin ang isang sanggol, kapatid. At...»

«O! hindi. Hindi ako maaaring maging Inyong kapatid! Kayo ang Ina ng Tagapagligtas, at ako noon ay isang kaawa-awang nangungulilang babae, malayo sa kanyang tahanan, isang balo na may pasusuhin, na ang kaninong dibdib ay kasing tuyo ng isang tuyong ilog sa tag-init... namatay sana ako kung wala Kayo. Ibinigay Ninyo sa akin ang lahat at nagawang makabalik ako sa aking mga kapatid na lalaki, na mga mangangalakal sa Ephesus, salamat sa Inyo.»

«Tayo noon ay dalawang ina, dalawang mahihirap na ina, na may dalawang sanggol, sa malapad na mundo. Kapighatian ninyo iyon na maging balo, at Akin upang tusukin dahil sa Aking Anak, katulad ng sinabi sa Akin ng matandang si Simon sa Templo. Ginawa Ko lamang ang Aking tungkulin bilang isang kapatid na babae sa pagbigay Ko sa inyo ng kung ano ang nawala na sa inyo. Buhay ba ang inyong anak?»

«Siya ay nasa banda roon. At ang Inyong banal na Anak ay pinagaling siya ngayong umaga. Pagpalain nawa Siya dahil diyan!» At pinatirapa ang kanyang sarili sa harapan ng Tagapagligtas sumisigaw: «Juan, halika ka at pasalamatan mo ang Panginoon.»

Ang isang lalaki, kasing edad ni Jesus, ay iniiwan ang kanyang mga kasamahan at lumapit. Siya ay malakas at ang kanyang mukha ay matapat, kahit na kung siya ay hindi magandang lalaki. Ngunit ang ekspresyon ng kanyang malalalim na mata ay maganda.

«Kapayapaan sa iyo, kapatid ng Bethlehem. Sa anong sakit kita pinagaling?»

«Ng pagkabulag, Panginoon. Nawala sa akin ang paningin ng aking isang mata, at mawawala na rin sana ang sa isa pa. Dati akong pangulo ng sinagoga, ngunit hindi ko na mabasa ang sagradong mga rolyo.»

«Mababasa mo na sila ngayon na may mas malaking pananampalataya.»

«Hindi, Panginoon. Kayo na ang aking babasahin. Ibig kong manatiling kasama Kayo bilang isa sa Inyong mga disipulo, nang hindi nang-aangkin sa gatas na aking sinuso mula sa dibdib na nagpasuso sa Inyo.  Ang mga araw ng isang buwan ay balewala at hindi makagagawa ng kahit anong kaugnayan, ngunit ang awa ng Inyong Ina nang nakaraan at ang Inyo sa umagang ito ay ang lahat.»

Si Jesus ay kinakausap ang babae: «At ano ang inyong masasabi?»

«Na ang aking anak ay mapapasa-Inyo nang dalawang beses. Tanggapin Ninyo siya, Panginoon. At ang pangarap ng abang Naomi ay matutupad.»

«Mabuti. Magiging pag-aari ka ng Kristo.» at hinaharap ang Kanyang mga apostol sinabi Niya: «Tanggapin ang inyong kasamahan sa ngalan ng Panginoon.»

Ang mga proselito ay madamdaming nagagalak. Ang lahat na mga lalaki ay gustong manatili, ngunit matatag na sinabi ni Jesus: «Hindi, mananatili kayong kung ano kayo. Bumalik sa inyong mga tahanan, pangalagaan ang inyong pananampalataya at hintayin ang oras na matawag kayo. At harinawang ang Panginoon ay laging mapasainyo. Humayo.»

«Matatagpuan pa ba namin Kayo ritong muli?» tanong nila.

«Hindi. Katulad ng mga ibon na palipad-lipad sa mga sanga, umiikot Ako nang walang pahinga. Hindi ninyo Ako matatagpuan dito. Wala Akong itineraryo at walang lugar na tirahan. Ngunit kung ito ay makatarungan, magkikita tayong muli at mapapakinggan ninyo Ako. Humayo. Gawing makapanatili ang babae kasama ang bagong disipulo.»

At pinasok Niya ang bahay sinusundan ng mga babaeng disipulo at ng mga apostol na labis na naaantig at nagkukumentaryo tungkol sa pangyayari na kanilang hindi pinapansin hanggang ngayon, at tungkol sa dakilang karidad ni Maria.

--------------------

At si Jesus ay pumunta sa Bethany sa mabuting paglalakad. Sina Simon Zealot at Marjiam ay nasa tabi Niya. Kapwa sila masayang-masaya na sila ang napili para sa pagdalaw na ito.

Si Marjiam na mabuti na ngayon ang pakiramdam, ay nagtatanong ng napakaraming tanong tungkol sa babae na nanggaling sa Ephesus at kung ito ay nalalaman ni Jesus.

«Hindi Ko alam. Ang ganitong mga gawa ng Aking Ina ay di-mabibilang at ginagawa sa gayong banayad na katahimikan na ito ay di-nalalaman sa pangkalahatan.»

«Ngunit ang pangyayari ay tunay na maganda» sabi ng Zealot.

«Oo, labis-na-labis na ibig kong malaman ito ni Juan ng Endor. Ano sa palagay Ninyo, Guro? Makakakita ba tayo ng mga sulat niya sa Bethany?»

«Halos nakatitiyak Akong makakakita tayo.»

«Kailangan na makita din natin ang babaeng napagaling sa ketong» wika ng Zealot.

«Oo. Sinunod niya nang matapat ang mga alituntunin. Ngunit ang panahon ng kanyang puripikasyon ay maaaring tapos na ngayon.»

Ang Bethany ay lumitaw sa kapatagang lupa nito. Dumaan sila sa harapan ng isang bahay na minsan ay may mga paboreal, mga flamingo at mga ibon na mahahaba ang paa. Ang bahay ngayon ay sarado na. Napuna ito ni Simon.

Ngunit ang kanyang sinasabi ay naputol ng masayang pagbati ni Maximinus, na lumitaw sa geyt. «O! Banal na Guro! Gaanong kaligayahan sa labis na kalungkutan!»

«Kapayapaan sa iyo. Bakit kalungkutan?»

«Sapagkat si Lazarus ay labis na naghihirap gawa ng kanyang  nagka-sugat na mga paa. At hindi namin malaman kung ano ang gagawin upang mawala ang kanyang nararamdamang kirot. Ngunit mas gaganda ang kanyang pakiramdam, sa espiritu man lamang, kapag makita Kayo.»

Pumunta sila sa hardin at habang umuunang tumatakbo si Maximinus, naglalakad sila nang dahan-dahan patungo sa bahay.

Si Maria ng Magdala ay tumakbong sumasambang sumisigaw: «Rabboni» at siya ay sinusundan nang mas kalmante ni Martha. Kapwa sila nagmumukhang napakaputla katulad ng mga tao na naghirap at nawalan ng tulog.

«Tumayo. Pumunta tayo kay Lazarus kaagad.»

«O! Guro! Guro, magagawa Ninyo ang lahat, pagalingin Ninyo ang aking kapatid!» nakikiusap si Martha.

«Oo, mabuting Guro! Naghihirap siya nang higit pa sa kanyang matitiis! Siya ay luntay na at umuungol sa sakit. Siya ay tiyak na mamamatay, kung magpapatuloy siya nang gayon. Maawa sa kanya, Panginoon!» pamimilit ni Maria.

«Ako ay punó ng awa. Ngunit ang panahon ng himala ay hindi pa dumadating para sa kanya. Gawin siyang malakas at maging malakas kayo kasama niya. Tulungan siyang magawa ang kalooban ng Diyos.»

«Ah! Ang ibig ba Ninyong sabihin na siya ay kailangan na mamatay?!» tanong ni Martha umuungol at lumuluha.

At si Maria na ang kaninong mga mata ay nagniningning na may mga luha at pagmamahal, isang dobleng pagmamahal, para kay Jesus at para sa kanyang kapatid, ay bumulalas: «O! Guro,  ngunit sa ganitong paraan napipigilan Ninyo ako na masundan at mapaglingkuran ko Kayo, at napipigilan ang aking kapatid na kalugdan ang aking resureksiyon. Ayaw ba Ninyo na ang bahay ni Lazarus ay magbunyi dahil sa isang resureksiyon.

Si Jesus ay tinitingnan siya ngumingiting may-kabaitan at masiste at nagsabi sa kanya: «Para lang sa isa? Isa lamang? Ikaw naman! Hindi mo iniisip nang labis ang tungkol sa Akin, kung iniisip mo na isang bagay lamang ang magagawa Ko! Maging mabuti at malakas. Tayo na. At huwag umiyak nang ganyan. Masisira ninyo ang kanyang espiritu nang may nakapagpapalungkot na pagdududa.» At Siya ay lumakad nauuna sa kanila.

Upang mapangalagaan nila nang mas komportable si Lazarus, inilagay nila siya sa isang silid malapit sa libreriya, sa katapat ng bulwagang-kainan. Si Maximinus ay pinakikita sa Kanya ang pintuan, ngunit pinababayaan si Jesus na makapasok na nag-iisa.

«Kapayapaan sa iyo, Lazarus, Aking mahal na kaibigan!»

«O! Banal na Guro! Kapayapaan sa Inyo. Wala nang kapayapaan para sa akin, para sa aking katawan. At ang aking kaluluwa ay pinanghihinaan ng loob. Naghihirap ako nang labis, Panginoon! Ibigay Ninyo sa akin ang mahal na utos: “Lazarus, lumabas ka” at ako ay babangon na ganap na magaling upang paglingkuran Kayo...»

«Ibibigay Ko iyan sa iyo, Lazarus. Ngunit hindi ngayon» tugon ni Jesus niyayakap siya.

Si Lazarus ay payat-na-payat at manilaw-nilaw, na may malalalim na mata. Siya ay kitang-kita na malalang-malala ang sakit at nanghihina. Umiiyak siyang katulad ng isang bata pinakikita ang kanyang mangasul-ngasul na namamagang mga paa, may mga sugat, na sa aking palagay ay barikoso at dumudugo sa ilang mga parte. Baka umaasa siya na sa pagpapakita niya kay Jesus ng kanyang nakapangingilabot na kalagayan, baka maaantig si Jesus at gawin ang himala. Bagkus tinatakpan ni Jesus nang maingat ang mga sugat sa pamamagitan ng linen na mga bendahe na may balsamo.

«Nagpunta ba Kayo upang mamalagi rito?» tanong ni Lazarus nang nanlulumo.

«Hindi, ngunit madalas Akong pupunta rito.»

«Ano? Ni hindi rin Kayo magpa-Paskuwang kasama ko ngayong taon? Ginawa kong dalhin nila ako ritong sadya. Noong Kapistahan ng mga Tabernakulo nangako Kayo sa akin na magtatagal Kayong kasama ko pagkatapos ng Dedikasyon...»

«At gagawin Ko. Ngunit hindi ngayon. Maiinis ba kita kung umupo Ako rito, sa gilid ng iyong higaan?»

«O! hindi. Sa kabaligtaran ang kalamigan ng Inyong kamay ay tila nababawasan nito ang init ng aking lagnat. Bakit hindi Kayo mamamalagi, Panginoon?»

«Sapagkat katulad na ikaw ay pinahihirapan ng mga sugat, Ako ay pinahihirapan ng mga kaaway. Bagama't ang Bethany ay tinitingnan na nasa loob ng mga limitasyon para sa Hapunan para sa lahat, sa kaso Ko titingnan itong isang kasalanan, kung ipagdiriwang Ko ang Paskuwa rito. Ang lahat ng Aking ginagawa ay tinitingnan na makasalanan ng Sanhedrin at ng mga Pariseo...»

«Ah! Ang mga Pariseo! Totoo iyan! Ngunit sa loob ng aking bahay, sa kabilang dako... Iyan man lamang!»

«Siyempre! Ngunit babanggitin Ko iyan sa huling sandali, bilang isang pag-iingat.»

«Oo! Huwag silang pagtiwalaan. Ang lahat ay dumaan nang maayos kay Juan. Alam Ninyo? Si Ptolmai ay dumating kahapon may kasamang ibang mga tao at dinalhan niya ako ng ilang mga sulat para sa Inyo. Ito ay nasa aking mga kapatid. Ngunit nasaan sina Martha at Maria? Hindi ba nila ginagawa ang mga parangal ng bahay sa Inyo?» si Lazarus ay di-mapakali katulad ng maraming maysakit.

«Huwag mag-alala. Sila ay nasa labas kasama sina Simon at Marjiam. Ako ay pumaritong kasama sila. At wala Akong pangangailangan na kahit ano. Tatawagin Ko sila.» At tinatawag Niya ang mga may-karunungan na nanatili sa labas.

Si Martha ay lumabas at bumalik ulit may dalang dalawang rolyo na kanyang iniaabot kay Jesus. Pansamantala pinaaalam ni Maria sa kanila na ang isang katulong ni Nicodemus ay nagsabi na siya ay pinauna ng kanyang panginoon, na darating kasama si Jose ng Arimathea. At si Lazarus ay naalaala na may isang babae na “dumating kahapon sa Ngalan Ninyo” sabi niya.

«Ah! Oo! Kilala mo ba siya?»

«Sinabi niya sa amin. Siya ang anak na babae ng isang mayaman na tao mula sa Jericho, na pumunta sa Syria maraming taon na ang nakararaan. Tinawag siya ng kanyang ama na Anastasica sa pag-alaala sa isang bulaklak ng disyerto. Gayon man, hindi sinabi ni Anastasica ang pangalan ng kanyang asawa» paliwanag ni Martha.

«Hindi na iyan kinakailangan. Siya ay hiniwalayan niya at sa gayon siya ay “ang disipulo” lamang. Nasaan siya?»

«Siya ay pagod at siya ay natutulog. Nahirapan siya nang mga nakaraang araw at gabi. Kung gugustuhin Ninyo tatawagin ko siya.»

«Hindi. Hayaan siyang makatulog. Titingnan Ko siya bukas.»

Si Lazarus ay tinitingnan si Marjiam nang may paghanga. Si Marjiam ay nabibitin. Ibig niyang malaman ang lamang ng mga rolyo. Napuna ito ni Jesus at binuksan ang mga rolyo. Si Lazarus ay nagsabi: «Ano? Nalalaman ba niya?»

«Oo, nalalaman niya, pati rin ng iba, maliban kay Natanael, Felipe, Tomas at Judas...»

«Tama ang Inyong ginawa na hindi siya makaalam» bulalas ni Lazarus. «Marami akong mga pagdududa at takot...»

«Hindi Ako tatanga-tanga, Aking mahal na kaibigan» sabi ni Jesus pinuputol ang kanyang sinasabi at Kanyang binabasa ang mga rolyo at pagkatapos Kanyang sinasabi ang pinakabuod ng balita, ibig sabihin, ang dalawa ay nakapaninirahan na roon, na ang paaralan ay tumatakbo at na ang lahat ay makapagpapatuloy nang napakaayos, kung ang kalusugan ni Juan ay hindi lalala. Ngunit hindi na si Jesus makapagsasalita pa dahil sila ay sinabihan ng pagdating nina Nicodemus at Jose.

«Harinawang protektahan Kayo ng Diyos, Guro! Lagi, katulad ng sa umagang ito!»

«Salamat sa iyo, Jose. At ikaw, Nicodemus, wala ka ba roon?»

«Hindi. Wala ako. Ngunit napakinggan ko na Kayo ay dumating at naisip ko na ako ay dapat pumunta sa bahay ni Lazarus, dahil natitiyak kong halos na matatagpuan ko Kayo rito. At si Jose ay sinamahan ako.»

Nagsasalita sila tungkol sa mga pangyayari nang umaga, nakatayo sa paligid ng higaan ni Lazarus, na labis na interesado sa mga pangyayari at tila napagiginhawahan siya sa kanyang paghihirap.

«Ngunit si Gamaliel, Panginoon! Napakinggan ba Ninyo siya?» tanong ni Jose ng Arimathea.

«Oo, napakinggan Ko.»

Si Nicodemus ay nagsabi: «Ako sa halip ay sasabihin ko: Si Judas ng Kerioth, sa kabilang dako, Panginoon! Pagkatapos na makaalis Kayo natagpuan ko siyang sumisigaw katulad ng isang dimonyo sa gitna ng grupo ng mga disipulo ng mga rabbi. Inaakusahan niya Kayo at ipinagsasanggalang din. At natitiyak ko na siya ay kumbinsido na ginagawa niya ang tamang bagay. Gusto nilang makakita sila sa Inyo ng depekto, at tiyak na nasulsulan sila ng kanilang mga tagapagturo na gawin ito. Pinasisinungalingan niya nang mainitan ang kanilang mga akusasyon nagsasabing: “Ang aking Guro ay may iisang depekto lamang! Hindi Niya dinadagdagan nang sapat ang Kanyang kapangyarihan. Pinalalampas Niya ang magagandang pagkakataon. Sinusuya Niya ang mabubuting tao sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakumbaba nang labis. Siya ay Hari! At kailangan Niyang kumilos bilang isang Hari. Tinatrato ninyo Siya bilang isang utusan dahil Siya ay napakamapagpakumbaba. Sinisira Niya ang Kanyang Sarili sa pagiging wala bagkus mapagpakumbaba. Ang tanging bagay na kailangan sa inyo, nakapandidiring malulupit na tao, ay ang hagupit ng napakamarahas na kapangyarihan. O! bakit hindi ko Siya magawang isang marahas na Saul!”.

Si Jesus ay iniiling ang Kanyang ulo nang hindi nagsasalita ng kahit ano.

«Gayunpaman, minamahal niya Kayo ayon sa kanyang sariling pamamaraan» wika ni Nicodemus.

«Anong nakalilitong tao!» bulalas ni Lazarus.

«Oo. Tama ka. Bagama't nakasama ko na siya nang dalawang taon, hindi ko pa siya maintindihan» patotoo ng Zealot.

Si Maria ng Magdala ay tumayo na may mahestad ng isang reyna at prinoklama niya sa kanyang magandang tinig: «Naintindihan ko siya nang higit pa sa sino pa man: siya ay kahihiyan na inilagay malapit sa Perpeksiyon. At wala nang iba pang kailangan na sabihin» at lumabas siya upang gawin ang isang gawain at isinama niya si Marjiam.

«Baka tama si Maria» sabi ni Lazarus.

«Iyan din ang palagay ko» sabi ni Jose.

«At ano ang sa isip Ninyo, Guro?»

«Sasabihin Ko na si Judas ay isang “tao”. Katulad na si Gamaliel ay ganito. Isang limitadong tao malapit sa walang-hangganang Diyos. Ang tao ay limitadung-limitado sa pag-iisip, na maliban na siya ay nakahihinga sa loob ng isang sobrenatural na atmospera, isang idea lamang ang nagagawa niyang tanggapin, na sa pamamagitan nito siya ay nababalutan at nananatili magpasawalanghanggan. At ganito ang kanyang ginagawa kahit laban sa ebidensiya, matigas ang ulo at ayaw magpatalo, kahit sa labas ng pananampalataya sa kung ano ang pinaka tumama sa kanya. Si Gamaliel, sa kahuli-hulihan ay may pananampalataya, katulad ng kaunting tao sa Israel, sa Mesiyas, na kanyang kinikilala at kanyang nasulyapan sa isang Bata. At siya ay matapat sa mga salita ng Batang iyon... At ganito rin kay Judas. Tigmak katulad niya sa idea tungkol sa Mesiyas, katulad ng pagtanggap nito ng karamihang tao sa Israel, at kung saan siya ay napatatag sa pamamagitan ng unang manipestasyon na nagkaroon siya tungkol sa Akin, nakikita niya at ibig niyang makita ang Kristo bilang hari. Isang panlupa na makapangyarihang hari... at siya ay matapat sa ganitong opinyon. O! gaano karami, kahit sa hinaharap, ang sisirain ang kanilang mga sarili dahil sa may-pagkakamaling konsepto ng pananampalataya, matigas ang ulo laban sa rason! Ngunit ano sa palagay ninyo? Na madaling sundan ang katotohanan at katarungan sa lahat ng bagay? Ano sa palagay ninyo? Na madaling maabot ang kaligtasan dahil lamang ang isa ay si Gamaliel o ang apostol na si Judas? Hindi. Sasabihin Ko sa inyong totoo na mas madali pa para sa isang bata, para sa isang pangkaraniwan na naniniwala na maligtas, kaysa para sa isang itinaas sa isang espesyal na destinasyon o misyon. Sa pangkalahatan ang pagmamalaki ng kanilang bokasyon ay napangingibabawan ang mga tinawag sa isang espesyal na destinasyon, at ang ganitong pagmamalaki ay binubuksan nito ang pintuan kay Satanas at tinatanggihan nito ang Diyos. Mas madali pa para sa mga bituin na bumagsak kaysa para sa mga bato. Ang Isinumpang Isa ay nagsisikap na mawala ang mga bituin at isinasalingit niya ang kanyang sarili nang may panloloko upang maitagilid ang mga pinili at sa gayon maitaob sila. Kung ang sanlibo o sampunlibong mga tao ay bumagsak sa pangkaraniwang mga pagkakamali, ang kanilang kasiraan ay sila lamang ang maaapektuhan. Ngunit kung isang naitalaga sa espesyal na tungkulin ang pumaltos at naging ang instrumento ni Satanas sa halip na instrumento ng Diyos, kanyang tinig sa halip na “akin”, kanyang disipulo sa halip na “akin”, diyan mas malaki ang kasiraan at maaari pang makagawa ng malalalim na salungat na turo, na makapipinsala sa napakaraming kaluluwa. Ang kabutihan na binibigay Ko ay mamumunga nang husto kung ito ay bumagsak sa mapagpakumbabang lupa, na mananatiling mapagpakumbaba. Ngunit kung ito ay bumagsak sa mapagmalaking lupa o naging mapagmalaki gawa ng regalong tinanggap, diyan ang kabutihan nagiging masama. Si Gamaliel ay pinagkalooban ng isa sa unang mga manipestasyon ng Kristo. Iyon dapat ang kanyang naging maagang tawag sa Kristo. Iyan kung bakit bingi siya sa Aking Tinig na tumatawag sa kanya. Si Judas ay pinagkalooban na maging isang apostol: isa sa labindalawang apostol sa gitna ng libu-libong mga tao sa Israel. Iyon dapat ang kanyang naging pagpapakabanal. Ngunit magiging ano ito?... Aking mga kaibigan, ang tao ay ang eternal na Adan... Na kay Adan dati ang lahat. Lahat maliban sa isang bagay. Ginusto niya ang bagay na ito. At kung ang tao ay mananatili lamang na Adan! Kadalasan siyang nagiging Lucifer. Mayroon siya ng lahat maliban sa dibinidad. Gusto niya ito. Gusto niya ang sobrenatural upang makapanggulat, upang mapalakpakan, katakutan, makilala, ipagbunyi... At upang makakuha ng bagay na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay nang libre, yayakapin niya si Satanas, na siyang ang Manggagaya ng Diyos at nagbibigay ng gaya-gayang sobrenatural na mga regalo. O! Gaanong nakapangingilabot ang kahahantungan ng mga dimonyo iyon! Iniiwan Ko kayo, Aking mga kaibigan. Aalis Ako nang sandali. Kailangan Kong ibuhos ang Aking isip tungkol sa Diyos...»

Si Jesus Na balisang-balisa, ay lumabas... Ang mga naiwan: sina Lazarus, Jose, Nicodemus at ang Zealot, ay nagkatinginan.

«Napuna mo ba kung gaano Siya kabalisa?» si Jose ay tinatanong si Lazarus sa mababang tinig.

«Napuna ko. Siya ay tila nakakakita ng isang nakapangingilabot na tanawin.»

«Ano kaya ang maaaring nagpapaalala sa Kanya?» tanong ni Nicodemus.

«Siya lamang at ang Eternal na Ama ang nakaaalam» tugon ni Jose.

«Nalalaman mo ba kung ano ito, Simon?»

«Hindi. Siya ay tiyak na naging malungkot sa loob ng maraming buwan.»

«Iligtas nawa Siya ng Diyos! Ngunit ang poot ay tiyak na lumalago.»

«Oo, Jose. Ang poot ay lumalago... Natatakot ako na ang Poot ay mananaig na sa Pagmamahal.»

«Huwag sabihin ang ganyan, Simon! Kung iyan ay kailangan na mangyari hindi ko na hihingiin ang gumaling! Mas mabuti pang mamatay kaysa makita ang pinaka nakapangingilabot na pagkakamali.»

«Ang pinaka nakapangingilabot na paglalapastangan, ang kailangang sabihin mo, Lazarus.»

«Gayunpaman... ang Israel ay lubos na may kakayahan na gawin iyan. Nakahanda itong gawin ang ginawa ni Lucifer sa pamamagitan ng pakikidigma sa Banal na Panginoon» sabi ni Nicodemus nang may buntung-hininga.

Malungkot na katahimikan ang sumunod, na tila ang bawat isa sa kanila ay may nakabara sa kanyang lalamunan... dumidilim na sa loob ng silid kung saan ang apat na tapat na tao ay nagninilay-nilay tungkol sa mga kriminal sa hinaharap.

040910/051012




Bottom of Form

 



Sunod na kabanata