372. Ang Araw ng Preparasyon. Sa Templo.

Enero 31, 1946.

Si Jesus ay pinasok ang Templo. At mula pa lamang sa pinaka unang mga hakbang sa loob dito maiintindihan kaagad ng isa ang masamang disposisyon ng mga isip sa Nazareno. Tumitingin sila nang masama sa Kanya at nag-uutos sa mga guwardiya ng Templo na bantayan «ang tagagambala», at binibigay nila ang mga ito nang hayagan, upang sana mapakinggan at makita ito ng lahat; sumisigaw sila ng magagaspang na mapanuyang mga salita sa mga kasamahan Niya at tinutulak nilang sadya ang mga apostol... Sa maikling pananalita ang kanilang poot ay gayon na ang mga asal ng mga magagaling na Pariseo, mga eskriba at mga dalubhasa ay magaspang nang higit pa sa aakalain at hindi nila naiisip, nabubulagan katulad nila ng malisya, na ang kanilang ikinikilos ay nagpapababa din sa kanila bilang mga taong nilalang.

Si Jesus ay dumaraan nang kalmante na tila ang kanilang saloobin ay walang pakialam sa Kanya! At kapag nakakakita Siya ng kahit sinong importanteng tao na gawa ng sagradong ranggo o kapangyarihan siya ay nabibilang sa «naghaharing» lipì ng mundo ng Hudyo, Siya ang unang bumabati sa kanya. at kung ang tao na iyon ay hindi gumanti ng pagbati, hindi ni Jesus binabago ang Kanyang pakikiharap. Kapag inilalayo Niya ang Kanyang tingin mula sa mapagmalaking mga taong iyon at makakakita Siya ng isa o mahigit pa ng mabababang-loob na tao sa paligid Niya, ang Kanyang mukha ay magniningning na may napakamagiliw na ngiti. At marami rito ng mga pulubi at mga maysakit na Kanyang inipon na magkasama-sama kahapon at na, sa pamamagitan ng di-inaasahang suwerte, sila ay nasa pusisyon na ngayon na ipagdiwang ang Paskuwa katulad ng baka hindi pa nila naipagdiwang sa loob ng maraming taon, at ngayon biglang pumorma ng mga grupu-grupo at bumibili ng kani-kanilang mga tupa na isasakripisyo, at ang mga kaawa-awang sawing-palad ay nagmumukhang napakasaya dahil sila ngayon ay katulad na ng kahit sino pa man, kapwa sa pamamagitan ng kanilang mga damit at sa kanilang pamamaraan. At Siya ay tumigil at may-kabaitan na nakikinig sa kanila, sa kanilang mga resolusyon, sa kanilang kamangha-manghang mga kuwento, sa kanilang mga pagpapalà... Matatanda, mga bata, mga balo, mga may sakit kahapon: ngayon magaling na; mga miserable, tagpi-tagpi, nagugutom, nangungulila kahapon; ngayon bihis at masaya upang maging katulad ng iba pang mga tao sa mga araw ng dakilang Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura!

Si Jesus ay binabati, sinasabayan at sinusundan ng sari-sari’t iba't ibang mga tinig, mula sa malaplatang mga tinig ng mga bata hanggang sa nanginginig na mga tinig ng matatandang tao at sa pagitan ng dalawang mga tinig na ito ay nariyan ang susukut-sukot na mga tinig ng mga babae. Ang mga halik ay umuulan sa Kanyang mga damit at sa Kanyang mga kamay. At si Jesus ay ngumingiti at nagpapalà habang ang Kanyang mga kaaway, na namumutla sa galit katulad na si Jesus ay nagniningning sa kapayapaan, ay nabubuwisit sa walang-puwersang pagngangalit.

Nakakarinig ako ng pira-pirasong paguusap...

«Tama ka! Ngunit kung magtaas tayo ng kamay, sila (at ang isang Pariseo ay tinuturo ang mga taong sumisiksik sa paligid ni Jesus) ay lalapain tayo.»... «Isipin na lang! Inipon Niya tayo, pinakain Niya tayo, binigyan Niya tayo ng mga damit at pinagaling tayo, at marami ang nakakita ng trabaho at tulong sa pamamagitan ng Kanyang mayayamang disipulo. Ngunit sa katunayan, ang lahat ay nanggaling sa Kanya, harinawang lagi Siyang iligtas ng Diyos!» sabi ng isang lalaki, na maaaring kahapon ay may sakit at isang pulubi.

... «Hindi kataka-taka! Ganyan ang rebelde mangsuhol ng mga tao, at pagalawin sila laban sa atin» sabi ng isang eskriba nang nananakot, nagsasalita sa isang kasama.

«Ang isa sa Kanyang mga babaeng disipulo ay kinuha ang aking pangalan at sinabi niya sa akin na pumunta ako sa kanya pagkatapos ng Paskuwa, sapagkat dadalhin niya ako sa kanyang ari-arian sa Bether. Nalalaman mo ba kung ano ang ibig sabihin niyan? Dadalhin niya ako at ang aking mga anak. Kung gayon ako ay magtatrabaho. Magandang magtrabaho kapag ang isa ay protektado at ligtas. At ang aking Levi ay hindi na magbibiyak ng likod sa pagtatrabaho sa mga bukid. Ang ginang na magdadala sa amin ay gagamitin siya sa mga hardin ng mga rosas... ito ay magiging isang pampalipas-oras, sasabihin ko! Ah! Harinawang ang Eternal na Ama ay magkaloob ng kaluwalhatian at kabutihan sa Kanyang Mesiyas!» sabi ng balo mula sa kapatagan ng Sharron sa isang may-kayang Israelitang babae, na nagtatanong sa kanya.

«O! at ako ba ay hindi makakatulong?... Kayo bang lahat ay may paglalagyan na, kayo na mga inipon kahapon?» tanong ng isang mayaman na Israelita.

«Hindi, hindi pa, babae. May ilan pang mga balo na may mga anak at ilang mga lalaki.»

«Gusto kong tanungin Siya kung pahihintulutan Niya akong makatulong sa Kanya.»

«Tawagin Siya.»

«Hindi akò maglalakas-loob.»

«Lakad, Levi at sabihin sa Kanya na ang isang babae ay ibig na makausap Siya...»

Ang batang lalaki ay tumakbong umalis at pinaalam si Jesus.

Pansamantala ang isang Saduseo ay minamaltrato ang isang matandang lalaki na nagtuturo sa gitna ng isang pulutong mula sa ibayo ng Jordan at umaawit ng mga papuri sa Guro ng Galilee.

Ang matandang lalaki ay pinagtatanggol ang kanyang sarili nagsasabing: «May ginagawa ba akong masama? Gusto mo bang mapuri? Ang tanging gagawin mo ay ang gawin kung ano ang ginagawa Niya. Ngunit ikaw, patawarin ka nawa ng Diyos, ay pinandidirihan mo ang karukhaan at ang katandaan, sa halip na mahalin sila, sapagkat ikaw ay isang huwad na Israelita, dahil hindi mo iginagalang ang Deuteronomio sa pamamagitan ng pagkakaroon ng awa sa mahihirap.»

«Napakinggan mo ba iyon? Iyan ang resulta ng doktrina ng pasimuno! Tinuturuan Niya ang pangkaraniwang mga tao na alimurahin ang mga santo ng Israel.»

Ang isang pari ng Templo ay tumugon sa kanya: «Ngunit ito ay kagagawan natin, kung iyan ang mangyari! Wala tayong ginagawa bagkus ang manakot, nang hindi iyan isinasagawa!»

... Si Jesus pansamantala ay nagsasabi sa babae ng Israel: «Kung talagang ibig ninyong maging isang ina sa mga ulila at isang kapatid na babae sa mga balo, pumunta sa palasyo ni Chuza sa Sixtus. Sabihin kay Johanna na pinadala Ko kayo. At harinawang ang lupa ay maging kasing mabunga sa iyo katulad sa Eden, dahil sa inyong habag. At harinawang ang inyong puso ay maging mas mabunga sa isang palalim pa nang palalim na pagmamahal para sa inyong kapwa.»

Kasabay nito nakita Niya ang mga guwardiya na hinihila ang matandang lalaki na nagsasalita kanina. Siya ay sumigaw: «Ano ang inyong ginagawa sa matanda? At ano ang kanyang nagawa?»

«Ininsulto niya ang mga opisyal na mga nangangaral sa kanya.»

«Iyan ay hindi totoo. Ang isang Saduseo ay minaltrato ako sapagkat nagsasalita ako tungkol sa Inyo sa mga peregrinong iyon. At sa dahilan na nagtaas siya ng kamay laban sa akin, dahil ako ay matanda at mahirap, sinabi ko sa kanya na siya ay isang huwad na Israelita na yumuyurak sa mga salita ng Deuteronomio.»

«Pakawalan ang matanda. Siya ay kasama Ko. Nagsalita siya ng katotohanan. Hindi sinseridad: Katotohanan. Kung ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng mga labì ng mga bata, nagsasalita din Siya sa pamamagitan ng mga labì ng matatanda. Ito ay nakasulat: “Huwag kamuhian ang isang tao sa kanyang matandang edad, sapagkat ang mga tumanda ay pag-aari namin”. Ito ay nakasulat din: “Huwag bale-walain ang pagsasalita ng marunong,  maging sanay sa kanilang mga kasabihan, dahil mula rito matututunan ninyo ang karunungan at ang teoriya ng katalinuhan”, at: “Huwag maging madaldal kung saan may matatandang tao”. Gawin ang Israel na tandaan iyan, ang bahagi ng Israel na nagsasabi na iyan ay perpekto, kung hindi ang Kataastaasan ay pasisinungalingan iyan. Ama, halika rito sa tabi Ko.»

Ang matandang lalaki ay nilalapitan si Jesus, habang ang mga Saduseo, naipit ng paninita, ay umalis na galít.

«Ako ay isang Hudyo ng Diaspora, o! hinihintay na Hari. Maaari ko ba Kayong paglingkuran katulad ng babaeng iyon na pinapupunta Ninyo kay Johanna?» sabi ng isang babae, na kamukhang-kamukha ng babaeng iyon, na nagngangalang Nicky, na siyang pumunas sa mukha ni Jesus sa Golgotha at tumanggap sa Bimpo. Ngunit ang mga babaeng Hudyo ay labis na magkakamukha at pagkaraan ng maraming buwan pagkatapos ng bisyon na iyon, maaari akong magkamali.

Si Jesus ay tinitingnan siya. Nakikita Niya ang isang babae na mga apatnapung taong gulang, maayos ang pananamit, na may prangkong pakikitungo. Tinanong Niya siya: «Ikaw ay isang balo, hindi ba?»

«Oo, ako nga. At wala akong mga anak. Kababalik ko pa lamang kamakailan at nakabili ako ng ilang lupa sa Jericho, upang mapalapit sa Banal na Siyudad. Ngunit ngayon nakikita ko na Kayo ay mas dakila pa kaysa rito. At susundan ko Kayo. At nakikiusap ako sa Inyo na tanggapin ako bilang Inyong katulong. Napakinggan ko ang tungkol sa Inyo mula sa Inyong mga disipulo, ngunit nahihigitan Ninyo kung ano ang sinabi nila sa akin.»

«O sige. Ngunit ano talaga ang gusto mo?»

«Ang matulungan Kayo sa mahihirap na tao at gawin ang mga tao na mahalin Kayo at makilala Kayo, hanggang sa magagawa ko. Marami akong kilalang mga tao sa mga kolonya ng Diaspora, dahil madalas kong sundan ang aking asawa sa kanyang pangangalakal. Ako ay may pamamaraan, ngunit nangangailangan ako ng kaunti para sa aking sarili. Kung kaya't makagagawa ako ng malaki-laki. At nananabik akong makagawa ng mas higit pa alang-alang sa Inyo at makapagdasal para sa kaluluwa niya na nagpakasal sa akin dalawampung taon na ang nakararaan at siyang aking mapagmahal na kasa-kasama hanggang sa siya'y naputulan ng hininga. Sinabi niya sa akin nang siya ay namamatay. Tila siya naghuhula: “Kapag ako ay patay na, dalhin ang laman kong ito, na nagmahal sa iyo, sa puntod at bumalik sa bayan natin. Matatagpuan mo ang Pinangakong Isa. O! makikita mo Siya! Hanapin Siya at sundan. Siya ay ang Tagapagtubos at ang Bumubuhay-Muli at bubuksan Niya ang pintuan ng Buhay sa akin. Maging mabait at tulungan ako na maging handa kung bubuksan na Niya ang Langit sa mga walang pagkakautang sa Hustisya at maging mabuti upang marapatin na makita Siya kaagad. Manumpa na gagawin mo ang ganyan at gagawin mo ang di-nagbubungang mga luha ng pagiging balo na maging aktibong lakas. Sundan ang halimbawa ni Judith, aking giliw, at ang lahat na mga nasyon ay malalaman ang iyong pangalan”. Ang aking kaawa-awang asawa! Hinihingi ko lamang sa Inyo na kilalanin ako...»

«Makikilala kita bilang isang mabuting disipulo. Makalalakad ka rin patungo kay Johanna at harinawang samahan ka ng Diyos.»

... Kasing abalá katulad ng mga pukyutan ang mga kaaway ni Jesus ay inatake Siyang muli habang Siya ay patungo sa bakuran ng Templo, pagkatapos na maisakripisyo Niya ang Kanyang tupa at naghihintay para maisakripisyo ang mga tupa ng Kanyang mga disipulo, upang magkaroon ng sapat para sa lahat.

«Kailan Ka titigil sa pagkukunwari bilang isang hari? Ikaw ay hindi isang hari! At hindi Ka isang propeta! Hanggang kailan Ka manghihimasok sa aming kabaitan, Ikaw na makasalanan, rebelde at dahilan ng kasamaan sa Israel? Ilang beses Ka ba namin kailangan sabihan na wala Kang karapatan na tumayo bilang isang Rabbi rito?»

«Ako ay naparito upang magsakripisyo ng isang tupa. Hindi ninyo maipagbabawal iyan. Maging ano pa man paaalalahanan Ko kayo tungkol kina Adonijah at Solomon.»

«Ano ang pakialam nila rito? Ano ang ibig Mong sabihin? Ikaw ba ay si Adonijah?»

«Hindi. Si Adonijah ay ginawa ang kanyang sarili na hari sa pamamagitan ng pandaraya, ngunit ang Karunungan ay nanonood at nagpapayo, at si Solomon lamang ang naging hari. Hindi Ako si Adonijah. Ako ay si Solomon.»

«At sino si Adonijah?»

«Lahat kayo.»

«Kami? Papaano Mo nasasabi iyan?»

«Sa pamamagitan ng katotohanan at katarungan.»

«Sumusunod kami sa Batas, sa bawat punto nito, naniniwala kami sa mga propeta at...»

Hindi. Hindi kayo naniniwala sa mga propeta. Binanggit nila Ako, ngunit hindi kayo naniniwala sa Akin. Hindi kayo sumusunod sa Batas. Nagtatakda ito ng makatarungang mga gawa, na hindi ninyo ginagawa. Kahit na ang mga pag-aalay, na siyang ipinunta ninyo rito na gawin, ay hindi tapat. Ito ay nakasulat: “Ang pagsakripisyo ng isang alay na di-makatarungan na nakuha ay isang panunuya”. Ito ay nakasulat: “Ang Kataastaasan ay hindi nasisiyahan sa mga alay mula sa masasamang tao, hindi Niya binibigyan ng pansin ang kanilang mga alay, ang pagpaparami ng mga sakripisyo ay hindi makakakuha ng kapatawaran para sa kasalanan”. Ito ay nakasulat: “Ang pag-aalay ng sakripisyo mula sa ari-arian ng mahirap ay kasing samâ ng pagpatay sa isang anak sa harapan mismo ng pinaka mata ng kanyang ama”. Iyan ang nakasulat, Johanan! Ito ay nakasulat: “Ang kakarampot na pagkain ay ang pinaka buhay ng mahirap, siya na nagpipigil dito ay isang tao ng dugo”. Iyan ang nakasulat, Ishmael! Ito ay nakasulat: “Ang isang tao ay pinapatay ang kanyang kapwa kung pinagnanakawan niya siya ng kanyang ikinabubuhay”. Iyan ang nakasulat, o Doras anak ni Doras. Ito ay nakasulat: “Siya na nagpapadanak ng dugo at siya na nagpipigil sa suweldo ng mga empleado ay magkapatid”. Iyan ang nakasulat, o Johanan, Ishmael, Hananiah, Doras, Jonathan. At tandaan na nakasulat din: “Sinuman ang nagbibingi-bingihan sa mga iyak ng mahihirap, ay iiyak din, ngunit hindi rin siya pakikinggan”. At ikaw Eleazar ben Annas, ay tandaan at paalalahanan ang iyong ama na ito ay nakasulat: “Gawin ang Aking mga pari na maging banal, hindi dapat nilang pahintulutan ang kanilang mga sarili na makuntamina kahit ano pa man ang maging dahilan”. At ikaw, Cornelius, ay mabuting malaman mo na ito ay nakasulat: “Ang sinuman na manungayaw sa ama at ina, ay kailangang mamatay”,  at ang kamatayan ay hindi lamang binibigay ng tagabitay. Ang mas mahigpit na kamatayan ang naghihintay sa mga nagkakasala sa kanilang mga magulang: ang eternal na nakapangingilabot na kamatayan. At ikaw, Tolmé, tandaan na ito ay nakasulat: “Siya na nagsasagawa ng mahika, ay Aking pupuksain”. At ikaw, Sadoc, ginintuang eskriba, tandaan na sa pagitan ng isang nakikiapid at sa kanyang bugaw ay walang pagkakaiba sa mga mata ng Diyos at na ito ay nakasulat na siya na nanunumpa ng kasinungalingan ay tutupukin ng walang-kamatayang apoy. At sabihin sa kanya, na nakalimot dito, na siya na nagpakasal sa isang birhen at nang siya ay nagsawa na sa kanya, tatalikuran niya siya sa pamamagitan ng di-totoong mga akusasyon, ay kailangan na isumpa. O! hindi sa mundong ito. Sa hinaharap na buhay, dahil sa kanyang panloloko, sa kanyang panunumpa nang walang katotohanan, sa pinsala na nagawa sa kanyang asawa at dahil sa kanyang pakikiapid. Ano? Lahat ba kayo ay tumatakbo? Sa harapan ng Walang-Laban na Isa Na nagsasalita ng mga salita na hindi Kanyang sarili, bagkus nanggaling sa mga taong inyong sinasabing mga santo ng Israel, sa gayon hindi ninyo masasabi na ang Walang-Laban na Isa ay isang nanlalapastangan, sapagkat kung sasabihin ninyo iyan, tatawagin ninyong mga nanlalapastangan ang mga Aklat ng Karunungan at ang mga Aklat ni Moses, na idinikta ng Diyos? Kayo ba ay tumatakbo mula sa Walang -Laban na Isa? Baka kaya ang Aking mga salita ay mga bato? O ang mga ito kaya ay nanggigising sa inyong mga konsiyensya sa paghampas sa matigas na tanso ng inyong tumigas na mga puso, at ang inyong mga konsiyensya ay naramdaman na kanilang katungkulan ang mapadalisay, hindi lamang sa inyong mga katawan, sa Araw ng Paghahandang ito, upang makain ninyo ang banal na tupa nang wala kahit anong kasalanan ng karumihan? O! kung ganito ito, purihin ang Panginoon! Sapagkat, sa dahilan na ibig ninyong mapuri bilang marurunong na tao, tandaan na totoong karunungan ang makilala ang sarili, ang ikumpisal ang mga pagkakamali ng sarili, ang magsisi at sa gayon ipagdiwang ang mga ritwal na may “totoong” debosyon. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng pagsamba at ritwal ng inyong mga kaluluwa, at hindi sa pamamagitan ng panlabas na kulto... Sila ay lumayas na! Tayo rin ay umalis na upang bigyan ng kapayapaan ang mga naghihintay para sa atin...»

112712

 



Sunod na kabanata