373. Ang Araw ng Preparasyon. Sa mga Kalsada ng Herusalem.

Pebrero 2, 1946.

Sila ay lumabas sa Templo, na nag-uumapaw sa mga tao at dumagsa patungo sa namumutiktik na mga kalsada, kung saan ang lahat ay nagmamadali sa huling mga preparasyon para sa Paskuwa at ang mga náhuling dumating ay balisang naghahanap ng isang silid, isang bulwagan, kahit anong lugar na lamang, na magagamit na isang silid-hapunan, kung saan makakain ang tupa.

Madali kung gayon na makatagpo ng mga tao ngunit madali din na hindi makilala ang isa’t isa sa siksik na balisang pulutong, dahil makikita ng isa ang mga mukha ng lahat na edad, ng lahat ng mga rehiyon kung saan may mga Israelita, at kung saan ang purong dugo ng Israel, sa pamamagitan ng paghahalo ng dugo o sa simpleng sa pamamagitan ng panggagaya, ay naging katulad ng ibang mga lahi. Ang isa kung gayon ay makakakita ng mga Hudyo na nagmumukhang mga Ehipsiyo o nagmumukhang mga Nubian dahil sa kanilang makapal na nakausling mga labì, pangong mga ilong at may-anggulong mukha; ang iba na may maliliit na pinong mga katangian, balingkinitan na mga katawan, matatalinong mga mata ay magagawa ang isa na maintindihan na sila ay mula sa mga kolonya ng Griyego o nahaluan ng mga Griyego; samantalang ang matataas na maskuladong mga lalaki, na may kung baga kudradong mga mukha, ay malinaw na nagpapakita na sila ay kaugnay ng lahing Latino; at marami ang sasabihin ng modernong mga tao na sila ay mga Circassian o mga Persian na may hawig sa mga matang Mongolian o Indian sa pinaka maputing mga mukha ng una at sa kulay-olibong mga mukha ng huli. Isang magandang kaleidoskopy ng mga mukha at mga kasuutan! Ang resulta ay ang mga mata ng isa ay mapapagod at magtatapos na nakatingin na walang nakikita. Ngunit kung ano ang nakakalampas sa isa ay napupuna ng iba.

Maiintindihan kung gayon na kung ano ang nakalalampas sa Guro, Na laging buhos sa pag-iisip kapag Siya ay iniiwan sa kapayapaan, nang hindi tinatanong, ay napupuna ng isang ito o ng isang iyon ng Kanyang mga tagasunod. At ang mga apostol, ang mga mas malapit kay Jesus, ay nagtuturo sa isa’t isa kung ano ang kanilang nakikita at mag-uusap-usap sa mabababang tinig gumagawa ng makamundong mga komentaryo... tungkol sa mga taong kanilang tinuturo.

Isa sa masasakit na komentaryo tungkol sa isang dating disipulo na dumaan nang nagmamalaki, nagkukunwaring hindi niya sila nakikita, ay napakinggan ni Jesus, Na nagtanong: «Para kanino ninyo tinutuon ang mga salitang iyon?»

«Sa utu-utong iyon sa banda roon» sabi ni Santiago ni Zebedeo . «Nagkunwari siyang hindi tayo nakikita, at hindi lamang siya ang nag-iisa. Ngunit nang gusto niyang mapagaling at naghahanap para sa Inyo, nakita niya tayo! Sana magkaroon siya ng isang nakapipinsalang bukol!»

«Santiago!! Ikaw ba ay nakatayo sa tabi Ko na may ganyang mga pakiramdam habang naghahanda kainin ang tupa? Sa katotohanan ikaw ay mas pabagu-bago kaysa sa kanya. Siya ay tumiwalag nang lantaran nang maramdaman niya na hindi niya magagawa ang Aking sinabi. Ikaw, sa halip, ay nanatili ngunit hindi mo ginagawa ang Aking sinasabi. Ikaw kaya ay hindi ang mas malaking makasalanan kaysa sa kanya?»

Si Santiago ay lubos na namumula na siya ay nagmumukhang nabubulunan, at iniwan niya ang kanyang mga kasamahan, dahil siya ay napahiya.

«Masakit na makita silang kumikilos nang ganyan, Guro!» sabi ni Juan upang suportahan ang kanyang kapatid na napagalitan. «Ang ating pagmamahal ay nagrerebelde nakikita ang kanilang pagtiwalag...»

«Siyempre. Ngunit sa palagay mo ba madadala ninyo silang pabalik sa pagmamahal sa pagkilos ng ganyan? Ang walang-pagpitagan na mga kilos, masasamang salita, mga insulto ay hindi kailanman nakakuha ng isang kalaban o isang tao na may ibang opinyon patungo sa kung saan siya dapat madala. Ito ay sa pamamagitan ng kabaitan, tiyaga, karidad, pagpupursige sa kabila ng mga pagtanggi, na makakamit ninyo ang inyong pakay. Naiintindihan Ko at kinaaawaan ang inyong mga puso, na naghihirap nakikita na Ako ay hindi minamahal. Ngunit gusto Kong makita at malaman na kayo ay mas sobrenatural sa inyong mga kilos at pamamaraan na magawa Akong mahalin. Sige na Santiago, halika rito. Hindi Ako nagsalita upang ipahiya ka. Tayo ay magmahalan at magkaunawaan, sa pagitan man lamang natin, Aking mahal na mga kaibigan... Mayroon nang labis na di-pagkakaunawaan at kapighatian para sa Anak ng tao!»

Si Santiago, na masaya na muli, ay bumalik sa tabi Niya.

Sila ay naglakad nang matagal-tagal sa katahimikan, pagkatapos si Tomas ay sumambulat ng kumukulog na sigaw: «Ngunit totoong nakakahiya iyon!»

«Alin?» tanong ni Jesus.

«Ang kalupitan ng napakaraming mga tao! Guro, hindi ba Ninyo makita kung gaano karami ang nagkukunwaring hindi nila Kayo nakikilala?»

«Ano kung gayon? Ang kanila bang ginagawa ay makapagbabago ng kahit katiting sa kung ano ang naisulat na tungkol sa Akin? Hindi, hindi nito mababago. Ang tungkol lamang sa maisusulat tungkol sa kanila ang mababago. Sapagkat sa eternal ng mga aklat maaaring sabihin ang tungkol sa kanila: “Mabubuting disipulo”, samantalang ang isusulat: “Sila ay hindi mabubuti, ang pagdating ng Mesiyas ay walang kahulugan sa kanila”. Nakakapangilabot na mga salita, alam n’yo? Mas masahol pa kaysa: “Sina Adan at Eba nagkasala”. Sapagkat makakansela Ko ang kasalanan na iyan. Ngunit hindi Ko makakansela ang kasalanan ng mga nagkaila sa Salita na Tagapagligtas... Ating kunin ang daan na ito. Titigil Ako kasama ang Aking mga kapatid, kasama si Simon Pedro at si Santiago sa arabal ng Ophel. Si Judas ni Simon ay mananatili ding kasama Ko. Ngunit sina Simon Zealot, si Juan at si Tomas ay pupunta sa Gethsemane upang kunin ang mga bag...»

«Oo, kung gayon ang tupa ni Jonah ay hindi baba sa kanyang lalamunan sa maling daan» sabi ni Pedro, na nagagalit pa rin. Ang iba ay tumawa...

«Maging mabuti! Walang dahilan na magtaka kung siya ay natatakot. Baka magkaganyan din kayo bukas.»

«Ako, Guro? Ang karagatan ng Galilee ay mas maaari pang maging alak kaysa sa ako matakot» sabi ni Pedro nang makumpiyansa.

«Datapwa’t... noong nakaraang gabi... O! Simon! Hindi ka nagmumukhang napakatapang sa hagdanan ng palasyo ni Chuza» wika ni Judas ng Kerioth nang nakakasakit, nang hindi masyadong  kakatwa... ngunit sapat nang mapanuya upang masaktan si Pedro.

«Ako ay natakot para sa Panginoon, iyan kung bakit ako nag-aalala! Hindi para sa ibang rason.»

«Mabuti! Umasa tayo na tayo ay hindi... kailanman matatakot, upang hindi tayo maghitsurang masama, eh!» tugon ni Judas ng Kerioth, tinatapik siya sa balikat, mapagprotekta at may malisya...

Sa ibang mga sandali ang kanyang asal ay nakakuha sana ng reaksiyon. Ngunit si Pedro, mula pa nang nakaraang gabi, ay puno ng... paghanga para kay Judas at tiniis niya siya sa lahat.

Si Jesus ay nagsabi: «Felipe at Natanael kasama sina Andres at Mateo, pakiusap na pumunta sa palasyo ni Lazarus at sabihin sa kanila na kami ay darating.»

Ang apat na apostol ay umalis at ang iba ay nagpatuloy kasama ni Jesus. Ang mga disipulo, maliban kina Stephen at Isaac, ay sumama sa mga apostol na pinapunta sa palasyo.

Sa arabal ng Ophel ay may mga pag-alis pa. Ang mga patungo sa Gethsemane ay umalis nang mabilis kasama si Isaac. Si Stephen ay nanatiling kasama sina Jesus, ang mga anak ni Alfeo, si Pedro, si Santiago at ang Iskariote at upang maiwasan ang tumigil sa sangahan ng mga daan, sila ay nagpatuloy nang mabagal sa direksiyon na kinuha rin ng mga patungong Gethsemane. Nagpatuloy sila sa maliit din na kalsada kung saan si Jesus ay pararaanin ng Kanyang mga tagapagpahirap sa gabi ng Huwebes Santo.  Ngayon, mga katanghalian, ito ay walang tao. Pagkaraan ng maikling distansiya nakarating sila sa isang maliit na liwasan na may pontanya na nalililiman ng isang puno ng igos, na ibinubukas ang maliliit na malalambot na dahon nito sa itaas ng kalmado tubig.

«Ayón si Samuel ni Annaleah» sabi ni Santiago ni Alfeo, na maaaring nakakakilala sa kanya nang husto. Ang binata ay papasók sa isang bahay dala-dala ang isang tupa... at iba pang makakain.

«Hinahanda niya ang hapunan ng Paskuwa para din sa kanyang kamag-anak» wika ni Judas ni Alfeo.

«Dito na ba siya nakatira ngayon? Hindi ba siya umalis?» tanong ni Pedro.

«Oo, dito na siya tumitira. Sabi nila na lumalandi siya sa anak ni Cleopas, ang gumagawa ng mga sandalyas. Ang babae ay mayaman...»

«Ah! Kung gayon bakit niya sinasabi na iniwan siya ni Annaleah?» tanong ng Iskariote. «Iyan ay kasinungalingan!»

«Ang tao ay madalas gumagamit ng mga kasinungalingan. At hindi niya nalalaman na sa paggawa ng ganito kinukuha niya ang maling landas. Ang unang hakbang, isang hakbang, ay sapat na, at ang isa ay hindi na makakawala... Iyan ay ipot ng ibon... iyan ay isang labirinto... isang patibong... Isang pababang patibong...» sabi ni Jesus kay Judas Iskariote.

«Nakakaawa! Tila siya isang mabuting tao nang nakaraang taon» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Oo. Talagang akala ko gagayahin niya ang kanyang kasintahan itinutuon ang kanyang sarili nang ganap sa Inyo at pinoporma ang isang mag-asawang mga anghel at Inyong mga katulong. Napanumpaan ko pa nga sana ito!...»

«Aking mahal na Simon! Huwag kailanman manumpa sa hinaharap ng tao. Ito ang pinaka di-tiyak sa lahat ng mga bagay. Walang elemento, na naroroon sa oras ng panunumpa, ang makapaggagarantiya sa isang ligtas na sumpa. May mga kriminal na nagiging mga santo, at may mga makatarungang tao, o parang makatarungan, na nagiging mga kriminal» si Jesus ay tumugon sa kanya.

Si Samuel pansamantala, pagkatapos na makapasok sa bahay, ay lumabas muli upang kumuha ng tubig sa pontanya... Sa gayon nakita niya si Jesus. Tinitingnan niya Siya na may kitang-kitang panghahamak at sumigaw sa Kanya ng tiyak na isang insulto, bagama't hindi ko naintindihan ito, dahil ito ay winika sa salitang Hebreo.

Ang Iskariote ay tumalon nang bigla na lamang papunta sa harapan, hinawakan niya siya sa braso, niyuyugyog siya katulad ng isang puno mula kung saan gusto ng isa makakuha ng laglag na bunga: «Ganyan ka ba kung magsalita sa Guro, ikaw na makasalanan? Baba, sa iyong mga tuhod, kaagad! Humingi ng paumanhin sa Kanya, ikaw na mabaho ang dila ng isang maruming baboy! Baba! O kung hindi babaliin ko ang iyong leeg!» Ang guwapong si Judas ay galit-na-galit sa kanyang biglang kainitan! Ang kanyang hitsura ay nagbagong nakakatakot. Si Jesus ay nagsisikap na mapakalma siya ngunit walang mangyari. Hindi ni Judas pinakakawalan ang binata hanggang nakita niya siyang nakaluhod sa maputik na lupa sa paligid ng pontanya.

«Patawarin ako» sabi ng walang-suwerteng tao sa pagitan ng kanyang mga ngipin, nararamdaman ang mga daliri ni Judas na nagpapasakit sa kanya katulad ng mga pang-ipit. Ngunit sinasabi niya ito nang napakasamâ, dahil lamang siya ay napipilitan.

Si Jesus ay tumugon: «Ako ay hindi nagagalit. Ngunit ikaw ay galít pa rin, sa kabila ng iyong sinasabi. Ang mga salita ay walang silbi maliban kung ito ay binibigkas ng puso ng isa. Ngunit minumura mo pa rin Ako sa loob ng iyong puso. At ikaw kung gayon ay nagkakasala nang doble. Sapagkat inaakusahan mo Ako at kinapopootan para sa isang rason, na sinasabi sa iyo ng iyong konsiyensya, sa kaibuturan nito, na hindi totoo. At dahil ikaw lamang ang nasa pagkakamali, hindi si Annaleah, hindi Ako. Ngunit pinatatawad kita sa lahat. Humayo at magsikap na maging tapat at kaaya-aya sa Diyos. Pakawalan siya, Judas.»

«Ako ay aalis. Ngunit kinapopootan ko Kayo! Iniligaw Ninyo si Annaleah, at napopoot ako sa Inyo...»

«Ngunit nakatagpo ka ng konsolasyon kay Rebecca, ang anak ng gumagawa ng mga sandalyas. At naghahanap ka ng konsolasyon mula pa nang si Annaleah ay naging iyong katipan, at kahit may sakit, ikaw lamang ang kanyang iniisip...»

«Ako ay isang balo... Sa isip ko ako ay isa nang balo... at ako ay naghahanap para sa isang asawa... Bumalik na ako ngayon kay Rebecca sapagkat... sapagkat ayaw ni Annaleah sa akin» sabi ni Samuel upang mapangatwiranan ang sarili, nang kanyang matanto na ang kanyang kalokohan ay nadiskubre na.

Si Judas Iskariote ay naghinuha: «... at sapagkat si Rebecca ay napakayaman. Siya ay kasing pangit ng isang gamit-na-gamit na sandalyas... at kasing tanda ng isang suwelas na nawala sa daan... ngunit mayaman, o! napakayaman!...» at siya ay tumatawa nang mapanuya, habang ang iba ay tumatakbong umaalis.

«papaano mo nalalaman?» tanong ni Pedro.

«O!... madali itong malaman kung saan may mga birhen at pera!»

«Bueno! Maaari bang kunin natin ang maliit na kalsadang ito, Guro? Ang liwasan na ito ay kasing init ng isang hurno. Ito ay nalililiman at mahangin»

Sila ay naglalakad nang dahan-dahan, hinihintay ang iba na makabalik. Ang kalsada ay walang katau-tao.

Ang isang babae ay lumabas mula sa isang pintuan at nagpatirapa sa paanan ni Jesus umiiyak.

«Ano ang nangyayari?»

«Guro!... Kayo ba ay napadalisay na?»

«Oo. Bakit mo Ako tinatanong?»

«Sapagkat ibig kong masabi sa Inyo... Ngunit hindi Ninyo siya malalapitan. Siya ay bulok na lahat... Ang sabi ng doktor siya ay apektado. Tatawagin ko ang pari pagkatapos ng Paskuwa... at... ang Hinnom ay tatanggapin siya. Huwag sabihin na ito ay kasalanan ko. Hindi ko nalalaman... Nagtrabaho siya sa Joppa nang maraming buwan at siya ay bumalik nagsasabi na nasugatan niya ang kanyang sarili. Gumamit ako ng mga balsamo at pinaliguan ko siya sa pamamagitan ng mababangong yerba... Ngunit hindi ito nakatulong. Lumapit ako sa isang nanggagamot sa pamamagitan ng mga yerba. Binigyan niya ako ng ilang pulbos para sa dugo... Hiniwalay ko ang mga bata... ang kama... sapagkat nakikita ko na. Siya ay lumala. Pinatawag ko ang doktor. Sinabi niya sa akin: “Babae, nalalaman mo kung ano ang iyong tungkulin at nalalaman ko ang akin. Iyan ay isang pagkasugat gawa ng kahalayan. Ihiwalay mo siya sa iyong sarili, ihihiwalay ko siya sa mga tao, ang pari ihihiwalay siya sa Israel. Naisip niya sana ito nang sinasaktan niya ang Diyos, ikaw at ang kanyang sarili. Hayaan siyang magbayad para sa kasalanan ngayon”. Nangako siyang hindi magsasalita ng kahit ano hanggang pagkatapos ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura. Ngunit kung Kayo ay may awa sa nagkasala, sa akin na nagmamahal sa kanya at sa limang inosenteng mga bata...»

«Ano ang ibig mong gawin Ko para sa iyo? Hindi ba sa palagay mo na siya na nagkasala ay kailangan na magbayad para sa kasalanan?»

«Oo, Panginoon! Ngunit Kayo ang Buháy na Awa!» Ang lahat na pananampalataya na maaaring magkaroon ang isang babae ay nasa kanyang tinig, sa kanyang mga mata, sa kanyang nakaluhod na aktitud, na ang kanyang mga kamay nakaunat patungo sa Tagapagligtas.

«At ano ang mga nararamdaman ng iyong asawa?»

«Siya ay nawawalan ng pag-asa... Ano pa ang maaari siyang maging, Panginoon?»

«Isang sobrenatural na pakiramdam ng pagsisisi, ng katarungan ay magiging sapat na upang makakuha ng awa!...»

«Katarungan?»

«Oo. Kailangan sabihin niya: “Ako ay nagkasala. Ang aking kasalanan ay karapat-dapat nito at higit pa, ngunit hinihingi ko sa mga nasaktan ko na magkaroon ng awa sa akin”.»

«Nagkaroon na ako ng awa sa kanya. Kayo, Diyos, maawa sa kanya. hindi ko masasabi sa Inyo: pasok Kayo... Ni hindi ko Kayo hihipuin mismo... Ngunit kung gugustuhin Ninyo tatawagin ko siya at gagawin ko siyang magsalita mula sa terasa.»

«Oo, gawin mo.»

«Ang babae, na ang kanyang ulo nasa loob ng bahay, ay sumigaw sa malakas na tinig: «Jacob! Jacob! Umakyat sa bubungan, Dumungaw. Huwag matakot.»

Pagkaraan nang kaunti at lalaki ay lumitaw sa parapet ng terasa. Ang kanyang mukha ay manilaw-nilaw at namamaga, ang kanyang leeg at isang kamay ay may bendahe... ang labí ng isang naapektuhan na tao... Tumitingin siya na may nagtutubog na mga mata ng isang tao apektado ng kahiya-hiyang sakit. Nagtanong siya: «Sinong may kailangan sa akin?»

«Jacob, ang Tagapagligtas ay naririto...» Ang babae ay hindi na nagsalita pa ng iba bagkus tumitingin siya na tila ibig niyang mahipnotismo ang may sakit na lalaki at paratingin sa kanya ang kanyang naiisip...

Ang lalaki, kung naramdaman man niya ang naiisip ng kanyang asawa, o sa pamamagitan ng isang kusang pagkilos, ay iniunat ang kanyang mga kamay at nagsabi: «O! palayain ako! Naniniwala ako sa Inyo! Nakakatakot ang mamatay nang ganito!»

«Nakakatakot ang makalimot sa katungkulan ng isa. Hindi mo inisip iyan! Hindi mo inisip ang tungkol sa iyong mga anak!»

«Maawa, Panginoon... Sa kanila, sa akin... Patawarin ako!» at siya ay sumandal sa mababang pader umiiyak. Ang kanyang may-bendaheng kamay ay nakausli pati na rin ang kanyang braso, na walang takip dahil ang kanyang manggas ay nakalilis pataas at ito ay may mga bukol, at namamaga: isang nakakadismayang tanawin... Ang lalaki, sa kanyang kasalukuyang pusisyon, ay katulad ng isang makabre na manikin o isang labí na iniwan doon at malapit nang maaagnas. Isang nakakaawa at nakakapandiri din na tanawin.

Ang babae ay umiiyak, nakaluhod pa rin, sa alikabok. Si Jesus ay tila naghihintay ng karagdagan pang mga salita.

Sa wakas narinig ito sa pagitan ng mga hikbi: «Nagmamakaawa ako sa Inyo na may pagsisisi sa loob ng aking puso! Sana man lamang tiyakin Ninyo sa akin na sila ay hindi magugutom... at pagkatapos... yayao ako na may pagtanggap... Ngunit iligtas ang aking kaluluwa, o Pinagpalang Tagapagligtas! Iyan man lamang!»

«Oo, pagagalingin kita. Para sa kapakanan ng inosenteng mga bata at upang mabigyan ka ng pagkakataon na maging makatarungan. Naiintindihan mo? Tandaan na pinagaling ka ng Tagapagligtas. Ang Diyos ay patatawarin ka ng iyong mga kasalanan ayon sa kung papaano ka tutugon sa grasyang ito. Paalam. Kapayapaan sa iyo, babae.» At Siya ay halos tumakbo sa pag-alis upang salubungin ang mga dumarating mula sa Gethsemane. Ni kahit ang mga sigaw ng lalaki na nakaramdam at nakakita na siya ay gumaling na ang hindi makapagpatigil sa Kanya, o ang mga sigaw ng kanyang asawa...

«Dumaan tayo sa pasilyong ito, upang maiwasan na dumaan doon muli» sabi ni Jesus pagkatapos na masamahan Niya ang iba.

Naglalakad sila sa loob ng isang miserableng pasilyo, na napakakipot na ang dalawang tao na maglalakad nang magkatabi ay halos hindi magkakasya at kung ang isa ay makakasalubong ng isang asno na may kargahan na siya, ang isa ay kailangan na dumikit sa pader katulad ng isang selyo. Ang liwanag ay napakalabo sapagkat ang mga bubong ay halos magkakadikit. Ito ay isang nangungulila, tahimik, may masamang amoy na daanan. Sila ay nagpapatuloy nang isang linya hanggang sa dulo nito. Pagkatapos sa isang maliit na liwasan, nagsisiksikan sa mga batang lalaki, lahat sila ay nagsama-sama.

«Bakit Ninyo sinabi ang mga salitang iyon sa lalaking iyon? Hindi Ninyo kailanman sinabi ang mga salitang iyon noon...» tanong ni Pedro nang mausisa.

«Sapagkat ang lalaking iyon ay magiging isa sa Aking mga kaaway. At ang kanyang kasalanan sa hinaharap ay palalalain ang kasalukuyang pagkakasala..

«At pinagaling Ninyo siya?!» lahat sila nagtanong na may pagtatakang mukha.

«Oo. Para sa kapakanan ng inosenteng mga bata.»

«H’m! Magkakasakit siyang muli...»

«Hindi, aalagaan niya ang kanyang katawan, pagkatapos ng takot na dinanas niya at ng kanyang pinaghirap. Hindi na siya muli magkakasakit.»

«Ngunit magkakasala siya laban sa Inyo, ayon sa sinabi Ninyo. Pababayaan ko siyang mamatay kung ako.»

«Ikaw ay isang makasalanan, Simon ni Jonah.»

«At napakabuti Ninyo, Jesus ng Nazareth» tugon ni Pedro.

Sila ay nawala sa loob ng isang gitnang kalsada at hindi ko na sila makita pa.

--------------------

Isang notasyon ko.

Kapwa ko nakikilala ang lalaki na pinagaling at si Samuel. Ang una ay ang lalaki na pumukpok sa ulo ni Jesus sa pamamagitan ng isang bato sa Kanyang Pasyon. Mas natatandaan ko siya kaysa sa kanyang asawa, na namimighati noon katulad na siya ay ngayon at natatandaan ko ang bahay, na mayroong kapuna-punang mataas na pintuan na may tatlong baytang. gayon din naman, sa kabila ng maskara ng kapootan na nagpabago sa kanyang anyo, nakikilala ko kay Samuel ang binata na pumatay sa kanyang ina sa pamamagitan ng isang tadyak upang makalakad at hampasin ang Guro sa pamamagitan ng isang maikling mabigat na kahoy.

112712

 

 



Sunod na kabanata