385. Patungo sa Hilagang Pampang ng Jordan.

Pebrero 17 1946.

Si Jesus ay muling nasa daan. Nakaharap sa timog Siya ay naglalakad sa tabi ng mga pagala-gala sa ilog, naghahanap ng makapagtatawid sa Kanya sa kabila. Ang Kanyang mga apostol ay lahat nakapaligid sa Kanya, pinag-uusapan ang mga nangyari sa loob ng kaunting mga araw na itinira sa nayon ni Solomon at sa kanyang bahay.  Mula sa aking pagka-intindi, sila ay nanatili roon hanggang sa ang mga balita tungkol sa presensya ni Jesus doon ay kumalat sa palaban na mga nakapaligid na lugar, at nang ito ay mangyari, sila ay umalis, pinagkakatiwala sa matandang Ananias, ngayon matahimik sa kanyang hindi-na-wasak na karukhaan, ang pangangalaga sa bahay, na naibalik na muli sa kaayusan.

«Umasa tayo na ang kanilang kasalukuyang panagano ay tatagal» sabi ni Bartolomeo.

«Kung tayo ay babalik dito nang madalas, katulad ng sinasabi ng Guro, mapananatili natin sila sa gayon ding pag-iisíp» tugon ni Judas ni Alfeo.

«Siya ay umiiyak, kaawa-awang matandang kaluluwa! Naging mahilig na siya sa atin...» sabi ni Andres, na labis din na naantig ang damdamin.

«At gusto ko ang kanyang huling talumpati. Nagsalita siya katulad ng isang marunong na tao, Guro, hindi ba?» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Nagsalita siya bilang isang banal na tao, sasabihin ko!» bulalas ni Tomas.

«Oo, siya nga. At tatandaan ko ang kanyang mithiin» tugon ni Jesus.

«Anong eksakto ang kanyang sinabi? Ako ay umalis kasama si Juan upang sabihin sa ina ni Michael na alalahanin na gawin kung ano ang sinabi sa kanya ng Guro, kung kaya't hindi ko alam» sabi ng Iskariote.

«Sinabi niya: “Panginoon, kung mapagawi Kayo sa nayon ng aking manugan na babae, sabihin sa kanya na wala akong sama ng loob sa kanya at na ako ay masayang hindi na ako ngayon napababayaan, sapagkat sa gayon ang hatol ng Diyos ay hindi magiging napakahigpit sa kanya. Sabihin sa kanya na palakihin ang aking mga apo sa pananampalataya sa Mesiyas, upang makakasama ko sila sa Langit, at kung ako ay kaagad nasa kapayapaan ng Diyos, magdarasal ako para sa kanila at para sa kanilang mabuting kalusugan”. At sasabihin Ko sa kanya. Hahanapin Ko ang babae at sasabihin Ko sa kanya sapagkat iyan ang tamang gawin» sabi ni Jesus.

«Ni wala kahit isang salita ng pamimintas! Sa kabaligtaran masaya siya na ang kasalanan ng babae ay hindi na ngayon napakagrabe, dahil ang matanda ay hindi namamatay sa gutom o sa kapabayaan. Siya ay kahanga-hanga» wika ni Santiago ni Alfeo.

«Ngunit ang pagkakamali ba ng manugang-na-babae ay talagang liliit sa mga mata ng Diyos? Iyan ang ibig kong malaman!» sabi ni Judas ni Alfeo.

Ang mga opinyon ay magkakasalungat. Si Mateo ay tinanong si Jesus: «Ano ang Inyong opinyon, Guro? Ang sitwasyon ba ay mananatili katulad ng dati o ito ay magbabago?»

«Ito ay magbabago...»

«Kita ninyo... Tama ako!» bulalas ni Tomas nang nananagumpay.

Ngunit si Jesus ay sumenyas sa kanila na Siya ay magsasalita at sinabi Niya: «Magbabago ito para sa matandang lalaki, at sa Langit din katulad na ito ay nagbago sa Lupa dahil sa kanyang maluwag na kabaitan. Hindi ito magbabago para sa babae. Ang kanyang kasalanan ay laging iiyak sa mga mata ng Diyos. Tanging kapag siya lamang ay magsisi, ang mahigpit na pasya ng Diyos ay baka magbago. At sasabihan ko siya.»

«Saan siya nakatira?»

«Sa Masada, kasama ang kanyang mga kapatid na lalaki.»

«At ibig na Ninyong pumunta sa kasing layo niyan?»

«Ang mga lugar na iyon ay kailangan na maibanghelyuhan din...»

«At papaano na Kerioth?»

«Babalik tayo sa Kerioth mula sa Masada, at pupunta tayo sa Jutah, Hebron, Bethzur. Bether, at makakabalik tayo sa Herusalem para sa Pentekostes.»

«Ang Masada ay isa sa mga lugar ni Herodes...»

«Ano naman ang bale niyan? Iyon ay isang muog. Ngunit siya ay wala roon. At kahit na kung siya ay naroroon!... Hindi ang presensya ng isang tao ang makapagpipigll sa Akin sa pagiging ang Tagapagligtas.»

«Saan natin tatawirin ang ilog?»

«Malapit sa Gilgal. Mula roon lalakad tayo sa tabi ng dalampasigan, sinusundan ang mga bundok. Ang mga gabi ay malamig at ang buwan ng Civ ay maningning sa mapanatag na kalangitan.»

«Kung pupunta tayo sa mga lugar na iyon, bakit hindi tayo pumunta sa bundok kung saan Kayo nag-ayuno? Tama lang na ang lahat ay malaman ang lugar na iyon» sabi ni Mateo.

«Pupunta rin tayo roon. Ngunit ayón ang isang bangka. pagusapan ang presyo upang tayo ay sana makatawid sa kabila.»

 



Sunod na kabanata