39. Ang mga Paghahanda para sa pagdating ni Jesus sa Edad at ang Pag-alis Mula sa Nazareth.

Nobyembre 25, 1944.

¹Ako ay tumanggap ng isang pangako mula sa Kanya. Sinasabi ko sa Kanya: «Jesus, ibig kong makita ang seremonya ng Inyong pagpasok sa mayor-de-edad!» At Siya ay tumugon:  «Ibibigay Ko iyan sa iyo bilang unang bagay kaagad kapag “tayo” ay makapag-iisa na nang hindi nagagambala ang misteryo. At ilalagay mo iyan pagkatapos ng tagpo noong sa Akin Ina, ang Aking tagapagturo at ang tagapagturo nina Judas at Santiago, na pinakita sa iyo kamakailan (29 ng Oktubre). Ilalagay mo iyan sa pagitan nito at ng sa Pagtatalo sa Templo.»

                                                                ---------------------------

Disyembre 19, 1944.

²Nakikita ko si Maria niyuyukuan ang isang malaking timba, kung baga tangkeng palayok, kung saan may hinahalo Siya na umuusok sa malamig na ere na pumupuno sa pangkusinang-hardin sa Nazareth.

Maaaring kalaliman ng taglamig ngayon, sapagkat, maliban sa mga punong-olibo, ang lahat na mga tanim at mga punongkahoy ay walang dahon at nagmumukhang mga kalansay. Sa itaas, ang kalangitan ay maliwanag-na-maliwanag at napakaganda ng sikat ng araw. Ngunit hindi nito nababawasan ang labis na lamig ng hangin na umuuga sa walang-dahon na malalaking sanga at sa maliliit na berdeng-abong mga sanga ng mga punong-olibo.

Ang ating Ginang ay nakasuot ng isang mabigat na madilim na kulay-kapeng damit, na napakadilim na ito ay halos itim, at may nakatali Siya sa harapan Niya ng isang kapiraso ng damit, katulad ng isang apron, upang maprotektahan ito. Inaalis Niya ang panghalong kahoy sa tangke at nakakakita ako ng ilang magandang rubing-kapulahan na mga patak na bumabagsak mula rito. Tinitingnan ito ni Maria, binabasa Niya ang Kanyang daliri nito, tinitingnan ang kulay kompara sa Kanyang apron at tila nasisiyahan Siya.

Pumasok Siya sa bahay at pagkatapos lumabas na may dalang maraming labay ng niyebeng-kaputian na lana. Tinutubog Niya ito nang matiyaga at maingat sa tangke, isa-isa.

Habang abalá Siya sa paggawa nito, ang Kanyang hipag, si Maria ni Alfeo, ay pumasok, at siya ay pumapasok mula sa talyer ni Jose. Nagbatian ang dalawa, at nagsimulang mag-usap.

«Maganda ba ang labas?» tanong ni Maria ni Alfeo.

«Sa palagay Ko.»

«Ang Hentil na ginang na iyon ay tiniyak sa akin na iyan ang eksaktong kulay, at ganyan daw talaga ang paggawa nila niyan sa Roma. Binigay lamang niya iyan sa akin dahil sa Iyo, dahil sa ginawa Mong pagbuburda para sa kanya. Sinabi niya na kahit sa Roma walang sinuman ang makapagbuburda nang gayong kabuti. Maaaring nabulag Ka sa paggawa niyon...»

Si Maria ay ngumingiti at iniiling ang Kanyang ulo na tila upang sabihin: «Iyan ay walang kuwenta!»

Ang Kanyang hipag ay tinitingnan ang huling mga labay ng lana, bago ito iabot kay Maria. «Gaano Mo ito kagandang nahabi! Napakanipis nito at napaka-kinis na para itong mga buhok. Napakabuti Mong nagagawa ang lahat. At napakabilis Mo!  Ang huli bang mga ito ay magiging mas malabnaw ang kulay?»

«Oo, iyan ang para sa tunika. Ang manta ay mas madilim.»

Ang dalawang babae ay nagtatrabahong magkasama sa tangke. Pagkatapos kanilang binabanton ang mga labay ng magandang purpurang kulay at tumatakbo silang mabilis upang ilubog iyon sa lamig-yelong tubig na pumupuno sa maliit na tangke sa ilalim ng manipis na bukal na bumabagsak nang lumalagaslas nang marahan. Kinukusot nila iyon nang paulit-ulit, pagkatapos nilalatag nila ang mga labay sa ibabaw ng mga tikin  na nakakabit sa mga sanga ng mga punungkahoy.

«Matutuyo sila nang mabuti at mabilis sa hangin na ito» sabi ng Kanyang hipag.

«Puntahan natin si Jose. May apoy doon. Maaaring naninigas ka na sa lamig» sabi ng Ating Banal na Ginang. «Napakabuti mo naman na tulungan Ako. Ginawa Ko iyan nang napakabilis, at nang hindi masyadong napagod. Nagpapasalamat Ako nang labis sa iyo.»

«O! Maria! Ano ang hindi ko gagawin para sa Iyo! Ang mapalapit sa Iyo ay isang malaking kaluguran. At pagkatapos... ang lahat na gawang ito ay para kay Jesus. At Siya ay isang gayong kamahal, ang Iyong Anak!... Mararamdaman ko na Siya ay parang anak ko na rin, kung matulungan Kita sa kapistahan ng Kanyang pagdating sa edad.»

Ang dalawang babae ay pumunta sa talyer, na punung-puno ng amoy ng kinatam na kahoy, na pangkaraniwan sa mga talyer ng mga karpintero.

³At ang bisyon ay tumigil... upang magsimula ulit noong si Jesus, Na ngayon ay labindalawang taon na ang gulang, ay papaalis papunta sa Herusalem.

Napakakisig Niyang tingnan, at tumaas na nang husto na nagmumukha Siyang isang bunsong kapatid ng Kanyang napakabatang Ina. Umaabot na ang Kanyang olandesang kulot na mga buhok sa mga balikat ng Kanyang Ina, ang Kanyang buhok ay hindi na maikli katulad noong mga nakaraang taon ng Kanyang pamumuhay, bagkus mahaba hanggang sa Kanyang mga tainga, at nagmumukhang isang maliit na ginintuan na helmet na ganap na gawa sa maniningning na kulot.

Siya ay nakasuot ng pula: isang magandang magaan na rubing-pula. Ang isang mahabang tunika ay nakabitin hanggang sa ibaba ng Kanyang mga buol upang ang Kanya lamang na may-sandalyas na mga paa ang makikita. Ang Kanyang tunika ay maluwang, na may maluluwang na malapad na mga manggas. Sa paligid ng Kanyang leeg, sa hangganan ng Kanyang mga manggas, sa mga gilid, ay may isang Griyegong palawit na hinabing kulay sa ibabaw ng isang kulay, at ito ay napakaganda...

(Sa pagsisipi ng bisyon, hintayin ang natitira na mapapasama sa isang bagong aklat).

                                                                ---------------------------------

Disyembre 20, 1944.

Si Jesus ay isang makisig na batang lalaki, labindalawang taong gulang, matangkad, maganda ang pangangatawan, malakas ngunit hindi mataba. Mas matanda Siyang tingnan kaysa sa Kanyang edad, dahil sa Kanyang kutis. Siya ay mataas na, sa katunayan umaabot na Siya sa mga balikat ng Kanyang Ina. Ang Kanyang mukha ay ang malarosas na bilugang mukha ng isang bata at pagkatapos, sa Kanyang kasibulan at pagkatapos sa Kanyang kaganapan ng pagkalalaki, ito ay ninipis nang ninipis at ito ay magiging walang-kulay, ang kulay ng ilang napakaselan na mga alabastro na may kulay ng manilaw-nilaw na rosas.

Ang Kanya ring mga mata ay ang mga mata pa rin ng isang bata. Sila ay malalaki, malapad kapag tumitingin, na may isang kislap ng lugod na nawawala sa kaseryusuhan ng Kanyang sulyap. Pagkatapos hindi na ito magiging bukas-na-bukas... ang Kanyang mga pilikmata ay tatakpan ang kalahatian ng mga ito upang maitago ang labis-labis na kasamaan na nasa mundo, sa Puro at Banal na Isa. Tanging kapag gumagawa lamang ng mga himala, sila ay bubuksan at magniningning, nang mas maningning pa kaysa sa ngayon... upang palayasin ang mga dimonyo at kamatayan, upang pagalingin ang mga sakit at mga kasalanan. At mawawalan na ito ng kislap ng kasayahan na iyan kahalo ang pagiging seryoso... kamatayan ang mas lalu’t lalo pang mapapariyan at malapit, at kasama nito ang kaalaman, ang kaalamang pantao din tungkol sa kawalang-saysay ng Kanyang sakripisyo, dahil sa kawalang-interes at ng pag-ayaw ng tao. Tanging sa labis na pambihirang mga sandali lamang ng lugod, kapag kasama Niya ang matatapat na naniniwala at lalo na ang purong mga tao, karamihan mga bata, ang Kanyang banal na maamong mababait na mga mata magniningning muli nang masaya.

Ngunit ngayon Siya ay nasa bahay kasama ang Kanyang Ina, sa harapan Niya ay nariyan si San Jose na ngumingiti nang mapagmahal, at nariyan ang Kanyang maliliit na pinsan na humahanga sa Kanya, at ang Kanyang tiya Maria ni Alfeo na tumatapik-tapik sa Kanya... Siya ay masaya. Ang Aking Jesus ay nangangailangan ng pagmamahal upang maging masaya. At sa sandaling ito nasa Kanya ito.

Siya ay nakadamit ng isang maluwang na delanang tunika na isang magaan na rubing-pula ang kulay. Ito ay malambot, perpektong hinabi sa kasiksikan ng kanipisan nito. Sa paligid ng leeg, sa harapan, sa mga dulo ng mahahabang malalapad na mga manggas at sa ibaba ng tunika na nakalawit sa lupa upang tanging ang Kanya lamang na mga paa ang makikita, ay may isang Griyegong palawit na hindi ibinurda, bagkus ihinabi sa isang mas madilim na kulay sa rubi ng tunika. Nakasuot Siya ng bagong mga sandalyas na mukhang napakaganda ang pagkagawa. Hindi ito ang pangkaraniwan na mga suwelas na nakatali sa mga paa sa pamamagitan ng mga istrap na balat. Ang Kanyang tunika ay maaaring ang gawa ng Kanyang Ina sapagkat ang Kanyang hipag ay hinahangaan ito, at pinupuri ito.

Ang Kanyang magandang olandesang buhok ay ngayon medyo mas madilim na kaysa noong Siya ay maliit pang bata, na may mapulang-madilaw na kináng sa mga kulot nagtatapos sa Kanyang mga tainga. Hindi na sila ang malambot na mayuming mga kulot ng Kanyang kabataan. Hindi pa ito ang mahabang alun-alon na buhok ng Kanyang pagkalalaki, na umaabot hanggang sa Kanyang mga balikat, nagtatapos doon sa isang malambot, malalaking kulot. Ngunit nakakatulad na nito ang huli sa kulay at istilo.

⁴«Naririto ang aming Anak» sinasabi ni Maria itinataas ang Kanyang kamay na hawak ang kaliwang kamay ni Jesus. Tila pinakikilala Niya Siya sa lahat at pinatitibayan ang paternidad ng Makatarungan na tao na ngumingiti. At dinadagdag Niya: «Pagpalain mo Siya, Jose, bago umalis patungo sa Herusalem. Wala noong ritwal ng pagpapalà para sa Kanyang unang hakbang sa buhay, sapagkat hindi na iyon kinakailangan para sa Kanya na pumasok sa eskuwelahan. Ngunit ngayon na Siya ay patungo sa Templo upang iproklama na nasa edad na, pakiusap na pagpalain Siya. At pagpalain Ako kasama Niya. Ang Iyong pagpapalà...» (si Maria ay humihikbi nang kaunti) «ay palalakasin Siya at mabibigyan Ako ng lakas, na maihiwalay Ko ang Aking Sarili nang kaunti pa sa Kanya...»

«Maria, si Jesus ay magiging laging sa Iyo. Ang pormalidad ay hindi makakaapekto sa ating matalik na relasyon, ni hindi ako makikipag-agawan sa Iyo para sa Anak na ito, Na mahal-na-mahal sa atin. Walang sinuman ang karapat-dapat na maggagabay sa Kanya sa buhay, kaysa sa Iyo, o aking Banal na Esposa.»

Si Maria ay yumuko at kinukuha at hinahalikan ang kamay ni Jose. Siya ay ang magalang na nagmamahal na esposa ng Kanyang konsorte!

Si Jose ay tinanggap ang tanda ng paggalang at pagmamahal nang may dignidad, pagkatapos kanyang itinaas ang kamay na hinalikan Niya at ipinatong ito sa ulo ng kanyang Esposa at sinabi sa Kanya: «Oo, pinagpapala Kita, O Banal na Isa, at pinagpapala ko si Jesus kasama Mo» Halikayo sa akin, ang tanging aking mga lugod, aking karangalan at esensiya ng aking buhay.» Si Jose ay solemne. Na ang kanyang mga kamay nakaunat at ang mga palad ng kanyang mga kamay nasa ibabaw ng dalawang ulo na nakayuko, kapwa olandesa at banal, pinahahayag niya ang kanyang pagpapalà: «Harinawang ang Panginoon ay tingnan Kayo at pagpalain Kayo. Harinawang kaawaan Niya Kayo at bigyan Kayo ng kapayapaan. Harinawang bigyan Kayo ng Panginoon ng Kanyang pagpapalà.» At pagkatapos sinabi niya: «At ngayon tayo na. Ang oras ay paborable para sa paglalakbay.»

⁵Si Maria ay kumuha ng isang madilim na kulay-kapeng manta at isinuklob Niya ito sa katawan ng Kanyang Anak. Gaano Niya Siya hinahaplos sa paggawa nito!

Sila ay lumabas, isinara nila ang bahay. Sila ay umalis. Ang iba pang mga peregrino ay patungo rin sa gayong direksiyon. Sa labas ng nayon ang mga babae ay humiwalay sa mga lalaki. Ang mga bata ay makakapunta saan man ang ibigin nila. Si Jesus ay nananatiling kasama ng Kanyang Ina.

Ang mga peregrino ay naglalakad sa kabukiran na napakaganda sa pinakamasayang tagsibol, at umaawit sila ng mga salmo sa halos lahat ng oras. Ang mga parang ay luntian at ang mga tanim sariwa, at ang mga dahon sa mga punungkahoy ay nagsisimula pa lamang na lumabas. Maririnig mo ang mga lalaking umaawit sa mga bukid sa tabi ng mga daan at ang mga ibon ay inaawit ang kanilang mga awit ng pagmamahal sa pagitan ng mga sanga ng mga punungkahoy, ang malilinaw na agos ng tubig ay nasasalamin ang mga bulaklak sa mga pampang, habang ang maliliit na kordero ay patalun-talon malapit sa kanilang mga ina... Kapayapaan at kasayahan sa ilalim ng pinakamagandang kalangitan ng Abril.

Ang bisyon ay nagtatapos nang gayon.

 (205) 240610/032413/040213

Sunod na kabanata.