399. Si Jesus sa Bether Kasama si Pedro at si Bartolomeo.

Marso 13, 1946.

Si Jesus ay naglalakad sa gitna ng mga palumpungan ng rosal kung saan ang mga taga-ipon ay abalá. Siya kung gayon ay may pagkakataon na makausap ang taong ito at ang iyon, at gayon din ang balo, na may-pagkawanggawang kinuha ni Johanna para magtrabaho bilang isang katulong noong Paskuwa, pagkatapos ng bangkete ng mahihirap na tao. Ang kanyang mga anak ay naroroon din at sila ngayon ay nagmumukhang mas mabuti-buti na. Nakakaraos at mapayapa sila ay nagtatrabaho nang masaya, ang bawat isa ayon sa kanyang abilidad, habang ang mga mas batá-batá, na hindi pa makapagsabi kung ano ang kaibahan ng isang rosas sa isa pa o makapamílì ng mga rosas ayon sa kulay at kasariwaan, ay nakikipaglaro sa ibang mga bata sa pinakatahimik na mga lugar at ang kanilang pagsasagutan ay humahalo sa pagsiyap ng mga inakay na bumabati mula sa mga sanga ng punungkahoy sa pagdating ng kanilang mga magulang na punó ang mga tuka ng pagkain.

Si Jesus ay ibinaling ang Kanyang mga hakbang patungo sa maliliit na ito, niyuyukuan sila, hinahaplos, inaayos ang kaunting mga hindi-pagkakaintindihan at itinataas ang mga nadapa at umuungot, dahil nadumihan nila ng lupa ang kanilang mga sarili o nagalusan ang kanilang mga kamay o mga mukha sa lupa. At ang mga luha, pag-aaway, paninibugho ay napawi kaagad sa ilalim ng mga haplos at mga salita na binigkas ng Inosenteng Isa sa mga inosente, at ang pinagsimulan ng away o ng pagkadapa, ibig sabihin isang ginintuang salagubang, isang may-kulay o kumikinang na maliit na bato, isang bulaklak... ay naging isang alay para kay Jesus, Na napuno ang kamay at ang sinturon ng mga ito at pinakawalan ang mga salagubang at mga salaginto sa paglalagay nito, nang hindi napupuna, sa ibabaw ng mga dahon ng mga tanim.

Ilang beses ko na ngayong napupuna ang perpektong pamamaraan ni Jesus sa maliliit na bata, upang hindi sila mapahiya at panghinaan ng loob! Alam Niya nang may nakabibighaning galing kung papaano sila gawing mas mabuti at magawa Siyang mahalin nila sa pamamagitan ng tila walang-kuwentang bagay, ngunit sa halip ay ang perpeksiyon ng pagmamahal ibinigay sa kaliitan ng mga bata... at sa akin.

O! lagi Niya akong tinatrato bilang isang «maliit na bata» upang mapagaanan ang aking paghihirap, upang magawa ang Kanyang Sarili na minamahal!  Pagkatapos, nang minamahal ko na Siya nang buong aking sarili, trinato Niya ako nang may mabigat na kamay, bilang isang adulto, hindi pinakikinggan ang aking mga pakiusap: «Hindi ba Ninyo nakikita na ako ay mabuti lang para sa wala?» Siya ay ngingiti at gagawin akong magtrabaho ng gawain ng mga adulto... O! tanging kapag lamang ang kaawa-awang Maria ay ganap nang nahihirapan, Siya darating muli na si Jesus ng mga bata para sa aking kaawa-awang kaluluwa, na ganap na walang kakayahan, at masisiyahan Siya sa... aking mga salagubang, maliliit na bato... mga bulaklak... sa kung ano ang maibibigay ko sa Kanya... at gagawin Niya akong maintindihan ko na nakita Niya ang mga ito na magaganda... at na ako ay Kanyang minamahal sapagkat ako ay «isang wala na umaasa at nawawala  sa Walang-Hangganan.»

Aking minamahal na Jesus! Minamahal, may-kabaliwang minamahal! Minamahal ng aking buong sarili! Oo, maidedeklara ko ito! Noong bispiras ng aking ika-apatnapu’t siyam na kaarawan, noong bispiras ng paghuhukom ng mga tao sa aking gawa bilang bunganga, kung susuriin ko ang aking sarili nang mabuti, kung masikap kong titingnan ang aking espiritu at ang aking buong sarili upang maintindihan ang totoong mga salita na nasa loob ko, masasabi ko na ngayon na minamahal ko ang Diyos, nakita ko na minamahal ko ang aking Diyos nang aking buong sarili. Nangailangan ako ng apatnapu’t walong taon na makarating sa total na pagmamahal na ito, ganap-na-ganap na hindi magkaroon ng isang kaisipan na personal na pagkatakot sa maaaring panunumpa, dahil ako ay nag-aalala lamang tungkol sa magiging mga resulta na maaaring magawa ng gayong paniniwala sa mga kaluluwa na aking napasunod sa Diyos, at mga kumbinsido na sila ay natubos ng Jesus na naninirahan sa loob ko, at hihiwalay sa Simbahan, ang nagdudugtong sa sangkatauhan sa Diyos. At ilang mga tao ay maaaring magsabi: «Hindi ka ba nahihiya na inabot ka ng ganyang katagal na panahon?» Hindi, hindi kahit kaunti. Ako ay napakahina, isang ganyan na tao na wala kahit ano, na kinailangan ko ang lahat na panahong iyan. Maging ano pa man kumbinsido ako na kinailangan ko ang eksaktong panahon na ginusto ni Jesus. Hindi higit pa sa isang minuto, o kulang pa sa isang minuto; sapagkat masasabi ko ito: mula noong masimulan kong maintindihan kung ano ang Diyos, hindi ko kailanman tinanggihan ang Diyos ng kahit ano. Mula noong panahon, nang ako isang apat-na-taong gulang na bata – naramdaman Siyang nasa kahit-saang lugar na pinaniwalaan ko Siyang naroroon pati sa kahoy na nasa likuran ng upuan kung saan ako umuupo at ako’y humihingi ng paumanhin sa Kanya sa aking pagtatalikod sa Kanya at sa pagsasandal sa Kanya; mula noong panahon nang – isa pa ring apat-na-taong gulang na bata – na kahit sa aking pagtulog iniisip ko kung papaano ang ating mga kasalanan nakapanugat at nakapatay sa Kanya, at tatayo ako sa ibabaw ng aking kama, sa aking mahabang pantulog na damit, at hindi tumitingin sa kahit na anong banal na larawan, bagkus kakausapin ang aking minamahal na Jesus na pinatay dahil sa atin, mangungusap ako sa Kanya: «Hindi ako! Hindi ako! Hayaan akong mamatay ngunit huwag sabihin sa akin na sinugatan ko Kayo!» At ang aking puso ay tataas...

Nalalaman Ninyo, o aking Pagmamahal, ang tungkol sa aking marubdob na mga emosyon. Nalalaman Ninyo ang bawat isa nito... Nalalaman Ninyo na ang isang simpleng pahiwatig ng isang mungkahi Ninyo ay tinatanggap kaagad ng Inyong Maria. Kahit na kung iminungkahi Ninyo na kailangan kong ibigay sa Inyo ang pagmamahal ng isang kasintahan, hindi, bagkus,  noon lang, nang Pasko ng 1921, ang aking pagmamahal para sa Inyo ay napatotohanan – o ang pagmamahal ng mga kamag-anak, o ang aking buhay, kalusugan, kayamanan... at na ako ay kailangan na maging mas lalu’t lalo pang isang «taong walang halaga» sa pamumuhay sa lipunan, isang kapirasong labi tinitingnan nang may-awa o may-panunuya ng mundo, isang tao na hindi makakuha ng isang baso ng tubig sa pamamagitan niya mismo kung siya ay nauuhaw at walang sinuman ang mag-aabot sa kanya nito, isang naipakong katulad Ninyo, oo katulad Ninyo, at katulad ng labis kong kinananabikan na maging, at katulad na ibig kong maging dati muli kaagad, kung ako ay Inyong pagagalingin. Lahat! Ang taong walang  halaga ay naibigay ang lahat, ang kanyang buong pagkatao bilang isang nilikha... Bueno, kahit na ngayon, oo kahit na ngayon, kung kailan ako ay maaaring husgahan nang di-mabuti at pagbawalan at ako ay mahampas, ano ang aking sasabihin sa Inyo? «Manatili sa akin, Kayo at ang Inyong Grasya. Ang lahat na iba pa ay wala. Hinihingi ko lamang sa Inyo na huwag akong pagkaitan ng Inyong pagmamahal at huwag pahintulutan ang mga taong aking dinala sa Inyo na mahulog ulit sa kadiliman.»

Ngunit saan ako napapunta, o aking Araw, habang naglalakad Kayo sa paligid ng mga palumpungan ng mga rosal? Kung saan ako dinala ng aking puso, na nagsikap na magmahal para sa Inyo. At ito ay pumipintig at inaapoy ang aking dugo sa loob ng aking mga ugat. At ang mga tao ay magsasabi: «Siya ay may temperatura at naghihirap sa mga panginginig.» Hindi. Ang katotohanan ay ngayong umaga Kayo ay nagmamadali patungo sa akin nang may lakas ng isang dibinong bagyo ng pagmamahal, at ako... at ako ay naglaho sa Inyo dahil Kayo ay lumaganap sa akin, at hindi na ako makapag-isip nang tuwid bilang isang taong nilikha, ngunit naranasan ko kung ano nga ang mabuhay bilang serapin... at ako ay napaapoy at nagdidiliryo at minamahal ko Kayo, minamahal ko Kayo, minamahal ko Kayo. Maawa, sa Inyong pagmamahal! Maawa,  kung ibig Ninyo akong mabuhay pa at makapaglingkod sa Inyo, o kadibi-dibinong eternal na Pagmamahal, o katamis-tamisang Pagmamahal, o Pagmamahal ng Langit at ng Sangnilikha, Diyos, Diyos, Diyos... Hindi! Huwag maawa! Mas marami pang pagmamahal! Mas marami pa! Hanggang sa kamatayan sa pamamagitan ng apoy sa poste ng sunugán ng pagmamahal! Gawin nating matunaw sa isa’t isa! Gawin nating magmahalan sa isa’t isa! Upang tayo sana ay mapasa-Ama, ayon sa sinabi Ninyo nananalangin para sa amin: «Gawin ang mga nagmamahal sa Akin na mapunta kung saan Ako naroroon. Isang bagay lamang.» Isang bagay lamang! Iyan ang isa sa mga salita ng Ebanghelyo na lagi akong nagagawang mapalubog sa isang kaliliman ng nagmamahal na adorasyon. Ano ang hiningi Ninyo para sa amin, o aking Dibinong Guro at Tagapagtubos! Ano ang hiningi Ninyo, o aking Dibinong Guro, baliw sa pagmamahal! Upang kami ay sana maging isa kaisa lamang Ninyo, kasama ang Ama, kasama ang Banal na Espiritu, sapagkat sino ang nasa Isa ay nasa Tatlo, o di-mapaghihiwalay subalit malayang Trinidad ng Diyos Isa at sang-tatlo! Banal! Banal! Banal! sa bawat pintig at paghinga ko!...

Ngunit bumalik tayo sa bisyon dahil... nakikita ko na ngayon si Pedro na papalapit sa napakabilis na hakbang na ang kanyang mga suot ay wumawagayway katulad ng isang panlayag na pinalulobo ng hangin. Siya ay sinusundan ni Bartolomeo na naglalakad nang mas kalmante. Si Pedro ay dumating nang hindi inaasahan sa likuran ni Jesus, Na nakayuko hinahaplos ang ilang mga pasusuhin, mga anak ng mga tagapag-ipon, mga nakahiga sa mga upuan sa loob ng lilim ng mga punungkahoy. «Guro!»

«Simon! Papaanong nangyari na nandito ka? At ikaw, din, Bartolomeo? Kayo ay dapat na umalis bukas na gabi, pagkatapos ng paglubog-ng-araw ng Sabbath...»

«Guro, huwag Ninyo kaming kagalitan... Makinig muna sa amin.»

«Makikinig Ako sa inyo. At hindi Ko kayo kinagagalitan sapagkat naniniwala Ako na mayroon kayong mahalagang rason sa di-pagsunod. Ngunit tiyakin sa Akin na wala sa inyo ang may sakit o nasaktan.»

«Hindi, hindi, Panginoon. Walang kapinsalaan ang dumating sa amin» nagmadali si Bartolomeo na magdagdag.

Ngunit si Pedro, laging sinsiro at pabigla-bigla, ay nagwika: «H’m! Sa ganang akin, naging mas mabuti pa siguro kung ang bawat isa sa amin ay napilayan, o kahit ang aming mga ulo ay nasugatan, kaysa sa...»

«Ngunit ano ang nangyari?»

«Guro, naisip namin na mas mabuti pang pumunta upang matapos ang...» nagsasalita si Bartolomeo, nang siya ay pinutol ni Pedro: «Bilisan mo sa pagsasabi sa Kanya!» At siya ay naghihinuha: «Si Judas ay naging isang dimonyo mula nang Kayo umalis. Hindi na kami makapagsalita o makapangatwiran. Nakipag-away siya sa lahat... At naiskandalo niya ang lahat na mga katulong ni Elisa at ibang mga tao rin...»

«Baka siya naninibugho kasi isinama Ninyo si Simon...» sabi ni Bartolomeo nang may pagpapaumanhin, nang makita niya na ang hitsura ni Jesus ay naging napakahigpit.

«Kalokohan! Anong panibugho?! Tigilan mo ang pag-aakusa sa kanya!... O magsisimula akong makipag-away sa iyo upang mapalabas ang aking mga nararamdaman, dahil hindi ako nakipag-away sa kanya... Sapagkat, Guro, nanagumpay ako sa pananahimik! Isipin na lamang! Pananahimik! Upang masunod Kayo at alang-alang sa Inyo... Anong pagsisikap! Bueno. Nang si Judas ay ibinagsak ang pinto noong umalis, kami ay nag-usap-usap... at naisip namin na siguro mas mabuti ang umalis upang matapos ang iskandalo sa Bethzur at... upang maiwasan na masuntok ang kanyang mga tainga... At si Bartolomeo at ako ay umalis kaagad. Hiningi ko sa iba na ako ay payagan na makaalis kaagad, bago siya bumalik... sapagkat... sapagkat nararamdaman ko na hindi ko na mapipigilan pa ang aking sarili... Bueno, nasabi ko na sa Inyo. Ngayon maaari na Ninyo akong kagalitan kung sa palagay Ninyo nagkamali ako.»

«Nagawa ninyo ang tamang bagay. Nagawa ninyong lahat ang tamang bagay.»

«Si Judas din? O! hindi, aking Panginoon! Huwag Ninyong sabihin iyan! Ginawa niyang kahiya-hiyang pánoorin ang kanyang sarili!»

«Hindi. Hindi niya nagawa ang tamang bagay. Ngunit hindi para sa iyo ang maghusga sa kanya.»

«Hindi, Panginoon...» Ang kanyang «hindi» ay binigkas nang may kahirapan.

Nagkaroon ng isang sandali ng katahimikan. Pagkatapos si Pedro ay nagtanong: «Ngunit maaari ba Ninyong sabihin sa akin kung bakit si Judas ay bigla na lamang naging ganoon? Siya ay tila naging napakabuti! Ang lahat ay kaaya-aya! Ako ay nanalangin at gumawa ng mga sakripisyo na sana iyon ay tumagal... Sapagkat hindi ko Kayo dapat na makitang nalulungkot. At Kayo ay naghihirap kapag kami ay nag-aaway-away... At mula nang kapistahan ng Dedikasyon alam ko na kahit na ang sakripisyo ng isang subo ng pulot ay malaki ang halaga... Ang isang disipulo, ang pinakabata na disipulo, isang abang batang lalaki, ay kinailangan na ituro ang katotohanan na ito sa akin, ang Inyong tangang apostol. Ngunit hindi ko ito kinalimutan. Sapagkat nakita ko ang bunga nito. Sapagkat ako rin, bagama't isang tanga, ay nakaintindi ng kaunti sa pamamagitan ng Karunungan na yumukong may-kabaitan sa akin, hinihipo ako, isang magaspang na mangingisda, isang makasalanan. Naintindihan ko na kailangan namin na mahalin Kayo hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita, bagkus sa pamamagitan ng pagliligtas ng mga kaluluwa sa pamamagitan ng aming sakripisyo, upang mabigyan Kayo ng lugod, at hindi Kayo makitang katulad Ninyo ngayon, katulad nang Kayo ay nasa Shebat. Kayo ay maputlang-putla at malungkot, aking Guro at Panginoon, Na hindi kami karapat-dapat na magkaroon, Na hindi namin maintindihan, dahil kami ay mga uod malapit sa Inyo, ang Anak ng Diyos, kami ay putik malapit sa Inyo, ang Bituin, kami ay kadiliman, Kayo ay Liwanag. Ngunit walang nangyari niyon! Totoo! Ang aking kaawa-awang mga alay... napakakaawa-awa... napakasamang pagkagawa... Anong pakay ang napagsilbihan niyon? Iyon ay pagmamalaki sa parte ko na maniwala na iyon ay baka magsisilbi... Patawarin ako. Ngunit binigay ko sa Inyo kung ano ang mayroon ako. At akala ko napangatwiranan ko ang sarili ko, sapagkat minamahal ko Kayo, aking Diyos, nang buong sarili ko, nang buong puso ko, nang buong kaluluwa ko, nang buong lakas ko, ayon sa ito ay isinulat. At ngayon naiintindihan ko na rin ito at sasabihin ko rin ang laging sinasabi ni Juan, ang ating anghel, at nakikiusap ako sa Inyo (at siya ay lumuluhod sa paanan ni Jesus) na dagdagan Ninyo ang Inyong pagmamahal sa Inyong kaawa-awang Simon, upang sana ang aking pagmamahal ay lumaki para sa Inyo, aking Diyos.» At si Pedro ay pinagpapatirapa ang sarili upang halikan ang mga paa ni Jesus, at nananatiling ganito.

Si Bartolomeo, na laging nakikinig, humahanga at sumasang-ayon, ay ginagaya siya.

«Tumayo, Aking mga kaibigan. Ang Aking pagmamahal ay lumalalim nang lumalalim sa inyo at lalago at lalago pa. At pagpalain nawa kayo dahil sa inyong mga puso. Kailan ang iba darating?»

«Bago sumikat ang araw.»

«Mabuti, kung gayon. Sina Johanna, Eliza at Chuza ay babalik bago sumikat ang araw. Dito natin idaraos ang Sabbath, pagkatapos tayo ay aalis.»

«Oo, aking Panginoon. Ngunit bakit bigla na lamang Kayong pinapunta ni Johanna? Hindi ba siya makapaghintay? Naisa-ayos na para sa amin na pumarito! Gawa ng kanyang kawalang-kahinahunan nangyari ang lahat na problemang ito!...»

«Huwag mo siyang sisihin, Simon ni Jonah. Kumilos siya dala ng kahinahunan at pagmamahal. Pinapunta niya Ako sapagkat may mga kaluluwa na kailangan makumpirma sa kanilang mabuting kalooban.»

«Ah! Kung gayon, hindi na ako magsasalita pa... Ngunit, aking Panginoon, bakit nagbago nang labis si Judas?»

«Kalimutan ang tungkol diyan! Kalugdan ang Eden na ito, punung-puno ng mga bulaklak at kapayapaan. Kalugdan ang inyong Panginoon. Iwanan at kalimutan ang tungkol sa pagkatao sa lahat na malalalang porma nito, sa mga pag-atake nito sa kaluluwa ng inyong kaawa-awang kasamahan. Alalahanin lamang na magdasal para sa kanya... nang mabuting-mabuti. Halikayo. Puntahin natin ang maliliit na iyon na nakatingin sa atin puno ng pagtataka. Ako ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Diyos, kani-kanina pa lamang, mula sa isang kaluluwa patungo sa isa pa, nang may pagmamahal, at Ako ay nagsasalita sa mas malalaki sa pamamagitan ng magagandang bagay ng Diyos...» At Kanyang niyayakap ang mga baywang ng Kanyang dalawang apostol at ibinaling ang Kanyang mga hakbang patungo sa isang grupo ng mga bata na naghihintay para sa Kanya.

011110



Sunod na kabanata