4. Sa pamamagitan ng Isang Kantiko, Pinahahayag ni Anna na Siya ay Isang Ina.

Agosto 24, 1944.

¹Nakikita kong muli ang bahay nina Joachim at Anna. Walang nagbago sa loob, maliban sa maraming mga sangang punó ng mga bulaklak, nakalagay sa mga amphora rito at doon, tiyak na galing sa pagpupungos sa mga punungkahoy sa lootan, lahat nasa pamumulaklak: isang ulap na ang kulay ay nagbabagu-bago mula sa kaputiang-niyebe hanggang sa kapulahan ng ilang mga kurales.

Ang gawain din ni Anna ay iba. Sa mas maliit sa dalawang habihan siya ay naghahabi ng ilang magandang linen na damit at umaawit, ikinukumpas ang mga paa sa bagsak ng kanta. Siya ay umaawit at ngumingiti. Kanino? Sa kanyang sarili, sa isang bagay na nalalaman niyang nasa loob niya.

Isinulat kong hiwalay ang mabagal ngunit masayang kanta, upang ito ay sana masundan ko, dahil ito ay inuulit-ulit niya nang makailang beses na tila nagsasaya siya rito. Inaawit niya ito nang palakas-nang-palakas at nang may katiyakan, katulad ng isa na nakatagpo ng himig sa loob ng kanyang puso at sa una ibinubulong nang marahan at pagkatapos, bilang nakatitiyak na, magpapatuloy nang mas mabilis at sa mas mataas na tono. Ang mabagal ngunit masayang kanta (na aking isinasalin sapagkat napakatamis nito sa kasimplehan) ay nagsasabi:

«Kaluwalhatian sa Makapangyarihang Panginoon Na nagkaroon ng pagmamahal para sa mga anak ni David. Kaluwalhatian sa Panginoon!

Ang Kanyang kataastaasang grasya ay dinalaw ako mula sa Langit

Ang matandang punungkahoy ay nagkaroon ng isang bagong sanga at ako ay pinagpalà.

Sa Kapistahan ng mga Ilaw ang pag-asa ay ikinalat ang binhi;

Ngayon ang halimuyak ng Nisan ay nakikita itong tumutubo.

Katulad ng isang puno ng almendras ang aking laman ay naadornohan ng mga bulaklak sa tagsibol.

Sa gabi nadarama niya na siya ay nagkakabunga.

Sa sangang iyon ay may isang rosas, may pinakamatamis na mansanas diyan.

Mayroon diyan isang maningning na bituin, isang inosenteng maliit na bata.

Nariyan ang lugod ng tahanan, ng mag-asawa.

Papuri sa Diyos, sa aking Panginoon, Na naawa sa akin.

Ang Kanyang liwanag ay nagsabi sa akin: “Ang isang bituin ay darating sa iyo”.

Kaluwalhatian, kaluwalhatian! Sa Inyo ang magiging bunga ng punungkahoy na ito.

Ang una at ang huli, banal at dalisay bilang isang regalo ng Panginoon.

Ito'y magiging Inyo at harinawang ang lugod at kapayapaan ay mapunta sa lupa.

Lipad, lansadera. Ikabit ang sinulid para sa damit ng sanggol.

Ang sanggol ay ipanganganak na. Sana’y tumaas sa Diyos ang awit ng aking puso na umaawit ng mga hosana.»

²Si Joachim ay pumasok nang uulitin na ni Anna ang kanta sa pangapat na beses. «Masaya ka ba, Anna? Kamukha mo ang isang ibon sa tagsibol. Anong kanta iyan? Hindi ko pa napakinggan ang sinuman na inawit iyan. Saan iyan nanggaling?»

«Galing sa aking puso, Joachim.» Si Anna ay nakatayo na at ngayon papalapit sa kanyang asawa, masayang ngumingiti. Nagmumukha siyang mas bata at mas maganda kaysa kailanman.

«Hindi ko alam na ikaw ay isang makata» deklara ng kanyang asawa tinitingnan siya nang may kitang-kitang paghanga. Hindi sila nagmumukhang maedad na mag-asawa. Sa kanilang mga tinginan ay naroon ang kagiliwan ng batang mag-asawa. «Ako ay nanggaling sa kabilang dulo ng lootan nang mapakinggan kitang umaawit.  Sa loob ng maraming taon hindi ko napakinggan ang iyong tinig, tinig ng isang kalapati na umiibig. Maaari bang ulitin mo ang kanta para sa akin?»

«Uulitin ko iyan kahit na kung hindi mo hiniling sa akin. Ang mga anak ng Israel ay lagi nilang ipinagkakatiwala sa mga awit ang sinsirong mga sigaw ng kanilang mga pag-asa, mga lugod at mga kirot. Ipinagkatiwala ko sa isang awit ang gawaing sabihin sa aking sarili at sa iyo ang isang malaking lugod. Oo, ang sabihin din sa aking sarili sapagkat ito ay gayon kadakilang bagay na bagama't nakatitiyak na ako tungkol dito ngayon, ito ay tila hindi pa rin totoo para sa akin…» at sinisimulan niyang ulitin ang kanta. Ngunit nang siya ay nakarating sa punto: «Sa sangang iyon ay may isang rosas, may pinakamatamis na mansanas diyan, isang bituin…» ang kanyang mabuting nasa-tonong kontraltong tinig ay sa una nanginig, pagkatapos ito ay naputol, at nang may paghikbi sa tuwa tiningnan niya si Joachim at itinataas ang kanyang mga kamay siya ay sumigaw: «Ako ay isang ina, aking mahal!» At siya’y sumiksik sa dibdib ni Joachim, sa pagitan ng mga brasong iniabot sa kanya at ngayon nakayapos sa masayang asawa. Ito ang pinakabasal at pinakamasayang yakap na aking nakita kailanman sa aking buhay, basal at mainit sa pagkabasal nito.

At ang magiliw na paninita ay ibinulong sa abuhing buhok ni Anna: «At hindi mo sinasabi sa akin?»

«Sapagkat ibig kong makatiyak. Matanda nang katulad ko… ang malaman na ako ay isang ina… hindi ako makapaniwala na iyan ay totoo… Ayaw kong ibigay sa iyo ang pinakamapait na kabiguan sa lahat. Mula pa nang katapusan ng Disyembre nadama ko na, ang aking sinapupunan ay nagiging bago at nagbubunga, katulad ng sinasabi ko, isang bagong sanga. Ngunit ngayon sa sangang iyon ang bunga ay tiyak na… Kita mo? Ang linen na iyon ay para sa isang darating.»

«Hindi ba’t iyan ang linen na binili mo sa Herusalem noong Oktubre?»

«Oo, iyan. Inikid ko iyan habang naghihintay… at umaasa, ako’y umasa sapagkat sa huling araw habang ako ay nagdarasal sa loob ng Templo, sa pinakamalapit na lugar na maaaring makapunta ang isang babae sa Bahay ng Diyos, at noon ay gabi na… alalahanin na aking sinasabi: «Sandali na lang, kaunti pa”. Hindi ko maiwanan ang lugar nang hindi nakatatanggap ng grasya! Bueno, sa lumalagong kadiliman, mula sa loob ng sagradong lugar, kung saan ako nakaupong nakatingin mula sa kalaliman ng aking kaluluwa, upang makakuha ng pagsang-ayon mula sa laging-nariritong Diyos, nakakita ako ng isang liwanag, isang kislap ng magandang liwanag na lumipad. Iyon ay kasing puti ng buwan subalit nasa sarili nito mismo ang lahat na kaningningan ng lahat ng mga perlas at mga batong-hiyas na nasa mundo. Tila ang isa sa mahahalagang bituin ng Tábing ng sagradong lugar, ang mga bituin na nakalagay sa ilalim ng paanan ng Kerubin ay natanggal at naging maningning na may sobrenatural na liwanag… tila sa kabila ng sagradong Tábing, mula sa Kaluwalhatian mismo, ang isang apoy ay kumilos nang mabilis papunta sa akin at habang binabagtas ang ere, ito ay umaawit nang may makalangit na tinig nagpapaulit-ulit: “Sana ang iyong hinihingi, ay dumating sa iyo”. Iyan kung bakit inaawit ko: “Ang isang bituin ay darating sa iyo”. Anong bata ang magiging atin kailanman, dahil ibinunyag ang sarili nito bilang ang liwanag ng isang bituin sa loob ng Templo at sa Kapistahan ng mga Ilaw nagsasabi: “Ako nga”? Hindi kaya't tama ang nakinikinita mo noong inisip mo na ako ay magiging isang Anna ni Elkanah? Papaano natin pangangalanan ang ating anak, na aking nadarama na nakikipagusap sa akin sa loob ng aking sinapupunan nang kasing tamis ng himig ng mga tubig, sa pamamagitan ng maliit na puso nito na pumipintig nang paulit-ulit katulad ng puso ng isang magandang kalapati na hinahawakan ng mga kamay?»

«Kung iyan ay isang lalaki tatawagin natin siyang Samuel… Kung isang babae, Bituin. Ang salita na nagpatigil sa iyong awit upang ibigay sa akin ang lugod na malaman na ako ay isang ama. Ang porma na kinuha nito upang ibunyag ang sarili sa loob ng banal na lilim ng Templo.»

«Bituin. Ating Bituin, sapagkat, hindi ko alam kung bakit, ngunit sa palagay ko ito ay isang babae. Sa palagay ko ang ganyan katamis na mga haplos ay maaari lamang na manggaling sa isang napakagiliw na anak na babae. Sapagkat hindi ko siya dinadala, ako’y walang kirot na nararamdaman. Siya ang nagdadala sa akin sa isang asul na bulaklakin na landas, na tila ako ay sinusuportahan ng mga anghel at ang lupa ay napakalayo na… Lagi kong napapakinggan ang mga babae na nagsasabi na masakit ang maglihi at magdalang-tao. Ngunit wala akong nararamdamang kirot. Pakiramdam ko ako ay malakas, bata, mas sariwa pa kaysa nang iniharap ko sa iyo ang aking kabirhinan sa aking malayo nang kabataan. Anak na Babae ng Diyos – sapagkat ang nilikhang ito ipinanganak ng isang tuyong tuod, ay mas anak ng Diyos kaysa anak natin – hindi siya nagbibigay ng kirot sa kanyang ina. Nagdadala lamang Siya ng kapayapaan at mga pagpapalà: ang mga bunga ng Diyos, ang kanyang totoong Ama.»

«Maria, kung gayon, ang itatawag natin sa Kanya! Tala ng ating dagat, perlas, kaligayahan. Ang pangalan ng unang dakilang babae sa Israel. Ngunit Siya ay hindi kailanman magkakasala laban sa Panginoon at sa Panginoon lamang Niya ibibigay ang Kanyang mga awit, sapagkat Siya ay iniaalay sa Kanya: isang biktima bago pa man ipanganak.»

«Oo, Siya ay iniaalay sa Kanya, lalaki man o babae, maging anuman ito, pagkatapos na kasiyahan ang ating anak sa loob ng tatlong taon, ibibigay natin Siya sa Panginoon. Mga biktimang katulad natin mismo kasama siya, para sa kaluwalhatian ng Diyos.»

Wala na akong makita o mapakinggang ano pa man.

 

jesus sinab

⁵Sinasabi ni Jesus:

«Ang Karunungan, matapos na paliwanagan sila sa pamamagitan ng mga panaginip sa gabi, ay bumaba na “hininga ng kapangyarihan ng Diyos, purong pagdaloy ng kaluwalhatian ng Makapangyarihan”, at naging Salita para sa baog na isa.

Ngunit pansamantala, para sa lugod ng pagkakaroon ng isang Ina, Ako ay bumulong ng isang misteryosong salita sa loob ng lilim ng Templo na naglalaman ng mga pag-asa ng Israel, ng Templo na ngayon nasa katapusan na ng buhay nito, sapagkat ang isang bago at tunay na Templo ay malapit nang dumating sa lupa, hindi na naglalaman ng mga pag-asa ng iisang sambayanan, bagkus ng katiyakan ng Paraiso para sa sambayanan ng buong mundo, at para sa mga siglo at marami pang mga siglo hanggang sa katapusan ng mundo. At ginawa ng Salitang ito ang himala na maging mabunga kung ano ang dating baog. At ang himala din na mabigyan Ako ng isang Ina, Na hindi lamang nagkaroon ng pinakamabuting disposisyon, na natural lamang na Siya ay magkaroon, bilang ipinanganak ng dalawang santo, bagkus, pambihirang nilikha, Na hindi lamang nagkaroon ng isang mabuting kaluluwa katulad na mayroon pa ang marami, hindi lamang na may nagpapatuloy na pag-unlad sa kabaitan dahil sa Kanyang mabuting kalooban, hindi lamang na may imakuladang katawan, bagkus may imakuladang kaluluwa.

⁶Nakita ninyo ang patuloy na paglikha ng mga kaluluwa mula sa Diyos. Ngayon isipin kung ano ang maaaring kagandahan ng kaluluwang ito na tiningnan nang magiliw ng Ama bago pa nagsimula ang panahon, bumuo sa kasiyahan ng Trinidad, kinasabikan ng Trinidad na adornohan ng mga regalo Nito, upang iharap ito sa Sarili Nito. O! Kabanalbanalang Maria na nilikha ng Diyos para sa Sarili Niya at pagkatapos para sa kaligtasan ng mga tao! Tagapagdala ng Tagapagligtas, Ikaw ang unang kaligtasan. Buháy na Paraiso, sa pamamagitan ng Iyong ngiti sinimulan Mo ang pagpapabanal sa mundo.

Ang kaluluwang nilikha upang maging ang kaluluwa ng Ina ng Diyos! Nang ang mahalagang kislap na ito ay lumabas mula sa mas masiglang pintig ng Tatlong-ibayong Pagmamahal ng Trinidad, ang mga anghel ay nagbunyi sapagkat ang Paraiso ay hindi pa nakakita ng mas maningning pang liwanag. Katulad ng petalo ng isang makalangit na rosas, isang mistikal at mamahaling petalo, na isang batong-hiyas at isang apoy, ang hininga ng Diyos ay bumabang ibang-iba kaysa para sa iba upang mabigyan ng buhay ang isang katawan. Ito ay bumabang napakamakapangyarihan sa init nito upang ang Kasalanan ay hindi ito nito nahawahan, ito’y dumaan sa mga kalangitan at ipinaloob ang sarili sa isang banal na sinapupunan.

Ang mundo ay nagkaroon na ng Bulaklak nito, ngunit hindi pa nito ito nakikilala, ang totoo, pambihirang Bulaklak, na mamumulaklak magpasawalanghanggan: ang liryo at rosas, ang mabangong biyoleta at hasmin, ang helianthus at cyclamen naghalo at kasama nito ang lahat na mga bulaklak sa lupa nagsama-sama sa iisang Bulaklak lamang: si Maria, kung Kanino ang bawat grasya at birtud ay nagsama-sama.

Sa buwan ng Abril ang lupain ng Palestina ay nagmumukhang isang malaking hardin at ang halimuyak at mga kulay ay nagpapasaya sa mga puso ng mga kalalakihan. Ngunit ang pinaka magandang Rosas ay hindi pa nakikilala. Siya ay namumulaklak na sa Diyos sa kalihiman ng sinapupunan ng Kanyang ina, sapagkat ang Aking Ina ay nagmahal na, mula pa noong Siya ay ipinaglihi. Ngunit kapag lamang ibinigay na ng baging ang dugo nito upang magawang alak at ang matamis na malakas na mga amoy nito mapuno nito ang mga bakuran at ang mga butas ng mga ilong, Siya ngingiti sa Diyos muna at pagkatapos sa mundo, nagsasabi sa pamamagitan ng Kanyang pinaka inosenteng ngiti: “Naririto, ang Baging na magbibigay sa inyo ng Buwig ng mga ubas upang mapisa sa mga pisaan, upang ito ay maging eternal na Gamot para sa inyong sakit, ay kasama na ninyo”.

Sinabi Ko: “Si Maria ay nagmahal na, mula pa noong Siya ay ipinaglihi!” Ano ang nagbibigay liwanag at kaalaman sa kaluluwa? Grasya. Ano ang nag-aalis sa Grasya? Original na kasalanan at ang mortal na kasalanan. Si Maria, ang imakulada, ay hindi kailanman inalisan ng alaala tungkol sa Diyos, ng kalapitan ng Diyos, ng pagmamahal ng Diyos, ng tanglaw ng Diyos, ng karunungan ng Diyos. Nakaiintindi at nakapagmamahal Siya kung gayon noong Siya ay bagkus isa pa lamang laman na napoporma sa paligid ng isang imakuladang kaluluwa na nagpapatuloy  sa pagmahal.

⁷Pagkatapos, gagawin Kong pagnilayan mo ang kalaliman ng pagkabirhen ni Maria. Magkakaroon ka ng lubos na makalangit na kaligayahan, katulad noong pinahintulutan kitang  tingnan mo ang aming eternidad. Pansamantala tingnan kung papaano ipagdalang-tao ang isang nilikhang walang Batik na siyang nagkakait sa tao ng Diyos, nagbibigay sa ina ng superior na katalinuhan at ginagawa siyang isang propeta, bagama't siya ay ipinaglihi sa natural at pantaong paraan. Ang propeta ng kanyang anak na babae, na kanyang tinatawag: “Anak na Babae ng Diyos”. At tingnan kung ano sana ang siyang nangyari kung ang inosenteng mga bata ay ipinanganak ng inosenteng Unang mga Magulang, katulad ng ginusto ng Diyos.

Tao, sinasabi mo na ikaw ay nakahandang maging “superman”, at sa pamamagitan ng iyong mga bisyo ikaw ay patungo lamang na maging “super-dimonyo”. Ang posibilidad na mabuhay at mamuhay nang walang pagkakahawa ni Satanas, ipinauubaya sa Diyos ang pangangasiwa sa buhay, kaalaman, at kabutihan, ay sana ang siyang naging pamamaraan na magawa kang “superman”, hindi naghahangad ng higit pa sa ibinigay sa iyo ng Diyos at ito’y nagkukulang lamang nang kaunti sa pagiging walang-hangganan. At sa gayon, sa isang ebolusyon patungo sa perpeksiyon, nagagawa mo sanang magkaroon ng mga anak, na magiging mga lalaki sa kanilang mga katawan at mga anak ng Katalinuhan sa kanilang mga kaluluwa: mga panalunan, malalakas, mga higante laban kay Satanas, na matagal na sanang natalo libu-libong mga siglo pa bago ang oras, kung kailan siya ay hihiyain, at ang lahat niyang mga  kasamaan kasama niya.»

(16) 150510/020613



Sunod na kabanata.