402. Patungong Emmaus sa Kapatagan.

Marso 27, 1946.

Ang bukang-liwayway ay naglalagay ng malagatas na kaberdehang kaningningan sa kalangitan, sa itaas ng malamig na tahimik na lambak. At ang kurap nito, na liwanag at hindi pa liwanag, ay nararating ang taluktok ng dalawang dalisdis. Tila hinahaplos nito nang malumanay ang pinakamatataas na bahagi ng mga kabundukan ng Judaea, nagsasabi sa matatandang punungkahoy na nagkokorona sa mga ito: «Naririto ako, bumababa ako mula sa langit, nanggagaling ako sa silangan, pinangungunahan ang pamimitak ng araw, at pinalalayas ko ang kadiliman at nagdadala ng liwanag, aktibidad at ang pagpapalà ng isdang bagong araw na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos.» At ang mga taluktok ng bundok ay ginigising ng paglagaslas ng mga dahon at ng pagsiyap ng unang mga ibon na ginising ng nanginginig na mga sanga at ng unang malabong liwanag. At ang bukang-liwayway  ay mas bumababa pa, hanggang sa mga nasa ilalim ng mga punungkahoy, sa mga damo, sa mga bitak, pababa at pababa pa, binabati ng dumaraming pagsiyap sa pagitan ng mga sanga  at ng pagkaluskos na ingay ng mga butiking-gubat sa pagitan ng mga damo. At sa wakas nararating nito ang maliit na ilog, hanggang sa kalaliman, at ginagawa nito ang madidilim na tubig na maging malalabong malaplatang kislap na palinaw nang palinaw at paningning pa nang paningning. At pansamantala, sa itaas doon, sa kalangitan, kung saan ang indigo ng gabi ay naglaho sa pagiging maputlang asul, ang unang pagbabalita ng pagsikat-ng-araw ay lumitaw, ginagawa itong asul na may batik ng rosal... At ang isang alapaap ay lumitaw, maliit, mahimulmol, at malarosas nang bulâ...

Si Jesus ay lumabas ng gruta at tumitingin... Pagkatapos naghuhugas Siya sa ilog, nililinis Niya ang Kanyang sarili, isinusuot ang Kanyang mga damit, tumitingin sa gruta... Ngunit hindi Siya tumatawag... Sa halip inaakyat Niya ang bundok, at pumunta upang manalangin sa ibabaw ng umuusling taluktok, na napakataas na posibleng makita ang isang malawak na tanawin sa silangan, ngayon ganap nang kulay rosal sa bukang-liwayway, at sa kanluran may bahid pa ng indigo. Siya ay nananalangin... marubdob, sa Kanyang mga tuhod, na ang Kanyang mga siko nasa lupa, halos nakapatirapa... At Siya ay nananalangin nang ganyan, hanggang marinig Niya ang mga tinig ng nagising na mga disipulo tinatawag Siya.

Siya ay tumayo at tumugon: «Darating Ako!» At ang alingawngaw ng makipot na lambak ay inuulit-ulit ang alingawngaw ng perpektong tinig. At ang lambak ay tila ikinakalat nito sa kapatagan, halos di-maaninag sa kanluran, ang pangako ng Panginoon: «Darating Ako» upang ang kapatagan ay sana magbunyi bago pa man.

Si Jesus ay lumakad nang may isang buntung-hininga at isang pangungusap na naglalagom ng Kanyang mahabang panalangin at nililinaw ito: «Ama, paginhawahan Ninyo Ako...»

Bumababa Siya nang mabilis at nang makarating Siya sa ibaba, binati Niya ang Kanyang mga apostol nang may pinakamabait na ngiti at nang dating mga salita: «Kapayapaan sa inyo sa bagong araw na ito.»

«At sa Inyo, Guro» lahat sila tumugon.

Si Judas din ay hindi masyadong mabalasik at nagsosolo, hindi ko alam kung ito ay dahil nakatitiyak sa pananahimik ni Jesus, Na hindi sa kanya nagalit at tinatrato siyang katulad ng iba, o dahil sa loob ng gabi gumawa siya ng isang plano sa ikalalamang niya. Sa katunayan nagtanong siya sa katauhan ng lahat: «Pupunta ba tayo sa Herusalem? Kung tayo ay pupunta, kailangan nating bumalik nang kaunti at tawirin ang tulay na iyon. Sa kabila ay may isang kalsada na maghahatid sa isa sa Herusalem.»

«Hindi.  Pupunta tayo sa Emmaus sa kapatagan.»

«Bakit? At papaano ang Pentekostes?»

«May panahon pa. Ibig Kong pumunta upang makita sina Nicodemus at Jose, sa daan ng mga kapatagan, patungo sa dagat...»

«Ngunit bakit?»

«Sapagkat hindi pa Ako napupunta roon at ang mga taong iyon ay naghihintay para sa Akin... At dahil ang mabubuting disipulo ay iyan ang ibig. Magkakaroon tayo ng panahon para sa lahat.»

«Iyan ba ang sinabi sa Inyo ni Johanna? Iyan ba kung bakit niya Kayo tinawag?»

«Walang pangangailangan para diyan. Sinabihan nila Akong personal noong Paskuwa. At tinutupad Ko ang Aking mga pangako.»

«Hindi ako pupunta roon... Baka sila nasa Herusalem na... Ang kapistahan ay malapit na... At maging ano pa man... Baka makatagpo Kayo ng ilang mga kaaway, at...»

«Nakakatagpo Ako ng mga kaaway kahit saan, sila ay laging malapit sa Akin...» at si Jesus ay sinulyapan ang apostol, na siyang Kanyang paghihirap...

Si Judas ay hindi na nagsasalita pa. Napaka-delikado na pagusapan ang mga detalye! Nabatid niya ito at siya'y naging tahimik.

Sina Juan at Andres ay bumalik may dalang ilang maliliit na prutas, na tila kabilang sa mga pamilya ng prambuwesas at istroberi, ngunit mas maiitim nang kaunti, halos katulad ng hilaw ng mga blackberry, at binibigay nila ito kay Jesus: «Gusto Ninyo ito. Nakita namin ito kagabi at umakyat kami ngayon upang ito ay pitasin para sa Inyo. Kainin Ninyo. Masarap iyan.»

Si Jesus ay hinahaplos ang dalawang mabuting bata-pang mga apostol na iniaalok sa Kanya ang prutas nakalagay sa malapad na dahon na hinugasan sa ilog, at mahigit pa sa kanilang prutas inaalay nila sa Kanya ang kanilang pagmamahal. Si Jesus ay kinuha ang mga pinakamaganda sa lahat at ibinibigay ang ilan sa bawat isa sa mga apostol na kinakain ito kasama ang ilang tinapay.

«Nagsikap kaming makakuha ng ilang gatas para sa Inyo. Ngunit wala pang mga pastol sa paligid...» sabi ni Andres humihingi ng paumanhin.

«Wala anuman iyan. Maglakad tayo nang mabilis upang sana makarating tayo sa Emmaus bago uminit nang husto.»

At sila ay lumakad at ang mga mas nagugutom pa ay patuloy na kumakain, habang naglalakad sa malamig na lambak, na palapad nang palapad, nagtatapos sa napakatabang lupa, kung saan ang mga manggagapas ay nagtatrabaho nang husto.

«Hindi ko alam na si Nicodemus ay may mga bahay sa Emmaus» wika ni Bartolomeo.

«Hindi sa Emmaus. Sa mas malayo pa. Mga bukid ng mga kamag-anak na kanyang minana...» nagpapaliwanag si Jesus.

«Gaano kaganda ang kabukiran!» bulalas ni Tadeo.

Ito sa katunayan ay isang karagatan ng ginintuang mga tainga ng trigo na may mga lootan, na isang tunay na panaginip, at may mga ubasan na nangangako na ng maluwalhating mga ubas. Mabuting napatutubigan katulad nito, sapagkat ang kalapit na mga bundok ay nagbubuhos ng maraming maliliit na agos ng tubig sa mga buwan kung kailan ang pagpapatubig ay labis na kinakailangan, at dahil mayroon itong mga bumubukal na tubig, ito ay tunay na isang agrikultural na Eden.

«H’m! Ito ay mas maganda kaysa sa nakaraang taon» pabulong ni Pedro. «Mayroon man lamang ngayong tubig at prutas...»

«Ang kapatagan ng Sharron ay mas maganda pa» tugon ng Zealot.

«Ngunit hindi ba ito iyon?»

«Hindi, iyon ay pagkatapos nito. Ngunit ito ay apektado na niyon...» Ang dalawang apostol ay lumayo sa grupo nagsasalita sa isa’t isa.

«Iyon ay pag-aari ng mga Pariseo, hindi ba?» tanong ni Santiago ni Zebedeo, tinuturo ang magandang kabukiran.

«Tiyak na pag-aari iyon ng mga Judaean. Kinamkam nila ang pinaka-magagandang mga lupa, inaalis sa dating mga nagmamay-ari sa maraming mga pamamaraan» tugon ni Tadeo, na baka naaalaala ang ari-arian ng kanyang mga ninuno sa Judaea, mula kung saan sila ay pinalayas ipinaghihirap ang malaking kawalan.

Ang Iskariote ay nasaktan sa sinabi at nagsalita: «Kung iyon ay inalis sa inyo iyon ay dahil kayo, mga Galilean, ay mas di-banal, kayo ay mas mabababa...»

«Paalalahanan kita na si Alfeo at si Jose ay mula sa sambahayan ni David. Kung kaya't sila ay napilitan na lumakad gawa ng Edikto at magrehistro sa Bethlehem sa Judah. At iyan kung bakit Siya ay ipinanganak doon» kalmanteng tugon ni Santiago ni Alfeo, pinangungunahan ang isang masakit na tugon mula sa kanyang mapusok na kapatid, at tinuturo ang Panginoon Na nagsasalita kina Mateo at Felipe.

«O! Bueno! Sasabihin ko na may mabuti at masamâ kahit saang lugar. Sa aming negosyo nilalapitan namin ang lahat na tao ng lahat ng mga lahi at matitiyak ko sa inyo na nakakita ako ng tapat at di-tapat na mga tao sa bawat lahi. Maging ano pa man... bakit ipagyabang ang pagiging mga Judaean? Ginusto kaya natin iyan? H’m! Noong ako ay nasa loob ng sinapupunan ng aking ina wala akong nalalaman tungkol sa pagiging Judaean o Galilean! Ako ay naroroon... at iyan lamang. At nang ako ay ipinanganak, nababalot akong maginhawa sa mga lampin, nang hindi nag-aalala kung ang sinisinghot kong hangin ay Judaean o Galilean... nalalaman ko lamang ang tungkol sa utong na aking nanay... At kayong lahat ay katulad ko. Kung gayon bakit mabalisa na ngayon, dahil ang isa ay ipinanganak sa hilaga at ang isa sa timog? Hindi ba’t tayo ay lahat sa Israel?» sabi ni Tomas nang may-kabaitan at may pagiging-tama. 

Tama ka, Tomas» tugon ni Juan. At naghihinuha siya: «At ngayon tayo ay pag-aari ng isang lahi lamang: lahi ni Jesus.»

«At Siya ay may pinanggalingan na isang Judaean, ngunit ipinaglihi at nanirahan sa Galilee, pagkatapos na Siya ay maipanganak sa Bethlehem, na tila ibig Niyang sabihin sa atin, sa pamamagitan ng katibayan ng mga pangyayari, na Siya ay ang Tagapagtubos ng lahat ng Israel, mula sa hilaga hanggang sa timog. At sa palagay ko ang Kataastaasan ay ginusto iyan upang maturuan tayo na ang pagkakahati-hati ay laban sa pagmamahal para sa ating kapwa at na Siya ay pinadala upang tipunin ang lahat katulad ng naglilimlim na inahing-manok na binanggit sa Banal na mga Aklat. Dahil lamang na Siya ay tinawag na “ang Galilean”, hindi kailangan ng sinuman na bale-walain ang mga Galilean» sabi ni Santiago ni Alfeo nang may-kabaitan ngunit may-katatagan.

Si Jesus na tila hindi nakikinig habang nakikipagusap kina Mateo at Felipe, mga ilang hakbang sa unahan ng iba, ay lumingon at nagsabi: «Tama ka, Santiago ni Alfeo. Naiintindihan mo ang Katotohanan at ang mga katotohanan, at ang hustisya ng bawat pagkilos ng Diyos. Sapagkat ang Diyos, at ito ay kailangan na laging tandaan ng bawat isa, ay hindi gumagawa ng kahit ano nang walang pinatutungkulan, katulad na hindi Niya pinababayaan na walang matatanggap na gantimpala ang ginagawa ng matutuwid na tao. Pinagpalà ang mga nakakakita sa mga rason ng Diyos kahit sa pinakamaliliit na mga pangyayari at sa mga tugon ng Diyos sa mga sakripisyo ng mga tao.»

Si Pedro ay lumingon at magsasalita na sana. Ngunit siya ay nananatiling tahimik at ngumingiti lamang siya sa kanyang Guro, Na nakabalik na sa grupo ng Kanyang mga apostol, dahil sila ay naglalakad na ngayon sa isang malapad na pangunahing daan sa pagitan ng mga ginintuang bukid.

Sila ay nagpapatuloy pagawing Emmaus, na nasa malapit na, na isang grupo ng mapuputing nakasisilaw na mga bahay sa pagitan ng ginintuang kulay ng mga hinog nang butil at ng berdeng matabang mga lootan.

«Guro! Guro! Tigil! Naririto ang Inyong mga disipulo!» sigaw ng mga tinig mula sa malayo, at ang isang grupo ng mga kalalakihan, humihiwalay mula sa ilang mga magbubukid na nagpapahinga sa loob ng lilim ng isang taniman ng mga mansanas,

«Kapayapaan sa inyo. Kayo ay naririto?»

«Oo, Guro. Lagi making nasa tabi ng mga baybayin ng dagat. Papunta na kami ngayon sa Herusalem. Sa mas malayo pa si hilaga ay naroroon si Stephen kasama ang iba pang mga disipulo. At sa mas malayo pa ay naroroon si Hermas kasama ang iba pa. At si Isaac, ang aming maliit na guro, ay nasa mas malayo pa sa hilaga. Siya man lamang ay naroroon dati. Katulad na si Timoneus ay nasa rehiyon ng ibayo ng Jordan. Ngunit sa ngayon maaaring sila ay nasa paligid upang pumunta sa kapistahan ng Pentekostes. Sa gayon napoporma namin ang maraming mga grupo, maliliit na grupo, ngunit aktibo. At kung kami ay kanilang uusigin, maaaring mabihag ang iba, ngunit hindi lahat sa amin» paliwanag ni Matthias.

«Nagawa ninyo ang tamang bagay. Ako ay nagtaka na hindi kayo nakikita kahit saan sa katimugang Judaea...»

«Guro... Kayo ay patungo roon... Sino ang makagagawa nang mas mabuti pa kaysa sa Inyo?... O! ang Judaea ay nagkaroon na ng mas higit pa sa kinakailangan upang maging banal!... Subalit!... binabato nila ang mga nagdadala sa kanila ng salita ng Langit. Si Elias at si Jose ay pinagbubúgbóg sa mga bangin ng Kidron at sila ay pumunta sa ibayo ng Jordan sa bahay ni Solomon. Si Jose ay halos napatay ng isang bato na tumama sa kanyang ulo. Nanirahan sila sa loob ng walong araw sa loob ng isang malalim na gruta, kasama ang lalaki na Inyong pinadala at may kaalaman tungkol sa lahat na mga lihim ng mga bundok. Pagkatapos sa gabi, unti-unti silang lumilipat sa kabilang tabi...»

Ang mga disipulo at mga apostol ay nababalisa sa pagsasariwa at pakikinig sa gayong mga pag-uusig. Ngunit si Jesus ay pinakakalma sila nagsasabing” «Ang mga inosente ay pinapupula ng purpura ng kanilang inosenteng dugo ang daan ng Kristo. Ngunit ang daan na iyan ay kailangan na malagyan ng purpura nang paulit-ulit, upang mabura ang mga bakas ng Kasamaan sa daan ng Diyos. Iyan ay isang maharlikang daan. Pinapula ng mga martir alang-alang sa Akin. Pinagpala sa pagitan ng mga pinagpala ang mga nakadaranas ng mga pag-uusig alang-alang sa Akin.»

«Guro, kami ay nagsasalita sa mga magbubukid na iyon. Maaari ba Kayong magsalita sa kanila ngayon na?» tanong ni Juan, ang dating pastol.

«Lakad at sabihin sa kanila na Ako ay magsasalita sa paglubog-ng-araw malapit sa geyt ng Emmaus. Ang araw ay pinipigilan Ako ngayon. At harinawang ang Diyos ay makasama ninyo. Naroroon Ako sa dulo ng daan na ito.»

Pinagpapalà Niya sila at lumakad muli naghahanap ng lilim, sapagkat ang araw ay napakainit sa maputing daan, na sa tabi nito ang dalawang hilera ng mga punungkahoy ay nagbibigay ng napakaliit na lilim.

071110

 



Sunod na kabanata