406. Sa Ari-Arian ni Jose ng Arimathea.

Marso 31, 1946.

Dito rin ang mga tagagapas ay nagtatrabaho nang husto. Hindi lang, bagkus, mas mabuti pang sabihin: ang mga tagagapas ay nagtrabaho nang husto. Ang mga karit, sa katunayan, ay hindi na kinakailangan, dahil wala ni isang uhay ang naiwan na hindi putol, ang mga bukid bilang mas malapit sa mga baybayin ng Mediterraneo kaysa ng mga bukid ni Nicodemus. Si Jesus sa katunayan ay hindi pumunta sa Arimathea, bagkus sa mga ari-arian ni Jose sa kapatagan, pagawing dagat, at ang mga bukid dito bago pa ang pag-ani ay maaaring nagmumukhang isa pang maliit na lugar ng dagat ng mga uhay ng trigo, napakalaki ng mga ito.

Sa gitna ng lantad na mga bukid ay may isang mababa, malapad na maputing bahay: isang pangkabukirang bahay, ngunit mabuting naaalagaan. Ang apat na giikang lugar nito ay pinupuno ng mga tungkos na nakaayos nang grupu-grupo, katulad ng ginagawa ng mga sundalo sa kanilang mga bagahe kapag sila ay tumitigil sa mga kampo. Maraming kariton ang nagdadala sa mahalagang mga bagahe mula sa mga bukid patungo sa mga giikang-sahig, kung saan maraming kalalakihan ang nagdidiskarga at nag-aayos nito, habang si Jose ay palipat-lipat sa isang giikan patungo sa isa pa, tinitiyak na ang lahat ay ginagawa nang nasa ayos.

Mula sa tuktok ng isang bunton sa ibabaw ng isang kariton ang isang magbubukid ay nagbabalita: «Panginoon, nakatapos na kami. Ang lahat na ginapas ay nasa loob na ng inyong giikan. Ito ang huling kariton ng huling bukid.»

«Mabuti. Alisan ng laman ang kariton, alisan ng pamatok ang mga baka at pagkatapos dahil sila sa painuman na lugar at pagkatapos sa mga kulungan. Nagtrabaho sila nang husto at nararapat ng kapahingahan. Ngunit ang huling gawain ay magiging magaan sapagkat ang mga may-kabaitang puso ay napaginhawahan ng lugod ng ibang mga tao. Tatawagin na natin ngayon ang mga anak ng Diyos na pumarito at bibigyan natin sila ng regalo ng Ama. Abraham, lakad at tawagin sila» sinabi niya pagkatapos sa isang mala-patriyarkang magbubukid, na baka siya ang unang katulong na magbubukid sa mga tauhan ng ari-arian ni Jose. Sa palagay ko siya nga, sapagkat nakikita ko ang ibang magbubukid na may labis na paggalang para sa matandang lalaki, na hindi nagbubukid, bagkus nangangasiwa at tumutulong sa may-ari sa pamamagitan ng kanyang mga payo.

Ang matandang lalaki ay lumakad... nakikita ko siyang patungo sa isang napakababang gusali, na mas isang panilungan kaysa sa isang bahay, na may dalawang malalaking pintuan na umaabot hanggang sa mga gilid ng alulod. Sa palagay ko ito ay isang uri ng bodega kung saan ang mga kariton at iba pang pang-agrikulturang mga kagamitan ay tinatago. Siya ay pumasok at lumabas sinusundan ng isang miserableng pulutong ng iba-ibang mga tao ng bawat edad... at ng bawat antas ng paghihirap. May mga nangayayat na tao subalit walang pisikal na mga kapansanan, at may mga pilay, bulag at napinsalang mga tao, at mga taong may sakit ang mga mata... Maraming balo na may maliliit na ulilang mga bata sa paligid nila, at mga asawa ng mga may-sakit na mga lalaki, malungkot, sira-sira ang damit, nanghihina sa pagbabantay at pagsasakripisyo upang mapagaling ang kanilang mga asawa.

Sila ay lumalapit nang may tipikong aspekto ng mahihirap na tao na patungo sa isang lugar kung sila matutulungan: may mahiyaing hitsura, ang pagka-kimi ng matatapat na mga mahihirap, subalit, may isang ngiti na lumilitaw lamang sa kanilang mga labì nagbibigay kulay sa kalungkutan na naka-marka sa kanilang matamlay na mga mukha gawa ng maraming araw ng kapighatian, subalit, may kaunting kislap ng pananagumpay, na halos isang tugon sa marahas na katigasan ng kapalaran sa loob ng nagpapatuloy na malulungkot na mga araw, na tila upang sabihin: «Ngayon ay isang kapistahang araw din para sa amin, ito ay isang kapistahan, kagalakan, kaginhawahan para sa amin!»

Ang maliliit na bata ay naidilat ang kanilang mga mata sa harapan ng mga tambak ng mga tungkos, na mas matataas pa kaysa sa bahay, at itinuturo ang mga ito nagsabi sila sa kanilang mga ina: «Ito ba ay para sa atin? O! Gaano kaganda!». Ang matatanda ay bumubulong: «Harinawang ang Pinagpalang Isa ay pagpalain ang maawaing isa!». Ang mga pulubi, mga pilay, ang bulag at ang mga may-kapinsalaan na mga tao at and mga may depekto ang paningin: «Tayo rin ay magkakaroon ng tinapay sa wakas, nang hindi na iniuunat ang ating mga kamay sa paghingi para rito!». At ang mga maysakit ay nagsasabi sa kanilang mga kamag-anak: «Maipagpapatuloy man lamang namin ang pagpapagamot nalalaman na hindi kayo maghihirap dahil sa amin. Ang mga gamot ay makagagawa ng mabuti sa amin ngayon.» At ang mga kamag-anak ay tumutugon sa mga maysakit: «Kita ninyo? Ngayon hindi na ninyo sasabihin na kami ay mag-aayuno upang magkaroon kayo ng isang mumo ng tinapay. Kung kaya't maging masaya ngayon!..» At ang mga balo sa kanilang maliliit na ulila: «Mahal na mga anak, pagpapalain natin ang Ama sa Langit nang marubdob, dahil umaakto Siyang inyong ama, at ang mabuting si Jose din na Kanyang administrador. Ngayon hindi na namin kayo mapapakinggan na umiiyak dahil kayo ay nagugutom, kaawa-awang mga anak, na mga ina lamang ang mayroon kayo upang makatulong sa inyo... Kaawa-awang mga ina na walang kayamanan bagkus ang kanilang mga puso...» Ito ay isang malugod na koro at tanawin, ngunit nagagawa rin nitong bumukal ang mga luha sa iyong mga mata...

At nang ang di-masayang pulutong ay nasa harapan na niya, si Jose ay nagsimulang maglakad nang pauli-uli sa kanilang mga pila, tinatawag sila nang isa-isa, nagtatanong kung ilan sila sa pamilya, gaano na sila katagal na naging balo, o may sakit at iba pang kagaya nito... at ito ay kanyang tinatandaan. At para sa bawat kaso nagbibigay siya ng mga tagubilin sa mga katulong na magbubukid: «Bigyan ng sampu. Bigyan ng tatlumpu.»

«Bigyan ng animnapu» sabi niya pagkatapos na pinakinggan ang isang halos bulag na matandang lalaki na pumunta sa kanya kasama ang labimpitong mga apo, lahat wala pang labindalawang taong gulang, mga anak ng isang anak na lalaki at isang anak na babae niya na namatay, ang una noong panahon ng pag-aani noong nakaraang taon, ang huli noong panganganak... at ang matandang lalaki ay nagsabi: «ang kanyang asawa ay inalo ang sarili sa pag-aasawa muli pagkaraan ng isang taon, at pinadala niya sa akin ang kanyang limang anak nagsasabi na dadalawin niya sila. Sa halip, wala ni isang sentimos!... Ngayon ang aking asawa ay namatay na rin at ako ay naiwanan... ng mga ito...»

«Bigyan ng animnapu ang matandang ama. At kayo, ama, maghintay dito, mamaya bibigyan kita ng ilang mga damit para sa maliliit na bata.»

Ang mga katulong ay nagpaalaala na kung sila ay magpapatuloy sa pagbibigay lagi ng animnapung mga tungkos, hindi magkakaroon ng sapat para sa lahat...

«At nasaan ang iyong pananampalataya? Ako kaya ay nag-iimbak ng mga tungkos para sa aking sarili at inuubos ito? Hindi. Hindi, sila ay para sa mga anak na mahal-na-mahal ng Panginoon. Ang Panginoon Mismo ang bahala na may sapat para sa lahat» tugon ni Jose sa katulong.

«Oo, panginoon. Ngunit ang mga bilang ay mga bilang...»

«At ang pananampalataya ay pananampalataya. At upang ipakita sa iyo na ang pananampalataya ay nagagawa ang lahat, inuutos ko sa iyo na doblehin ang dami ng ibinigay sa mga nauna. Gawin ang nagkaroon ng sampu na magkaroon ng sampu pa, at ang nagkaroon ng dalawampu, dalawampu pa at bigyan ang matandang lalaki ng sandaan at dalawampu. Lakad! Gawin iyan!»

Ang mga katulong ay ikinibit ang kanilang mga balikat at isinagawa ang utos. At ang pamamahagi ay nagpapatuloy habang ang namamanghang mga benepisyaryo ay nagbubunyi nakikita na sila ay tumatanggap ng dami na lumalampas sa pinaka-maasahin na mga pag-asa. At si Jose ay ngumingiti, hinahaplos ang maliliit na bata na abalang-abala sa pagtulong sa kanilang mga ina, o kanyang tinutulungan ang mga pilay na mga nag-aayos ng kanilang maliliit na tumpok, tinutulungan niya ang mga napakatanda na na magawa ito, o ang mga babae na nangayayat nang husto, at mayroon siyang dalawang may-sakit na tao na itinabi upang mabigyan pa ng ibang tulong, katulad ng kanyang ginawa sa matandang lalaki na may labimpitong apo.

Ang mga tumpok na kanina ay mas mataas pa kaysa sa bahay ay ngayon napakababa na, halos nasa lupa na. Ngunit ang lahat ay nagkaroon ng kanyang bahagi, at isang masaganang bahagi. Si Jose ay nagtanong: «Ilan pang tungkos ang naiiwan?»

«Sandaan at labindalawa, panginoon» tugon ng mga katulong pagkatapos na mabilang ang natitira.

«Bueno. Kukunin ninyo...» si Jose ay tinitingnan ang listahan ng mga pangalan na kanyang ginawa, at pagkatapos siya ay nagsabi: «Kukunin ninyo ang limampu at itabi iyan para sa binhi, sapagkat iyan ay banal na binhi. At ang tira ay ibibigay nang tig-iisa sa bawat ulo ng pamilya na naririto. Iyan ay eksaktong animnapu’t dalawa.»

Ang mga katulong ay sumunod. Dinala nila ang limampung tungkos sa ilalim ng portiko at ipinamigay ang natitira. Ngayon ay wala nang malalaking tumpok sa mga sahig ng giikan. Ngunit sa lupa ay may animnapu’t dalawang maliliit na tumpok, ng iba't ibang laki, at ang mga may-ari nito ay abala sa pagtatali sa mga ito sa ibabaw ng mga pansamantalang karetilya, o sa ibabaw ng bulilit na mga asno na kanilang kinalagan sa bakod sa likuran ng bahay.

Ang matandang si Abraham, na kanina pa nakikipagusap sa mga pangunahing mga magbubukid na katulong, ay nilalapitan ang kanyang panginoon kasabay sila at ang panginoon ay nagtanong sa kanila: «Bueno? Nakita ba ninyo? May sapat para sa lahat! At may sobra pa!»

«Panginoon! May misteryo rito! Hindi maaaring naibunga ng ating mga bukid ang lahat na tungkos na inyong ipinamahagi. Ako ay ipinanganak dito at ako ay pitumpu’t walong taon na. Animnapu’t anim na taon na akong gumagapas dito. At nalalaman ko. Tama ang aking anak. Kung walang nangyaring misteryo hindi natin maipamamahagi ang labis na iyon!...»

«Gayunman isang katotohanan na naipamahagi natin iyon, Abraham. Kayo ay nasa tabi ko. Ang mga tungkos ay naipamigay ng mga katulong. Wala ritong panggagaway. Ito ay hindi isang panaginip. Mabibilang pa ninyo ang mga tungkos. Naririto pa ito, bagama't napaghati-hati na.»

«Oo, panginoon. Ngunit... hindi posible na naibunga ng mga bukid ang napakarami!»

«At papaano ang tungkol sa pananampalataya, aking mga anak? Papaano ang pananampalataya? Ano ang ating gagawin sa ating pananampalataya? Mapasisinungalingan ba ng Panginoon ang Kanyang lingkod na nangako sa Kanyang Pangalan at para sa isang banal na pakay?»

«Kung gayon, nakagawa kayo ng isang himala?!» bulalas ng mga katulong, handa nang umawit ng mga hosana.

«Hindi ako ang tipo ng tao na gumagawa ng mga himala. Ako ay isang kaawa-awang tao. Ang Panginoon ang gumawa nito. Nabasa Niya ang aking puso at nakita ang dalawang hiling sa loob nito: ang una ay ang madala kayo sa aking pananampalataya. Ang ikalawa ay ang makapagbigay nang labis, labis para sa di-masasayang mga kapatid kong ito. Ang Diyos ay pumayag sa mga mithiin kong ito... at trinabaho Niya. Pagpalain nawa Siya para diyan!» sabi ni Jose yumuyukod nang napakamagalang na tila siya ay nasa harapan ng isang altar...

«At ang Kanyang lingkod kasama Siya» sabi Jesus Na matagal nang nagtatago sa likuran ng sulok ng isang maliit na bahay na napaliligiran ng isang hilera ng mga tanim; hindi ko alam kung ito ay ang pinaggagawan ng tinapay o ang gilingan ng langis. At Siya ngayon ay lantad nang makikita sa sahig ng giikan, kung saan si Jose ay nakatayo.

«Aking Guro at aking Panginoon!!» bulalas ni Jose bumabagsak sa kanyang mga tuhod upang pagpitaganan si Jesus.

«Kapayapaan sa inyo. Ako ay naparito upang pagpalain ka sa ngalan ng Ama, at upang gantimpalaan ang iyong karidad at ang iyong pananampalataya. Ako ay magiging iyong panauhin sa gabing ito. Kailangan mo ba Ako?»

«O! Guro! Ako ba ay tinatanong Ninyo? Kaya lang... kaya lang hindi ko Kayo mapararangalan dito... Kasama ko ang aking mga katulong at mga magbubukid... sa aking pangkabukiran na bahay... wala akong mga pinong pansapin sa mesa, walang mayordomo, walang sanay na mga katulong... wala akong pinong mga pagkain... walang piling mga alak... wala akong mga kaibigan dito... Ito ay magiging isang kaawa-awa ngang pag-aruga... Ngunit maiintindihan Ninyo... Bakit, Panginoon, hindi Ninyo ako pinasabihan muna? Nakapaghanda sana ako... Si Hermas ay naririto noong makalawa kasama ang kanyang mga kaibigan... Sa katunayan ginamit ko sila upang mapaalam ang mga taong ito, kung kanino gusto kong ibigay ang pag-aari ng Diyos... Ngunit si Hermas ay hindi nagsabi ng kahit ano sa akin! Kung nalaman ko lamang!... Pahintulutan ako, Guro, na makapagbigay ng mga tagubilin, upang sana makakita ako ng remedyo... Bakit Kayo ngumingiti nang ganyan?» sa wakas nagtanong si Jose, na nasa kalituhan na kasama ang biglang kaluguran at dahil sa sitwasyon na kanyang iniisip... isang sakuna.

«Ako ay ngumingiti sa iyong mga di-kinakailangan na mga pagsasakit. Jose, ano ang iyong hinahanap? Kung ano ang mayroon ka?»

«Ang mayroon ako? Wala ako kahit ano.»

«O! Anong isang materyalismong tao ka ngayon! Bakit hindi ka na ang espirituwal na Jose ng kani-kanina pa lamang, noong ikaw ay nagsasalita na isang marunong na tao? Noong ikaw ay nangangako, puno ng kompiyansa, para sa iyong pananampalataya at upang makapagbigay ng pananampalataya?»

«O! napakinggan ba Ninyo ako?»

«Napakinggan at nakita kita, Jose. Ang hilera ng mga laurel na iyon ay may pakinabang nang husto, dahil mula doon nakikita Ko na ang Aking itinanim sa iyo ay hindi patay. Iyan kung bakit Ko sinasabi na nag-aalala ka ng tungkol sa mga walang kuwentang bagay. Wala kang mga mayordomo at sanay na mga katulong? Ngunit kung saan isinasabuhay ang karidad, ang Diyos ay naroroon, at kung saan naroroon ang Diyos, naroroon ang Kanyang mga anghel. Kung gayon aling mga tagapamahala ang mas sanay pa kaysa sa kanila ang gusto mo? Wala ka bang masasarap na pagkain at mga piling alak? Aling pagkain ang gusto mong ibigay sa Akin, aling inumin ang mas masarap pa kaysa sa pagmamahal na iyong inihahain para sa mga taong ito at mayroon ka para sa Akin? Wala ka bang mga kaibigan upang maparangalan Ako? At ano ang mga ito? Aling mga kaibigan ang mas mahal pa sa Guro, Na ang pangalan ay Jesus, kaysa sa mahihirap at sa mga di-masasaya?  Ano ka ba, Jose! Kahit na kung si Herodes pa ay nagbalik-loob sa Diyos at bubuksan niya ang kanyang mga bulwagan upang maparangalan at maaruga Ako, sa loob ng isang napadalisay na palasyo at ang mga namumuno ng lahat ng mga lipi ay naroroon, hindi Ako magkakaroon ng mas piling korte pa kaysa sa isang ito, kung saan ibig Kong makapagsalita at makapagbigay ng isang regalo. Pahihintulutan mo ba Ako?»

«O! Guro! Gusto ko ang lahat na gusto Ninyo! Sabihin sa akin.»

«Sabihin sa kanila na mag-ipun-ipon, at gawin din ang mga katulong na mag-ipun-ipon dito. Laging nang may ilang tinapay para sa atin... Mas mabuti pa para sa kanila na makinig sa Aking salita ngayon, kaysa sa tumatakbo rito at doon inaabala ang kanilang mga sarili tungkol sa mga walang kuwentang bagay.»

Ang namanghang mga tao ay mabilis na nag-ipun-ipon sa paligid...

Sinasabi ni Jesus: «Nabatid ninyo rito na ang pananampalataya ay nakapagpaparami ng butil kung ang ganyang mithiin ay nakabatay sa mithiin ng pagmamahal. Ngunit huwag ninyong italaga ang inyong pananampalataya sa materyal na mga pangangailangan. Ang Diyos ay nilikha ang unang butil ng trigo at mula pa noon ang trigo ay namumunga para sa tinapay ng mga tao. Ngunit nilikha din ng Diyos ang Paraiso at naghihintay ito para sa mga mamamayan nito. Ito ay nilikha para sa mga tao na namumuhay ayon sa Batas at nananatiling matapat sa kabila ng nakapamimighating mga pagsubok ng buhay. Magkaroon ng pananampalataya at kayo ay makapananatiling banal sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, katulad na si Jose ay nagawang makapamahagi ng dobleng dami ng butil upang magawa kayong masaya nang doble at makumpirma ang kanyang mga katulong sa pananampalataya. Sasabihin Ko sa inyong totoo na kung ang tao ay may pananampalataya sa Panginoon, at kung ito ay para sa makatarungang rason, ni ang mga bundok, na ang mabatong mga bituka nito ay nakaugat sa lupa, ay makapanlalaban, at sila ay lilipat mula sa isang lugar patungo sa isa pa sa utos ng sinuman na may pananampalataya sa Panginoon. Mayroon ba kayong pananampalataya sa Diyos?» Dagdag Niya pinatutungkulan ang lahat.

«Oo, Panginoon!»

«Sino ang Diyos ayon sa inyo?»

«Ang Kabanalbanalang Ama, ayon sa itinuturo sa amin ng mga disipulo ng Kristo.»

«At ano ang Kristo sa inyo?»

«Ang Tagapagligtas. Ang Guro. Ang Banal na Isa!»

«Iyon lang?»

«Ang Anak ng Diyos. Ngunit hindi namin dapat sabihin iyan, sapagkat kung sasabihin namin, ang mga Pariseo ay uusigin kami.»

«Ngunit naniniwala ba kayo na Siya ay ang Anak ng Diyos?»

«Oo, Panginoon.»

«Bueno, dagdagan ang inyong pananampalataya. Kahit na kung kayo ay tahimik, ang mga bato, ang mga tanim, ang mga bituin, ang lupa, ang lahat ay ipapahayag na ang Kristo ay ang totoong Tagapagtubos at Hari. Ipapahayag nila ito sa oras ng Kanyang pagtaas, kapag Siya ay nasa Kanya nang kabanalbanalan na purpura na may girnalda ng Panunubos. Pinagpalà ang mga maniniwala diyan magmula ngayon at mas maniniwala pa kahit pagkatapos niyan, at magkakaroon ng pananampalataya sa Kristo at gawa nito magkakaroon ng eternal na buhay. Mayroon ba kayo ng ganyang di-mayayanig na pananampalataya sa Kristo?»

«Oo, Panginoon. Sabihin sa amin kung nasaan Siya, at makikiusap kami sa Kanya na dagdagan ang aming pananampalataya upang pagpalain katulad ng sinasabi Ninyo.» Hindi lamang ang mahihirap, bagkus ang mga katulong din, ang mga apostol at si Jose ay sumali sa huling panalangin.

«Kung kayo ay may kasing laki ng pananampalataya katulad ng isang buto ng mustasa, at pinananatili ninyo ang mahalagang perlas ng inyong pananampalataya sa loob ng inyong mga puso, nang hindi pinapayagan ang kahit anong pantao, o mahigit pa sa pantao o masamang bagay na maagaw ito sa inyo, ang bawat isa sa inyo ay magagawang sabihin sa malaking puno ng “mulberry” na iyan na nagbibigay ng lilim sa balon ni Jose: “Buhatin ang iyong sarili at mapatanim sa mga alon ng dagat”.»

«Ngunit nasaan ang Kristo? Aming Siyang hinihintay upang mapagaling. Ang Kanyang mga disipulo ay hindi kami pinagaling, bagkus sinasabi nila: “Magagawa Niya iyan”. Ibig namin na mapagaling upang makapagtrabaho» sabi ng maysakit at walang-kakayahan na mga lalaki.

«At naniniwala ba kayo na magagawa iyan ng Kristo?» tanong ni Jesus sumisenyas kay Jose na huwag magsalita na Siya ang Kristo.

«Naniniwala kami diyan. Siya ay ang Anak ng Diyos. Nagagawa Niya ang lahat.»

«Oo. Nagagawa Niya ang lahat... at gusto Niya ang lahat!» sigaw ni Jesus inuunat ang Kanyang kanang kamay nang makahari at pagkatapos ibinababa ito na tila upang manumpa. At nagtatapos Siya sa pamamagitan ng isang makapangyarihang sigaw: «At gawin na iyan ang mangyari, sa kaluwalhatian ng Diyos!»

At Siya ay patalikod na upang pumunta sa bahay. Ngunit ang mga napagaling, mga dalawampu katao, ay sumisigaw, nagmamadaling pinalibutan Siya sa isang kalituhan ng mga nakaunat na kamay upang mahipo, pagpalain, makuha ang Kanyang mga kamay, mga damit, upang mahalikan at mahaplos Siya. Naihiwalay nila Siya kay Jose, sa lahat.

At si Jesus ay ngumingiti, humahaplos, nagpapalà... Unti-unti Niyang pinakawalan ang Kanyang Sarili, at sinusundan pa rin ng mga tao, Siya ay nawala patungo sa bahay habang ang mga hosana ay tumataas sa kalangitan, na nagiging kulay biyoleta na sa loob ng nagsisimula pa lamang na takipsilim.

211110

 

 



Sunod na kabanata