409. Ang Mahimalang Paghihimalay sa Kapatagan.

Setyembre 27, 1944.

Si Jesus ay dumaraan kasama ang Kanyang mga disipulo sa isang kabukiran na ganap na kulay-ginto sa mga hinog na butil. Bagama't ngayon ay kaagahan ng umaga ito ay napakainit. Ang mga tagagapas ay gumagapas sa tabi ng mga daang-araro na makapal sa mga butil, gumagawa ng walang-laman na mga puwang sa gitna ng kulay-gintong mga butil. Ang mga panggapas ay nagniningning nang isang sandali sa araw, nawawala ito sa pagitan ng matataas na uhay ng mga butil, lalabas ulit ito nang sandali sa kabila at ang mga tungkos ay yumuyuko at hahapay sa lupa naiinitan ng araw, na tila ito ay mga pagod sa katatayo sa loob ng maraming buwan. Ang ilang mga babae ay sinusundan ang mga tagagapas, tinatalian ang mga tungkos. Ang buong kabukiran ay abala sa gawain na ito. ang ani ay naging napakabuti at ang mga tagagapas ay masayang-masaya.

Maraming mga lalaki, kapag sila'y malapit sa daan kung saan dumaraan ang apostoladong grupo, ang tumitigil nang sandali sa pagtatrabaho sumasandal sa kanilang panggapas at pinupunas ang kanilang mga pawis at sila ay titingin... Ang mga babaeng nagtatali ng mga tungkos ay ganito rin ang ginagawa. Sa kanilang magagaang damit, ang kanilang mga ulo natatakpan ng maputing tela, nagmumukha silang mga bulaklak na lumilitaw mula sa lupa na nawalan ng mga uhay ng butil: mga amapola, mga bulaklak ng trigo, mga margarita. Ang mga lalaki, sa maiikling kulay-abo o manilaw-nilaw na mga tunika, ay hindi masyadong mapapansin. Ang tanging magaang bagay na kanilang suot ay ang isang piraso ng tela na nakatali sa kanilang mga ulo na may tali at nakabitin sa ibabaw ng kanilang mga leeg at mga pisngi. Ang kanilang nangitim na mga mukha, napaliligiran ng puting tela, ay tila mas maitim.

Nang makita ni Jesus na Siya ay kanilang tinitingnan, Siya ay dumaan na bumabati: «Ang kapayapaan at pagpapalà ng Diyos ay sumainyo» at ang iba ay tumutugon: «Harinawang ang pagpapalà ng Diyos ay bumalik sa Inyo» o mas simple: «At sumainyo rin.»

Ang ilan ay mas madaldal, ginagawa si Jesus na maging interesado sa pag-ani nagsasabing: «Napakabuti ngayong taon. Tingnan ang maayos na nakorteng mga butil na ito at tingnan kung gaano sila kakapal sa mga daang-araro. Isang mahirap na trabaho ang putulin sila. Ngunit ito ay tinapay!...»

«Maging mapagpasalamat sa Panginoon. At nalalaman ninyo na ang isa ay kailangan na ipakita ang kanyang pasasalamat hindi sa pamamagitan ng mga salita bagkus sa pamamagitan ng mga gawa. Maging maawain sa inyong pag-ani, iniisip ang Kataastaasan Na maawaing nagkaloob ng hamog at sikat ng araw sa inyong mga bukid, upang kayo ay magkaroon ng maraming ani. Alalahanin ang alituntunin ng Deuteronomio. Sa pag-ani ng kayamanan na binigay ng Diyos, isipin ang mga taong wala, at iwanan sila ng ilan ng inyo. Ito ay isang banal na pagsisinungaling dahil ito ay karidad para sa inyong kapwa at nakikita ito ng Diyos. Mas mabuting maging payag sa pagbigay kaysa maging sakim sa pag-ipon. Ang Diyos ay pinagpapalà ang mapagbigay na mga tao. Mas maraming kaligayahan sa pagbigay kaysa sa pagtanggap, sapagkat napipilitan nito ang Diyos, Na makatarungan, na magbigay ng mas masaganang gantimpala para sa kanya na isang maawain.» Si Jesus ay dumaraan inuulit ang Kanyang payo ng pagmamahal.

Ang araw ay mas umiinit. Ang mga naggagapas ay tumigil sa pagtatrabaho at ang mga mas malapit sa kanilang mga bahay ay bumabalik sa mga ito, ang mga mas malalayo sa kanilang mga bahay ay nag-iipun-ipon sa loob ng lilim ng mga punungkahoy at sila ay nagpapahinga, kumakain at umiidlip doon.

Si Jesus ay naninilungan din sa loob ng isang palumpungan sa gitna ng kabukiran at nauupo sa damo, pagkatapos na makapagdasal at makapag-alay ng kanilang kakaunting pagkain, na kinabibilangan ng tinapay, keso at mga olibo, pinamamahagi Niya ang rasyon at kumakain nagsasalita sa Kanyang mga apostol. Dito ay may lilim, kalamigan at perpektong katahimikan. Ang katahimikan ng isang maaraw ng tag-init. Isang katahimikan na nag-aanyaya sa isa na matulog. Ang karamihan sa kanila, sa katotohanan, ay umiidlip pagkatapos na makakain. Si Jesus ay hindi umiidlip. Siya ay nagpapahinga nakasandal na ang Kanyang likod nasa isang puno, at nagkakaroon Siya ng interes sa mga insekto na mga nagtatrabaho sa mga bulaklak.

Sa isang sandali kinawayan Niya si Juan, si Judas Iskariote at ang isa sa mas matatandang apostol, na Kanyang tinatawag na Bartolomeo, at nang sila ay malapit na sa Kanya, sinabi Niya: «Tingnan lang ang gawa ng maliit na insektong ito. Tingnan. Matagal Ko na itong pinapanood. Gustong kunin ng nito mula sa kalis, na napakaliit, ang pulot na naiipon sa ibaba nito, at sa dahilan na hindi siya makaabot doon, tingnan: inuunat ang isang paa muna pagkatapos ang isa naman, tinutubog ang paa sa pulot at pagkatapos kakainin ito. Halos naubos na niya ang pulot. Tingnan kung gaano kagandang bagay ang Katalagahan ng Diyos! Hindi kinaliligtaan na bilang walang ilang mga sangkap-ng-katawan ang olibong-berdeng insekto, na nilikha upang lumipad sa ibabaw ng berdeng mga parang, ay hindi mapakakain ang sarili nito, ang Katalagahan ay pinagkalooban ito ng munting mga buhok sa mga paa nito. Nakikita ba ninyo ang mga ito? Nakikita mo, Bartolomeo? Hindi? Tingnan. Huhulihin Ko na ito at ipakikita Ko sa inyo sa liwanag» at Kanyang maselan na kinuha ang salagubang, na nagmumukhang pinakintab na ginto, at inilatag itong patihaya sa ibabaw ng Kanyang kamay.

Ang salagubang ay nagkukunwaring patay at ang tatlo ay iniiksamin ang munting mga paa nito. Pagkatapos ang salagubang ay nagsimulang isipa ang mga paa nito, upang makatakas. Ito ay hindi magtagumpay, siyempre, ngunit ito ay tinutulungan ni Jesus at ito ay nakatayo sa mga paa nito. Ang munting nilikha ay naglalakad sa ibabaw ng palad ni Jesus, hanggang sa layo ng dulo ng Kanyang mga daliri, ito ay bumitin at ibinuka ang mga pakpak nito. Ngunit ito ay hindi nagtitiwala. «Hindi nito nalalaman na Ako ay walang ibang gusto bagkus ang ikabubuti ng bawat nilikha. Mayroon lamang ito ng munting likas-na-simbuyo nito, na perpekto kung ikukumpara sa kalikasan nito, at sapat sa lahat na pangangailangan nito. Ngunit napakababa sa kaisipang pantao. Ang isang insekto kung gayon ay hindi pinananagot kung ito ay makagawa ng mali. Ang tao ay pinananagot, sapagkat mayroon siya sa loob niya ng mas mataas na liwanag ng katalinuhan, na mas lumalaki habang siya ay mas natuturuan sa mga bagay ng Diyos. At dahil dito siya ay may pananagutan para sa kanyang mga kilos.»

«Kung gayon, Guro, dahil kami ay tinuturuan Ninyo, mas mabigat ba ang aming pananagutan?» tanong ni Bartolomeo.

«Oo, napakabigat. At magiging mas mabigat pa ito sa hinaharap kapag ang Sakripisyo ay napangyari na, at ang Panunubos ay dumating na kasama ang Grasya, na isang lakas at liwanag. At pagkatapos nito, ang Isa ay darating Na gagawing mas maintindihan ninyo nang mas mabuti ang kapangyarihan ng kalooban. At siya na ayaw ito, ay pananagutin.»

«Napakakaunti lamang, kung gayon, ang maliligtas!»

«Bakit, Bartolomeo?»

«Sapagkat ang tao ay nakapahina!»

«Ngunit kung patitibayin niya ang kanyang kahinaan sa pagtitiwala sa Akin, magiging malakas siya. Sa palagay mo ba hindi Ako nag-aalam ng inyong mga pakikipaglaban? Kita mo? Si Satanas ay katulad ng gagambang iyan na naglalatag ng patibong mula sa munting sangang iyon hanggang sa tangkay na ito. Ito ay napakanipis at mapanlinlang! Tingnan kung gaano ang sapot na iyon nagniningning. Iyan ay nagmumukhang katulad ng pilak ng di-mahipong piligrina. Ito ay di-nakikita sa gabi at sa madaling araw, bukas, magniningning ito na may mga hiyas, at ang di-maingat na mga langaw, na naglalagalag sa gabi naghahanap ng di-malinis na pagkain, ay mahuhuli rito, pati na rin ang magagaang paruparo, na nabibighani ng kung ano ang nagniningning...»

Ang mga apostol ay lumapit sa Guro at nakikinig sa leksiyon na galing sa gulay at sa mga kaharian ng hayop.

«... Bueno, ang Aking pagmamahal ay ginagawa, ang hinggil kay Satanas, kung ano ang ginagawa ngayon ng Aking kamay. Sinisira nito ang sapot. Tingnan kung papaano ang gagamba tumatakbo at nagtatago. Natatakot ito sa kung ano ang mas malakas. Si Satanas din ay natatakot ng kung ano ang mas malakas. At kung ano ang mas malakas ay ang Pagmamahal.»

«Hindi ba’t mas mabuti kung patayin ang gagamba?» tanong ni Pedro, na napaka-praktikal sa kanyang mga kongklusyon.

«Mas mabuti pa. Ngunit ang gagamba ay ginagawa nito ang kanyang tungkulin. Totoo na napapatay nito ang abang maliliit na paruparo, na napakaganda, ngunit nalilipol nito ang napakalaking bilang ng maruruming langaw, na nagdadala ng mga sakit at impeksiyon mula sa mga may-sakit patungo sa malulusog na tao, mula sa mga labí patungo sa mga buháy.»

«Ngunit sa kaso namin ano ang nagagawa ng gagamba?»

«Ano ang nagagawa nito, Simon? (Si Simon ay isa ring maedad na lalaki at isa sa mga nagrereklamo ng tungkol sa rayuma).  Ginagawa nito kung ano ang nagagawa ng inyong mabuting kalooban. Pinapatay nito ang pagwawalang-bahala, kawalang-damdamin, kahambugang pagpapahalaga-sa-sarili. Mapipilit kayo nitong maging mapagbantay. Ano ang nakagagawa sa inyo na kayo'y maging karapat-dapat ng premyo? Ang pakikipaglaban at tagumpay. Mananalo ba kayo kung hindi kayo nakikipaglaban? Ang presensya in Satanas ay mapipilitan kayong magbantay ng walang-tigil. Ang Pagmamahal, kung gayon, Na nagmamahal sa inyo, ay ginagawa ang kanyang presensya na hindi kinakailangan na makasasamâ. Kung lagi kayong mananatiling malapit sa Pagmamahal, manunukso si Satanas ngunit magagawa siyang walang-kakayahan na makagawa ng tunay na pinsala.» 

«Lagi?»

«Lagi. Sa malalaki at maliliit na bagay. Halimbawa, maliliit na bagay: walang-bisang magpapayo siya sa iyo na pangalagaan mo ang iyong kalusugan. Isang mapanlinlang na payo upang mailayo ka sa Akin. Ngunit ang Pagmamahal ay hinahawakan ka nang mahigpit, Simon, at ang iyong nararamdamang mga kirot ay magiging walang importansiya kahit na sa iyong mga mata.»

«O! Panginoon! Nalalaman Ninyo?...»

«Oo, nalalaman Ko. Ngunit huwag mawalan ng lakas-ng-loob. Magsaya! Ang Pagmamahal, Na siyang unang ngumingiti sa iyong kalikasang pagkatao na nanginginig dahil sa rayuma, ay bibigyan ka ng labis na lakas-ng-loob...» Si Jesus ay tumatawa sa Kanyang napapahiyang apostol at niyakap siya upang paginhawahan siya. Kahit na kung tumatawa Siya ay puno ng dignidad. Ang iba rin ay tumatawa.

«Sino ang pupunta upang tulungan ang kaawa-awang matandang babaeng iyon?» sabi ni Jesus tinuturo ang isang maliit na matandang babae na, binabale-wala ang matinding init, ay naghihimalay sa mga bukid na nagapasan na.

«Ako» tugon ni Juan, ni Tomas at ni Santiago.

Ngunit si Pedro ay hinawakan si Juan sa manggas at hinihila sa tabi, nagsabi sa kanya: «Tanungin mo ang Guro kung ano ang nagpapasaya sa Kanya nang labis. Tinanong ko Siya ngunit ang Kanya lamang sinabi ay: “Ang Aking kasayahan ay ang nakikita na ang isang kaluluwa ay naghahanap para sa Liwanag”. Ngunit kung tatanungin mo Siya... Sinasabi Niya sa iyo ang lahat.»

Si Juan ay nasa pag-aalinlangan, hinahatak sa isang tabi ng pagpipigil at sa isang tabi ng mithiin na makaalam at mapagbigyan si Pedro. Unti-unti niyang sinasamahan si Jesus Na naghihimalay na sa bukid. Ang matandang babae, nakikita ang napakaraming bata-pang mga tao, ay napakilos nang malungkot at inabala ang sarili ng pagsisikap na makapanghimalay nang mas mabilis.

«Babae! Babae!» sigaw ni Jesus. «Mamumulot Ako para sa inyo. Huwag manatili sa araw, inay. Ako ay darating.»

Ang maliit na matandang babae, natulala sa labis na kabaitan, ay tinititigan Siya, pagkatapos siya ay sumunod at yumuyukong nanginginig nang kaunti ang kanyang payat na katawan siya ay naglakad patungo sa manipis na lilim sa tabi ng gilid ng bukid. Si Jesus ay mabilis na kumilos sa paligid namumulot ng mga uhay ng mga butil. Si Juan ay sinusundan Siya sa malapit. Sina Tomas at Santiago ay nasa malayo nang kaunti.

«Guro» sabi ni Juan hinihingal. «Papaano nangyayari na nakakakita Kayo ng napakaraming uhay ng butil? Sa katabing daang-araro kakaunti ang nakikita ko?»

Si Jesus ay ngumingiti ngunit hindi nagsasalita. Hindi ko masusumpaan ito, ngunit sa palagay ko ang mga uhay ng butil, na nagapas na ngunit hindi nakuha, ay lumalabas saan man mapunta ang dibinong mga mata ni Jesus. Iniipon Niya ito at ngumingiti. Mayroon na Siyang malaking kumpol ng mga uhay sa Kanyang mga kamay.

«Kunin mo ang Akin, Juan. Para mayroon ka ring marami at ang maliit na ina ay magiging masaya.»

«Ngunit, Guro... Gumagawa Kayo ng himala? Hindi posible para sa Inyo na makakita ng napakarami!»

«Manahimik! Ito ay para sa maliit na ina... iniisip ang iyong ina at ang Akin. Tingnan, anong maliit na matandang kaluluwa siya!... Ang mabuting Diyos, Na nagpapakain sa maliliit na bagong -panganak na mga ibon, ay gustong punuin ang munting kamalig ng lolang ito. Magkakaroon siya ng tinapay para sa mga buwan ng natitira pa sa kanya. Hindi na niya makikita ang susunod na anihan. Ngunit ayaw Kong siya'y magutom sa loob ng kanyang huling taglamig. Maririnig mo na ngayon ang kanyang mga pagbulalas. Juan, ihanda mo ang iyong mga tainga na mabingi, katulad na naghahanda na Ako upang mahugasan ng kanyang mga luha at mga halik...»

«Gaano Kayo naging masayahin sa mga ilang araw, Jesus! Bakit?»

«Ibig mo bang malaman o may nagpadala sa iyo?»

Si Juan, namumula na sa pagod, ay naging mas mapula.

Naintindihan ni Jesus: «Sabihin sa nagpadala sa iyo na mayroon Akong isang kapatid na may sakit at ibig na mapagaling. Ang kanyang mabuting kalooban na makapanumbalik ay pinupuno Ako ng lugod.»

«Sino ito, Guro?»

«Isang kapatid mo, isang minamahal ni Jesus, isang makasalanan.»

«Kung gayon, hindi isa sa amin?»

«Juan, sa palagay mo ba walang kasalanan sa pagitan ninyo? Sa palagay mo ba nagbubunyi Ako dahil lamang sa inyo?»

«Hindi, Guro. Alam ko na kami ay mga makasalanan din, at na ibig Ninyong iligtas ang lahat na tao.»

«Kung gayon? Sinabi Ko sa iyo: “Huwag maging mausisa” kapag may kasamaan na matutuklasan. Sinasabi Ko ang gayon din ngayon na ang kabutihan ay sisikat... Kapayapaan sa inyo, inay! Naririto ang mga uhay na aming napulot. Ang Aking mga kasamahan ay darating dala ang kanila.»

«Pagpalain nawa Kayo ng Diyos, anak. Papaano Kayo nakakita ng napakarami? Totoo na hindi makakita nang mabuti ang aking mga mata. Ngunit ito ay totoong dalawang malalaking tungkos... napakalaki...» Ang matandang babae ay hinihipo ito, ang kanyang nanginginig na kamay ay hinahaplos ito, ibig niya itong buhatin... Ngunit hindi niya magawa.

«Tutulungan namin kayo. Nasaan ang inyong bahay?»

«Ang isang iyon» at tinuturo niya ang isang maliit na bahay sa kabila ng mga bukid.

«Nag-iisa kayo, hindi ba?»

«Oo, papaano Ninyo nalalaman? At sino Kayo?»

«Ako ay isa na may isang ina.»

«Ito ba ay Iyong kapatid?»

«Siya ay Aking mahal na kaibigan.»

Mula sa likuran ni Jesus, ang Kanyang kaibigan ay gumagawa ng mga senyas sa matandang babae. Ngunit sa pamamagitan ng kanyang may-belong mga mata hindi niya makita ang mga pagsenyas. Maging ano pa man, abala siya sa pagtingin kay Jesus. Ang kanyang matandang puso ng isang ina ay lubos na naaantig.

«Ikaw ay pinagpapawisan, anak. Halika sa lilim ng punong ito. Maupo Ka. Tingnan kung gaano Ka umuusok sa pawis! Punasan Mo ang Iyong sarili sa pamamagitan ng aking belo. Ito ay luma ngunit malinis. Narito, kunin Mo, anak.»

«Salamat sa inyo, inay.»

«Pinagpala ang Iyong ina, ang ina ng napakabuting anak. Sabihin Mo sa akin ang Iyong pangalan at ang pangalan ng Iyong Ina. Upang sana mabanggit ito sa Diyos upang pagpalain Kayo.»

«Maria at Jesus.»

«Maria at Jesus... Maria at Jesus... Sandali. Minsan ako ay lumuha ng mapait na mga luha... Ang anak na lalaki ng aking anak na lalaki ay napatay sa pagsasanggalang sa kanyang sanggol na lalaki at ang aking anak ay namatay sa pamimighati... at sa oras na iyon sinabi nila na ang inosente ay pinatay sapagkat hinahanap nila ang isa na ang pangalan ay Jesus... Ngayon ako ay nasa pintuan na ng kamatayan at ang Pangalan na iyan ay bumabalik sa akin...»

«Kayo ay umiyak noon inay, dahil sa Pangalan na iyon. Pagpalain sana kayo ngayon ng Pangalan na iyon...»

Ikaw ang Jesus na iyon... sabihin iyan sa isang abang babae na mamamatay na at nabuhay nang hindi nanunumpa sapagkat siya na nasabihan na ang kanyang pamimighati ay nagsisilbing makapagliligtas sa Mesiyas para sa Israel.»

Si Juan ay dinoble ang kanyang mga pagsenyas. Si Jesus ay tahimik.

«O! sabihin sa akin! Ikaw ba iyon? Ikaw... pinagpapala ako sa katapusan ng aking buhay? Sa ngalan ng Diyos, magsalita.»

«Ako iyon.»

«Ah!» ang matandang babae ay nagpatirapa sa lupa. «Aking Tagapagligtas! Ako ay namuhay sa paghihintay at hindi na ako umaasang makita Kayo. Makikita ko ba ang Inyong pagtatagumpay?»

«Hindi, inay. Katulad ni Moses, mamamatay kayo na hindi nalalaman ang araw na iyon. Ngunit ibibigay Ko sa inyo  nang nauuna na ang kapayapaan ng Diyos. Ako ay Kapayapaan. Ako ang Daan. Ako ang Buhay. Kayo, isang ina at ang lola ng makatarungang mga anak, ay makikita Ako sa ibang eternal na pananagumpay at bubuksan ko ang mga pintuan sa inyo, sa inyong anak, sa anak na lalaki ng inyong anak na lalaki at sa kanyang sanggol na batang lalaki. Ang sanggol na iyon na namatay para sa Akin ay sagrado sa Panginoon! Huwag umiyak, inay!...»

«At nahipo ko Kayo! At nanghimalay Kayo ng mga uhay para sa akin! O! Papaano ako naging karapat-dapat ng labis na karangalan?!»

«Sa pamamagitan ng inyong banal na pagtanggap sa kung ano lamang ang nasa inyo. Halikayo, inay, sa inyong bahay. At harinawang ang trigong ito ay masustentuhan ang inyong kaluluwa nang higit pa ang inyong katawan. Ako ang totoong Tinapay na bumaba mula sa Langit upang mapunuan ang pagkagutom ng bawat puso. Kayo (sina Tomas at Santiago ay naisama na ang kanilang tungkos)... kunin ang mga tungkos na ito at tayo na.»

At ang tatlong apostol pasan ang mga tungkos ay lumakad, sinusundan ni Jesus at ng lola na lumuluha at bumubulong ng mga panalangin. Nakarating sila sa maliit na bahay: dalawang maliliit na silid, isang munting kusina, isang puno-ng-igos at isang maliit na ubasan. Kaayusan at karukhaan.

«Ito ba ang inyong tahanan?»

«Oo, ito. Pagpalain ito, Panginoon!»

«Tawagin ninyo Ako: anak. At manalangin na sana ang Aking Ina ay makatagpo ng kaginhawahan sa Kanyang kapighatian, dahil nalalaman ninyo kung ano ang ibig-sabihin ang kapighatian ng isang ina. Paalam, inay. Pinagpapala Ko kayo sa ngalan ng totoong Diyos.»

At si Jesus ay itinataas ang Kanyang kamay at pinagpapala ang maliit na bahay. Pagkatapos Siya ay yumuko at niyakap ang maliit na matandang babae, idinidiin Niya siya sa Kanyang puso at hinahalikan ang kanyang ulo na nababalot ng manipis na puting buhok. At siya ay umiiyak kinukuskos ang kanyang mga labi sa mga kamay ni Jesus nang may pagpipitagan at pagmamahal... at dinudurog ako ng kapighatian nito. Sapagkat naiisip ko ang aking ina na natakot sa Inyo, Jesus, noong makita niya Kayo... Bakit matakot sa Inyo, Jesus?

--------------------

Jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus:

«Bakit? Maraming mga bakit sa iyong puso pagkatapos ng diktasyon na ito. Ngunit magsisimula Ako mula sa nahuhuli (...)

Ang isang pagtatanong na nasa iyong puso ay laging kung nalalaman Ko noon na si Judas ay hindi maliligtas sa kabila ng pagsisikap na iyon na mailigtas siya. Alam Ko noon. Bakit kung gayon Ako ay masaya noon? Sapagkat ang simpleng mithiin din na naroroon noon, isang bulaklak sa tigang na lupa ng puso ni Judas, ay nagawa ang Ama na tingnan nang may-kabaitan ang Aking disipulo na Aking minamahal at hindi Ko maililigtas. Ang mata ng Diyos sa isang puso. Ano ba ang gugustuhin Ko bagkus na ang Ama ay tingnan kayong lahat nang may pagmamahal? At kinailangan Kong maging masaya na mabigyan din ang kaawa-awang sawing-palad na iyon ng pamamaraang iyon na makapanumbalik. Ang panggaganyak ng Aking lugod nakikita siyang bumabalik sa Akin.

Isang araw, pagkaraan ng Aking Kamatayan, nalaman ni Juan ang katotohanang ito at sinabi niya kay Pedro, kay Santiago, kay Andres at sa iba pa, sapagkat inutusan Ko ang Aking pinakamamahal na Apostol, na nakaaalam ng lahat ng lihim ng Aking puso, na gawin iyon. Siya ay nasabihan at sinabi niya sa kanila, upang ang lahat ay magkaroon ng isang patakaran sa paggabay sa mga disipulo at sa mga naniniwala pagdating ng araw.

Ang kaluluwa na pagkatapos na bumagsak ay bumabalik sa ministeryo ng Diyos at ikinukumpisal ang mga pagkakamali nito, kaibigan, anak, asawa o kapatid, na pagkatapos magkamali, ay lalapit nagsasabing: “Panatilihin akong kasama ninyo. Ayaw ko na muling magkamali upang hindi ko sana mapamighati ang Diyos at kayo”, ay hindi kailangan na pagkaitan, bukod sa iba pang mga bagay, ng kasiyahan ng nakikita ang ating kaligayahan sa pagkakita na sila ay nananabik na magawa tayong masaya. Walang-hangganang kahusayan-ng-pamamaraan ang kinakailangan sa paggamot sa mga puso. Ako, ang Karunungan, ay may gayong kahusayan-ng-pamamaraan upang maituro sa lahat ang kasanayan ng panunubos at ang pagtulong sa mga tinutubos ang kanilang mga sarili, bagama't nalalaman Ko noon na sa kaso ni Judas ito ay walang-silbi.

At ngayon sasabihin Ko sa iyo kung ano ang Aking sinabi kay Simon ng Cana: “Magsaya”, at niyayapos kita upang maramdaman mo na may isang tao na nagmamahal sa iyo. Ang Aking mga kamay ay nagbibigay ng mga kaparusahan, ngunit nagbibigay din ito ng mga haplos, at ang Aking mga labì ay nagsasalita ng mahihigpit na salita at mga salita din ng kasiyahan at ang huli ay mas madami at binibigkas nang may labis pang kaluguran.

Humayo sa kapayapaan, Maria. Hindi mo napamighati ang iyong Jesus, at sana iyan ay maging iyong kasiyahan.»

021210

 



Sunod na kabanata