412. Si Jesus sa Bangkete ni Helkai, ang Pariseo at Miyembro ng Sanhedrin.

Abril 10, 1946.

Si Jesus ay pinasok ang bahay ng Kanyang mayhanda, hindi malayo mula sa Templo, pagawi sa distrito sa paanan ng Tophet. Ito ay ang marangal, kung baga mahigpit na bahay ng isang istriktong mapunahin, hindi lang, bagkus isang malabis na mapunahin na tao. Naniniwala ako na kahit na mga pako ay inilagay ayon sa bilang at pusisyon katulad sa itinakda ng isa sa anim na raan at labintatlong mga alituntunin. Walang disenyo sa mga tela, wala ni isang palamuti sa mga pader, wala kahit isang abubot... wala ni isang dekorasyon sa kasalukuyan sa mga ito ng maliliit na mga bagay na mayroon sa loob ng mga bahay nina Jose at Nicodemus at ng pinaka mga Pariseo sa Capernaum. Dito... Ang espiritu ng may-ari ay humihinga sa bawat bahagi. Ito ay napakalamig, Walang-wala ng palamuti. Ang madidilim na mabibigat na muwebles, kinorteng katulad ng mga sarkopago, ay nagagawa itong walang-buhay. Ito ay nagpapalayas. Isang bahay na hindi nag-aaruga, bagkus palaban sa mga pumapasok dito.

At si Helkai ay pinakikita ito nang nagyayabang. «Kita Ninyo, Guro, kung gaano ako mapunahin? Ang lahat ay ito ang sinasabi. Tingnan: ang mga kurtina na walang kahit anong disenyo, walang-palamuti na muwebles, walang nililok na mga plorera o mga tsandelyer na ginagaya ang mga bulaklak. Naririto ang lahat, ngunit ang lahat ay tumutugon sa alituntunin: “Hindi kayo gagawa ng isang inukit na imahe o kahit na anong nakakatulad ang kahit na ano sa langit o sa lupa o sa mga tubig sa ilalim ng lupa”. At ganito ito sa loob ng bahay at tungkol din sa aking mga damit at sa sambahayan. Halimbawa, hindi ako sumasang-ayon sa burda sa tunika at manta ng Inyong disipulong ito (ang Iskariote). Tututol ka: “Marami ang sumusuot nito”. O: “Ito ay Griyegong palawit lamang”. O sige. Ngunit sa pamamagitan ng mga anggulo at mga kurba na iyan, napakalakas ang pagkakahawig nito sa mga tanda ng Ehipto. Nakakatakot! May-kadimonyohan na mga sipra! Mga tanda ng nigromante! Mga monograma ni Beelzebub! Hindi ito isang parangal sa iyo, Judas ni Simon, na suutin ang mga ito, o sa Inyo, Guro, na pahintulutan siya.»

Si Judas ay tumugon sa pamamagitan ng isang tusong nakapanunuyang tawa. Si Jesus ay tumugon nang mapagpakumbaba: «Kaysa sa mga tanda ng kanilang mga damit, tinitingnan Ko na walang mga tanda ng takot sa kanilang mga puso. Ngunit hihingin Ko, hindi lang, bagkus hinihingi Ko sa Aking disipulo ngayon, na magsuot ng hindi masyadong marangyang mga damit upang walang maiskandalo na sinuman.»

Si Judas ay may magandang inasal: «Sa katunayan ang aking Guro ay sinabi sa akin nang ilang beses na mas gusto Niyang mas simple ang aking mga damit. Ngunit... ginawa ko ang gusto ko, sapagkat gusto kong madamitan nang ganito.»

«Na masamâ, napakasamâ. Napakasamâ na ang isang Galilean ay turuan ang isang Judaean, lalo na ang tungkol sa iyo, dahil ikaw ay isa sa mga taga Templo... o!» Si Helkai ay tila labis na naiiskandalo at ang kanyang mga kaibigan ay sinamahan siya sa usapan.

Si Judas ay pagod na sa pagiging mabait. Siya ay sumagot: «O! kung gayon maraming mararangyang bagay na kayo mga miyembro ng Sanhedrin ay kailangan na alisin! Kung kailangan ninyong alisin ang lahat na mga guhit-na-larawan na ginagamit ninyo upang matakpan ang mga mukha ng inyong mga kaluluwa, magmumukha nga kayong pangit.»

«Papaano mo nasasabi iyan?»

«Bilang isang nakakakilala sa inyo.»

«Guro, napapakinggan ba Ninyo siya?»

«Napapakinggan Ko, at sasabihin Ko na ang pagpapakumbaba ay kinakailangan sa dalawang panig, ang katotohanan din. At kailangan na kayo ay maging mapagbigay sa isa’t isa. Diyos lamang ang perpekto.»

«Mabuting pagkasabi, Rabbi!» sabi ng isa sa mga kaibigan... Isang mahinang nangungulilang tinig sa grupo ng mga Pariseo at mga dalubhasa.

«Mali iyan, sa halip» tugon ni Helkai. «Ang Deuteronomio ay maliwanag sa mga panunumpa nito. Sinasabi nito: “Isumpa ang tao na naglililok o nagbubuo ng isang diyus-diyusan, isang kapoot-poot na bagay, gawa ng mga kamay ng isang artesano at...»

«Ngunit ang mga ito ay damit, hindi sila mga lilok» tugon ni Judas.

«Manahimik. Ang iyong Guro ay magsasalita. Helkai, maging makatarungan at gawin ang kinakailangan na pagkakaiba. Isumpa siya na gumagawa ng mga diyus-diyusan, hindi siya na gumagawa ng mga patern kinokopya ang magagandang bagay na inilagay ng Tagapaglikha sa sangnilikha. Pumipitas tayo ng mga bulaklak upang ipang-adorno...»

«Hindi ako pumipitas ng kahit ano at ayaw kong makita ang kahit anong silid na mayroon nito. Kapahamakan sa aking mga kababaihan kung makagawa sila ng ganyang kasalanan sa kanilang mga silid. Diyos lamang ang kailangan na hangaan.»

«Tamang-tama. Diyos lamang. Ngunit mahahangaan din natin ang Diyos sa isang bulaklak, nangungumpisal na Siya ang Artesano ng bulaklak.»

«Hindi, hindi! Paganismo! Paganismo!»

«Si Judith ay inadornohan ang kanyang sarili, gayon din si Esther para sa banal na pakay...»

«Mga pambabae! At ang isang babae ay laging isang kakutya-kutyang bagay. Ngunit nakikiusap ako sa Inyo, Guro, pumunta sa silid-kainan, habang umaalis ako nang isang sandali dahil kailangan kong magsalita sa aking mga kaibigan.»

Si Jesus ay pumayag nang walang usapan.

«Guro... nahihirapan akong huminga!...» bulalas ni Pedro.

«Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?» tanong ng ilang mga apostol.

«Hindi, ngunit hindi komportable ang aking pakiramdam... katulad ng isang nahulog sa isang bitag.»

«Huwag mabalisa. At maging napaka mahinahon, lahat kayo» payo ni Jesus.

Nananatili silang nakatayong magkakasama sa isang grupo, hanggang sa pumasok ang mga Pariseo sinusundan ng mga katulong.

«Maupo tayo kaagad. Kami ay may pagpupulong at hindi kami kailangan na mahuli» utos ni Helkai. At nagtatalaga siya ng mga upuan habang ang mga katulong ay naghahain ng pagkain.

Si Jesus ay nasa tabi ni Helkai at si Pedro ay nasa tabi Niya. Si Helkai ay inihahandog ang pagkain at ang kainan pagkatapos ay nagsimula sa katahimikan ng katulad sa patay... Pagkaraan sila ay nagsimulang magsalita at ang unang mga salita, siyempre, ay nakatuon kay Jesus, sapagkat ang Labindalawa ay kinalilimutan, na tila sila ay wala roon.

Ang unang katanungan ay itinanong ng isang doktor ng Batas. «Guro, nakatitiyak ba Kayo sa Inyong sinasabi?»

«Hindi Ko sinasabi ang ganyan Mismo. Ang mga propeta ay iyan ang sinasabi bago pa Ako mapasama sa ninyo.»

«Ang mga propeta!... Sa dahilan na Inyong ikinakaila na kami ang mga banal, baka tanggapin Ninyo na totoo ang aking igigiit na ang ating mga propeta ay baka mga hambog.»

«Ang mga propeta ay mga santo.»

«Ngunit kami ay hindi, kami ba? Ngunit alalahanin na pinagsasama ni Zephaniah ang mga propeta at ang mga pari kapag hinahatulan ang Herusalem: “Ang kanyang¹ mga propeta ay mga hambog, sila ay mga impostor, at ang kanyang² mga pari ay nilalapastangan ang banal na mga bagay, gumagawa sila ng karahasan sa Batas”. Patuloy Ninyo kaming pinupuna sa pamamagitan niyan. Ngunit kung tatanggapin Ninyo ang huling mga salita ng propeta, kailangan na tanggapin din Ninyo ang una at kung gayon tanggapin na ang isa ay hindi makaaasa sa mga salita ng mga hambog.»

«Rabbi ng Israel, tumugon sa Aking tanong. Nang pagkatapos ng ilan pang mga linya sinabi ni Zephaniah: “Sumigaw sa tuwa, anak na babae ng Zion... ang Panginoon ay inulit ang iyong pangungusap... ang Hari ng Israel ay nasa pagitan ninyo”, ang mga salita bang ito ay tinatanggap ng inyong mga puso?»

«Aking kaluwalhatian ang ulitin ang mga salitang iyan sa aking sarili pinananaginipan ang araw na iyan.»

«Ngunit iyan ay mga salita ng isang propeta, ng isang hambog, kung gayon...»

Ang doktor ng Batas ay nananatiling tulala nang sandali. Ang isa sa kanyang mga kaibigan ay tinutulungan siya. «Walang makapagdududa na ang Israel ay maghahari. Hindi lang isa, bagkus lahat na mga propeta, at ang mga patriyarka bago ang mga propeta, ang nagbanggit sa pangakong iyan ng Diyos.»

«At wala ni isa sa mga patriyarka at mga propeta ang nagkamaling banggitin kung sino Ako.»

«O! Bueno! Ngunit kami ay walang pruweba! Maaaring Kayo ay isang hambog din. Anong katibayan ang maibibigay Ninyo sa amin na Kayo ay ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos? Bigyan Ninyo ako ng panahon na limitasyon, na ako ay makapaghusga.»

«Hindi Ko tinutukoy sa iyo ang Aking Kamatayan na isinalarawan ni David at ni Isaiah, bagkus sa Aking Resureksiyon.»

«Kayo? Mabubuhay muli? At sino ang bubuhay sa Inyong muli?»

«Tiyak na hindi ikaw. Ni hindi ang Pontipise, o ang monarka, o ang mga lipi, o ang mga tao. Mabubuhay Akong muli sa pamamagitan ng Aking Sarili.»

«Huwag maglapastangan, Galilean, at huwag magsinungaling!»

«Wala Akong ginagawa bagkus ang parangalan ang Diyos at magsalita ng katotohanan. At kasama si Zephaniah sinasabi Ko sa iyo: “Maghintay para sa Akin sa Aking resureksiyon”. Hanggang sa oras na iyan maaari kang magduda, kayong lahat ay maaaring magduda at magtrabaho upang magduda ang mga tao. Ngunit hindi na magiging posible para sa iyo na magduda kapag ang Eternal na Buháy na Isa, pagkatapos na matubos ang sangkatauhan, ay bumangon sa pamamagitan Niya Mismo mula sa kamatayan upang hindi na muli mamatay.  Di-mahihipo, perpektong Hari, dala ang Kanyang setro at Hustisya Siya ay maghahari at maghuhusga hanggang sa katapusan ng mundo at magpapatuloy na maghahari magpasawalanghanggan sa Langit.»

«Hindi ba Ninyo nababatid na Kayo ay nagsasalita sa mga doktor at mga miyembro ng Sanhedrin?» tanong ni Helkai.

«At kung gayon ano? Tinanong mo Ako, at tinugunan Ko ang mga tanong. Nagpapakita ka ng mithiin na matuto, at pinaliwanag Ko sa iyo ang katotohanan. Pagkatapos na ipaalaala sa Akin ang sumpa ng Deuteronomio, dahil sa isang guhit na larawan sa isang damit, hindi mo ipapaalaala sa Akin ang tungkol sa isa pang sumpa sa gayon din na Aklat: “Isang sumpa sa kanya na humahampas sa kanyang kapwa nang lihim”.»

«Hindi ko Kayo hinahampas. Binibigyan ko Kayo ng pagkain.»

«Hindi. Ngunit ang iyong tusong mga katanungan ay mga dagok sa likuran. Mag-ingat, Helkai. Sapagkat ang mga sumpa ng Diyos nagkakasunuran, at ang isang Aking binanggit, ay sinusundan ng isa pa: “Isang sumpa sa kanya na tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang inosente”.

«Sa kasong iyan Kayo ang tumatanggap sa regalo, dahil Kayo ay aking panauhin.»

«Ni hindi Ko sinusumpa ang mga salarin, kung sila ay nagsisisi.»

«Kung gayon, Kayo ay hindi makatarungan.»

«Oo, makatarungan ito. Sapagkat Kanyang tinitingnan na ang pagsisisi ay karapat-dapat ng kapatawaran. At kung gayon hindi Siya nanunumpa» sabi ng lalaki na kumomporme na kay Jesus sa bulwagan ng bahay.

«Maaari bang manahimik ka, Daniel! Sa palagay mo ba mas may-nalalaman ka kaysa sa amin? O ikaw ba ay narahuyo ng Isa na ang tungkol sa Kanya ay pinagpapasyahan pa at wala Siyang ginagawa upang matulungan tayo na magpasya sa Kanyang pabor?» sabi ng isa sa mga doktor.

«Nalalaman ko na kayo ay ang marurunong at ako ay isang simpleng Judaean lamang at ni hindi ko nalalaman kung bakit gusto ninyong madalas na ako ay mapasama sa inyo...»

«Sapagkat ikaw ay isang kamag-anak! Iyan ay madaling maintindihan! At gusto ko ang mga naging kamag-anak ko na maging banal at marunong! Hindi ko mapahihintulutan ang kamangmangan sa Banal na mga Kasulatan, sa Batas, sa Halacha, Midrash at Haggada. At hindi ko matitiis iyan. Ang lahat ay kailangan na malaman at masang-ayunan...»

«At nagpapasalamat ako sa iyo para sa labis na atensiyon. Ngunit ako, isang simpleng magbubukid, nang ako ay di-karapat-dapat na naging iyong kamag-anak, nanabik ako ng wala bagkus ang malaman ang Banal na mga Kasulatan at ang mga Propeta, upang maginhawahan ako sa aking buhay. At sa kasimplehan ng isang hindi-nag-aral na tao, ikinukumpisal ko na nakikilala sa Rabbi ang Mesiyas, pinangunahan ng Kanyang Prekursor, na nagturo sa amin sa Kanya... At hindi mo maikakaila na si Juan ay pinupuspos ng Espiritu ng Diyos.»

Nagkaroon ng katahimikan. Ayaw nilang ikaila na si Juan Bautista ay di-nagkakamali. Ni hindi rin nila tanggapin na siya ay nagkakamali. Pagkatapos ang isa pa ay nagsabi: «Bueno... Sabihin na natin na ang Prekursor ay ang prekursor ng anghel na iyon ng pinadala ng Diyos upang maihanda ang daan sa Kristo. At... ating tanggapin na sa Galilean ay may sapat na kabanalan upang makita Siya na gayong anghel. Pagkatapos Niya darating ang mga panahon ng Mesiyas. Hindi ba sa palagay ninyo na ang idea kong ito ay makapag-papapayapa para sa lahat? Sasang-ayon ka ba rito, Helkai? At ano ang tungkol sa inyo, aking mga kaibigan? At Kayo, Nazarene?»

«Hindi.», «Hindi.», «Hindi.» Tatlong nakatitiyak na hindi.

«Bakit? Bakit hindi ninyo ito sang-ayunan?»

Si Helkai ay tahimik. Ang kanya ring mga kaibigan ay hindi nagsasalita. Si Jesus ay prangko lamang na tumugon: «Sapagkat hindi Ko masasang-ayunan ang isang pagkakamali. Ako ay mahigit pa kaysa isang anghel. Si Juan Bautista ang anghel, ang Prekursor ng Kristo, at Ako ang Kristo.»

Nagkaroon ng isang mahabang katahimikan ng katulad sa patay. Si Helkai, ang kanyang siko nasa ibabaw ng kanyang upuan at ang kanyang pisngi nakasandal sa kanyang kamay, ay nag-iisip, mahigpit, di-makausap katulad ng kanyang buong sambahayan.

Si Jesus ay lumingon, tinitingnan siya, pagkatapos nagsabi: «Helkai, huwag kalituhan ang Batas at ang mga Propeta sa pamamagitan ng mga walang-kuwentang bagay!»

«Nakikita ko na nababasa Ninyo ang aking isip. Ngunit hindi Ninyo maitatanggi na Kayo ay nagkasala nilalabag ang alituntunin.»

«Katulad mo na, at sa pamamagitan ng katusuhan, at kung gayon sa pamamagitan ng mas malaking kasalanan, nilabag mo ang katungkulan ng isang may-anyaya, at ginawa mo ito nang sadya, niligaw mo ang Aking atensiyon at pinadala mo Ako rito, habang pinadadalisay mo ang iyong sarili kasama ang iyong mga kaibigan, at nang ikaw ay bumalik pinakiusapan mo kami na magmadali dahil mayroon kang isang pagpupulong, at ginawa mo ang lahat na iyan upang makapagsabi ka sa Akin: “Nagkasala Kayo”.

«Pinaalalahanan sana Ninyo ako tungkol sa aking katungkulan na gawin Kayong magkaroon ng kinakailangan para sa Inyong pagdadalisay.»

«Mapaaalalahanan kita ng tungkol sa maraming bagay, ngunit magsisilbi lamang ito na magawa kang mas di-nagpaparaan at palaban.»

«Hindi. Sabihin sa akin. Ibig kong makinig sa Inyo at...»

«At paalamin ang Hepe na mga Pari inaakusahan Ako. Iyan kung bakit pinaalalahanan kita ng tungkol sa huling dalawang mga sumpa. Nalalaman Ko iyan at kilala kita. Naririto Ako na walang-laban sa pagitan ninyo. Naririto Ako nakahiwalay sa mga tao na nagmamahal sa Akin at sa kaninong harapan hindi kayo maglakas-loob na dumugin Ako. Ngunit hindi Ako natatakot. Hindi Ako pumapayag sa mga kompromiso, ni hindi Ako kumikilos na may karuwagan. At sasabihin Ko sa iyo ang iyong kasalanan, ang inyo at ang kasalanan ng inyong buong lipi, o mga Pariseo, ang huwad na mga purong tao ng Batas, o mga doktor, ang huwad na mga marurunong na tao, na sinasadyang kalituhan at paghaluin ang totoo at ang huwad na kabutihan, na nagpapataw sa ibang mga tao at nagpipilit sa kanila ng perpeksiyon kahit na sa panlabas na mga bagay, habang wala kayong ipinipilit sa inyong mga sarili. Sinisisi ninyo Ako, kasama ang inyo at Aking may-anyaya, para sa hindi paghuhugas ng Aking sarili bago kumain. Nalalaman ninyo na kagagaling Ko pa lamang sa Templo, na pinapasok ng isa pagkatapos na mapadalisay ng alikabok at ng dumi ng kalsada. Gusto kaya ninyong ikumpisal na ang Banal na Lugar ay kontaminado?»

«Pinadalisay namin ang aming mga sarili bago kumain.»

«At kami ay inutusan: “Pumunta roon at maghintay”. At pagkaraan: “Tayo ay maupo nang walang pag-antala”. Kung gayon sa iyong mga pader na walang mga disenyo, ay may isang disenyo: ang iyong plano na lokohin Ako. Aling kamay ang nagsulat sa iyong mga pader ng rason para sa isang posibleng akusasyon? Ang iyong espiritu o ibang kapangyarihan, na siyang may-hawak sa iyong espiritu at sa kung kanino ikaw ay nakikinig? Ngayon makinig, lahat kayo.»

Si Jesus ay tumayo at na ang Kanyang mga kamay nasa gilid ng mesa sinimulan Niya ang Kanyang talumpati:

«Kayong mga Pariseo ay hinuhugasan ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, at hinuhugasan ninyo ang inyong mga kamay at mga paa, na tila ang pinggan at ang kopa, ang mga kamay at mga paa ay papasok sa inyong mga espiritu na gustung-gusto ninyong iproklama na puro at perpekto. Ngunit hindi para sa inyo, bagkus para sa Diyos ang pagproklama niyan. Bueno, pakinggan kung ano ang iniisip ng Diyos tungkol sa inyong mga espiritu. Iniisip Niya na ang mga ito ay puno ng kasinungalingan, ng dumi at pagnanakaw, sila ay puno ng kabuktutan at wala ng nasa labas ang makapagpaparumi sa dati nang marumi.»

Itinaas Niya ang Kanyang kanang kamay mula sa mesa at di-kinukusang nagsimulang ikaway ito, habang Siya ay nagpapatuloy:

«Ang gumawa ba sa inyong mga espiritu, katulad na ginawa Niya ang inyong mga katawan, hindi ba Siya makahihingi man lamang ng gayon ding paggalang para sa inyong nasa-loob katulad na mayroon kayong paggalang para sa inyong nasa-labas? O hangal na mga tao, na kinalilito ang dalawang kahalagahan at pinagbabaliktad ang kanilang importansiya, hindi kaya ginugusto ng Kataastaasan ang mas malaking pangangalaga para sa espiritu, na ginawa sa Kanyang pagkakatulad at mawalan ito ng eternal na Buhay sa pamamagitan ng kurupsiyon, kaysa sa Kanyang hinihinging pangangalaga para sa isang kamay o sa isang paa, na ang dumi nito ay madaling malilinis at, kahit kung manatili pa itong marumi, hindi ito makaaapekto sa kalinisan ng inyong nasa-loob? At mag-aalala ba ang Diyos tungkol sa kalinisan ng isang kopa o isang pinggan, na mga bagay na walang kaluluwa at hindi makakaapekto sa inyong mga kaluluwa?

Nababasa Ko ang iyong isip, Simon Boetos. Hindi, hindi iyan maaari. Hindi ninyo isinasagawa ang mga pagdadalisay na iyon iniisip ang inyong kalusugan, bilang proteksiyon para sa inyong  mga katawan, sa inyong buhay. Ang makalaman na mga kasalanan, hindi, bagkus, ang mga kasalanan ng katakawan, ng kasobrahan, ng kahalayan ay tiyak na mas nakasasama sa katawan kaysa ang kaunting alikabok sa inyong mga kamay o sa isang pinggan. Datapwa't ginagawa ninyo ang mga pagkakasalang ito nang hindi nag-aalala na maprotektahan ang inyong mga buhay o ang kaligtasan ng inyong mga kamag-anak. At gumagawa kayo ng mga kasalanan ng iba't ibang uri, sapagkat bukod sa pagpaparumi sa inyong mga kaluluwa at mga katawan, nilulustay ang inyong kayamanan, nagkukulang ng paggalang sa inyong mga kamag-anak, sinasaktan ninyo ang Panginoon sa paglalapastangan sa inyong mga katawan, ang templo ng inyong mga kaluluwa, at sa loob ng templong iyan ay dapat nariyan ang trono ng Banal na Espiritu; at sinasaktan din ninyo ang Panginoon sapagkat iniisip ninyo na kailangan na protektahan ninyo sa pamamagitan ng inyong sarili lamang ang inyong mga katawan laban sa mga sakit na magagawa ng kaunting alikabok, na tila ang Diyos ay hindi makapamamagitan upang maprotektahan kayo sa inyong pisikal na problema, kung nanawagan kayo sa Kanya nang may purong espiritu.

Ngunit Siya Na naglikha ng nasa-loob hindi kaya Siya rin ang naglikha ng nasa-labas, at ang naglikha ng nasa-labas ay gayon din ang naglikha ng nasa-loob? At ang nasa-loob ba ay hindi mas noble at mas may tatak ng dibinong pagkakatulad? Gumawa kung gayon ng mabubuting pagkilos karapat-dapat ng Diyos, hindi ng di-mabuting mga pagkilos na hindi tumataas mula sa alikabok para kung saan at mula kung saan sila ay ginawa, ng abang alikabok, na siyang ang tao tinitingnan bilang isang hayop na nilikha, putik na binigyan ng hugis at magiging alikabok muli, alikabok na kinakalat ng hangin ng panahon. Gumawa ng tumatagal na mga gawain, ibig-sabihin banal na makaharing mga gawain, kinoronahan ng dibinong pagpapalà. Maging mapagkawanggawa, magbigay ng mga limos, maging tapat at puro sa inyong mga gawain at sa inyong mga intensiyon, at na hindi na pumupunta sa nakapaglilinis na mga tubig, ang lahat ay magiging dalisay sa loob ninyo.

Ano sa palagay ninyo? Na kayo ay nasa ayos dahil nagbabayad kayo ng ikapu sa mga sangkap sa pagluluto? Kapahamakan sa inyo, mga Pariseo, na nag-iikapu ng menta at palumpong, ng mustasa at butil, ng carrot at bawat iba pang uri ng mga yerba, at pagkatapos pinababayaan ninyo ang katarungan at pagmamahal ng Diyos. Katungkulan ninyo ang magbayad ng ikapu at iyan ay kailangan na gawin. Ngunit may mas matataas pang katungkulan at iyan ay kailangan din gawin. Kapahamakan sa mga gumagalang sa mga panlabas na mga bagay at pinababayaan ang mga panloob na nakaugat sa pagmamahal ng Diyos at ng ating kapwa. Kapahamakan sa inyo, mga Pariseo, na gustung-gusto ang unahan na mga upuan sa mga sinagoga at mga pagpupulong, at gusto mabati nang may-panunuyo sa mga liwasan ng palengke at hindi kayo nag-aalala na makagawa ng makapagbibigay sa inyo ng isang upuan sa Langit at magawa kayong karapat-dapat na pagpitaganan ng mga anghel. Katulad ninyo ang mga nakatagong sepulkro, na hindi nakapang-iinis sa mga dumaraan sa malapit nang hindi napupuna ang mga ito, ngunit pangingilabutan siya sa takot kung makikita niya kung ano ang nasa malapit niya.»

Si Jesus ay pinutol ng isang doktor ng Batas na tumayo rin upang salungatin Siya. «Guro, sinasaktan din Ninyo kami, sa pagsasalita nang ganyan; at iyan ay hindi makakabuti sa Inyo, sapagkat kailangan namin na husgahan Kayo.»

«Hindi. Hindi kayo. Hindi ninyo Ako mahuhusgahan. Kayo ang huhusgahan, hindi kayo ang mga hukom, at ang Diyos ang maghuhusga sa inyo. Makapagsasalita kayo at makapagpapalabas kayo ng mga tunog sa pamamagitan ng inyong mga labì. Ngunit kahit na ang pinakamalakas na tinig ay hindi makaaabot sa Langit o aalingawngaw sa buong mundo. Pagkaraan ng maikling distansiya iyan ay katahimikan... At pagkaraan ng maikling panahon iyan ay pagkalimot. Mga panahon ang dumaan mula nang hinusgahan ng Diyos si Lucifer at si Adan. Ngunit ang tinig ng paghuhukom ay hindi lumilipas. At ang mga konsekwensiya nito ay naririto. At kung Ako ay dumating upang ibalik muli ang Grasya sa mga tao, sa pamamagitan ng perpektong Sakripisyo, ang sentensiya sa ginawa ni Adan ay mananatiling kung ano ito, at ito ay laging tatawagin “Orihinal na kasalanan”. Ang mga tao ay matutubos, sila ay mahuhugasan sa pamamagitan ng pagdadalisay na mahihigitan ang bawat iba pang pagdadalisay, ngunit sila ay ipanganganak na may mantsang iyan, sapagkat nagpasya ang Diyos na ang mantsang iyan ay kailangan na nasa bawat tao na ipinanganak ng babae, maliban sa Kanya, Na ginawa hindi ng gawa ng tao, bagkus ng Banal na Espiritu, at maliban sa Pinanatiling Babae at sa Pinabanal-bago-ipanganak na lalaki, mga birhen magpasawalanghanggan. Ang Una, na sana Siya ay maging ang Inang Birhen ng Diyos, ang huli na sana siya ay maging ang prekursor ng Inosente, bilang pinanganak na dalisay na, sa pamamagitan ng bago-pa-man na pamumunga ng walang-hangganang mga merito ng Tagapagligtas na Tagapagtubos.

At sasabihin Ko sa inyo na ang Diyos ay hinuhusgahan kayo. At Kanya kayong hinuhusgahan nagsasabing: “Kapahamakan sa inyo, mga doktor ng Batas, sapagkat kinakargahan ninyo ang mga tao ng di-mababatang mga pabigat, ginagawa ninyo isang kaparusahan ang makaamang Dekalogo ng Kataastaasan sa Kanyang Sambayanan”. Ibinigay Niya ito dala ng pagmamahal at para sa pagmamahal, upang ang tao ay sana masuportahan ng isang makatarungan na giya, ang tao, ang eternal na walang-ingat na mangmang na anak. At ang mapagmahal na nagpapasunod-na-tali, na siyang pinangsusuporta ng Diyos sa Kanyang mga nilikha, na sana sila ay makapagpatuloy sa Kanyang daan at makarating sa Kanyang puso, ay pinalitan ninyo ng mga bundok ng mabibigat, matatalas na nagpapabalisang mga bato, isang liku-likong ng mga preskripsiyon, isang masamang-panaginip ng mga pag-aalinlangan, kung saan ang tao ay nawawalan ng lakas-ng-loob, nagiging lito, tumitigil, kinatatakutan ang Diyos bilang isang kaaway. Pinipigilan ninyo ang mga puso na makapunta sa Diyos. Inihihiwalay ninyo ang Ama sa Kanyang mga anak. Sa pamamagitan ng mga pagpapatataw ninyo, naipagkakait ninyo ang magiliw, banal na totoong Paternidad na iyon. Kayo, gayunpaman, ay ni hindi ninyo hinihipo ng inyong mga daliri ang mga pabigat na iyon, na inyong ikinakarga sa ibang mga tao. Tinitingnan ninyo ang inyong mga sarili na nasa katwiran, sa simpleng dahilan na ibinigay ninyo ang mga ito. Ngunit, o mga tanga, hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay huhusgahan para sa tinitingnan ninyo na kinakailangan para sa kaligtasan? Hindi ba ninyo nalalaman na ang Diyos ay sasabihin sa inyo: “Sinabi ninyo na ang inyong salita ay sagrado at makatarungan. Bueno, hinuhusgahan Ko iyan na ganyan din. At sa dahilan na ipinataw ninyo iyan sa lahat at hinusgahan ninyo ang inyong mga kapatid ayong sa kung papaano ito tinanggap at isinabuhay, ngayon hinuhusgahan Ko kayo sa pamamagitan ng inyong sariling salita. At dahil hindi ninyo ginawa ang sinabi ninyo na dapat ginawa, mapahamak kayo”.

Kapahamakan sa inyo na nagtatayo ng mga sepulkro sa mga propeta na pinatay ng inyong mga ama. Ano? Sa palagay ba ninyo mapagagaan ninyo ang kabigatan ng kasalanan ng inyong mga ama o makakansela ninyo iyan sa mga mata ng posteridad? Hindi. Sa kabaligtaran nagbibigay kayo ng katibayan sa mga gayong gawa ng inyong mga ama. Hindi lamang, bagkus inaaprobahan ninyo ang mga ito, at nakahanda kayong gayahin sila at magtayo pagdating ng araw ng isang sepulkro sa inuusig na propeta, upang sasabihin ninyo sa inyong sarili: “Naparangalan natin siya”. Mga mapagkunwari! Iyan kung bakit sinabi ng Karunungan ng Diyos: “Magpapadala Ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol. At kanilang hahalikan ang ilan at uusigin ang ilan, upang posibleng tawagin ang henerasyon na ito na magpaliwanag para sa dugo ng lahat na mga propeta, pinadaloy mula pa sa paglikha ng mundo patuloy pa, mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zachariah, pinaslang sa pagitan ng Altar at ng Santuwaryo”. Oo. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang kapaliwanagan tungkol sa lahat ng dugo na iyan ng mga santo ay hihingin sa henerasyon na ito, na hindi makapagsabi kung nasaan ang Diyos, at inuusig nito at pinaghihirap nito ang makatarungan na siyang buháy na tuláran para sa kanilang kawalang-katarungan. Kapahamakan sa inyo, mga doktor ng Batas, na umagaw sa susi ng siyensiya at nagsara sa templo nito, upang hindi ito mapasok at mahusgahan nito, ni hindi rin ninyo pinahintulutan ang iba na mapasok ito. Sapagkat nalalaman ninyo na kung ang mga tao ay naturuan ng tungkol sa totoong Siyensiya, ibig sabihin, ang Banal na Karunungan, mahuhusgahan nila kayo. At kinapopootan ninyo Ako sapagkat Ako ang Salita ng Karunungan at bago ang oras ibig ninyong masaraduhan Ako sa kulungan, sa isang sepulkro, upang  hindi na sana Ako makapagsalita.

Ngunit Ako ay magsasalita hanggang sa gusto ng Aking Ama na Ako ay magsalita. At pagkatapos ang Aking mga gawa ay magsasalita nang mas malakas kaysa sa Aking mga salita. At ang Aking mga merito ay magsasalita nang mas malakas pa kaysa sa Aking mga gawa, at ang mundo ay matuturuan at makaaalam, at kayo ay huhusgahan nito. Ang unang paghuhukom ay nasa inyo. Pagkatapos ang ikalawa ay darating: isang indibidwal na paghuhukom sa kamatayan ng bawat isa sa inyo. At pagkatapos ang huling paghuhukom: Ang unibersal na paghuhukom. At maaalaala ninyo ang araw na ito at ang mga araw na ito, at kayo, kayo lamang ang makakikilala sa teribleng Diyos, Na inyong pinagsikapan na ipakita bilang isang masamang-panaginip na bisyon sa mga espiritu ng simpleng mga tao, habang kayo, sa loob ng inyong mga sepulkro, ay pinagtatawanan Siya at ni hindi ninyo iginalang o sinunod ang Kanyang mga kautusan, mula sa una at pinaka-utos: ang kautusan ng pagmamahal, hanggang sa huling utos na binigay sa Sinai.

Ito ay walang benepisyo sa iyo, Helkai, na wala kang mga larawan sa iyong bahay. Ni ito ay walang benepisyo sa inyong lahat, na kayo ay walang mga lilok sa loob ng inyong mga bahay. Sa loob ng inyong mga puso mayroon kayong diyus-diyusan, ilang mga diyus-diyusan. Ang diyus-diyusan na sa pamamagitan nito naniniwala kayo na kayo ay mga diyos, ang mga diyus-diyusan ng inyong kiling sa pagkakasala. Halikayo, Aking mga disipulo, umalis na tayo.»

At pinangungunahan ng Labindalawa Siya ay lumabas nang huli.

Katahimikan...

Ang mga natira ay nagsisigawan nang sabay-sabay: «Kailangan na usigin natin Siya, hulihin Siyang may kagagawan at hainan ng demanda! Kailangan na patayin natin Siya!»

Pagkatapos katahimikan muli.

Pagkatapos, habang dalawa sa kanila ang umaalis naiinis sa kapootan at mga intensiyon ng mga Pariseo – ang isa ay ang kamag-anak ni Helkai at ang isa pa ang lalaki na nagsanggalang sa Guro nang dalawang beses – ang mga natira at nagtatanong sa isa’t isa: «Ngunit papaano?»

Nagkaroon muli ng katahimikan.

Pagkatapos na may paos na pagtawa si Helkai ay nagsabi: «Kakailanganin natin na pabaligtarin si Judas ni Simon...»

«Siya nga! Magandang idea iyan! Ngunit sinaktan mo siya!...»

«Ako ang bahala tungkol diyan» sabi ng isa na tinawag ni Jesus na Simon Boetos. «Si Eleazar ni Annas at ako...sisiluin namin siya...»

«Ilang mga pangako...»

«Kaunting takot.»

«Labis na salapi.»

«Hindi. Hindi labis na mga pangako ng labis na salapi...»

«At pagkatapos?»

«Anong ibig mong sabihin: at pagkatapos?»

«Eh! Pagkatapos. Kapag ang lahat ay nagawa na, ano ang ating ibibigay natin sa kanya?»

«Wala! Kamatayan. Kung gayon... hindi siya magsasalita ulit» dahan-dahan at may kalupitan sinabi ni Helkai.

«O! kamatayan»

«Nahihintakutan ka ba? Umalis ka! Kung mapatay natin ang Nazareno Na isang makatarungan na tao mapapatay din natin ang Iskariote, dahil siya ay isang makasalanan...»

Nagkaroon ng pag-aalinlangan.

Ngunit si Helkai, tumatayo, ay nagsabi: «Pakikinggan din natin kung ano ang sasabihin ni Annas. At makikita ninyo na sasabihin niya na ito ay isang mabuting idea. At kayo ay pupunta rin. O! kayo ay tiyak na pupunta.»

Silang lahat ay lumabas pagkatapos na lumabas ang kanilang may-anyaya na nagsasabing: «Kayo ay pupunta. Kayo ay pupunta!»

081210

 



¹ Tinutukoy ang Herusalem.

² Tinutukoy ang Herusalem.



Sunod na kabanata