419. Ang Lebadura ng mga Pariseo.

Abril 22, 1946.

Pagkatapos ng Semana Santa at ang bungang penitensiya ng hindi pagkakaroon ng kahit anong bisyon, ang espirituwal na bisyon ng Ebanghelyo ay bumalik sa akin ngayong umaga. At ang lahat ng aking pagkabalisa ay nakalimutan sa lugod na ito na ipinahiwatig ng di-maisalarawang pakiramdam ng higit pa sa pagkataong kagalakan...

...At ngayon nakikita ko si Jesus, Na naglalakad pa rin sa tabi ng mga palumpungan ng mga pampang ng ilog, at Siya ay tumigil at inutusan ang mga apostol na magpahinga sa loob ng mga oras na napakainit para sa paglalakbay. Sapagkat, habang totoo na ang makapal na magkakasalabid na mga sanga ay nakapagpoprotekta sa araw, ito ay nagiging isa ring kulandong na humaharang sa napakagaan na ihip ng hangin, at kung gayon ang hangin doon ay mainit, walang-galaw, mabigat, at basà; ang pagkabasá sa katunayan ay tumataas mula sa lupa malapit sa ilog, at sa halip na isang kaginhawahan ito ay isang kumakapit na pahirap, na humahalo at nagpapadagdag sa pawis na bumababa sa kanilang mga katawan.

«Tumigil tayo hanggang gabi. Pagkatapos bababa tayo doon sa mapuputing mga bato ng kanal ng ilog na nakikita pa sa liwanag ng mga bituin at magpapatuloy tayo sa gabi. Tayo ay kumain nang kaunti at magpahinga na ngayon.»

«Ah! Bago kumain ng kahit ano palalamigan ko ang aking sarili sa tubig. Ang tubig ay mainit din, katulad ng isang pinakuluan para sa ubo, ngunit maalis nito ang aking mga pawis. Sino ang sasama sa akin?» tanong ni Pedro.

Lahat sila ay sumama sa kanya: lahat, si Jesus din, dahil, katulad ng sino pa mang iba, Siya ay pinagpapawisan at ang Kanyang tunika ay mabigat sa alikabok at pawis. Ang bawat isa sa kanila ay kumuha ng isang malinis na tunika mula sa kanyang sako at lahat sila ay lumusong sa ilog. Sa damuhan, sa kanilang tinigilan, ay naroon ang labintatlong mga sako lamang at maliliit na prasko ng tubig, pinabantayan ng matatandang punungkahoy at ng di-mabilang na mga ibon na tumitingin nang mausisa sa labintatlong maraming-kulay na mga sako sa ibabaw ng damuhan.

Ang mga tinig ng mga naliligo ay naglalaho at humahalo sa pagbulong ng tubig. Paminsan-minsan lang maririnig ang maigting na tawanan ng mga nakababata katulad ng isang mataas na nota nangingibabaw sa nakakasawang tunog ng ilog.

Ngunit ang katahimikan pagkaraan ay naputol ng pagkaluskos ng mga paa. Ilang mga ulo ang lumitaw sa likuran ng isang palumpungan; sila'y nagkatinginan at nagsalita nang may kasiyahan: «Sila ay naririto. Sila ay tumigil. Tayo na at sabihan ang iba» at sila ay nawala sa likuran ng mga palumpong...

... Pansamantala ang mga apostol ay bumalik kasama ang Guro. Sila ay nakapagpalamig, ang kanilang mga buhok basa pa, bagama't pinatuyo nila ito nang mabilis, walang saplot ang kanilang mga paa at bitbit nila ang kanilang tumutulo-pang mga sandalyas, at nakasuot sila ng bagong mga damit at ang mga suot kaninang mga damit ay nakabilad sa ibabaw ng mga tanim na yantok pagkatapos na malabhan ang mga ito sa asul na tubig ng Jordan. Sila ay kitang-kitang nasa mabuting porma pagkaraan ng mahabang paliligo.

Hindi nagmamalay na sila ay natuklasan, sila ay naupo, pagkatapos na naialay at naiabot ni Jesus ang pagkain. At pagkatapos ng kainan, mga inaantok katulad nila, ibig nilang mahiga at matulog, nang ang isang lalaki ay dumating at pagkatapos niya isa pa, at pagkatapos ang pangatlo pa...

«Ano ang gusto ninyo?» tanong ni Santiago ni Zebedeo, na nakakita sa kanila na dumating at tumigil sa likuran ng isang malaking palumpong, hindi makapagpasya kung lalapit o hindi. Ang iba pa, kasama na si Jesus, ay lumingon upang tingnan kung kanino si Santiago nakikiusap.

«Ah! Ang mga tao ng nayon... nasundan nila tayo!» sabi ni Tomas nang walang pananabik, habang naghahanda siya upang makaidlip.

Pansamantala ang mga bisita ay tumugon nang medyo natatakot, nakikita ang kitang-kitang kawalang-sigla ng mga apostol na sila ay tanggapin: «Ibig naming makipagusap sa Guro... Upang sabihin sa Kanya na... tama ba iyon, Samuel?...» at sila ay tumigil hindi naglalakas-loob na magsalita pa nang marami.

Ngunit si Jesus ay may-kabaitang pinasisigla sila: «Magsalita. Marami pa ba kayong may-sakit na tao?...» at Siya ay tumayo naglalakad patungo sa kanila.

«Guro. Mas pagod pa Kayo kaysa sa amin. Magpahinga nang kaunti at hayaan silang maghintay...» sabi ng ilang mga apostol.

«May mga nilikha rito na nangangailangan sa Akin. Kung kaya't ang kanilang mga puso ay wala ring pahinga. At ang kapaguran ng isang puso ay mas mabigat kaysa sa kapaguran ng mga galamay. Pabayaan na pakinggan Ko sila.»

«Sige! Paalam sa ating pahinga!...» pabulong ng mga apostol, na masyadong naaapektuhan ng pagod at ng init na halos pagalitan ang Guro sa presensya ng mga estranghero, na sabi nila sa Kanya: «At kapag ang Inyong pagkukulang ng kahinahunan ay magawa kaming magkasakit, huli nang pagsisisihan Ninyo na kami ay kailangan pala Ninyo.»

Si Jesus ay tinitingnan sila... nang naaawa. Wala nang iba pa sa Kanyang pagod na mga mata... At Siya ay tumugon: «Hindi, Aking mga kaibigan. Hindi Ko inaasahan na gagayahin ninyo Ako. Ganito, makapananatili kayo, at magpahinga; magsasalita Ako at makikinig sa mga taong ito at pagkatapos Ako ay babalik at magpapahingang kasama kayo.»

Ang Kanyang tugon ay napakabait na nakuha nito ang mahigit pa sa makukuha ng paninisi. Ang may-kabaitan na mga puso at ang damdamin ng Labindalawa ay nagising at napangibabawan ng mga ito: «Hindi, Panginoon! Diyan Kayo sa kinaroroonan Ninyo at magsalita sa kanila. Lalakad kami at babaligtarin namin ang mga damit upang matuyo ang ilalim. Sa gayon mapangingibabawan namin ang aming antok, at pagkatapos babalik kami at magpapahingang magkakasama.» At ang mas inaantok ay pumunta sa ilog... Sina Mateo, Juan at Bartolomeo ay nananatili.

Sa pansamantala ang tatlong tao ng nayon ay naging mahigit pa sa sampu at ang kanilang bilang ay lumalaki pa nang lalo...

«Kung gayon? Halikayo at magsalita nang walang takot.»

«Guro, pagkatapos nang Kayo ay nakaalis, ang mga Pariseo ay mas naging marahas... Dinumog nila ang lalaking Inyong napalaya... at magiging isang bagong himala kung hindi siya magiging baliw... sapagkat... sinabi nila sa kanya... na pinalaya Ninyo siya sa isang dimonyo na ang kanyang pangangatwiran lamang ang pinakialaman at binigyan Ninyo siya ng isang dimonyo na mas malakas pa kaysa sa dati, sapagkat ang bago ay pinahahamak at pinaghaharian nito ang kanyang kaluluwa, at sa gayon, habang wala siyang pananagutan sa susunod na buhay gawa ng unang panlulukob sapagkat ang kanyang mga ginawa ay hindi... ano ba ang sinabi nila, Abraham?...»

«Sinabi nila... o! isang kakaibang salita... Sa maikling pananalita ang Diyos ay hindi hihingi ng kapaliwanagan sa kanya tungkol sa mga ikinilos na iyon sapagkat hindi niya iyon ginawa nang may malayang kaisipan, samantalang ngayon, sa pagsamba niya sa Inyo sa pamamagitan ng pamimilit ng dimonyo na nasa kanyang puso, na Inyong inilagay doon – o! patawarin Ninyo ako sa pagsasabi sa Inyo – inilagay Inyo, ang prinsipe ng mga dimonyo, sa pagsamba sa Inyo sa pamamagitan ng isang isip na hindi na baliw, siya ay lapastangan, isinumpa at mapapahamak. Dahil dito ang kaawa-awang sawing-palad ay ikinalulungkot ang pagkawala ng kanyang dating kalagayan at... halos isinusumpa niya Kayo... Kung gayon siya ay mas baliw kaysa dati... at ang kanyang ina ay nalulungkot sapagkat ang kanyang anak ay hindi na umaasa maligtas pa... – at ang lahat ng kanilang lugod ay naging isang pagpapahirap. Kanina pa namin Kayo hinahanap upang sana mabigyan Ninyo siya ng kapayapaan. At ang isang anghel ay tiyak na ginabayan kami rito... Panginoon, naniniwala kami na Kayo ang Mesiyas. At naniniwala kami na nasa Mesiyas Mismo ang Espiritu ng Diyos. Siya kung gayon ay Katotohanan at Karunungan. At hinihingi namin sa Inyo na kami ay Inyong bigyan ng kapayapaan at kapaliwanagan...»

«Kayo ay nasa katarungan at sa karidad. Pagpalain sana kayo. Ngunit nasaan ang abang sawing-palad?»

«Sinusundan niya kami kasama ang kanyang ina, lumuluha ng malulungkot na luha. Kita Ninyo? Ang buong nayon, maliban sa kanila, ang malulupit na mga Pariseo, ay papunta rito, binabale-wala ang kanilang mga pananakot. Sapagkat binabalaan nila kami na kami ay kanilang parurusahan sa paniniwala sa Inyo. Ngunit ang Diyos ay ipagsasanggalang kami.»

«Poprotektahan kayo ng Diyos. Dalhin ninyo Ako sa lalaking Aking pinagaling.»

«Hindi. Dadalhin namin siya rito. Maghintay lang» at marami sa kanila ang umalis patungo sa mas malaking grupo ng mga tao na parating gumagawa ng mga senyas, habang ang dalawang matiling iyak ay natatalo nito ang litong kaingayan ng pagsasalita ng pulutong. Ang iba, ang mga nanatili, ay napakarami na, at nang sila ay nasamahan ng grupo na nakapaligid sa napagaling na nadimonyohan at sa kanyang ina, isang tunay na malaking pulutong ang nakikipagsiksikan sa mga punungkahoy sa paligid ni Jesus, umaakyat kahit sa mga punungkahoy upang magkaroon ng lugar upang makapakinig at makakita.

Si Jesus ay pinupuntahan ang pinagaling na nadimonyohan, na nagsisimula nang halbutin ang kanyang mga buhok nang makita niya kaagad si Jesus, at lumuluhod siya ay nagsabi: «Ibalik sa akin ang naunang dimonyo! Dala ng awa para sa akin, para sa aking kaluluwa! Ano ba ang aking nagawa laban sa Inyo na Kayo ay kailangan na saktan ako nang labis?»

At ang kanyang ina, nakaluhod na rin, ay nagsabi: «Siya ay nagdidiliryong baliw sa takot, Panginoon! Huwag Ninyong pakinggan ang kanyang mapaglapastangang mga salita, bagkus palayain Ninyo siya mula sa takot na inilagay sa kanya ng malulupit na taong iyon, upang hindi sana mawala ang buhay ng kanyang kaluluwa. Napalaya na Ninyo siya nang minsan!... O! alang-alang sa isang ina, palayain Ninyo siyang muli!»

«Oo, babae. Huwag matakot. Makinig, anak ng Diyos!» At ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa gusot na mga buhok ng lalaki nagdidiliryo sa sobrenatural na takot: «Makinig. At maghusga. Maghusga mismo sapagkat ang iyong pangangatwiran ay malaya at makapaghuhusga ka ayon sa katarungan. Mayroong walang pagkakamaling paraan upang malaman kung ang isang kababalaghan ay nanggaling sa Diyos o sa dimonyo. At iyan ang kung ano ang nararamdaman ng isang kaluluwa. Kung ang isang di-pangkaraniwang pangyayari ay nanggaling sa Diyos, ito ay naglalagay ng kapayapaan sa kaluluwa, kapayapaan at banal na lugod. Kung ito ay nanggaling sa dimonyo, nagdadala ito ng kabalisahan at kapighatian. At ang kapayapaan at lugod ay dumarating din mula sa mga salita ng Diyos, samantalang ang kabalisahan at kapighatian ay dumarating mula sa mga salita ng isang dimonyo, maging ito man ay isang dimonyong espiritu o isang dimonyong tao. At ang pagkakalapit ng Diyos ay nagkakaloob ng kapayapaan at lugod samantalang ang pagkakalapit ng masasamang espiritu o mga tao ay naghahatid ng kabalisahan at kapighatian. Ngayon isipin, anak ng Diyos. Nang binigyan mo ng daan ang dimonyo ng kahalayan, na nasimulan mong tanggapin ang naniniil sa loob mo, nagtamasa ka ba ng kaligayahan at kapayapaan?»

Ang lalaki ay nag-iisip at namumula siya ay tumugon: «Hindi, Panginoon.»

«At nang ang iyong walang-katapusang Kaaway ay nagapi ka nang lubusan, nagtamasa ka ba ng kapayapaan at kaligayahan?»

«Hindi, Panginoon. Hindi kailanman. Hanggang sa aking naiintindihan, habang ang isang kapiraso ng aking isip ay malaya, ako ay balisa at napahihirapan ng arogansiya ng Kaaway.  Pagkaraan... hindi ko alam... Ang aking isip ay hindi na makaintindi kung ano ang aking ipinaghihirap... Ako ay mas mababa pa kaysa sa isang hayop... Ngunit kahit na sa kalagayang iyan kung kailan ako ay mas di-matalino kaysa sa isang hayop... o! gaano pa rin ako naghihirap! Hindi ko masabi ang kung ano... Ang Impiyerno ay nakakatakot!  Wala rito bagkus takot... at hindi posibleng sabihin kung ano iyon...»

Ang lalaki ay kinikilabutan naaalaala kung ano ang kanyang ipinaghirap nang siya ay naalihan. Siya ay nanginginig, namumutla, pinagpapawisan... Ang kanyang ina ay niyayakap siya at hinahalikan ang kanyang pisngi upang mailigaw ang kanyang isip mula sa masamang panaginip... Ang mga tao ay ibinubulong ang kanilang mga komentaryo.

«At nang ikaw ay magising ang iyong kamay nasa kamay Ko, ano ang naramdaman mo?»

«O! Gayong kasarap na pakiramdam... at gayong lugod at mas mahigit pang kapayapaan... Ako ay tila lumalabas mula sa isang madilim na kulungan, kung saan ang di-mabilang na mga ahas ay ang aking mga tanikala at ang hangin ay may amoy ng isang bulok na kanal, at tila pinapasok ko ang isang hardin na puno ng mga bulaklak, ng sinag-ng-araw, ng mga awit... naintindihan ko ang Paraiso... ngunit kahit iyan ay hindi maipaliwanag...» Ang lalaki ay ngumingiti na tila siya ay nagtatalik sa galak sa pag-alaala tungkol sa kanyang maikling oras ng kaligayahan. Siya pagkatapos ay nagbuntung-hininga at naghinuha: «Ngunit iyon ay natapos kaagad...»

«Nakakasiguro ka? Ngayon na ikaw ay malapit sa Akin at malayo sa mga taong nagpapabalisa sa iyo, sabihin sa Akin, ano ang nararamdaman mo?»

«Kapayapaan muli. Dito kasama Kayo, hindi ako makapaniwala na ako ay naisumpa, at ang kanilang mga salita ay tila mga panlalapastangan sa akin... Ngunit naniwala ako sa kanila... Kung gayon hindi ba’t ako ay nagkasala laban sa Inyo?»

«Hindi ka nagkasala; sila ang nagkasala. Tumayo, anak ng Diyos, at maniwala sa kapayapaan na nasa loob mo. Ang Kapayapaan ay nanggagaling sa Diyos. Kasama mo ang Diyos. Huwag magkasala at huwag matakot» at inalis Niya ang Kanyang mga kamay sa ulo ng lalaki ginagawa siyang makatayo.

«Talaga bang ganyan iyan, Panginoon?» tanong ng marami.

«Talagang ganyan iyan. Ang pagdududa na nagawa ng sinasadyang nakapananakit na mga salita ay ang huling paghihiganti ni Satanas, na talunan na lumabas sa kanya, ngunit nananabik na makuha muli ang nawalang biktima.»

Nang may mabuting sentido-komun ang isang lalaki sa mga tao ay nagsabi: «Kung gayon... ang mga Pariseo... ay tumulong kay Satanas!» at marami ang pumalakpak sa magaling na mga salita.

«Huwag maghusga. Mayroon Na naghuhusga.»

«Ngunit kami ay sinsiro man lang sa aming paghusga... At nakikita ng Diyos na aming hinuhusgahan ang kitang-kitang mga kasalanan. Sila ay nagkukunwari na maging kung ano ang hindi naman sila. Sila ay kumilos nang nanloloko at may masasamang balak. Subalit sila ay mas maunlad kaysa sa amin, bagama't kami ay tapat at sinsiro. Sila ang aming kinatatakutan. Pinaaabot nila ang kanilang kapangyarihan kahit sa kalayaan ng pananampalataya. Ang isa ay kailangan na maniwala at magsabuhay ng naaayon sa kanilang kagustuhan at tinatakot nila kami dahil minamahal namin Kayo. Nagsisikap silang paliitin ang Inyong mga himala na maging isang panggagaway at takutin Kayo. Sila ay nakikipagsabwatan, sila ay naniniil, sila ay nananakit...» Ang mga tao ay nagsasalitang sabi-na-sabik

Sa pamamagitan ng isang senyas si Jesus ay humihingi ng katahimikan at nagsabi:

«Huwag tanggapin sa inyong mga puso ang kahit ano na nanggagaling sa kanila, ni ang kanilang mga mungkahi o ang kanilang mga pamamaraan, ni kahit na ang kanilang naiisip: “sila ay masasama subalit sila ay maunlad”. Hindi ba ninyo naaalaala ang mga salita ng Karunungan: “Mabilis mawala ang tagumpay ng masamâ”, at ang mga salita ng Mga Salawikain: “Anak, huwag gayahin ang mga halimbawa ng mga makasalanan at huwag makinig sa mga salita ng masasamang tao sapagkat magkakabuhul-buhol ang mga ito sa tanikala ng kanilang mga kasalanan at maloloko sila ng kanilang sariling dakilang katangahan”? Huwag ilagay sa inyong sarili kung ano ang nanggagaling sa kanila at na inyong, bagama't  kayo  ay di-perpekto, tinitingnan na mali. Mailalagay ninyo, sa katunayan, sa inyong mga sarili ang gayon din na lebadura na nagpápasamâ sa kanila. Ang lebadura ng mga Pariseo ay pagkukunwari. Huwag gawin kailanman na iyon ay mapasainyo, ni sa mga porma ng pagsamba sa Diyos o sa inyong pagtrato sa inyong mga kapatid. Mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo. Alalahanin na walang natatago ang hindi nabubulgar, walang nakatago ang hindi nabubunyag sa katapusan.

Makikita ninyo ito mismo. Pinabayaan nila Akong makaalis at pagkatapos naghasik sila ng dawag kung saan ang Panginoon ay nagkalat ng píling mga binhi. Akala nila nakagawa sila nang may-kahusayan at may-pananagumpay. At magiging sapat na sana iyon kung Ako ay hindi ninyo natagpuan, kung Ako ay nakatawid sa ilog nag-iiwan ng walang bakas ng Aking Sarili sa tubig, na magpapatuloy sa dating hitsura nito pagkatapos na mabuksan ito ng daan ng bangka, at ang kanilang kasamaan, sa ilalim ng pagkukunwaring kabutihan nito, ay baka nagtagumpay. Ngunit ang kanilang panloloko ay kaagad natuklasan at ang masamang gawa nila ay nabale-wala. At ganito rin ang nangyayari sa lahat na mga gawa ng tao. Isa man lamang ang nakaaalam ng tungkol dito at nag-uubaya: ang Diyos. Kung ano ang binigkas sa dilim, ay nagtatapos nang nalalaman ng Liwanag, at kung ano ang binalak sa kalihiman ng isang silid ay malalaman na tila ito ay binalak sa loob ng isang liwasan. Sapagkat ang bawat tao ay maaaring may isang tagapagbalita. At dahil ang bawat tao ay nakikita ng Diyos Na maaaring makialam at magbunyag sa mga magsasagawa.

Ang isa ay kailangan na mamuhay nang tapat upang mamuhay nang mapayapa. At ang mga namumuhay nang ganyan ay kailangan na huwag matakot, ni sa pamumuhay na ito o ang tungkol sa susunod na pamumuhay. Hindi, Aking mga kaibigan, sasabihin Ko sa inyo: ang kumikilos nang matuwid ay hindi kailangan na matakot. Hindi nila kailangan na katakutan kailanman ang mga pumapatay, oo, ang mga maaaring makapatay ng katawan, ngunit wala nang iba pa ang magagawa. Sasabihin Ko sa inyo kung ano ang kailangan ninyong katakutan. Matakot sa mga tao na matapos kayong patayin, ay makapagpapadala sa inyo sa impiyerno, ibig sabihin, sa impiyerno ng mga bisyo, sa impiyerno ng masasamang kasamahan, sa impiyerno ng huwad na mga tagapagturo, ng lahat na nagpapahiwatig ng kasalanan o pagdududa sa inyong mga puso, ng mga nagsisikap na pasamain ang inyong mga kaluluwa nang higit pa sa inyong mga katawan, upang mailayo kayo sa Diyos at madala kayo na mawalan ng pag-asa sa dibinong Awa. Uulitin Ko sa inyo na iyan ang dapat ninyong katakutan, sapagkat kung gayon kayo ay magiging patay magpasawalanghanggan. Ngunit huwag matakot sa iba pa, para sa inyong buhay. Ang Ama ay hindi nawawala sa Kanyang paningin kahit na isa sa mga munting ibon na ito na nagtatayo ng kanilang mga pugad sa loob ng madahon na mga sanga ng mga punungkahoy. Wala sa kanila ang nahuhuli ng lambat nang hindi nalalaman ng Tagapaglikha. Subalit ang kanilang materyal na halaga ay mumunti. Siya ba, kung gayon, ay hindi kayo aalagaan? Ang inyong mga buhay? Ang inyong kapakanan? Ang bawat buhok ng inyong mga ulo ay alam ng Ama, at walang nakalalampas na maling gawain sa Kanyang mga anak na hindi Niya napupuna, sapagkat kayo ay Kanyang mga anak, ibig sabihin, mas may halaga pa kayo nang malayo kaysa sa mga ibong pipit na nagpupugad sa mga bubungan o nasa madadahon na mga sanga.

At kayo ay mananatiling Kanyang mga anak hanggang, sa pamamagitan ng inyong malayang kalooban, tinalikuran ninyo na maging ganyan. At ang isa ay tinatalikuran ang ganyang relasyon kapag ang isa ay ipinagkakaila ang Diyos at ang Salita Na Kanyang pinadala sa pagitan ng mga tao upang madala ang mga tao sa Diyos. Pagkatapos, kapag ang isang tao ay hindi Ako kikilalanin sa presensya ng mga tao sapagkat siya ay natatakot na masisira sa pagkilalang iyan, ang Diyos ay hindi siya kikilalanin bilang Kanyang anak, at ang Anak ng Diyos at ng tao ay hindi siya kikilalanin sa presensya ng mga anghel sa Langit, at ang mga magkakaila sa Akin sa presensya ng mga tao, ay ipagkakailang mga anak sa presensya ng mga anghel ng Diyos. At ang mga nagsalita ng masama tungkol sa Anak ng tao o laban sa Kanya ay mapapatawad pa rin, sapagkat Ako ay makikiusap sa Ama para sa kanilang kapatawaran, ngunit ang maglalapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi patatawarin.

Bakit iyan? Sapagkat hindi lahat ang makaiintindi sa abot ng Pagmamahal, sa perpektong kawalang-hangganan nito at makita ang Diyos sa loob ng isang katawan katulad ng katawan ng bawat tao. Ang mga Hentil, ang mga pagano ay hindi mapaniwalaan iyan sa pamamagitan ng pananampalataya, sapagkat ang kanilang relihiyon ay hindi pagmamahal. Sa pagitan din natin ang may-takot na paggalang ng Israel para kay Jehovah ay makapagpipigil sa mga tao na maniwala na ang Diyos ay naging tao at pinakaaba sa lahat na mga tao. Isang kasalanan ang hindi Ako paniwalaan. Ngunit kung ito ay dahil sa labis-labis na takot sa Diyos, ito ay pinatatawad pa rin. Ngunit hindi mapatatawad ang isa na hindi maniwala sa katotohanan na sumisinag sa pamamagitan ng Aking mga gawa, at ipagkaila na tinupad ng Espiritu ng Pagmamahal ang pangako ng pagpapadala sa Tagapagligtas sa itinakdang panahon, ang Tagapagligtas na inunahan at sinabayan ng mga tanda na hinulaan.

Ang mga nang-uusig sa Akin, ay alam ang tungkol sa mga propeta. Ang mga hula ay punó ng tungkol sa Akin. Nalalaman nila ang tungkol sa mga hula at nalalaman nila kung ano ang Aking ginagawa. Ang katotohanan ay kitang-kita. Ngunit ipinagkakaila nito ito sapagkat ibig nilang itong ipagkaila. Mapamaraan nilang ipinagkakaila na hindi laman Ako ang Anak ng tao, bagkus ang Anak ng Diyos din, hinulaan ng mga propeta, Siya Na pinanganak ng isang Birhen, hindi sa pamamagitan ng kalooban ng tao, bagkus ng Eternal na Pagmamahal, Na ibinalita Ako upang ang mga tao ay sana makilala Ako. Upang makapagsabi na ang gabi ng Paghihintay sa Kristo ay naririyan pa rin, nagpupumilit silang isara ang kanilang mga mata, upang hindi sana nila makita ang Liwanag na nasa mundo, at kung gayon ipinagkakaila nila ang Banal na Espiritu, ang Katotohanan at ang Liwanag Nito. At sila ay mas huhusgahan nang mas mahigpit kaysa sa mga hindi nakaaalam. Ni hindi sila patatawarin sa pagsasabing Ako ay “Satanas”, sapagkat ang Banal na Espiritu ay gumagawa ng banal, hindi makadimonyong mga gawain para sa Akin. At hindi sila patatawarin sa pagdadala sa mga tao na mawalan ng pag-asa, kung sila ay dinala ng Pagmamahal sa kapayapaan. Sapagkat ang lahat na iyan ay pagkakasala laban sa Banal na Espiritu. Laban sa Espiritu Santong ito Na siyang Pagmamahal at nagkakaloob ng pagmamahal at humihingi ng pagmamahal at Siyang naghihintay sa Aking holokausto ng pagmamahal upang makakalat sa marunong na pagmamahal, pinaliliwanagan ang mga puso ng mga naniniwala sa Akin. At kapag iyan ay nangyari na at Ako ay kanila pa ring uusigin, inaakusahan kayo sa harapan ng mga mahistrado at mga prinsipe ng sinagoga at sa mga korte, huwag mag-alala kung papaano ninyo ipagtatanggol ang inyong mga sarili. At ang Espiritu pa ring iyan ang magsasabi sa inyo kung ano ang inyong sasabihin upang mapaglingkuran ang Katotohanan at makuha ang Buhay para sa inyong mga sarili, katulad-na-katulad na ibinibigay sa inyo ng Salita kung ano ang kinakailangan upang makapasok sa Kaharian ng eternal na Buhay.

Humayo sa kapayapaan. Sa Aking kapayapaan. Sa kapayapaang iyan ng Diyos at siyang ibinibigay ng Diyos upang mapuno ang Kanyang mga anak nito. Humayo at huwag matakot. Ako ay hindi naparito upang lokohin kayo. Pinagpala ang mga maniniwala sa Aking mga salita. At ikaw, lalaki, na nailigtas nang dalawang beses, maging matatag at alalahanin ang Aking kapayapaan, upang masabi mo sa mga tagapagtukso: “Huwag subukan na rahuyuin ako. Ang aking pananampalataya ay Siya ang Kristo”. Humayo, babae. Sumama sa kanya at maging nasa kapayapaan. Paalam. Bumalik na kayo sa inyong mga tahanan at iwanan ang Anak ng tao sa Kanyang abang kapahingahan sa damuhan, bago ipagpatuloy ang Kanyang inuusig na paglalakbay sa paghahanap para sa iba pang mga tao na maililigtas, hanggang sa katapusan. Ang Aking kapayapaan ay mapasainyo.»

Pinagpapala Niya sila at bumalik sa Kanyang lugar kung saan sila nagkaroon ng tanghalian. Ang mga apostol ay kasama Niya. Pagkaraan na ang mga tao ay naghiwa-hiwalay, sila ay nahiga, ipinapatong ang kanilang mga ulo sa kanilang mga sako at pagkaraan sila ay nakatulog, sa maalinsangan na init ng kahapunan at sa loob ng mabigat na katahimikan ng nakapapasong mga oras na iyon.

010111

 

 



Sunod na kabanata