423. Sa Caesarea sa Dagat. Ang Parabula Tungkol sa Ama na Nagbigay sa Bawat isa sa Kanyang mga Anak ng Magkakaparehong Halaga ng Salapi.

Abril 30, 1946.

Ang Caesarea ay may malalaking palengke kung saan magagandang pagkain ang bumubuhos para sa maseselan na mesa ng mga Romano, at malapit sa mga liwasan ng mga palengke kung saan, sa loob ng kaleydoskopo ng mga mukha, mga kulay at mga lahi, mas maraming pangkaraniwang makakain ang matatagpuan, ay may mga tindahan na may mas mayayamang piling-pagkain, inangkat mula kapwa sa iba’t ibang mga kolonya ng Roma at sa malayong Italya, upang hindi maging mas masakit ang pagkakahiwalay sa Amangbayan. At ang mga tindahan ng alak at ng pilíng mga pagkain inimbak mula sa ibang bansa ay nasa pasók na mga portiko, sapagkat ang mga Romano ay ayaw na masunog sa araw o mabasa sa ulan habang namímili ng pilíng mga kakanin para sa kanilang mga bangkete. Habang pinagbibigyan ang kanilang katakawan katulad ng mga maluluho, hindi nila pinababayaan ang ibang bahagi ng kanilang mga katawan… kung kaya’t malalamig na portiko at mga arko na magpoprotekta sa ulan ang itinayo mula sa distrito ng mga Romano – na halos lahat nakagrupo sa paligid ng gusali ng Prokonsul, sa pagitan ng daang-baybayin at ng liwasan ng kuwartel at ng bahay ng guwardiya – hanggang sa mga tindahan ng mga Romano malapit sa mga palengke ng mga Hudyo.

Maraming tao sa ilalim ng mga portikong ito, na ang dulong bahagi nito malapit sa mga palengke ay komportable kung hindi man maganda. May mga tao ng lahat ng lahi. May mga alipin at napalayang mga tao at paminsan-minsan ng mahilig sa pagpapakasarap na ginoo napaliligiran ng mga alipin, nagdaraan nang walang-sigla palipat-lipat sa mga tindahan, pagkatapos na iwanan ang kanyang kamilya sa kalsada, at ginagawa ang kanyang pamímili na dinadala ng kanyang mga alipin sa kanyang bahay. At kapag dalawang Romano ang magkatagpo, maririnig ng isa ang pangkaraniwang walang-magawang usapan: ang panahon, ang pagkainip sa bayan na hindi makapagbigay ng mga kasiyahan ng malayong Italya, ang pagkalungkot sa magagandang mapapanood, mga plano para sa mga bangkete at ang mahalay na talumpati.

Ang isang Romano, nauunahan ng mga isang dosenang alipin na may mga dalang bag at balutan, ay nakatagpo ang dalawang kaibigan. Gantihan na mga pagbati: «Mabuhay, Ennius!»

«Mabuhay Florus Tullius Cornelius! Mabuhay, Marcus Heracleus Flavius!»

«Kailan ka bumalik?»

«Noong makalawa, pagsikat ng araw, pagod.»

«Ikaw, pagod? Hindi ka kailanman pinagpapawisan!» ang bata-pang lalaki nagngangalang Florus ang nagsabi nang nanunuksong mapaglaro.

«Huwag mo akong tawanan, Florus Tullius Cornelius. Nagpapakahirap ako kahit na ngayon para sa aking mga kaibigan!»

«Iyong mga kaibigan? Hindi namin sinabi sa iyo na magpakahirap» pagtutol ng nakatatandang kaibigan, nagngangalang Marcus Heracleus Flavius.

«Ngunit ang aking pagmamahal ay kayo ang iniisip. Kayong malulupit na tao na nanunuya sa akin, kita mo ba ang prusisyon na ito ng mga alipin na puno ng mga kargamento? Ang iba ay nauna na sa kanila dala ang iba pang mga kailangan. At ito ay lahat para parangalan kayo.»

«Kung gayon ito ang iyong trabaho? Isang bangkete?»

«Bakit?» sigaw ng dalawang kaibigan nang malakas.

«Sh! Mga nobleng patrician gumagawa ng ganyang malakas na ingay! Nagmumukha kayong garapal na mga tao ng bansang ito kung saan pinupudpod natin ang ating mga sarili sa...»

«Mga lasingan at kawalang-magawa. Sapagkat wala tayong ginagawang iba. Tinatanong ko pa ang aking sarili: Bakit tayo naririto? Ano ang ating gawain dito?»

«Ang mainip hanggang mamatay ay isa.»

«Ang turuan kung papaano dapat mamuhay ang mga babaeng bayarán-para-magluksa ay ang isa pa.»

«At... ang ihasik ang Roma sa sagradong mga balakang ng mga babaeng Hudyo ay ang isa pa.»

«At ang kalugdan, dito katulad ng kahit saan mang lugar, ang ating kayamanan at kapangyarihan, sa kung saan ang lahat ay pinahihintulot, ay ang dagdag pang isa.»

Ang tatlo ay nagpapalit-palitan katulad ng sa isang litaniya. Ngunit ang bata-pang Florus ay bigla na lamang tumigil at naging malungkot at nagsabi: «Ngunit matagal-tagal nang may nakabitin na ulap sa itaas ng masayang Korte ni Pilato. Ang pinakamagagandang babae ay nagmumukhang katulad ng mga basal na mga birhen at ang kanilang mga asawa ay sumusunod sa kanilang kapritso. At nasisira nito nang malaki ang kinaugaliang mga kapistahan...»

«Mangyari pa! Ang kapritso para sa magaspang na Galilean na iyon... Ngunit malapit na itong matapos...»

«Nagkakamali ka, Ennius. Alam ko na si Claudia rin ay nasakop Niya at kung gayon... mabubuting moral ang kataka-takang naipuwesto ang mga sarili sa kayang palasyo. Ang pagtitipid ng republikang Romano ay tila nabuhay muli doon...»

«Sayang! Anong amoy-amag! Kailan pa?»

«Mula pa noong matamis na Abril, tamang-tama para sa mga pagmamahalan. Hindi mo nalalaman... Wala ka rito. Ngunit ang ting mga binibini ay bumalik na kasing lungkot ng mga tagapagluksa ng mga lalagyan ng mga abo ng bangkay at tayong kaawa-awang mga lalaki ay kinailangan na maghanap sa ibang lugar ng para sa ating mga kinaaaliwan. Na ni ito ay hindi ipinahihintulot sa presensya ng mayuyuming binibini!»

«Isa pang dahilan kung bakit dapat ko kayong tulungan. Isang malaking hapunan ngayong gabi... at isang mas malaking paglalasing sa loob ng aking bahay. Ako ay nasa Cyntium at nakatagpo ako ng magagandang bagay na tinitingnan na di-dalisay ng mga nangangamoy na ito: mga paboreal, mga pugo, at iba pang mga ibon, at maliliit na baboyramo inihiwalay nang buhay mula sa kanilang mga ina, na mga pinatay, at inalagaan para sa ating pagkain. At mga alak... Ah! Matamis, mamahaling mga alak ng mga burol ng Roma, ng aking mainit na mga baybayin malapit sa Liternum at ng inyong maaraw na baybayin malapit sa Aciri!... At ang mabangong mga alak mula sa Chios, na ang Cintium ay ang perlas nito. At ang nagpapasiglang mga alak mula sa Iberia, bagay na bumubuhay sa mga pandama para sa panghuling kasiyahan. O! Ito ay kailangan na maging isang malaking kapistahan, upang maalis ang kainipan ng ating pagkakapatapon at upang makumbinsi ang ating mga sarili na tayo ay mga lalaki pa rin!...»

«Magkakaroon din ba diyan ng mga babae?»

«Siyempre... At mas magaganda pa kaysa sa mga rosas. Ng bawat kulay at... lasa. Gumasta ako ng malaki para sa lahat na gagamitin, kasama na ang mga babae... Ngunit ako ay mapagbigay sa aking mga kaibigan!... Tinatapos ko lamang ang aking pamímili rito. Para sa kung anuman ang nasira sa loob ng paglalakbay. Pagkatapos ng bangkete, magkakaroon tayo ng pagmamahalan!...»

«Naging mabuti ba ang iyong paglalakbay?»

«Napakabuti. Si Aphrodite Anadyomene ay naging mapagkaibigan sa akin. Maging ano pa man inihahandog ko ang ritwal ngayong gabi sa kanya...»

Ang tatlong lalaki ay tumatawa nang nakakahiya inaasam ang parating na nakakahiyang mga pagpapakasarap...

Ngunit si Florus ay nagtanong: «Ngunit bakit ang pambihirang kapistahan? Ano ang rason para rito?...»

«Tatlong rason: ang aking pinakamamahal na pamangking lalaki sa susunod na malapit nang mga araw ay magsisimula nang isuot ang kanyang toga virilis. Kailangan kong ipagdiwang ang okasyon. Pagsunod sa agam-agam na ang Caesarea ay nagbabago sa pagiging nakalulungkot na tirahan at kinakailangan na pawalang-bisa ang kapalaran sa pamamagitan ng isang ritwal kay Venus. Ang ikatlong rason... ibubulong ko ito sa inyo: ako ay inanyayahan sa isang kasalan...»

«Ikaw? Sinungaling!»

«Ako ay inanyayahan sa isang kasalan. Ito ay isang “kasalan” sa tuwing kasiyahan ng isa ang unang higop mula sa isang selyadong amphora. At gagawin ko iyan ngayong gabi. Dalawampung libong sester, o kung mas gusto mo, dalawang daang piraso ng ginto ang aking binayad para sa babae, sapagkat sa katotohanan iyan ang dapat kong ibigay sa kanya, kasama na ang pag-asikaso sa pagpapadala at katulad na mga gastos. Ngunit kahit na kung si Venus ang nagpanganak sa kanya sa pagdating ng Abril, at ginawa siya sa espuma at ginintuang mga sinag, hindi ko siya makikitang mas maganda at puro pa! Isang buko, isang sarado ngunit... Ah! At ako ang kanyang panginoon!»

«Lapastangan!» sabi ni Marcus Heracleus nang pabiro.

«Huwag maglarong tagapuna, dahil ikaw ay katulad ko... Pagkaraan na makaalis si Valerian, tayo ay nainip hanggang sa kamatayan dito. Ngunit pinapalitan ko siya... Kailangan na samantalahin natin ang karanasan ng ating mga ninuno. Ngunit hindi ako magiging tanga na maghintay, katulad ng ginawa niya, para sa bata-pang babae, na mas maganda pa kaysa sa pulot at aking tinawag na Galla Ciprina, upang masayang ng kalungkutan at ng mga teoriya ng kinapon na mga pilosopo, na mga hindi nag-aalam kung papaano kalugdan ang mga kaluguran sa buhay...»

«Bravo!!! Ngunit... ang alipin ni Valerian ay may-pinag-aralang babae at...»

«... at naging baliw sa pagbabasa ng mga gawa ng mga pilosopo... Kaluluwa!... ikalawang buhay!... birtud!!!... isang tambak na kalokohan!... Ang mabuhay ay ang kalugdan ang sarili! At nabubuhay tayo rito. Kahapon sinunog ko ang lahat na malulungkot na rolyo ng pergamino at inutusan ko ang mga alipin, sa ilalim ng banta ng kamatayan kung sila’y magkamali, na huwag aalalahin ang mga kalungkutan ng mga pilosopo at ng mga Galilean. At ang dalaga ay ako lamang ang makikilala...»

«Ngunit saan mo siya natagpuan?»

«Bueno! May taong napakagaling at binili ang mga alipin pagkatapos ng mga digmaang Gailic at ginamit lamang sila para manganak, tinatrato silang mabuti, pinipilit silang manganak lamang, upang makapagbigay ng sariwang mga bulaklak ng kagandahan... At si Galla ay isa sa kanila. Siya ngayon ay nagdadalaga na at ang kanyang panginoon ay ipinagbili siya at binili ko siya... ah! ah! ah!»

«Ikaw na mahalay!»

«Kung iyon ay hindi ako, ibang lalaki ang nakabili sa kanya... Kung kaya't hindi sana siya pinanganak na isang babae...»

«Kung ikaw ay napakinggan Niya... O! Naririto na Siya!»

«Sino?»

«Ang Nazareno Na nanggagayuma sa ating mga binibini. Siya ay nasa likuran mo.»

Si Ennius ay tumalikod na tila may ahas sa likuran niya. Tinitingnan niya si Jesus Na parating nang unti-unti sa pagitan ng mga tao na nagsisiksikan sa paligid Niya, ang abang pangkaraniwang mga tao at ilan ding mga alipin ng Romano, at siya ay mapanuyang nagsabi: «Ang marungis na iyan?! Napasasamâ ang mga babae. Ngunit tayo ay umalis na, kundi'y pati tayo ay gagayumahin Niya! Pagkatapos kinakausap ang kanyang kaawa-awang mga alipin, na laging nakatayo dala ang kanilang mga dala-dala, katulad ng mga poste na para kung kanino ay walang awa na binibigay, siya ay nag-utos: «Umuwi na nang mabilis, sapagkat nagsasayang kayo ng oras magpahanggang ngayon, at ang mga naghahanda ay naghihintay para sa mga rekado at mga pabango. Takbo! Bilis! At tandaan na kayo ay ipahahagupit kung ang lahat ay hindi pa handa paglubog ng araw.»

At ang mga alipin ay umalis nang patakbo at ang Romano ay sinusundan sila nang dahan-dahan kasama ang kanyang dalawang kaibigan.

Si Jesus ay lumalapit. Siya ay malungkot, sapagkat napakinggan Niya ang katapusan ng pakikipagusap ni Ennius at mula sa taas ng Kanyang tayò tinitingnan Niya nang may puno ng habag ang mga alipin na tumatakbo sa ilalim ng kanilang mabibigat na dala. Siya tumalikod, naghahanap para sa mga mukha ng mas marami pang mga alipin ng Romano... Nakakita Siya ng ilan, nanginginig sa takot na sila ay baka mahuli ng kanilang mga tagapangasiwa o sila ay baka palayasin ng mga Hudyo, nakahalo sa mga pulutong na nakapaligid kay Jesus. Siya ay tumigil at nagtanong: «Mayroon ba rito na kasama sa sambahayan na iyon?»

«Wala, Panginoon. Ngunit kilala namin sila» tugon ng mga alipin na naroroon.

«Mateo, bigyan sila ng malaking handog. Pagsasaluhan nila iyan ng kanilang mga kasamahan, upang malaman sana nila na may nagmamahal sa kanila. At tandaan, at sabihin sa iba na ang kapighatian ay nagtatapos na may buhay para lamang sa mga naging mabuti at matapat sa kanilang pagka-alipin, at kasama ng kapighatian nagtatapos din ang pagkakaiba sa pagitan ng mayaman at mahirap, sa pagitan ng malayang mga tao at ng mga alipin. Pagkatapos nito ay naririyan lamang ang makatarungan na Diyos para sa lahat, Na, hindi tinitingnan ang kayamanan at o ang mga tanikala, ay gagantimpalaan ang mabuti at parurusahan ang masama. Itanim ito sa isip.

«Oo, Panginoon. Ngunit kami, na kasama sa mga sambahayan nina Claudia at Plautina, ay masayang-masaya, katulad ng mga nasa sambahayan nina Lydia at Valeria, at pinagpapala namin Kayo sapagkat napabuti Ninyo ang aming katayuan» sabi ng isang matandang lalaki na pinakikinggan ng lahat na tila siya ay kanilang hepe.

«Upang maipakita ninyo sa Akin ang inyong pasasalamat maging laging mabuti at ang totoong Diyos ay magiging inyong eternal na Kaibigan.»

At si Jesus ay itinataas ang Kanyang kamay na tila pinauuwi at pinagpapala sila at pagkatapos Siya ay sumandal sa isang bilog na haligi at nagsimulang magsalita sa maasikasong katahimikan ng pulutong. Ang mga alipin ay hindi umaalis, nananatili silang nakikinig sa mga salita na binibigkas ng dibinong mga labì.

«Makinig. Ang isang ama ng maraming anak ay binigyan ang bawat isa sa kanila, nang sila ay malalaki na, ng dalawang salapi na may malaking halaga at nagsabi sa kanila: “Hindi ko na balak na magtrabaho para sa bawat isa sa inyo. Sapat na kayong may-edad para magtrabaho para sa inyong sarili. Kung kaya't binibigyan Ko ang bawat isa sa inyo ng parehong halaga ng salapi upang ito ay sana magamit ninyong puhunan ayon sa inyong maibigan at para sa inyong pagkakakitaan. Ako ay mananatili rito naghihintay nakahandang magbigay sa inyo ng payo at upang makatulong sa inyo, kung sa kamalasan mawala ang lahat o bahagi ng salaping akin nang ibibigay sa inyo. Ngunit tandaan na ako ay magiging mahigpit sa mga magwawaldas nito nang may kapilyuhan, at sa mga tamad na magsasayang nito o magpapabaya nang walang ginagawa rito sa pamamagitan ng pag-iistambay o mga bisyo. Itinuro ko sa bawat isa sa inyo ang Kabutihan at ang Kasamaan. Hindi ninyo kung gayon masasabi na haharapin ninyo ang buhay nang hindi nalalaman kung ano an buhay. Nagtatag ako sa bawat isa ng halimbawa ng mabuti, makatarungang gawain at ng tapat na pamumuhay. Kung kaya't hindi ninyo masasabi na narumihan ko ang inyong mga espiritu sa pamamagitan ng masasamang halimbawa. Ginawa ko ang aking tungkulin. Nasa sa inyo na ngayon ang gawin ang inyo, dahil kayo ay hindi tanga, o di-handa, o mangmang. Lakad» at pinaalis niya sila at siya'y nanatiling nag-iisa, naghihintay, sa kanyang bahay.

Ang kanyang mga anak ay kumalat sa mundo. Lahat sila ay may parehong mga bagay: dalawang mahalagang salapi na kanilang magagamit nang may-kalayaan, at isang mas malaking kayamanan ng kalusugan, lakas, kaalaman at ang mga halimbawa ng kanilang ama. Kung kaya't maaari silang maging maunlad nang pare-pareho. Ngunit ano ang nangyari? Ang ilan sa mga anak ay ginamit nang mabuti ang kanilang pera at sa pamamagitan ng walang-kapagurang pagtatrabaho at isang simpleng tapat na pamumuhay, ayon sa itinuro ng kanilang ama, nagkaroon sila pagkaraan ng kanilang sariling malaking tapat na kayamanan; ang ilan sa simula ay nakagawa ng isang tapat na kayamanan, ngunit pagkaraan winaldas nila ito sa pag-iistambay at paglalasing; ang ilan ay nakagawa ng pera sa pagpapatubo nang malaki o sa pagpasok sa masasamang negosyo, at ang ilan ay walang ginawa sapagkat sila ay di-aktibo, tamad, di-makapagpasya at naubos nila ang kanilang mahalagang mga salapi bago sila makatagpo ng trabaho.

Pagkalipas ng ilang panahon ang ama ng pamilya ay nagpadala ng mga katulong saan man niya nalalaman na ang kanyang mga anak ay naroroon at nagsabi sa mga katulong: “Sasabihin ninyo sa aking mga anak na magkita-kita sa loob ng aking bahay. Gusto kung ipaliwanag nila sa akin kung ano ang kanilang ginawa sa loob ng panahon na ito at ibig ko mismong malaman kung ano ang kanilang sitwasyon”. At ang mga katulong ay pumunta kung saan-saan, natagpuan nila ang mga anak ng kanilang panginoon, binigay nila sa kanila ang mensahe at ang bawat isa sa kanila ay bumalik may kasamang isang anak ng panginoon na kanilang natagpuan.

Ang ama ay tinanggap sila nang may kadakilang karingalan, bilang isang ama, ngunit bilang isang hukom din. At ang lahat na mga kamag-anak ng pamilya ay naroroon may kasamang mga kaibigan, mga kakilala, mga katulong, mga ka-nayon at mga tao mula sa katabing mga nayon. Isang maringal na pagpupulong. Ang ama ay nasa kanyang upuan ng ulo ng pamilya, at sa kanyang paligid, sa isang kalahating pabilog ay naroon ang lahat na mga kamag-anak, mga kaibigan, mga kakilala, mga katulong, mga ka-nayon at mga tao mula sa karatig na mga nayon. Sa kanyang harapan, sa isang linya, ay ang kanyang mga anak. Kahit hindi sila tinatanong, ang kanilang mga hitsura ay nagsasaad ng katotohanan. Ang mga naging aktibo, tapat, may mabuting mga moral at nakagawa ng banal na kayamanan ay nagmumukhang maunlad, mapayapa at nasa mabuting kalagayan, katulad ng mga taong mayayaman, malulusog at may malinis na konsiyensya. Tinitingnan nila ang kanilang ama nang may mabait, mapagpasalamat, mapagpakumbaba ngunit may pagwawaging ngiti din; sila ay nagniningning sa lugod na naparangalan nila ang kanilang ama at pamilya at dahil sila ay naging mabubuting anak, mabubuting mamamayan at tapat na mga naniniwala. Ang mga nagwaldas ng kanilang puhunan sa katamaran o mga bisyo ay napapahiya, mahihina ang loob, pagod ang mga mukha at nanlilimahid, na ang mga tanda ng paglalasing o pagkagutom ay kitang-kita. Ang mga kumita ng pera sa pamamagitan ng masasamang paraan ay may matigas na agresibong hitsura, na may malupit na balisang tingin ng mga hayop na natatakot sa tagapagpaamo at nakahandang gumanti...

Ang ama ay nagsimulang tanungin ang mga huling ito: “Papaano nangyari na napakamapayapa ninyong tingnan noong kayo ay umalis, at ngayon mukhang katulad ng mga hayop na nakahandang manlapa ng mga tao? Saan ninyo nakuha ang hitsurang iyan?””

“Ang buhay ang nagbigay nito sa amin. At ang inyong kahigpitan na ilayo kami sa tahanan. Inilapit ninyo kami sa mundo”.

“O sige. At ano ang ginawa ninyo sa mundo?”.

“Kung ano ang posible para sa amin upang masunod ang inyong mga utos upang makapaghanap-buhay sa pamamagitan ng tanging wala na binigay ninyo sa amin”.

“O sige. Tumayo sa sulok na iyon... At ngayon kayo naman, kayong nangayayat, nagmumukhang may sakit at nanlilimahid na mga tao. Ano ang inyong ginawa na kayo ay naging ganyan? Kayo ay malulusog at maayos magdamit noong kayo ay umalis”.

“Ang mga damit ay nasisira sa loob ng sampung taon...” tutol ng mga tamad.

“Kung gayon wala nang mga habihan sa mundo na gumagawa ng tela para sa mga damit ng mga lalaki?”.

“Oo... Ngunit ang isa ay nangangailangan ng pera upang makabili nito.»

“Mayroon kayo nito”.

“Sa loob ng sampung taon... ito ay matagal nang ubos. Ang lahat na may simula ay natatapos”.

“Oo, kung kumukuha kayo rito at hindi kailanman naglalagay ulit dito ng kahit ano. Ngunit bakit kumuha lamang kayo rito? Kung kayo ay nagtrabaho, nakapagdagdag sana kayo rito at nakakuha rito at hindi sana ito naubos, sa kabaligtaran napalaki sana ninyo ito. Nagkasakit kaya kayo?

“Hindi, Ama”.

“Bueno, kung gayon?”.

“Pakiramdam namin kami ay nawala... Hindi namin malaman kung ano ang aming gagawin, kung ano ang tama... Natatakot kami na makagawa ng mali. At upang hindi makagawa ng mali, wala kaming ginawa kahit ano”.

«At wala ba kayong ama na sana nalapitan ninyo para sa payo? Ako ba kailanman ay naging isang matigas na nakakatakot na ama?”.

“O! hindi! Ngunit kami ay nahihiya na magsabi sa inyo: ‘Wala kaming kakayahan na magkusa'. Kayo ay napaka-aktibo... Nagtago kami dala ng hiya”.

“O sige. Tumayo sa gitna ng silid. Kayo naman ngayon! Ano ang inyong sasabihin sa akin? Sa inyong mga hitsura tila hindi lamang kayo dumanas ng gutom bagkus nagkasakit din. Kayo kaya ay nagkasakit dahil nagtrabaho kayo nang husto? Maging prangko at hindi ko kayo kagagalitan”.

Ang ilan sa mga anak na mga tinanong ay lumuhod dinadagukan ang kanilang dibdib at nagsasabing: “Patawarin kami, ama! Kami ay pinarusahan na ng Diyos at karapat-dapat kami nito. Ngunit kayo, na aming ama, patawarin kami!... Nakapagsimula kami nang maayos, ngunit hindi kami nagpursige. Sa dahilan na kami ay naging mayaman kaagad nang madali sinabi namin: ‘Bueno, magpakasarap tayo nang kaunti, ayon sa mungkahi ng ating mga kaibigan, pagkatapos magtatrabaho tayong muli at pupunuan natin ang pagkukulang’. At talagang gusto namin na gawin iyon: balikan ang dalawang salapi at patubuin muli iyon, na tila iyon ay isang laro. At dalawang beses (sabi ng dalawang anak), tatlong beses (sabi ng isa) kami ay naging matagumpay. Pagkatapos kami ay iniwan ng suwerte... at naubos namin lahat ang aming pera”.

“Ngunit bakit hindi kayo bumalik sa rason pagkatapos ng una?”

“Sapagkat ang tinapay na pinasarap ng bisyo ay nagparumi sa ngalangala, at ang isa ay hindi na makakain nang wala iyon”.

“Naroroon ang inyong ama”.

“Totoo. At hinahanap namin kayo nang may kalungkutan at pagkagiliw sa tahanan. Ngunit nasaktan namin kayo... Nanawagan kami sa Langit na pasiglahin kayo na magpasugo para sa amin, upang matanggap sana namin ang inyong paninita at inyong kapatawaran; iyan ang ginusto namin at amin ngayong hinihingi, mahigit pa sa kayamanan na ayaw na namin sapagkat naililigaw kami nito”.

“O sige. Tumayo sa gitna ng silid sa tabi ng mga tinanong bago kayo. At kayo na may sakit at mahirap katulad ng mga iyon, ngunit tahimik at walang pinakikitang tanda ng kapighatian, ano ang inyong sasabihin?”

“Kung ano ang sinabi ng una. Na kinapopootan namin kayo, sapagkat ang inyong di-mabuting paraan ng paggawa ng mga bagay ay ang naging dahilan ng aming pagkasira. Sa dahilan na nakikilala ninyo kami, hindi sana ninyo kami inilantad sa mga panunukso. Napopoot kayo sa amin at kinapopootan namin kayo. Ginawa ninyo ang patibong na iyon upang kami ay mawala. Maisumpa sana kayo”.

“Mabuti kung gayon. Sumama sa una sa sulok na iyon. At ngayon kayo naman ang magsalita, aking  maunlad, mapayapa, mayayamang anak. Sabihin sa akin. Papaano kayo naging labis na maunlad?”.

“Sa pagsasagawa ng inyong itinuturo, inyong mga halimbawa, payo, mga utos, lahat. Nilabanan namin ang mga panunukso, dala ng pagmamahal namin sa inyo, pinagpalang ama na nagbigay sa amin ng buhay at karunungan”.

“Mabuti. Pumunta sa aking kanang tabi at makinig kayong lahat sa aking pasya at sa aking pagtatanggol. Binigyan ko kayong lahat ng parehong salapi, mga halimbawa at karunungan. Ang aking mga anak ay tumugon sa iba't ibang paraan. Mula sa isang masugid magtrabaho, tapat na mahinahong ama iba't ibang anak ang lumabas: ang ilan ay katulad niya, ang ilan ay tamad, ang ilan ay madaling mabiktima ng mga panunukso, at ang ilan ay napakalupit na kinapopootan nila ang kanilang ama, kanilang mga kapatid at kapwa, kung kanino, kahit hindi ko sinasabi sa kanila, ngunit nalalaman ko, sila ay nagpautang sa labis na tubò at gumawa ng mga krimen. At sa pagitan ng mahihina at mga tamad may ilan na nagsisisi at ilan na di-nagsisisi. Ito ang aking pasya. Ang perpektong mga anak ay nasa aking kanan na, katumbas ko sa kaluwalhatian at sa mga gawa; sa mga nagsisisi, katulad ng mga anak na kailangang maturuan, ay papasok muli sa ilalim ng aking awtoridad hanggang maabot nila ang ilang antas ng kakayahan na magpapatunay na sila ay mga adulto muli; ang di-nagsisisi at may kasalanang mga anak ay palalayasin sa aking ari-arian at uusigin ng maldisyon niya na hindi na nila ama, sapagkat ang kanilang poot sa akin ay kinansela nito ang aming relasyon ng ama at anak. Ngunit ibig kong paalalahanan kayong lahat na ang bawat anak ay ang kanyang sariling may-kagagawan ng kanyang sariling babagsakan, sapagkat binigay ko sa lahat ang parehong mga bagay, na, bagama't, ay nagpalabas ng apat na iba't ibang sitwasyon sa mga tumanggap ng mga ito at hindi ako maaakusahan ng pagmimithi ng masamang kalagayan para sa kanila”.

Ang parabula ay tapos na at ngayon ito ay Akin nang ipaliliwanag sa inyo na mga nakinig sa Akin.

Ang Ama sa Langit ay sinisimbolo ng ama ng malaking pamilya. Ang dalawang salapi na binigay ng ama sa bawat isa sa kanyang mga anak bago sila pahayuin patungo sa mundo ay: panahon at malayang kalooban, na siyang ipinagkakaloob sa bawat tao na kanyang gagamitin ayon sa kanyang kagustuhan, pagkatapos na maturuan at magawang perpekto ng Batas at ng mga halimbawa ng makatarungang mga tao. Ang bawat isa ay tumatanggap ng parehong mga regalo. Ngunit ang bawat tao ay ginagamit ito ayon sa kanyang kagustuhan. Ang ilan ay pinahahalagahan ang panahon, pamamaraan, edukasyon, kayamanan, lahat, para sa mabuting pakay at nananatiling banal at matino, ang mga nagmamay-ari ng lumagong mga kayamanan. Ang ilan ay nagsimula nang maayos, pagkatapos napagod at nawala ang lahat. Ang ilan ay walang ginagawa dahil umaasa sila na ibang tao ang gagawa nito. At ang Diyos ay naggagantimpala kaagad sa makatarungan; nagkakaloob Siya ng awa sa mga nagsisisi at panahon upang makapagbayad-kasalanan; at nagbibigay Siya ng maldisyon at kaparusahan sa mga yumuyurak sa pagmamahal sa pamamagitan ng di-pagsisisi, ang resulta ng kanilang mga kasalanan. Binibigay Niya sa bawat tao kung ano ang nararapat para sa kanya.

Kung kaya't huwag sayangin ang dalawang salapi: ang panahon at ang malayang kalooban, bagkus gamitin ito nang tama upang mapapunta sa kanang tabi ng Ama, at kung kayo ay nabigo, magsisi at manampalataya sa Maawaing Pagmamahal. Humayo. Ang kapayapaan ay sumainyo!»

Pinagpapala Niya sila at tinitingnan sila umaalis sa loob ng sikat-ng-araw na pumupuno sa liwasan at mga kalsada.

«Naririto pa rin ba kayo, Aking abang mga kaibigan? Hindi ba kayo maparurusahan?»

«Hindi, Panginoon, kung sasabihin namin na kami ay nakikinig sa Inyo. Ang aming mga sinyora ay pinagpipitaganan Kayo. Saan na Kayo pupunta ngayon, Panginoon? Matagal na silang ibig Kayong makita...»

«Sa Tagagawa ng mga tali malapit sa daungan. Ngunit aalis Ako ngayong gabi, at ang inyong mga sinyora ay pupunta sa handaan...»

«Sasabihin pa rin namin ito sa kanila. Noong nakaraang mga buwan sinabihan nila kami na sila ay pasabihan sa tuwing Kayo ay pupunta rito.»

«O sige. Lakad. At gamitin nang mabuti ang inyong panahon at mga kaisipan, na laging malaya, kahit na kung ang tao ay nasa mga tanikala.»

Ang mga alipin ay yumuko sa lupa at umalis patungo sa mga kuwartel ng mga Romano. Si Jesus at ang Kanyang mga apostol ay nagpatungo sa daungan, sa pamamagitan ng isang makipot na kalsada.

140111

 

 



Sunod na kabanata