431. Pagdating sa Nazareth.

Mayo 9, 1946.

Nanggagaling sa kabukirang gawì ng Sephoris mapapasok ng isa ang Nazareth sa hilagang-silangang tabi, ibig sabihin, sa pinakamataas at mabatong tabi. Ang kabuuang tanawin, sa mga terasa nito kung saan ang Nazareth ay nakalatag, ay makikita kapag marating ng isa ang pinakamataas na tuktok ng burol, na siyang ang huling burol mula sa Sephoris at ito ay humihilig nang matarik pababa sa mga bangin patungo sa bayan. Kung tama ang pagkatanda ko, sapagkat mahaba-habang panahon na ang nakaraan at maraming mga bundok ang magkakatulad, ang lugar na kinaroroonan ngayon ni Jesus, ay ang pinaka-lugar kung saan ang mga kababayan ni Jesus ay tinangkang pagbabatuhin Siya, ngunit napatigil Niya sila sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, dumaraan sa pagitan nila.

Si Jesus ay tumigil tinitingnan ang Kanyang mahal ngunit palaban na bayan, at ang isang ngiti ng kasayahan ay nagpaningning sa Kanyang mukha. Anong isang pagpapalà, di-pinapansin at di-nirarapat ng mga Nazareno, ang Kanyang dibinong ngiti, na tiyak na nagbubuhos at nagkakalat ng mga grasya sa lupain na tumanggap sa Kanya noong Siya ay isang bata, nakakita sa Kanya Na lumalaki at kung saan ang Kanyang Ina ay ipinanganak at naging ang Esposo ng Diyos at Ina ng Diyos! Ang dalawang pinsan din ay tinitingnan ang kanilang bayan nang may kitang-kitang tuwa, ngunit ang kasayahan ni Tadeo ay napipigilan ng mabalasik na pigíl na kabigatan, samantalang ang kay Santiago ay mas hayag at may-kabaitan, mas katulad ng kay Jesus.

Bagama't ito ay hindi kanyang bayan, ang mukha ni Tomas ay nagniningning nang matingkad sa tuwa, at tinuturo ang maliit na bahay ni Maria, mula sa batong pugon kung saan ang mga pabilog na mga usok ay tumataas, siya ay nagsabi: «Ang Ina ay nasa bahay at gumagawa Siya ng tinapay...» at binibigkas niya ang simpleng mga salitang ito nang may gayong taimtim na pagmamahal, na tila siya ay nagsasalita sa kanyang ina nang may lahat na pagmamahal ng isang anak.

Ang Zealot, mas kalmante dahil sa kanyang edad at pagpapalaki, ay ngumingiti nagsasabing: «Oo, at ang Kanyang kapayapaan ay nakararating na sa ating mga puso.»

«Bumaba tayo nang mabilis» sabi ni Santiago. «Bababa tayo sa pamamagitan ng landas na ito at hindi maaaring may kahit sinong Nazareno ang makakakita sa atin na dumarating. Maaantala nila tayo...» 

«Ngunit mapapalayó kayo sa inyong bahay... Ang inyong ina ay nananabik din na makita kayo.»

«O! Maaari kang makatiyak, Simon, na ang aming ina ay kasama si Maria. Siya ay halos laging naroroon... At siya ay naroroon dahil sila ay gumagawa ng tinapay at dahil sa may-sakit na batang babae.»

«Oo, dumaan tayo rito. Dadaan tayo sa likuran ng pangkusinang-hardin ni Alfeo at makakarating tayo sa halamang-bakod namin» sabi ni Jesus.

Bumaba sila nang mabilis sa isang landas na sa una ay napaka tarik, pagkatapos ito ay naging mas banayad malapit sa bayan. Dumaraan sila sa loob ng mga taniman ng mga punong-olibo at sa loob ng maliliit na bukid na walang tanim. Dumaraan sila malapit sa unang mga pangkusinang-hardin ng bayan. At ang matataas na madadahon na mga halamang-bakod sa paligid ng mga hardin at sa ibabaw nito kung saan ay nakabitin ang mga sanga ng mga punungkahoy na puno ng bunga, o ang maliliit na pader na gawa sa mga bato lahat natatakpan ng mga sangang nakabitin sa labas mula sa mga lootan, ay napipigilan na makita ang kanilang pagdaan ng mga may-bahay na kumikilos sa loob ng mga hardin, o mga naglalaba o naglaladlad ng mga nilabhan sa mga damo malapit sa mga bahay...

Ang nagpapanabing halamang-bakod sa isang tabi ng pangkusinang-hardin ni Maria, na isang pagkakasabid-sabid ng mga tinik sa taglamig, pagkatapos makapal sa mga dahon sa tag-init, pagkaraan na mamulaklak ang hawthorn sa tagsibol o ang maliliit na prutas maging kulay-rubi sa taglagas, ay ngayon adornado ng mayabong na hasmin at ng umaalun-alon na mga takupis ng isang bulaklak, na ang pangalan nito ay hindi ko alam, at na mula sa loob ng hardin inilalabas ang kanilang mga sanga sa halamang-bakod ginagawa itong mas makapal at mas maganda. Ang isang ibon na blackcap ay umaawit sa kakapalan ng mga dahon at ang paghuni ng mga kalapati ay naririnig mula sa loob ng hardin.

«Ang bakod din ay protektado at ganap na natatakpan ng mga sangang nasa pamumulaklak» sabi ni Santiago na tumakbo nang una upang tingnan ang pangkabukiran na tarangkahan sa likuran ng hardin, ang isang tarangkahan na pagkatapos na magamit sa loob ng napakaraming taon, ay binuksan upang makapasok at makalabas ang kariton ni Pedro para kina Juan at Sintike.

«Dadaan tayo sa daanan at kakatok sa pinto. Maghihirap ang Aking Ina makikitang nasira ang proteksiyon na ito» tugon ni Jesus.

«Ang Kanyang saradong hardin!» bulalas ni Judas ni Alfeo.

«Oo. At Siya ang rosas nito» sabi ni Tomas.

«Bilang isang liryo sa gitna ng matitinik halaman» sabi ni Santiago.

«Ang selyadong pontanya» sabi ng Zealot.

«Mas mabuti pa: ang bukal ng buháy na tubig na bumubukal nang may-kapusukan mula sa magandang bundok ay ibinibigay ang Tubig ng Buhay sa Lupa at bumubulwak patungo sa Langit sa pamamagitan ng may-bangong kagandahan nito» sabi ni Jesus.

«Masisiyahan na Siyang makita Kayo» sabi ni Santiago.

«Sabihin Ninyo sa akin, Kapatid, ang isang bagay na matagal-tagal ko nang gustong malaman. Papaano Ninyo tinitingnan si Maria? Bilang isang Ina o isang nasasakupan? Siya ay Inyong Ina, ngunit Siya ay isang babae at Kayo ay Diyos...»

«Bilang isang kapatid at isang nobya, bilang malaking kaluguran at kapahingahan ng Diyos at bilang kaginhawahan ng Tao. Nakikita Ko ang lahat at nasa Akin ang lahat kay Maria, bilang Diyos at bilang Tao. Siya Na dating ang Lugod ng Ikalawang Persona ng Trinidad sa Langit, Lugod ng Salita at ng Ama at ng Espiritu rin, ay ang Lugod ng Diyos na Nagkatawang-Tao, at Siya ang magiging Lugod ng Tao Diyos Na Niluwalhati.»

«Anong isang misteryo! Kung gayon pinagkaitan ng Diyos ang Kanyang Sarili nang dalawang beses ng Kanyang mga kinalulugdan. Sa Inyo at kay Maria at ibinigay Niya Kayo sa Lupa...» pagninilay ng Zealot.

«Anong pagmamahal! Ang kailangan mong sabihin. Ang pagmamahal ay inudyukan ang Trinidad na ibigay si Maria at si Jesus sa Lupa» sabi ni Santiago.

«At, hindi hinggil sa Inyo, Na Diyos, bagkus hinggil sa Kanyang Rosas, hindi ba Siya natakot na ipagkatiwala ang Kanyang Rosas sa mga tao, na lahat di-karapat-dapat ng pagpoprotekta sa Kanya?» tanong ni Tomas.

«Tomas, ang Awit ng mga Awit ang tumutugon sa iyo: “Ang Mapayapang Isa ay may isang ubasan at pinagkatiwala niya ito sa mga tagapag-alaga na, bilang mga walang-pakundangan na nasusulsulan ng Tagapaglapastangan, nakahandang magbayad nang malaking halaga makuha lang ito, ibig sabihin, lahat ng mga panghahalina upang matukso ito, ngunit ang magandang Ubasan ng Panginoon ay inalagaan ang sarili ng sarili nito, at ayaw ibigay ang mga prutas nito sa kahit sino bagkus sa Panginoon at ibinigay ang sarili nito sa Kanya na siyang nagpalitaw sa mahalagang-mahalagang Kayamanan: ang Tagapagligtas”.»

Nakarating na sila ngayon sa pintuan ng bahay, habang kumakatok si Jesus, si Judas ni Alfeo ay nagkumento:  «Ito ay magiging ang kaso na sabihin: “Magbukas, aking kapatid, aking esposa, aking pinakamamahal na imakuladang kalapati”...»

Ngunit nang magbukas ang pinto, at ang matamis na mukha ng Birhen ay lumitaw, binigkas ni Jesus ang pinakamatamis na salita, iniuunat ang Kanyang mga kamay upang tanggapin ang Birhen: «Inay!»

«O! Anak! Pinagpala! Pasok at harinawang ang kapayapaan at ang pagmamahal ay mapasaiyo!»

«At sa Aking Ina at sa bahay at sa mga nasa loob nito» sabi ni Jesus pumapasok, sinusundan ng iba pa.

«Ang inyong ina ay nasa loob doon, at ang dalawang babaeng disipulo ay abala sa paggawa ng tinapay at sa paglalaba...» paliwanag ni Maria pagkatapos na makipagpalitan ng mga pagbati sa mga apostol at sa Kanyang mga pamangkin, na di-nagpahalatang umalis iniiwan nang mag-isa ang Ina at ang Anak.

«Naririto Ako kasama Ninyo, Inay. Magkakasama tayo nang matagal-tagal... Gaano katamis ito na makabalik... sa bahay at sa Inyo higit sa lahat, Inay, pagkaraan ng labis na paglalakbay sa pagitan ng mga tao...»

«At ang mga tao ay mas lalo Kang nakikilala at sa pamamagitan ng pagkakakilalang iyan tungkol sa Iyo sila ay nahahati sa dalawang grupo: ang mga nagmamahal sa Iyo... at ang mga napopoot sa Iyo... At ang huling grupo ay ang mas malaki...»

«Nararamdaman ng Kasamaan na malapit na itong matalo at ito ay nagngangalit... at ginagawa ang mga tao na magngalit... Kumusta ang batang babae?»

«Mabuti-buti na... Ngunit nasa bingit siya ng kamatayan dati... At ang kanyang mga salita ngayon na hindi na siya nagdidiliryo ay tumutugma, bagama't mas pigíl, sa mga salitang kanyang sinasabi noong siya ay nagdidiliryo. Magiging pagsisinungaling ang sabihin na hindi namin nabuong muli ang kanyang kasaysayan... Kaawa-awang bata!...»

«Oo, ngunit ang Tulong-ng-Maykapal ay binantayan siya.»

«At ngayon?...»

«Ngayon... Hindi Ko alam. Si Aurea ay hindi Ko pag-aari bilang isang nilikha. Ang kanyang kaluluwa ay Akin, ang kanyang katawan ay pag-aari ni Valeria. Pansamantala, siya ay mananatili rito, upang makalimutan...»

«Si Myrtha ay ibig na makuha siya.»

«Alam Ko... Ngunit wala Akong karapatan na gumawa ng kahit ano nang walang kapahintulutan ng binibining Romano. Ni hindi Ko nga nalalaman kung siya ay nakuha nila sa pamamagitan ng pera o sa simpleng paggamit ng mga pangako... Kapag kukunin na siya ng binibining Romano...»

«Lalakad Ako sa katauhan Mo, Anak. Hindi tama na Ikaw ang pumunta... Hayaan ang Iyong Ina na asikasuhin ito... Kaming mga babae... pinakamaliliit na tao para sa Israel, ay hindi masyadong napupuna kung kami ay pumupunta at makikipag-usap sa mga Hentil. At ang Iyong Ina ay labis na di-kilala sa mundo! Walang makapupuna sa Judiong babae ng pangkaraniwang mga tao na lumalakad sa mga kalsada sa Tiberias, nakabalot sa kanyang manta, at kumakatok sa pintuan ng isang binibining Romano…»

«Makakapunta Kayo sa bahay ni Johanna... at makipagusap sa binibini roon...»

«Gagawin Ko iyan, Anak. Mapaginhawahan nawa ang Iyong puso, Jesus!... Labis Kang namomroblema... naiintindihan Ko... at gusto Kong makagawa ng labis para sa Iyo...»

«At gumagawa Kayo ng labis, Inay. Salamat sa Inyo para sa lahat na ginagawa Ninyo...»

«O! Ako ay isang napaka-abang tulong, Anak! Dahil hindi Ako magtagumpay na magawa Kang mahalin, na mabigyan Ka... ng lugod... habang napahihintulutan Ka pang magkaroon ng ilang mga kaluguran... Kung gayon ano Ako? Isang kaawa-awang disipulo nga...»

«Inay! Inay! Huwag Ninyong sabihin iyan! Ang Aking lakas ay dumarating sa Akin sa pamamagitan ng Inyong mga panalangin. Ang Aking isip ay nakapagpapahinga iniisip Kayo, at tingnan, ang Aking puso ay nakapagpapahinga nang ganyan, na ang Aking ulo nakasandal sa Inyong pinagpalang puso... Inay Ko!...» Si Jesus ay nailapit ang Kanyang Ina sa Kanya, dahil si Maria ay nakatayo sa harapan Niya, habang nakaupo Siya sa baul sa tabi ng pader, at sinasandal ang Kanyang noo sa dibdib ni Maria, Na magiliw na hinahaplos ang Kanyang buhok... Isang sandaling pagtigil ng pagmamahal.

Si Jesus pagkatapos ay itinaas ang Kanyang ulo, tumayo at nagsabi: «Puntahan natin ang iba at ang bata» at Siya ay lumabas kasama ang Kanyang Ina patungo sa pangkusinang-hardin.

Ang tatlong babaeng disipulo, nakatayo sa pintuan ng silid kung saan naroroon ang may-sakit na batang babae, ay nakikipagusap sa mga apostol. Ngunit nang makita nila si Jesus sila ay naging tahimik at lumuhod.

«Kapayapaan sa iyo, Maria ni Alfeo, at sa inyo, Myrtha at Naomi. Natutulog ba ang bata?»

«Oo, natutulog. Nilalagnat pa siya at ang kanyang temperatura ay nagagawa siyang litò at manghina. Kung ito ay magpapatuloy, siya ay mamamatay. Ang kanyang mahinang katawan ay hindi makalaban sa sakit at ang kanyang isip ay nababalisa ng mga alaala» sabi ni Maria ni Alfeo.

«Oo... at siya ay walang pakialam sapagkat sinasabi niya na gusto niyang mamatay, upang hindi na sana niya makita ang mga Romano...» patotoo ni Myrtha.

«At iyan ay nagpapalungkot sa amin sapagkat napamahal na siya sa amin...» sabi ni Naomi.

«Huwag matakot!» tugon ni Jesus lumalakad hanggang sa pamasukan ng maliit na silid at hinahawi ang kurtina...

Sa ibabaw ng maliit na kama sa tabi ng pader, nakaharap sa pintuan, ay lumitaw ang maliit na mukha ng batang babae, maningning na pula ang mga pisngi, habang ang lahat na iba pang parte ay kasing puti ng niyebe, nakalubog sa dami ng kanyang kulay-gintong buhok. Siya ay natutulog nang malikot, nagbibigkas ng di-maintindihan na mga salita sa pagitan ng kanyang mga ngipin at sa pamamagitan ng kanyang kamay na nakalatag sa mga blanket gumagawa siya ng isang paggalaw na tila may tinatanggihan siyang isang bagay.

Si Jesus ay hindi pumapasok. Tinitingnan Niya siya nang may naaawang mga mata. Pagkatapos  tinawag Niya siya sa isang malakas na tinig. «Aurea! Halika! Ang iyong Tagapagligtas ay naririto.»

Ang bata ay bigla na lamang naupo sa kanyang kama, nakita niya si Jesus at siya ay bumangon nang may sigaw at tumakbong walang-saplot ang mga paa sa loob ng kanyang maluwang na tunika patungo sa Kanya, at lumuhod sa Kanyang paanan nagsasabing: «Panginoon! Ngayon ako ay totoong Inyo nang pinalaya!»

«Siya ay magaling na. Kita ninyo? Hindi siya mamamatay sapagkat kailangan muna niyang malaman ang Katotohanan.» At sa bata na humahalik sa Kanyang mga paa Siya ay nagsabi: «Bumangon at mamuhay sa kapayapaan» at pinapatong Niya ang Kanyang kamay sa ibabaw ng di na nilalagnat na ulo.

Si Aurea, sa loob ng kanyang linen na damit, na baka isang damit ng Birhen, na napakahaba na ito ay may hila-hila sa likuran niya, ang kanyang nakalugay na buhok bumabagsak sa kanyang balingkinitan na katawan katulad ng isang manta, ang kanyang abuhing-asul na mga mata nagniningning pa gawa ng temperatura na kabababá pa lamang at ng lugod na pumuno pa lamang sa kanya, ay nagmumukhang isang anghel.

«Paalam! Kami ay pupunta sa pagawaan habang tinitingnan ninyo ang bata at ang bahay...» sabi ng Guro at sinusundan ng Kanyang apat na apostol Siya lumakad papunta sa dating pagawaan ni Jose at sila ay umupo sa mga upuan na hindi na ginagamit...

 170211

 



Sunod na kabanata