432. Ang Parabula Tungkol sa Pininturahang Kahoy.

Mayo 10, 1946.

Ang paapuyan ng simpleng pagawaan ay pinaapoy pagkaraan nang matagal na panahon na hindi ito nagagamit, at ang amoy ng kola na kumukulo sa loob ng isang lata ay humahalo sa di-mapagkakamalang amoy ng pinaglagarian at sariwang mga pinagkataman, na naiipon pa lamang sa paanan ng isang pagawaang mesa.

Si Jesus ay nagtatrabaho nang masigasig upang ang ilang kahoy, sa pamamagitan ng lagari at katam, ay maging mga paa ng mga upuan, mga kahon at iba pa. Ang ilang piraso ng muwebles, ang katamtamang muwebles ng maliit na bahay sa Nazareth, ay dinala sa pagawaan upang ayusin: ang pinagmamasahan na kahoy, ang isa sa mga habihan ni Maria, ang dalawang bangkito, ang isang hagdanan ng hardin, ang isang maliit na baul at ang pinto ng batong pugon, na ang ibabang bahagi nito sa aking palagay ay nginatngat ng mga daga. Nagtatrabaho si Jesus upang ayusin kung ano ang nasira sa katagalan ng paggamit at gawa ng pagkaluma.

Si Tomas, sa halip, na may kumpletong gamit ng isang platero ng ginto, na maaaring kinuha niya mula sa isang sako na nasa ibabaw ng kanyang kama na nasa tabi ng pader katulad ng kama ng Zealot, ay tinatrabaho nang may magagaang kamay ang ilang maninipis na plantsa ng plata. At ang pagpukpok ng kanyang maliit na martilyo sa ibabaw ng buril, nagbibigay ng malaplatang tunog, ay humahalo sa malakas na ingay ng mga kagamitan ni Jesus.

Paminsan-minsan nagpapalitan sila ng kaunting mga salita, at si Tomas ay masayang-masaya na nakakasama ang Guro doon at nasa kanyang pagtatrabaho ng isang platerong ginto at sa katunayan sinasabi niya ito – na sa pagitan ng pag-uusap siya ay sumisipol nang malumanay. Paminsan-minsan itinataas niya ang kanyang mga mata at nag-iisip, at nakalubog sa pag-iisip tinititigan niya ang mausok na pader ng malaking silid.

Si Jesus ay napupuna ito at nagtanong: «Kinukuha mo ba ang iyong inspirasyon mula sa maitim na pader, Tom? Totoo na ang matagal na pagtatrabaho ng isang makatarungan na tao ang nagpaitim nang ganyang sa pader, ngunit iyan ay sa palagay Ko hindi makapagpapagana sa isang platero ng ginto...»

«Hindi, Guro, ang isang platero ng ginto ay hindi niya kailanman magagaya sa pamamagitan ng mayayamang metal ang kagandahan ng banal na karukhaan... Ngunit sa pamamagitan ng kanyang metal magagaya niya ang magagandang bagay ng kalikasan at kung gayon napadadakila ang ginto at plata na ginagamit sa paggaya sa mga bulaklak at mga dahon na nasa sangnilikha. Iniisip ko ang mga bulaklak at mga dahon na iyon, at upang maalaala nang eksakto ang mga detalye nila napapatingin ako nang gayon, na ang aking mga mata nasa pader, ngunit sa katunayan ang nakikita ko ay mga kakahuyan at mga parang ng ating Amangbayan, ang magagaan na dahon, ang mga bulaklak na nakakatulad ang mga kalis at mga bituin, ang tayò ng mga tangkay at madadahon na mga sanga...»

«Ikaw ay isang makata, kung gayon, isang makata na umaawit sa metal kung ano ang inaawit ng isang tao sa pamamagitan ng tinta sa pergamino.»

«Oo. Ang isang platero ng ginto sa katotohanan ay isang makata na isinusulat sa metal ang magagandang bagay ng kalikasan. Ngunit ang aming trabaho, maarte at maganda, ay hindi makakapantay sa trabaho Ninyo, na isang mapagpakumbaba at banal, sapagkat ang amin ay pinagsisilbihan ang banidad ng mayayamang tao, samantalang ang Inyo ang pinagsisilbihan ay ang kabanalan ng bahay at ang kapakinabangan ng mahihirap.»

«Tama ang sinasabi mo, Tomas» sabi ng Zealot, na lumitaw sa pintuan na nagbubukas patungo sa pangkusinang-harding, ang kanyang tunika itinaling mataas, ang kanyang mga manggas nakalilis, may apron sa harapan niya at may hawak na isang lata ng pintura.

Si Jesus at si Tomas ay tumalikod tinitingnan siya at sila ay ngumingiti. At si Tomas ay tumugon: «Oo, ang sinasabi ko ay tama. Ngunit gusto ko na paminsan-minsan ang trabaho ng platero ay makapagsilbi na maadornohan ang isang... mabuting banal na bagay...»

«Alin?»

«Ito ay isang sekreto ko. Nagkaroon ako ng ideang ito matagal na, at mula pa noong tayo ay nasa Ramah nagdadala na ako ng maliliit na gamit ng platero-ng-ginto, sa paghihintay sa pagkakataon na ito... At ano ang tungkol sa iyong trabaho, Simon?»

«O! Ako ay hindi isang perpektong artesano katulad mo, Tom. Ito ang unang-una kong pagkahawak ng isang brotsa at hindi pantay ang aking pagkapintura, sa kabila ng lahat ng aking mabuting kalooban. Kung kaya't nagsimula ako mula sa pinakasimpleng mga bagay... upang magkaroon ng galíng... at matitiyak ko sa iyo na ang aking kawalang-eksperyensiya ay nagawang mapatawa nang husto ang batang babae. Ngunit ako ay natutuwa! Nakakapanumbalik na siya oras-oras patungo sa panatag na pamumuhay, at iyan ang kinakailangan upang makansela ang kanyang nakaraan at maging bago siyang muli para sa Inyo, Guro.»

«H’m! Baka si Valeria ay hindi siya pakawalan...» sabi ni Tomas.

«O! ano naman sa palagay mo ito kay Valeria kung makuha niya o hindi ang bata? Ito ay magiging mapigilan lamang ang bata na mag-isang nangungulila sa mundo. Tiyak na mabuting bagay kung ang bata ay ligtas magpakailanman at sa lahat ng bagay, higit sa lahat sa kanyang espiritu. Tama ba iyon. Guro?»

«Totoo iyan. Kailangan na magdasal tayo nang mabuti para diyan. Ang bata ay totoong simple at mabuti, at kung siya ay mapalaki sa Katotohanan, malaki ang kanyang magagawa. Siya ay likas na nakakiling sa Liwanag.»

«Pinaniniwalaan ko iyan nang malaki! Wala siyang konsolasyon sa Lupa... at hinahanap niya ito sa Langit, kaawa-awang kaluluwa! Sa palagay ko kapag ang Inyong Ebanghelyo ay naipahayag sa buong mundo, ang una at pinakamarami na tatanggap nito ay ang mga alipin, ang mga walang pantaong kaginhawahan at maninilungan sa Inyong mga pangako upang magkaroon ng ilan nito... At sasabihin ko na kung ang karangalan ng pagpapahayag sa Inyo ay bumagsak sa akin, mamahalin ko nang may espesyal na pabor ang kaawa-awang mga sawing-palad na iyan...»

«At magagawa mo ang tamang bagay, Tom» sabi ni Jesus.

«Oo. Ngunit papaano mo sila lalapitan?«

«O! Ako ay magiging isang platero ng ginto para sa mga binibini at... isang guro ng kanilang mga alipin. At isang platero-ng-ginto ay tumatawag sa mga bahay o ang mga katulong ng mayayaman ay pumupunta sa bahay niya... at tatrabahuhin ko ang dalawang metal... Dalawang metal: mga metal ng Lupa para sa mayayaman.... mga metal ng espiritu para sa mga alipin.»

«Pagpalain ka nawa ng Diyos para sa iyong mga intensiyon, Tom. Magpursige diyan...»

«Oo, Guro. Magpupursige ako.»

«Bueno, ngayon na nakatugon na Kayo kay Tomas, pakiusap na sumama sa akin, Guro... upang tingnan ang aking ginawa at sabihin sa akin kung ano ang kailangan kong pinturahan ngayon. Simpleng mga bagay muli, sapagkat ako ay lubos na walang-kakayahan na aprendis.»

«Tayo na, Simon...» at si Jesus ay binaba ang Kanyang mga gamit at lumabas kasama ang Zealot.

Sila ay bumalik pagkaraan nang ilang sandali at itinuturo ni Jesus ang hagdanan ng hardin. «Pinturahan iyan. Ang pintura ay nagagawa ang kahoy na di-mapasok at napatatagal ang buhay nito, bukod sa nagagawa ito na mas maganda. Katulad ito ng depensa at pampaganda ng mga birtud sa isang puso ng tao. Maaaring ito ay baku-bako, magaspang... Ngunit kapag maramtan ito ng mga birtud, ito ay nagiging maganda at kaaya-aya. Tingnan, upang magkaroon ng magandang pintura na magsisilbi sa pakay nito, kailangan na pangalagaan ng isa ang napakaraming bagay. Una sa lahat: kailangan na piliin mo nang mabuti kung ano ang kinakailangan upang magkaroon nito. Ibig sabihin, isang malinis na lata na walang amag at tira ng dating mga pintura, magandang langis at magandang kulay, at pagkatapos kailangan na haluin mo ito nang matiyaga, ginagawa ito upang ang halò ay hindi napakakapal o napakanipis. At kailangan na huwag kang mapagod hanggang ang pinakamaliit na buu-buo ay mawala. Pagkatapos na magawa ito, kailangan mong kumuha ng isang brotsa na ang mga buhok nito ay hindi natatanggal, at kailangan na ang buhok ay hindi napakatigas o napakalambot; ang brotsa ay kailangan na alisin dito ang anumang dating pintura, at bago gamitin ang pintura, kailangan na alisin mo sa kahoy ang lahat na kagaspangan, ang mga nanigas na dating pintura, ang dumi, lahat, at pagkatapos ginagawa ito nang may matatag na kamay, may-kalinisan at labis na tiyaga, ikakalat mo ang pintura, ginagawa ito nang pagawing iisang  direksiyon lagi. Sapagkat sa kahoy matatagpuan mo ang iba't ibang mga problema. Sa mga buko, halimbawa, ang pintura ay mananatiling mas makinis, totoo iyan, ngunit hindi ito natatakpan nang mabuti ng pintura, na tila tinatanggihan ito ng kahoy. Sa kabilang dako ang pintura. gayon din naman, ang pintura ay kumakapit nang mabuti sa malalambot na parte ng kahoy, ngunit ang malalambot na parte ay hindi sa pangkalahatan napakakinis at kung gayon ang mga paltos o mga guhit-guhit ay napoporma... Ang isa ay kailangan na remedyuhan ang depektong ito sa pamamagitan ng pagkalat ng pintura nang may matatag na kamay. Pagkatapos sa mga lumang muwebles ay may mga bagong parte, katulad ng baytang na ito, halimbawa. At upang hindi maipakita na ang kaawa-awang hagdan ay hindi basta na lamang niretoke, bagkus lumang-luma, dapat gawin ng isa na magkamukha ang bago at ang lumang mga baytang... Ayan ka na, ganyan!» Si Jesus nakayuko sa paanan ng hagdan ay gumagawa at nagsasalita rin...

Si Tomas, na iniwan ang kanyang mga burin upang makalapit kay Jesus at makakita, ay nagtanong: «Bakit Kayo nagsimula sa ibaba at hindi sa itaas? Hindi ba’t mas mabuti kung pabaliktad?»

«Ito ay tila lalabas na mas mabuti, ngunit hindi. Sapagkat ang pinakamababang parte ay mas gastado at mas lalo pang magagasta dahil nakadikit ito sa lupa. Kung kaya't kailangan mo itong pinturahan nang makailang beses. Isa, pangalawa at pangatlong pahid kung kinakailangan... at hindi nagsasayang ng oras na patuyuin muna ang mababang parte, pipinturahan mo ang itaas at pagkatapos ang gitnang bahagi ng hagdan.»

«Ngunit sa paggawa nang ganito, baka mamantsahan ang damit ng isa at masira ang napinturahan na.»

«Kung ikaw ay maingat hindi mo mamamantsahan ang mga damit mo at wala kang masisira. Kita mo? Ganito ang paggawa nito. Tipunin mo ang iyong damit at lumayo nang kaunti. Hindi dahil sa pagkasuklam sa pintura, bagkus upang hindi masayang ang pintura na, bilang bago, ay maselan» at si Jesus ang Kanyang mga kamay nakataas ay pinipinturahan ang itaas ng hagdanan.

At Siya ay nagpapatuloy sa pagsasalita:

«At ganito rin ang gagawin ninyo sa mga kaluluwa. Sa simula sinabi Ko sa inyo na ang pintura ay katulad ng palamuti ng mga birtud sa mga puso ng tao. Napapaganda at napoprotektahan nito ang kahoy laban sa mga uod, sa ulan, sa init ng sikat ng araw. Kapighatian sa nagmamay-ari na hindi pinangangalagaan ang kanyang mga pinturadong mga gamit at pinababayaan itong mabulok! Kapag makita ng isa na ang kahoy ay nawawalan ng pintura, hindi siya kailangan na mag-aksaya ng panahon, bagkus pinturahan kaagad ito ng bagong pintura. Ang mga pintura ay kailangan na pinananatili... Ang mga birtud din na nakuha sa unang datíng ng kasabikan ng pagpatungo sa katarungan ay maaaring lumiit o mawala nang ganap kung ang nagmamay-ari ay hindi nagbabantay, at ang katawan at kaluluwa na naiwang nakalantad sa awa ng masamang panahon at sa mga parasito, ibig sabihin, sa masisimbuyong damdamin at sa mga paglilibang, ay maaaring atakihin at mawala ang damit na nagpapaganda sa mga ito, at magtatapos ito sa pagiging... mabuti lamang para sa apoy. Kung gayon, kung tungkol sa ating sarili at sa mga minamahal nating mga disipulo, kapag mapuna natin na ang mga birtud na siyang nagsasanggalang sa ating mga kaakuhan ay winawasak o nawawala, kailangan na maglaan tayo kaagad ng masugid na matiyagang pagtatrabaho hanggang sa katapusan ng ating mga buhay, upang sana tayo ay matulog, kapag tayo ay mamatay, na may katawan at kaluluwa na karapat-dapat ng isang maluwalhating resureksiyon. At upang matiyak na ang inyong mga birtud ay totoo at mabuti, kailangan na magsimula kayo na may purong katapangan ng mga intensiyon, na mag-aalis sa lahat ng mga dumi at amag, at kailangan na magtrabaho kayo na walang maiiwan na kahit anong imperpeksiyon sa pagtatayo ng mga birtud, at pagkatapos maghitsura kayong hindi matigas o napakalambot, sapagkat ang pagpapabaya at labis na katigasan ay kapwa makasásamâ. At ang brotsa: ang inyong kalooban. Gawin itong malaya sa dating naroroon na na pantaong mga kiling na baka materyal na makasira sa espirituwal na kulay, at ihanda ang inyong sarili at ang ibang mga tao, sa pamamagitan ng angkop na mga operasyon, na totoong matrabaho, ngunit kinakailangan, upang malinisan ang dating kaakuhan ng anumang dating ketong na naririyan, upang ito ay sana maging puro na tumanggap ng birtud. Sapagkat hindi ninyo maihahalo ang bago sa kung ano ang luma.

Pagkatapos kayo ay magsisimulang magtrabaho, nang may tinitingnan. Hindi kayo kailangan na magmadali rito at doon nang walang magandang dahilan. Hindi kayo kailangan na magtrabaho nang kaunti sa isang direksiyon at pagkatapos kaunti sa isa pa. Hindi nga mapapagod nang husto ang isa, totoo iyan. Ngunit ang pintura ay magiging di-pantay, katulad ng nangyayari sa walang-kaayusang mga kaluluwa. Nagpapakita ito ng perpektong mga punto, pagkatapos malapit dito ay may mga diperensiya, may iba't ibang lalim ng kulay... Ang isa ay kailangan na magpumilit sa mga lugar na ayaw tumanggap ng pintura, sa mga buko: ang kalituhan ng bagay o ng masamang masimbuyong mga damdamin, na, siyempre, napatigil ng kalooban, na katulad ng isang katam na nagpakahirap na pakinisin ito, ay nananatiling ayaw na mapinturahan katulad ng isang buko na tinapyas ngunit hindi nasira. At kung minsan nakapanloloko, dahil lumalabas silang maayos na naramtan ng birtud, samantalang ito ay bagkus isang magaang belo lamang na mamaya ay malalaglag.

Mag-ingat sa mga buko ng kiling-sa-pagkakasala. Tiyakin na ang birtud ay natatakpan sila nang paulit-ulit, upang sila ay hindi na sana muling mangibabaw sinisira ang bagong kaakuhan. At takpan ang malalambot na parte, na madaling mapinturahan, ngunit ganito sila dahil sa kanilang sariling kagustuhan: kung sila ay may mga paltos at mga raya-raya kailangan na magpumilit kayo sa pamamagitan ng pangkaskas na bubog, pinakikinis nang pinakikinis ito upang mapinturahan ito nang makailang beses, upang ang parteng ito ay maging kasing kinang ng nanigas na pintura. At tingnan na hindi kayo lalabis. Ang umasa nang labis sa birtud ay nagagawa ang tao na magrebelde, uminit ang ulo at magkapaltos sa unang pagkakataon. Huwag. Huwag labis at huwag kakaunti. Maging makatarungan sa pagtrato sa inyong mga sarili at sa mga nilalang na gawa sa laman at kaluluwa.

At kung, katulad ng karamihang mga kaso – sapagkat ang mga bata-pang babae katulad ni Aurea ay isang liban dito, hindi ang alituntunin – ay may bagong mga parte na napahalò sa mga luma, katulad ng may napahalò sa mga Israelita, mula sa panahon ni Moses hanggang sa panahon ng Kristo, katulad din ng mga pagano sa kanilang paniniwala ayon kay Moses na hindi kaagad makakansela nang bigla at lalabas dahil sa pagpaparangal, tungkol man lamang sa pinakapurong mga bagay, diyan ang isa kailangan na maging mapagbantay at mataktika at magpumilit hanggang sa ang lumang parte ay maging kauri ng bago ginagamitan ng nauna nang mga sitwasyon upang makumpleto ang bagong mga birtud.

Naiintindihan ba ninyo Ako? At gamitin ang mga kaugalian bilang pamamaraan na makapasok. Huwag manira nang may karahasan. Hindi ninyo aalisin kaagad kung ano ang magagamit upang makapagtayo. Bagkus unti-unting alisin kung ano ang hindi kailangan na manatili sa isang kumbertido, nang may karidad, tiyaga at katatagan. At sa dahilan na ang materyal ay mas malakas sa mga tao, lalo na sa mga pagano, kahit na kung sila ay mga kumbertido, dahil nakakahalubilo nila lagi ang daigdig ng pagano, na kanilang pinaninirahan, kailangan na magpumilit kayo na iwasan ang sensuwal na mga pagpapakasarap. Ang lahat na iba pa ay susunod pagkatapos ng sensuwalidad. Bantayan ang nainis na sensuwalidad ng mga pagano at, amin na aminin, na napakalakas din sa pagitan natin, at kapag mapuna ninyo na ang pakikihalubilo sa mundo ay sinisira nito ang nagpoprotektang pintura, huwag magpatuloy na pinturahan ang itaas, bagkus pumunta sa mas mababang parte, binabalanse ang espiritu at ang laman, ang itaas at ang ibaba. Ngunit laging magsimula sa laman, sa materyal na bisyo, upang maihanda ang kaluluwa na tanggapin nito ang Panauhin Na hindi nakikihalong manirahan sa di-purong mga katawan o kasama ang mga espiritu na nangangamoy ng karnal na pagpapakarumi... Naiintindihan ba ninyo Ako?

At huwag matakot na kayo ay magiging marumi kung masagi ng inyong damit ang bahaging mabababa, ibig sabihin ang materyal na mga bahagi, ng mga espiritu ng mga taong inyong ginagamot. Kumilos nang maganda, upang sa lahat ng oras kayo ay makapagtayong muli kaysa makapanira. Mamuhay nang buhós sa inyong kaakuhan na inaalagaan ng Diyos, nakabalot sa birtud magpatuloy kayong malumanay lalo na kung kailangan na alagaan ninyo ang pinakamaselan na espirituwal na kaakuhan ng ibang mga tao, at tiyak na magtatagumpay kayo sa pagpapabago sa kahit pinaka-kasuklam-suklam na mga tao na maging mga karapat-dapat sa Langit.»

«Anong gandang parabula ang Inyong pinarinig sa amin! Ibig kong isulat ito para kay Marjiam!» sabi ng Zealot.

«At para sa akin, dahil ang lahat sa akin ay kailangan na maging maganda para sa Panginoon» sabi nang dahan-dahan nagsisikap na makita ang mga salita, ni Aurea na, walang-saplot ang mga paa, ay matagal nang nakatayo sa pintuan ng pangkusinang-hardin.

«O! Aurea! Nakikinig ka ba sa amin?» tanong ni Jesus.

«Nakikinig ako sa Inyo. Napakaganda niyon! Mali ba ang nagawa ko?»

«Hindi, iha. Matagal ka na ba rito?»

«Hindi. At nalulungkot ako sapagkat hindi ko alam ang una Ninyong sinabi. Ang Inyong Ina ay pinadala ako upang sabihin sa Inyo na malapit nang maihanda ang pagkain. Malapit nang hanguin ang tinapay sa pugon. Natuto na ako kung papaano gawin ang tinapay... Gaano kaganda! At natuto na akong magtina ng linen, at nagkuwento ang Inyong Ina sa akin ng dalawang parabula tungkol sa tinapay at linen.»

«Nagkuwento Siya? Ano ang sinabi Niya?»

«Na ako ay katulad ng harina na nasa salaan pa, na ang Inyong kabutihan ay pinadadalisay ako, ang Inyong grasya ay tinatrabaho ako, ang Inyong apostolado ginagawa akong perpekto, ang Inyong pagmamahal niluluto ako at mula sa pagiging magaspang na harina may halo ng labis na ipa magtatapos ako, kung pahihintulutan ko ang aking sarili na matrabaho Ninyo, ng pagiging isang harina na para sa mga ostiya, harina at tinapay ng sakripisyo, maganda para sa Altar. At sa linen, na dating maitim, malangis at magaspang, at na pagkatapos ng labis na pagkuskos ng borit¹ na damo at ng maraming palô ng pagpapahiya ay naging malinis at malambot, ang sikat ng araw ay ngayon sisinag at ito ay magiging maputi... At sinabi Niya na iyan ang gagawin sa akin ng Araw ng Diyos, kung ako ay laging mananatili sa sinag ng Araw at tinatanggap ko na ako ay malinisan at mapahiya upang maging karapat-dapat sa Hari ng mga hari, sa Inyo, sa aking Panginoon. Anong magagandang bagay ang aking natututunan... Ako ay tila nananaginip... Maganda! Ang lahat ay maganda rito... Huwag Ninyo akong paalisin, Panginoon!»

«Ayaw mo bang sumama kina Myrtha at Naomi?»

«Mas gusto kong manatili rito... Ngunit... sa kanila rin. Ngunit hindi sa mga Romano, hindi, Panginoon...»

«Magdasal, anak!» sabi ni Jesus pinapatong ang Kanyang kamay sa olandesang buhok ng bata. «Natutuhan mo na ba ang dasal?»

«O! oo! Napakaganda ang sabihin: “Aking Ama!” at isipin ang tungkol sa Langit... Ngunit ang kalooban ng Diyos ay natatakot ako nang kaunti... sapagkat hindi ko alam kung gusto ng Diyos ang gusto ko...»

«Gusto ng Diyos ang iyong kabutihan.»

«Gusto Niya? Sinasabi Ninyo?! Kung gayon hindi na ako natatakot... Pakiramdam ko mamamalagi ako sa Israel... upang mas malaman ko pa ang tungkol sa Ama ko na ito... At... maging unang disipulo ng Gaul, aking Panginoon!»

«Ang iyong pananampalataya ay pagbibigyan sapagkat iyan ay mabuti. Tayo na...»

At silang lahat ay lumabas patungo sa lunas sa ilalim ng bukal ng tubig upang sila’y makapaghugas, habang si Aurea ay tumatakbo patungo kay Maria at ang kanilang maliliit na tinig ay narinig: ang kay Maria, na tuluy-tuloy sa pagsasalita, samantalang ang isa pa ay di-nakatitiyak, pagsasalita ng isang tao na nagsisikap na makakita ng mga salita. At maririnig ang kanilang matitiling tinig tumatawa kapag ang isang pagkakamali sa pagwika ay nagawa at itinatama namang may-kabaitan ni Maria...

«Ang bata ay natututo nang mabuti at mabilis» wika ni Tomas.

«Oo. Siya ay mabuti at sumasang-ayon.»

«At pagkatapos! Ang Inyong Ina ang bilang tagapagturo!... Ni si Satanas ay hindi Siya matatanggihan!...» sabi ng Zealot.

Si Jesus ay nagbubuntung-hininga nang hindi nagsasalita...

«Bakit Kayo nagbubuntung-hininga nang ganyan, Guro? Hindi ba’t tama ako?»

«Oo, tamang-tama. Ngunit may mga tao na mas pálabán pa kaysa kay Satanas, na lumalayo man lamang sa presensya ni Maria. May mga taong nasa malapit sa Kanya at, bagama't naturuan Niya, sila'y hindi umuunlad...»

«Ngunit ito ay hindi kami, eh» sabi ni Tomas.

«Hindi. Hindi kayo... Tayo na...»

Sila ay pumasok sa bahay at ang lahat ay nagtapos.

 270211

 



¹ Dahon na may katas na sabon.



Sunod na kabanata