436. Ang Banal na Birhen sa Tiberias.

Mayo 16, 1946.

Ang Tiberias ay makikita na nang ang dalawang pagod na manlalakbay ay nagpapatuloy sa loob ng dumidilim na takip-silim.

«Mamaya lamang ay madilim na... At tayo ay nasa kalagitnaan pa ng kabukiran... Dalawang babaeng nag-iisa... At malapit sa isang malaking bayan na puno ng... Ugh! Anong mga tao! Beelzebub! Beelzebub karamihan...» sabi ni Maria ni Alfeo tumitingin sa kapaligiran natatakot.

«Huwag matakot, Maria. Hindi tayo sasaktan ni Beelzebub. Sinasaktan lamang niya ang mga tumatanggap sa kanya sa loob ng kanilang mga puso...»

«Siya ay nasa mga paganong ito!..»

«Hindi lamang mga pagano ang nasa Tiberias. At sa mga pagano rin ay may makatarungan na mga tao.»

«Ano? Wala sila ng Diyos natin!...»

Si Maria ay hindi tumutugon sapagkat naiintindihan Niya na ito ay walang-silbi. Ang Kanyang mabuting hipag ay bagkus isa sa maraming Israelita na naniniwala na sila lamang ang tanging pinaglalagyan ng birtud... sa simpleng dahilan na sila ay mga Israelita.

Sila ay tahimik: tanging ang pagkaluskos lamang ng mga sandalyas sa kanilang pagod na maalikabok na mga paa ang maririnig.

«Mas mabuting kunin ang pangkaraniwang daan.... Kabisado natin iyon... mas pudpod iyon ng mga tao... Ang isang ito... sa pagitan ng mga hardin ng gulay, nag-iisa... di-kilala... Natatakot ako, iyan lamang!»

«Hindi, Maria. Tingnan. Ang bayan ay nasa banda roon, kaunting mga hakbang mula rito. At naririto ang mapayapang mga pangkusinang-hardin ng mga nagbubukid ng Tiberias, at sa banda roon ay ang baybayin, tanging ilang mga hakbang lamang mula rito. Ibig mo bang pumunta sa baybayin? Makakakita tayo ng mga mangingisda roon... Kailangan lamang natin na tawirin ang mga hardin-ng-gulay na ito.»

«Hindi! Lalayo muli tayo sa bayan! At pagkatapos... Ang mga mamamangka ay halos lahat mga Griyego, mga Cretan, mga Ehipsiyo, mga Romano...» at tila binabanggit niya ang mga pang-impiyernong mga lipi. Ang Banal na Birhen ay hindi makaiwas na hindi ngumiti sa loob ng anino ng Kanyang belo.

Sila ay nagpapatuloy. Ang daan ay naging isang abenida, at kung gayon mas madilim... at si Maria ni Alfeo mas natatakot higit pa kailanman at pinananawagan niya si Jehovah sa bawat hakbang, habang nagpapatuloy sila nang pabagal nang pabagal.

«Halika ka na, laksan mo ang loob mo! Magmadali, kung ikaw ay natatakot!» sabi ni Maria pinipilit siya pagkatapos na tumugon: «Maran Atha!¹» sa bawat panawagan.

Ngunit sa Maria ni Alfeo ay tumigil at nagtanong: «Ngunit bakit Mo ginustong pumunta rito? Ang makausap kaya ang Iskariote?»

«Hindi, Maria. O kung man lamang hindi iyan ang eksaktong dahilan. Ako ay pumunta rito upang makausap si Valeria, ang Romanong binibini...»

«Sa kabutihang loob! Tayo ba ay pupunta sa kanyang bahay? Ah! hindi! Maria! Huwag Mong gawin iyan! Ako... hindi ako sasama sa Iyo! Ngunit bakit Ka pupunta roon? Sa mga... sinumpang iyon!...»

Ang mabait na ngiti ng Banal na Birhen ay naging isang mahigpit na ekspresyon habang nagtatanong Siya: «At hindi mo ba naaalaala na si Aurea ay kailangan na mailigtas? Nasimulan ng Aking Anak ang pagpapalaya. Tatapusin Ko ito. Ganyan ka ba nagsasabuhay ng pagmamahal para sa mga kaluluwa?»

«Ngunit siya ay hindi mula sa Israel...»

«Totoo nga, hindi mo naintindihan kahit isang salita ng ebanghelyo! Ikaw ay napaka di-perpektong disipulo.... Hindi ka nagtatrabaho para sa iyong Guro at pinamimighati mo Ako nang husto.»

Si Maria ni Alfeo ay itinungo ang kanyang ulo... Ngunit ang kanyang puso, punó ng mga maling-akala ng Israel subalit may katutubong kabaitan, ay nangibabaw at napapaluha niyakap niya si Maria at nagsabi: «Patawarin Mo ako! Huwag sabihin na napamimighati Kita at hindi ko napaglilingkuran ang aking Jesus! Oo! Ako ay masyadong di-perpekto at karapat-dapat akong kagalitan... Ngunit hindi ko na muli gagawin iyan... Ako ay sasama! Kahit na sa impiyerno kung kailangan Mong pumunta roon upang makapagligtas ng isang kaluluwa at maibigay ito kay Jesus... Bigyan Mo ako ng isang halik, Maria, upang masabi Mo sa akin na pinatatawad Mo ako...»

Si Maria ay hinalikan siya at pinagpapatuloy nila ang kanilang paglalakbay, naglalakad nang mabilis, napasigla ng pagmamahal...

Sila ngayon ay nasa Tiberias na, malapit sa maliit na daungan ng mga mangingisda. Hinahanap nila ang maliit na bahay ni Jose, ang mangingisdang disipulo... Nakita nila ito at sila ay kumatok sa pinto...

«Ang Ina ng aking Guro! Pasok Kayo, o Donna! At harinawang ang Diyos ay makasama Ninyo at makasama ko, ako na nagbibigay sa Inyo ng pagtanggap. At kayo, pasok rin, at sumainyo ang kapayapaan, ang ina ng mga apostol.»

Sila ay pumasok habang ang maybahay at isang bata-pang anak na babae ay lumapit upang batiin sila sinusundan ng isang maliit na grupo ng mas mga batang anak...

Ang matipid na hapunan ay kaagad natapos at si Maria ni Alfeo, bilang pagod, ay umalis kasama ang mga bata. Sa ibabaw ng mataas na terasa, mula kung saan ang lawa ay makikita – ito ay maririnig na sumasampal sa pampang, kaysa maririnig, sapagkat wala pang sinag ng buwan – ay naroon ang Banal na Birhen, ang mamamangka at ang kanyang asawa, na nagsisikap na maging mabuting kausap, ngunit sa katotohanan ay tumatango sa antok...

«Siya ay pagod!...» sabi ni Jose inihihingi ng paumanhin ang kanyang asawa.

«Kaawa-awang babae! Ang mga maybahay ay laging pagod sa gabi.»

«Oo, sila ay nagtatrabaho. Hindi sila katulad ng mga iyon doon, na namumuhay nang masaya!» sabi ng mamamangka nang may panghahamak, tinuturo ang ilang mga bangka na may mga ilaw na umaalis mula sa baybayin sa gitna ng mga awit at himig. «Sila ay paalis na ngayon! Nagsisimula silang magtrabaho sa oras na ito, kapag ang tapat na mga tao ay matutulog! At nakagagawa sila ng kapinsalaan sa mga manggagawa, sapagkat pumupunta sila sa pinakamagagandang lugar, nagkukunwari na sila ay nangingisda, at pinalalayas nila kami, na sa lawa kumukuha ng ikinabubuhay...»

«Sino sila?»

«Mga babaeng Romano at mga katulad. At kasama sa huli maibibilang ninyo si Herodias at ang kanyang mahalay na anak at ilang mga Hudyo rin... Sapagkat tayo ay maraming mga Maria ng Magdala... Ang ibig kong sabihin mga Maria bago ang pagsisisi...»

«Sila ay kaawa-awang mga sawing-palad...»

«Mga kaawa-awang sawing-palad? Tayo ang kaawa-awang sawing-palad sapagkat hindi natin sila pinagbababato upang mawalan ang Israel ng mga naging maruming iyon at nagbaba sa atin ng mga sumpa ng Diyos.»

Pansamantala ang iba pang mga bangka ay umalis at ang lawa ay namula sa mga ilawan ng mga bangka ng mga nagsásaya.

«May naaamoy ba Kayong resina na nasusunog? Una sila ay magiging lasing sa usok, at gagawin nila ang iba pa habang isinasagawa ang mga bangkete. Madali silang makapunta sa maiinit na bukal sa kabilang tabi... Sa Mainit na mga paliguan na iyon... mga pang-impiyernong bagay ay doon nangyayari! Sila ay babalik sa bukanliwayway, sa madaling-araw, baka sa mas tanghali pa... mga lasing, nakahiga sa ibabaw ng isa’t isa, mga lalaki at mga babae, katulad na katulad ng mga sako, at ang kanilang mga alipin ay bubuhatin silang pauwi, upang itulog ito... Ang lahat na magagandang bangka ay lumalabas ngayong gabi! Tingnan! Tingnan!... Ngunit mas galit ako sa mga Hudyo na humahalo sa kanila. Ang tungkol sa kanila.... alam na natin! Walang hiyang mga hayop. Ngunit tayo!... Donna, nalalaman ba Ninyo na si Judas, ang apostol ay naririto?»

«Alam Ko.»

«Hindi siya nagbibigay ng mabuting halimbawa, alam Ninyo?»

«Bakit? Sumasama ba siya sa mga taong ito?...»

«Hindi... ngunit... sa masasamang barkada... at sa isang babae... Hindi ko siya nakita... Wala sa amin ang nakakita na kasama ang gayong mga kasama. Ngunit ang ilang mga Pariseo ay nanunuya sa amin nagsasabing: “Ang inyong apostol ay nagbago na ng guro. Ngayon siya ay may isang babae at siya ay magandang kasama ng mga publikano”.»

«Huwag husgahan, Jose, kung ano lamang ang iyong narinig na sinasabi ng mga tao. Alam mo na ang mga Pariseo ay hindi kayo minamahal at ni hindi nila pinupuri ang Guro.»

«Totoo iyan... Ngunit ang sabi-sabi ay kumakalat... at nakasasamâ...»

«Katulad sa pagtaas nito, ito rin ay babagsak. Huwag magkasala laban sa iyon kapatid. Saan siya nakatira? Alam mo ba?»

«Oo, sa isang kaibigan, sa palagay ko. Isang may isang imbakan ng mga alak at mga rekado. Ang ikatlong imbakan sa silangang tabi ng palengke, pagkatapos ng pontanya...»

«Ang lahat bang mga babaeng Romano ay magkakatulad?»

«O! humigi’t kumulang!... Gumagawa sila ng mali, kahit na kung hindi nila ito pinakikita sa mga tao.»

«Alin ang mga babaeng Romano ang hindi nagpapakita nito sa mga tao?»

«Ang mga pumunta kay Lazarus noong Paskuwa. Sila ay mas mga retirado... ang ibig kong sabihin... sila ay hindi laging pumupunta sa mga bangkete. Ngunit sila ay madalas pumunta na masasabi ng mga tao na sila ay di-puro.»

«Iyan ba ang sinasabi mo dahil nakakatiyak ka, o ang iyong masamang-palagay ng isang Hudyo ang nagsasabi ng ganyan? Isipin o ito muli nang mabuti...»

«Bueno... sa katunayan... hindi ko alam... hindi ko na sila muli nakita sa mga bangka ng maruruming babae... Ngunit lumalabas sila sa lawa sa gabi.»

«Lumalabas ka rin.»

«Siyempre kung ibig kong mangisda!»

«Ngayon ay napaka-init! Tanging sa lawa lamang may kaginhawahan sa gabi. Sinabi mo ito mismo habang tayo ay naghahapunan.»

«Iyan ay totoo.»

«Kung gayon, bakit hindi tingnan na sila ay pumupunta sa lawa para diyan?»

Ang mamâ ay tahimik... Pagkatapos sinabi niya: «Gabi na. Ang mga bituin ay nagsasabi na ngayon ay ang ikalawang pagbabantay na. Ako ay papasok na, Donna. Hindi ba Kayo sasama?»

«Hindi. Mananatili Ako rito at magdadasal. Lalabas Ako nang maaga. Huwag magtaka kung hindi mo Ako makita pagsikat ng araw.»

«Malaya Kayong gawin ang ayon sa ibig Ninyo. Anna! Halika na! Matulog na tayo!» at kanyang inuuga ang kanyang asawa na tulog-na-tulog na. Sila ay umalis.

Si Maria ay nananatiling nag-iisa... Siya ay lumuhod at nagdarasal... ngunit hindi Niya kailanman pinakakawalan ng tingin ang mga bangka na naglalayag sa lawa, ang mga bangka ng mayayaman na tao, lahat maningning may mga ilawan, mga bulaklak, awitan at amoy ng insenso... Marami ang naglalayag nang pasilangan, nagiging napakaliit nila sa layò, ang kanilang awitan hindi na marinig. Ang isang maringal na bangka ay nananatiling nasa lawa sa loob ng isang lugar ng tubig kung saan ang buwan, lumulubog sa harapan ng Tiberias, ay sumisinag nang maningning. Ito ay naglalayag nang pauli-uli... Pinagmamasdan ito ni Maria hanggang nakita Niya na ito ay pagawi na sa baybayin.

Si Maria pagkaraan ay tumayo nagsasabing: «Panginoon, tulungan Ninyo Ako! Mangyari ito...» Pagkatapos Siya ay bumaba nang maliksi, pinasok ang isang silid na ang pinto nito ay medyo nakabukas... Sa liwanag ng buwan posibleng makita ang isang maliit na kama. Si Maria ay niyukuan ito at tumawag: «Maria! Gising ka! Tayo na!»

Si Maria ni Alfeo ay gumising at, napangingibabawan ng tulog, nagtanong kinukuskos ang kanyang mga mata: «Oras na ba para lumakad? Umaga na ba?» Siya ay antok-na-antok na hindi niya nababatid na iyon ay hindi ang liwanag ng bukanliwayway bagkus ang liwanag ng buwan na ang mahinang panginginang nito ay pumapasok sa pamamagitan ng nakabukas na pinto. Nalaman niya ito nang siya ay nasa labas na, sa ibabaw ng isang maliit na lugar ng binukid na lupa sa harapan ng bahay ng mamamangka.

«Ngunit gabi pa ngayon!» bumulalas siya.

«Oo. Ngunit matatapos tayo nang maaga at makakalabas tayo ng bayan kaagad... umaasa man lamang Ako. Halika! Dito, sa tabi ng baybayin. Bilis! Bago makadaong ang bangka...»

«Ang bangka? Alin na bangka?» tanong ni Maria. Ngunit hinahabol niya si Maria, Na naglalakad nang napakabilis sa walang-taong baybayin, patungo sa maliit na piyer, kung saan ang bangka patungo.

Nakarating sila nang humihingal mga ilang sandali bago ang bangka... Si Maria ay nagmamasid nang mabuti. Siya ay bumulalas: «Papuri sa Panginoon! Sila ito! Sundan mo Ako ngayon... sapagkat kailangan nating pumunta kung saan sila pupunta... Hindi Ko alam kung saan sila nakatira...»

«Ngunit Maria... maawa Ka!... Iisipin nila na tayo ay mga puta!...»

Ang Kadali-dalisayang Ina ay iniiling ang Kanyang ulo at bumubulong: «Ang importante ay ang hindi maging isa sa kanila. Halika! At hinila Niya siya sa anino ng isang bahay.

Ang bangka ay sumadsad at habang ito ay nagmamanyobra, ang isang kamilya, na naghihintay sa malapit, ay dinala patungo sa bangka. Dalawang babae ang sumakay dito, habang dalawang babae ang nananatili sa labas at naglakad sa tabi nito, nang ito ay umalis dala ng apat na Numidian naglalakad nang sabay-sabay at nakasuot ng napaka-ikling walang-manggas na mga tunika, na halos hindi matakpan ang kanilang mga pinaka katawan...

Si Maria ay sinusundan ito, sa kabila ng si Maria ni Alfeo ay nagpoprotesta sa isang mababang tinig: «Dalawang babae nag-iisa!... Sa likuran ng mga lalaking iyan! Sila ay halos hubad... O!...»

Pagkatapos ng ilang mga metro ang kamilya ay tumigil. Isang babae ang bumaba habang ang nauna ay kumakatok sa isang pinto.

«Paalam, Lydia!»

«Paalam, Valeria! Isang haplos kay Faustina mula sa akin. Bukas ng gabi magbabasa tayong muli sa kapayapaan, habang nagsásaya ang iba...»

Ang pintuan ay bukás na at si Valeria, kasama ang kanyang alipin o pinakawalang-alipin, ay papasok na.

Si Maria ay lumapit at nagsabi: «Domina! Isang salita!»

Si Valeria ay tinitingnan ang dalawang babae na nakabalot sa napakalisong Judiong mga manta nakababa sa kanilang mga mukha, at inisip niya na sila ay mga pulubi.

Siya ay nag-utos: «Barbara, bigyan sila ng mga limos!»

«Hindi, domina. Hindi Ako nanghihingi ng pera. Ako ang Ina ni Jesus ng Nazareth at ito ay isang kamag-anak Ko. Ako ay naparito sa Ngalan Niya upang humingi ng isang pabor mula sa inyo.»

«Domina! Ang Inyong Anak kaya ay... inuusig.»

«Hindi mas higit pa sa dati. Ngunit ibig Niyang...»

«Pasok Kayo, Domina. Hindi Kayo dapat na nananatili rito sa kalsada katulad ng isang pulubi.»

«Hindi. Sasapat na ang ilang mga salita kung magagawa ninyong makinig sa Akin nang lihim...»

«Umalis kayo, lahat kayo!» si Valeria ay inuutusan ang kanyang alipin o pinakawalang-alipin, maging ano pa man siya, at ang mga bantay ng pintuan. «Tayo ay nag-iisa. Ano ang ibig ng Guro? Ako ay hindi pumunta sapagkat ayaw kong makasamâ ako sa Kanya sa Kanyang bayan. Siya kaya ay hindi pumunta rito upang ako ay hindi mápasamâ, baka, sa asawa ko?»

«Hindi. Pinayuhan Ko Siya na huwag pumunta. Ang Aking Anak ay kinapopootan, domina.»

«Alam ko.»

«At nakatatagpo Siya ng kaginhawahan sa Kanyang misyon lamang.»

«Alam ko.»

«Hindi Siya naghahanap ng mga karangalan o mga sundalo; hindi Niya hinahangad ang mga kaharian o mga kayamanan.

«Alam ko.»

«Domina... Kailangan Niyang ibalik sa inyo ang batang babaeng iyon... Ngunit huwag masamain kung sabihin Ko sa inyo, hindi niya magagawang perpekto ang kanyang kaluluwa para kay Jesus dito. Kayo ay mas mabuti kaysa sa iba... Ngunit sa kapaligiran ninyo... ay may labis na dumi ng mundo.»

«Iyan ay totoo. Kung gayon?»

«Kayo ay isang ina... Ang Aking Anak ay nasa Kanya ang mga damdamin ng isang ama para sa bawat kaluluwa.  Papayag ba kayo na ang inyong anak na babae ay palakihin sa gitna ng mga tao na makasisira sa kanya?...»

«Hindi. Naiintindihan ko... Bueno... Sabihin ang mga salitang ito sa Inyong Anak: “Sa pag-alaala kay Faustina, nailigtas sa kanyang katawan, si Valeria ay binibigay sa Inyo si Aurea na sana mailigtas Ninyo ang kanyang kaluluwa”. Totoo! Kami ay lubos na naging marumi...  upang gawing ligtas ang isang santo... Domina, magdasal para sa akin!» at siya ay umalis nang mabilis, bago pa siya mapasalamatan ni Maria. Siya ay umalis, sasabihin ko, na lumuluha...

Si Maria ni Alfeo ay di-makapagsalita.

«Tayo na, Maria... Aalis tayo nang gabi at bukas nang gabi nasa Nazareth na tayo»

«Tayo na.... Pinakawalan niya siya na tila siya ay isang bagay...»

«Siya ay isang bagay sa kanila. Sa atin siya ay isang kaluluwa. Halika. Tingnan... Nagliliwanag sa banda roon. Masasabi ng isa na walang gabi sa buwan na ito...»

Naglakad sila sa tabi ng isang daan na hindi na malabo ang liwanag at nasa harapan na nila, sa halip na kunin ang baybayin. Ito ay isang daan sa likuran ng isang hilera ng katamtamang mga bahay... Nang sila ay nasa kalahatian na nito, si Judas ay lumitaw mula sa isang sulok, halatang lasing. Isang Judas na nanggagaling sa kung sino ang nakaaalam na handaan, may gulong buhok, kusot na mga damit, ang kanyang mukha gastado.

«Judas! Ikaw? Sa ganitong kalagayan?»

Si Judas ay walang panahon na makapagkunwari na hindi Niya siya nakikilala at hindi siya makatatakbo... Ang sorpresa ay nalinis ang kanyang mga naiisip at naipako siya sa kanyang kinaroroonan, di-makagalaw.

Si Maria ay nilalapitan siya, nilalabanan ang pagkauyam na kumukulo sa loob Niya gawa ng hitsura ng apostol, at nagsabi sa kanya: «Judas, sawing-palad na anak, ano ang ginagawa mo? Hindi ka ba nag-iisip ng tungkol sa Diyos? Ng tungkol sa iyong kaluluwa? Ng tungkol sa iyong ina? Ano ang ginagawa mo, Judas? Bakit gusto mong maging isang makasalanan? Tingnan mo Ako, Judas! Wala kang karapatan na patayin mo ang iyong kaluluwa...» at hinihipo Niya siya nagsisikap na makuha ang kanyang kamay.

«Pabayaan akong mag-isa. Ako ay isang lalaki pagkatapos man ng lahat... Ako ay malaya na gawin ang ginagawa ng lahat. Sabihin sa Kanya, Na nagpadala sa Inyo na magtiktik sa akin, na ako ay hindi pa lahat espiritu, at ako ay bata pa!»

«Hindi ka malaya na sirain mo ang iyong sarili, Judas! Maawa ka sa sarili mo... Kung kikilos ka nang ganyan hindi ka kailanman magiging isang masayang espiritu... Judas... Hindi Niya Ako pinadala upang tiktikan ka. Nagdarasal Siya para sa iyo. Iyan lamang, at Ako ay nagdarasal kasama Siya. Sa ngalan ng iyong ina...»

«Hayaan akong mag-isa» sabi ni Judas nang may kabastusan. Pagkatapos napupuna na siya ay naging bastos, tinutuwid niya ang kanyang sarili: «Hindi ako nararapat ng Inyong awa... Paalam...» at siya ay tumakbong umalis...

«Anong klase ng dimonyo!... Sasabihin ko kay Jesus» bulalas ni Maria ni Alfeo. «Tama ang aking Judas!»

«Hindi ka magsasalita ng kahit na ano sa sinuman. Magdarasal ka para sa kanya. Oo...»

«Lumuluha Ka ba? Lumuluha Ka para sa kanya? O!...»

«Ako ay lumuluha... Masaya Akong nailigtas Ko si Aurea... Lumuluha Ako ngayon sapagkat si Judas ay isang makasalanan. Ngunit kay Jesus, Na naghihirap, atin lamang dadalhin ang mabuting balita. At ating aagawin ang makasalanan mula kay Satanas sa pamamagitan ng penitensiya at mga panalangin... Na tila siya ay ating anak, Maria! Na tila siya ay ating anak!... Ikaw ay isang ina din, at nalalaman mo... Para sa di-masayang inang iyon, para sa kaluluwang ito ng isang makasalanan, para sa ating Jesus...»

«Oo, magdarasal ako... Ngunit hindi siya sa palagay ko karapat-dapat nito...»

«Maria, huwag mong sabihin iyan!...»

«Hindi ko sasabihin iyan... Ngunit ganyan iyan. Hindi ba tayo pupunta kay Johanna?»

«Hindi. Babalik na lang tayo, kasama si Jesus...»

080311

 



¹ Maran Atha, maaaring sabihin sa Tagalog: “Halikayo, aming Panginoon”.



Sunod na kabanata