439. Ang Pag-alis sa Nazareth at ang Paglalakbay Patungong Bethlehem sa Galilee.

Mayo 22, 1946.

Ngayon ay ang gabi ng totoong Sabbath at ang pamumuhay ay nagsisimula nang muli pagkatapos ng pagpapahinga sa araw ng Sabbath. Dito, sa maliit na bahay sa Nazareth, ito ay nagsisimula, pagkaraan ng pagpapahinga, sa pamamagitan ng mga paghahanda para sa pag-alis. Ang mga baon ay binabalot, ang mga damit ay isinisiksik sa mga sako na bibitbitin, ang mga istrap nito ay hinihigpitan nang mabuti, ang mga sandalyas ay sinusuri upang matiyak na ang mga balat na puntas at mga hebilya ay nasa mabuting kalagayan, at ang maliliit na asno ay napaiinom at napakakain malapit sa halamang-bakod ng pangkusinang-hardin... at ang mga pagpapaalam at mga luha ay humahalo sa mga ngiti at mga pagpapalà, at sa mga pangako na magkikita-kita muli kaagad... At ang di-inaasahan na alay ni Tomas kay Maria: isang hebilya, matatawag natin ito na isang brotse, upang mapanatili ang isang damit na nakasarado sa leeg. Ito ay gawa sa tatlong maninipis, maaliwalas, perpektong mga tangkay ng liryo ng lambak, nakapaloob sa dalawang dahon, katulad-na-katulad ng mga tunay na dahon, dahil ang metal ay kinorte ng isang dalubhasang kamay.

«Alam ko, Maria, na hindi Ninyo ito kailanman susuutin, ngunit pakiusap na tanggapin ito gayunpaman. Matagal ko nang gustong gawin ito mula pa nang ang aking Panginoon ay nagsalita ng tungkol sa Inyo kinukumpara Kayo sa mga liryo ng lambak... Wala akong nagawa para sa Inyong bahay... bagkus ginagawa ko ito para sa Inyo, upang ang papuri ng Inyong Anak ay sana maipahayag sa isang simbolo para sa Inyo Na mas karapat-dapat nito kaysa sino pa man na ibang babae. At kung hindi ko nagawang mabigyan ang tangkay ng kalambutan ng isang buháy na tangkay at ng matamis na amoy ng bulaklak, harinawang ang aking tapat na magalang na pagmamahal para sa Inyo ay mapalambot ito katulad ng isang haplos at mailagay dito ang bango ng aking debosyon para sa Inyo, Ina ng aking Panginoon.»

«O! Tomas! Totoo iyan. Hindi Ako kailanman nagsusuot ng mga alahas, dahil ito ay tila walang-kabuluhang mga bagay sa Akin. Ngunit ang isang ito ay hindi ganito. Ito ay pagmamahal ng Aking Jesus at ng Kanyang apostol, at ito ay mahal sa Akin. Titingnan Ko ito araw-araw at iisipin ang tungkol sa mabuting Tomas na nagmamahal nang labis sa kanyang Guro, na maalaala sana niya hindi lamang ang Kanyang Doktrina, bagkus pati ang Kanyang pinaka-abang mga salita tungkol sa pinaka-abang bagay at sa pinaka-abang munting mga tao. Salamat sa iyo, Tomas. Hindi para sa halaga nito, bagkus para sa iyong pagmamahal, maraming salamat!»

Ang lahat ay hinahangaan ang perpektong gawa at si Tomas, nagniningning sa tuwa, ay bumunot ng isang mas maliit na piraso ng kanyang gawa: tatlong munting mga hasmin na bituin na may munting dahon pinagkabit-kabit sa loob ng isang manipis na pabilog, at ibinigay ito kay Aurea. «Dahil hindi ka naging makiri na magkaroon nito, dahil naririto ka nang mamulaklak ang hasmin, at upang ang maliliit na bituin na ito ay sana mapaalalahanan ka ng ating Bituin. Ngunit isaisip! Sa pamamagitan ng iyong mga birtud kailangan na pabanguhan mo ang mga bulaklak at maging isang bulaklak ka mismo, isang tapat, magandang purong bulaklak na namamango patungo sa Langit. Kung hindi mo gagawin iyan, babawiin ko ang aking broche. Halika rito, huwag umiyak... ang lahat ay lumilipas... at kami ay kaagad babalik sa bahay ni Maria o Siya ay pupunta sa amin... at...» Ngunit si Tomas, nakikita na si Aurea ay mas lalo pang lumuluha, ay naramdaman na mas mabuti pang huwag nang magpatuloy at siya ay lumabas, napapahiya, nagsasabi kay Pedro: «Kung nalaman ko lamang na... magagawa siya nito na mas lalong lumuha, hindi ko sana binigay iyon sa kanya... Ginawa ko ang broche na iyon upang mapaginhawahan siya sa oras na ito... Nagkamali ang aking akala...»

At si Pedro, sa kalituhan ng sandali, ay hindi napipigilan ang sarili at nagsabi: «Ito ay laging ganyan na sa paghihiwalayan... Nakita mo sana si Sintike...» at nadama niya na siya ay nakapagsalita, ibig niyang ituwid ang kanyang sarili, siya ay namula... ngunit... ito ay nangyari na...

Si Tomas ay nakaintindi, at may-kabaitan na niyakap niya si Pedro sa leeg nagsasabing: «Huwag kang mamroblema, Pedro. Alam ko kung papanong manahimik. At naiintindihan ko kung bakit wala kang sinasabing kahit ano... Dahil kay Judas ni Simon. Sa Diyos ng ating mga ama sinusumpa ko sa iyo na kung ano ang nalaman ko nang hindi sinasadya ay pinatatawad. Huwag mabalisa, Simon!...»

«Ito ay dahil ang Guro ay ayaw...»

«Siya ay tiyak na may magandang mga dahilan para diyan. Hindi ko ito minamasamâ.»

«Alam ko. Ngunit ano ang Kanyang sasabihin?»

«Wala, sapagkat hindi Niya malalaman. Magtiwala ka sa akin.»

«Ah! Hindi! Hindi ako hahantong sa paglilíhim sa Guro. Nakagawa ako ng pagkakamali. Karapat-dapat akong kagalitan. At kaagad. Hindi ako magkakaroon ng kapayapaan maliban kung ikukumpisal ko ang aking pagkakamali sa Kanya. Tomas, maging mabuti. Lakad at tawagin Siya... Ako ay papasok sa pagawaan. Lakad, at bumalik kasama Siya. Ako ay balisang-balisa na pumunta at ang iba ay mapupuna ako.»

Si Tomas ay tiningnan siya nang naaawa punó ng paghanga at pumasok ulit sa bahay upang tawagin si Jesus: «Guro, pakiusap na pumunta rito nang sandali. Mayroon akong isang bagay na sasabihin sa Inyo.»

Si Jesus, Na nagpapaalam kay Maria ni Alfeo, ay sinundan siya kaagad. «Ano ang kailangan mo?» tanong Niya habang naglalakad sa tabi niya.

«Ako, wala. Si Simon ay ibig na makausap Kayo. Ayón siya...»

«Simon! Ano ang problema, bakit balisang-balisa ka?»

Si Pedro ay itinapon ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus: «Ako ay nagkasala! Pawalang-sala ako!»

«Nagkasala? Papaano? Ikaw ay naroroon kanina kasama namin, masaya at mapayapa...»

«Ah! Guro, hindi ko Kayo nasunod. Sinabi ko kay Tomas ang tungkol kay Sintike... Ako ay balisa dahil sa mga luha at siya ay mas balisa kaysa sa akin; naisip niya na baka napalala niya ito... upang mapaginhawahan siya sinabi ko: “Ito ay laging ganito kapag nagbibigayan ng pagpapaalam... Kung nakita mo si Sintike...” at naintindihan niya...» Si Pedro ay itiningala ang kanyang namomroblemang mukha, nagmumukha siyang napahiya at nangungulila.

«Papuri sa Diyos, Aking Simon! Akala Ko nakagawa ka ng isang bagay na mas mabigat kaysa diyan. At ang iyong sinseridad ay kinakansela kahit iyan. Nakapagsalita ka nang walang malisya, at nasabi mo ito sa isa sa iyong mga kasamahan. Si Tomas ay mabuti at hindi ibubunyag ang balita...»

«Isinumpa niya ito sa akin, sa katunayan... Ngunit tingnan? Ngayon natatakot na ako na ako ay napakatanga at na ako ay hindi makapanahimik tungkol sa isang lihim.»

«Nakapanahimik ka magpahanggang ngayon.»

«Oo, Ngunit tingnan! Wala kahit isang salita kailanman kay Felipe at Natanael! At ngayon...»

«Sige na, tumayo ka! Ang tao ay laging di-perpekto. Ngunit kung siya ay ganyan nang walang malisya, wala siyang nagagawang kasalanan. Mag-ingat, ngunit huwag mo nang pahirapan ang iyong sarili. Ang iyong Jesus ay bagkus mahahalikan ka. Tomas, halika rito.» Ski Tomas ay nilalapitan Siya. «Tiyak na naintindihan mo ang mga dahilan ng pagiging tahimik.»

«Oo, Guro. At nanumpa ako na igalang ang mga ito hanggang sa ganang akin at kakayahan. Nasabi ko na ito kay Simon...»

«Ang tangang si Simon» sabi ni Pedro nang may buntung-hininga.

«Hindi, aking kaibigan. Napalakas mo ako sa pamamagitan ng iyong perpektong kababaang-loob at katapatan. Naturuan mo ako ng isang magandang leksiyon, na hindi ko kailanman makakalimutan. Para sa kahinahunang mga dahilan hindi ko ito maibubunyag, at iyan ay nakapagpapalungkot sa akin, sapagkat kakaunti lamang sa atin ang makatarungan o magiging makatarungan katulad na ikaw ay naging makatarungan... Ngunit tayo ay kanila nang tinatawag! Tayo na.»

Si Maria sa katunayan ay nasa kalsada na at ang tatlong mga babae, sina Naomi, Myrtha at Aurea – ay nakasakay na sa kani-kanilang mga asno. Si Maria at ang Kanyang hipag ay malapit kay Aurea, at hinahalikan nila siyang muli, at nang makita nila na si Jesus ay lumalapit, hinahalikan nila ang dalawang babaeng disipulo at binati nila si Jesus at pinagpapala Niya sila, bago Siya umalis...

At Mahal na Birhen at si Maria ni Clopas ay bumalik sa bahay... kung saan, bilang alaala ng kung ano ang naroroon kamakailan pa lamang, may mga upuan na nawala sa lugar, mga gamit pangkusina na nakakalat kung saan-saan... ang kawalang-kaayusan na nangyayari sa tuwing nagbibigayan ng pagpapaalam.

Si Maria, nawawala sa pag-isip, ay hinahaplos ang maliit na habihan kung saan tinuruan Niya si Aurea ng pagtatrabaho... Ang Kanyang mga mata ay nagniningning na may mga luha na Kanyang pinipigilan.

«Naghihirap ka, Maria!» sabi ni Maria ni Clopas na lumuluha nang walang anumang pagsisikap na pigilin ang kanyang mga luha. «Napamahal Ka na sa kanya!... Sila ay dumarating dito... pagkatapos sila ay umaalis... at tayo ay naghihirap...»

«Iyan ang ating buhay ng mga babaeng disipulo. Napakinggan mo kung ano ang sinabi ni Jesus ngayong araw: “Iyan ang inyong gagawin sa hinaharap, kayo ay magiging mapag-aruga, sobrenatural na mapag-aruga, nakikita sa bawat nilikha ang isang pangmagkapatid na kaluluwa, tinitingnan ang inyong mga sarili na mga peregrino at tinatanggap ang inyong mga panauhin bilang mga Peregrino. Bibigyan ninyo sila ng tulong, kaginhawahan, payo, at pagkatapos pababayaan ninyo ang inyong mga kapatid na puntahan ang kanilang kapalaran, nang hindi sila pinipigilan ng naninibughong pagmamahal, nakatitiyak katulad ninyo na makikita ninyo sila pagkatapos ng inyong kamatayan. Ang mga pang-uusig ay darating at marami ang aalis sa inyo upang puntahan ang kanilang pagmamartir. Huwag maging duwag at huwag magpayo ng karuwagan sa kahit sino. Manatili sa inyong walang-laman na bahay nagdarasal upang suportahan ang lakas-ng-loob ng mga martir, walang-tigatig na pinalalakas ang mas mahihina, malakas upang nakahandang gayahin ang mga bayani. Masanay sa mga paghihiwalayan, sa kabayanihan, sa apostolado ng pangkapatiran na karidad, magmula ngayon...” At ginagawa natin ito. Naghihirap... tiyak iyan! Tayo ay mga nilikha na gawa sa laman... Ngunit ang espiritu ay nagbubunyi nang may sobrenatural na kaligayahan na siyang ang gawin ang kalooban ng Panginoon at makipagtulungan sa Kanyang kaluwalhatian. Sa kabilang dako... Ako ay ang Ina ng lahat... at hindi Ako kailangan na maging ang Ina ng isa lamang. Ni hindi Ako ang Ina ni Jesus lamang... Nakikita mo kung paano Ko Siya pinabayaan na makaalis nang hindi Siya pinipigilan... Ibig Ko Siyang makasama, totoo iyan. Ngunit minarapat Niya na manatili Ako rito hanggang sa sabihin Niya: “Halika”. At Ako ay nananatili. Ang Kanyang mga araw ng pagpapahinga rito? Aking mga lugod ng isang ina. Ang Aking mga paglalakbay kasama Siya? Aking mga lugod in isang disipulo. Ang Aking pag-iisa rito? Aking mga lugod ng isang naniniwala na ginagawa ang kalooban ng Kanyang Panginoon.»

«Ang Panginoon na iyan, Maria, ay Iyong Anak...»

«Oo. Ngunit Siya pa rin ay Aking Panginoon... Mananatili ka ba rito na kasama Ko, Maria?»

«Oo, kung pahihintulutan Mo ako... Ang aking bahay ay napakalungkot sa loob ng unang mga oras, kapag ang aking mga anak ay umaalis!... Bukas ay magiging iba... At ngayon, ako ay luluha nang mas marami pa...»

«Bakit, Maria?»

«Sapagkat, kahapon ko pa iniluluha ang laman ng aking puso... Katulad ko ang isang tangke... Isang tangke sa loob ng panahon ng tag-ulan.»

«Ngunit bakit, Aking mahal?»

«Dahil kay Jose... kahapon... O! Hindi ko alam kung ako ay kailangan na pumunta at pagalitan siya nang mabuti, sapagkat matapos ang lahat siya ay aking anak, sapagkat dinala ko siya sa loob ng aking sinapupunan at pinasuso ko siya sa aking dibdib at walang panganay na anak ang mataas sa kanyang ina... o kung ako ay hindi na kailangan na magsalita pa upang ang taong tampalasan na ipinanganak ko at nananakit sa aking Jesus at sa Iyo at...»

«Wala kang gagawin na katulad niyan. Ikaw ay laging magiging kanyang “ina”. Ang ina na kinaaawaan ang kanyang matigas-ang-ulo, may-sakit, nalilisyang anak at pinapapayapa siya sa pamamagitan ng kanyang kabaitan, at dinadala siya sa Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin at tiyaga... Magsaya, huwag lumuha!... Sumama ka sa Akin. Magdadasal tayo para sa kanya sa loob ng Aking silid, at para din sa mga naglalakbay, para sa batang babae, na siya ay sana hindi maghirap nang labis at siya ay sana lumago sa kabanalan... Halika, Maria» at Kanya siyang inilalayo...

--------------------

Ang mga peregrino pansamantala ay patuloy sa kanilang paglalakbay pagawing timog-kanluran. Ang mga babae ay nasa harapan, nakasakay sa kanilang mga asno, na, bilang napakain at napagpahinga nang mabuti, ay masayang tumutrote, napipilitan sina Marjiam at Abel, na sa kabaitan na mga dahilan ay nasa magkabilang tabi ni Aurea, dahil siya ay nasa siya sa unang pagkakataon, na magpatuloy nang tumatakbo. Ngunit bagama't ito ay nakakapagod, nakakatulong ito na maalis sa isip ng batang babae ang nakalulungkot na paghiwalay kay Maria. Paminsan-minsan, upang makapagpahinga ang dalawang bata-pang mga lalaki, pinatitigil ni Myrtha ang kanyang asno. At pinalalakad lamang niya itong muli kapag ang apostoladong grupo ay naka-aabot sa kanya . At sa loob ng mga pagtigil na iyon, si Aurea ay nagiging malungkot muli, dahil ang kanyang isip ay hindi nakukuha ng mga pakikipagsapalaran ng pagsakay sa asno...

Si Marjiam, na may karanasan sa mga kasawiang-palad ng isang maliit na ulila na kinupkop, dala ng karidad, ng isang ina pagkatapos na makilala niya si Maria, ay pinagiginhawahan siya sa pagsasabi sa kanya kung papaano ang isa napapamahal sa isang kumukupkop na ina «eksaktong katulad na tila siya ay kanyang sariling ina», binabanggit ang kanyang sariling mga pakiramdam at kinukuwento kung gaano sina Maria at Matias kasaya kay Johanna, at si Anastasica kay Eliza.

Si Aurea ay nakikinig sa mga kuwento, at nang si Marjiam ay nagtapos nagsasabing: «Maniwala sa akin, ang mga babaeng disipulo ay lahat mabubuti, at alam ni Jesus kung kanino Niya tayo ipagkakatiwala», at dinagdagan ni Abel sa pagsasabing: «At kailangan na pagtiwalaan mo ang aking ina na masayang-masaya na mapunta ka sa kanya at nanalangin nang labis sa mga araw na ito sa Diyos na mapunta ka sa kanya», si Aurea ay tumugon: «Pinaniniwalaan ko iyan. At minamahal ko siya... Ngunit si Maria ay si Maria... at kailangan na maunawaan ninyo ako...»

«Oo. Ngunit nalulungkot kami na makita kang malungkot...»

«O! ngunit hindi ako napakalungkot katulad nang ako ay nasa bahay ng Romano o sa loob ng unang mga oras ng aking pagkakalaya... Ako lamang ay... nawawala.  Sa loob ng maraming mga taon hindi ako kailanman nakatanggap ng isang haplos... Tanging si Maria lamang ang humaplos sa akin pagkatapos na ako ay mapailalim sa mga panginoon sa loob ng maraming mga taon...»

«Aking mahal! Ngunit ako ay naririto upang haplusin ka! Ako ay magiging isa pang Maria para sa iyo. Halika rito, malapit sa akin... Ikaw lamang ay isang maliit na bata, isasama kita sa aking siya, katulad ng madalas kong gawin kay Abel noong siya ay maliit na bata pa... Ngunit ikaw ay isa nang dalaga...» sabi ni Myrtha nilalapitan siya at kinukuha ang kanyang kamay. «Ikaw ay aking maliit na dalaga at tuturuan kita ng maraming bagay, at kapag si Abel ay aalis upang mag-ebanghelyo, ikaw at ako ay tatanggap sa mga peregrino katulad ng sinabi ng Panginoon, at makagagawa tayo ng labis na kabutihan sa Ngalan Niya. Ikaw ay bata pa at matutulungan mo ako...»

«Ngunit tingnan ang liwanag na iyon doon, sa kabila ng burol!» bulalas ni Santiago ni Zebedeo, na nakalapit na sa mga babae.

«Iyan ba ay isang kakahuyan na nasusunog?»

«O isang nayon?»

«Tumakbo tayo doon at ating tingnan...»

Wala nang napapagod pa, sapagkat ang pag-uusyoso ay napangingibabawan ang lahat na mga nararamdaman. Si Jesus ay sinusundan Sila nang mapagkawanggawa, iniiwan ang isang kalsada upang tahakin ang isang landas na umaakyat patungo sa isang maliit na burol. Kaagad nilang narating ang tuktok...

Ngunit ito ay hindi isang kakahuyan o isang nayon na nasusunog, bagkus isang malaking uka sa lupa na ganap na puno ng maliliit na tanim, nasa pagitan ng dalawang burol. Ang mga tanim, natuyo ng init ng tag-init, ay umapoy baka dahil sa isang tilamsik ng baga mula sa mga tagaputol ng punongkahoy na nagtatrabaho sa itaas, at ngayon ay umaapoy: isang alpombra ng mabababa ngunit matitingkad na apoy na gumagapang sa paligid naghahanap ng masusunog na tuyong mga tanim, pagkatapos na matupok na lugar na pinagsimulan nito. Ang mga tagaputol ng punongkahoy ay nilalabanan ang apoy sa paghampas sa mga ito. Ngunit walang mangyari. Napakakaunti nila at kung pinapatay nila ang apoy sa isang tabi, ang apoy ay lumalaki sa kabilang tabi.

«Kapag maabot nito ang kakahuyan, ito ay magiging isang sakuna. May mga punungkahoy ng resina doon» sabi ni Felipe.

Si Jesus, nakakursomano, nakatayo sa dulung-dulo ng maliit na burol, ay tumitingin at ngumingiti... nag-iisip...

Ang kaibhan sa pagitan ng maputing liwanag-ng-buwan sa silangan at ng mapulang liwanag ng mga apoy sa kanluran, ay malaki at ang mga likod ng mga nanonood ay maputi sa mga sinag-ng-buwan, samantalang ang mga mukha ay mapula sa panginginig ng mga apoy. At ang mga apoy ay kumakalat nang walang-tigil, katulad ng tubig na tumataas, umaapaw at bumabaha... Ang apoy ngayon ay mga ilang metro na lamang mula sa kakahuyan at naliliwanagan na nito ang mga tambak ng kahoy na nakalagay sa mga hangganan, habang ang liwanag, na patingkad na nang patingkad, ay pinakikita na nito ang maliliit na bahay sa tuktok ng burol kung saan ang apoy ay umaakyat.

«Kaawa-awang mga tao! Mawawala sa kanila ang lahat!» sabi ng marami.  At tinitingnan nila si Jesus, Na ngumingiti, ngunit hindi nagsasalita....

Pagkatapos...  pinakawalan Niya ang Kanyang mga kamay at sumigaw: «Tigil! Mamayapa! Gusto Ko ‘yan.»

At bigla na lamang, na tila ang isang malaking deposito ng lupa ay bumagsak upang mainis ang mga apoy, ang apoy ay kahanga-hangang nawala, ang maliksing masayang sayaw ng mga apoy ay naging mapulang walang-apoy ng mga baga, pagkatapos ang pula ay naging biyoleta, abuhin na mapula... isang paminsan-minsang kislap na nanginginig sa mga abo... at pagkatapos tanging ang malaplatang mga sinag na lamang ng buwan ang nagniningning sa mga kakahuyan.

Sa loob ng malinaw na liwanag ang mga tagaputol ng kahoy ay makikita habang sila ay nag-iipun-ipon pakaway-kaway, patingin-tingin sa kapaligiran, sa itaas, para sa anghel ng himala.

«Tayo ay bumaba. Tatrabahuhin Ko ang mga kaluluwang iyon sa pamamagitan ng di-inaasahang pagkakataon na ibinigay sa Akin at tayo ay titigil sa nayon sa halip na magpahinga sa bayan. Tayo ay aalis sa pagsikat-ng-araw. Sila ay tiyak na may lugar para sa mga babae. Ang kakahuyan ay sapat-na-sapat na para sa atin» sabi ni Jesus at bumaba Siya nang mabilis sinusundan ng iba pa.

«Ngunit bakit Kayo tumatawa kanina? Nagmumukha Kayong napakasaya!» tanong ni Pedro.

«Malalaman mo mula sa Aking mga salita.»

Naroroon na sila kung saan ang dinaanan-ng-apoy na lupa ay natatakpan ng mga abo na mainit pa at lumalangitngit sa ilalim ng kanilang mga sandalyas. Tinatawid nila ito. Nang sila ay nasa gitna na, kung saan ang buwan ay sumisinag nang husto sila ay nakita ng mga tagaputol ng mga kahoy.

«O! Sinabi ko na sa inyo! Siya lamang ang makagagawa nito! Tumakbo tayo at pagpitaganan Siya» sigaw ng isang tagaputol-ng-kahoy at ginawa niya ito sa pagtapon ng kanyang sarili sa mga abo sa paanan ni Jesus.

«Papaano mo nasasabi na magagawa Ko ito?»

«Sapagkat tanging ang Mesiyas lamang ang makagagawa nito.»

«At papaano nalalaman na Ako ang Mesiyas? Kilala mo kayo Ako?

«Hindi. Ngunit tanging ang Mabuting Isa lamang Na nagmamahal sa mahihirap ang magkakaroon ng awa, at tanging ang Banal na Isa lamang ng Diyos ang makapagbibigay ng utos sa apoy at susundin Siya. Pagpalain ang Kataastaasan Na nagpadala sa amin ng Kanyang Mesiyas! At pagpalain ang Mesiyas Na dumating sa tamang oras upang mailigtas ang aming mga bahay!»

«Kailangan na mas lalo kayong manabik na mailigtas ang inyong mga kaluluwa.»

«Naililigtas namin ito sa pamamagitan ng paniniwala sa Inyo at sa pagsisikap na gawin kung ano ang Inyong tinuturo. Ngunit nakikita Ninyo, Panginoon, na ang kalungkutan ng pagiging napagkakaitan ng lahat ay makapagpapahina sa aming dati nang mahihinang mga kaluluwa... at dalhin kami  na pagdudahan ang Diyos.»

«Sino ang nagbigay-alam sa iyo ng tungkol sa Akin?»

«Ang ilan sa Inyong mga disipulo... Naririto ang aming mga pamilya... Ginising namin sila sapagkat natatakot kami na ang buong burol ay masusunog... Halikayo... Pagkatapos nagsugo kami ng isa pang lalaki upang pasabihan sila na ang isang himala ay pinangyari at na sila ay pumarito at tingnan. Naririto sila, Panginoon. Akin. Ang kay Jacob. Ang isang ito ay kay Jonathan, ang isang ito kay Markus, ito ang pamilya ng aking kapatid na si Tobias, ang isang ito ay sa aking bayaw na si Melkia, ito ay kay Felipe at ito ay kay Eleazar. Ang iba pa ay ang mga pamilya ng mga pastol na ngayon ay nasa mga pastulan sa matataas na bundok...»

Ito ay isang grupo ng mga dalawang daan at limampung tao hindi lalabis, kasama na ang maliliit na bata, mga sumususong mga sanggol o kahihiwalay pa lamang sa mga ina, umiingit nang medyo tulog pa, o natutulog walang-malay tungkol sa panganib na kanilang pinanggalingan.

«Kapayapaan sa inyong lahat. Ang anghel ng Diyos ay iniligtas kayo. Ating papurihan ang Diyos nang magkakasama.»

«Niligtas Ninyo kami! Kayo ay laging naririyan kung saan ang matatapat na tao ay naniniwala sa Inyo!» sabi ng maraming mga babae... At ang mga kalalakihan ay tumatango nang taimtim.

«Oo. Ang awa’t tulong ng Diyos ay naririyan kung saan may pananampalataya sa Akin. Ngunit ang isa ay kailangan na kumilos nang may palagiang pag-iingat kapwa sa espirituwal at materyal na mga bagay. Anong ang nagpa-apoy sa latian? Baka isang tilamsik mula sa isa sa inyong mga apoy o sa isang maliit na sanga na ibig padikitan ng apoy ng isa sa inyong mga bata upang mapaglaruan ito, winawagayway ito at itinatapon pababa sa dalisdis sa pamamagitan ng kawalang-pag-iisip ng kanyang edad. Maganda sa katunayan na makakita ng isang palaso ng apoy na gumuguhit sa ere sa dapit-hapon. Ngunit nakita ninyo kung ano ang nagagawa ng isang walang-kahinahunan na pagkilos! Makagagawa ito ng isang malalang kapinsalaan. Ang isang tilamsik o ang isang maliit na sanga na bumagsak sa tuyong mga tanim ay sapat upang paapuyin ang isang lambak, at kung ang Eternal na Ama ay hindi Ako pinadala, ang buong kakahuyan ay naging isang pasiga sana, na sa kapit ng apoy ay maaaring inubos ang inyong mga gamit at inyong mga buhay.

Ganito rin ang tungkol sa mga bagay ng espiritu. Kailangan na magpatuloy kayo nang may mahinahon na atensiyon upang matiyak na walang palaso ng apoy o tilamsik nito ang makakapit sa inyong pananampalataya at sirain ito, pagkatapos na sadyang pabagahin ang apoy nang hindi napupuna sa loob ng inyong mga puso, sa pamamagitan ng mga taong napopoot sa Akin at gawing mapagkaitan nila Ako ng mga naniniwala. Sa dahilan na ang apoy ay napatigil nang sa oras dito, mula sa pagiging makasisira ito ay naging makabubuti, sinisira ang walang-silbing latian ng maliliit-na-tanim na inyong pinabayaan na yumabong sa lambak, at naihanda, sa pamamagitan ng ganyang pagkasira at ng nagpapatabang mga abo, ang isang lupa na inyong mapapakinabang sa pamamagitan ng may-silbing mga pagbubukid, kung papayag kayo na gawin ito. Ngunit ang tungkol sa mga puso ay ibang bagay! Kapag ang lahat na Mabuti ay nasira, walang iba bagkus dawag para sa pagpapakain ng mga dimonyo ang tutubo rito. Tandaan iyan at maging mapagbantay laban sa mga pakahulugan ng Aking mga kaaway, na itatapon sa inyong mga puso katulad ng pang-impiyernong mga tilamsik. Maging handa na labánan ang apoy pagkatapos. At ano ang labanán na iyan? Isang palakas-na-palakas pang Pananampalataya, isang matatag na kalooban na maging pag-aari ng Diyos. Ibig sabihin nito ang maging pag-aari ng isang banal na Apoy. Sapagkat ang apoy ay hindi tumutupok ng apoy. Ngayon, kung kayo ay apoy ng pagmamahal para sa totoong Diyos, ang apoy ng poot laban sa Diyos ay hindi kayo nito napipinsala. Ang Apoy ng pagmamahal ay natatalo ang bawat iba pang apoy. Ang Aking Doktrina ay pagmamahal at ang mga tumatanggap nito ay pumapasok sa Apoy ng Karidad at hindi maaaring mapahirapan ng apoy ng Dimonyo.

Mula sa tuktok ng burol na iyon, habang pinagmamasdan Ko ang mga tanim na umaapoy at napakinggan Ko ang mga salita ng inyong mga kaluluwa sa Panginoong kanilang Diyos, nang higit pa kaysa napuna Ko ang inyong mga ginagawa para mápatay ang mga apoy, Ako ay ngumingiti. At ang isa sa Aking mga apostol ay tinanong Ako: “Bakit Kayo ngumingiti?”. Pinangakuan Ko siya: “Sasabihin Ko sa iyo kapag nagsasalita sa mga taong nailigtas”. At ginagawa Ko na ito ngayon. Ngumingiti Ako iniisip na habang ang mga apoy ay kumakalat sa mga tanim ng lambak, nang hindi mapigilan ng inyong mga pagsisikap, ganyan din kakalat sa buong mundo ang Aking Doktrina, inuusig nang walang-mangyari ng mga taong tumatanggi sa Liwanag. At iyan ay magiging liwanag. Iyan ay magiging puripikasyon. Iyan ay magiging makabubuti. Gaanong maliliit na ahas ang namatay sa mga abong ito, at iba pang makapipinsalang mga insekto kasama nila! Kayo ay natatakot na pumunta sa lambak, sapagkat napakarami doon ng ahas. Bueno, ni isa ay walang natira. gayon din naman ang mundo ay mapalalaya mula sa maraming maling pananampalataya, sa maraming mga kasalanan, sa maraming mga kapighatian. Kapag makilala nito Ako at malinisan ng apoy ng Aking Doktrina. Nalinis at napalaya mula sa makasisirang mga tanim, magiging handa ito para sa binhi, magiging mayaman sa banal na mga bunga. Iyan kung bakit Ako ngumingiti... Sa loob ng apoy na umaabante, nakita Ko ang isang simbolo ng pagpapakalat ng Aking Doktrina sa mundo. Pagkatapos ang pagmamahal sa ating kapwa, na hindi kailanman dapat na maihiwalay sa pagmamahal para sa Panginoon, ay nagawa Akong isipin ang inyong mga pangangailangan. At ibinaba Ko ang Aking mga naiisip mula sa pagninilay ng tungkol sa mga interes ng Diyos patungo sa pagnilayan ang mga interes ng Aking mga kapatid, at pinatigil Ko ang apoy, upang habang nagbubunyi, baka papurihan ninyo ang Panginoon. Nakikita ninyo kung gayon na ang Aking isip ay tumaas sa Diyos, bumaba ito mula sa Kanya nang naging mas makapangyarihan, sapagkat ang pakikiisa sa Diyos ay laging napalalaki nito ang ating mga kapangyarihan, at tumaas muli sa Diyos kasama ang inyo. Sa gayon, sa pamamagitan ng karidad, nagawa Ko rin na itaguyod ang mga interes ng Ama kasabay ang interes ng Aking mga kapatid. Ganyan din ang inyong gawin sa inyong mga buhay sa hinaharap.

At ngayon hinihingi Ko sa inyo na bigyan ng matutuluyan ang mga babaeng ito para sa gabing ito. Ang buwan ay lumulubog at ang apoy ay naantala ang aming paglalakbay. Hindi kami kung gayon makapagpapatuloy sa susunod na bayan.»

«Halikayo! Halikayong lahat! May lugar para sa lahat. Kami ay maaaring nawalan sana ng mga bahay! Ang aming mga bahay ay sa inyo. Ang aming mga bahay ay maralita, ngunit malinis. Halikayo at ang mga ito ay pagpapalain» sigaw nilang lahat.

At inaakyat nila nang unti-unti ang kung baga matarik na dalisdis hanggang sa layo ng maliit na nayon, na mahimalang nakaligtas sa pagkasira, pagkatapos ang bawat peregrino ay nawawala kasama ang kanyang may-anyaya...

 260311

 



Sunod na kabanata