443. Pagdating sa Tiberias. Ang Parabula Tungkol sa Ulan sa Baging.

Hunyo 3, 1946.

Si Jesus ay dumating sa Tiberias kasama ang Kanyang mga apostol sa isang mabagyong umaga. Kinuha Niya ang maikling rota mula Tarichea hanggang Tiberias, na ang mga bangka naitatapon nang maigi sa napakamasalimuot na lawa na nagkukulay-abo katulad ng kalangitan, kung saan ang malalaking ulap ay naghahabulan nang nananakot.

Si Pedro ay pinag-aaralan ang kalangitan at ang lawa at inutusan ang mga katulong na ilagay ang mga bangka sa isang ligtas na lugar: “Bago magtagal makaririnig kayo ng ilang magandang musika! Hindi na ako si Pedro ang mangingisda, kung ang buhos ng ulan at ang mga alon ng lawa ay hindi makagagawa ng sira maya-maya lamang. Mayroon ba sa inyo ang nasa lawa?» tinatanong niya ang kanyang sarili tinitingnan ang mabigat na dagat ng Galilee. At nakikita niya na walang tao rito, na may mga alon na tumutulak nang palakas pa nang palakas, sa ilalim ng kalangitan na nananakot pa nang nananakot. Nagiginhawahan siya nakikita na ito ay walang tao at naiisip na hindi ito makagagawa ng kapinsalaan sa sinumang tao, at masaya niyang sinusundan ang Guro, Na nagpapatuloy sa gitna ng malalakas na bugso ng hangin, na ang mga apostol ay may-kahirapan na naglalakad sa gitna ng mga ulap ng alikabok, habang ang kanilang mga damit ay kumakaway nang husto sa bagyo.

Sa Tiberias, sa bahaging ito ng bayan kung saan ang ordinaryong mga tao ay naninirahan, mga pamilya ng mga mangingisda o ng mahihirap na mga manggagawa ng pangingisda, ang mga tao ay abala nang pauli-uli upang dalhin ulit sa mga bahay ang anuman na maaaring masira ng bagyo. Ang iba ay tumatakbo na may dalang mga lambat, ang ilan dala ang mga sagwan mula sa mga bangka na mga naisadsad na nang ligtas sa baybayin, at ang ilan ay hinihila ang kanilang mga gamit patungo sa mga bahay, at ang lahat na ito ay nangyayari sa loob ng ugong ng hangin na nagtataas sa mga ulap ng alikabok at ginagawa ang mga pinto na humampas. Ang iba pang bahagi ng Tiberias, ang silanganing bahagi, na may mga gusali nakalinya sa tabi ng lawa at magagandang parke makikita sa tabi ng pakurbang baybayin, ay natutulog nang walang-malay. Tanging ilang mga katulong o mga alipin lamang, depende kung ang ay-ari ng bahay ay mga Israelita o mga Romano, ang abala sa pag-alis ng mga kurtina mula sa mga bubungang-terasa, sa pagsasadsad sa mga bangka, at sa pag-alis ng mga upuan na nasa mga hardin...

Si Jesus, Na pumunta sa bahaging ito ng bayan, ay nagsabi kay Simon Zealot at sa Kanyang pinsan na si Judas: «:Lakad at tanungin ang bantay sa pintuan ni Johanna ni Chuza kung may mga kaibigan tayo na naghahanap para sa atin. Maghihintay Ako rito.»

«Sige. At papaano si Johanna?»

«Titingnan natin siya saka na. Lakad at gawin ang sinabi ko sa inyo.»

Ang dalawa ay umalis nang mabilis, at habang ang iba ay naghihintay para sa kanilang pagbalik, sila ay pinadala ni Jesus dito, ang ilan doon, upang kumuha ng kaunting pagkain «para sa kanilang sarili at para sa mga babae, sapagkat hindi makatarungan na magpabigat tayo sa pamilya ng disipulo» sabi ni Jesus. At siya ay nananatiling nag-iisa, nakasandal sa pader ng isang hardin, mula kung saan nanggagaling ang atungal ng isang bagyo, napakatindi ang pakikipaglaban ng matataas na punungkahoy sa hangin.

Si Jesus ay buhos sa pag-iisip, nakabalot sa Kanyang mga damit, na Kanyang hinahawakan nang mahigpit sa ilalim ng Kanyang manta, na ang itaas na bahagi nito ay Kanyang itinakip sa Kanyang ulo katulad ng isang kaputsa, upang protektahan ang Kanyang sarili laban sa hangin, na hinihipan ang Kanyang buhok patungo sa Kanyang mga mata. At kung gayon, puno ng alikabok, na ang Kanyang mukha medyo natatakpan ng gilid ng Kanyang manta, nakasandal sa isang pader halos sa sulok ng isang kalsada, na tumatawid sa isang magandang daanan nanggagaling sa lawa patungo sa sentro ng bayan, nagmumukha Siyang isang pulubi na naghihintay ng mga limos. Ilang mga tao ang dumaraan at tinitingnan Siya. Ngunit sa dahilan na wala Siyang sinasabi na kahit ano at hindi nanghihingi ng kahit ano at pinananatili Niyang nakayuko ang Kanyang ulo, walang tumitigil upang bigyan Siya ng kahit ano o upang magsalita sa Kanya. Ang bagyo pansamantala ay naging mas marahas at ang ingay ng lawa mas malakas, pinupuno ang buong bayan ng atungal nito.

Ang isang matangkad na lalaki, na naglalakad nang nakatungo upang ipagsanggalang ang sarili sa hangin – siya ay ganap na nakabalot din sa kanyang manta, na kanyang hinahawakan nang mahigpit sa ibaba ng kanyang babâ sa pamamagitan ng isang kamay – ay parating mula sa daan na galing sa loob ng bayan patungo sa isang daan sa baybayin, at, sa pagtingala upang maiwasan ang isang pila ng mga asno ng mga hardinero, na, pagkatapos na iwanan ang mga gulay sa palengke, ay pabalik na sa kanilang mga hardin, nakita niya si Jesus (at nakita ko na ang bata-pang lalaki ay si Judas ng Kerioth).

«O! Guro!» bumulalas siya mula sa kabila ng pila ng mga asno. «Ako ay patungo pa lamang sa bahay ni Johanna sa paghahanap para sa Inyo. Ako ay nasa Capernaum naghahanap sa Inyo, ngunit...» Ang huling asno ay nakaraan at si Judas ay nagmadali patungo sa Guro, tinatapos ang kanyang sinasabi: «...ngunit walang sinuman sa Capernaum. Naghintay ako nang mga ilang araw, pagkatapos ako ay bumalik dito, at pumupunta ako sa bahay ni Jose at sa bahay ni Johanna araw-araw sa paghahanap sa Inyo...»

Si Jesus ay tinitingnan siya ng Kanyang nanlalagos na mga mata, at pinatigil ang mapupusok na salitang iyon sa simpleng pagsasabing: «Kapayapaan sa iyo.»

«Totoo iyan! Ni hindi ko man lamang Kayo nabati! Ang kapayapaan ay sumainyo, Guro. Ngunit lagi Kayong may ganyang kapayapaan!»

«At ikaw ay wala?»

«Ako ay isang tao, Guro.»

«Ang makatarungan na tao ay may kapayapaan. Tanging ang may-pagkakasala lamang ang balisa. Ganyan ka ba?»

«Ako...  Hindi, Guro. Kung man lamang... Siyempre, kung sasabihin ko sa Inyo ang katotohanan, ang katunayan na ako ay malayo sa Inyo ay hindi ako nagawang masaya... ngunit iyan ay hindi eksakto bilang napagkaitan ng kapayapaan. Hinahanap ko Kayo, sapagkat giliw ako sa Inyo... Ngunit ang kapayapaan ay isang bagay na iba, hindi ba?»

«Oo. Iyan ay ibang bagay. Ang mga pagkakahiwalay ay hindi nakasisira ng kapayapaan ng puso, kung ang puso ng nakahiwalay na tao ay hindi gumagawa ng mga bagay na sinasabi ng kanyang konsiyensya na isang bagay na makapamimighati sa taong kanyang minamahal, kung ito ay mapapakinggan ng huli.»

«Ngunit ang mga wala roon ay hindi nag-aalam... Maliban kung siya ay sasabihan nila.»

Si Jesus ay tinitingnan siya at nananahimik.

«Nag-iisa ba Kayo, Guro?» tanong ni Judas nagsisikap na baguhin ang paksa na maging mas pangkaraniwang mga pinag-uusapan.

«Hinihintay Ko ang mga pinadala Ko sa bahay ni Johanna upang malaman kung ang Aking Ina ay nakarating na mula sa Nazareth.»

«Ang Inyong Ina? Pinapupunta Ninyo rito ang Inyong Ina?»

«Oo, pinapupunta Ko. Makakasama Ko Siya sa Capernaum nang buong isang buwan, at pupunta Ako sa pamamagitan ng bangka sa mga nayon sa mga pampang ng lawa, umuuwi araw-araw sa Capernaum. Maaaring may napakaraming mga disipulo...»

«Oo... Marami...» Nawala kay Judas ang regalo ng kadaldalan. Siya ay nag-iisip...

«Wala ka bang sasabihin sa Akin, Judas? Tayo ay nag-iisa na ngayon... Wala bang nangyari sa iyo, sa loob ng panahon ng pagkakahiwalay na ito, walang insidente na sa pakiramdam mo nangangailangan ng isang salita ng iyong Jesus?» Si Jesus ay nagtatanong nang may-kabaitan, sa gayong paraan na matulungan ang disipulo na mangumpisal sa pagpaparamdam sa kanya ng lahat ng Kanyang maawaing pagmamahal.

«At may nalalaman ba Kayo sa akin na nangangailangan ng Inyong salita? Kung alam Ninyo... at totoong wala akong nalalaman na karapat-dapat ng ganyang salita – magsalita Kayo. Mabigat para sa isang tao ang kailangan na tandaan ang kanyang mga kasalanan at mga pagkakamali at ikumpisal ito sa isa pang tao...»

«Ako, Na nagsasalita sa iyo, ay hindi isa pang tao, ngunit...»

«Hindi. Kayo ay Diyos. Alam ko. Iyan kung bakit ni hindi ko na kinakailangan na magsalita pa. Alam Ninyo...

«Sinasabi Ko na Ako ay hindi isa pang tao, bagkus Ako ay ang iyong labis na nagmamahal na Kaibigan. Hindi Ko sinasabing iyong Guro, isang nakakataas sa iyo, sinasabi Ko: iyong Kaibigan...»

«Ganyan pa rin iyan. At laging nakakasawa ang makialam sa kung ano ang nagawa ng isa sa nakaraan, dahil ang pangungumpisal nang ganyan ay maaaring umabot sa paninita. Ngunit ang nakakainis na parte ay labis na hindi ang másita, bagkus ang mawalan ng pagpapahalaga ng isang kaibigan...»

«Sa Nazareth, noong nakaraang Sabbath na naroroon Ako, si Simon Pedro ay di-sinasadyang nasabi sa isang kasama ang isang bagay  na hindi niya dapat banggitin. Iyon ay hindi buluntad na pagsuway, hindi iyon isang paninirang-puri, hindi iyon kahit anong bagay na makasasakit ng kapwa. Nabanggit iyon ni Simon Pedro sa isang tapat na puso at sa isang seryosong tao, na nabatid na nalaman niya ang isang lihim, bagama't hindi niya ito ginusto o ni Pedro, siya ay nanumpa na hindi niya iyon uulitin sa sinumang ibang tao. Namayapa na sana ang isip ni Pedro... Ngunit hindi siya tumigil hanggang maikumpisal niya iyon sa Akin. Kaagad... Kaawa-awang Simon! Tinawag niya iyon na isang kapintasan! Ngunit kung sa loob ng mga puso ng Aking mga disipulo ay may ganyang mga kapintasan lamang, at labis na kababaang-loob, labis na tiwala, labis na pagmamahal, katulad na mayroon si Pedro, o! Kailangan Kong iproklama ang Aking Sarili na Guro ng isang pulutong ng mga santo!...»

«At kung gayon ibig Ninyong sabihin sa akin na si Pedro ay banal at ako ay hindi. Totoo iyan. Ako ay hindi isang santo. Palayasin ako, kung gayon...»

«Hindi ka mapagpakumbaba, Judas. Ang pagmamalaki ay sinisira ka. At hindi mo pa Ako nakikilala...» pagtatapos ni Jesus nang napakalungkot.

Nadama ni Judas ang Kanyang paghihirap at bumulong: «Patawarin Ninyo ako, Guro!...»

«Lagi. Ngunit maging mabuti, anak! Maging mabuti! Bakit gusto mong saktan ang iyong sarili?»

Mga luha ay bumukal sa mga mata ni Judas, kung ito ay totoo o hindi, hindi ko alam, at siya ay ibig na manilungan sa mga bisig ni Jesus, lumuluha sa ibabaw ng Kanyang balikat.

At si Jesus ay hinahaplos ang kanyang buhok bumubulong: «Kaawa-awang Judas, na naghahanap sa ibang lugar, kung saan wala siyang makita, ng kanyang kapayapaan at ng sinuman na makauunawa sa kanya...»

«Oo. Totoo iyan. Tama Kayo, Guro. Ang kapayapaan ay naririto... Sa loob ng Inyong yakap... Ako ay isang sawing-palad... Kayo lamang ang tanging nakauunawa at nakapagmamahal sa akin... Kayo lamang... Ako ang tanga... Patawarin Ninyo ako, Guro.»

«Oo, maging mabuti, maging mapagpakumbaba. Kung ikaw ay bumagsak, pumunta sa Akin at ibabangon kita. Kung ikaw ay tinutukso, tumakbo sa Akin. Ipagtatanggol kita, sa iyong sarili, sa mga napopoot sa iyo, sa lahat... Ngunit tumayo. Ang iba ay dumarating na...»

«Isang halik, Guro... Isang halik...»

At si Jesus ay hinahalikan siya... At si Judas ay inaayos ang sarili... Ngunit sa pansamantala hindi pa niya naikukumpisal kailanman ang kanyang mga pagkakamali, ito ay sa palagay ko man lamang...»

«Nahuli kami nang kaunti sapagkat si Johanna ay gising na at ang nagbabantay sa pinto ay gustong sabihan si Johanna. Siya ay pupunta ngayong araw, upang magbigay ng paggalang sa Inyo, sa bahay ni Jose» sabi ni Tadeo.

«Sa bahay ni Jose? Kung makukuha natin ang lahat ng ulan na pinapangako ng Langit, ang mga kalsadang iyon ay magiging katulad ng mga kumunoy. Si Johanna ay tiyak na hindi pupunta sa dampang iyon at sa mga kalyeng iyon. Mas mabuti pang pumunta tayo sa kanyang bahay...» sabi ni Judas na nakatitiyak nang muli ulit sa kanyang sarili.

Si Jesus ay hindi tumutugon sa kanya, bagkus tumutugon Siya sa Kanyang pinsan nagtatanong: «May naghahanap ba sa atin na kahit sino sa mga kaibigan natin sa bahay ni Johanna?»

«Hindi, wala pa.»

«Sige. Pumunta tayo sa bahay ni Jose. Ang iba pa ay susundan tayo...»

«Kung natitiyak ko lamang na ang aming mga ina ay papunta na rito, lalakad ako at sasalubungin ko sila...» sabi ni Judas ni Alfeo.

«Magiging maganda iyan. Ngunit maraming daan mula sa Tiberias. At baka hindi nila kinuha ang pinakadaan...»

«Totoo iyan, Jesus... Tayo na...»

Umalis sila nang mabilis, habang ginuguhitan ng unang kulog at kidlat ang namimigat na kalangitan, humuhugong sa mga bangin ng mga burol na ganap na nakapaligid sa lawa. Pinasok nila ang abang bahay ni Jose, na sa loob ng mabagyong atmospera ay nagmumukhang mas mahirap at madilim. May isang bagay lamang na maningning, ang mukha ng disipulo, at ng kanyang mga kamag-anak, na masayang-masaya na makasama ang Guro sa kanilang bahay.

«Ngunit Kayo ay di-masuwerte, Panginoon» humihingi ng paumanhin ang màmamangka. «Hindi ako makapangisda sa lawa nang ganito at wala man lamang ako ng kahit ano... bagkus mga gulay...»

«At ang iyong may-kabaitan na puso. Ngunit Ako ay naghanda. Ang ating mga kasamahan ay darating na ngayon dala kung ano ang kakailanganin. Huwag mong pagurin ang iyong sarili, babae... Makakaupo din kami sa sahig. Napakalinis nito. Ikaw ay isang magaling na babae, alam Ko. At ang kalinisan na nakikita Ko rito ay pinatutunayan ito.

«O! ang aking asawa! Siya ay totoong isang malakas na babae! Aking, o bagkus, aming lugod» proklama ng màmamangka, na nagkaroon ng lubos na kasiyahan sa pagpuri ng Panginoon, Na naupo na nang mapayapa sa mas mababang gilid ng paapuyan kung saan walang apoy na pinadikit, halos nasa sahig, hawak sa pagitan ng Kanyang mga tuhod ang isang maliit na batang lalaki, na tumitingin sa Kanya nang punung-puno ng pagtataka,

Ang mga umalis kanina upang mamili ay dumating sa sandali ng unang pagbuhos ng ulan at pinapagpag nila ang kanilang mga manta at mga sandalyas sa pamasukan, upang hindi nila madala ang tubig at putik sa loob ng bahay. Ito ay tila ang katapusan ng mundo dahil sa kulog, kidlat, ulan at hangin. Ang pag-atungal ng lawa ay tila isang akompanyamyento sa solo ng mga kidlat at kulog at ng hagulhol ng hangin.

«Mabuting kalusugan! Ang tag-init ay binabasa ang mga balahibo nito at pinaliliguan ang paapuyan... Magiging mabuti ang ating pakiramdam pagkatapos... Maliban na hindi nito sinisira ang mga baging... Maaari ba akong pumunta sa itaas upang makita ang lawa? Ibig kong makita kung ano ang lagay-ng-kalooban nito...»

«Lakad. Ang bahay ay sa iyo» tugon ng disipulo kay Pedro.

At si Pedro, nakasuot lamang ng kanyang tunika, ay lumakad nang masaya upang kalugdan ang bagyo. Inakyat niya ang hagdanan sa labas at nananatili sa terasa upang palamigan ang kanyang sarili at upang mabigyan niya ng impormasyon ang mga nasa loob ng bahay, na tila siya ay nasa ibabaw ng kanyang bangka nagbibigay ng mga utos para sa mga manyobra.

Ang iba ay mga nakaupo sa kusina, kung saan halos hindi sila makakita, sapagkat kinailangan nilang panatilihin na medyo nakasara ang pinto dahil sa ulan, at tanging isang manipis na piraso lamang ng medyo berdeng liwanag ang nakakapasok sa pamamagitan ng puwang, nagagambala ng maikling nakasisilaw na mga kislap ng kidlat...

Si Pedro ay pumasok ulit, basang-basa na tila siya ay nahulog sa lawa at sinabi niya: «Ito ay nasa itaas na natin. Palayo na ito patungong Samaria. Paliliguan nito ang lahat doon...»

«Napaliguan ka na nito! Ikaw ay tumutulo katulad ng isang pontanya» wika ni Tomas.

«Oo. Ngunit magandang-maganda ang pakiramdam ko pagkaraan ng labis na init.»

«Halika sa loob. Walang magandang mangyayari sa iyo nakatayo sa pintuan basang katulad mo» payo ni Bartolomeo.

«Hindi. Katulad ko ang isang tumigas na na kahoy... Hindi pa ako makapagsalita nang mabuti ng “itay”, nang ako ay nagsimulang mamalagi sa basang lugar. Ah! Gaano nakakahinga nang mabuti ang isa!... Ang kalsada, subalit, ay katulad... ng isang ilog... Kailangan na makita ninyo ang lawa! Ito ay lahat ang kulay ng bahaghari at kumulo ito katulad ng isang kaldero. Ni hindi mo makita kung saan patungo ang mga  alon. Kumukulo sila sa kinalalagyan nila mismo... Ngunit ito ay kinakailangan...»

«Oo, kailangan natin ang ulan. Ang mga pader ay hindi na lumalamig, darang-na-darang sila sa init ng araw. Ang mga dahon ng aking mga baging ay lukot at maalikabok... Tinutubigan ko ang mga ugat... ngunit... Ano ang magagawa ng kaunting tubig kung ang lahat na ibang mga bagay ay katulad ng apoy?» sabi ni Jose.

«Mas nakakasamâ pa iyan, aking kaibigan» wika ni Bartolomeo.

«Ang mga tanim ay nangangailangan ng tubig mula sa langit, sapagkat iniinom din ito ng kanilang mga dahon, eh?! Tila hindi ito ganito, ngunit totoo iyan. Mga ugat, mga ugat! Bueno. Ngunit ang mga ugat ay naririyan din, para sa kung anong dahilan at may karapatan din sila...»

«Guro, sa palagay ba Ninyo si Bartolomeo ay hindi iminumungkahi ang paksa para sa isang magandang parabula?» tanong ng Zealot inuudyukan si Jesus na magsalita.

Ngunit si Jesus, Na pinakakalma ang maliit na bata na natakot sa kulog, ay hindi ikinukuwento ang parabula, gayunman, sumasang-ayon Siya nagsasabing: «At papaano mo ito imumungkahi?»

«Tiyak na hindi maganda, Guro. Ako ay hindi Kayo...»

«Ikuwento ninyo ito nang pinakamaganda na magagawa ninyo. Ito ay magiging malaking tulong sa inyo na magturo sa pamamagitan ng mga parabula. Masanay na kayo sa paggawa nang ganito. Ako ay nakikinig, Simon...»

«O!... Kayo ang Guro, ako... isang tanga... Ngunit ako ay susunod. Sasabihin ko: ‘Ang isang tao ay may isang magandang baging. Ngunit sa dahilan na siya ay walang pag-aari ng isang ubasan, itinanim niya ang baging sa loob ng isang maliit na pangkusinang-hardin malapit sa kanyang bahay, upang ito ay sana umakyat sa terasa upang makapagbigay ng lilim at mga ubas, at inalagaan niya nang mabuti ang kanyang baging. Ngunit ito ay lumalaki sa pagitan ng mga bahay, malapit sa kalsada, kung kaya't ang usok ng mga kusina at ng mga pugon at ang alikabok ng kalsada ay nagsimulang mapahirapan ito. At habang ang ulan ay bumababa pa mula sa langit sa buwan ng Nisan, ang mga dahon ng baging ay nalilinisan ng mga dumi at kinalulugdan ang sikat ng araw at ang hangin nang walang kahit na anong pangit na balakbak ng dumi sa ibabaw na pumipigil dito. Ngunit nang ang tag-init ay dumating at wala nang tubig na bumababa mula sa langit, ang usok, alikabok, mga ipot ng ibon ay naging makakapal na pang-ibabaw sa mga dahon, habang ang araw, na napakalakas, ay tinutuyo sila. Ang may-ari ng baging ay tinutubigan ang mga ugat na malalim ang pagkakalibing sa lupa, at sa gayon ang tanim ay hindi namatay, bagkus ito ay nabuhay nang may-kahirapan, sapagkat ang tubig na nasisipsip ng ugat ay nasusustentuhan lamang ang gitnang bahagi, at ang kaawa-awang mga dahon ay hindi man laman natikman ang kahit ano nito. Sa kabaligtaran, ang singaw ng pangangasim ay tumataas mula sa mainit-na-mainit na lupa, binabasa nito nang kaunti at sinisira ang mga dahon na nagkakaroon ng mga batik-batik na nakakatulad ang nakapipinsalang mga butlig. Ngunit sa wakas isang nagpapabahang ulan ang dumating mula sa langit at ang tubig ay bumaba sa mga dahon, tumakbo sa mga sanga, sa púno, sa mga ubas, naapula nito ang matinding init na mga pader at ng lupa, at pagkatapos ng bagyo, nakita ng may-ari na baging ay malinis, luntian, nalulugod at nagbibigay ng lugod sa ilalim ng maaliwalas na kalangitan”. Iyan ang parabula.»

«Maganda. Ngunit papaano ang pagkakumpara sa tao?...»

«Guro, gawin Ninyo ito Mismo.»

«Hindi. Kailangan na gawin mo ito. Tayo ay nasa gitna ng mga kapatid, kung kaya't hindi ka kailangan na matakot na sumamâ ang iyong pigura.

«Hindi ako natatakot ng masamang pigura, na tila ito ay isang malalang bagay. Sa kabaligtaran gusto ko iyan, sapagkat matutulungan ako niyan na maging mapagpakumbaba. Ngunit ayaw kong makapagsalita ng kahit anong mali...»

«Itatama kita.»

«O! kung gayon sasabihin ko: “Ganyan din ito sa tao na hindi namumuhay nang nakahiwalay sa hardin ng Diyos, bagkus namumuhay sa gitna ng alikabok at usok ng makamundong mga bagay. Ang mga ito, sa katunayan, ay unti-unti binabalot siya, halos nang hindi niya nalalaman, at natagpuan niya na ang kanyang espiritu ay naesterilisa sa ilalim ng gayong kakapal na pang-ibabaw ng pagkatao, na ang ihip ng Diyos at ang sinag ng Karunungan ay walang magawa sa kanya. At walang mangyari sa kanyang pagsusumikap na mapunuan ito sa pamamagitan ng kaunting tubig na nakukuha sa mga pagsasabuhay, at nabibigyan ng labis na pagkatao ang mas imperyor na bahagi, na ang mas superyor na bahagi ay walang mapakinabangan sa kahit ano nito… Kapahamakan sa tao na hindi nililinis ang kanyang sarili sa pamamagitan ng tubig na mula sa Langit, dahil nililinis nito ang mga dumi, inaapula nito ang init ng masisimbuyong damdamin, at nagbibigay ito ng totoong pagkain sa kanyang buong kaakuhan”. Nakapagsalita na ako.»

«Nakapagsalita ka nang maayos. Sasabihin Ko rin na, di-katulad ng mga tanim, na walang malayang kalooban at nakapirmi sa lupa, at dahil dito sila ay hindi malaya na makaalis at makahanap ng kung ano ang makakatulong sa kanila at maiwasan kung ano ang makasásama sa kanila, ang tao ay makaaalis at makapaghahanap ng tubig ng Langit at makaiiwas sa alikabok, sa usok at sa init ng laman, ng mundo at ng dimonyo. Ang leksiyon ay kung gayon magiging mas kumpleto.»

«Salamat sa Inyo, Guro. Tatandaan ko iyan» tugon ng Zealot.

«Hindi tayo namumuhay nang nag-iisa... Namumuhay tayo sa mundo... Kung gayon...» sabi ni Judas ng Kerioth.

«Kung gayon ano? Ang ibig mo bang sabihin si Simon ay nakapagsalita nang may-katangahan?» tanong ni Judas ni Alfeo.

«Hindi iyan ang ibig kong sabihin. Ang sinasabi ko na dahil hindi tayo makapamumuhay nang nag-iisa... tayo ay maaaring mabálot ng mga bagay ng mundo.»

«Ang Guro at si Simon ay sinasabi lamang na kailangan natin na hanapin ang tubig ng Langit upang mapanatili ang ating mga sarili na malinis sa kabila na ang mundo ay nasa kapaligiran natin» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«Sigurado! Ngunit ang tubig ba ng Langit ay laging naririyan upang makalinis sa atin?»

«Siyempre laging naririyan iyan» tugon ni Juan nakatitiyak sa sarili.

«Lagi ba? At saan mo ito makikita?»

«Sa pagmamahal.»

«Ang pagmamahal ay apoy. Susunugin ka nito nang lalo.»

«Oo, totoo iyan. Ngunit ito ay tubig din na nakapaglilinis. Sapagkat inaalis nito ang lahat na pag-aari ng Lupa at binibigay nito ang lahat na bagay na nanggagaling sa Langit.»

«... Hindi ko maintindihan ang mga operasyon na ito. Ito ay nag-aalis, ito ay nagbibigay...»

«Hindi. Hindi ako baliw. Sinasabi ko na inaalis nito kung ano ang pagkatao at binibigay nito sa iyo kung ano ang nanggagaling sa Diyos at kung gayon ito ay dibino. At ang isang dibinong bagay ay bagkus nagpapakain at nagpapabanal. Sa araw-araw nililinisan ka ng pagmamahal ng kung ano ang ibinigay sa iyo ng mundo.»

Tutugon na sana si Judas, ngunit ang maliit na bata na nasa lapi ni Jesus ay nagsabi: «Isa pang parabula, isang magandang parabula... para sa akin...» na siyang nágtapos sa argumento.

«Tungkol saan, anak?» tanong ni Jesus nang nanunúyo.

Ang  maliit na bata ay tumingin sa paligid at natagpuan ito. Tinuturo niya ang kanyang ina at nagsabi: «Tungkol sa mga ina.»

«Ang isang ina ay para sa kaluluwa at sa katawan kung ano ang Diyos para sa kanila. Ano ba ang ginagawa ng isang ina para sa iyo? Tinitingnan ka niya, inaalagaan ka niya, tinuturuan ka niya, minamahal ka niya, binabantayan ka niya na hindi mo masasaktan ang iyong sarili, lagi ka niyang pinananatiling nasa ilalim ng kanyang mga pakpak ng kanyang pagmamahal, katulad ng ginagawa ng isang kalapati sa kanyang maliliit. At ang isang ina ay kailangan na sinusunod at minamahal, sapagkat ang lahat ng kanyang ginagawa ay para sa ating kabutihan. Ang mabuting Diyos din, at mas perpekto pa kaysa sa pinakaperpektong mga ina, ay pinananatili ang Kanyang mga anak sa ilalim ng mga pakpak ng Kanyang pagmamahal, pinoprotektahan Niya sila, tinuturuan Niya sila, tinutulungan Niya sila at iniisip Niya sila araw at gabi. Ngunit ang mabuting Diyos din, katulad-na-katulad, mas mahigit pa nga sa kaysa sa isang ina – sapagkat ang isang ina ay ang pinakadakilang pagmamahal sa ibabaw ng Lupa, ngunit ang Diyos ang pinakadakila at eternal na pagmamahal sa ibabaw ng Lupa at sa Langit – ay kailangan na sundin at mahalin, sapagkat ang lahat ng Kanyang ginagawa, ay ginagawa Niya para sa ating kabutihan.

«Pati rin mga kidlat at kulog?» pagputol ng bata na natatakot sa mga ito.

«Oo.»

«Bakit?»

«Sapagkat nililinis nito ang kalangitan at ang ere at...»

«At pagkatapos lalabas ang bahaghari!...» bulalas ni Pedro, na medyo nasa labas ng bahay, ay nakinig at nanahimik. At dagdag pa niya: «Halika, maliit na kalapati, at ipakikita ko ito sa iyo. Tingnan kung gaano kaganda!...»

Sa katunayan ang panahon ay gumaganda, dahil nakaraan na ang bagyo, at ang isang malaking bahaghari, mula sa mga dalampasigan ng Hippo, ay iniuunat ang arko nito sa lawa, nawawala sa kabila ng mga bundok sa likuran ng Magdala.

Lahat sila ay pumunta sa pintuan, ngunit upang makita ang lawa, kailangan na alisin nila ang kanilang mga sandalyas, sapagkat ang bakuran ay isang maliit na sanaw ng manilaw-nilaw na tubig, na unti-unti nang nawawala. At tanging alaala ng bagyo ay ang lawa, na naging manilaw-nilaw, habang ang mga alon  nito ay nagsisimula nang kumalma. Ngunit ang kalangitan ay maliwanag at ang hangin ay sariwa. Ang mga kulay ng mga dahon ay naging matingkad.

At si Tomas ay naging abala muli... At sa daan puno pa rin ng tubig at putik, ay mayá-mayá lamang nakita nila si Johanna dumarating kasama si Jonathan. Siya ay tumingala upang batiin ang Guro, Na nasa terasa, kung saan siya ay umakyat nang mabilis upang magpatirapa, puno ng kaligayahan... Ang mga apostol ay nag-uusap-usap, maliban kay Judas, na, nasa kalahatian ng distansiya mula sa kinalalagyan ni Jesus at ni Johanna sa isang tabi at ng mga apostol sa kabila, ay wala sa sariling pag-iisip, nag-iisip. Ipupusta ko na pinakikinggan niya ang lahat na mga salita ni Johanna, na ang saloobin kay Judas ay hindi malaman, dahil binati niya ang lahat na mga apostol, nagsasabi lamang: «Kapayapaan sa inyo.» Ngunit si Johanna ay nagsasalita lamang sa mga bata at tungkol sa kapahintulutan na nakuha niya mula sa kanyang asawa na makapunta sa Capernaum sa pamamagitan ng bangka habang ang Guro ay naroroon. At ang pagsuspetsa ni Judas ay naglaho at kanyang sinamahan ang kanyang mga kasamahan...

Lumitaw ang Kabanalbanalang Birheng Maria na ang mas mabababang bahagi ng Kanyang mga suot ay may tilamsik ng putik, ngunit tuyo sa iba pang mga bahagi, paparating kasama si Maria ni Alfeo at ang lima pang sumundo sa Kanya. Ang ngiti ni Maria habang inaakyat Niya ang maikling hagdanan ay mas maganda pa kaysa sa bahaghari na makikita pa sa kalangitan.

«Ang Inyong Ina, Guro!» pagbalita ni Tomas.

Si Jesus ay lumakad upang salubungin Siya, sinusundan ng lahat na iba pa. At kanilang binabati ang mga babae sa kanilang di pagkakaroon ng iba pang problema maliban sa kaunting putik sa gilid ng kanilang mga damit.

«Nang kaagad magsimulang umulan kami ay tumigil sa bahay ng isang hardinero ng pampalengkeng hardin» paliwanag ni Mateo. At siya ay nagtanong: «Matagal na ba kayong naghihintay para sa amin?»

«Hindi. Nakarating kami pagsikat ng araw.»

«Náhuli kami, dahil sa isang kaawa-awang sawing-palad...» sabi ni Andres.

«Bueno. Ngayon na naririto na tayong lahat at na ang panahon ay gumaganda na, sasabihin ko na tayo ay kailangan na makaalis na patungong Capernaum ngayong gabi» sabi ni Pedro.

Si Maria, Na laging mapagsang-ayon, ngayon ay tumututol: «Hindi, Simon, Hindi tayo makakaalis, kung hindi muna... Anak, ang isang ina ay nakiusap sa Akin na pakiusapan Ka – dahil Ikaw lamang ang makagagawa nito – na kombertihin ang kaluluwa ng kanyang nag-iisang anak. Nagsusumamo Ako sa Iyo, sapagkat nangako Ako... Patawarin Mo siya... Ang Iyong pagpapatawad...»

«Nagpatawad na Siya, Maria. Nakausap ko na ang Guro...» pagputol ni Judas iniisip na siya ang tinutukoy ni Maria.

«Hindi Ako nagsasalita ng tungkol sa iyo, Judas ni Simon. Tinutukoy Ko si Esther ni Levi, isang babae ng Nazareth, isang ina na napatay ng pag-asal ng kanyang anak. Jesus, siya ay namatay noong gabi nang umalis Ka. Ang kanyang mga panawagan sa Iyo ay hindi para sa kanyang sarili, isang kaawa-awang ina martir ng isang walang-paggalang na anak, bagkus para sa kanyang anak... sapagkat kaming mga ina ay maasikaso tungkol sa aming mga anak, hindi tungkol sa aming mga sarili... Gusto niya na ang kanyang Samuel ay máligtas... Ngunit ngayon na si Esther ay patay na, si Samuel, isang biktima ng pangungutya ng konsiyensya, ay tila baliw at hindi makinig sa katwiran... Ngunit Ikaw, Anak, ay mapagagaling Mo ang kanyang talino at espiritu...»

«Siya ba ay nagsisisi?»

«Papaano Mo siya maaasahan na maging ganyan kung siya ay desperado?»

«Sa katunayan ang makapatay ng isang ina sa pamimighati sa kanya nang walang-tigil, ay kailangan na magawa ang isa na maging desperado. Ang unang utos ng pagmamahal para sa ating kapwa ay hindi dapat na malabag nang walang kaparusahan. Inay, papaano Ninyo Ako maaasahan na patawarin at ang Diyos magbigay ng kapayapaan sa di-nagsisising pumatay-ng-isang-ina?»

«Anak, ang ina na iyon ay humihingi ng kapayapaan mula sa kabilang buhay... Siya ay mabuti noon... naghirap siya noon nang labis...»

«Magkakaroon siya ng kapayapaan...»

«Hindi, Jesus. Walang kapayapaan para sa espiritu ng isang ina, kung nakikita niya na ang kanyang anak ay pinagkaitan ng Diyos...»

«Makatarungan na siya ay pagkaitan.»

«Oo, Anak. Totoo. Ngunit alang-alang sa kaawa-awang Esther... Ang kanyang huling salita ay isang panalangin para sa kanyang anak... At hiningi niya sa Akin na sabihin sa Iyo... Jesus, sa loob ng kanyang pamumuhay siya ay hindi nagkaroon kailanman ng lugod, nalalaman Mo iyan. Ibigay sa kanya ang lugod na ito ngayon na siya ay patay na, ibigay ito sa kanyang espiritu na naghihirap dahil sa kanyang anak.»

«Inay, sinikap Kong kombertihin si Samuel noong tumigil Ako sa Nazareth. Ngunit nagsalita Ako sa kanya nang walang nangyari sapagkat ang pagmamahal ay nawala sa loob niya...»

«Alam Ko. Ngunit si Esther ay inialay ang kanyang pagpapatawad, ang kanyang mga paghihirap, na ang pagmamahal ay sana mabuhay muli sa loob ni Samuel. At, sino ang nakaaalam? Ang kasalukuyang paghihirap ni Samuel ay hindi kaya pagmamahal na nabubuhay na muli? Isang masakit na pagmamahal, at masasabi ng isa: isang walang-silbing pagmamahal, dahil hindi na ito kalulugdan ng kanyang ina. Ngunit Ikaw... ngunit Ako, nalalaman natin, Ako sa pamamagitan ng pananampalataya, Ikaw sa pamamagitan ng kaalaman, na ang karidad ng isang patay ay nagbabantay at nasa malapit. Hindi ito nawawalan ng interes, ni hindi nito pinababayaan ng pansin kung ano ang nangyayari sa minamahal na kanilang iniwan dito... At si Esther ay baka kalugdan pa ang naantalang pagmamahal para sa kanya na mayroon ang kanyang walang-utang-na-loob na anak, ngayon pinahihirapan ng konsiyensya. Aking Jesus, alam Ko, ang lalaking ito ay pinupuno Ka ng pagkasuklam dahil sa laki ng kanyang kasalanan. Isang anak na napopoot sa kanyang ina! Isang halimaw, para sa Iyo, Na punung-puno ng pagmamahal para sa Iyong Ina. Ngunit dahil lamang na punung-puno Ka ng pagmamahal para sa Akin, makinig sa Akin. Bumalik tayong magkasama sa Nazareth, kaagad. Ang daan ay hindi problema para sa Akin, walang kahit ano ang problema para sa Akin, kung makapagliligtas ito ng isang kaluluwa...»

«O sige. Nanalo Kayo, Inay... Judas ni Simon, isama mo si Jose at lumakad kayo patungong Nazareth. Dadalhin mo sa Akin si Samuel sa Capernaum.»

«Ako, bakit ako?»

«Sapagkat ikaw ay hindi pagod. Ang iba ay pagod. Naglakad sila nang gayon kalayo, habang ikaw ay nagpapahinga...»

«Ako ay naglakad din. Pumunta ako sa Nazareth hinahanap Kayo. Ang Inyong Ina ay masasabi sa Inyo.»

«Ang iyong mga kasamahan ay pumunta sa Nazareth tuwing Sabbath at sila ay kagagaling pa lamang mula sa isang mahabang paglalakbay. Lakad at huwag makipagtalo...»

«Ang katotohanan ay... hindi nila ako gusto sa Nazareth... Bakit ipadala ako?»

«Ni Ako ay hindi rin nila gusto, subalit pumupunta Ako sa Nazareth. Hindi kinakailangan na makatagpo ng pagmamahal upang pumunta sa isang lugar. Lakad at huwag makipagtalo. Sinasabi Ko sa iyong muli.»

«Guro... natatakot ako sa mga baliw...»

«Ang lalaki ay nasisiraan ng pangungutya ng konsiyensya, ngunit siya ay hindi baliw.»

«Ang Inyong Ina ay sinabi na siya ay isang baliw...»

«At sa ikatlong beses sinasabi Ko sa iyo: lakad at huwag makipagtalo. Wala itong magagawa sa iyo bagkus mabuti upang mapag-isipan ang mga konsekwensiya na makukuha sa pagpapahirap sa isang ina...»

«Kinukumpara ba Ninyo ako kay Samuel!? Ang aking ina ay ang reyna sa kanyang bahay. Ni hindi ako malapit sa kanya upang kontrolan siya o maging isang pabigat sa kanya sa pagpapanatili sa akin...»

«Ang mga bagay na iyan ay hindi pabigat sa mga ina. Bagkus ang pagkukulang ng pagmamahal ng kanilang mga anak, ang katunayan na sila ay di-perpekto sa mga mata ng Diyos at ng mga tao... ay ang mga bato na dumudurog sa kanila. Lakad, sinasabi Ko sa iyo.»

«Ako ay lalakad. Ngunit ano ang sasabihin ko sa lalaki?»

«Na pumunta sa Capernaum, sa Akin.»

«Kung hindi niya sinunod kailanman ang kanyang ina, umaasa ba Kayo na susunod siya sa akin, lalo na ngayon, na siya ay desperado?»

«At hindi mo pa ba naiintindihan na kung ikaw ay pinadadala Ko, ang ibig sabihin nito trinabaho Ko na ang espiritu ni Samuel, pinalalaya siya mula sa deliryo ng desperadong pangungutya ng konsiyensya?»

«Ako ay lalakad. Paalam, Guro. Paalam, Maria. Paalam, mga kaibigan.» At siya ay umalis, hindi kailanman masigasig, sinusundan ni Jose, na, sa kabaligtaran, ay kasayang-masaya sa pagiging napili para sa misyon na iyon.

Si Pedro ay umaawit ng isang malumanay na himig sa pagitan ng kanyang mga ngipin...

Si Jesus ay tinanong siya: «Ano ang sinasabi mo, Simon ni Jonah?»

«Inaawit ko ang isang lumang awit ng lawa...»

«Na ano?»

«Sinasabi nito: “Laging ganito! Ang mga magbubukid ay nagugustuhan ang pangingisda, ang mga mangingisda ay hindi!”. At dito, totoo, nakita natin na ang disipulo ay mas nananabik na mangisda kaysa ang apostol...»

Marami ang tumatawa. Ngunit si Jesus ay hindi tumatawa. Siya ay nagbubuntung-hininga.

«Napamighati ko ba Kayo, Guro?» tanong ni Pedro.

«Hindi. Ngunit huwag mamintas lagi.»

«Ang aking Pinsan ay namighati dahil kay Judas» sabi ni Judas ni Alfeo.

«Maaari bang manahimik ka rin, at higit sa lahat mula sa ilalim ng iyong puso.»

«Ngunit si Samuel ba ay totoong tumanggap na ng isang himala?» tanong ni Tomas na mausyoso at medyo hindi makapaniwala.

«Oo, tumanggap na siya.»

«Kung gayon wala nang dahilan na pumunta pa siya sa Capernaum.»

«Ito ay kinakailangan. Hindi Ko pa napagaling nang ganap ang kanyang puso. Kailangan na gustuhin niya na gumaling, sa pamamagitan niya mismo, ibig sabihin, kailangan na humingi siya ng kapatawaran sa pamamagitan ng banal na pagsisisi. Ngunit ginawa Ko na siya ay makapangatwiran muli. Nasa sa kanya na na abutin niya ang iba pa sa pamamagitan ng kanyang malayang kalooban. Bumaba na tayo. Pupunta tayo sa pagitan ng mapagpakumbabang mga tao...»

«Hindi sa aking bahay, Guro?»

«Hindi, Johanna. Makapupunta ka sa Akin kailanman gustuhin mo ito. Sila ay nakatali sa kanilang gawain at pupuntahan Ko sila...»

At si Jesus ay bumaba sa terasa at pumunta sa kalsada sinusundan ng iba pa, ni Johanna rin, na pinauwi na si Jonathan, na determinado na hindi humiwalay kay Jesus, ngayon na si Jesus ay hindi na pupunta sa bahay ni Johanna.

Sila ay pumupunta sa dukhang maliliit na bahay, patungo sa mas mahihirap at mahihirap pang mga arabal... At ang bisyon ay nagtatapos nang gayon.

210411

 



Sunod na kabanata